488. Si Jesus sa Kampo ng mga Galilean Kasama ang Kanyang mga Pinsan na mga Apostol.

Setyembre 10, 1946.

«Judas at Santiago, sumama sa Akin.»

Ang dalawang anak ni Alfeo ay hindi na kinakailangan na sabihan nang dalawang beses. Sila ay tumayo kaagad at lumabas kasama si Jesus mula sa isang maliit na bahay sa arabal sa timog ng Herusalem, kung saan sila binigyan ng pagtanggap ngayon.

«Saan tayo pupunta, Jesus?» tanong ni Santiago.

«Upang batiin ang mga Galilean sa Mount of Olives

Sila ay naglakad nang matagal-tagal pagawing Herusalem, pagkatapos sila ay dumaraan malapit sa ilang maliliit na mga burol na may mga bahay sa pagitan ng kaberdehan, halatang mga bahay ng asyenda, tinatawid nila ang daan patungo sa Bethany at Jericho, ang patimog na daan na nagtatapos sa Tophet at Siloam, iniikot nila ang is pang burol, na siyang ang pagsanga ng Mount of Olives at sa pamamagitan ng isang maliit na landas sa pagitan ng mga punong-olibo umaakyat  patungo sa kampo ng mga Galilean. Maraming mga tolda ang natanggal na, at bilang alaala ng pagsisiksikan, nananatili roon ang tuyong mga sanga na itinapon sa lupa, ang labí ng mga apoy na nanunog sa damo, ang mga abo, ang mga dupong, ang mga kalat, katulad na laging nangyayari kung saan nagkaroon ng isang pagkakampo. Ang lamig at ang maagang tag-ulan ay nagpabilis sa pag-alis ng mga peregrino. Ang mga karabana ng mga babae at mga bata ay umaalis kahit na ngayon. Ang mga kalalakihan, lalo na mga malalakas, ay nananatili upang tapusin ang kapistahan.

Ang mga Galilean na naniniwala sa Panginoon ay maaaring napasabihan ng ilang mga disipulo, sapagkat nakikita ko silang lahat at mula sa bawat nayon na nalalaman ko. Ang Nazareth sa pamamagitan ng dalawang disipulo, si Alfeo, na pinatawad ni Jesus pagkatapos na mamatay ang kanyang ina, at ilang pang mga disipulo. Ngunit hindi ko nakikita si Simon o si Jose ni Alfeo. Ngunit, bilang mga kapalit ay naroroon ang iba, kasama rito ay ang pangulo ng sinagoga, na kitang-kitang nahihiya sa pagbati kay Jesus nang may pakundangan pagkatapos na hadlangan Siya nang labis. Ngunit tinulungan niya ang kanyang sarili na makalabas sa mahirap na sitwasyong ito sa pagsasabi na ang mga kamag-anak ni Jesus ay nanunuluyan «sa kaibigan na iyon na kilala Ninyo»,  dahil sa mga bata na naghirap sa hangin noong gabi. At ang Cana ay naroroon sa pamamagitan ng asawa ni Susanna, ng kanyang ama at ng iba pang mga tao, at ang Nain din ay naroroon sa pamamagitan ng lalaking binuhay muli at ng iba pang mga tao, at ang Bethlehem ng Galilee sa pamamagitan ng maraming mga mamamayan at ang kanluraning mga baybaying-bayan sa pamamagitan ng mga mamamayan niyon...

«Kapayapaan sa inyo! Kapayapaan sa inyo!» bumabati si Jesus dumaraan sa pagitan nila, hinahaplos ang mga batang naroroon pa rin, ang Kanyang maliliit na kaibigan mula sa mga lugar ng mga Galilean, nakikinig kay Jairus na nagsasabi sa Kanya na siya ay nalulungkot na siya ay wala roon nang nakaraang taon.

Nagtatanong si Jesus kung ang balo mula sa Aphek ay nanirahan na sa Capernaum at kung kinuha ang ulila mula sa Giscala. «Hindi ko alam, Guro, Baka ako ay nakaalis na...» sabi ni Jairus.

«Oo. Ang isang babae ay dumating at nagbibigay siya ng maraming pulot at mga haplos sa mga bata. At gumagawa siya ng mga keyk para sa amin. At ang mga bata na madalas pumunta sa Inyo, ay laging pumupunta sa kanyang bahay upang kumain. At noong huling beses pinakita niya sa amin ang isang munting sanggol. Bumili siya ng dalawang kambing upang magkaroon ng gatas. At sinabi niya sa amin na ang sanggol ay ang anak ng Langit at ng Panginoon. At hindi siya pumunta para sa kapistahan, katulad na ito ang gusto niya, sapagkat hindi siya makapaglalakbay na may gayong kaliit na sanggol. At nakiusap siya sa amin na sabihin sa Inyo na mamahalin niya ang bata nang may katarungan at na siya ay pinagpapala Kayo.»

Ang mga bata ng Capernaum ay nag-iingay katulad ng maliliit na ibong-pipit sa paligid ni Jesus at nagmamalaki sila na nalalaman nila ang hindi nalalaman ng kahit pangulo ng sinagoga, at na sila ay kinailangan na gumanap katulad ng mga embahador sa mabuting Guro, Na nakikinig sa kanila nang may gayon ding atensiyon katulad ng kung Siya ay nakikinig sa mga adulto, at Na tumutugon: «At sasabihin ninyo sa kanya na pinagpapala Ko rin siya at na kailangan niyang mahalin ang mga bata alang-alang sa Akin. At kailangan na mahalin ninyo siya at huwag samantalahin ang katotohanan na siya ay mabait, huwag siyang mahalin lamang dahil siya ay nagbibigay sa inyo ng pulot at mga keyk, bagkus dahil siya ay mabuti. Napakabuti niya at mabait na naintindihan niya na ang mga nagmamahal sa mga bata sa ngalan Ko ay nagagawa Akong masaya. At kailangan na gayahin ninyo siya, lahat kayo, kapwa kayo mga bata at kayo mga adulto, laging sinasaisip na siya na tumatanggap ng isang bata sa ngalan Ko,  ay mayroong lugar na nakatalaga sa kanya sa Langit. Sapagkat ang awa ay laging ginagantimpalaan, at kung ito ay isang kopa lamang ng tubig na binigay sa ngalan Ko, ngunit awa alang-alang sa mga bata, nililigtas sila hindi lamang mula sa gutom, uhaw at ginaw, bagkus mula sa kurupsiyon ng mundo, ay tumatanggap ng walang-hangganang gantimpala... Ako ay naparito upang kayo ay pagpalain bago kayo umalis. Dadalhin ninyo ang Aking pagpapalà sa inyong mga kababaihan,  sa inyong mga tahanan...

«Ngunit hindi ba Kayo babalik sa amin, Guro?»

«Babalik Ako... Ngunit hindi ngayon. Pagkatapos ng Paskuwa...»

«O! Kung Kayo ay mawawala nang ganyang katagal, makakalimutan Ninyo ang pangako...»

«Huwag matakot. Ang araw ay maaaring tumigil sa pagsikat bago makalimutan ni Jesus ang mga umaasa sa Kanya.»

«Iyan ay magiging napakahabang panahon!...»

«At malungkot!»

«Kung kami ay magkasakit...»

«Kung kami ay may problema...»

«Kung ang kamatayan  ay kailangan na bumaba sa aming mga tahanan...»

«Sino ang tutulong sa amin?» sabi ng ilang mga tao mula sa iba't ibang mga lugar.

«Ang Diyos ang tutulong. Siya ay kasama ninyo kung kayo ay mananatiling nasa Akin kasama ang inyong kalooban.»

«At papaano kami? Kami ay naniwala sa Inyo nang maikling panahon pa lamang. Tinatanggap namin ito. Kung gayon kami ba ay hindi magkakaroon ng kaginhawahan? Gayunpaman ngayon, pagkatapos na makita ang Inyong mga himala at mapakinggan Kayong nagsalita sa Templo, o! naniniwala kami sa Inyo...»

«At iyan ay isang malaking lugod para sa Akin, sapagkat iyan ang Aking pinakamalaking mithiin na ang Aking kapwa mga kababayan ay kailangan na nasa daan ng Kaligtasan.»

«Minamahal ba Ninyo kami nang labis? Ngunit sa loob ng mahabang panahon sinaktan at tinuya namin Kayo!...»

«Iyan ay nakaraan na. Iyan ay hindi na nangyayari. Maging tapat sa hinaharap at sasabihin Ko sa inyong totoo na ang inyong nakaraan ay kanselado na kapwa sa Lupa at sa Langit.»

«Mananatili ba Kayong kasama namin? Pagsasaluhan natin ang aming tinapay katulad ng ginagawa natin nang maraming beses sa Nazareth, nang lahat tayo ay magkakapareho at sa mga araw ng Sabbath nagpapahinga tayo sa taniman ng mga punong-olibo, o noong Kayo ay si Jesus lamang at madalas Kayong sumama sa amin at katulad namin patungo sa Herusalem para sa mga kapistahan...» May kalungkutan at mithiin para sa nakaraan mga panahon sa mga tinig ng mga Nazareno na ngayon naniniwala kay Jesus.

«Ginusto Kong pumunta kay Jose at Simon. Ngunit saka na Ako pupunta. Kayong lahat ay Aking mga kapatid sa Diyos, at ang espiritu at pananampalataya ay mas may halaga sa Akin kaysa laman at dugo, sapagkat ang huli ay naglalaho samantalang ang una ay inmortal.»

At habang ang ilan ay inaabala ang mga sarili sa paghahanda ng mga apoy upang ihawin ang karne, ginagamit ang pira-pirasong mga sanga upang maluto ang pagkain, ang may-edad na mga tao at ang mga nasa mas mataas na ranggo sa lipunan ay mas lalong nag-uumpukan sa paligid ni Jesus nagtatanong sa Kanya kung bakit noong umaga at noong nakaraan araw Siya ay wala sa Templo, at Siya ba ay pupunta sa susunod na araw, na siyang huling araw ng kapistahan.

«Ako ay naroroon... Ngunit Ako ay tiyak na mapupunta roon bukas.»

«At magsasalita ba Kayo?»

«Oo, kung magagawa Ko...»

Si Alfeo ni Sarah, na patingin-tingin sa paligid mismo, ay bumulong sa mababang tinig kay Jesus: «Ang Inyong mga kapatid ay umalis upang kumuha ng tulong para sa Inyo sa bayan... Ang taong iyon ay maraming nalalaman sapagkat siya ay kamag-anak ng isa na taga-Templo sa pamamagitan ng relasyon sa ilang mga babae... Si Jose ay nag-aalala tungkol sa Inyo, alam Ninyo? Pagkatapos man ng lahat... siya ay mabuti.»

«Alam Ko. At pabuti pa siya nang pabuti kapag siya ay espirituwal na mabuti na.»

Mas marami pang mga Galilean ang dumarating mula sa bayan. Ang bilang ng mga nasa paligid ni Jesus ay lumalaki, sa kalungkutan ng mga bata na naitutulak sa likuran ng mga adulto at hindi na sila makalapit kay Jesus hanggang nakita ni Jesus ang inosenteng  nagmumukmok na grupo at sinabi Niyang ngumingiti: «Gawin ang mga bata na makalapit sa Akin.»

Pagkatapos habang nagbubukas ang nakapaligid na hanay kay Jesus, sa muli bilang kasing saya ng isang paglipad ng mga ibon, sila ay tumakbo patungo kay Jesus, Na humahaplos sa kanila at nagpatuloy sa pagsasalita sa mga adulto. At ang Kanyang mahabang kamay, na kulay-kape pa rin pagkatapos ng labis na pagkakabilad sa araw ng tag-init, ay paulit-ulit na dumaraan sa maliit na maitim at kulay-kapeng mga ulo, na may paminsan-minsan na kulay gintong ulo sa napakaraming maiitim na ulo, lahat sumisiksik sa Kanya hangga't magagawa nila, tinatago ang kanilang mga mukha sa Kanyang mga damit, sa ilalim ng Kanyang manta, niyayakap ang Kanyang mga tuhod at mga tabi, nananabik para sa Kanyang mga haplos, lubos na masaya kapag natatanggap nila ang mga ito.

Sila ay kumakain nakaupo nang pabilog pagkatapos na napagpalà ni Jesus ang pagkain at naiabot, sa isang matiwasay na mapagkaibigan na pagkakaisa ng mga puso. Ang iba, na hindi mga tagasunod ni Jesus, ay nakatingin mula sa malayo, mapanudyo at di-makapaniwala. Ngunit walang pumapansin sa kanila...

Ang pagkain ay tapos na. Si Jesus ay ang unang tumayo at tinawag niya si Jairus, si Alfeo, si Daniel ng Nain, si Elias ng Korazim, si Samuel (ang dating pilay, hindi ko alam kung mula saan), pagkatapos ang isang Uriah, ang isa ng maraming mga Juan, ang isa ng maraming mga Simon, isang Levi, isang Isaac, si Abel ng Bethlehem, atbp. sa maikling pananalita, isa sa bawat nayon, at sa pamamagitan ng tulong ng Kanyang mga pinsan pinaghati-hati Niya sa magkakaparehong bahagi ang pera ng dalawang punung-punong mga lukbutan at binibigay Niya ang isang bahagi sa bawat lalaki na Kanyang tinawag para sa mahihirap ng bawat nayon.

Pagkatapos, nang Siya ay wala nang pera, pinagpapala Niya ang lahat at Siya ay umalis. Ibig Niyang iwanan sila na ang Kanyang mga hakbang patungo sa Gethsemane, upang mapasok ang bayan sa pamamagitan ng Sheep Gate. Ngunit ang halos lahat ay ibig Siyang sundan, lalong-lalo na ang mga bata, na kumakapit sa Kanyang tunika at sa laylayan ng Kanyang manta, at tiyak na nakayayamot sa Kanya, ngunit hindi Niya sila pinatitigil...

At ang maliit na batang lalaki ng Magdala, si Benjamin, na isang araw ay malinaw na malinaw na sinabi niya kung ano ang kanyang naiisip tungkol kay Judas ng Kerioth, ay hinatak ang Kanyang tunika hanggang si Jesus ay yumuko upang pakinggan lang siya.

«Nakakasama pa ba Ninyo ang masamang taong iyon?»

«Alin na masamang tao? Wala Akong kasamang ganyan...» sabi ni Jesus sa kanya ngumingiti.

«Siyempre mayroon! Ang matangkad na maitim na lalaking tumatawa... Alam Ninyo, ang isang sinabihan ko na magandang lalaki sa panlabas at pangit sa panloob... siya ay masama.»

«Siya ay nagsasalita ng tungkol kay Judas» sabi ni Tadeo na nasa likuran ni Jesus at nakapakinig.

«Alam Ko» tugon ni Jesus tumatalikod, at pagkatapos sinasabi Niya sa bata: «Siyempre ang lalaking iyon ay kasama Ko pa rin. Siya ay isa sa Aking mga apostol. ngunit ngayon siya ay mabuting-mabuti na... Bakit iniiling mo ang iyong ulo? Kailangan na hindi ka magkaroon ng masamang opinyon tungkol sa iyong kapwa, lalong-lalo na tungkol sa mga taong hindi mo nakikilala.

Ang bata ay iniyuko ang kanyang ulo at naging tahimik.

«Hindi ka ba tumutugon sa Aking?»

«Ayaw Ninyo akong magsinungaling.... at nangako ako sa Inyo na hindi gagawa ng kahit anong kasinungalingan at pinangatawanan ko ito. ngunit ngayon kung sasabihin ko sa Inyo na sa palagay ko siya ay mabuti, masasabi ko ang isang bagay na hindi totoo, sapagkat sa palagay ko siya ay masama. Maisasarado ko lagi ang aking bunganga upang mapasaya ko Kayo, ngunit hindi ko maisasarado ang aking isip upang hindi mag-isip.

Ang kanyang sinabi ay may labis na kapusukan at may lohika sa kasimplihan nito, bagama't pambata, upang ang lahat na nakapakinig sa kanya ay hindi mapigilan ang tumawa. Ang lahat, maliban kay Jesus, Na nagbubuntung-hininga at nagsasabi: «Bueno, kailangan na gawin mo ang isang bagay. kung talagang siya ay tila masama sa iyo, kailangan na magdasal ka na sana siya ay maging mabuti. Kailangan na ikaw ay maging kanyang anghel. Gagawin mo ba iyan? Mas magiging masaya Ako kung siya ay magiging mabuti. Kung kaya't kong mananalangin ka para diyan, nananalangin ka na sana Ako ay maging mas masaya.»

«Gagawin ko. Ngunit kung siya ay masama at hindi naging mabait sa Inyo, ang aking panalangin ay magiging walang-kabuluhan.»

Si Jesus ay tinapos ang argumento sa pamamagitan ng Kanyang pagtigil at paghalik sa mga bata. Pagkatapos Kanyang sinabi sa lahat na sila ay bumalik na...

Nang sila ay nag-iisa na, si Jesus at ang kanyang dalawang pinsan, si Judas ni Alfeo, pagkaraan ng kaunting katahimikan, na tila matagal na siyang nag-iisip tungkol dito, ay nagtapos: «Tama siya! Tamang-tama siya! Ako rin ay pareho ng kanyang opinyon.»

«Ngunit sino ang sinasabi mo?» tanong ng kanyang kapatid na si Santiago, na, nakababad sa pag-iisip, ay naglalakad nang kaunti sa unahan niya sa isang makipot na landas na iisang tao lamang ang makararaan.

«Ako ay nagsasalita ng tungkol kay Benjamin. At ng tungkol sa kanyang sinabi. At... ngunit wala Kayo mapapakinggan ng tungkol dito, at sasabihin ko sa Inyo na si Judas ay... Hindi siya totoong apostol... Siya ay hindi tapat, hindi niya Kayo minamahal, hindi siya nag...

«Judas! Judas! Bakit pamighatiin Ako?»

«Aking mahal na Kapatid, sapagkat minamahal ka Kayo. At ako ay natatakot sa Iskariote, mas natatakot ako sa kanya kaysa sa isang ahas...»

«Hindi ka makatarungan. Kung hindi sa kanya, baka Ako nahuli na ngayon.»

«Tama si Jesus. Nakagawa ng malaki si Judas. Labis-labis ang kapootan at panlilibak na nakuha niya sa kanyang sarili, at siya ay nagtrabaho at nagtatrabaho pa para kay Jesus.» sabi ni Santiago.

«Hindi ako makapaniwala na ikaw ay isang tanga o isang sinungaling... At nagtataka ako kung bakit sinusuportahan mo si Judas. Hindi ako nagsasalita dala ng paninibugho o ng poot. Ako ay nagsasalita sapagkat nararamdaman ko na siya ay masama, na siya ay hindi sinsiro... Ang tanging matatanggap ko, alang-alang sa Inyo,  ay siya ay isang baliw. Isang kaawa-awang baliw na nagngangangawa sa isang pamamaraan ngayon, at sa ibang pamamaraan bukas. Ngunit siya ay tiyak na di mabuti. Huwag siyang pagtiwalaan, Jesus! Huwag!... Wala sa amin ang mabuti. Ngunit tingnan kami nang maigi. Ang aming mga mata ay malinaw. Bantayan kami nang masugid. Ang aming asal ay palaging iyon. Wala bang ibig-sabihin na kahit ano sa Inyo ito na ang mga Pariseo ay hindi siya sinisita sa kanyang panunuya sa kanila? Na ang mga taga-Templo ay hindi umaalma sa kanyang mga salita? Na siya ay laging may mga kaibigan sa pagitan ng mga kanyang tila laging sinasaktan? Na siya ay laging maraming pera? Hindi ako nagsasalita ng tungkol sa aming dalawa na mayroon lamang ng kung ano ang kinakailangan, ni hindi tungkol kay Natanael, na isang mayaman, ni tungkol kay Tomas, na hindi nagkukulang ng kahit na ano. Siya... O!...»

Si Jesus ay tahimik.

Si Santiago ay nagsabi: «Ang aking kapatid ay medyo tama. Ito ay katotohanan na si Judas ay laging nakakakita ng paraan na siya ay makapag-isa, upang makalakad nang siya lamang... upang... Ngunit ayaw kong magbulung-bulong o manghusga. Alam Ninyo...»

«Oo. Alam Ko. Iyan kung bakit Ko sinasabi sa inyo na huwag kayong manghusga. Kapag kayo ay nasa mundo bilang kapalit Ko, makakatagpo kayo ng mga tao na mas estranghero pa kaysa kay Judas. Anong klaseng mga apostol kayo magiging, kung sila ay inyong paaalisin dahil sa sila ay mga estranghero? Hindi, bagkus dahil sa sila ay mga estranghero, kailangan ninyo silang mahalin nang matiyaga upang sila ay magawa ninyong mga tupa ng Panginoon. Tayo na kina Jose at Simon ngayon. Napakinggan ninyo ang balita, hindi ba? Sila ay nagtatrabaho nang palihim para sa kapakanan Ko? Pamilyang pagmamahal, maaari ninyong sabihin. Totoo. Ngunit pagmamahal pa rin. Hindi kayo naghiwalay bilang magkakaibigan noong huling beses. Magkasundo na ngayon. Kapwa sila at kayo ay tama at mali. Gawin ng bawat isa na kilalanin ang kanyang pagkukulang, gawin na walang sinuman ang magtataas ng kanyang tinig upang ipilit ang kanyang karapatan.»

«Sinaktan niya ako nang mabuti sa pananakit sa Inyo nang seryoso» sabi ni Santiago.

«Ikaw ay katulad-na-katulad ng Aking amang si Jose. At ang iyong kapatid na si Jose ay katulad ng iyong amang si Alfeo. Bueno: Si Jose ay madalas na pintasan ng kanyang nakatatandang kapatid at lagi niya siyang pinatatawad. Sapagkat ang Aking ama ay dating isang dakilang makatarungan na tao! Maging ganyan ka rin mismo.»

«At kung ako ay kanyang kagagalitan na tila ako ay isang maliit na bata? Nalalaman Ninyo na kung siya ay balisa hindi siya nakikinig sa rason...»

«Kung gayon maging tahimik. Iyan lamang ang remedyo upang mapahupa ang galit ng isa. Maging mapagpakumbaba at matayigang nananahimik, at kung nararamdaman mo na hindi ka na maaaring maging tahimik nang hindi nagiging magaspang, umalis ka. Upang makapanahimik! Upang makalayo! Hindi dahil sa karuwagan, o sa kakulangan ng mga salita, bagkus gawa ng birtud, gawa ng kahinahunan, karidad, kababaang-loob. Napakahirap na manatiling makatarungan sa gitna ng mga pagdedebate! At sa kapayapaan ng espiritu. Laging may bumababa sa kailaliman ng puso ng isa nambabaluktot, nagpapalalà, gumagawa ng kaingay. At ang imahe ng Diyos na nasasalamin sa bawat mabuting espiritu ay napalalabo, ito ay naglalaho at ang mga salita nito ay hindi na napapakinggan. Kapayapaan! Kapayapaan sa gitna ng mga magkakapatid. Kapayapaan din sa pagitan ng mga magkakaaway. Kung sila ay ating mga kaaway, sila ay mga kaibigan ng Satanas. Ngunit tayo rin ba ay kailangan na maging mga kaibigan ni Satanas sa ating pagkapoot sa kanila? Papaano natin sila mapapasunod sa pagmamahal kung tayo ay wala ng pagmamahal mismo? Masasabi ninyo sa Akin: “Jesus, nasabi na Ninyo nang napakaraming beses na iyan ang Inyong ginagawa, ngunit lagi nila Kayong kinapopootan”. Lagi Kong sinasabi ang ganyan. Kapag Ako ay hindi na ninyo kasama, pasisiglahin Ko iyan sa loob ninyo mula sa Langit. At sasabihin Ko rin sa inyo na huwag bilangin ang mga pagkatalo, bagkus ang mga pananagumpay. Ating papurihan ang Panginoon para sa kanila! Walang buwan ang dumaraan na walang ilang pananakop na nagagawa. Iyan ang kailangan na napuna ng manggagawa ng Panginoon, nagbubunyi sa Panginoon, nang wala ng galit ng makamundong mga tao kapag nawawalan sila ng kanilang kaawa-awang mga panalo. Kung gagawin ninyo ang ganyan...»

«Kapayapaan sa Inyo, Guro. Hindi Ninyo ako nakikilala?» sabi ng isang bata-pang lalaki na mula sa bayan ay umaakyat patungo sa Gethsemane.

«Ikaw?... Ikaw ang Levita na kasama namin noong nakaraang taon kasama ng pari.»

«Ako iyon. Papaano Ninyo ako nakilala, dahil nakikita Ninyo ang isang buong mundo sa paligid Ninyo?»?»

«Hindi Ko nakakalimutan ang namumukod na mga katangian ng mga mukha at mga espiritu.»

«Ano ang katangian ng aking espiritu?»

«Isang mabuting katangian. Ngunit hindi nasisiyahan. Pagod ka na ng kung ano ang nakapaligid sa iyo. Ang iyong espiritu ay nakakiling sa mabubuting mga bagay. Sa pakiramdam mo sila ay naririyan. Nakita mo na panahon na para magpasya ang iyong isip para sa eternal na Mabuti. Nakikita mo na sa kabila ng kadiliman ay may isang Araw, ang Liwanag. Gusto mo ang Liwanag.»

Ang binata ay ibinagsak ang sarili sa kanyang mga tuhod: «Guro, nasabi Ninyo ito! Iyan ay totoo. Iyan ang nasa loob ng aking puso. At hindi ako makapagpasya. Si Jonathan, ang matandang pari, ay naniwala, pagkatapos siya ay namatay. Siya ay matanda na. Ngunit ako ay bata pa. Napakinggan ko Kayong nagsalita sa Templo... Huwag Ninyo akong tanggihan, Panginoon, sapagkat hindi lahat doon ay napopoot sa Inyo at ako ay isa sa mga nagmamahal sa Inyo. Sabihin Ninyo sa akin kung ano ang dapat kong gawin, sinasaisip na ako ay isang Levita...»

«Gawin mo ang iyong tungkulin hanggan sa bagong mga panahon. Magnilay, sapagkat sa pagpunta sa Akin ikaw ay hindi papunta sa makalupang kaluwalhatian, bagkus patungo sa kapighatian. Kung ikaw ay magpupursige, tatanggap ka ng kaluwalhatian sa Langit. Pag-aralan ang Aking doktrina. Maging matatag dito...»

«Papaano?»

«Ang Langit mismo ang magpapatibay sa iyo sa pamamagitan ng mga tanda nito. Ang Aking mga disipulo ay tutulungan ka upang makumpirma muli at upang magkaroon ng mas malalim at mas malalim pang kaalaman ng tungkol sa Aking itinuro at upang maisabuhay ito. Gawin iyan at makakamtan mo ang eternal na buhay.»

«Gagawin ko, Panginoon. Ngunit... makapaglilingkod pa ba ako sa Templo?»

«Sinabi Ko sa iyo: hanggang sa bagong mga panahon.»

«Pagpalain Ninyo ako, Guro. Iyan ang aking magiging bagong konsagrasyon.»

Si Jesus ay pinagpapala at hinahalikan siya. Sila ay naghiwalay.

«Kita ninyo? Ganyan ang pamumuhay ng mga manggagawa ng Panginoon. Nang nakaraang taon ang binhi ay bumagsak sa pusong iyon. Ngunit noon iyon ay hindi lumalabas na isang pananalo, sapagkat hindi siya kaagad lumapit sa atin. Ngunit dito siya ay pumunta, pagkaraan ng isang taon, upang patotohanan ang mga salitang Aking sinabi kani-kanina pa lamang. Isang pananalo. At hindi ba nagagawa niyan ang araw na maging isang magandang araw para sa atin?»

«Ikaw ay laging tama, Jesus... Ngunit mag-ingat kay Judas! Isang katangahan ko na sabihin sa Inyo. Alam ko. Nalalaman Ninyo... Mayroon ako ng pahirap na ito sa loob ng aking puso... Hindi ko sinasabi sa iba. Ngunit ito ay naririto... at natitiyak ko na ang iba ay nasa kanila rin ito.»

Si Jesus ay hindi tumutugon. Sinabi Niya: «Natutuwa Ako na si Jose at si Nicodemus ay binigay sa Akin ang pera na iyon. Makapagpapadala na Ako ng ilang tulong sa Aking mahihirap na tao sa Galilee...»

Nakarating na sila sa Gate at pumasok sila humahalo sa pulutong.

270811

 


Sunod na kabanata