446. Sa Magdala. Ang Parabula Tungkol sa Mabuti at Masamang Kalooban.

Hunyo 24, 1946.

«Saan, Guro?» tanong ni Pedro na nakumpleto na niya ang mga manyobra at mga preparasyon para sa nabigasyon at nasa kanyang bangka sa uluhan ng maliit na plota ng mga bangka na, punó ng mga tao, ay nakahanda nang sundan ang Guro.

«Sa Magdala. Nangako Ako kay Maria ni Lazarus.»

«O sige» tugon ni Pedro at kanyang minanyobra ang timon upang makuha ang tamang direksiyon.

Si Johanna ay nasa bangka kasama ang Guro, ang Banal na Birhen, si Maria ni Clopas, si Marjiam, si Mateo, si Santiago ni Alfeo at ang isang lalaki na hindi ko kilala: tinuturo niya ang maraming mga bangka sa lawa sa tahimik na tag-init na gabi, na nagpapalambot sa liwanag ng paglubog-ng-araw sa pamamagitan ng mga kaskada ng purpurang mga belo, na tila ang langit ay nagpaulan ng mga amatista o ng mga balutan ng halamang-baging na nasa pamumulaklak. Winika niya: «Baka ang mga bangka ng mga binibining Romano ay kasama sa mga iyan. Ito ang isa sa kanilang mga paboritong libangan upang magkunwang nangingisda sa mapayapang mga gabing ito.»

«Ngunit sila ay magiging nasa mas malayo sa timog» pagtanaw ng lalaki na hindi ko kilala.

«O! hindi, Benjamin. Mabilis ang kanilang bangka at batikan ang kanilang mga mandaragat. Nakakaabot sila hanggang sa layo na ito.»

«Sa lahat na kanilang dapat gawin...» bulong ni Pedro, at nagpapatuloy siya nang pabulung-bulong, dahil siya ay isang di-makapagbatang mangingisda na ang tingin sa nabigasyon at pangingisda ay isang propesyon, hindi isang libangan, halos isang relihiyon ganap na kontrolado ng mahigpit na kapaki-pakinabang na mga batas, at ang di-wastong paggamit nito ay isang paglalapastangan sa kanya: «Sa pamamagitan ng kanilang insenso, kanilang mga bulaklak at mga pabango at iba pang maladimonyong mga bagay nahahawahan nila ang tubig; sa pamamagitan ng kanilang musika, malalakas na sigaw at wika nagagambala nila ang isda; sa pamamagitan ng kanilang mauusok na lampara natatakot nila sila; sa pamamagitan ng kanilang sinumpang mga lambat na inihahagis nang walang konsiderasyon sinisira nila ang ilalim at ang pagdami ng mga isda... Ito ay kailangan na ipagbawal. Ang Karagatan ng Galilee ay pag-aari ng mga Galilean, na mga mangingisda rin, hindi ng mga puta at ng kanilang mga partner... Kung ako ang panginoon! Aayusin ko kayo, kayong maruruming paganong bangka, kayong lumulutang na mga lababo ng bisyo, mga alkoba na naglalayag upang dalhin dito, sa mga tubig na ito ng Diyos, ng aming Diyos, sa Kanyang mga anak, ang inyong... O! tingnan! Sila ay patungo ritong tuwiran! Matitiis ba ito ng isa!... Mapahihintulutan ba ito ng isa... Ma...»

Pinutol ni Jesus ang mapag-akusang talumpati, na sa pamamagitan nito binubulalas ni Pedro ang kanyang espiritu ng Israelita at mangingisda, namumula, di-makahinga sa galit, humahangos na tila siya ay nakikipagbunô sa mga puwersa ng impiyerno, at sinabi Jesus nang may mapayapang ngiti: «Mabuting gawa na hindi ikaw ang panginoon. Mabuti na lang na hindi ikaw!! Para sa kanila at para sa iyong sarili. Sapagkat mapipigilan mo sila na sundin ang isang mabuting kutob, isang kutob na pinabatid sa kanilang mga espiritu – pagano nga, sumasang-ayon Ako, ngunit natural na mabuti – pinabatid sa kanilang mga espiritu ng Eternal na Awa na gumagabay sa mga nilikhang ito, na walang kasalanan sa pagiging naipanganak bilang mga Romano at hindi mga Hudyo. At sila ay tinitingnan ng Diyos nang may maawain na mga mata sapagkat nakikita Niya na sila ay kumikiling sa kung ano ang mabuti. At masasaktan mo ang iyong sarili sapagkat makagagawa ka ng isang pagkilos laban sa karidad at isang laban sa kababaang-loob...»

«Kababaang-loob hindi ko maintindihan... Bilang ang dalubhasa ng lawa, makatwiran para sa akin na italaga ito ayon sa gusto ko.»

«Hindi, Simon ni Jonah. Hindi. Nagkakamali ka. Ang mga bagay din na pag-aari natin, ay pag-aari natin dahil ang Diyos ay pinagkaloob ito sa atin. Kung gayon, kahit na kung nasa atin ito para sa isang limitadong panahon, dapat lagi natin iisipin na Siya Na nag-aari sa lahat nang walang kahit anong limitasyon ng panahon o ng sukat ay Isa lamang. Isa lamang ang Panginoon. Mga tao... O! sila ay mga tagapamahala lamang ng mga mumo ng dakilang Sangnilikha. Ngunit Siya ay ang Panginoon, ang Aking Ama at ninyo at ng lahat ng mga buháy. Mahigit pa rito, Siya ay ang Diyos, kung gayon pinaka perpekto sa lahat ng Kanyang mga naiisip at mga kilos.

Ngayon: kung ang Diyos ay tinitingnan nang may-kaamuan ang pagkilos ng paganong mga pusong ito patungo sa Katotohanan, at hindi lamang tinitingnan, bagkus ginaganyak ang ganitong pagkilos, nagpapahatid dito ng palakas pa nang palakas na paggalaw patungo sa Mabuti, sa palagay mo ba na ikaw, isang tao, sa kagustuhan mong patigilin ito, ay sa katunayan ibig mong pigilan ang Diyos na makagawa ng isang bagay? At kailaman mo pinatitigil ang kahit ano? Kapag ang tingin mo ito ay hindi maganda. Kung gayon ito ang iniisip mo tungkol sa iyong Diyos: na gumagawa Siya ng isang bagay na hindi mabuti. Ngayon, kung hindi tama na maghusga sa ating mga kapatid, sapagkat ang bawat tao ay may kanyang mga kapintasan at ang kanyang pamamaraan ng makaalam at paghusga ay napakalimitado na pito sa sampu ang kanyang paghusga ay mali, absulutong napakasamâ ang husgahan ang Diyos sa Kanyang pagkilos. Simon! Simon! Si Lucifer ay ginustong husgahan ang Diyos sa isa sa Kanyang mga naiisip at tiningnan niya ito na mali at ginustong kunin ang lugar ng Diyos, iniisip na siya ay mas makatarungan pa kaysa sa Diyos. Alam mo, Simon, kung ano ang napalâ ni Lucifer. At nalalaman mo na ang lahat ng kirot na ating ipinaghihirap ay dumating dahil sa pagmamalaking iyan...»

«Tama Kayo, Guro. Ako ay isang kaawa awang sawing-palad! Patawarin Ninyo ako, Guro!» At si Pedro, na laging pabigla-bigla, ay iniwan ang timon upang itapon ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus, habang ang bangka, na biglang naiwan sa sarili, at nasa pinaka tuktok ng isang alon, ay pumaling at tumagilid sa isang nakakatakot na pamamaraan sa gitna ng mga tili ni Maria ni Clopas at ni Johanna at ng mga sigawan ng mga nasa magaan na magkakambal na bangka, nang makita nila ang mabigat na bangka ni Pedro na parating nang diretso sa kanila.

Mabuti na lang mabilis na kinuha ni Mateo ang timon, at ang bangka ay naipagpatuloy ang takbo nito pagkatapos na tumagilid nang nakakatakot, at dahil din ang iba, upang makaiwas dito, ay ginamit ang kanilang mga sagwan nang may malalakas na kabig, sa gayon nakakalog ang tubig.

«Hoy! Simon! Kanina mapag-insulto ka sa mga Romano, na iyong tinatrato bilang mga di-sanay sa dagat, sapagkat sila ay pasalubong sa atin. Ngunit ngayon pinapapangit mo ang iyong pigura... at, mahigit pa diyan, sa kanilang presensya. Tingnan kung papaano silang lahat nakatayo sa kanilang mga bangka upang makakita...» sabi ng Iskariote binibiro si Pedro at tinuturo ang mga bangkang Romano, na ngayon ay napakalapit na, sa bahagi ng tubig bago ang Magdala, na ang mga nakasakay ay nakakakita nang maliwanag, sa kabila na ang purpurang mga talukbong ng gabi ay padilim pa nang padilim pinalalabo ang liwanag ng araw.

«Nawalan ka rin ng isang lalagyan at isang maliit na balde, Simon. Susubukan ba namin na sungkitin ang mga ito?» sabi ni Santiago ni Zebedeo, mula sa isa pang bangka, na ngayon ay malapit na, dahil, pagkatapos ng insidente, lahat sila ay nagsiksikan sa paligid ng bangka ni Pedro.

«Ngunit papaano mo nagawa ito? Hindi ito kailanman nangyayari sa iyo!» bulalas ni Andres mula sa isa pang bangka.

Si Pedro ay sumagot sa kanilang lahat, sa isa pagkatapos ng sa isa, habang sila ay halos sabay-sabay na nagsasalita. «Nakita ba nila ako? Hindi na bale! Sana nakita rin nila ang aking puso nang ganyan din at... Bueno, mas mabuti pang di na sabihin iyan, Pedro... Ngunit kailangan na malaman mo na hindi mo ako nasasaktan. Iyon ay hindi isang maling manyobra, iyon ay nangyari para sa mabuting pakay, isang magpapahiya sa akin... Huwag mag-alala, Santiago! Ang lumang mga bagay ay napunta sa ilalim... Sana maitapon ko rin pagkatapos nila ang lumang tao na nagpupumilit sa akin! Nakahanda akong mawalan ng lahat, kahit na ang aking bangka, upang lamang maging kung ano ang gusto ng Guro sa akin!... Ano ang kinalabasan ko? Eh! Napatunayan ko sa aking sarili, sa aking pagmamalaki, na ibig turuan kahit na ang Diyos ng tungkol sa mga bagay ng espiritu, na ako ay isang hayop-na-hayop din sa mga bagay tungkol sa mga bangka... Bagay sa akin ito. Nakagawa ako ng isang parabula ng tungkol sa aking sarili para sa aking sarili... Hindi ba, Guro?»

Si Jesus ay ngumingiti tumatango... Nakaupo sa hulihan ng bangka, sa Kanyang kinasanayan na lugar, maputi sa kaligiran ng dumidilim na ere, panatag, ang Kanyang buhok medyo hinihipan ng hanging gabi, nangingibabaw Siya sa agaw-liwanag katulad ng isang anghel ng mapayapang kaningningan.

Ang mga bangkang Romano ay naabutan sila.

«Mayroon silang napakagandang mga bangka at perpektong mga panlayag... bukod sa mga mandaragat! Kasing bilis nila ang mga piskador! Ginagamit nila ang bawat buga ng hangin at kahit na ang pinakamaliit na mga agos ng tubig...»

«Halos lahat na mga mananagwan ay mula sa Crete o mula sa rehiyon ng Nilo» paliwanag ni Johanna.

«Ang mga mandaragat ng delta ay magaling-na-magaling, at gayon din ang mga mula sa Crete. Ngunit ang mga mula sa Italya ay napakabuti... Dumaraan sila sa Scylla at Charybdis... at sapat na iyan upang masabi na sila ay napakabuti» pag-àkô ng di-kilalang lalaki na ang pangalan ay Benjamin.

«Saan tayo pupunta, Panginoon? Sa Magdala, o... Tingnan! Ang mga tao ng Magdala ay papunta rito...»

Sa katunayan ang lahat na maliliit na bangka ng nayon na iyon ay nagmamadaling umalis mula sa baybayin at sa maliit na daungan, puno, hindi lang, bagkus, umaapaw sa mga tao, upang ang mga gilid ng mga bangka ay halos kalebel ang tubig at may-kahirapan silang nagmamanyobra patungo sa mga bangka na nagmula sa Capernaum.

«Hindi. Tayo ay tumigil dito malayo sa pampang mula sa bayan. Magsasalita Ako mula sa bangka...»

«Ang problema ay na... Ang matitigas-ang-ulo na ito ay gustong malunod. Tingnan Ninyo, Guro. Totoo na ang lawa ay kasing kinis ng sanaw ng isang gilingan... ngunit ang tubig ay laging tubig... at ang bigat ay bigat... at diyan... tila iniisip nila na sila ay nasa lupa at hindi sa tubig... Sabihin sa kanila na bumalik... Malulunod sila...»

«Tao ng maliit na pananampalataya! Hindi mo ba naaalaala na habang naniniwala ka sa Aking paanyaya, nakapaglakad ka sa tubig katulad sa solidong lupa? Sila ay may pananampalataya. At sa gayon, sa kabila ng mga batas ng balanse sa pagitan ng bigat at ng densidad, masusuportahan ng mga tubig ang mga bangka na umaapaw sa mga tao.»

«Kung mangyari iyan... ito ang magiging tunay na gabi ng isang dakilang himala...» bulong ni Pedro kinikibit ang kanyang mga balikat, tinatapon ang angkla upang mapanatili ang bangka, na nananatiling gayon sa gitna ng isang pabilóg  ng mga bangka, ang iba nanggaling sa Capernaum, ang ilan sa Magdala at ilan sa Tiberias. Ang huling mga ito ay ang mga bangka ng mga binibining Romano, at may kahinahunan na sila ay nanatili sa likuran ng mga bangka na nanggaling sa Capernaum, nakaharap sa gitna ng lawa.

Si Jesus ay tumalikod sa kanila. Siya ay nakatingin pagawi sa mga galing sa Magdala, pagawi sa malaking malilim na hardin ni Maria ni Lazarus, pagawi sa maliliit na bahay, na ang kaputian ng mga ito ay nakakalat katulad nito sa tabi ng baybayin, nangingibabaw sa gabi.

Ang lawa, hindi na nababalisa ng mga bangka at ng mga sagwan, ay naging kalmante muli: isang malaking latag ng salamin na may mga guhit ng  plata sa maagang sinag ng buwan at may kalat ng mga topasyo at mga rubi kung saan ang mga apoy ng mga sulô o ng liwanag ng mga lampara, nakalagay sa bawat dulo ng bangka, ay nasasalamin sa lawa.

Ang mga mukha ay nagmumukhang kakaiba sa kaibhan ng pulang-dilaw na mga ilaw o ng mga sinag ng buwan, ang iba ay lumilitaw nang napakalinaw, ang iba ay halos hindi makita kung ano sila, ang iba ay tila nahahati sa dalawa, nang pahaba o pahalang, na tanging ang noo lamang o ang bábâ lamang ang naliliwanagan, o may isang pisngi lamang, kalahati ang mukha, na may malinis na tabas na tagiliran, na tila walang laman sa kabila. Ang ibang mga mata ay nagniningning, ang ilan ay nagmumukhang mga butas ng mata na walang laman, at gayon din, ang ilang mga bunganga ay tila ngumingiti nang masaya pinakikita ang malalakas na ngipin, habang ang iba ay tila nabubura sa nalililiman na mga mukha.

Ngunit upang posibleng makita ng lahat si Jesus, ang mga bangka mula sa Capernaum at Magdala ay nag-abot ng malaking bilang ng mga lampara, na inilagay sa paanan ni Jesus, sa ibabaw ng mga bangkito, habang ang iba ay ibinitin sa di-ginagamit na mga sagwan, ang iba inilagay sa daong at hulihan ng mga bangka, at ang iba ay ibinitin pa nga sa mga kulumpol sa palo, na ang panlayag nito ay ibinagsak. Ang bangka ni Jesus kung gayon ay maringal sa loob ng pabilóg  ng mga bangka na naiwan na walang mga lampara, at Siya ngayon ay kitang-kita na, dahil Siya ay puno ng liwanag. Tanging ang mga bangkang Romano lamang ang nagmumukhang mapula-pula pa rin dahil sa kanilang mapupulang sulô, na ang mga apoy nito ay kumukurap-kurap sa napakagaan na ihip ng hangin.

«Kapayapaan sa inyo!»  nagsisimula si Jesus na magsalita tumatayo, matatag sa kabila ng kaunting pagtagilid ng bangka, at inuunat ang Kanyang mga kamay upang magbendisyon. Pagkatapos Siya ay nagpatuloy, nagsasalita nang dahan-dahan, upang mapakinggan ng lahat, at ang Kanyang tinig ay nagtatagumpay nang malakas at maganda sa ibabaw ng tahimik na lawa.

«Kani-kanina pa lamang ang isa sa Aking mga apostol ay nagmungkahi ng isang parabula na Akin nang imumungkahi sa inyo at baka may pakinabang ito sa lahat, dahil maiintindihan ito ng lahat. Pakinggan ito.

Ang isang lalaki naglalayag sa lawa sa isang kalmanteng gabi katulad nito at nakatitiyak sa kanyang sarili, ay inakala na siya ay walang kapintasan. Siya ay magaling-na-magaling sa pagmamanyobra at dahil dito ang tingin niya sa kanyang sarili ay mas mataas sa lahat na ibang tao na kanyang natagpuan sa lawa, ang karamihan dito ay nasa lawa upang aliwin ang kanilang sarili at kung gayon nagkukulang sa karanasan na nanggagaling sa pagtatrabaho nang palagian sa paghahanap-buhay. Mahigit pa rito, siya ay isang mabuting Israelita at kung gayon akala niya nasa kanyang ang lahat na mga birtud. Sa huli, siya ay totoo ngang isang mabuting tao. Ngayon, isang gabi nang siya ay makumpiyansang naglalayag, pinangahasan niyang husgahan ang kanyang kapwa. Isang kapwa, na ayon sa kanya, ay napakalayo na tuturingin na hindi isang kapwa. Walang kaugnayan ng pambansa, o ng kalakalan o pananampalataya ang nagkakabit sa kanya sa kapwa na iyon at kung gayon, dahil walang anumang nagpipigil na pagkákababayan, o pang-relihiyon o pang-propesyon na pagkakaisa, minaliit niya siya nang prangko, hindi, bagkus, nang may-kahigpitan, at inireklamo niya ang kanyang pagiging di-dalubhasa sa lugar, sapagkat, kung siya ang masusunod, paaalisin niya ang kanyang kapwa doon, at sa kanyang di-makapagbatang pananampalataya, halos kagalitan niya ang Kataastaasan sa pagpapahintulot sa ibang mga tao, na mga iba sa kanya, na gawin nila ang kanyang ginagawa at mamuhay sila kung saan siya namumuhay.

Nakasakay sa kanyang bangka ay isang kaibigan, isang mabuting kaibigan na nagmamahal sa kanya nang may katarungan at kung gayon gusto siyang maging marunong at, kung kinakailangan, itama ang kanyang maling mga idea. Kung kaya't isang gabi, ang kaibigan na ito ay nagsabi sa mamamangka: “Bakit may mga iniisip ka na ganyan? Hindi ba’t ang Ama ng lahat na tao ay isa lamang? Siya ba ay hindi ang Panginoon ng Sansinukuban? Ang Kanyang araw kaya ay hindi sumisikat sa lahat na tao upang sila ay painitan, at ang Kanya kayang mga ulap ay hindi nagpapaulan sa mga bukid ng mga Hentil katulad na ito ay nagpapaulan sa mga bukid ng mga Hebreo? At kung Kanyang ginagawa iyan para sa materyal na pangangailangan ng tao, hindi rin kaya Siya maglalaan para sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan? At magmumungkahi ka ba sa Diyos kung ano ang kailangan Niyang gawin? Sino ang katulad ng Diyos?”.

Ang lalaki ay mabuti. Sa kanyang di-makapagbata ay may labis na kamangmangan, maraming maling mga idea, ngunit ang kanyang kalooban ay hindi masama, wala siyang intensiyon na saktan ang Diyos, sa kabaligtaran kanyang intensiyon na ipagsanggalang ang Kanyang mga interes. Nang kanyang mapakinggan ang mga salitang iyon itinapon niya ang kanyang sarili sa paanan ng kanyang kaibigan at nakiusap siya na siya ay patawarin sa pagsasalita nang may-katangahan. Nakiusap siya sa kanya nang biglaan, na halos nakagawa siya ng isang sakuna, nilulubog ang bangka at nilulunod ang mga nakasakay dito, sapagkat sa kanyang pananabik na makahingi ng kapatawaran, napabayaan niya ang timon, ang mga panlayag at ang mga agos. Sa gayon pagkatapos ng kanyang unang pagkakamali ng paghusga nang masamâ, nakagawa siya ng isa pang pagkakamali sa pagmamanyobra, at napatunayan sa kanyang sarili na siya ay hindi lamang isang di-mabuting hukom bagkus isa ring mahinang mandaragat.

Iyan ang parabula. Ngayon makinig. Ayon sa inyo, ang lalaki bang iyon ay pinatawad ng Diyos o hindi? Tandaan: siya ay nagkasala laban sa Diyos at sa kanyang kapwa sa paghuhusga sa mga pagkilos ng dalawa at siya ay halos naging isang mamamatay ng kanyang mga kasamahan. Magnilay at tumugon...»

At si Jesus ay nangursumano at tumitingin sa paligid sa lahat na mga bangka, hanggang sa layo ng pinakamalayong mga bangka, sa mga bangkang Romano, na nagpapakita ng isang linya ng maasikasong nakikinig na mga mukha ng mga patrisyo at mga mananagwan, nakadungaw sa mga gilid ng mga bangka...

Ang mga tao ay nagsasalita sa mabababang tinig at nagpapalitan ng mga kuru-kuro... Isang halos di-marinig na bulong ng mga tinig na humahalo sa mararamdaman lamang na sampal ng tubig sa mga tabi ng mga bangka. Ang paghatol ay isang mahirap na bagay. Ang karamihan, bagaman, ay nasa opinyon na ang lalaki ay hindi pinatawad sapagkat siya ay nagkasala. Hindi, siya ay hindi pinatawad kung tungkol man lamang sa unang kasalanan...

Naririnig ni Jesus na ang bulungan ay lumalakas sa pananaw na ito at ngumingiti habang ang Kanyang pinakamagandang mga mata ay nagniningning kahit na sa gabi katulad ng dalawang sapiro sa mga sinag ng buwan, na mas lalo pang gumaganda at nagniningning, upang marami tao ang pinapatay na lamang ang mga sulô at mga lampara at nananatili na walang iba bagkus ang nanginginang na sinag-ng-buwan.

«Alisin mo rin ang mga ilaw na ito, Simon. Sila ay kasing liit ng mga kislap kompara sa mga bituin at mga planeta na nakakalat sa kalangitang ito» sabi ni Jesus kay Pedro na bitin sa paghihintay na mapakinggan ang hukom ng mga pulutong. At si Jesus ay hinahaplos ang Kanyang apostol, habang ang huli ay inaabot ang mga lampara upang tanggalin, at tinanong Niya siya sa mababang tinig: «Bakit nagmumukha kang balisang-balisa?»

«Sapagkat ngayon ginagawa Ninyo na husgahan ako ng mga tao...»

«O! Bakit ka matatakot sa kanila?»

«Sapagkat... katulad ko... sila ay hindi makatarungan...»

«Ngunit ang Diyos ang naghuhusga, Simon!»

«Oo. Ngunit hindi pa Ninyo ako pinatatawad at hinihintay Ninyo ngayon ang kanilang pasya upang gawin ito... Tama Kayo, Guro... Ako ay di na maiwawasto... Ngunit... bakit ang paghuhusgang ito ng Diyos para sa Inyong kaawa-awang Simon?...»

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang kamay sa kanyang balikat at nagagawa Niya itong madali sapagkat si Pedro ay nasa mas mababang bahagi ng bangka at si Jesus ay nakatayo sa ibabaw ng isang tabla ng isang poste, sa gayon labis na mataas kay Pedro. At Siya ay ngumingiti... ngunit hindi tumutugon sa kanya. Sa halip Kanyang tinanong ang mga tao: «Bueno? Magsalita. Bawat bangka.»

Sa aba! Kaawa-awang Pedro! Kung ang Diyos ay huhusgahan siya ayon sa opinyon ng mga taong naroroon, mapapahamak siya. Maliban sa tatlong bangka, ang lahat na iba pa, kasama na ang apostoladong mga bangka, ay pinahamak siya. Ang mga Romano ay hindi nagbibigay ng kanilang opinyon, at sila ay hindi hinihinging gawin ito, ngunit kitang-kita na pinasyahan din nila ang lalaki na ipahamak, sapagkat nagkakawayan sila bangka-sa-bangka – tatlong bangka sila – na ang hinlalaki nakaturo nang pababa.

Ang takót na gumugulong na mga mata ni Pedro ay tinitingnan ang mukha ni Jesus at nakakita ito ng mas mabait pang sulyap nanggagaling sa Kanyang sapirong mga mata, katulad-na-katulad ng kapayapaan, at nakikita niya ang isang mukha na nagniningning sa pagmamahal na yumuyuko sa kanya habang nararamdaman niya na siya ay hinahatak sa tabi ni Jesus, upang ang kanyang ubanin na ulo ay nasa dibdib ni Jesus, habang ang kamay ng Guro ay niyayakap ang kanyang balikat.

«Ganyan ang tao maghusga. Ngunit hindi ganyan maghusga ang Diyos, Aking mga anak! Sinasabi ninyo: “Siya ay hindi pinatawad”. Sinasabi Ko: “Ang Panginoon ay walang nakita kahit na ano na dapat ipagpatawad”. Sapagkat ang pagpapatawad ay nagpapalagay ng isang pagkukulang. Ngunit sa kasong ito ay walang pagkukulang. Hindi, huwag bumulong-bulong, iniiling ang inyong mga ulo. Inuulit Ko: walang pagkukulang dito. Kailan na ang isang pagkukulang ay nangyayari? Kapag may kalooban na gumawa ng isang kasalanan, kapag naririyan ang kaalaman ng pagkakasala at ang pagpupumilit din na gustuhin ang magkasala pagkatapos na malaman na ang isang gagawin ay makasalanan. Ito ay nakadepende lahat sa kalooban na sa pamamagitan nito ginagawa ng isa ang pagkilos, kung ito ay banal o makasalanan. Kapag ginagawa ng isa ang isang bagay na tila mabuti, ngunit hindi nalalaman na ito ay mabuting pagkilos, hindi lamang, bagkus, naniniwala ang isa na ito ay isang masamang pagkilos, nakagagawa ang isa ng isang kasalanan na tila nagawa na niya ang isang masamang pagkilos, at gayon din naman maski pagbaligtarin.

Tingnan, bilang isang halimbawa, ang isang tao na may kaaway na nalalaman na siya ay may sakit. Nalalaman niya na sa pamamagitan ng bilin ng doktor ang kanyang kaaway ay hindi kailangan na uminom ng kahit anong malamig na tubig, hindi lamang, bagkus, kahit anong inumin pa. Siya ay pumunta upang dalawin siya, nagpapakita ng pagkakaibigan. Napakinggan niya siya na umuungol: “Ako ay nauuhaw! Ako ay nauuhaw!” at nagkukunwaring naaawa, nagmadali siya upang bigyan siya ng ilang malamig na tubig mula sa isang balon, nagsasabing: “Uminom ka, aking kaibigan. Minamahal kita at hindi ko matiis na makita kang naghihirap nang labis sa pagka-uhaw. Tingnan. Dinalhan kita ng tubig na ito nang sadya, napakalamig nito. Inumin mo ito, dahil malaking gantimpala ang binibigay sa mga tumutulong sa mga may-sakit at nagbibigay ng inumin sa nauuhaw” at sa pagbigay sa kanya ng maiinom, nagawa niya siya na mamatay. Sa palagay ba ninyo na ang ginawang iyon, mabuti sa mismo nito sapagkat naglalaman ito ng dalawang gawain ng awa, ay isang mabuting gawa ngayon na ito ay ginawa na para sa isang masamang pakay? Hindi, hindi ito mabuti.

At sa muli: ang isang anak ay may isang lasinggong ama at kinakandado ang imbakan ng alak upang siya ay hindi uminom hanggang sa siya ay mamatay, kinukuha ang kanyang pera at hinihigpitan niya siya nang husto upang hindi siya makapaglakad sa nayon, maglalasing at sinisira ang sarili, sa palagay ba ninyo nagkakasala siya laban sa ikaapat na utos sa simpleng dahilan na kanyang pinagagalitan ang kanyang ama at kumikilos din siya bilang ang ulo ng pamilya hinggil sa kanyang ama? Sa lahat na makikita ginagawa niya ang kanyang ama na maghirap at tila nakagagawa ng kasalanan. Sa katotohanan siya ay isang mabuting anak, sapagkat ang kanyang kalooban ay mabuti, dahil ibig niyang mailigtas ang kanyang ama sa kamatayan. Laging ang kalooban ng isa ang nagtatakda ng kahalagahan sa mga gawain ng isang tao.

At sa muli: ang isa bang sundalo na pumapatay sa digmaan ay isang pumapatay-ng-kapwa? Hindi, kung ang kanyang espiritu ay hindi sumasang-ayon sa pagpatay at kung siya ay pumapatay sapagkat siya ay napipilitan na gawin ito, at ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pinakamaliit na pagiging-tao na ipinapataw ng matigas na batas ng digmaan at ng kanyang pagiging natataasan ng iba.

Kung gayon ang mamamangka na iyon, na sa pamamagitan ng mabuting kalooban ng naniniwala, makabayan at mangingisda, hindi matiis ang mga tao na, ayon sa kanya, ay mga nanlalapastangan, ay hindi nagkasala laban sa pagmamahal para sa kanyang kapwa, bagkus mayroon lamang siya ng maling idea tungkol sa pagmamahal para sa ating kapwa. Ni hindi rin siya nagkasala laban sa paggalang sa Diyos, sapagkat ang kanyang sintimyento laban sa Diyos ay nanggaling sa kanyang mabuti, ngunit di-magandang pagkabalanse o maningning na espiritu ng naniniwala. At hindi siya nakagawa ng pagpatay-sa-kapwa sapagkat nagawa niyang tumagilid ang bangka sa pamamagitan ng kanyang mabuting kalooban na makahingi ng kapatawaran.

Kung gayon lagi ninyong tingnan ang kaibahan. Ang Diyos ay Awa mahigit pa sa pagiging ayaw-magbigay. Ang Diyos ay mabuti. Ang Diyos ay isang Ama. Ang Diyos ay pagmamahal. Iyan ang totoong Diyos. At ang totoong Diyos ay binubukas ang Kanyang puso sa lahat, nagsasabi sa lahat: “Halika”, tinuturo ang Kanyang Kaharian sa lahat. At malaya Siyang gawin ito, sapagkat Siya lamang ang Tangi, Unibersal, Tagapaglikha, Eternal na Panginoon.

Nakikiusap Ako sa inyo, kayong mamamayan ng Israel. Maging makatarungan. Tandaan ang mga bagay na ito. Mag-ingat at baka maintindihan ang mga ito ng mga taong inyong tinitingnan na di-malinis, habang nananatili silang di-maintindihan sa inyo. At ang labis-labis at wala-sa-kaayusan na pagmamahal para sa relihiyon at sa amangbayan ay makasalanan din, sapagkat ito ay nagiging pagkamakasarili. At ang pagkamakasarili ay laging ang dahilan at pinagmumulan ng kasalanan.

Oo. Ang pagkamakasarili ay isang kasalanan, sapagkat naghahasik ito sa mga puso ng isang masamang kalooban, na nagagawa ang mga tao na magrebelde laban sa Diyos at sa Kanyang mga utos. Ang isip ng isang makasariling tao ay hindi na nakikita nang maliwanag ang Diyos o ang Kanyang katotohanan. Ang pagmamalaki ay nagpapalabas ng mga usok sa loob ng isang tao na maka-ako at pinalalabo ang katotohanan. Ang isip, na sa loob ng usok hindi na makakita ng purong liwanag ng katotohanan katulad nang dati bago naging mapagmalaki, ay sinisimulan nito ang proseso ng pagtatanong, at mula sa pagtatanong dumarating ito sa pagdududa, mula sa pagdududa patungo ito sa kawalang-pakialam hindi lamang tungkol sa pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang katarungan, bagkus tungkol din sa takot sa Diyos at sa Kanyang kaparusahan. At kung gayon sa kadalian na magkasala, at mula sa ganyang kadalian patungo sa pangungulila ng kaluluwa na humihiwalay sa Diyos, at sa dahilan na nawalan na ito ng kalooban ng Diyos bilang gabay, humahantong ito sa batas ng sarili nitong kalooban ng makasalanan.

O! ang kalooban ng isang makasalanan ay isang masagwang tanikala, ang isang dulo nito ay nasa mga kamay ni Satanas, at ang isa pang dulo may nakakabit na isang bola ng kanyon nakatali sa mga paa ng tao upang mahawakan siya doon, isang alipin, sa dumi, namamaluktot, sa kadiliman. Posible ba kung gayon para sa tao na hindi makagawa ng mortal na mga kasalanan? Posible ba para sa kanya na hindi magawa ang mga ito, kung siya ay nauukyukan lamang ng kanyang masamang kalooban? Tanging diyan lamang ang Diyos hindi nagpapatawad. Ngunit kung ang tao ay napapagalaw ng mabuting kalooban, at gumagawa rin ng mga kusang-loob na gawain ng birtud, tiyak na magtatapos siya sa pag-ari sa Katotohanan, sapagkat ang mabuting kalooban ay nagdadala sa Diyos, at ang Diyos, ang Kabanalbanalang Ama, ay yumuyukong mapagmahal, maawain, maluwag upang tumulong, magpalâ, magpatawad sa Kanyang mga anak na may mabuting kalooban.

Kung gayon ang lalaki ng bangkang iyon ay magiliw na minamahal sapagkat, sa dahilan na hindi niya ginustong magkasala, wala siyang nagawang pagkakasala.

Humayo sa kapayapaan, ngayon, patungo sa inyong mga tahanan. Ang mga bituin ay pinunó ang buong kalangitan at ang buwan ay dinadamitan ang mundo ng kadalisayan. Humayo, at maging kasing masunurin katulad ng mga bituin at maging kasing puro katulad ng buwan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang mga masunurin at puro sa espiritu, at pinagpapala Niya ang mga tao na sa lahat ng kanilang pagkilos ay ginagamit ang kanilang mabuting kalooban upang mahalin ang Diyos at ang kanilang mga kapatid at upang magtrabaho para sa Kanyang kaluwalhatian at sa kanilang kapakanan. Ang kapayapaan ay sumainyo!»

At inuunat ni Jesus ang Kanyang mga kamay muli nagpapalà, habang ang pabilóg ng mga bangka ay lumalayo, nasisira, at ang bawat bangka ay pinagpapatuloy ang paglalayag nito.

Si Pedro ay masayang-masaya na hindi niya iniisip ang pag-alis.

Si Mateo ay niyugyog siya: «Hindi ka ba gagalaw, Simon? Hindi ako sanay-na-sanay...»

«Iyan ay totoo!... O! Aking Guro! Kung gayon hindi Ninyo ako sinumpa? Ako ay takot-na-takot...»

«Huwag matakot, Simon ni Jonah. Kinuha kita upang iligtas ka, hindi upang mawala ka. Kinuha kita dahil sa iyong mabuting kalooban... Magsaya. Kunin ang timon at tumingin sa Hilagang Bituin at magpatuloy nang may kompiyansa, Simon ni Jonah. Huwag kailanman mag-alinlangan... Sa lahat ng iyong mga nabigasyon... Ang Diyos, ang iyong Jesus, ay laging tatayo sa tabi mo sa unahan ng iyong espirituwal na bangka. At lagi ka Niyang uunawain, Simon ni Jonah. Naiintindihan mo? Lagi.  At hindi Niya kailangan na patawarin ka dahil baka bumagsak ka din katulad ng isang mahinang bata, ngunit hindi ka kailanman magkakaroon ng masamang kalooban na bumagsak... Maging masaya, Simon ni Jonah.»

At si Pedro ay Tumatango... siya ay antig-na-antig upang makapagsalita, hindi makahinga sa pagmamahal, at ang kanyang kamay ay kung baga nanginginig sa timon, ngunit ang kanyang mukha ay nagniningning nang may kapayapaan, kompiyansa, pagmamahal, habang tinitingnan niya ang kanyang Guro nakatayo sa tabi niya, sa gilid ng maliit na bangka, katulad ng isang maningning na maputing arkanghel.

010511

 

 



Sunod na kabanata