460. Sa Mainit na mga Paliguan ng Emmaus ng Tiberias.

Hulyo 26, 1946.

Ang lawa ay katulad lamang ng isang malaking sardonise sa loob ng paikot na mga burol, halos di makita sa liwanag ng mga bituin, dahil ang buwan ay nakalubog. Si Jesus ay nag-iisa sa loob ng berdeng balag na ang Kanyang ulo nakasandal sa Kanyang mga kamay na mga nakalapat sa mesa malapit sa lampara, na malapit nang mamatay. Ngunit Siya ay hindi natutulog. Paminsan-minsan tinataas Niya ang kanyang ulo, titingnan muli ang mga pergaminong nakaladlad sa ibabaw ng mesa, na napananatiling nakaladlad sa pamamagitan ng lampara na nakapatong sa ibabaw at ng Kanyang braso sa isang dulo, at Kanyang isinasandal muli ang Kanyang ulo.

Ang katahimikan ay hindi napuputol. Kahit na ang lawa ay tila tulog sa malalim na maalinsangan na kakalmahan. At pagkatapos bigla na lamang at magkakasabay, ang hangin kumakaluskos sa pagitan ng mga dahon, ang nag-iisang alon sumasampal sa baybayin, nagkaroon ng pagbabago sa kalikasan, sasabihin ko na ito ay ang paglangitngit ng nagigising na mga elemento. Ang pinakamalabong liwanag sa pagsimula ng bukanliwayway, nang ang araw ay susulpot na, ay liwanag na, bagama't hindi pa ito madama ng mga mata ng isa kapag siya ay titingin sa kapaligiran ng walang-taong hardin. Ang ibabaw ng lawa ang siyang nagbibigay ng indikasyon ng unang paglitaw ng liwanag, sapagkat ang maitim na namimigat sardonise nito ay nagiging mas maliwanag at nasasalamin ang pumuputing kalangitan, mula sa pamimigat unti-unti itong nagiging mala-asul na abuhin at pagkatapos pagka-abuhin ng bakal, pagkatapos opalo at sa huli nasasalamin nito ang kalangitan at ang mga tubig nito ay nagiging mala-paraisong asul.

Si Jesus ay tumayo, kinuha Niya ang mga pergamino, kinuha ang lampara na namatay na sa unang ihip ng hangin, at Siya ay naglakad patungo sa bahay, nakasalubong Siya ng isang babaeng katulong na yumuyuko, pagkatapos isang hardinero, na patungo sa taniman ng mga bulaklak at Siya ay nakikipagbatian sa kanya. Pinasok Niya ang bulwagan kung saan ang iba pang mga katulong ay ginagawa ang unang mga gawain ng araw.

«Kapayapaan sa inyo. Maaari bang tawagin mo ang Aking mga apostol?»

«Sila ay gising na, Panginoon. At ang bagon para sa mga babae ay handa na. Si Johanna rin ay gising na. Siya ay nasa mas-loob na bulwagan.

Naglalakad sa loob ng bahay si Jesus ay nagtungo sa bulwagan na nasa tabi ng kalsada. Silang lahat sa katunayan ay nagkaipun-ipon doon.

«Tayo na. Inay, ang Panginoon ay sumainyo. Maria, at sa iyo, at harinawang samahan kayo ng Aking kapayapaan. Paalam Simon. Ipaabot ang Aking kapayapaan kay Salome at sa mga bata.»

Si Jonathan ay binubuksan ang mabigat na geyt. Ang isang may-takip na bagon ay nasa daan. Ang daan sa pagitan ng mga bahay ay halos madilim pa rin at ito ay ganap na walang mga tao. Ang mga babae ay sumakay sa bagon kasama ang kanilang kamag-anak at sila ay lumakad.

«Tayo rin ay umalis kaagad. Andres, tumakbo sa mga bangka at sabihan ang mga katulong na tagpuin tayo sa Tarichea.»

«Ano? Tayo ba ay maglalakad? Mahuhuli tayo...»

«Walang anuman ito. Makakauna na kayo habang nagpapaalam Ako kay Johanna.»

Ang mga apostol ay lumakad...

«Susundan ko Kayo, Panginoon. O kung baga: Uunahan ko Kayo sapagkat darating ako sa pamamagitan ng bangka.»

«Maghihintay ka nang matagal...»

«Walang anuman ito. Pahintulutan akong sumunod.»

«Ayon sa ibig mo. Si Chuza ba ay naririto?»

«Hindi siya umuwi, Panginoon.»

«Ipaabot sa kanya ang Aking pagbati at sabihin sa kanya na hinihimok Ko siyang maging makatarungan. Haplusin ang mga bata sa katauhan Ko. At... sa dahilan na naintindihan mo ang iyong Guro, kumbinsihin si Chuza na siya at ang lahat na gustong gawin na isang temporal na hari ang Kristo, ay nagkakamali.»

Si Jesus din ay lumabas at kaagad nasamahan Niya ang mga apostol. «Kunin natin ang daang Emmaus. Maraming di-masayang tao ang pumupunta sa mga bukal, ang ilang upang gumaling, ang ilang upang makatanggap ng tulong.»

«Ngunit wala man lamang tayong isang sentimos...» pagtutol ni Santiago ni Zebedeo.

Si Jesus ay hindi tumutugon.

Ang mga daan ay kaagad nagsiksikan sa dalawang napakaibang mga grupo ng mga tao, ibig sabihin, mga hardinero ng mga pampalengkeng mga tanim, mga tindero, mga katulong, mga alipin, mga pagkaraniwang mga tao na nagmamadali patungo sa palengke, at ang mayayaman na mga naghahanap ng kaluguran na mga nasa kamilya o nakasakay sa mga kabayo ay patungo rin sa mga bukal, na sa palagay ko ay maiinit na bukal, kung ito ay nakapagpapagaling

Ang Tiberias ay maaaring isang kung baga kosmopolitan na siyudad sapagkat iba't ibang mga tao ng iba't ibang mga bansa ang makikita sa pagitan ng mga tagarito. Mga Romano na tumaba na dahil sa kawalang-magawang mabisyong pamumuhay, ismarteng nakadamit na mga Griyego na kasing mabisyo ng mga Romano, ngunit may mga tanda ng bisyo na naiiba sa ekspresyon sa mga Latino, mga tao mula sa dalampasigan ng Phoenicia, mga Hebreo, karamihan mga maeedad, mga taong nagsasalita ng ibang mga wika na may ibang mga punto, at nakasuot ng ibang mga damit, mapuputlang mukha ng mga lalaki at babae may sakit, o ang pagod na mga mukha ng nobleng mga babae... o ang mga mukha ng mga hedonista ng kapwa kasarian nagpapatuloy nang grupu-grupo nakasakay sa mga kabayo malapit sa mga kamilya o nasa loob ng mga kamilya, nagbibiro, nagsasalita tungkol sa mga kalokohang paksa, nagpupustahan...

Ang kalsada ay maganda. Isang malilim na abenida mula kung saan, sa pamamagitan ng mga puwang sa pagitan ng mga punungkahoy posibleng makita ang lawa sa isang tabi at ang kabukiran sa kabilang tabi. Ang araw na ngayon ay nakataas na ay pinaniningning ang mga kulay ng mga tubig at mga tanim.

Maraming tao ang lumilingon upang tingnan si Jesus Na sinusundan ng mga bulung-bulungan: humahangang mga salita ng mga babae, mga tuyà ng mga lalaki, kung minsan mapanuyang mga salita o pabulung-bulong na mga salita, ilang pakiusap ng naghihirap na mga tao, ang tanging mga tao, sa pagitan ng marami, kung kanino si Jesus nakikinig at siyang Kanyang pinagbibigyan.

Nang Kanyang binalik ang kaliksihan ng mga galamay na pinatigas ng arthritis ng isang lalaking mula sa Tyre, ang mapanuyang kawalang-pakialam ng maraming Hentil ay napukaw.

«Eh!» bulalas ng isang matandang Romano na may sumamáng mukha ng isang pasasa sa pagpapakasaya. «Eh! Maganda ang mapagaling nang ganyan. Tatawagin ko siya.»

«Iyan ay hindi para sa iyo, matandang Silenus. Ano ang gagawin mo kung ikaw ay mapagaling?»

«Sisimulan ko na ulit na kalugdan ang aking sarili!»

«Kung gayon walang katuturan ang pumunta sa malungkot na Nazareno.»

«Pupunta ako at ipupusta ko ang lahat na mayroon ako na...»

«Huwag pumusta. Matatalo ka.»

«Hayaan siyang pumusta. Siya ay lasing pa. Magpapakasaya tayo sa pamamagitan ng kanyang pera.»

Ang matandang lalaki ay pagiray-giray nang paglabas sa kanyang kamilya at narating si Jesus, Na pinakikinggan ang isang Judiong ina na nagsasalita sa Kanya tungkol sa kanyang anak na babae, isang putlang-putlang bata na kanyang inaakay.

«Huwag matakot, babae. Ang iyong anak ay hindi mamamatay. Bumalik na kayo sa bahay. Huwag siyang dalhin sa mga bukal. Hindi niya makukuha ulit ang kalusugan ng kanyang katawan doon, bagkus mawawala sa kanya ang kadalisayan ng kanyang kaluluwa. Iyon ay isang lugar ng nagpapabábang pagpapakasasa sa kahalayan» at sinabi Niya ito sa isang napakalakas na tinig, upang makarinig sana ang lahat.

«May pananampalataya ako, Rabbi. Babalik na ako sa bahay. Pagpalain ang Inyong mga lingkod, Guro.»

Si Jesus ay pinagpapala sila at aalis na sana.

Ang Romano ay hinatak ang Kanyang manggas: «Pagalingin Ninyo ako» utos niya.

Si Jesus ay tinitingnan siya at nagtanong: «Saan?»

Ang mga Romano, na may ilan na mga Griyego at mga Phoenician, ay nag-ipun-ipon at nanunuya at nagpupustahan. Ang ilang Israelita, na mga tumabi nang pabulung-bulong: «Paglalapastangan! Anathema!» at iba pang mga salita, ay tumigil, gayunpaman, nang mausisa...

«Saan?» tanong ni Jesus.

«Sa lahat. Hindi mabuti ang aking pakiramdam... o! o! o!» Hindi ko alam kung siya ay tumatawa o umiiyak, kakaiba ang tunog na lumalabas sa kanyang mga labì. Ito ay tila ang luyloy na tabâ, na nakuha sa loob ng maraming mga taon ng mabisyo pamumuhay, ay nakaaapekto kahit na sa tunog ng tinig. Ang mamâ ay iniisa-isa ang kanyang mga problema at pinakikita ang kanyang takot na mamatay.

Si Jesus ay tinitingnan siya nang mahigpit at tumugon: «Kailangan nga talagang katakutan mo ang kamatayan dahil pinatay mo na ang iyong sarili» at tinalikuran siya. Ang Romano ay sinusubukan muli na hilahin Siya sa Kanyang damit, habang ang mga taong naroroon ay tumatawa nang nanunuya. Ngunit pinalaya ni Jesus ang Kanyang sarili sa pagkakahawak ng mamâ at umalis.

«Bagsak ka, Appius Fabius! Bagsak ka! Ang sinasabing hari ng mga Hudyo ay hindi pinagkaloob sa iyo ang grasya. Ibigay mo sa amin ang iyong lukbutan natalo ka sa pustahan.» Ang nga Griyego at mga Romano ay gumagawa ng teribleng kaguluhan pinaliligiran ang bigong mamâ na itinutulak sila at nagsimulang tumakbo, hangga't magagawa niya, bilang napakataba, itinataas ang kanyang mga damit at kumikiling kasama ang kanyang masebo na laman. Ngunit siya ay gumigiray at bumagsak sa alikabok sa gitna ng mga halakhakan ng kanyang mga kaibigan na humihila sa kanya patungo sa isang punungkahoy, sa katawan nito kung saan sumisiksik ang lasing na mamâ iniluluha ang katangahang mga luha ng mga lasing.

Ang mga bukal ay maaaring malapit na ngayon sapagkat ang pulutong ay palaki nang palaki dahil ang agos ng mga tao mula sa mga kalsada ay patungo sa iisang lugar. Ang amoy ng tubig na may asupre ay namamalagi sa ere.

«Kailangan ba nating pumunta pagawing baybayin upang maiwasan ang di-malinis na mga taong ito?» tanong ni Pedro.

«Hindi lahat sila di-malinis, Simon. Maraming tao ang galing sa Israel na kasama din nila» sabi ni Jesus.

Nakarating sila sa mainit na mga paliguan. Isang talay-talay ng maputing mga gusali, nakahiwalay sa pamamagitan ng mga abenida, nakaharap sa lawa mula kung saan sila ay nakahiwalay sa pamamagitan ng isang klase ng malaking liwasan na tinamnan ng mga punungkahoy, sa ilalim nito kung saan ang mga tao ay naglalakad-lakad habang naghihintay ng paligo o nagpapahingalay pina-eepekto ang pagkapaligo pagkatapos maligo. Ang tansong mga ulo ni Medusa, nakausli sa pader ng isang gusali, ay nagbubuhos ng tubig patungo sa isang marmol na lunas, na maputi ang labas at mapula-pula ang loob, na tila ito ay natatakpan ng makalawang na bakal. Maraming Hudyo ang pumupunta sa mga pontanya at iniinom ang tubig na may mineral mula sa mga kalis. Nakikita ko na ang mga Hudyo lamang ang gumagawa niyan sa pabelyon. Naniniwala ako na tama ako sa paghula na ang mapagmatyag na mga Israelita ay humingi ng isang lugar para sa kanila upang maiwasan ang mapadikit sa mga Hentil.

Maraming mga taong may-sakit ang nasa loob ng mga kamilya sa paghihintay na mapaliguan at nakikita si Jesus marami sa kanila ang sumigaw: «Jesus, Anak ni David, maawa sa amin.»

Si Jesus ay ibinaling ang Kanyang mga hakbang patungo sa kanila: mga taong naghihirap sa paralysis, arthritis, paninigas ng mga kasu-kasuan; may baling mga buto na hindi magtugma, at naghihirap sa anemya, sa mga glandula, mga babaeng natuyuan bago pa man ang panahon, mga batang napaaga ang pagiging adulto. At sa ilalim ng mga punungkahoy may mga pulubi na dumaraing nanghihingi ng mga limos.

Si Jesus ay tumigil malapit sa mga may-sakit na tao. Ang sabi-sabi ay kumalat na ang Rabbi ay magsasalita at magpapagaling. Ang mga tao, ang mga ibang lahi din, ay lumapit upang sumaksi.

Si Jesus ay tumingin sa paligid. Siya ay ngumingiti nakikita ang Griyego na pinadala ni Sintike lumalabas sa mga paliguan na ang kanyang buhok basa pa pagkatapos ng isang lígô. Itinaas Niya kaagad ang Kanyang tinig upang marinig ang Kanyang sarili: «Ang awa ay nagbubukas ng pinto patungo sa grasya. Maging maawain upang tumanggap ng awa. Ang bawat tao ay nagkukulang ng isang bagay: ang iba sa pera, ang iba sa pagmamahal, ang iba sa kalayaan, ang iba sa kalusugan. At ang lahat na tao ay nangangailangan ng tulong mula sa Diyos, Na siyang naglikha sa sansinukuban at Siya, bilang ang tanging Ama, ang makakatulong sa Kanyang mga anak.»   

Siya ay tumigil, na tila ibig Niyang bigyan ang mga tao ng panahon na makapagpasya kung sila ay kailangan makinig sa Kanya o pumunta sa mga paliguan. Ang mga Israelita o mga Hentil ay nagsisiksikan upang makinig at ang ilang mapagdudang mga Romano ay pinagtatakpan ang kanilang pag-uusyoso nagbibirong nagsasabing: «Mayroon tayong isang mananalumpati ngayon upang magawa ang lugar na ito na magmukhang katulad ng Romanong mainit na mga paliguan.»

Si Zeno, ang Griyego, ay sumisiksik na makaraan sa pulutong sumisigaw: «Sa ngalan ni Jove! Paalis na sana ako patungo sa Tarichea at natagpuan ko Kayo rito!»

Si Jesus ay nagpapatuloy: «Kahapon sinabi nila sa Akin: “Mahirap gawin ang Inyong ginagawa”. Hindi, ito ay hindi mahirap. Ang Aking doktrina ay nakabatay sa pagmamahal, at ang pagmamahal ay hindi kailanman mahirap gawin. Ano ang tinuturo ng Aking doktrina? Ang kulto ng isang totoong Diyos, pagmamahal para sa ating kapwa. Ang tao, ang eternal na bata, ay natatakot sa mga anino at sinusundan ang mga guniguni sapagkat hindi niya alam ang pagmamahal. Ang pagmamahal ay karunungan at liwanag. Ito ay karunungan sapagkat ito ay bumababa upang magturo. Ito ay liwanag sapagkat ito ay dumarating upang magpaliwanag. Kung saan may liwanag ang mga anino ay nawawala, kung saan may karunungan ang mga guniguni ay namamatay. May mga Hentil sa mga nakikinig sa Akin. Sinasabi nila: “Nasaan ang Diyos?”. Tinatanong nila: “Sino ang magtitiyak sa amin na ang Inyong Diyos ay ang totoong Diyos?”. O: “Papaano Ninyo matitiyak sa amin na nagsasalita Kayo ng katotohanan?”. At ang mga Hentil ay hindi lamang ang mga nagsasabi nang ganyan. Ang ibang mga tao ay tinatanong Ako: “Sa pamamagitan ng anong kapangyarihan ginagawa Ninyo ang mga bagay na ito?”. Sa pamamagitan ng kapangyarihan na dumarating sa Akin mula sa Ama, mula sa Ama na iyan Na siyang naglagay sa lahat na bagay para sa tulong ng tao, ang Kanyang paboritong nilalang at Siya Na siyang nagpadala sa Akin upang turuan ang mga tao, ang Aking mga kapatid. Ang Ama ba, Na siyang nagbigay ng kapangyarihan sa mga bituka ng Lupa na gawin ang mga bukal na tubig na maging nakagagamot, ginawa kaya Niyang limitahan ang kapangyarihan ng Kanyang Kristo? At sino, alin na Diyos, bagkus ang totoong Diyos, ang makapagkakaloob sa Anak ng tao na makagawa ng mga himala na makapagpapanumbalik sa mga nasirang mga galamay? Saang templo ng mga diyus-diyusan makakakita kayo kailanman ng mga bulag na nakakita muli at mga paralitikong nakagalaw muli, saang templo ang namamatay na mga tao, sa utos na: “Gusto Ko” ang tao ay bumabangon nang mas malusog pa kaysa sa malulusog na tao? Bueno, Ako, upang mapuri ang totoong Diyos at makilala Siya at purihin ninyo, ay sinasabi Ko sa lahat na mga naririto, anuman ang kanilang relihiyon at lahi, na makukuha nilang muli ang kalusugan na kanilang inaasahan mula sa tubig, at tatanggapin nila ito mula sa Akin, ang buháy na Tubig, katulad na binibigay Ko ang buhay ng katawan at ng espiritu sa mga naniniwala sa Akin at ginagawa Ko ang mga gawain ng awa sa matutuwid na mga puso. Hindi Ako humihingi ng mahihirap na bagay. Humihingi Ako ng paggalaw ng pananampalataya at isang paggalaw ng pagmamahal. Ibukas ang inyong mga puso sa pananampalataya, ibukas ang inyong mga puso sa pagmamahal. Magbigay upang tumanggap. Ibigay ang kaawa-awang mga sentimos upang magkaroon ng tulong mula sa Diyos. Magsimulang mahalin ang inyong mga kapatid. Matutong maging maawain. Dalawa sa tatlo sa inyo ay may sakit sapagkat sila ay makasarili at mahalay. Sirain ang pagiging makasarili, pigilan ang kahalayan. Magkakaroon kayo ng pisikal na kalusugan at karunungan. Buwagin ang pagmamalaki. At tatanggap kayo ng tulong mula sa totoong Diyos. Hinihingi Ko sa inyo na bigyan Ako ng mga limos para sa mahihirap at pagkatapos ibibigay Ko sa inyo ang regalo ng mabuting kalusugan.»

At si Jesus ay itinaas ang laylayan ng Kanyang manta at hinawakan ito nang pasahód upang tanggapin ang pera: ang malaking bilang ng mga sentimos na itinatapon dito nang nagmamadali ng mga pagano at mga Israelita. At hindi lamang mga sentimos, bagkus mga singsing at iba pang alahas ay itinatapon din nang kusang-loob ng mga babaeng Romano na tumitingin kay Jesus kapag nilalapitan nila Siya at ang iba sa kanila ay bumubulong ng ilang mga salita kung saan si Jesus ay tumatango ng pagsang-ayon o tumutugon nang maigsi.

Ang pag-aalay ay tapos na. Si Jesus ay tinawag ang mga apostol at sinabi sa kanila na dalhin ang mga pulubi sa Kanya at ang buong nakolekta ay nawalang kasing bilis katulad ng ito ay naipon. May natirang ilang alahas at ibinalik ito ni Jesus sa mga nag-alay dahil walang makakabili nito at kung gayon maging pera. At upang mapaginhawahan ang mga babae na nagbigay nito sinabi Niya: «Ang inyong mga mithiin ay katulad na rin ng napangyari nang mga gawa. Ang mga alay na inyong ginawa ay kasing halaga na tila ito ay naipamigay na, sapagkat nakikita ng Diyos ang mga naiisip ng mga tao.»

Siya pagkatapos ay tumayo at sumigaw: «Mula kanino nanggagaling ang Aking kapangyarihan? Mula sa totoong Diyos. Ama, gawin na magningning nang maliwanag ang Inyong kapangyarihan sa Inyong Anak. Sa Inyong pangalan binibigay Ko ang utos na ito sa mga sakit: layas!»

At naroon ang dating nakikita na nakikitang madalas: mga pilay na tao tumatayo nang tuwid; mga paralitiko gumagalaw, mga mukhang nagkakakulay nang malusog, mga matang nagsisimulang magningning, pagsigaw ng hosana, pagpapalitan ng mga pagbati ng mga Romano, kasama rito ang dalawang babae at isang lalaki na napagaling at ibig nilang gayahin ang napagaling na mga tao ng Israel; ngunit sa dahilan na hindi pa sila nakahanda na ipahiya ang kanilang mga sarili katulad ng mga Hebreo sa paghalik sa mga paa ni Jesus, sila ay yumuyukod, kinukuha ang laylayan ng Kanyang manta at hinahalikan ito.

Si Jesus pagkatapos ay umalis iniilagan ang mga pulutong. Ngunit hindi Niya sila mailagan sapagkat, maliban sa kaunting matitigas-ang-ulo na mga Hentil at ilang Hebreo na mas lalo pang matitigas ang ulo na may pagkakasala, lahat sila ay sumusunod sa Kanya sa daan ng patungo sa Tarichea.

230611

 

 


Sunod na kabanata