452. Pagawing Gamala. Ang Pagmamahal ng Banal na Birhen sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos.

Hulyo 3, 1946.

Ang gabi ay bumabagsak nagdadala ng malamig na mga ihip ng hangin na nagpapalamig pagkaraan ng labis na init, at ang dapit-hapon din ay isang kaginhawahan pagkaraan ng labis na maningning na sinag ng araw.

Iniiwan ni Jesus ang sambayanan ng Hippo dahil Siya ay matatag-na-matatag sa Kanyang pasya na huwag maantala ang Kanyang pag-alis, upang makarating sa Capernaum para sa Sabbath. Ang mga tao ay humiwalay sa Kanya nang nagdadalawang-isip at ang kaunting matitigas-ang-ulo na mga tao ay sinusundan Siya kahit hanggang sa labas ng bayan.

Kasama sa mga ito ay ang isang babae na mula sa Aphek, ang balo na sa nayon sa lawa ay nakiusap sa Panginoon na siya ang piliin bilang tagapag-alaga sa maliit na batang si Alfeo, na hindi ginugusto ng kanyang ina. Sumama na siya sa grupo ng mga babaeng disipulo, na tila siya ay isa sa kanila, at kilalang-kilala na niya sila ngayon, na siya ay tinitingnan nila bilang kabilang sa pamilya. Ngayon siya ay kasama ni Salome, kung kanino siya ay nakikipagusap nang pakaway-kaway sa isang mababang tinig.

Si Maria ay nasa malayong likuran kasama ang Kanyang hipag, at isinasabay nila ang kanilang mga hakbang sa paghakbang ng maliit na batang lalaki na naglalakad sa pagitan nila nakahawak ang mga kamay sa kanila at kinalulugdan ang kanyang sarili lumulukso sa bawat bato sa daan, na, bilang may mga magkakatulad na tabla ng semento, ay tiyak na gawa ng mga Romano. At sa bawat paglukso siya ay tumatawa at nagsasabi: «Kita ninyo kung gaano ako kagaling? Tingnan. Tingnan ulit!». Ito ay isang laro na sa palagay ko nilalaro ng lahat na mga bata sa mundo kapag sila ay hawak sa kamay ng mga tao na kanilang tinitingnan na gilíw sa kanila. At ang dalawang banal na babae na humahawak sa kanya sa kamay ay nagpapakita ng interes sa kanyang laro at pinupuri siya sa pagiging napakagaling sa paglukso. Ang kaawa-awang bata ay umunlad sa loob ng kaunting mga araw ng mapayapang mapagmahal na buhay, ang kanyang mga mata ay masayahin katulad ng masasayang bata at ang kanyang malaplatang pagtawa ay nagagawa siyang mas maganda at higit sa lahat mas bata, nang wala ng ekspresyon ng isang malungkot na maliit na mamâ, katulad na siya ay nagmumukhang ganito noong gabi na siya ay umalis sa Capernaum.

Si Maria ni Alfeo, tinitingnan ang sitwasyon, nang kanyang mapakinggan ang ibang mga salita ni Sarah, ang balo, ay nagsabi sa kanyang hipag: «Iyan ang nababagay! Kung ako si Jesus, ibibigay ko sa kanya ang bata.»

«Ang bata ay may ina, Maria...»

«Ina? Huwag Mong tawagin siyang ganyan! Ang isang babaeng lobo ay mas makaina pa kaysa sa kaawa-awang sawing-palad na iyon.»

«Iyan ay totoo. Ngunit kahit na kung hindi siya makaramdam ng obligasyon sa kanyang anak, siya ay laging may karapatan sa kanya.»

«H’m! Upang magawa siyang maghirap! Tingnan kung gaano siya umunlad!»

«Alam Ko. Ngunit... Si Jesus ay walang karapatan na kunin ang mga bata mula sa mga ina, ni kahit na upang ibigay sila sa mga magmamahal sa kanila.»

«Ni ang mga tao ay walang karapatan na... Mas mabuti pang huwag nang sabihin ang salita. Alam ko kung ano...»

«O! Naiintindihan Kita... Ang ibig Mong sabihin: ni ang mga tao ay walang karapatan na kunin ang Iyong Anak mula sa Iyo, ngunit sa kabila nito gagawin nila ito... Ngunit sa paggawa nang ganito – isang malupit na gawain mula sa pantaong pananaw – makagagawa ito ng walang-hangganang kabutihan. Sa ganitong kaso, sa halip, hindi ko alam kung makagagawa ng kahit anuman na kabutihan ito sa babaeng iyon...»

«Ngunit makagagawa ito ng labis na kabutihan sa bata. Ngunit bakit... sinabi Niya sa atin ang nakakatakot na bagay na iyon? Ako ay hindi nagkaroon ng kapayapaan mula nang mapakinggan ko ito...»

«At hindi mo ba nalalaman kahit noon pa na ang Tagapagtubos ay maghihirap at, mamamatay?»

«Siyempre alam ko! Ngunit hindi ko alam na ito ay si Jesus. Ako ay giliw-na-giliw sa Kanya. Alam Mo? Mas mahal ko pa Siya kaysa sa aking sariling mga anak. Napakagandang lalaki, napakabait... O! Naiinggit ako sa Iyo sa Kanya, aking mahal na Maria, noong Siya ay isang bata, at lagi pagkatapos... lagi... Kahit na ang isang buga ng hangin ay nagpapaalala sa akin, na baka ito makasamà sa Kanya at... hindi ako makapaniwala na Siya ay pahihirapan...» si Maria ni Clopas ay lumuluha sa ilalim ng kanyang belo.

At si Maria, ang Ina, ay pinagiginhawahan siya. «Maria, Aking mahal, huwag mong tingnan ang bagay mula sa isang pantaong pananaw. Isipin ang mga bunga nito... Mawawari-wari mo kung papaano Ko nakikita ang liwanag ng araw na naglalaho tuwing gabi... Kapag ito ay mawala sasabihin Ko: nabawasan na ng isang araw na makakasama si Jesus... O! Maria!  Isang bagay higit sa lahat pinasasalamatan Ko ang Kataastaasan: para sa pagkakaloob sa Akin na maabot ang perpektong pagmamahal, kasing perpekto ng maaabot ng isang nilikha, sapagkat ang ganyang pagmamahal ay nagagawa Kong pagalingin at palakasin ang Aking puso nagsasabing: :Ang Kanyang kapighatian at ang Akin ay mapapakinabangan ng Aking mga kapatid, kung gayon pagpalain ang Kapighatian”. Kung hindi Ko minamahal ang Aking kapwa nang ganyan... hindi Ko matatagalan ang kaisipan na gagawin nilang mamatay si Jesus...»

«Kung gayon, anong pagmamahal ang sa Iyo? Anong pagmamahal ang kailangan na magkaroon ang isang ina upang masabi ang ganyang mga salita? Upang... upang huwag umalis kasama siya, upang ipagsanggalang siya at sabihin sa kanyang mga kapwa: “Ang aking unang kapwa ay ang aking anak at mahal ko siya higit sa lahat”?»

«Siya Na kailangan na mahalin nang higit sa lahat ay ang Diyos.»

«At Siya ay Diyos.»

«Ginagawa Niya ang kalooban ng Ama at ginagawa Ko ito kasama Siya. Anong pagmamahal ang Akin? Anong pagmamahal ang kinakailangan upang masabi ang mga salitang iyon? Ang pagmamahal ng pakikiisa sa Diyos, ganap na pakikiisa, total na pagsuko, upang mawala sa Kanya, ang maging wala bagkus isang bahagi Niya, katulad na ang iyong kamay ay bahagi mo at ginagawa kung ano ang inuutos ng iyong ulo. Iyan ang Aking pagmamahal at ganyang ang pagmamahal na dapat magkaroon ang isa upang magawang lagi nang may kusa ang Kalooban ng Diyos.»

«Ngunit Ikaw ay Ikaw. Ikaw ang Pinagpalang Isa sa lahat na mga nilikha. Ikaw ay tiyak na ganyan kahit bago Mo pa tinaglay si Jesus, sapagkat pinili Ka ng Diyos na dalhin Siya, at ito ay madali para sa Iyo...»

«Hindi, Maria. Ako ang Babae at ang Ina katulad ng bawat babae at ina. Ang regalo ng Diyos ay hindi pinipigilan ang nilikha. Siya ay kasing tao katulad ng kahit sino pa mang nilikha, kahit na kung ang regalo ay binibigyan siya ng napakalakas na espirituwalidad. Alam mo na, sa ngayon, na kinailangan Kong tanggapin ang regalo, sa pamamagitan ng Aking sariling kalooban, at kasama ang lahat ng mga konsekwensiya na kakabit nito. Sapagkat ang bawat dibinong regalo ay isang malaking beatitude, subalit isa ring malaking obligasyon. At ang Diyos ay hindi namimilit ng kahit sino mang tao na tanggapin ang Kanyang mga regalo, bagkus tinatanong Niya ang tao at kung ang huli ay tumugon: “Hindi” sa espirituwal na tinig na nagsasalita sa kanya, hindi siya pipilitin ng Diyos. Ang bawat kaluluwa ay tinatanong ng Diyos ng minsan man lamang sa buong pamumuhay nito kung...»

«O! Ako ay hindi kailanman tinanong! Hindi Niya ako tinanong ng kahit anuman!» bulalas ni Maria ni Alfeo nang matatag.

Ang Banal na Birhen ay ngumingiti nang may-kabaitan at tumugon: «Hindi mo napuna ito at ang iyong kaluluwa ay tumugon nang hindi ka nagmamalay tungkol dito; at ang rason diyan ay dahil minamahal mo na ang Diyos nang labis.»

«Sinasabi ko sa Iyo na hindi Siya kailanman nagsalita sa akin!...»

«Bakit, kung gayon, ikaw ay naririto, isang disipulo na sumusunod kay Jesus? At bakit ka masyadong nananabik na ang iyong mga anak, lahat sila, ay kailangan na maging mga tagasunod ni Jesus? Nalalaman mo kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Kanya, ngunit sa kabila nito gusto mo na ang iyong mga anak ay sumunod sa Kanya.»

«Tiyak na gusto kong ibigay silang lahat sa Kanya. Masasabi kong totoo pagkatapos na pinanganak ko ang aking mga anak sa Liwanag. At nagdarasal ako na sana maibigay ko sila sa Liwanag, kay Jesus, nang may totoo, eternal na maternidad.»

«Kita mo na! At bakit iyan? Sapagkat ikaw ay tinanong ng Diyos isang araw at sinabi Niya: “Maria, ibibigay mo ba sa Akin ang iyong mga anak upang maging Aking mga ministro sa bagong Herusalem?”. At ikaw ay tumugon: “Oo, Panginoon”. At kahit na ngayon na nalalaman mo na ang isang disipulo ay hindi mas mataas sa Guro, tumutugon ka sa Diyos, Na nagtatanong sa iyong muli upang masubukan ang iyong pagmamahal: “Oo, aking Panginoon. Gusto ko na sila ngayon na maging sa Inyo!” Hindi ba’t ganito ito?»

«Oo, Maria, ganyan iyan. Iyan ay totoo. Napaka mangmang ko na hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa isang kaluluwa. Ngunit kapag ginagawa ni Jesus o Ikaw na ako ay mag-isip, sasabihin ko na iyan ay totoo. Iyan ay talagang totoo nga. Sasabihin ko na... mas gusto ko pa silang makitang pinatay ng mga tao kaysa sila maging palaban sa Diyos... Tiyak iyan... kung makita ko silang mamatay... kung... o! Ngunit ang Panginoon... Eh! Tutulungan ba ako ng Panginoon sa oras na iyan... o Ikaw lamang ba ang Kanyang tutulungan?»

«Tutulungan Niya ang lahat na Kanyang mga anak na babae, na mga martir sa espiritu, o sa espiritu at sa laman para sa Kanyang kaluwalhatian.»

«Ngunit sino ba ang papatayin?» tanong ng maliit na bata, na tumigil sa paglukso nang mapakinggan ang kanilang pag-uusap, at nakikinig nang husto. At nagtanong siya muli, medyo dahil sa pag-uusisa, at medyo dala ng takot, patingin-tingin sa paligid ng malungkot na kabukiran na nagiging madilim na: «May mga mandarambong ba sa paligid? Nasaan sila?»

«Walang mga mandarambong, Aking anak. At walang sinuman, pansamantala, ang papatayin. Lumukso, magpatuloy sa paglukso...» tugon ng Kabanalbanalang Birhen.

Si Jesus, Na malayo sa unahan, ay tumigil hinihintay ang mga babae. Sa mga taong sumunod sa Kanya mula sa Hippo, tatlong mga lalaki at ang balo ang naroroon pa rin. Ang iba ay nagpasya na, nang isa-isa, na iwanan Siya at bumalik sa kanilang bayan. Ang dalawang grupo ay nagkasamang muli. Sinabi ni Jesus: «Maghintay tayo rito hanggang tumaas ang buwan. Pagkatapos tayo ay aalis upang makarating sa bayan ng Gamala sa pagsikat ng araw.»

«Ngunit, Panginoon! Hindi ba Ninyo naaalaala kung papaano nila Kayo pinalayas doon? Nakiusap sila sa Inyo na umalis...»

«Kung gayon? Ako ay umalis, ngayon Ako ay bumabalik. Ang Diyos ay matiyaga at mahinahon. Noon, sa kanilang kabalisahan, wala sila sa katayuan na tanggapin ang Salita, na, upang maging mabunga, ay kailangan na tanggapin na may mapayapang espiritu. Naaalaala ba ninyo si Elijah at ang kanyang pakikipagtagpo sa Panginoon sa Horeb at isipin na si Elijah ay isang espiritu na minamahal ng Panginoon at sanay makinig sa Kanya. Tanging sa kapayapaan ng isang malumanay na ihip-ng-hangin, kung kailan, pagkatapos na panghinaan ng loob, ang kanyang espiritu ay nagpapahinga sa kapayapaan ng sangnilikha at ng kanyang tapat na kaakuhan, doon lamang nagsalita ang Panginoon. At ang Panginoon ay naghintay para sa takot, na iniwan ng hukbo ng mga dimonyo sa pag-alaala ng kanilang pagdaan sa rehiyon na iyon sapagkat kung ang pagdaan ng Diyos ay kapayapaan, ang pagdaan ni Satanas ay kabalisahan – at ang Panginoon ay naghintay para sa takot na iyon na matapos at para sa kanilang mga puso at mga isip na maging kasing linaw ng kristal, bago bumalik sa sambayanan ng Gamala, dahil sila ay Kanya pa ring mga anak. Huwag matakot! Hindi nila tayo sasaktan!»

Ang balo mula sa Aphek ay pumunta sa harapan at pinagpatirapa ang sarili: «At hindi ba Kayo pupunta sa aking bahay, Panginoon? Ang Aphek din ay punó ng mga anak ng Diyos...»

«Ang daan ay isang mahirap na daan at ang ating oras ay maikli. Kasama natin ang mga babae at kailangan namin na makabalik sa Capernaum para sa Sabbath. Huwag mamilit, babae» sabi ng Iskariote nang matatag, halos tinatanggihan siya.

«Ang katotohanan ay... Ibig ko Siyang makumbinsi na maaalagaan ko ang bata nang tama.»

«Ngunit hindi mo ba naiintindihan na naririyan ang kanyang ina?» sabi ng Iskariote muli, at sinasabi niya ang ganito nang may-kagaspangan.

«May alam ka bang mas maikling daan sa pagitan ng Gamala at Aphek?» tanong ni Jesus sa napahiyang babae.

«O! oo! May isang daan patawid ng mga bundok, ngunit iyon ay maganda at malamig, sapagkat tumatakbo iyon sa loob ng mga kakahuyan. At posibleng makapag-upa ng ilang mga asno para sa mga babae, at ako ang magbabayad para sa kanila...»

«Pupunta Ako sa iyong bahay upang mapaginhawahan ka, kahit na kung hindi Ko sa iyo maibibigay ang bata, sapagkat siya ay may ina. Ngunit nangangako Ako sa iyo na sa pagkakataon na ang Diyos ay ipasya na ang bata na walang pagmamahal ay dapat na makatagpo muli ng pagmamahal, iisipin kita.»

«Salamat sa Inyo, Guro. Kayo ay mabuti» sabi ng balo, at tinitingnan niya si Judas sa isang paraan na ang ibig-sabihin: «At ikaw ay masamâ.»

Ang maliit na bata, na napakinggan at naintindihan ang bahagi man lamang ng pag-uusap, at nasanay na sa balo, na nakapang-akit sa kanya sa pamamagitan ng mga haplos at ng malinamnam na mga kakanin, sa pamamagitan ng natural na kalikasan at ng pag-unawa at sa pamamagitan ng espiritu ng paggagaya na tipiko sa mga bata, ay inulit nang eksakto kung ano ang ginawa ng balo, ang tanging kaibahan lamang ay hindi siya nagpapatirapa sa paanan ni Jesus, bagkus kumakapit siya sa Kanyang mga tuhod, itinataas ang kanyang maliit na mukha na nagmumukhang maningning sa liwanag ng buwan, at sinabi niya: «Salamat sa Inyo , Guro. Kayo ay mabuti.» At hindi siya tumigil doon; ibig niyang maging maliwanag ang kanyang nasa isip at siya ay nagtapos: «At ikaw ay masamâ» at upang matiyak na walang pagkakamali kung aling tao ang pinatutungkulan, magaan niyang sinipa ang paa ng Iskariote.

Si Tomas ay napahalakhak, na nagawa ang iba na tumawa rin, habang sinasabi niya: «Kaawa-awang Judas! Totoo ngang ang mga bata ay hindi ka nagugustuhan! Paminsan-minsan ang isa sa kanila ay hinuhusgahan ka, at lagi nilang sinasabi na ikaw ay masamâ!...»

Napakaliit ang ugaling mapagpatawa ni Judas na pinakikita niya ang kanyang galit, isang di-makatarungan na galit, wala sa proporsiyon ng dahilan at ng bagay na pinagmulan ng kanyang galit at pinararaos niya ang kanyang init ng ulo sa pag-agaw sa bata mula sa mga tuhod ni Jesus at tinatapon niya ang bata nang paatras, sumisigaw: «Ito ang nangyayari kapag sa seryosong mga bagay tayo ay may mga komedya na palabas; ito ay hindi desente o mapakikinabangan na magdala tayo ng isang prusisyon ng mga babae at walang mga magulang na mga bata...»

«Hindi, hindi mo masasabi iyan. Nakilala mo rin ang kanyang ama. Siya ay ang legal na asawa, at isang makatarungan na tao» wika ni Bartolomeo nang mahigpit.

«Kung gayon? Siya ba ay hindi isang hampaslupa at isang magnanakaw sa hinaharap? Hindi ba’t siya ang dahilan ng di-magagandang sabi-sabi sa ating likuran? Ang ilang tao ay inakala na siya ay anak ng Inyong Ina... At nasaan ang asawa ng Inyong Ina upang mapangatwiranan ang isang anak na katulad ng kanyang edad? O inaakala nila na siya ay anak ng isa sa atin, at...»

«Tama na ang tungkol diyan. Nagsasalita ka ng wika ng mundo. Ngunit ang mundo ay nagsasalita ng isang maruming wika sa mga palaka, sa mga tubig-ahas, sa mga butiki, sa lahat ng di-malinis na mga hayop... Halika, Alfeo. Huwag umiyak. Halika sa Akin. Kakargahin kita.»

Ang maliit na bata ay lubos na namimighati. Ang lahat ng kanyang kapighatian ng isang ulila na itinakwil ng kanyang ina at kumalma sa loob ng nakaraang mga araw, ay muling lumabas, kumulo at umapaw. Siya ay umiiyak hindi labis dahil sa mga galos sa kanyang noo at mga kamay, na nakuha niya nang siya ay bumagsak sa mabatong lupa, mga galos na ngayon nililinis ang hinahalikan ng mga babae upang paginhawahan siya, bagkus dahil sa kanyang pamimighati ng isang anak na hindi minamahal. Isang mahabang makabagbag-damdamin na pag-iyak, na sa loob ng pag-iyak sumisigaw siya para sa kanyang ama, sa kanyang ina... O! kaawa-awang bata!

At ako ay umiiyak kasama niya, dahil ang mga tao ay hindi kailanman nagkaroon ng pagtingin sa akin, at kasama siya naninilungan ako sa mga bisig ng Diyos, ngayon, ang anibersaryo ng paglilibing sa aking ama; ngayon kung kailan ang di-makatarungan na pasya ay pinagkakaitan ako na tumanggap ng Banal na Komunyon nang madalas...

Si Jesus ay kinuha siya, hinahalikan siya, inuugoy siya at pinagiginhawahan siya, naglalakad sa unahan ng lahat, na ang inosenteng bata karga Niya, sa loob ng liwanag ng buwan... At ang kanyang pag-iyak ay unti-unting humihina at ang kanyang paghikbi ay pawala nang pawala. Sa katahimikan ng gabi ang tinig ni Jesus ay maririnig nagsasabing: «Naririto Ako, Alfeo. Naririto Ako para sa lahat. Ako ay magiging ama at ina para sa iyo. Huwag umiyak. Ang iyong ama ay malapit sa Akin at hinahalikan ka niya kasama Ko. Ang mga anghel ay tinitingnan ka katulad ng mga ina. Kung ikaw ay mabuti at inosente, ang lahat ng aming pagmamahal ay nasa iyo...»

At ang paos na tinig ng isa sa tatlong mga lalaki na nanggaling sa Hippo ay naririnig nagsasabing: «Ang Guro ay mabuti at nakukuha Niya ang pansin ng mga tao. Ngunit ang Kanyang mga disipulo ay hindi. Aalis na ako...»

At sa isang mahigpit na tinig ang Zealot ay nagsabi sa Iskariote: «Nakikita mo ba kung ano ang nagagawa ng iyong asal?»

Tanging ang balo lamang mula sa Aphek ang nananatili kasama ang mga babaeng disipulo at nagbubuntung-hiningang kasama sila. Dahil sa ang tatlong lalaki mula sa Hippo ay wala na, maririnig na lamang ang mas mahinang pagkaluskos ng mga paa. Ang sitwasyon ay hindi nagbabago hanggang nang tumigil sila malapit sa isang malaking gruta, kung saan ang mga pastol ay baka naninilungan, sapagkat may isang latag ng tuyong mga kahoy at mga pakò, na mga kapuputol pa lamang, inilatag sa lupa upang matuyo.

«Tayo ay tumigil dito. Ating ayusin ang higaan na ito ng awa’t tulong ng Maykapal para sa mga babae. Makahihiga tayo sa labas lamang, sa damuhan» sabi ni Jesus. At ito ang kanilang ginawa, habang ang kabilugan ng buwan ay naglalayag sa arko ng langit.

280511/012913

 


Sunod na kabanata