46. Si Jesus Tinukso sa Disyerto ng Dimonyo.

Pebrero 24, 1944. Huwebes pagkatapos ng Ash Wednesday.

¹Nakikita ko ang nangungulilang lupa na nakita ko na sa aking kaliwa sa bisyon ng pagbibinyag kay Jesus sa Jordan. Ngunit ako ay baka nasa mas loob pa ng disyerto, sapagkat hindi ko nakikita ang maganda, asul, mabagal na dumadaloy na tubig, o ang berdeng mga hilera ng mga tanim na namamaybay sa mga pampang, at nasusustentuhan ng mga tubig nito. Wala ni anuman dito bagkus pangungulila, mga bato at gayon katuyong lupa na ito ay naging manilaw-nilaw na alikabok, itinataas paminsan-minsan ng hangin sa maliliit na mga ipu-ipo, na napakainit at tuyo na tila ito ay hininga ng isang nilalagnat na bunganga. At ito ay nakaiinis dahil ang alikabok ay pinapasok ang mga ilong at ang mga lalamunan. May kaunting-kaunting matinik na mga palumpong, na nakapagtatakang nakapamumuhay sa labis na kalagiman. Nagmumukha itong maliliit na buhol ng natitirang mga buhok ng isang kalbong ulo. Sa itaas, ay naririyan ang walang-awang asul na kalangitan; sa ibaba, ang tigang na lupa; sa paligid, ang mga bato at katahimikan. Iyan ang aking nakikita tungkol sa kalikasan man lang.

²Nakasandal sa isang napakalaking nakausling bato na, dahil sa korte nito, napoporma ang isang klase ng gruta, naroroon si Jesus nakaupo sa isang bato na dinala sa loob ng isang kuweba. Ganyan kung papaano Niya pinoprotektahan ang Kanyang sarili sa nanununog na araw. At ang aking nasa-loob na tagapag-ulat ay sinasabi sa akin na ang bato, kung saan Siya ngayon nakaupo, ay ang Kanya ring luhuran at unan, kapag Siya ay nagpapahinga nang kaunting oras, nakabalot sa Kanyang manta, sa ilalim ng isang mabituing kalangitan sa loob ng malamig na hangin ng gabi. Malapit sa Kanya, ay naroon ang bag na nakita kong kinuha Niya bago umalis sa Nazareth. Iyon lang ang lahat na mayroon Siya. At sa hitsura ng pagkakalupi nito, nabatid ko na nawalan na ito ng kaunting pagkain na inilagay dito ni Maria.

Si Jesus ay payat-na-payat at maputla. Siya ay nakaupo na ang Kanyang mga siko nakapatong sa Kanyang mga tuhod, ang Kanyang mga braso nakaunat paharap, ang Kanyang mga kamay magkakabit at ang Kanyang mga daliri sala-salabat. Siya ay nagninilay-nilay. Paminsan-minsan Siya ay titingala at titingin sa paligid, pagkatapos titingnan ang araw, halos nasa tuktok ng asul na kalangitan. Paminsan-minsan, lalo na pagkatapos na tingnan ang paligid at ang araw, isasara Niya ang Kanyang mga mata at sasandal sa batong nagpoprotekta sa Kanya, na tila Siya ay pinanghihinaan sa pagkahilo.

³Nakikita ko na lumitaw ang pangit na mukha ni Satanas. Hindi niya pinakikita ang kanyang sarili sa hitsura na ating naiisip tungkol sa kanya: mga sungay, buntot atbp. Kamukha niya ang isang bedouin nakabalot sa kanyang kapa at sa isang malapad na manta na nakakatulad ang isang domino. Siya ay nakasuot ng isang turban sa kanyang ulo at ang maputing mga pardilya nito ay bumabagsak sa tabi ng kanyang mga pisngi, hanggang sa kanyang mga balikat pinoprotektahan ang mga ito. Kung gayon tanging napakaliit na madilim na triyanggulo lamang ng kanyang mukha ang makikita, na may manipis, paliku-likong mga labì, napakaitim na lubog na mga mata, punó ng may-batubalaning mga kislap. Dalawang mata na nanlalagos at binabasa ang kalaliman ng iyong puso, ngunit kung saan wala kang mababasang kahit ano, o isang salita lamang: misteryo. Ang pinaka-kabaligtaran ng mga mata ni Jesus, napaka-mabatubalani din at nakabibighani, na binabasa ang iyong puso, ngunit kung saan mababasa mo rin na sa loob ng Kanyang puso ay may pagmamahal at kagandahang-loob para sa iyo. Ang mga mata ni Jesus ay hinahaplos ang iyong kaluluwa. Ang kay Satanas ay katulad ng isang may-dobleng-talim na punyal na tumutusok at nanununog sa iyo.

⁴Nilapitan niya si Jesus: «Nag-iisa Ka ba?»

Si Jesus ay tinitingnan siya, ngunit hindi tumutugon.

«Papaanong nangyari na naririto Ka? Nawala Ka ba?»

Si Jesus ay tiningnan siya muli, at tahimik.

«Kung may tubig ako sa aking prasko, bibigyan kita nang kaunti. Ngunit wala ako mismo. Ang aking kabayo ay namatay, at ngayon naglalakad na lang ako patungo sa piyordo. Kukuha ako ng maiinom doon, at makakakita ako ng magbibigay sa akin ng ilang tinapay. Alam ko ang daan. Sumama Ka sa akin. Dadalhin kita roon.»

Si Jesus ay ni hindi siya tinitingnan.

«Hindi Ka sumasagot? Nalalaman Mo ba na kung mananatili Ka rito, mamamatay Ka? Ang hangin ay nagsisimula nang umihip. Magkakaroon ng bagyo. Halika.»

Si Jesus ay pinagdaup ang Kanyang mga kamay sa tahimik na pananalangin.

«Ah! Ikaw ito, kung gayon? Matagal na kitang hinahanap! Matagal na kitang pinagmamasdan. Mula ng Ikaw ay bininyagan. Tinatawagan Mo ba ang Eternal? Siya ay malayo. Ikaw ay nasa lupa na ngayon, sa gitna ng mga tao. At ako ang naghahari sa mga tao. Gayunpaman, nalulungkot ako para sa iyo, at ibig kitang tulungan, dahil napakabuti Mo, at Ikaw ay naparito upang isakripisyo ang Iyong Sarili para sa wala. Ang mga tao ay kapopootan Ka dahil sa Inyong kabutihan. Sila ay walang naiintindihan, bagkus ginto, pagkain at kasarápan. Ang sakripisyo, kapighatian, pagsunod ay mga salitang mas tigang pa para sa kanila kaysa sa lupaing nakapaligid sa atin. Mas tigang pa sila kaysa sa alikabok na ito. Tanging mga ahas lamang ang makapagtatago rito, naghihintay na may matuklaw, at mga asong-gubat naghihintay na may makakatay. Sumama sa akin. Hindi sulit na magsakripisyo para sa kanila. Mas kilala ko sila kaysa sa pagkakilala Mo.»

Si Satanas ay nakaupo na sa harapan ni Jesus at pinag-aaralan Siya sa pamamagitan ng kanyang nakakatakot na mga mata, at ngumingiti sa Kanya sa pamamagitan ng kanyang katulad-sa-ahas na bunganga. Si Jesus ay laging tahimik, at nananalangin nang sa isip lamang.

⁵«Hindi Ka nagtitiwala sa akin. Nagkakamali Ka. Ako ang karunungan ng lupa. Maaari akong maging Iyong tagapagturo at ipakita sa iyo kung papaano Ka magtatagumpay. Tingnan Mo, ang importante ay ang magtagumpay. Pagkatapos, kapag naipilit na natin ang ating mga sarili at narahuyo na natin ang mundo, madadala na natin sila saan man ang gustuhin natin. Ngunit una muna, kailangan na tayo ay maging kung ano ang gusto nila na tayo ay maging. Katulad nila. Kailangan na maengganyo natin sila, pinaniniwala sila na hinahangaan natin sila at sinusundan ang kanilang mga naiisip.

Ikaw ay bata pa at magandang lalaki. Magsimula sa isang babae. Ang isa ay laging kailangan na magsimula sa kanya. Nagkamali ako hinikayat ko siya na maging suwail. Pinayuhan ko sana siya ng iba. Nagawa ko sana siya na maging isang mas mabuting instrumento, at natalo ko sana ang Diyos. Ako ay nagmamadali noon. Ngunit Ikaw! Tuturuan kita, sapagkat isang araw tiningnan kita nang may anghelikal na kaluguran, at ang kapiraso ng pagmamahal na iyon ay nasa akin pa, ngunit kailangan na makinig Ka sa akin, at gamitin ang aking karanasan. Maghanap Ka ng isang babae para sa iyo. Kung saan Ka hindi magtagumpay, siya ay magtatagumpay. Ikaw ay ang bagong Adan: kailangan na mayroon Ka ng Iyong Eba.

Maging ano pa man, papaano Mo maiintindihan at magagamot ng mga sakit ng mga pandama, kung hindi Mo nalalaman kung ano ang mga ito? Hindi Mo ba nalalaman na diyan kung saan naroroon ang binhi, mula kung saan umuusbong ang púno ng kasakiman at arogansiya? Bakit gusto ng mga tao ang maghari? Bakit gusto nilang maging mayaman at makapangyarihan? Upang makuha ang babae. Siya ay katulad ng isang langay-langayan. Nakukuha lamang siya ng isang bagay na kumikislap. Ang ginto at ang kapangyarihan ay ang dalawang mukha ng salamin na kumukuha sa babae, at siyang ang mga dahilan ng kasamaan sa mundo. Tingnan: sa sanlibong iba't ibang krimen, may siyam na raan man lamang na umuugat sa kasakiman na makuha ang isang babae o sa masimbuyong damdamin ng isang babae, umaapoy sa isang mithiin na hindi pa napupunuan ng lalaki, o hindi na mapupunuan. Pumunta Ka sa isang babae kung ibig Mong malaman kung ano ang buhay. At tanging diyan lamang, magagamot Mo at mapapagaling ang mga sakit ng sangkatauhan.

Ang mga babae, alam Mo, ay maganda! Wala nang mas maganda pa sa mundo. Ang lalaki ay may utak at lakas. Ngunit ang babae! Ang kanyang kaisipan ay isang pabango, ang kanyang hipo ay ang haplos ng mga bulaklak, ang kanyang yumi ay katulad ng alak, masarap inumin, ang kanyang kahinaan ay katulad ng isang labay ng seda o ang kulot ng isang bata sa loob ng kamay ng isang lalaki ang kanyang haplos ay lakas na ibinubuhos sa ating sariling lakas, at pinaaapoy ito. Ang kapighatian, págod, mga alalahanin ay nakakalimutan kapag tayo ay humihiga malapit sa isang babae, at siya ay nasa ating mga bisig katulad ng isang pumpon ng mga bulaklak.

⁶Ngunit anong katangahan ko! Ikaw ay nagugutom at ako ay nagsasalita sa iyo tungkol sa babae. Ang iyong lakas ay ubos na. Iyan kung bakit ang bango na iyan ng lupa, ang bulaklak na iyan ng sangnilikha, ang prutas na nagbibigay at nagpapasigla sa pagmamahal, ay tila wala ni kahit anong halaga sa Iyo. Ngunit tingnan ang mga batong ito. Gaano kabilog at kakinis ang hitsura nito, pinakikinang ng lumulubog na araw! Hindi ba’t nagmumukha silang mga tinapay? Dahil Ikaw ay ang Anak ng Diyos, ang tanging gagawin Mo lamang ay ang sabihin: “Gusto Ko” at sila ay magiging namamangong mga tinapay, katulad na katulad ng mga tinapay na ngayon inilalabas ng mga maybahay sa mga pugon para sa hapunan ng kanilang mga pamilya. At ang tuyong mga akasyang ito, kung gugustuhin Mo lamang, hindi ba sila mapupuno ng matatamis na prutas at mga datiles na kasing tamis ng pulot? Kumain hangga’t mabusog, Anak ng Diyos. Ikaw ang Guro ng lupa. Ang lupa ay yumuyuko upang ito ay mapasa-Iyong paanan at mapatahimik ang Iyong pagkagutom.

Hindi Mo ba nakikita na Ikaw ay namumutla at nababalisa sa pagbanggit ng tinapay. Kaawa-awang Jesus! Napakahina Mo na ba na ni hindi Ka makagawa ng isang himala? Gagawin ko ba ito para sa iyo? Ako ay hindi Mo kapantay, ngunit may magagawa ako. Gagawin ko ito na mauubusan ako ng lakas ng para sa isang taon, pagsasamahin ko ang lahat ng ito, ngunit ibig Kitang paglingkuran, sapagkat Ikaw ay mabuti, at lagi kong inaalaala na Ikaw ang aking Diyos, kahit na kung ngayon tumigil na ako sa pagtawag sa Iyo nang ganyan. Tulungan Mo ako ng Iyong mga panalangin, na sana ako ay...»

«Manahimik! “Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang, bagkus sa bawat salita na nanggagaling sa bunganga ng Diyos”.»

Ang dimonyo ay nagulat nang may galit. Ginigiling niya ang kanyang mga ngipin, at hinihigpitan ang kanyang mga kamao. Ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili, at ginawa niyang ngiti ang kanyang paggiling.

«Naintindihan ko. Ikaw ay mataas sa mga pangangailangan ng lupa at naiinis Kang gamitin ako. Karapat-dapat ako nito. ⁷Ngunit halika, kung gayon, at tingnan kung ano ang nasa loob ng Bahay ng Diyos. Makikita Mo na kahit ang mga pari ay hindi tumatanggi na gumawa ng kompromiso sa pagitan ng espiritu at laman. Matapos man ang lahat, sila ay mga tao, at hindi mga anghel. Gumawa ng espirituwal na himala. Dadalhin kita sa pinakatuktok ng Templo at magkakaroon Ka ng transpigurasyon at Ikaw ay magiging napakakisig na lalaki. Pagkatapos tatawagin Mo ang mga tropa ng mga anghel at sasabihin sa kanila na gumawa ng isang matutuntungan para sa Iyong mga paa sa pamamagitan ng sala-salabat ng kanilang mga pakpak, at Ikaw ay ibaba, nang ganyan, patungo sa pinaka bakuran. Upang Ikaw ay sana makita ng mga tao, at maalaala na ang Diyos ay naririto. Ang isa ay kailangan na ipakita ang sarili paminsan-minsan, sapagkat ang alaala ng tao ay napakahina, lalo na tungkol sa espirituwal na mga bagay. Makikita Mo kung gaano magiging kasaya ang mga anghel na gawin ang isang proteksiyon para sa iyong mga paa at isang hagdanan para makababa Ka!»

«Ito ay sinabi: “Hindi mo ilalagay ang Panginoon mong Diyos sa pagsubok”.»

«Naiintindihan Mo na ang Iyong pagpapakita ay hindi mababago ang kahit na ano at ang Templo ay magpapatuloy sa pagiging isang palengke puno ng kurupsiyon. Ang Iyong dibinong karunungan ay nalalaman na ang mga puso ng mga ministro ng Templo ay mga pugad ng mga ahas, na naninira at nasisira sa kagustuhan na mangibabaw. Sila ay mapatitigil ng kapangyarihan ng tao lamang.

⁸Bueno, kung gayon, halika. Sambahin ako. Ibibigay ko sa Iyo ang lupa. Sina Alexander, Cyrus, Caesar, ang lahat na dakilang mga namuno, sa nakaraan at sa kasalukuyan, ay magiging katulad ng mga pinuno ng miserableng mga karabana kompara sa Iyo, dahil mapapasa-ilalim ng Iyong setro ang mga kaharian ng mundo. At kasama ng mga kaharian, ang lahat na kayamanan, lahat na magagandang bagay sa lupa, mga babae, mga kabayo, mga sandatahang lakas at mga templo. Magagawa Mong itaas ang Iyong Tanda kahit saan kapag Ikaw ay ang Hari ng mga hari at ang Panginoon ng mundo. Ikaw kung gayon ay susundin at igagalang kapwa ng mga tao at ng kaparian. Ang lahat na mga lipì ay pararangalan Ka at paglilingkuran, sapagkat Ikaw ang magiging ang Makapangyarihang Isa, ang Tanging Isa, ang Panginoon.

Sambahin ako sa loob ng isang sandali lamang! Patahimikin ang pagkauhaw kong ito na sinasamba! Sinira ako nito, ngunit ito ay naiiwan pa sa loob ko, at ako ay tinutyô nito. Ang mga apoy ng impiyerno ay katulad ng sariwang hangin sa umaga kompara sa matinding init na umaapoy na ito sa loob ko. Ito ay ang aking impiyerno, ang pagka-uhaw na ito. Isang sandali, isang sandali lamang, Kristo. Ikaw ay napakabuti! Isang sandali ng lugod para sa eternal na Pinahihirapan na Isa! Hayaang maramdaman ko kung ano ang katulad ng maging isang diyos, at ako ay magiging deboto, masunuring lingkod para sa buong buhay Mo at sa lahat ng Iyong mga gagawin. Isang sandali, isang sandali lamang, at hindi na Kita pahihirapan pa!» At si Satanas ay bumagsak sa kanyang mga tuhod, nakikiusap.jesus tempted

⁹Si Jesus, sa halip, ay tumayo. Siya ay nangayayat gawa ng mahabang mga araw ng pag-aayuno, at Siya ngayon ay nagmumukhang mas mataas. Ang Kanyang mukha ay teribleng mahigpit at makapangyarihan. Ang Kanyang mga mata ay dalawang umaapoy na mga sapiro. Ang Kanyang tinig ay katulad ng kulog: ito ay umaalingawngaw sa loob ng kuweba ng malaking bato, at kumakalat sa mabato, malungkot na kapatagan nang Siya ay sumigaw: «Lumayas, Satanas. Ito ay nakasulat: “Ang sasambahin mo ay ang Panginoon mong Diyos lamang, at Siya lamang ang paglingkuran”.»

Si Satanas, nang may sigaw ng nakakatakot na pagpapahirap at di-maisalarawang kapootan, ay napatalon sa kanyang mga paa, isang nakakatakot na tanawin sa kanyang mabangis, umuusok na pigura. At siya ay nawala kasabay ng isang huling nanunumpang sigaw.

¹⁰Si Jesus ay pagod, at naupo, sumasandal na ang Kanyang ulo nakapahinga sa bato. Nagmumukha Siyang naubusan ng lakas. Siya ay pinagpapawisan. Ngunit ang mga anghel ay dumating upang bumuga ng malumanay na hangin sa pamamagitan ng kanilang mga pakpak sa kasaraduhan ng kuweba, kung gayon pinadadalisay at pinasasariwa ang hangin. Si Jesus ay ibinuka ang Kanyang mga mata, at ngumiti. Hindi ko Siya nakikitang kumakain. Masasabi ko na Siya ay pinakakain ng halimuyak ng Paraiso, at napalakas muli nito.

Ang araw ay nakalubog na sa kanluran. Kinuha Niya ang Kanyang walang-laman na bag at kasabay ang mga anghel na, lumilipad sa itaas ng Kanyang ulo, nagpapalabas ng malumanay na liwanag habang mabilis nang dumidilim, Siya ay nagsimulang lumakad nang pasilangan, o kung baga hilagang-silangan. Naipagpapatuloy na Niya ang Kanyang dating espresyon, ang Kanyang hakbang ay matatag. Ang tanging natitirang tanda ng Kanyang mahabang pag-aayuno ay ang mas asetikong tingin ng Kanyang maputla, manipis na mukha at sa Kanyang mga mata, nasisiyahan nang lubos sa lugod na hindi lugod ng mundong ito.

                                                                -----------------------------------------

jesus sinab 

¹¹Sinasabi ni Jesus:

«Kahapon wala ka nang lakas, na siyang Aking kalooban, at ikaw, kung gayon, ay buháy nang kalahati lamang. Hinayaan Kong makapagpahinga ang iyong katawan at ginagawa kitang mag-ayuno sa tanging paraan lamang na mabigat sa iyo: pinagkakaitan ka ng Aking salita. Kaawa-awang Maria! Pinangilin mo ang Ash Wednesday. Natikman mo ang may-abong lasa sa lahat sapagkat wala ka ng iyong Guro. Hindi Ko ginawang maramdaman mo Ako, ngunit Ako ay naroroon.

Ngayong umaga, dahil ang ating pananabik ay naggagantihan, nang ikaw ay medyo tulog, bumulong Ako sa iyo: “Agnus Dei qui tollis peccata mundi, dona nobis pacem” at ginawa kitang ulitin mo ito nang maraming beses at inulit Ko ito sa iyo nang maraming beses. Akala mo Ako ay magsasalita tungkol diyan. Hindi. Una nariyan ang paksa na pinakita Ko sa iyo at ang tungkol diyan magkukumentaryo Ako para sa iyo. Pagkatapos ngayong gabi ipaliliwanag Ko sa iyo ang isang ito.

¹²Katulad ng nakita mo, ang kabaitan ay laging ang pagbabalatkayo ni Satanas kapag pinipresenta niya ang kanyang sarili. Nagmumukha siyang katulad ng isang ordinaryong tao. Kung maingat ang mga kaluluwa, at higit sa lahat, kung sila ay nasa espirituwal na pakikipag-ugnayan sa Diyos, madarama nila ang babala na gagawa sa kanila na sila ay maging maingat at maihanda ang mga sarili sa pakikipaglaban sa mga patibong ng dimonyo. Ngunit kung ang mga kaluluwa ay naiistorbo, nakahiwalay sa Diyos sa pamamagitan ng nakapangingibabaw na kahalayan, at hindi natutulungan ng panalangin, na mag-uugnay sa kanila sa Diyos at magbubuhos ng lakas sa mga puso ng tao, diyan nila bihirang mararamdaman ang mga patibong na nakatago sa ilalim ng inosenteng hitsura at sila ay mahuhulog sa bitag. Diyan magiging napakahirap para sa kanila na mapalaya ang kanilang mga sarili.

¹³Ang dalawang pinaka-karaniwang mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang makakuha ng mga kaluluwa ay ang kahalayan at katakawan. Lagi siyang nagsisimula sa materyal na mga bagay. Kapag nasira na niya at napayuko ang materyal na bahagi, aatakihin niya ang espirituwal na bahagi.

Una ang mga moral: ang mga kaisipan kasama ang kanilang pagmamalaki at katakawan; pagkatapos ang espiritu, inaalis hindi lamang ang pagmamahal nito – na wala na kapag pinapalitan ng tao ang dibinong pagmamahal ng mga pantaong pagmamahal – bagkus pati ang takot sa Diyos. Pagkatapos ang tao ay isusuko ang kanyang katawan at kaluluwa kay Satanas, para lamang kasiyahan ang kanyang ginugusto, at kasiyahan ito nang lalu’t lalo pa.

¹⁴Nakita mo kung papaano Ako humarap. Pananahimik at panalangin. Pananahimik. Sapagkat kapag ginagawa ni Satanas ang kanyang trabaho bilang isang manunukso at lumapit sa atin, kailangan na harapin natin ang sitwasyon nang wala ng kahit anong katangahang pagmamadali o karuwagang mga takot. Kailangan na tumugon tayo nang may pasya sa kanyang presensya, at may panalangin sa kanyang mga panggaganyak.

Walang silbi ang makipagdebate kay Satanas. Mananalo siya, sapagkat magaling siya sa kanyang pananalita. Diyos lamang ang tanging makatatalo sa kanya. At kung gayon kayo ay dapat na tumawag sa Diyos, upang Siya sana ang magsalita para sa inyo, sa pamamagitan ninyo. Kailangan na ipakita ninyo kay Satanas ang Pangalan at ang Tanda na iyon, hindi labis na nakasulat sa papel o nakaukit sa kahoy, bagkus nakasulat at nakaukit sa inyong mga puso. Ang Aking Pangalan, ang Aking Tanda. Sasagot lamang kayo kay Satanas, ginagamit ang salita ng Diyos, kung ipinakakahulugan lamang niya na siya ay katulad ng Diyos. Hindi niya iyan matatanggap.

¹⁵Pagkatapos pagkaraan ng pakikipaglaban, ay darating ang tagumpay at ang anghel ay pagsisilbihan at ipagsasanggalang ang nanalo sa kapootan ni Satanas. Panunumbalikin nila siya sa pamamagitan ng selestiyal na mga hamog, ng Grasya na kanilang ibinubuhos na punó ang mga kamay patungo sa puso ng tapat na anak, ng isang pagpapalà na humahaplos sa kanyang kaluluwa.

Ang isa ay kailangan na determinado na talunin si Satanas, at manampalataya sa Diyos, at sa Kanyang tulong. Pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin, at sa kagandahang-loob ng Diyos. Diyan walang magagawang kapinsalaan si Satanas.

Humayo sa kapayapaan. Ngayong gabi pasasayahin kita ng natitira.»

(247) 020710/033013/040313

Sunod na kabanata.