466. Si Judas Iskariote Pinunó si Jesus ng Lugod.

Setyembre 23, 1944.

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus:

«Sa pansamantala sasabihin Ko sa iyo na, kung gagawin mong regular ang trabahong ito, ang episodyo ng Miyerkules ng ika 20 ng Setyembre ay kailangan na ilagay isang taon bago ang Aking kamatayan [404], sapagkat nangyari ito noong panahon ng anihan sa Aking ika-32 taon na edad. Ang pangangailangan na mapaginhawahan at maturuan ka, Aking minamahal, at ang mga iba pa, ay napilitan Ako na sundan ang isang espesyal na ayos kapag nagbibigay ng mga bisyon at kaukulang mga diktasyon. Ngunit pagdating ng tamang oras ipakikita Ko sa iyo kung papaano aayusin ang mga episodyo ng tatlong taon ng Aking pamumuhay ng pakikihalubilo sa publiko.

Ang pagkakaayos ng mga Ebanghelyo ay maganda, ngunit hindi kasing perpekto ng isang pagkakasunud-sunod na ayos. Ang isang masikap na nag-oobserba ay napupuna ito. Siya na nakapagbigay sana ng eksaktong kaayusan ng mga pangyayari, bilang nakasama Ko mula sa simula ng Pag-eebanghelyo hanggang sa Aking Asensyon, ay hindi ito ginawa, sapagkat si Juan, na isang tunay na anak ng Liwanag, ay itinalaga ang kanyang sarili at inasikaso ang tungkol sa magawa ang Liwanag na suminag nang maningning sa hitsura nito ng isang Katawan sa mga mata ng mga erehe, na pinasisinungalingan ang katotohanan ng Dibinidad na nakapaloob sa isang katawan ng tao. Ang dakilang Ebanghelyo ni Juan ay nakuha nito ang sobrenatural na pakay nito, ngunit ang pagkakasunud-sunod ng Aking pamumuhay ng pakikihalubilo sa publiko ay hindi napaunlad nito. Ang iba pang tatlong mga ebanghelista ay nagpapakita sa isa’t isa ng pagkakatulad hinggil sa mga pangyayari, ngunit binago nila ang kaayusan ng mga ito hinggil sa oras, sapagkat tanging isa lamang sa tatlo ang naroroon sa halos lahat ng Aking pakikihalubilo sa publiko: si Mateo, at sinulat niya ito pagkaraan lamang ng labinlimang taon pagkatapos, habang ang iba ay sinulat ang kanila pagkaraan ng mas matagal pang panahon, pagkatapos na mapakinggan ang kasaysayan mula sa Aking Ina, kay Pedro, sa iba pang mga apostol at mga disipulo.

Ibig Kong bigyan kita ng isang gabay sa pagkolekta ng mga pangyayari ng tatlong taon, ayon sa bawat taon.

At ngayon tingnan at magsulat. Ang episodyo ay sinusundan ang episodyo noong Miyerkules (ika 20 ng Setyembre).»

Nakikita ko si Jesus naglalakad nang marahan paakyat at pababa sa isang maliit na landas ng kabukiran sa ilalim ng maningning na sinag-ng-buwan. Ang buwan ay kabilugan at sumisikat na ang kanyang ngumingiting mukha nasa isang napakalinaw na kalangitan. Ayon sa kanyang pusisyon sa kalangitan – siya ay nagsisimula nang lumubog – sasabihin ko na ngayon ay pagkaraan ng hating-gabi.

Si Jesus ay tiyak na nag-iisip at nagdarasal, bagama't wala akong napapakinggang kahit anong salita. Ngunit hindi nawawala sa Kanyang paningin kung ano ang nasa kapaligiran Niya.  Siya ay tumigil nang minsan at ngumingiti pinakikinggan ang malakas na awit ng isang ruwinsensor na umiibig: ang ibon ay inaawit ang isang himig nang may arpeggio at mga pakatal-ng-tinig at isang solo, may mga nota na naaawit nang napakaganda, napakalakas at sa napakatagal na tila imposible na ito ay nanggagaling mula sa isang maliit na kumpol ng mga balahibong iyon. Upang hindi ito magambala ng pagsalisod ng Kanyang  mga sandalyas sa maliliit na bato sa landas at sa kaluskos ng Kanyang tunika sa damo, si Jesus ay tumigil na nakakursomano at ngumingiti nakatingala ang Kanyang mukha. Kanyang pa ngang isinasara nang kaunti ang Kanyang mga mata upang mas matutukan ang pakikinig, at nang ang ruwinsensor ay nakarating sa katapusan na may mataas na nota na tumataas pa nang tumataas nang tatlong nota (hindi ko matiyak kung naaalaala kong tama) at nagtatapos na may isang napakataas na nota na pinipigilan nang matagal hanggat makakayanan ng hininga, pinakikita ni Jesus ang Kanyang pagsang-ayon at pumapalakpak nang walang-ingay tumatango nang dalawa o tatlong beses nang may masayang ngiti.

Ngayon, sa halip, niyuyukuan Niya ang isang tungkos ng madreselba na nasa pamumulaklak, na nangangamoy nang malakas ang napakaraming mga kalis na nakakatulad ng mga humihikab na bunganga ng mga ahas, kung saan ang mga dila-dila na manilaw-nilaw na mga pistilo ang nanginginig at ang isang ginintuan na marka ay nagniningning sa mas mababang petalo. Ang bulaklak ay nagmumukhang mas maputi, halos malaplata, sa sinag ng buwan. Si Jesus ay hinahangaan at inaamoy ito at hinahaplos ito ng Kanyang Kamay.

Binalikan Niya ang Kanyang pinanggalingan kanina. Ang lugar ay maaaring mataas nang kaunti sapagkat sa liwanag ng buwan makikita ng isa sa timog ang isang bagay na nagniningning katulad ng isang basang piraso ng bubog na naliliwanagan ng buwan, tiyak na munting bahagi ng isang lawa, sapagkat ito ay ni hindi isang ilog o ang dagat, dahil ito ay napalilibutan ng mga burol sa tabing katapat ng tabi kung saan si Jesus ay nakatayo. Si Jesus ay tinitingnan ang mapayapang kalmanteng mga tubig na kumikislap sa mapayapang gabi ng tag-init. Pagkatapos Siya ay tumalikod, mula sa timog patungong kanluran, at tinitingnan ang isang nayon, na nangingibabaw sa kaputian nito, mga dalawang kilometro ang layo, baka mas kulang pa. Ito ay isang malaki-laking nayon. Tumigil Siya sa pagtingin dito at iniiling Niya ang Kanyang ulo pagkatapos ng isang naiisip na nagpapalungkot sa Kanya nang labis.

Pagkatapos nagpatuloy Siya sa paglalakad nang marahan at sa pagdarasal. Sa bandang huli naupo Siya sa isang malaking bato sa paanan ng isang napakataas na punungkahoy, at pinagpatuloy Niya ang Kanyang karaniwang hitsura ng pag-upo, na ang Kanyang mga siko nasa Kanyang mga tuhod, ang Kanyang mga bisig nakaunat at ang Kanyang mga palad magkadaop.

Siya ay nananatiling ganyan nang matagal-tagal at nakapanatiling ganito sana kung ang isang lalaki, katulad ng isang anino, ay hindi lumapit sa Kanya mula sa palumpungan tinatawag Siya: «Guro?»

Si Jesus ay tumalikod, sapagkat ang tao ay parating mula sa Kanyang likuran, at Siya ay nagsabi: «Judas? Ano ang kailangan mo?»

«Nasaan Kayo, Guro?»

«Sa paanan ng puno ng nugales. Halika rito.» At si Jesus ay tumayo at pumunta sa landas. Sa loob ng liwanag ng buwan, upang Siya ay makita ni Judas. «Pumunta ka ba, Judas, upang samahan ang iyong Guro nang sandali?» Sila ay magkalapit na ngayon at si Jesus ay mapagmahal na ipinatong ang isang bisig sa balikat ng disipulo. «O Ako kaya ay kailangan sa Korazim?»

«Hindi, Guro. Walang nangangailangan para sa Inyo. Ginusto kong pumunta sa Inyo.»

«Halika kung gayon. May lugar para sa ating dalawa sa ibabaw ng batong ito.»

Sila ay naupong magkalapit sa isa’t isa at nananatiling tahimik. Si Judas ay hindi nagsasalita, tinitingnan niya si Jesus. Siya ay naghihirap. Si Jesus ay ibig siyang tulungan. Tinitingnan Niya siya nang may-kabaitan, ngunit may katalasan.

«Anong gandang gabi, Judas! Tingnan kung gaano ang lahat dalisay! Hindi sa palagay Ko ang unang gabi na ngumiti sa Lupa at sa tulog ni Adam sa makalupang Paraiso ay mas dalisay pa. Amuyin kung gaano kabangó ang mga bulaklak na ito. Amuyin sila. Napakaganda nila at dalisay! Nagpigil din Akong pitasin sila sapagkat ang pitasin sila ay ang lapastanganin sila. Laging hindi tama na gumawa ng karahasan, sa mga tanim katulad sa mga hayop, sa mga hayop katulad sa mga tao. Bakit pagkaitan sila ng kanilang mga buhay? Ang buhay ay napakaganda kung ito ay isinasabuhay nang mabuti!... At ang mga bulaklak na iyon ay isinasabuhay ang kanilang mga buhay nang mabuti sapagkat mabango ang kanilang amoy, napasasaya nila ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang magagandang hitsura at mga amoy, nagbibigay sila ng pulot sa mga pukyutan at mga paruparo at inililipat nila sa huli ang ginto ng kanilang mga pistilo upang makapaglagay ng munting mga topasyo sa kanilang malaperlas na mga pakpak, at ginagamit ito sa paggawa ng mga mahihigaan sa loob ng mga pugad... Kung naririto ka kani-kanina lamang, napakinggan mo sana ang isang ruwinsensor na inawit nang napakatamis ang lugod ng pamumuhay nito at ang pagpupuri sa Panginoon. Mahal na maliliit na ibon! Anong halimbawa sila para sa mga tao! Sila ay kontento ng kaunti at kung ano ang legal at banal. Isang munting butil at isang maliit na uod bilang binigay sa kanila ng Amang Tagapaglikha; at kung wala, sila ay hindi nagagalit o naiinis, bagkus dinadaya nila ang kagutuman ng kanilang mga katawan sa pamamagitan ng init ng kanilang mga puso, na nagagawa silang awitin ang mga papuri ng Panginoon at ang lugod ng pag-asa. Sila ay masaya na mapagod pagkatapos ng paglipad mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito sa paggawa ng isang pugad para sa kanilang mga sarili, isang malahininga, malambot, ligtas na pugad, hindi dala ng pagmamakasarili, bagkus ng dala ng pagmamahal para sa kanilang mga anak. At sila ay umaawit dala ng lugod ng pagmamahal sa isa’t isa nang tapat: ang ruwinsensor para sa kapareha nito at kapwa sila para sa kanilang mga maliliit. Ang mga hayop ay laging masaya sapagkat sila ay walang pangungutya-ng-konsiyensya o paninisi sa loob ng kanilang mga puso. Nagagawa natin sila na di-masaya, sapagkat ang tao ay masamâ, walang-paggalang, mapangibabaw, malupit. At ang tao ay hindi masaya na maging ganyan sa kanyang katulad. Ang kanyang kasamaan ay umaapaw sa mas mabababa. At habang mas nararamdaman niya ang pangungutya-ng-konsiyensya, mas lalo siyang nauudyukan ng kanyang konsiyensya at mas lalo siyang nagiging walang-awa sa ibang mga tao. Ako ay nakatitiyak, halimbawa, na ang mángangabayong iyon ngayon na inuudyukan nang napakalupit ang kanyang kabayo, bagama't basa na ito ng pawis at ito ay pagod na, at kanya itong hinahagupit hanggang sa punto na nag-iiwan ito ng magang mga marka sa buhok sa leeg at sa mga tabi nito, at kahit pa sa mga butas ng ilong na napakalambot, at sa maiitim na mga pilikmata nito, na nagsasarang masakit sa mga mata na hindi tumututol at maamo, natitiyak ko na ang kanyang kaluluwa ay wala sa kapayapaan.

Si Judas ay tahimik at nag-iisip din. Pagkatapos sinabi niya: «Gaano kaganda ito, Guro, na marinig Kayong nagsasalita nang ganyan! Ang lahat ay nagiging maliwanag sa mga mata, sa isip, sa puso... at ang lahat ay nagiging madali. Ang sabihin din: “Gusto kong maging mabuti!” At sabihin din sa Inyo... pati rin ang sabihin sa Inyo: “Guro, ang aking kaluluwa ay balisa din! Huwag Kayong masuklam sa akin, Guro, sa dahilan na minamahal Ninyo nang labis ang mga puro!”»

«O! Judas! Ako masuklam? Aking mahal na kaibigan, Aking mahal na anak, ano ang nagpapabalisa sa iyo?»

«Panatilihin Ninyo akong kasama Ninyo, Guro. Hawakan Ninyo ako nang mahigpit... Nanumpa akong magiging mabuti pagkatapos na nagsalita Kayo sa akin nang napakabait. Nanumpa akong maging ang Judas ng mga unang araw, noong sinusundan ko Kayo at minamahal katulad ng isang nobyo at wala akong ibang hinahanap-hanap bagkus Kayo, dahil natatagpuan ko ang lahat na kahustuhan sa Inyo. Ganyan kung papaano ko Kayo minahal, Jesus...»

«Alam Ko... at iyan kung bakit minahal kita... Ngunit minamahal pa rin kita, Aking mahal na nasaktan na kaibigan...»

«Papaano Ninyo nalalaman na ako ay nasaktan? At alam ba Ninyo ng kung ano?»

Nagkaroon ng katahimikan. Si Jesus ay tinitingnan si Judas nang napakabait... Ang mga luha ay tila nagagawa ang Kanyang mga mata na maging mas malapad at mas mabait, pinahihinahon ang kaningningan ng mga ito: mga mata ng isang walang-laban na bata na isinusuko nang ganap ang sarili sa pagmamahal.

Si Judas ay bumagsak sa paanan ni Jesus na ang kanyang mukha nasa mga tuhod ni Jesus at hinahawakan ang Kanyang mga tagiliran ng kanyang mga kamay siya ay umungol: «Panatilihin Ninyo akong kasama Ninyo, Guro... panatilihin ako... Ang aking laman ay umaatungal katulad ng isang dimonyo... at kung ako ay bumigay, ang lahat na kasamaan kung gayon ay babagsak sa akin... Alam ko na nalalaman Ninyo ang tungkol dito, ngunit naghihintay Kayo para sa akin na sabihan ko Kayo... Ngunit ito ay mahirap, Guro, na sabihin: “Nagkasala ako”».

«Alam Ko, Aking kaibigan. Iyan kung bakit ang isa ay kailangan na kumilos nang tama. Upang pagkatapos ang isa ay hindi sana kailangan na ibaba ang sarili nagsasabing: “Ako ay nagkasala”. Ngunit, Judas, iyan ay isa ring napakabuting gamot. Ang katotohanan na ang isa ay kailangan na gumawa ng pagsisikap na ikumpisal ang kanyang kasalanan ay makapagpipigil sa kanya na gawin ito; at kung ito ay nagawa na ang kirot sa pag-aakusa sa kanyang sarili ay isa nang nanunubos na pagsisisi. At kung ang isa ay naghihirap hindi labis dahil sa pagmamalaki o sa takot ng kaparusahan, bagkus dahil nakikita niya na sa pagkakasala siya ay nakagawa ng kapighatian, diyan Ko sasabihin sa iyo na ang kasalanan ay nakakansela. Ang pagmamahal ang nagliligtas.»

«Minamahal ko Kayo, Guro. Ngunit napakahina ko... O! Hindi Ninyo ako mamamahal! Kayo ay puro at minamahal Ninyo ang puro... Hindi Ninyo ako mamamahal sapagkat ako... ako... O! Jesus, pagaanan Ninyo ako sa kagutuman sa kahalayan! Nalalaman ba Ninyo kung anong klaseng dimonyo ito?»

«Alam Ko. Hindi Ako nakinig dito, ngunit alam Ko kung ano ang katulad ng tunog ng mga tinig nito.»

«Kita Ninyo? Kita Ninyo? Labis Kayong nasusuklam dito na sa simpleng pagbanggit dito nababalisa Kayo... O! Hindi Ninyo ako mapatatawad!»

«Judas. At hindi mo ba naaalaala si Maria? O si Mateo? O ang publikano na naging isang ketongin? O ang babaeng iyon, ang Romanong puta, para kung kanino hinulaan Ko ang isang lugar sa Langit, sapagkat bilang napatawad Ko magkakaroon siya ng lakas na mamuhay nang may-kabanalan?»

«Guro, Guro... O! Gaano akong may sakit sa puso!... Ngayong gabi ako ay lumayas sa Korazim sapagkat kung ako ay nanatili, mawawala ako. Alam Ninyo na ito ay katulad ng isang umiinom at magkakasakit... Ang doktor ay pinagbabawalan siya na uminom ng alak at ng kahit anong nakalalasing na inumin at siya ay gumaling at nagiging malusog habang hindi siya tumitikim ng gayong mga likido... Ngunit kung siya ay bumigay, kahit minsan lamang, at tinikman niya itong muli siya ay mauuhaw... mauuhaw para sa ganyang mga likido... siya ay hindi na nanlalaban at iinom at iinom at magkakasakit muli magpahanggang kailanman... baliw... hawak ng kanyang dimonyo ng dimonyong iyon niya. O! Jesus, Jesus, Jesus!... Huwag sabihan ang iba... Huwag silang sabihan... Mamumula ako sa hiya sa harapan nilang lahat...»

«Ngunit hindi sa harapan Ko.»

Hindi ito naintindihan nang tama ni Judas. «Iyan ay totoo! Kailangan na mamula ako nang lalo pa sa harapan Ninyo kaysa sa harapan ng sino pa mang iba, sapagkat Kayo ay perpekto...»

«Hindi, anak. Hindi iyan ang ibig Kong sabihin. Huwag na lituhin ka ng iyong kapighatian, iyong kagipitan, iyong kalumbayan. Sinabi Ko na maaari kang mamula sa harapan ng lahat, ngunit hindi sa harapan Ko. Ang isang anak ay hindi natatakot o nahihiya sa isang mabuting ama ni ang isang imbalido natatakot sa kanyang magaling na doktor.  At ang pangungumpisal ay kailangan na gawin sa dalawa nang wala kahit anong takot, dahil ang isa ay nagmamahal at nagpapatawad, at ang isa pa nakaiintindi at nanggagamot. Minamahal at naiintindihan kita. Kung kaya't nagpapatawad at nanggagamot Ako. Ngunit sabihin mo sa Akin, Judas. Ano ito na siyang nagdala sa iyo sa mga kamay ng dimonyo? Ako ba? Ang iyong mga kapatid? Mga naging maruming mga babae? Hindi. Ito ba ay ang iyong kalooban? Ngayon ay pinatatawad na kita at pinagagaling kita... Anong lugod ang binigay mo sa Akin, Aking Judas! Ako ay nagbubunyi na sa maliwanag, mabangong gabing ito, na ginawang kalugod-lugod ng matatamis na awit, at pinapupurihan Ko ang Panginoon para dito. Ngunit ang lugod na ngayon ay binibigay mo sa Akin ay nalalampasan ang maliwanag na sinag ng buwan na ito, ang mga amoy na ito, ang kapayapaan na ito, ang mga awit na ito. Naririnig mo ba ito? Ang ruwinsensor ay tila sinasamahan Ako sa pagsasabi sa iyo na ito ay nalulugod ng iyong mabuting kalooban, katulad na ang maliit na umaawit na ibon ay gustung-gustong gawin ang para kung sa ano ito nilikha. At gayon din, ang maagang ihip ng hanging umaga na ito, na umiihip sa mga bulaklak, ginigising sila at ginagawa ang malahamog na mga brilyante na pumatak sa malukong na mga kalis, upang ang mga paruparo at mga silahis ng araw ay matagpuan ang mga ito kaagad, ang una upang palamigan ang mga sarili, ang huli upang ang kanilang kaningningan ay masalamin ng munting mga salamin. Tingnan: ang buwan ay lumulubog. Ang bukanliwayway ay ibinabalita ng tandang na iyon na tumitilaok sa malayo. Ang kadiliman at guniguni ng gabi ay naglalaho. Nakikita mo ba kung gaano kabilis at kaganda dumaraan ang oras, samantalang, kung ikaw ay hindi pumunta sa Akin, napalampas mo sana ito sa kasuklaman at pangungutya-ng-konsiyensya? Kailangan na pumupunta ka sa Akin sa tuwing natatakot ka sa iyong sarili. Ang kaakuhan ng sarili!!! Isang dakilang kaibigan, isang dakilang tagatukso, isang dakilang kaaway at isang dakilang hukom, Judas! At nakikita mo ba? Habang ito ay isang sinsirong tapat na kaibigan kung ikaw ay nagiging mabuti, maaari itong maging isang di-sinsirong kaibigan kung ikaw ay hindi mabuti, at pagkatapos na maging iyon kasabwat, tumataas ito sa tánggapan ng di-mapatatahimik na hukom at pahihirapan ka sa pamamagitan ng mga paninisi nito... Malupit ito sa paninisi... Hindi Ako! Bueno, tayo na. Ang gabi ay tapos na...»

«Guro, hindi ko Kayo napagpahinga... at ngayon kinailangan Ninyong magsalita nang labis...»

«Ako ay nakapagpahinga sa lugod na iyong binigay sa Akin.  Walang mas magandang pagpapahinga para sa Akin kaysa ang sabihin: “Ngayon nailigtas Ko ang isa na nawawala”. Halika... Bumaba tayo patungo sa Korazim! O! kung ang bayan na ito ay alam lamang kung papaano gayahin ka, Judas!»

«Guro... ano ang sasabihin Ninyo sa aking mga kasamahan?»

«Wala, kung hindi nila Ako tatanungin... Kung tanungin nila Ako, sasabihin Ko na nagsalita tayo tungkol sa awa ng Diyos... Ito ay isang uri ng totoo at walang-hangganan na paksa na ang isang napakahabang pamumuhay ay hindi sapat upang pagusapan ito. Tayo na...»

At sila ay bumaba, parehong matangkad, magkaiba sa kagandahan ng pagkalalaki ngunit parehong bata-pa. Magkatabi, at sila ay nawala sa paningin sa likuran ng sang grupo ng mga punungkahoy...

--------------------

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus:

«Ito ay isang episodyo ng awa katulad ng mga tagpo tungkol may Magdalena. Ngunit kung gagawa ka ng isang aklat, mas maganda kung isasaayos mo ang pagkakasunud-sunod kaysa ang mga kategoriya, simpleng babanggitin sa simula o katapusan ng bawat episodyo kung saan kategoriya ito kasama.

Bakit nililinaw Ko ang pigura ni Judas? Marami ang baka nagtatanong kung bakit.

Tumutugon Ako: ang pigura ay labis na nabaluktot sa pagdaan ng panahon. At kamakailan lamang ito ay ganap na nabaluktot. Ang ilang mga kaisipan ay umawit ng mga papuri na tila siya ay ang naging ikalawa at di-maaaring mawala na awtor ng Panunubos.  Marami din ang nag-iisip na siya ay bumigay sa isang biglaan na matinding pag-atake ng Tagatukso. Hindi. Ang bawat pagbagsak ay may dahilan ayon sa panahon. Habang mas malala ang bagsak, ito ay mas lalo pinaghandaan. Ang nauunang mga dahilan ay ipinaliliwanag ang katotohanan. Ang isa ay hindi kaagad-agad bumabagsak o tumataas, maging sa Kabutihan o sa Kasamaan. Mayroong mahahabang mapaminsalang mga dahilan sa mga pagbaba, at matitiyagang banal na mga dahilan sa mga pag-akyat. Ang walang-suwerteng drama ni Judas ay matuturuan kayo nang mabuti kung papaano maililigtas ninyo ang inyong mga sarili at kung papaano masasanay sa paraan ng Diyos at ng Kanyang awa sa pagliligtas at pagpapatawad sa mga bumababa patungo sa Kalaliman.

Ang isa ay hindi makararating sa makadimonyo na pagkahibang kung saan nakita mo si Judas na nanlalaban pagkatapos ng Krimen, maliban kung ang isa ay ganap na naparumi ng maka-impiyernong mga kaugalian, na kinuha ng isa upang nasisiyahan ang kanyang laman sa loob ng maraming taon. Kapag ang isa ay nakagagawa ng isang krimen naitulak ng isang biglang pangyayari, na naninira ng isip ng isang tao, siya ay maghihirap ngunit makagagawa ng pagbabayad-kasalanan, sapagkat ang ilang bahagi ng puso ay malaya pa rin sa maka-impiyernong lason. Sa mundo na tumatangging may Satanas, sapagkat si satanas ay labis nang nasa mundo mismo na hindi na siya nito napupuna, siya ay tinanggap na nito at ang mundo ay naging bahagi na ng kanyang kaakuhan, pinatutunayan Ko na si Satanas ay naririyan. Siya ay eternal at walang-pagbabago sa pamamaraan na kanyang ginagamit upang kayo ay maging kanyang mga biktima.

Sapat na ito ngayon. Manatiling kasama ang Aking kapayapaan.»

080711

 

 


Sunod na kabanata