458. Ang Sabbath sa Capernaum.

Hulyo 18, 1946.

«Hindi ba Ninyo ibabalik ang bata sa kanyang ina?» si Bartolomeo ay tinatanong si Jesus, nang makita niya Siya sa terasa labis na nakalubog sa pagdarasal.

«Hindi. Maghihintay Ako hanggang makabalik siya mula sa sinagoga...»

«Umaasa ba Kayo na ang Panginoon ay magsasalita sa kanya doon... at na siya... ay maiintindihan niya ang kanyang tungkulin? Kayo ay nag-iisip nang matalino. Ngunit siya ay hindi matalino. Ang kahit sino pang ibang ina ay nagmadali sana rito kahapon upang kunin ang kanyang anak. Matapos man ang lahat... galing tayo sa paglalayag sa isang masalimuot na dagat... hindi niya alam kung kailan tayo dumating... Siya ba ay nanabik upang malaman kung ang kanyang anak ay naghirap? Siya ba ay darating ngayong umaga? Tingnan kung gaano karami nang ina ang gising, bagama't napakaaga pa, dahil nananabik silang maisampay ang pinakamagagandang damit at mapatuyo ito nang husto upang maging malinis sana ito at maihanda na para suutin ng mga bata sa araw ng Panginoon. Ang isang Pariseo ay maaaring sabihin na sila ay gumagawa ng mabigat na trabaho sa pagsasampay ng maliliit na damit na iyon. Sasabihin ko na sila ay gumagawa ng isang pagtatrabaho ng pagmamahal, sa Diyos at sa kanilang mga anak. Karamihan sa kanila ay mahihirap na babae. Tingnan, sa banda roon ay si Maria ni Benjamin at si Rebecca ni Micah. At sa ibabaw ng terasa na iyon si Johanna ay matiyagang nagkakalas ng pagkakabuhul-buhol ng palawit ng lumang manta ng kanyang anak upang hindi iyon masyadong magmukhang masagwa kapag ang bata ay pumunta sa banal na seremonya. At sa banda roon, sa baybayin na malapit nang ganap na málantad sa araw, si Selida ay naglalatag ng magaspang na tela upang magmukha itong mas pino, samantalang maganda lamang ito gawa ng sakripisyong kanyang ginagawa: napakaraming mga mumo ng tinapay, na kanyang ipinagkakait sa kanyang gutom na tiyan, upang ito ay maging mga hakot ng abaka. At iyon ba ay hindi si Adina na nagkukuskos ng mga dahon sa kupás nang damit ng kanyang anak na babae upang ito ay magmukhang mas may-kulay? Ngunit hindi ko siya makita...»

«Harinawang baguhin ng Panginoon ang kanyang puso! Wala nang iba pang kailangan na sabihin...»

Sila ay nananatiling nakasandal sa mababang pader ng terasa, tinitingnan ang kalikasan na napanariwa ng bagyo na luminis kapwa sa atmospera at sa mga tanim. Ang lawa, na hindi pa ganap na kalmante, ay hindi pa kasing asul katulad ng dati, sapagkat may mga guhit-guhit pa ito ng mga tubig ng mga ilog na, nasa pagbaha sa loob ng ilang mga oras, ay humila ng alikabok ng kanilang tuyong mga ilalim, ngunit maganda sa kabila ng mga pagpasok ng manilaw-nilaw na lupa. Nagmumukha itong katulad ng isang malaking lapis-lazuli na may mga perlas, at ngumingiti ito sa panatag na araw na sumisinag sa kasalukuyan mula sa likuran ng kanlurang mga bundok at kumikislap sa lahat na mga patak ng ulan na mga nakabitin pa mula sa mga sanga at mga dahon. Ang mga golondrina at mga kalapati ay malugod na lumilipad sa napadalisay na ere at ang lahat na klase ng mga ibon ay tumitili at sumisiyap sa madadahon na mga sanga.

«Ang mainit na panahon ay natatapos na. At ang panahon na ito ay maganda, mayaman at maganda. Katulad ng magulang na edad. Hindi ba, Guro?»

«Oo... maganda...» Ngunit si Jesus ay halatang nawawala sa isip.

Si Bartolomeo ay tinitingnan Siya... Pagkatapos siya ay nagtanong: «Ano ang Inyong iniisip? Ang tungkol sa Inyong sasabihin ngayon sa sinagoga?»

«Hindi. Iniisip Ko na ang mga maysakit ay maghihintay sa atin. Lumakad tayong dalawa at pagalingin sila.»

«Tayo lamang dalawa?»

«Sina Simon, Andres, Santiago at Juan ay umalis upang hanguin ang panghuli ng ulang na iniakma ni Tomas nakikita ang ating pagdating. Ang iba pa ay natutulog. Tayo nang dalawa.»

Sila ay bumaba patungo sa kabukiran, sa mga bahay na nakakalat sa pagitan ng mga hardin ng gulay, o sa mga bukid, naghahanap para sa mga maysakit na pinatuloy sa mga bahay ng mahihirap na tao, na laging mapag-aruga.

Ngunit ang ilang mga tao ay tumakbong nauna na sa Kanya, hinuhulaan kung saan Siya pupunta at ang ilang ay nagsabi sa Kanya: «Maghintay dito, sa aking pangkusinang-hardin, dadalhin namin sila sa Inyo rito...» At kaagad, katulad ng mga tubig ng munting mga sapa na nag-iipun-ipon sa isang sanaw lamang, ang mga maysakit ay dumarating mula sa lahat na mga direksiyon o dinadala sa Kanya, Na, nagpapagaling sa kanila. Ang mga himala ay nagawa.

Si Jesus ay pinahahayo sila nagsasabing: «Kung may magtatanong sa inyo, huwag sabihin na pinagaling Ko kayo. Bumalik sa mga bahay na kinaroroonan ninyo. Ang disipulo Kong ito ay magdadala ng ilang tulong sa mga mas nangangailangan bago lumubog ang araw.»

«Hindi, huwag Siyang banggitin, sapagkat mapapasamâ ninyo Siya. Alalahanin na ito ay ang Sabbath at maraming tao ang napopoot sa Kanya» pagpapatotoo ni Bartolomeo.

«Hindi namin ipapahamak Siya Na tumulong sa amin. Sasabihan namin ang mga tao sa aming mga nayon, nang hindi binabanggit ang araw kung kailan kami pinagaling» sabi ng isang lalaki na dati ay isang paralitiko.

«Hindi lang, bagkus, sasabihin ko na tayo ay kailangan na kumalat sa kabukiran sa paghihintay sa paglubog ng araw. Ang mga Pariseo ay nalalaman kung saan tayo binigyan ng matutuluyan at sila ay baka pumunta upang tumingin...» sabi ng isa na ang kaninong may sakit na mata ay pinagaling.

«Tama ka, Isaac. Kahapon labis ang ating hinihingi at napakaraming bagay... Iisipin nila na, bilang napagod sa kahihintay, tayo ay umalis bago ang paglubog ng araw.»

«Ngunit hindi ba’t nakita tayo ng apostol kagabi» tanong ng isa na dati ay bulag. «Hindi ba’t siya iyon na nagsasalita?»

«Hindi. Iyon ay isa sa mga kapatid ng Panginoon. Hindi niya tayo pagtataksilan.»

«Sabihin lang ninyo kung saan ko kayo matatagpuan upang makita ko sana kayo pagpunta ko» sabi ni Bartolomeo.

Ang mga maysakit ay nag-uusap-usap. Ang iba ay gustong lumakad pagawing Korazim, ang iba pagawing Magdala. Iniwan nila kay Jesus ang pagpapasya.

At si Jesus ay nagsabi: «Pumunta sa mga bukid sa tabi ng daan patungong Magdala. Sundan ang ikalawang ilog pagkatapos makakakita kayo ng isang bahay. Pumunta kayo doon at sabihin: “Si Jesus ay pinadala kami”. Tatanggapin kayo nila bilang mga kapatid. Lakad at ang Diyos makasama kayo at kayo makasama ang Diyos, hindi gumagawa ng kahit anong kasalanan sa hinaharap.»

At si Jesus ay umalis muli, ngunit hindi Siya tuwiran na bumalik sa nayon sa pamamagitan ng daan na Kanyang dinaanan pagpunta. Naglalakad sa isang pakurbang landas sa pagitan ng mga pangkusinang hardin nakarating Siya sa bukal malapit sa lawa, habang ang mga babae ay dinudumog ito sa kanilang kagustuhan na makuha ang kanilang panustos na tubig habang malamig pa at ang araw ay hindi pa mataas sa kalangitan.

«Ang Rabbi! Ang Rabbi!» Nagkaroon ng pagdagsa ng mga babae, mga bata at mga lalaki din, karamihan matatanda, na mga walang ginagawa dahil sa Sabbath.

«Isang salita, Guro, upang magawa ang araw na ito na masaya» sabi ng isang matandang lalaki, na may hawak na isang batang lalaki sa kamay, baka apo, sapagkat kung ang lalaki ay tiyak na halos sandaan taon ang edad, ang maliit na bata ay hindi hihigit sa anim na taon.

«Oo, pakiusap matandang Levi, at sa amin din pati.»

«Mapapakinggan ninyo ang pagpapaliwanag ni Jairus ngayon. Naririto Ako upang pakinggan siya. Kayo ay may marunong na lider ng sinagoga...»

«Bakit sinasabi Ninyo iyan, Guro? Kayo ang ulo ng lahat na mga lider ng mga sinagoga, ang Guro ng Israel. Kayo lamang ang aming kinikilala.»

«Hindi, hindi ninyo dapat gawin ang ganyan. Ang mga lider ng sinagoga ay itinalagang ating mga guro, upang maisabuhay ang ritwal ng pagsamba kasama kayo, nagtatatag ng mabuting halimbawa, upang magawa kayong tapat na mga Israelita. Magkakaroon pa rin ng mga lider ng sinagoga kapag Ako ay wala na rito. Magkakaroon sila ng ibang pangalan at ang kanilang mga seremonya ay magiging iba, subalit sila pa rin ang magiging mga ministro ng ritwal ng pagsamba. Kailangan na mahalin ninyo sila at magdasal para sa kanila. Sapagkat kung saan mayroong mabuting lider ng sinagoga nariyan ang mabuting mga naniniwala at, dahil diyan, naririyan ang Diyos.»

«Gagawin namin iyan. Ngunit magsalita sa amin ngayon. Kami ay napagsabihan na malapit na Ninyo kaming iwanan...»

«Napakarami Kong tupa na nakakalat sa buong Palestina. Lahat sila ay naghihintay para sa kanilang Pastol. Ngunit nasa inyo ang Aking mga disipulo, na dumarami nang dumarami at padunong pa nang padunong...»

«Oo, ngunit ang Inyong sinasabi ay laging mabuti at madaling maintindihan ng aming mangmang na mga isip.»

«Ano ang sasabihin Ko sa inyo?...»

«Jesus, kanina pa namin Kayo hinahanap kung saan-saan!» sigaw ni Jose ni Alfeo, na kararating pa lamang kasama ang kanyang kapatid na si Simon at ang isang grupo ng mga Pariseo.

«At saan maaaring mapunta ang Anak ng tao kung hindi sa aba at mga may-simpleng puso na mga tao? Kinailangan ba ninyo Ako? Naririto Ako. Ngunit pahintulutan na makapagsalita muna Ako ng isang salita sa mga taong ito... Makinig. Kayo ay napagsabihan na malapit Ko na kayong iwanan. Iyan ay totoo. Hindi Ko iyan itinanggi. Ngunit bago kayo iwanan binibigay Ko ang kautusan na ito sa inyo: bantayan nang mabuti ang inyong mga sarili upang makilala ninyo nang mabuti ang inyong sarili, at lapitan at lapitan pa nang lalo ang Liwanag upang kayo ay sana makakita. Ang Aking salita ay Liwanag. Pangalagaan ito sa loob ng inyong mga puso at kapag sa pamamagitan ng liwanag nito makakita kayo ng mga mantsa o mga anino, usigin ang mga ito upang mapalayas sila sa inyong mga puso. Kayo ay hindi na dapat maging katulad ng bago Ko kayo makilala. Kayo ay kailangan na mas mabuti na sapagkat mas marami na kayo ngayong nalalaman. Dati kayo ay tila nasa isang dapit-hapon, ngayon nasa loob na ninyo ang Liwanag. Kayo kung gayon ay maaaring ang mga anak ng Liwanag. Tingnan ang kalangitan sa umaga kapag nagliliwanag ito sa pagsikat ng araw: ito ay baka tila maliwanag lamang sapagkat ito ay hindi ganap na natatakpan ng mga ulap ng bagyo, ngunit habang lumalakas ang liwanag at ang maningning na araw ay nagpapakita mula sa silangan, diyan ang ating nagulat na mga mata nakakakita ng malarosas na mga pulô sa asul na kalawakan. Ano ang mga ito? O! maliliit na magagaan na ulap, napakagaan na sila ay tila wala roon, habang ang liwanag ay mahina, ngunit ngayon, naliliwanagan ng araw, katulad nila ang magaan na bulà sa kisame ng langit. At sila ay nananatili doon hanggang ang araw ay tunawin sila tinataboy kasama ang kanilang kariktan. Gawin din ang ganito sa inyong mga kaluluwa. Dalhin sila nang papalapit nang papalapit sa Liwanag upang makita kahit na ang pinakamaliit na ulap at pagkatapos panatilihin silang nasa ilalim ng dakilang Araw ng Karidad. Tutupukin nito ang inyong mga diperensiya katulad na pinasisingaw ng araw ang magaan na kahalumigmigan na naipon sa maninipis na maliliit na ulap na iyon na tinutunaw ng araw sa pagsikat nito. Kung mananatili kayong matatag na nasa loob ang Karidad ay patuloy na gagawa ng mga kababalaghan sa loob ninyo. Humayo na ngayon at maging mabuti...»

Pinahayo Niya sila at pumunta sa Kanyang dalawang pinsan, na Kanyang hinahalikan pagkatapos na makayuko nang malalim sa mga Pariseong naroroon, kasama rito si Simon ang Pariseo ng Capernaum. Ang iba ay di kilala sa akin.

«Matagal na namin Kayong hinahanap mas para sa mga taong ito kaysa sa para sa aming sarili. Nanggaling sila sa Nazareth sa paghahanap para sa Inyo, kung kaya't...»

«Kapayapaan sa inyo. Ano ang kailangan ninyo?»

«O! wala. Gusto lamang namin na makita Kayo, makinig sa Inyo at mapakinggan ang karunungan ng Inyong mga salita...»

«Para lamang diyan?»

«Sa katunayan, para mabigyan din Kayo ng payo... Kayo ay napakabuti at ang mga tao ay sinasamantala ito. Ang mga taong ito ay hindi mabuti. At nalalaman Ninyo iyan. Bakit hindi Ninyo sinusumpa ang mga makasalanan?»

«Sapagkat ang Ama ay inutusan Ako na iligtas sila, hindi upang mawala sila.»

«Mapapások Kayo sa gulo...»

«Hindi na bale. Hindi Ko masusuway ang utos ng Kataastaasan para sa kahit anong pantaong pakinabang.»

«At kung... Alam Ninyo... Ikinakalat na sinusuyo Ninyo ang mga pulutong upang magamit sila sa isang paghihimagsik. Kami ay naparito upang tanungin Kayo kung ito ay totoo.»

«Kayo ba ay pumunta rito o kayo ay pinapunta?»

«Iyan ay parehong bagay din.»

«Hindi. Hindi iyan pareho. Ngunit Ako ay tumutugon sa inyo at sa mga nagpapunta sa inyo na ang tubig na umaapaw mula sa Aking timba ay tubig ng kapayapaan, na ang butil na Aking kinakalat ay ang butil ng pagrerenunsiya. Ginugupit Ko ang mapagmalaking mga sanga. Nakahanda Akong ilantad ang mga ugat ng masasamang punungkahoy, upang hindi sana nila mapinsala ang mabubuting punungkahoy, kung sila ay hindi maaaring ihugpong. Ngunit kung ano ang Aking tinatawag na “mabuti” ay hindi ang inyong tinatawag na mabuti. Sapagkat tinatawag Kong mabuti ang pagsunod, karukhaan, pagrerenunsiya, kababaang-loob at ang karidad na ang kasama rito ay ang lahat na aba at kaawa-awang mga sitwasyon. Huwag matakot sa sinuman. Ang Anak ng tao ay hindi naglalatag ng mga patibong para sa mga kapangyarihan ng mga tao, bagkus naparito upang maghasik ng lakas sa mga kaluluwa. Humayo at sabihin na ang Kordero ay hindi kailanman magiging isang lobo.»

«Ano ang ibig Ninyong sabihin? Napagkakamalan Ninyo kami at napagkakamalan namin Kayo.»

«Hindi. Tayo ay nagkakaintindihan nang napakabuti...»

«Bueno, kung gayon naiintindihan ba Ninyo kung bakit kami naparito?»

«Oo, upang sabihin sa Akin na Ako ay hindi kailangan na magsalita sa mga pulutong. At hindi ninyo naiisip na hindi ninyo Ako mapagbabawalan na makapunta, katulad ng bawat Israelita, kung saan ang mga Iskriptura ay binabasa at pinaliliwanag at kung saan ang bawat tinúli na lalaki ay may karapatan na magsalita.»

«Sino ang nagsabi sa Inyo? Ito ay si Jairus, hindi ba? Iuulat namin iyan.»

«Hindi Ko pa nakikita si Jairus.»

«Kayo ay nagsisinungaling.»

«Ako ang Katotohanan.»

Ang isang lalaki na nasa pulutong na nagkaipun-ipon muli ay nagsabi: «Siya ay hindi nagsisinungaling, Si Jairus ay umalis bago lumubog ang araw kasama ang kanyang asawa at anak na babae; dinala niya sila upang makita ang kanyang ina, na namamatay at siya ay babalik lamang pagkatapos ng mga puripikasyon. Iniwan niya ang kanyang katulong doon.»

Ang mga Pariseo ay wala ng pagkakataon na mapatunayan na si Jesus ay nagsisinungaling, ngunit sila ay nagbubunyi nalalaman na hindi Niya kasama ang Kanyang pinakamalakas na kaibigan sa Capernaum. Sila ay nagkakatinginan: isang pagpapakita ng makahulugang mga sulyap.

Si Jose ni Alfeo, ang pinakamatandang anak na lalaki sa pamilya, ay naramdaman na kanyang katungkulan ang ipagtanggol si Jesus at kinakausap niya si Simon ang Pariseo nagsasabing: «Ako ay pinarangalan mo sa pagbahagi mo ng iyong tinapay at asin sa akin at ang Kataastaasan ay titingnan ang ganyang pagpaparangal sa supling ni David. Pinakita mo ang iyong sarili na isang makatarungan. Ang aking kapatid ay inaakusahan ng mga Pariseong ito. Kahapon sinabi nila sa akin, ang ulo ng pamilya, na ang kanilang tanging kapighatian ay na si Jesus ay kinalilimutan ang Judaea, sapagkat, bilang ang Mesiyas ng Israel, katungkulan Niya na mahalin at ebanghelyuhan ang buong Israel sa magkakaparehong paraan. Nakita ko ang kanilang argumento na makatarungan at sasabihan ko ang aking kapatid. Ngunit bakit sila nagsasalita nang ibang-ibang ngayon? Dapat sabihin man lamang nila kung bakit Siya ay hindi kailangan na magsalita. Sa ganang nalalaman ko wala Siyang sinasabi na laban sa Batas o sa mga Aklat. Sabihin sa akin ang katotohanan na rason at aking kukumbinsihin si Jesus na magsalita nang may kaibahan.»

«Ang sinasabi mo ay tama. Tumugon sa lalaki...» sabi ni Simon ang Pariseo. «Siya ba ay nakapagsalita... ng kahit ano na mapaglapastangan?»

«Hindi. Ngunit ang Sanhedrin ay inaakusahan Siya ng paghahati-hati, ng pagsisikap na mahati ang Nasyon. Ang Hari ay kailangan na maging ang Hari ng Israel, hindi lamang ng Galilee.»

«Mahal ang lahat ng Amangbayan, pinakamahal sa lahat, sa Amangbayan, ay ang lugar ng kapanganakan. Ang Kanyang pagmamahal para sa Galilee ay hindi ganyan kalalang rason upang marapatin ang maparusahan. Maging ano pa man, tayong lahat ay kay David, kung gayon...»

«Gawin Siyang pumunta sa Judaea kung gayon. At sabihin sa Kanya na huwag kaming hamakin.»

«Napakinggan Mo ba iyon? Ito ay isang karangalan para sa Iyo at para sa pamilya!» sabi ni Jose medyo mahigpit at medyo may-kayabangan.

«Oo, napakinggan Ko.»

«Pinapayo ko sa Iyo na umayon sa kanilang mithiin. Iyon ay mabuti at mapagparangal. Sinasabi Mo na gusto Mo ng kapayapaan, Tapusin, kung gayon, ang di pagkakaintindihan ng dalawang rehiyon, sa dahilan na minamahal Ka kapwa nila. Tiyak na gagawin Mo iyan. O! Tiyak na gagawin Niya iyan. Matitiyak ko sa inyo sa katauhan Niya sa dahilan na Siya ay masunurin sa Kanyang mga nakatatanda.»

«Ito ay nakasulat: “Walang sinuman na mas mahigit pa sa Akin. Walang ibang diyos maliban sa Akin”. Lagi Kong gagawin kung ano ang gusto ng Diyos.»

«Napakinggan ba ninyo Siya? Kung gayon, makakalakad na kayo sa kapayapaan.»

«Napakinggan namin Siya. Ngunit, Jose, bago umalis, ibig naming malaman kung ano ang ibig-sabihin Niya ng “kung ano ang gusto ng Diyos”.»

«Ang gusto ng Diyos ay ang gawin Ko ang Kanyang kalooban.»

«Na siyang ano? Sabihin sa amin.»

«Na sana mapagsama-sama Ko ang mga tupa ng Israel at pag-isahin sila sa isang kawan lamang. At gagawin Ko iyan.»

«Tatandaan namin sa isip ang Inyong mga salita.»

«Iyan ay mabuti, Samahan sana kayo ng Diyos» at si Jesus ay umalis sa grupo ng mga Pariseo at pumunta sa bahay.

Ang Kanyang pinsan ay nakatayo sa tabi Niya, medyo masaya, medyo di-masaya, at na may pagtangkilik na aktitud pinakikita niya sa Kanya na kung alam lang ng isa kung papaano makitungo sa kanila (katulad ng ginawa niya), kung ang isa ay sumasandal sa mga kamag-anak (katulad ng mabuti na lang na siyang nangyari ngayon), kung naaalaala ng isa ang kanyang karapatan sa trono (bilang supling ni David), at patuloy pa, kahit mga Pariseo ay magiging mga kaibigan.

Si Jesus ay pinutol siya nagsasabing: «At pinaniniwalaan mo iyan? Pinaniniwalaan mo ang kanilang mga salita? Totoo nga, ang pagmamalaki at huwad na mga papuri ay sapat na upang magawa ang mga tao na lubos na mabulag.»

«Ngunit... magagawa kong masiyahan sila. Hindi Mo sila maaasahan na itataas Ka nila hanggang balikat sumisigaw ng hosana, nang bigla na lamang... Kailangan na makuha Mo sila, Jesus, nang may kaunting kababaang-loob, kaunting pasyensiya. Ang karangalan ay karapat-dapat ng bawat sakripisyo...»

«Tama na ang ganyan! Nagsasalita ka ng mga pantaong salita, at mas malala pa nga. Patawarin ka nawa ng Diyos, at bigyan ka ng liwanag, kapatid. Ngunit umalis ka, sapagkat pinamimighati mo Ako. At huwag banggitin ang ganyang katangahang payo sa iyong ina at mga kapatid o sa Aking Ina.»

«Ibig Mong masira! Ikaw ang dahilan ng aming kasiraan at ng Iyong sarili!»

«Bakit ka pumunta rito kung ikaw ay pareho pa rin? Hindi pa Ako naghirap para sa iyo. Ngunit maghihirap Ako, at pagkatapos...»

Si Jose ay nakaalis na... balisá.

«Nayayamot Ninyo siya... Siya ay katulad ng aming ama, alam Ninyo. Siya ay isang lumang Israelita...» bulong ni Simon.

«Kapag maintindihan niya, makikita niya na ang Aking kinikilos, na kanya ngayong tinitingnan na nakayayamot, ay banal...»

Sila ay nasa may pintuan ng bahay. Sila ay pumasok. Si Jesus ay nagsabi kay Pedro: «Ihanda ang bangka paglubog ng araw. Dadalhin natin ang dalawang Maria sa Tiberias at si Simon ang bahala sa kanila na makauwi. Si Mateo ay sasama sa iyo bilang karagdagan sa iyong mga kasamahan, ang mga mangingisda. Ang iba pa ay mananatili dito at maghihintay para sa atin.»

Si Pedro ay inihiwalay si Jesus: «At kung ang lalaki mula sa Antioch ay dumating? Tinatanong ko Kayo dahil kay Judas ng Kerioth...»

«Ang iyong Guro ay sinasabi sa iyo na tatagpuin natin siya sa piyer sa Tiberias.»

«O! bueno!» at sa isang malakas na tinig: «Ang bangka ay magiging handa.»

«Inay, halikayo sa itaas kasama Ko. Magkakasáma tayo sa loob ng mga oras na ito.»

Si Maria ay sinundan Siya nang hindi nagsasalita. Pumunta sila sa itaas sa isang silid na malamig at malilim sapagkat natatakpan ito ng isang baging at protektado sa araw sa pamamagitan ng mga kurtina.

«Ikaw ay aalis, Aking Jesus!?» Si Maria ay maputlang maputla.

«Oo. Panahon na.»

«At hindi ba Ako kailangan na pumunta para sa mga Tabernakulo? Anak!...» sabi ni Maria nang may isang hikbi.

«Inay! Bakit? Hindi ito ang unang pagkakataon na tayo ay maghihiwalay!»

«Hindi, iyan ay totoo. Ngunit... O! Naaalaala Ko kung ano ang sinabi Mo sa Akin sa kakahuyan malapit sa Gamala... Anak! Patawarin ang isang abang babae. Ako ay susunod... Sa tulong ng Diyos magiging malakas Ako... Ngunit kailangan Ko ng isang pangako mula sa Iyo...»

«Alin, Inay?»

«Na hindi Mo itatago ang nakakatakot na oras sa Akin. Hindi dala ng awa, hindi dala ng di-pagtitiwala sa Akin... Iyan ay magiging napaka kapigha-pighati... at labis na pagpapahirap. Kapigha-pighati sapagkat... Malalaman Ko ang lahat nang bigla na lamang at hindi mula sa mga tao na nagmamahal sa Akin katulad ng Iyong pagmamahal sa kaawa-awang Ina na ito... At ito ay magiging isang pagpapahirap kung Aking iisipin na kung habang Ako ay nag-iikid o naghahabi o tumitingin sa mga kalapati, Ikaw, Aking Anak, ay pinapatay...»

«Huwag matakot, Inay.  Malalaman Ninyo... Ngunit hindi ito ang ating huling pagpapaalam. Magkikita pa tayo muli...»

«Talaga?»

«Oo. Magkikita pa tayo muli.»

«At sasabihin Mo ba sa Akin: “Isasagawa Ko ang Sakripisyo”? O!...»

«Hindi Ko sasabihin ang ganyan. Ngunit maiintindihan Ninyo... At pagkatapos ito ay magiging kapayapaan. Labis na kapayapaan... Isipin na lamang: ang magawa ang lahat na gusto ng Diyos mula sa atin, Kanyang mga anak, para sa ikabubuti ng lahat na iba pang mga anak. Labis na kapayapaan... Ang kapayapaan ng perpektong pagmamahal...» Hawak Siya ni Jesus sa Kanyang dibdib, hinahawakan Siya nang mahigpit sa isang mag-inang yakap. Si Jesus labis na mas mataas at mas malakas, si Maria mas maliit, bata pa sa Kanyang walang-bahid na kabataan ng katawan at hitsura, naidagdag sa eternal na kabataan ng Kanyang imakuladang espiritu.

At inuulit Niya nang makabayani, napaka makabayani: «Oo. Kung ano ang gusto ng Diyos...»

Walang iba pang mga salita. Ang dalawang Perpektong Tao ay sinisimulan na ang sakripisyo ng kanilang pinakamahirap na pagsunod. Walang luha ang iniluha. Walang mga halik ang ibinigay. Naroon lamang ang Dalawa Na nagmamahal nang perpekto at inilalatag ang kanilang pagmamahal sa paanan ng Diyos.

170611

 

 


Sunod na kabanata