445. Ang Pagtuturo sa Capernaum.

Hunyo 22, 1946.

Ngayon ay ang Sabbath. Sa palagay ko ito ay ganito, sapagkat nakikita ko ang mga tao na nag-ipun-ipon sa sinagoga. Ngunit maaaring nag-ipun-ipon sila doon upang maiwasan ang araw, o maging mas payapa sa loob ng bahay ni Jairus. At ang mga tao ay nagsisiksikan, maasikasong nakikinig, sa kabila na ang init na kahit ang mga pinabayaan na nakabukas na mga pintuan at mga bintana upang magkaroon ng hangin ay walang magawa. Ang mga hindi nakapasok sa sinagoga, upang hindi mabilad sa araw sa labas, ay nanilungan sa lilim ng hardin sa likuran ng sinagoga, sa hardin ni Jairus na mayaman sa makakapal na balag at madadahon na mga namumungang-punungkahoy. At si Jesus ay nagsasalita malapit sa pintuan na nagbubukas patungo sa hardin, upang Siya ay sana mapakinggan kapwa ng mga nakikinig na ito at ng mga nasa loob ng sinagoga. Si Jairus ay katabi Niya, nakikinig nang maasikaso. Ang mga apostol ay nasa isang grupo malapit sa pintuan na nagbubukas patungo sa hardin. Ang mga babaeng disipulo, na si Maria nasa gitna, ay mga nakaupo sa ilalim ng isang balag, na halos nakadikit sa bahay. Si Mirjiam ni Jairus at ang dalawang anak na babae ni Felipe ay nakaupo sa paanan ni Maria.

Mula sa mga salitang aking napapakinggan naiintindihan ko na nagkaroon ng isang insidente sa pagitan ng dating mga Pariseo at ni Jesus at na ang mga tao ay balisa dahil dito. Si Jesus sa katunayan ay pinakikiusapan sila na maging mapayapa at magpatawad, nagsasabing ang salita ng Diyos ay hindi mamumunga sa loob ng mga puso na balisa.

«Hindi namin Kayo matiis na iniinsulto» sigaw ng isang tao mula sa pulutong.

«Ipaubaya ito sa Aking Ama at inyo at gayahin Ako. Maging mapasyensiya, at magpatawad. Ang mga kaaway ay hindi nakukumbinsi sa pagsusukli ng insulto sa insulto.»

«Ni hindi rin sila nakukumbinsi ng patuloy na pagpapakumbaba. Pinababayaan Ninyo sila na yapakan Kayo» sigaw ng Iskariote.

«Aking apostol, huwag gumawa ng iskandalo sa pagbibigay ng isang halimbawa ng galit at pamumuna.»

«Ang Inyong apostol, gayunman, ay tama. Ang kanyang mga salita ay makatarungan.»

«Ang puso na nagbibigkas ng mga iyon ay hindi makatarungan, ni hindi ang puso na nakikinig sa mga iyon. Siya na ibig na maging Aking disipulo ay kailangan na gayahin Ako. Nagpapasensya Ako at nagpapatawad. Ako ay mapagpakumbaba, mababa-ang-loob at mapayapa. Ang mga anak ng galit ay hindi makapananatiling kasama Ko, sapagkat sila ay ang mga anak ng mga unang siglo at ng kanilang masimbuyong mga damdamin. Hindi ba ninyo naaalaala ang ikaapat na Aklat ng mga Hari? Sa isang pasahe ito ay nagsasabi na si Isaiah ay nagsalita laban kay Sennacherib na sa akala niya mapagtatangkaan niya ang lahat at hinulaan siya na walang makapagliligtas sa kanya sa kaparusahan ng Diyos. Ikinukumpara siya sa isang hayop, na sa mga butas ng ilong ay may isang singsing at may bokado sa mga labi upang mapigilan ang kabangisan nito. Alam ninyo kung papaano si Sennacherib namatay sa mga kamay ng kanyang sariling mga anak. Sa katunayan ang malulupit na tao ay namamatay sa pamamagitan ng kanilang sariling kalupitan. Hindi Ko gusto ang mapagmalaking mga tao. Hindi Ko gusto ang magagalitin, sakim, mahahalay na tao. Hindi Ko pinagtibay sa pamamagitan ng salita o ginawa bilang halimbawa para sa inyo ang ganyang mga bagay, sa kabaligtaran lagi Kong itinuro sa inyo ang mga birtud na siyang ang kabaligtaran ng masasamang masisimbuyong damdamin na ganyan. Gaano kaganda ang panalangin ng ating haring si David, nang, napabanal ng sinsirong pagsisisi para sa nakaraang mga kasalanan at sa pamamagitan ng maraming taon ng mabuting asal, pinuri niya ang Panginoon, mapagpakumbaba at may-pagtanggap sa dekreto na sa pamamagitan nito hindi siya pinahintulutan na maging ang tagapagtayo ng bagong Templo! Atin itong sabihin nang sabay-sabay, pinupuri ang Kataastaasang Panginoon...» At si Jesus ay sinasahimig ang panalangin ni David (1 Paralipomena 29, 10-19),  habang ang mga nakaupo ay tumayo at ang mga nakasandal sa pader ay kinuha ang isang aktitud ng paggalang lumalayo sa kanilang sinasandalan.

Pagkatapos, sa Kanyang kinasanayan na himig, si Jesus ay nagpapatuloy: «Kailangan na lagi ninyong tandaan na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, ang bawat proyekto, bawat tagumpay. Ang karingalan, kapangyarihan, kaluwalhatian at tagumpay ay pag-aari ng Panginoon. At Kanyang pinagkakaloob ang bagay na ito o iyon sa tao, kung sa akala Niya ito ang tamang panahon na ipagkaloob ito para sa isang mabuting pakay. Ngunit walang maipagkukunwari ang tao na kahit na ano. Ang Diyos ay hindi pinahintulutan si David na itayo ang Templo, bagama't siya ay pinatawad na, dahil nangangailangan pa siya ng pananagumpay sa kanyang sarili mismo, pagkatapos ng kanyang mga nakaraang pagkakamali: “Nakapagpadanak ka ng labis na dugo at napalaban ka sa napakaraming digmaan; hindi para sa iyo ang magtayo ng isang bahay para sa Aking Pangalan dahil nagpadanak ka ng labis na dugo sa Aking presensya. Ngunit ang isang anak ay ipapanganak sa iyo at siya ay magiging isang tao ng kapayapaan... siya kung gayon ay pangangalanang Mapayapa¹...magtatayo siya ng isang bahay para sa Aking Pangalan”. Iyan ang sinabi ng Kataastaasan sa Kanyang lingkod na si David. Ganyan din ang sinasabi Ko sa inyo. Payag ba kayo na dahil sa inyong galit hindi ninyo marapatin ang magtayo sa loob ng inyong mga puso ng bahay para sa inyong Panginoong Diyos? Talikdan, kung gayon, ang bawat damdamin na hindi pagmamahal. Magkaroon ng perpektong mga puso, katulad nang nananawagan si David para sa kanyang anak, ang tagapagtayo ng Templo, upang, sa pagsunod sa Aking mga utos at ginagawa ang lahat ayon sa itinuro Ko sa inyo, magtagumpay sana kayo sa pagtayo sa loob ng inyong mga puso ng luklukan ng inyong Diyos, habang naghihintay na makapunta kayo mismo sa Kanyang eternal na malugod na bahay. Bigyan mo Ako ng isang pergamino, Jairus. Ipaliliwanag Ko sa kanila kung ano ang gusto ng Diyos.»

Si Jairus ay pumunta kung saan nakatambak ang mga rolyo at kumuha siya ng isa nang hindi pinipili sa gitna ng tambak, at pagkatapos na pagpagan ito ng alikabok, iniabot niya ito kay Jesus, Na iniladlad ito at binasa: «”Jeremiah, kabanata 5. Maggala nang paparoo’t parito sa mga kalsada ng Herusalem, tingnan, pagmasdan, maghanap sa kanyang mga liwasan, kung makakakita ka ng isang tao na gumagawa ng tama at nagsisikap na maging tapat, at Ako ay magiging maawain sa kanya”.» (Ang Panginoon ay nagsabi sa akin: «Huwag mong ipagpatuloy. Babasahin Ko ang buong kabanata.»)

Si Jesus, pagkatapos na mabasa ang lahat, iniabot muli ang rolyo kay Jairus at nagsalita.

«Aking mga anak, Napakinggan ninyo kung anong nakatatakot na mga kaparusahan ang itinabi para sa Herusalem, para sa Israel, para sa di-pagiging makatarungan. Ngunit huwag magbunyi diyan. Siya ay ang ating Amangbayan. Huwag magbunyi iniisip: «Baka tayo ay wala na rito”. Siya laging punó ng inyong mga kapatid. Huwag sabihin: “Tama lang sa kanya, sapagkat siya ay malupit sa Panginoon”. Ang mga kamalasan ng Amangbayan , ang mga kapighatian ng kapwa mga kababayan ay kailangan na pamighatiin ang mga taong makatarungan. Huwag manukat katulad ng ginagawa ng ibang mga tao, bagkus katulad ng ginagawa ng Diyos, ibig sabihin, nang may habag. Ano kung gayon ang inyong gagawin tungkol sa Amangbayan na ito at sa mga kapwa kababayan na ito, kung sa Amangbayan at kapwa mga kababayan ang ibig sabihin ninyo ay ang dakilang Amangbayan at ang mga nakatira rito, ang buong Palestina, o ang maliit na bayan na ito, ibig-sabihin, ang Capernaum, ang inyong tirahan na bayan, kung ang ibig-sabihin ninyo ang lahat na mga Hebreo, o ang kakaunting ito, na mga palaban sa Akin, sa maliit na bayan na ito ng Galilee? Kailangan na gawin ninyo ang mga gawain ng pagmamahal. Pagsikapan na mailigtas ang Amangbayan at ang kapwa mga kababayan. Papaano? Baka sa pamamagitan ng karahasan? Sa pamamagitan ng panunuya? Hindi. Sa pamamagitan ng pagmamahal, sa pamamagitan ng matiyagang pagmamahal upang makumberti sila sa Diyos. Napakinggan pa lamang ninyo. “Kung makatagpo Ako ng isang tao na gumagawa ng tama, patatawarin Ko siya” Magpursige, kung gayon, upang ang mga puso ay mapunta sa katarungan at maging makatarungan. Sa katotohanan sa kanilang kawalan ng katarungan sinasabi nila tungkol sa Akin: “Ito ay hindi Siya”, at sila kung gayon ay naniniwala na sa pang-uusig sa Akin, walang masama ang mangyayari sa kanila. Tunay na sinasabi nila: “Ang ganyang mga bagay ay hindi kailanman mangyayari.  Ang mga propeta ay nagsalita nang walang pinipili”. At susubukan nila na gawin kayong magsalita katulad ng ginagawa nila. Kayong mga naririto, ay tapat. Ngunit nasaan ang Capernaum? Nasaan ang mga tao na noong ibang mga araw nakita Kong nagsisiksikan sa paligid Ko? Kung gayon ang lebadura, na umasim noong nakaraan na naririto Ako, ay nasira nito ang maraming puso? Nasaan si Alfeo? Nasaan si Joshua kasama ang kanyang tatlong anak? Nasaan si Haggai ni Malachi? Nasaan sina Jose at Naomi? Nasaan si Levi, si Abel, si Saul, si Zachariah? Nakalimutan na ba nila ang di-maipagkakailang tulong na tinanggap nila, sapagkat natabunan na ito ng mga huwad na salita? Ngunit ang mga salita ba ay makasisira ng mga pangyayari? Nakikita ninyo! ito ay isa lamang maliit na lugar. Sa lugar na ito, kung saan malaking bilang ng mga tao ang natulungan, ay napuksa ng mainggiting malisya ang pananampalataya sa Akin. Nakikita Ko na ang nagkaipun-ipon lamang dito ay ang mga perpekto sa pananampalataya. At makakaasa ba kayo na ang malalayong pangyayari, malalayong mga salita ay dapat na makapagpanatili sa Israel na maging tapat sa Diyos? Iyan ang dapat na maging kaso, sapagkat ang pananampalataya ay dapat maging ganyan din kahit walang suporta ng mga pangyayari. Ngunit hindi ito ganito. At habang mas malaki ang siyensiya, mas maliit ang pananampalataya, sapagkat ang mga taong may pinag-aralan ay iniisip na sila ay hindi kasali sa simpleng tunog ng pananampalataya, na naniniwala sa pamamagitan ng lakas ng pagmamahal at hindi sa pamamagitan ng tulong ng siyensiya. Ang pagmamahal ang kailangan na inyong maiabot sa posteridad at paapuyin. At upang magawa ito kayo ay kailangan na umaapoy. Kailangan na kayo ay kumbinsido, makabayaning kumbinsido, upang makapagkumbinsi. Sa lugar ng masasamang asal, sa pagtugon sa mga insulto, kailangan na mayroon kayong kababaang-loob at pagmamahal. At kasama ito kailangan ninyong lumakad at paalalahanan ng tungkol sa mga salita ng Panginoon ang mga taong hindi na nito nakakaalaala: “Kailangan na katakutan natin ang Panginoon Na siyang nagbibigay sa atin ng maagang ulan at ulan pagkatapos ng mga panahon”.»

«Hindi nila kami maiintindihan! Sa kabaligtaran sasaktan nila kami magsasabing kami ay mapaglapastangan nagtuturo nang walang karapatan na gawin ito. Alam Ninyo kung ano ang mga eskriba at mga Pariseo!...»

«Oo. Alam Ko. Ngunit kahit na kung hindi Ko nalalaman, malalaman Ko na ngayon. Ngunit hindi na bale kung ano sila. Ang mahalaga ay kung ano tayo. Kung sila at ang mga pari ay pinapalakpakan ang huwad na mga propeta na nanghuhula ng kung ano ang makapagbibigay sa kanila ng ilang kita, kinakalimutan na ang mga kamay na iyon ay kailangan lamang ipalakpak sa mabubuting gawa na inuutos ng Dekalogo, walang rason na ang Aking tapat na mga naniniwala ay gayahin sila o mawalan ng pag-asa at tumayo na lamang na nakatingin na tila sila ay natalo. Kailangan na magtrabaho kayo nang kasing hirap ng pagtatrabaho ng Kasamaan...»

«Kami ay hindi Kasamaan» sigaw mula sa pamasukan, sa kalsada, ng paos na tinig ni Eli ang Pariseo, na nagsisikap na makapasok sumisigaw lagi: «Hindi kami ang Masasama, manunulsol.»

«Mamâ, ikaw ang nang-iistorbo, lumayas ka!» sabi kaagad ng isang senturyon na maaaring matagal nang nagmamasid, dahil ang kanyang pakikialam ay napakabilis.

«Ikaw, isang pagano, nangangahas kang pangaralan ako...»

«Ako, isang Romano, ay nangangaral. Lumabas ka! Ang Rabbi ay hindi kayo iniistorbo, ngunit iniistorbo ninyo Siya. Hindi ninyo...»

«Kami ang mga Rabbi, hindi ang Galilean na karpintero» sigaw ng matanda, na mas nakakatulad ang isang babaeng taga-kariton kaysa isang panginoon.

«Tumaas man o bumaba sa hanay... Marami kayo nito, at lahat sila masasamang tagapagturo. Naririto ang natatanging isang mabirtud. Inuutos ko sa iyo ngayon na lumabas.»

«Mabirtud, eh?! Mabirtud ang tao na nagbabayad sa Roma para sa Kanyang kaligtasan! Mapaglapastangan! Di-malinis!«

Ang senturyon ay sumigaw at ang mabibigat na hakbang ng mga sundalo ay humalo sa matitiling insulto ni Eli. «Kunin ang taong iyon at itapon siya sa labas!» utos ng senturyon.

«Ako? Mga paganong kamay humahawak sa akin? Ang mga paa ng mga pagano sa loob ng isa ng aming mga sinagoga! Anathema! Tulong! Dinudumihan nila ako!...»

«Nakikiusap Ako sa inyo, mga sundalo. Pakawalan siya! Huwag pumasok. Pakiusap na igalang ang lugar na ito at ang kanyang matandang edad» sabi ni Jesus mula sa Kanyang kinalalagyan.

«Ayon sa ibig Ninyo, Rabbi.»

«Ha! Ha! Intrigador! Ngunit ang Sanhedrin ay makaaalam. Nasa akin na ang katibayan! Ngayon pinaniniwalaan ko na ang mga salita na sinabi sa amin. Nasa akin na ang katibayan. Anathema sa Iyo!»

«At ang aking espada sa katawan mo kung magsasalita ka ng isa pa. Ipinagtatanggol ng Roma kung ano ang tama. Hindi siya nang-iintriga, ikaw na matandang ayena,  sa sinuman. Ang Sanhedrin ay pasasabihan tungkol sa iyong mga kasinungalingan. Ang Prokonsul ay magkakaroon ng aking ulat. Isusulat ko ito kaagad. Umuwi ka at manatili doon ayon sa pagsasaayos ng Roma» at ang senturyon ay gumawa ng isang perpektong pagtalikod at umalis sinusundan ng apat na sundalo, iniiwan si Eli na nagugulat at nanginginig nang natatakot...

Si Jesus ay nagpapatuloy sa Kanyang pagsasalita na tila walang nanggambala sa Kanya: «Kailangan na magtrabaho kayo nang kasing hirap ng pagtatrabaho ng Kasamaan, upang maitayo sa loob ninyo at sa paligid ninyo ang bahay ng Panginoon, katulad ng Aking sinasabi sa simula. Kailangan na kumilos kayo na may dakilang kabanalan upang ang Diyos ay sana bumaba muli sa mga puso at sa ating minamahal na Amangbayan na naparusahan na nang labis at hindi nagmamalay kung anong mga ulap ng kamalasan ang naiipon para sa kanya mula sa hilaga, sa malakas na bansa na naghahari na sa atin at maghahari nang labis at labis pa, sapagkat ang mga gawa ng mga mamamayan nito ay gayon na masuklam ang Kataastaasang Panginoon at magising ang malakas na naghahari. At gawa ng galit ng Diyos at ng naghahari, umaasa kaya kayo na magkakaroon ng kapayapaan at kagalingan? Maging mabuti, mga anak ng Diyos. Magsumikap na magkaroon ng hindi isa, bagkus mga daan-daan na mabubuting tao sa Israel, upang maitaboy ang nakakatakot na mga kaparusahan ng Langit. Sinabi Ko sa inyo sa simula na kung saan walang kapayapaan, hindi maaaring magkaroon ng salita ng Diyos, na kung pakikinggan ng mapayapa ay baka magkabunga sa mga puso. At nalalaman ninyo na ang pagpupulong na ito ay hindi mapayapa o mabunga. May labis na kabalisahan sa mga puso... Humayo. Magkakaroon pa tayo ng mga ilang oras na magkasama-sama. At magdasal, katulad ng ginagawa Ko, na ang mga nanggambala sa atin, ay sana itama nila ang kanilang mga pamamaraan... Tayo na, Inay» at sumisiksik sa pulutong, lumabas Siya patungo sa kalsada.

Si Eli ay naroroon pa rin at, kasing puti ng kamatayan, itinapon niya ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus. «Maawa! Niligtas Ninyo ang aking apo minsan. Iligtas ako, na sana magkaroon ako ng panahon na maitama ang aking mga pamamaraan. Ako ay nagkasala! Kinukumpisal ko ito. Ngunit Kayo ay mabuti. Ang Roma... O! Ano ang gagawin ng Roma sa akin?»

«Aalisin niya sa iyo ang alikabok ng tag-init nang may magandang palô» sigaw ng isang tao, at ang mga tao ay tumatawa habang si Eli ay umuungol nang matindi na tila nararamdaman na niya ang hagupit, at siya ay umuungol: «Ako ay matanda na... nananakit ang buong katawan... Naku!»

«Ang gamot ay makabubuti sa iyo, matandang tikbalang!»

«Pababalikin ka sa pagkabata at makakasayaw tayo!»

«Katahimikan!» utos ni Jesus sa mga nangungutya. At sinabi Niya sa Pariseo: «Tumayo. Maging marangal. Nalalaman mo na Ako ay hindi nakikipagsabwatan sa Roma. Kung gayon, ano ang gusto mong gawin Ko sa iyo?»

«Totoo iyan. Oo. Totoo iyan. Hindi Kayo nakikipagsabwatan. Hindi, bagkus, kinamumuhian Ninyo ang mga Romano. Kinapopootan Ninyo sila.

«Wala ng katulad niyan. Huwag magsinungaling sa pagpupuri sa Akin, katulad ng pagsinungaling mo kanina sa pag-aakusa sa Akin. At mas mabuting malaman mo na hindi ito pagpuri sa Akin na sabihin na kinapopootan Ko ang isang ito o iyon, o sinusumpa Ko ito o iyon. Ako ang Tagapagligtas ng bawat kaluluwa, at sa Aking mga mata ay walang mga lahi o mga mukha, bagkus mga kaluluwa lamang.»

«Totoo iyan! Totoong-totoo!  Ngunit Kayo ay makatarungan at alam ng Roma at iyan kung bakit pinagtatanggol Kayo niya. Pinananatili Ninyong kalmante ang mga pulutong, tinuturuan Ninyo sila na igalang ang mga batas at...»

«Iyan kaya ay isang diperensiya sa iyong mga mata?»

«O! hindi! Iyan ay katarungan! Alam Ninyong gawin kung ano ang dapat naming lahat na gawin, sapagkat Kayo ay makatarungan, sapagkat...»

Ang mga pulutong ay nanunuya at bumubulung-bulong. Ilang mga bansag, katulad ng «sinungaling! Duwag! Ngayong umaga pa lamang iba ang kanyang sinabi!» at iba pang katulad nito ang maririnig, bagama't binibigkas sa mabababang tinig.

«Bueno? Ano ang Aking gagawin?»

«Lakad! Pumunta sa senturyon. Bilis! Bago umalis ang mensahero. Kita Ninyo? Hinahanda na nila ang mga kabayo! O! Maawa!»

Si Jesus ay tinitingnan siya: maliit, nanginginig, maputla na may takot, miserable... at pinag-aaralan siya... nang nahahabag. Tanging apat na mga mata lamang at nakatingin sa kanya nang naaawa: ang kay Jesus at ang sa Kanyang Ina. Ang iba pang mga mata ay kung hindi ito mapanuya, ito ay mahigpit, o balisa... Kahit na ang mga mata nina Juan at Andres ay mahigpit na may kahigpitan ng pagmamaliit.

«Ako ay may awa. Ngunit hindi Ako pupunta sa senturyon...»

«Siya ay Inyong kaibigan...»

«Hindi.»

«Siya ay mapagpasalamat sa Inyo, ang ibig kong sabihin... sapagkat pinagaling Ninyo ang kanyang katulong.»

«Pinagaling Ko rin ang iyong apo. At ikaw ay hindi mapagpasalamat sa Akin, bagama't ikaw ay isang Israelita katulad Ko. Ang may-kabaitan na tulong ay hindi nakalilikha ng obligasyon.»

«Oo. Nakalilikha ito. Kapahamakan sa mga tao na hindi mapagpasalamat sa...» Nabatid ni Eli na kanyang pinahahamak ang kanyang sarili at naging tahimik, nauutal. Ang mga pulutong ay tinutuya siya.

«Bilis, Rabbi. Dakilang Rabbi! Banal na Rabbi! Binibigay na niya ang mga utos, kita Ninyo?! Paalis na sila! Gusto Ninyo akong pagtawanan! Gusto Ninyo akong patay!»

«Hindi. Hindi Ko siya paaalalahanan tungkol sa isang pabor. Lakad at sabihin sa kanya: “Ang Guro ay sinasabi sa iyo na maging maawain”. Lakad!»

Si Eli ay tumakbong umalis at si Jesus ay lumakad patungo sa salungat na direksiyon pagawi sa Kanyang bahay.

Ang senturyon ay maaaring pumayag, sapagkat nakikita ko ang mga sundalo, na mga nakasakay na sa kanilang siyá, na bumababa at binabalik ang isang waks na tabla sa senturyon at pagkatapos inaalis ang mga kabayo.

«Nakakaawa! Naging mabuti sana iyon sa kanya!» bulalas ni Pedro, at si Mateo ay tumugon sa kanya: «Oo. Pinabayaan sana siya ng Guro na maparusahan! Isang dagok sa bawat insulto sa atin. Mapootin na matanda!»

«At kung gayon makapagsisimula na naman siya ulit!» bulalas ni Tomas.

Si Jesus ay tumalikod nang mahigpit: «Ako ba ay may mga tagasunod, o mga dimonyo ang mayroon Ako? Lumayas kayo, kayong may mga puso na walang-awa! Ang inyong presensya ay hindi maganda sa Akin.»

Ang tatlo ay nananatili sa kanilang kinaroroonan, nanigas gawa ng paninita.

«Anak! Ikaw ay namimighati na nang labis! At Ako ay nasa ganyan kalaki ng paghihirap! Huwag nang idagdag ang isang ito... Tingnan Mo sila!...» nangungusap si Maria.

At si Jesus ay tumalikod upang tingnan ang tatlo. Tatlong nangungulilang mga mukha, na may mga matang puno ng pag-asa at ng kapighatian. «Halikayo!» utos ni Jesus.

O! Ang mga langay-langayan ay hindi kasing bilis ng tatlo.

«At gawing ito ang huling pagkakataon na mapakinggan Ko kayong nagsasalita ng ganyang mga salita. Ikaw, Mateo, ay walang karapatan na magsalita nang ganyan. Ikaw, Tomas, ay hindi pa patay, upang husgahan kung sino ang di-perpekto, iniisip na ikaw ay ligtas na. At ikaw, Simon ni Jonah, ay umaasal katulad ng isang bato na dinadalang may-kahirapan sa isang tuktok ng bundok at pagkatapos gumugulong pababa sa lambak. Intindihin kung ano ang ibig Kong sabihin... At ngayon makinig. Walang kabuluhan ang magsalita rito sa sinagoga, o sa bayan. Magsasalita Ako mula sa mga bangka sa lawa, ngayon dito, pagkatapos doon. Ihanda ang mga bangka, hanggang sa dami na kakailanganin at tayo ay magpapalaot sa payapang mga gabi o sa malamig na mga pagsikat-ng-araw...»

230411

 



¹ Ang Kapayapaan ay shalom… ang “Solomon” ay dito kinuha.



Sunod na kabanata