465. Ang Parabula Tungkol sa Pamimigay ng mga Tubig.

Agosto 5, 1946.

Ang balita na ang Guro ay naroroon at na Siya ay magsasalita bago gumabi ay tiyak na nakakalat na at ang kapaligiran ng bahay ay nagsisiksikan sa mga tao nagsasalita sa mabababang tinig sapagkat nalalaman nila ng ang Guro ay nagpapahinga at ayaw nilang magising nila Siya. Sila ay matiyagang naghihintay sa ilalim ng mga punungkahoy, na nagpoprotekta sa kanila sa araw ngunit hindi sa init na malakas pa rin. Walang mga may-sakit na tao, sa aking palagay man lamang, ngunit, katulad ng dati, ay may mga bata at si Anna, upang mapatahimik sila, ay may ilang mga prutas na pinamigay sa kanila.

Ngunit si Jesus ay hindi natulog nang matagal at ang araw ay mataas pa nang Siya ay lumitaw hinahawi ang kurtina at ngumingiti sa mga pulutong. Siya ay nag-iisa. Ang mga apostol ay baka natutulog pa. Si Jesus ay lumakad patungo sa mga tao at tumigil malapit sa mas mababang gilid ng isang bubon na tiyak na ginagamit upang patubigan ang mga punungkahoy ng lootan, sapagkat maliliit na patubig na mga kanal lamang ang kumakalat mula sa bubon patungo sa mga punungkahoy.

«Makinig sa parabulang ito.

Ang isang mayaman na tao ay marami noong mga tauhan sa iba't ibang lugar ng kanyang ari-arian, ngunit hindi bawat lugar ay sagana sa tubig at mataba ang lupa. Ilang mga lugar ang nagkukulang sa tubig, at kung ang lupa ay tinamnan ng mga punungkahoy na makatatagal sa init, mas malaki ang paghihirap ng mga tao dahil sa kakulangan sa tubig. Ang mayaman na nagmamay-ari sa halip ay mayroon, malapit sa bahay na kanyang tinitirhan, ng isang lawa na sagana sa tubig dahil sa mga bukal sa ilalim ng lupa.

Isang araw nagpasya siyang ikutin ang kanyang ari-ariang lupa at nakita niya na sa ibang mga lugar, ang mga pinakamalapit sa lawa, ay sagana sa tubig, samantalang ang iba, na malalayo, ay wala, maliban sa kakaunti na pinadadala ng Diyos bilang ulan. At napuna rin niya na ang nananagana sa tubig ay hindi mabait sa kanilang mga kapatid na napagkaitan nito, pinagkakaitan sila kahit na ng isang balde ng tubig sa katuwiran na sila ay baka mawalan nito. Ang panginoon ay pinagnilay-nilayan ang sitwasyon. At siya ay nagpasya nang ganito: “Padadaluyin ko ang mga tubig mula sa aking lawa patungo sa mas malalapit dito at uutusan ko sila na huwag nang pagkaitan pa ang aking nasa-malalayong mga katulong na naghihirap dahil sa pagkatigang ng lupa”.

At isinagawa niya kaagad ang pagtatrabaho at naipahukay ang mga kanal upang madala ang mabuting tubig ng lawa sa pinakamalalapit na bahagi ng kanyang ari-arian, kung saan nagpahukay siya ng mga malalaking ipunán na mga balon upang malaking tubig ang maipon doon dinadagdagan ang mga panustos na dati nang naroroon, at mula sa mga lugar na ito nagpahukay siya ng mas maliliit na kanal upang matustusan ng tubig ang mas maliliit na ipunán ng nasa malalayong lugar at sinabi niya sa kanila: “Tandaan na hindi ko pinagawa ito upang kayo ay magkaroon ng labis-labis na tubig, bagkus pinagawa ko ito upang matulungan, sa tulong ninyo, ang mga nagkukulang din ng kung ano ang kinakailangan.  Kung gayon, maging kasing Maawain katulad Ko at pinauwi niya sila.

Ilang panahon ang dumaan at ang mayaman na may-ari ay ginustong pasyalan ulit ang kanyang mga ari-arian. Nakita niya na ang mga nasa malalapit ay naging mas magaganda pa at nananagana hindi lamang sa may-pakinabang na mga tanim, bagkus pati na rin sa mga pandekorasyon na mga halaman, sa mga tangke, sa mga palanguyan, sa mga pontanya na inilagay kahit saan sa paligid ng mga bahay.

“Ginawa ninyo ang mga bahay na ito na maging tirahan ng mayayamang tao” wika ng panginoon. “Wala ako ng kalabisan na kagandahan na ito mismo”, at tinanong niya sila: “Ang iba ba ay pumaparito? Binigyan ba ninyo sila ng maraming tubig? Ang maliliit bang kanal ay pinadadaluyan?”.

“Oo. Binibigyan sila ng hanggang sa gusto nila. At sumusobra pa nga sila, hindi sila kailanman nasisiyahan, hindi sila kailanman nagiging mahinahon o katamtaman, pumupunta sila at hihingi kahit anong oras, na tila kami ay kanilang mga katulong at kinailangan namin na ipagsanggalang ang aming mga sarili upang maprotektahan kung ano ang sa amin. Hindi na sila nasisiyahan sa maliliit na kanal at mga tangke. Pumupunta sila hanggang sa malalaking tangke.

“Iyan ba ang dahilan kung bakit kinulong ninyo ang mga lugar na ito at inilagay ang mababangis na asong ito sa bawat lugar?”.

“Oo, iyan ang dahilan, ginoo. Madalas silang pumapasok nang walang kahit anong konsiderasyon at magpapanggap na kukunin ang lahat at nasasayang ang mga ito...»

“Ngunit talaga bang binigyan ninyo sila ng tubig? Nababatid ba ninyo na ginawa ko ang lahat na ito para sa kanila at ginamit ko kayo bilang isang tulay sa pagitan ng lawa at ng kanilang tigang na lupa? Hindi ko maintindihan... ginawa kong madala ang labis na tubig mula sa lawa upang masiyahan ang lahat, nang walang nasasayang”.

“gayunpaman kailangan na maniwala kayo sa amin: hindi namin sila kailanman pinagkaitan ng tubig”.

Ang panginoon ay pumunta sa malalayong ari-arian. Ang matataas na punungkahoy na bagay sa tigang na lupa ay berde at madahon. “Sila ay nakapagsabi ng katotohanan” sabi ng panginoon nakikita ang mga puno na lumalagaslas sa malayo. Ngunit nang nilalapitan niya ang mga ito at naglalakad sa ilalim nakita niya ang tuyong lupa, ang halos tuyong mga damo kung saan payat na mga tupa ang nanginginain nang may kahirapan, ang mabuhangin na mga hardin ng gulay malapit sa mga bahay, at pagkatapos ang unang mga magbubukid: masasakitin, may nilalagnat na mga mata, pinanghihinaan ng loob... Tinitingnan nila siya at iniyuyuko ang kanilang mga ulo umaalis na tila sila ay natatakot.

Siya ay nagtaka sa kanilang kinikilos at tinawag niya sila. Nilalapitan nila siya nang nanginginig. “Ano ang ikinatatakot ninyo? Ako ba ay hindi na ang inyong mabuting panginoon na nangalaga sa inyo at na sa pamamagitan ng mapaglaan na pagtatrabaho napaginhawahan kayo sa kakulangan sa tubig? Bakit ang inyong mga mukha ay tila nagmumukhang masasakitin? Bakit ang lupang ito ay tigang-na-tigang? At ang mga tupa payat-na-payat? At bakit kayo tila natatakot sa akin? Magsalita nang walang takot. Sabihin sa inyong panginoon kung ano ang nagpapahirap sa inyo”.

Isang lalaki ang nagsalita sa katauhan ng lahat. “Panginoon, kami ay bigung-bigo at lubos na namimighati. Nangako kayong tutulungan kami at nawalan din kami ang dating mayroon kami at tumigil na kami ng pag-asa sa inyo”.

«”Papaano? Bakit? Hindi ba’t pinadaloy ko ang tubig nang marami patungo sa pinakamalapit na mga tao nang may tagubilin na ang dami ng tubig ay para sa inyo?”.

“Iyan ba ang inyong sinabi? Talaga?”.

“Tiyak-na-tiyak. Ang lebel ng lupa ang nakapagpipigil sa akin na dalhin nang diretso ang tubig dito. Ngunit na may mabuting kalooban pumunta sana kayo sa maliliit na kanal ng mga tangke dala ang mga balat-kambing na mga lalagyan at ang mga asno at kumuha sana kayo ng tubig nang hangga't sa gusto ninyo. Wala ba kayong sapat na bilang ng mga asno at mga balat-kambing na lalagyan? At ako ba ay wala doon upang bigyan kayo ng ilan?”

“Ayan ka na! Sinabi ko sa inyo! Sinabi ko: “Hindi posible na ang panginoon ay nagbigay ng mga tagubilin na huwag tayong bigyan ng tubig’. Sana ginawa nating kumuha ng tubig!”

“Kami ay natatakot. Sinabi nila sa amin na ang tubig ay bilang isang gantimpala para sa kanila at na kami ay kailangan na parusahan”. At sinabi nila sa mabuting panginoon na ang mga tumatáong magbubukid ng mapribilehiyong mga ari-arian ay nagsabi sa kanila na ang panginoon, upang maparusahan ang mga katulong ng tigang na mga bukid sapagkat wala silang naaaning malaki, ay nagbigay ng mga tagubilin na sukatin hindi lamang ang tubig ng mga tangke bagkus pati rin ang mga tubig ng lumang mga bubon, upang habang mayroon sila dati ng dalawang-daan na banyera ng tubig bawat araw para sa kanilang mga sarili at sa lupa, at kailangan nila itong hakutin nang may labis na kapaguran nang malayo,  ngayon ni wala na sila kahit limampu at upang magkaroon ng sapat para sa mga tao at sa mga hayop kinailangan nilang pumunta sa mga sapa sa mga hangganan ng masusuwerteng lugar, kung saan ang tubig ay umaapaw mula sa mga hardin at mga banyera at kunin ang maputik na tubig na iyon, at sila ay namamatay na. Sila ay namamatay sa mga sakit at pagkauhaw, at ang mga gulay at mga tupa ay namamatay na rin…

“O! iyan ay kalabisan! At kailangan na patigilin ko iyan. Dalhin ang inyong mga gamit at inyong mga hayop at sundan ako. Mapapagod kayo nang kaunti, mga hapong katulad ninyo ngayon, ngunit pagkatapos magkakaroon kayo ng kapayapaan. Magpapatuloy ako nang dahan-dahan upang masundan ninyo ako, sa kabila ng inyong kahinaan. Ako ay isang mabuting panginoon, isang mabuting ama sa inyo at tinitingnan ko ang pangangailangan ng aking mga anak”.  At lumakad siya nang dahan-dahan, sinusundan ng malungkot na pulutong ng mga katulong at mga hayop na, bagama't, ay nagbubunyi na sa pang-aaliw ng pagmamahal  ng kanilang mabuting panginoon.

Nakarating sila sa mga ari-arian na napakayaman sa tubig. Nang sila ay nasa mga hangganan na, ang panginoon ay kumuha ng pinaka malalakas na lalaki at nagsabi sa kanila: “Lakad at humingi ng ilang tubig sa ngalan ko”.

“At kung pakawalan nila ang mga aso sa amin?”

“Ako ay mapupunta sa likuran ninyo. Huwag matakot. Lakad at sabihin na kayo ay pinadala ko at sabihin sa kanila na huwag nilang isara ang kanilang mga puso sa hustisya, sapagkat ang tubig ay pag-aari ng Diyos at ang lahat na mga tao ay magkakapatid. Sabihin sa kanila na buksan kaagad ang mga kanal”.

Sila ay lumakad at ang may-ari ay sumunod sa kanila. Sila ay tumigil sa geyt at ang panginoon ay itinago ang sarili sa likuran ng bakod. Sila ay tumawag at ang tumatáong mga magbubukid ay pumunta sa geyt.

«Ano ang kailangan ninyo?”

“Maawa sa amin. Kami ay namamatay na. Ang may-ari ay pinadala kami na may mga tagubilin na kunin ang tubig na kanyang dinala rito para sa amin. Sinabi niya na ang Diyos ay binigay ang tubig sa kanya, binigay niya ito sa inyo para sa amin sapagkat tayo ay magkakapatid at na kailangan na buksan ninyo ang mga kanal kaagad”.

“Ha! Ha!” tawa ng malulupit na tao. “Ang gusgusin na mga taong ito ating mga kapatid? Kayo ay namamatay? Lalong mas mabuti. Kukunin namin ang inyong mga lugar, at dadalhin namin ang tubig doon. Tiyak na dadalhin namin ito kung ganyan! At gagawin namin na mataba ang lupa. Tubig para sa inyo? Kayo ay tanga. Ang tubig ay amin”.

“Maawa. Kami ay namamatay. Buksan ang mga kanal. Ito ay ang utos ng panginoon”.

Ang masasamang tagatao ay nag-uusap-usap, at pagkatapos sinabi nila: “Sandali lamang” at sila ay umalis. Sila pagkatapos ay bumalik at binuksan ang geyt. Ngunit may dala silang mga aso at mga pamalo... Ang kaawa-awang mga tao ay natakot. “Pasok kayo, pasok kayo... Hindi ba kayo papasok ngayon na binuksan na namin ang geyt? At pagkatapos sasabihin ninyo na kami ay hindi mapagbigay...” Ang isa sa mga lalaki ay pumasok nang walang kahinahunan at ang ulan ng mga palo ay tumama sa kanya habang ang pinakawalan na mga aso ay dinudumog ang iba pa.

Ang may-ari ay nagpakita mula sa likuran ng pader. “Ano ang ginagawa ninyo, kayong malulupit na tao? Ngayon ay kilala ko na kayo at ang inyong mga hayop at hahampasin ko kayo” at kanyang pinatamaan ng mga palaso ang mga aso at siya ay pumasok. Siya ay mahigpit at galít. “Ganyan ba ninyo ipinapatupad ang aking mga utos? Iyan ba kung bakit binigay ko sa inyo ang kayamanan na ito? Tawagin ninyo ang lahat na inyong mga tauhan. Gusto kong magsalita sa inyo. At kayo” sabi niya sa nanguluntoy na mga katulong “pasok kayo kasama ang inyong mga kababaihan at mga anak, kasama ang inyong mga tupa at mga asno, kasama ang inyong mga kalapati at ang lahat ng inyong mga hayop, at uminom at palamigan ang inyong mga sarili, at pitasin ang makatas na prutas na ito at kayo, maliliit na inosenteng mga bata, maglaro sa pagitan ng mga bulaklak. Kalugdan ninyo ang inyong mga sarili. May katarungan sa puso ng inyong mabuting panginoon at magkakaroon ng katarungan para sa lahat”.

At habang ang uhaw na mga tao ay tumatakbo patungo sa mga tangke, tumatalon sa mga palanguyan, at ang mga baka pumupunta sa mga tangke at lahat sila ay punó ng lugod, ang lahat na iba pa ay dumarating mula sa lahat na direksiyon nagmumukhang takot.

Ang may-ari ay umakyat sa gilid ng isang tangke at nagsabi: “Ginawa kong magawa ang lahat na gawing ito at ginawa ko kayong mga katiwala ng aking utos at ng kayamanan na ito, sapagkat pinili ko kayo bilang aking mga ministro. Ngunit bumagsak kayo sa pagsubok. Nagmukha kayong mabuti. Naging mabuti sana kayo, sapagkat ang kagalingan ay nagagawa ang mga tao na maging mabuti, mapagpasalamat sa kanilang may-kaloob at lagi ko kayong tinutulungan sa pagbigay sa inyo ng pagtatao sa mabuting-napatutubigan na lupang ito. Ang kayamanan at pagkapili na iyan ay nagawa kayong magkaroon ng matigas na puso, mas tigang pa kaysa sa lupa na nagawa ninyong ganap na tigang, at mas may-sakit kaysa sa mga taong ito na nanguluntoy sa uhaw. Sapagkat sila ay mapapagaling ng tubig, samantalang kayo, sa pamamagitan ng inyong pagkamakasarili, ay pinanguluntoy ninyo ang inyong mga espiritu na mukhang hindi na makakapanumbalik, at ang tubig ng karidad ay mahihirapan na makadadaloy nang pabalik sa inyo. Ngayon kayo ay akin nang parurusahan. Pumunta kayo sa kanilang mga lupa at paghirapan ang kanilang pinaghirap”.

“Maawa, panginoon! Maawa sa amin! Gusto ba ninyo kaming mamatay? Kayo ba ay mas walang-awa sa amin na mga tao kaysa kami ay walang-awa sa mga hayop?”

“At sino ang mga ito? Sila ba ay hindi mga tao, inyong mga kapatid? Anong awa ang nagkaroon kayo sa kanila? Sila ay nanghihingi ng tubig at binigyan ninyo sila ng mga palô ng inyong mga pamalo at trinato silang mapanuya. Hinihingi nila kung ano ang akin at na aking binigay, at tinanggihan ninyo sila nagsasabing iyon ay sa ‘inyo’. Kaninong tubig iyon? Kahit na ako ay hindi magsasabi na ang tubig ng lawa ay akin bagama't ang lawa ay akin. Ang tubig ay pag-aari ng Diyos. Sino sa inyo ang nakapaglikha ng kahit isang patak ng hamog? Lakad!... At sa inyo, sa inyo na naghirap, sinasabi ko: maging mabait.  Gawin sa kanila ang sana ginusto ninyong nagawa nila sa inyo. Buksan ang mga kanal na kanilang sinara at gawin na makadaloy ang tubig sa kanila, kaagad hangga’t maaari. Ginagawa ko kayong aking mga tagapamigay sa mga nagkasalang kapatid na ito kung kanino nag-iiwan ako ng pamamaraan at panahon na matubos nila ang kanilang mga sarili. At ang Kataastaasan ay pinagkakatiwala sa inyo ang kayamanan ng Kanyang tubig. Mahigit pa kaysa sa akin, upang kayo ay sana maging ang tulong ng Diyos para sa mga taong wala. Kung magagawa ninyo ito nang may pagmamahal at katarungan, bilang kontento na sa kung ano ang kinakailangan, ibinibigay sa mga mahihirap kung ano ang kalabisan, bilang nagiging tapat, hindi tinatawag na inyo kung ano ang isang regalong binigay sa inyo, isang deposito higit pa sa isang regalo, dakila ang magiging inyong kapayapaan at ang pagmamahal ng Diyos at Akin ay laging mapapasainyo”.

Iyan ang katapusan ng parabula at ang lahat ay maiintindihan ito. Sasabihin Ko lamang sa inyo na ang mayayaman ay mga dipositaryo lamang ng kayamanan na pinagkaloob sa kanila ng Diyos kasama ang mga tagubilin na ipamahagi ito sa mga naghihirap. Isipin ang karangalan na pinagkakaloob sa inyo ng Diyos sa pagtawag sa inyo na maging mga kasama sa gawain ng Tulong ng Diyos pabor sa mahihirap at mga may-sakit na tao, sa mga balo at mga ulila. Ang Diyos ay makapagpapaulan ng pera, mga damit, pagkain sa mahihirap na tao. Ngunit sa ganyang kaso mapagkakaitan Niya ang mayayamang tao ng dakilang mga merito: mga merito ng karidad hinggil sa kanyang mga kapatid. Hindi lahat na mayayaman ay maaaring maging may pinag-aralan, ngunit lahat sila ay maaaring maging mabuti. Hindi lahat na mayayaman ay makapag-aalaga ng mga maysakit, makapaglilibing ng patay, makadadalaw sa mga imbalido at mga nakukulong. Ngunit ang lahat na mayayaman, at kahit na ang mga di mahirap, ay makapagbibigay ng isang pirasong tinapay, isang patak ng tubig, pinagsawaan na mga damit, at makatatanggap sa kanilang mga paapuyan ng mga nanginginig sa ginaw, at makapagbibigay ng pag-aruga sa mga walang bahay, at nakalantad sa ulan at sa kainitan na mga araw. Siya ay isang mahirap na nagkukulang sa kung ano ang kinakailangan upang mabuhay. Ang iba pa ay hindi mahirap, kakaunti ang kanilang mga pamamaraan, ngunit sila ay mayaman pa rin kompara sa mga namamatay sa gutom, sa kasalatan at sa lamig.

Ako ay aalis na. Hindi Ko na matutulungan ang mahihirap na tao ng lugar na ito. At ang Aking puso ay naghihirap iniisip na sila ay nawawalan ng isang kaibigan... Bueno Ako Na nagsasalita sa inyo, at nalalaman ninyo kung sino Ako, hinihingi Ko sa inyo na maging ang tulong-ng-Diyos ng mahihirap na iniiwanan ng kanilang maawaing Kaibigan. Bigyan sila ng limos at mahalin sila sa Aking pangalan at sa pag-aalaala sa Akin... maging ang Aking mga tagapagpatuloy. Pagaanan ang Aking nalulungkot na puso sa pamamagitan ng pangakong ito: lagi ninyo Akong makikita sa mahihirap at na tatanggapin ninyo sila bilang ang pinakatotoong mga nangangatawan sa Kristo Na isang mahirap, Na ibig na maging mahirap dala ng pagmamahal para sa pinaka di-masayang mga tao sa Lupa, at ibig na mapagbayaran, sa pamamagitan ng Kanyang sariling karukhaan at marubdob na pagmamahal, ang di-makatarungan na kabulagsakan at pagkamakasarili ng mga tao.

Tandaan! Ang karidad at awa ay ginagantimpalaan magpakailanman. Tandaan! Ang karidad at awa ay absulusyon para sa mga kasalanan. Ang Diyos ay labis na nagbibigay sa mga nagmamahal. At ang pagmamahal para sa mahihirap na hindi nakagaganti ay ang pinaka karapat-dapat sa mga mata ng Diyos. Tandaan ang Aking mga salitang ito hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay at kayo ay maliligtas at magiging masaya sa Kaharian ng Diyos.

Harinawang ang Aking pagpapalà ay bumaba sa mga tumatanggap sa salita ng Panginoon at isinasabuhay ito.»

Ang mga apostol at si Marjiam ay lumabas sa bahay nang tahimik habang Siya ay nagsasalita at sila ay nasa isang siksik na grupo sa likuran ng mga pulutong. Ngunit sila ay pumunta sa harapan nang makatapos si Jesus sa Kanyang talumpati, at habang pumupunta sila kinokolekta nila ang mga limos na inaalay ng maraming mga tao. At dinala nila ang pera kay Jesus.

Ang isang nagmumukhang gigiray-giray na masasakitin na lalaki ay sumusunod sa kanila. Siya ay naglalakad na ang kanyang ulo ay yukung-yuko na hindi ko makita ang kanyang mukha. Nilalapitan niya si Jesus at dinadagukan ang kanyang dibdib siya ay umungol: «Ako ay nagkasala, Panginoon, at ako ay pinarusahan Ninyo. Karapat-dapat ako nito. Ngunit ako man lamang ay Inyong patawarin bago Kayo umalis. Maawa kay Jacob, isang makasalanan!» Itinaas niya ang kanyang mukha at nakilala ko, kung baga dahil binanggit niya ang kanyang pangalan kaysa sa pamamagitan ng kanyang gusgusin na hitsura, ang magbubukid na tinulungan noong una at pagkatapos pinarusahan dahil sa kanyang kagaspangan sa dalawang maliit na ulila.

«Ang Aking pagpapatawad! Noong minsan ginusto mong mapagaling sa pamamagitan ng apostol na ito. At nag-aalala ka sapagkat ang iyong mga butil ay nasayang. At ang mga apostol na ito ay naghasik para sa iyo¹. Ikaw kaya ay walang makain na tinapay?»

«Mayroon akong sapat.»

«At iyan kaya ay hindi kapatawaran?» si Jesus ay mahigpit-na-mahigpit.

«Hindi. Mas gusto ko pang mamatay ng pagkagutom ngunit nararamdaman na ang aking isip ay nasa kapayapaan. Sinikap kong makagawa ng pagsasatama hangga't sa magagawa ko... ako ay nanalangin at lumuha... Ngunit Kayo lamang ang makapagpapatawad at makapagbibigay ng kapayapaan sa aking espiritu.

Si Jesus ay tinititigan siya... Ginawa Niyang itaas niya ang kanyang mukha, na kanyang itinungo at nilalagos siya sa pamamagitan ng Kanyang maningning na mga mata, , yumuyukong kaunti sa kanya... Pagkatapos sinabi Niya: «Humayo. Ikaw ay mapapatawad o hindi ayon sa kung papaano ka mamuhay sa loob ng panahon na natitira sa iyo.»

«O! aking Panginoon! Hindi nang ganyan! Pinatawad Ninyo ang mas malalala pang mga kasalanan...»

«Sila ay hindi mga taong tinulungan nang katulad mo at sila ay hindi nagkasala laban sa inosenteng mga bata. Ang mahihirap ay laging sagrado, ngunit ang mga ulila at mga balo ay ang pinaka sagrado sa lahat. Hindi mo ba nalalaman ang Batas?»

Ang lalaki ay umiiyak. Gusto niyang mapatawad kaagad.

Si Jesus ay tumututol: «Ikaw ay dalawang beses na bumagsak at hindi ka nagmadaling makabangon... Tandaan. Kung ano ang pinahihintulot mo, isang tao, sa sarili mo, ay maipahihintulot ng Diyos sa Sarili Niya. Ang Diyos ay napakabuti pa rin kung sinasabi Niya sa iyo na hindi ka Niya pinagkakaitan ng kapatawaran sa isang absulutong paraan, bagkus binabagay Niya ito sa pamamaraan na iyong ipamumuhay hanggang sa iyong kamatayan. Humayo.»

«Ako man lamang ay pagpalain Ninyo... upang sana magkaroon ako ng mas marami pang lakas na maging makatarungan.»

«Naibigay Ko na ang Aking pagpapalà.»

«Hindi, hindi ganyan. Pagpalain ako nang tangi. Tingnan ang aking puso...»

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang kamay sa ulo ng lalaki at nagsabi: «Binalaan kita. Ngunit harinawang ang haplos na ito ay makumbinsi ka na, bagama't Ako ay mahigpit, hindi kit kinapopootan. Ang Aking pagmamahal ay mahigpit upang iligtas ka, upang tratuhin ka bilang isang di-masayang kaibigan, hindi dahil sa ikaw ay mahirap, bagkus dahil ikaw ay naging masamâ. Tandaan na minamahal kita, na Ako ay nagkaroon ng habag sa iyong espiritu at harinawang ang alaalang ito ay magawa kang manabik na Ako ay hindi na maging isang mahigpit na kaibigan sa iyo.»

«Kailan, Panginoon? Saan ko Kayo matatagpuan kung sinasabi Ninyo na Kayo ay aalis?»

«Sa Aking Kaharian.»

«Alin? Saan Ninyo ito itatayo? Pupunta Ako roon...»

«Ang Aking Kaharian ay mapupunta sa iyong puso kung gagawin mo ito na mabuti at pagkatapos ito ay mapupunta sa Langit. Paalam. Kailangan Ko nang makaalis sapagkat dumidilim na at kailangan Kong pagpalain ang Aking mga iiwanan» at si Jesus ay pinalalakad siya hinaharap ang Kanyang mga disipulo at ang maybahay na lalaki at babae, at pinagpapala Niya sila nang isa-isa.

Kanyang pinagpapatuloy ang Kanyang paglalakbay pagkatapos na maibigay ang pera kay Judas... Siya ay nawala sa berdeng kabukiran dahil naglalakad Siya nang patimog-kanluran pagawing Capernaum...

«Naglalakad Kayo nang labis, Guro!» bulalas ni Pedro. «Tayo ay pagod na. Nalakad na natin ang napakaraming stadia...»

«Maging mabuti, Simon. Mayamaya lamang ay makikita na natin ang Korazim. Papasukin ninyo ang bayan nagtatawag sa mga bahay na mapagkaibigan sa atin at lalo na sa bahay ng balo. At sabihan ang maliit na si Jose na ibig Ko siyang batiin pagsikat ng araw. Dadalhin ninyo siya sa Akin sa daan na patungo sa Giscala...»

«Ngunit hindi ba Kayo pupunta sa Korazim?»

«Hindi. Aakyat Ako sa bundok upang magdasal.»

«Kayo ay pagod. Kayo ay maputla. Bakit pinababayaan Ninyo ang Inyong sarili? At bakit hindi Kayo sasama sa amin? Bakit Kayo hindi pupunta sa bayan?» Tinatambakan nila Siya ng mga tanong. Ang kanilang pagkagiliw ay kung minsan mabigat.

Ngunit si Jesus ay mapasyensiya... at Siya ay tumugon nang may-pasyensiya: «Alam-na-alam ninyo! Ang pagdarasal ay kapahingahan para sa Akin. Kapaguran ang mapasama sa mga tao kung Ako ay naroroon upang hindi manggamot o mag-ebanghelyo. Kung kaya't aakyat Ako sa bundok. Kung saan Ako napunta dati noon. Alam ninyo ang lugar.»

«Sa daan na patungo sa bahay ni Joachim?»

«Oo. Alam ninyo kung saan ninyo Ako makikita. Pagsikat ng araw darating Ako at tatagpuin kayo...»

«At tayo ba ay magpapatungong Giscala?»

«Iyan ang tamang daan upang pumunta sa mga hangganan ng Syro-Phoenicia. Sinabihan Ko ang mga tao sa Aphek na pupunta Ako roon at Ako ay pupunta.»

060711



¹ Para sa kumpletong detalye ng insidenteng ito tingnan sa Ikatlong Aklat, Kabanata 297.




Sunod na kabanata