49. Unang Pagkikita ni Pedro at ng Mesiyas.

Oktubre 13, 1944

¹Na ang aking kaluluwa pinanghihinaan gawa ng napakaraming mga bagay, ako ay nagdarasal upang makatanggap ng kaliwanagan. Ako ay nadala sa kabanata 12 ng Sulat sa mga Hebreo at ang lakas ng aking espiritu ay totoong nanumbalik at sa muli nasa akin ang enerhiya na «makinig». Sa katunayan kapag ako ay nasisiil ng napakaraming bagay, gusto kong magsabing: «Ayaw ko nang gumawa pa ng kahit ano. Isang pangkaraniwang pamumuhay, isang pangkaraniwang pamumuhay anuman ang mangyari.» Ngunit kilala ko kung «Sino ang nagsasalita» at nakikita ko Siya tinitingnan ako nang may mapagmahal na nangungusap na mga mata. At hindi ko na masabi: «Ayaw ko na.»

Ang Diyos ay totoo ngang ang apoy na tumutupok din sa mga kiling ng ating pagkataong kalikasan kapag ang huli ay nagbibigay-daan sa Kanya. Sa Kanya na nagsasalita nagsasabing: «Hindi kita iiwanan, hindi kita iaabandona», ibig kong ulitin muli nang may ganap na pagtitiwala: «Kayo ay malaking tulong sa akin, hindi ko kinatatakutan ang tao. O Diyos, huwag Ninyong biguin ang aking pag-asa.»

Noong 2:00 n.u. nakita ko ang sumusunod:

²Si Jesus ay parating sa tabi ng isang daan, isang landas sa pagitan ng dalawang bukid. Siya ay nag-iisa. Si Juan ay kumikilos patungo sa Kanya sa ibang daan sa mga bukid at natagpuan niya Siya sa wakas, dumaraan sa isang pagitan ng isang hilera ng mga tanim.

Si Juan, kapwa sa bisyon kahapon at sa araw na ito ay batang-bata. Ang kanyang mukha ay malarosas at walang-balbas, ang malinis na kutis ng isang kabataan, na halos hindi mo matawag na isang lalaki. Walang mga tanda ng bigote o balbas, bagkus kakinisan lamang ng kanyang malarosas na mga pisngi, ng kanyang mapulang mga labì, at ng kanyang maningning na ngiti at dalisay na tingin, hindi labis dahil sa malalim na turkesang kulay nito, bagkus dahil sa kalinawan ng kabirhinan ng kanyang kaluluwa na nagniningning sa pamamagitan ng kanyang mga mata. Ang kanyang olandesang kulay-kapeng mahabang malambot na buhok ay umaalon sa bawat hakbang habang naglalakad siya nang halos kasing bilis ng tumatakbo. 

Noong siya ay nakalampas na sa hilerang tanim, siya ay sumigaw: “Guro!» Si Jesus ay tumigil at tumalikod, ngumingiti.

«Guro, labis ko na Kayong hinahanap! Ang mga tao sa bahay na tinitirahan Ninyo ay nagsabi na Kayo ay pumunta sa kabukiran. Ngunit hindi nila sinabi kung saan. Ako ay natakot na baka hindi ko Kayo matagpuan.» Habang nagsasalita, iniyuko ni Juan nang kaunti ang kanyang ulo, dala ng paggalang. Subalit siya ay puno ng makatotohanang pagmamahal, kapwa sa kanyang aktitud at sa kanyang mga mata, na kanyang itinataas kay Jesus, habang ang kanyang ulo ay nakakiling pa rin nang kaunti sa kanyang balikat.

«Nakita Ko na hinahanap mo Ako at Ako'y pumuntang papalapit sa iyo.»

«Nakita Ninyo ako? Nasaan Kayo, Guro?»

«Sa banda roon» at si Jesus ay itinuturo ang grupo ng mga kakahuyan sa malayo, na, sa kulay ng mga dahon nito, sasabihin kong mga punong olibo. «Ako ay doon. Ako ay nagdarasal, at iniisip Ko kung ano ang Aking sasabihin sa sinagoga sa gabi. Ngunit Ako ay umalis kaagad noong makita kita.»

«Ngunit papaano Ninyo ako nakikita, kung halos hindi ko makita ang lugar, nakatagong katulad niyan sa likuran ng hilera ng mga tanim na iyon?»

«Ngunit, nakikita mo, na naririto Ako. Ako ay nagpunta sapagkat nakita kita. Kung ano ang hindi nagagawa ng mga mata, nagagawa ng pagmamahal.»

«Oo, nagagawa ng pagmamahal. ³Minamahal Ninyo ako, kung gayon, Guro?»

«At minamahal mo ba Ako, Juan, anak ni Zebedeo?»

«Labis, Guro. Sa palagay ko lagi ko na Kayong minamahal.  Bago ko pa Kayo nakita, matagal na, ang aking kaluluwa ay naghahanap na para sa Inyo, at noong makita ko Kayo, ang aking kaluluwa ay nagsabi sa akin: “Naririto ang Siyang hinahanap mo”. Sa palagay ko nakita ko Kayo, sapagkat ang aking kaluluwa ay nadama Kayo.»

«Nasabi mo iyan, Juan, at ang iyong sinabi ay tama. Ako rin ay pumunta sa iyo sapagkat ang Aking kaluluwa ay nadama ka. Hanggang kailan mo Ako mamahalin?»

«Magpakailanman, Guro. Ayaw ko nang magmahal ng sino pa man, bagkus Kayo.»

«Mayroon kang ama’t ina, mga kapatid na lalaki’t mga babae, mayroon ka ng buhay mo, at kasama ng iyong buhay, mayroon kang isang babae at pagmamahal. Papaano mo iiwanan ang lahat na iyan alang-alang sa Akin?»

«Guro… hindi ko alam… ngunit sa palagay ko, kung hindi pagmamalaki ang sabihin ito, ang pagkagiliw Ninyo ay papalitan nito ang ama at ina, ang mga kapatid na lalaki at babae, at ang babae rin. Ako ay masusuklian sa lahat, kung mamahalin Ninyo ako.»

«At kung ang Aking pagmamahal ay mabigyan ka ng mga kapighatian at mga pang-uusig?»

«Wala ang mga iyan, kung mamahalin Ninyo ako.»

«At sa araw na Ako ay mamatay...»

«Hindi! Kayo ay bata pa, Guro… Bakit mamatay?»

«Sapagkat ang Mesiyas ay naparito upang ituro ang Batas sa pagka-katotohanan nito at gawin ang Panunubos. At ang mundo ay kinasusuklaman ang Batas at ayaw ng katubusan. Kung kaya't kanilang inuusig ang mga mensahero ng Diyos.»

«O! Huwag kailanman iyan mangyari! Huwag banggitin ang prediksiyon na iyan ng kamatayan sa kanya na nagmamahal sa Inyo!... Ngunit kung kailangan na Kayo ay mamatay, mamahalin ko pa rin Kayo. Pahintulutan ako na mahalin Kayo.» Ang tingin ni Juan ay nangungusap na tingin. Naiyuko niya ang kanyang ulo nang mas mababa pa kailanman, at siya ay naglalakad sa tabi ni Jesus, na tila nanghihingi ng pagmamahal.

Si Jesus ay tumigil. Tinitingnan Niya siya, sinusuri siya nang may malalim na nanlalagos na mga mata, at pagkatapos inilagay Niya ang Kanyang kamay sa kanyang nakayukong ulo. «Gusto Kong mahalin mo Ako.»

«O! Guro!» Si Juan ay masaya. Bagama't ang kanyang mga mata ay nagniningning sa mga luha, ang kanyang magandang pagkapormang bunganga ay ngumingiti. Kinuha niya ang dibinong kamay, hinahalikan ito sa likuran, at idinidiin ito sa kanyang puso.

⁴Sila ay nagpatuloy muli sa daan.

«Sinabi mo na hinahanap mo Ako…»

«Oo, upang sabihin sa Inyo na ang aking mga kaibigan ay ibig Kayong makilala… at dahil din, o! gaano akong naghintay na makasama Kayong muli! Mga ilang oras ko pa lamang Kayong iniwan… ngunit hindi na ako makapag-isa na wala Kayo.»

«Ikaw ba kung gayon ay naging isang mabuting tagapagbalita ng Salita?»

«Si Santiago rin, Guro, ay nagsalita tungkol sa Inyo sa pamamaraan na… sila ay makumbinsi.»

«Upang siya rin na walang kompiyansa – at hindi kailangang sisihin sapagkat ang kanyang pagpipigil ay ayon sa kahinahunan – ay ngayon kumbinsido na. Tayo na at bigyan siya nang ganap na pagtitiyak.»

«Siya ay medyo natatakot…»

«Hindi! Hindi natatakot sa Akin! Ako ay naparito para sa mabubuting tao at lalo pa para sa mga nasa pagkakamali. Ibig Kong makapagligtas ng mga tao, hindi ang hatulan sila. Ako ay magiging puno ng awa sa matatapat na tao.»

«At sa mga nagkakasala?»

«Sa kanila rin.  Sa salitang di-matatapat na tao, ang ibig Kong sabihin ay ang mga taong di-matatapat nang espirituwal at mapagkunwaring naghihitsurang mabubuti, samantalang ang ginagawa nila ay lahat na masama. Ginagawa nila ang ganyang mga bagay, at para sila kumita at makalamang sa kanilang mga kapwa. Ako ay magiging mahigpit sa kanila.»

«O! Si Simon, kung gayon, ay hindi kailangan na mag-alala. Siya ay matapat na walang katulad.»

«Iyan ang gusto Ko, at ibig Ko kayong lahat na maging ganyan.»

«Si Simon ay ibig na magsabi sa Inyo ng maraming bagay.»

«Ako ay makikinig sa kanya pagkatapos na makapagsalita sa sinagoga. Sinabihan Ko sila na paalamin ang mahihirap at mga maysakit karagdagan sa mayayaman at malulusog. Silang lahat ay nangangailangan ng Ebanghelyo.»

⁵Sila ay malapit sa nayon. Ilang mga bata ang naglalaro sa daan at ang isa sa kanila ay napasabit sa mga paa ni Jesus at  natumba sana kung si Jesus ay hindi naging mabilis na mahawakan siya. Ang bata ay umiyak pa rin, na tila siya ay nasaktan at si Jesus, karga-karga siya, ay nagsabi: «Ang isang Israelita na umiiyak? Ano ang maaaring ginawa ng libu-libong mga bata, na naging mga lalaki, tinatawid ang disyerto kasama si Moses? Datapwat, pinadala ng Kataastaasan ang matamis na Manna para sa kanila, kaysa sa iba, sapagkat mahal Niya ang inosenteng mga bata at inaalagaan Niya ang maliliit na mga anghel na ito ng lupa, ang walang mga pakpak na maliliit na ibon na ito, katulad na inaalagaan Niya ang mga ibong pipit ng mga kakahuyan at ng mga bayan.  Gusto mo ba ng pulot-pukyutan? Oo? Bueno, kung ikaw ay mabait, kakain ka ng isang pulot na mas matamis pa kaysa sa mga pulot na mga pukyutan.»

«Saan? Kailan?»

«Kapag pumunta ka sa Kanya, pagkatapos ng isang pamumuhay ng may-katapatan sa Diyos.»

«Alam ko na hindi ako makakapunta roon maliban na lamang kung dumating ang Mesiyas. Sinasabi ng aking ina na tayo ngayon sa Israel ay katulad ng maraming mga Moses at namamatay tayo na nakikita ang Lupang Pangako. Sinasabi niya na tayo ay naroroon na, naghihintay na makapasok, at na tanging ang Mesiyas lamang ang makakapagpapasok sa atin.»

«Anong galing na maliit na Israelita! Bueno, sasabihin Ko sa iyo na kapag ikaw ay mamatay, ikaw ay pupunta sa Paraiso kaagad, sapagkat ang Mesiyas pagdating ng araw na iyan ay nabuksan na Niya ang mga tarangkahan ng Langit. Ngunit kailangan na maging mabait ka.»

«Inay! Inay!» Ang bata ay nagpadalusdos mula sa mga bisig ni Jesus at tumakbong patungo sa isang bata-pang babae, na papasók sa kanyang bahay hawak ang isang tansong amphora. «Inay! Ang bagong Rabbi ay sinabi sa akin na pupunta ako sa Paraiso kaagad kapag ako ay namatay at kakain ako ng maraming pulot… kung ako ay mabait. Magiging mabait ako!»

«Ipagkaloob iyan ng Diyos! Humihingi ako ng paumanhin, Guro, kung Kayo ay kanyang inabala. Napakalikot niya!»

«Ang inosensiya ay hindi nakakaabala, babae. Pagpalain ka nawa ng Diyos, sapagkat ikaw ay isang ina na nagpapalaki ng kanyang mga anak sa kaalaman sa Batas.»

Ang babae ay namumula sa pagpapapuri at tumugon: «Harinawang ang pagpapalà ng Panginoon ay mapasainyo rin.» At siya ay nawala kasama ang kanyang maliit na anak.

⁶«Gusto ba Ninyo ang mga bata, Guro?»

Oo, gusto Ko, sapagkat sila ay dalisay… sinsiro… at mapagmahal.»

«Mayroon ba Kayong mga pamangkin, Guro?»

«Ang Aking Ina lamang ang tanging mayroon Ako… Sa Kanya ay may kadalisayan, sinseridad, ang pagmamahal ng pinakabanal na mga bata, kasama ang karunungan, hustisya at ang tíbay-ng-loob ng mga adulto. Nasa Akin ang lahat sa Aking Ina, Juan.»

«At iniwanan Ninyo Siya?»

«Ang Diyos ay mataas din sa pinakabanal na ina.»

«Makikilala ko ba Siya?»

«Oo, makikilala mo Siya.»

«At mamahalin ba Niya ako?»

«Mamahalin ka Niya sapagkat minamahal Niya ang sinuman na nagmamahal sa Kanyang Jesus.»

«Kung gayon wala Kayong mga kapatid na lalaki?»

«May ilan Akong mga pinsan sa asawa ng Aking Ina. Ngunit ang bawat tao ay Aking kapatid, at Ako ay naparito para sa lahat. ⁷Tayo ay nasa sinagoga na ngayon. Papasok na Ako, at sasamahan mo Ako kasama ang iyong mga kaibigan.»

Si Juan ay umalis, at si Jesus ay nagtungo sa isang kudradong silid na may pangkaraniwan na mga triyanggulong mga lampara at mga atril na may mga rolyo ng pergamino. Naroroon na ang isang pulutong na naghihintay at nagdarasal. Si Jesus ay nagdarasal din. Ang mga tao ay nagbubulungan at gumagawa ng mga komentaryo sa likuran Niya, habang Siya ay yumuyukod sa pangulo ng sinagoga, binabati siya, at humingi Siya ng isang rolyo na hindi pinipili.

Si Jesus ay sinimulan ang Kanyang pagtuturo.

Sinasabi Niya: «Ang Espiritu ay ginagawa Akong basahin Ko ang mga sumusunod para sa inyo.  Sa ikapitong kabanata ng aklat ni Jeremiah, mababasa natin: “Si Yahweh Sabaoth, ang Diyos ng Israel, ay sinasabi ito: ‘Baguhin ang inyong asal at ang inyong mga kilos at Ako ay mamamalagi sa inyo sa lugar na ito. Huwag pagtiwalaan ang mapagligaw na mga salitang katulad nito: Ito ang santuwaryo ni Yahweh, ang santuwaryo ni Yahweh, ang santuwaryo ni Yahweh! Ngunit kung babaguhin ninyo ang inyong asal at inyong mga kilos, kung tatratuhin ninyo nang makatarungan ang isa’t isa, kung hindi ninyo pagsasamantalahan ang estranghero, ang ulila at ang balo, kung hindi kayo magpapadanak ng inosenteng dugo sa lugar na ito, at kung hindi kayo susunod sa banyagang mga diyos, sa ikasisira ninyo, kung gayon dito sa lugar na ito Ako ay mamamalaging kasama ninyo, sa lupain na matagal Ko nang binigay sa inyong mga ninuno para sa magpakailanman’ ”.

Makinig, Israel. Naririto Ako upang paliwanagan para sa inyo ang mga salita ng liwanag, na hindi na makita o maintindihan ng inyong nalalabuang mga kaluluwa. Makinig. May labis na pagtatangis sa lupain ng Sambayanan ng Diyos: ang matatanda umiiyak inaalaala ang nakaraang mga kaluwalhatian, ang mga adulto ay umiiyak sapagkat sila ay namamaluktot sa ilalim ng pamatok, ang mga bata ay umiiyak sapagkat wala silang mga nakikitang kaluwalhatian sa hinaharap. Ngunit ang kaluwalhatian ng lupa ay wala kompara sa kaluwalhatian na walang mániníil, maliban kay Mammon at sa masamang kalooban, ang makaaalis.

Bakit kayo tumatangis? Dahil ba sa ang Kataastaasan, Na laging naging mabuti sa Kanyang sambayanan, ay ngayon ibinaling ang Kanyang mukha sa ibang lugar at hindi na pinahihintulutan ang Kanyang mga anak na makita ang Kanyang Hitsura? Siya ba ay hindi na ang Diyos na humati sa dagat at ginawa ang Israel na matawid ito at nanguna sa sambayanan sa disyerto at nagpakain sa kanila, at nagsanggalang sa kanila sa kanilang mga kaaway, at na upang hindi sila maligaw sa daan patungo sa Langit, nagbigay Siya ng Batas para sa kanilang mga kaluluwa, katulad na Siya ay nagpadala ng ulap para sa kanilang mga katawan? Siya ba ay hindi na ang Diyos na nagpatamis sa mga tubig at nagpadala ng manna sa Kanyang pagod na mga anak? Hindi ba Siya ang Diyos Na ginustong kayo ay mamalagi sa Kanyang lupain at nakipag-alyansa sa inyo bilang Ama ng Kanyang mga anak? Bueno, kung gayon, bakit kayo hinampas ng mga banyaga?

Marami sa inyo ang bumubulung-bulong: “Ngunit sa kabila nito ang Templo ay naririto!” Hindi sapat na naririto ang Templo at pumunta at magdasal sa Diyos sa loob nito. Ang unang templo ay nasa puso ng bawat tao at doon kung saan ang banal na mga panalangin kailangang bibigkasin. Ngunit ang isang panalangin ay hindi maaaring maging banal maliban na ang puso ay una munang baguhin ang pamamaraan ng pamumuhay nito at sa pamamagitan ng kanyang puso nababago rin ng tao ang kanyang mga ugali, mga damdamin, mga patakaran ng katarungan sa mahihirap, sa mga katulong, sa mga kamag-anak at sa Diyos.

Ngayon tingnan. Nakakakita Ako ng mayayaman na may matitigas na puso na gumagawa ng malalaking alay sa Templo, ngunit hindi sila kailanman nagsabi sa isang mahirap: “Kapatid, naririto ang isang piraso ng tinapay, at isang sentimos. Kunin iyan. Mula sa tao para sa tao at huwag ka sanang panghinaan ng loob gawa ng aking tulong katulad na hindi sana ako maging mapagmalaki gawa ng aking alay”. Nakakakita Ako ng mga tao na, sa kanilang pananalangin, nagrereklamo sa Diyos sapagkat hindi Niya pinakikinggan kaagad ang kanilang mga panalangin; pagkatapos kapag ang isang kaawa-awang sawing-palad, kadalasan isang kamag-anak, ay magsabi sa kanila: “Makinig sa akin”, sila ay tutugon nang walang-awa: “Hindi”. Nakikita Ko kayong tumatangis sapagkat ang inyong pera ay napiga sa inyong mga lukbutan ng inyong naghahari sa inyo. Ngunit pinipiga ninyo ang dugo ng inyong mga kinapopootan at kayo ay hindi nahihintakutan kapag kumukuha kayo ng dugo at buhay sa isang katawan.

O Israel! Ang panahon ng Panunubos ay dumating na. Ihanda ang mga daan nito sa loob ng inyong mga puso nang may mabuting kalooban. Maging matapat, mabuti, magmahalan sa isa’t isa. Ang mayaman ay hindi kailangan na hamakin ang mahirap; ang mga mangangalakal ay hindi kailangan na mandaya; ang mahirap ay hindi kailangan na kainggitan ang mayaman. Kayong lahat ay isang dugo, at pag-aari kayo ng iisang Diyos. Kayong lahat ay tinawag sa isang patutunguhan lamang. Huwag isara ng inyong mga kasalanan ang mga Kalangitan na bubuksan ng Mesiyas para sa inyo. Kayo ba ay nagkakamali hanggang ngayon? Huwag nang magkamali pa. Iabandona ang lahat na mga pagkakamali.

Ang Batas ay simple, madali at mabuti dahil ito ay nanggaling pa sa orihinal na sampung utos, pinaliliwanagan ng liwanag ng pagmamahal. Halikayo. Ipakikita Ko sa inyo kung anu-ano ito: pagmamahal, pagmamahal, pagmamahal. Ang pagmamahal ng Diyos para sa inyo. Ang pagmamahal ninyo para sa Diyos. Ang pagmamahal para sa inyong kapwa. Laging pagmamahal, sapagkat ang Diyos ay pagmamahal, at ang mga anak ng Diyos ay ang marurunong magsabuhay ng pagmamahal.

Ako ay naririto para sa lahat, at upang ibigay sa lahat ang liwanag ng Diyos. Naririto ang Salita ng Ama na naging pagkain para sa inyo. Halikayo, tikman, palitan ang dugo ng inyong mga espiritu ng pagkain na ito. Gawing mawala ang bawat lason, gawing mamatay ang bawat kahalayan. Ang bagong kaluwalhatian ay inaalok sa inyo: ang eternal na kaluwalhatian, kung saan doon pupunta ang lahat na ang kaninong mga puso ay totoong pinag-aaralan ang Batas ng Diyos.

Magsimula sa pagmamahal. Wala nang mas hihigit pa. Kapag nalaman na ninyo kung papaano magmahal, malalaman na ninyo ang lahat, at ang Diyos ay mamahalin kayo, at ang ibig-sabihin ng pagmamahal ng Diyos ay tulong laban sa lahat na tukso. Harinawang mapunta ang pagpapalà ng Diyos sa mga lumalapit sa Diyos na ang kaninong mga puso ay puno ng mabuting kalooban.»

Si Jesus ay tahimik. Ang mga tao ay bumubulong. Ang pagpupulong ay natapos pagkaraan ng ilang himno, ang karamihan nito inawit katulad ng mga salmo.

⁸Si Jesus ay lumabas patungo sa maliit na liwasan. Sa pamintuan ay naroroon sina Juan at Santiago kasama sina Pedro at Andres.

«Kapayapaan sa inyo» sabi ni Jesus at dinagdag Niya: «Naririto ang tao na upang maging makatarungan ay kailangan na huwag manghusga bago makaalam. Ngunit siya ay matapat sa pagtanggap na siya ay nagkamali. Simon, ibig mo Akong makita? Naririto Ako. At ikaw, Andres, bakit hindi ka pumunta noon?»

Ang dalawang magkapatid ay nagkatinginan napahiya. Si Andres ay bumulong: «Hindi ako naglakas-loob.»

Si Pedro ay namumula, ngunit hindi nagsasalita. Ngunit nang mapakinggan niya si Jesus nagsabi sa kanyang kapatid: «Gumagawa ka ba ng mali sa pagpunta? Ang isa ay huwag lamang  maglakas-loob sa paggawa ng masamang bagay» siya ay prangkong nakialam: «Iyon ay aking kasalanan. Ibig niyang dalhin kaagad ako sa Inyo. Ngunit ako ay… sinabi ko… Oo, sinabi ko: “hindi ko iyan pinaniniwalaan”, at ayaw kong pumunta. O! mas mabuti na ang aking pakiramdam ngayon!...»

Si Jesus ay ngumingiti, pagkatapos Siya ay nagsabi: «At dahil sa iyong sinseridad sasabihin Ko sa iyo na minamahal kita.»

«Ngunit ako ay… Ako ay hindi mabuti… Wala akong kakayahan na gawin ang Inyong sinabi sa loob ng sinagoga. Ako ay madaling uminit ang ulo at kung may manakit sa akin… eh!... Ako ay sakim at gusto ko ang pera… at sa aking pagnenegosyo sa isda… eh!... hindi lagi… hindi ako naging laging matapat. At ako ay mangmang. At kakaunti ang aking panahon na masundan Kayo upang tanggapin ang Inyong Liwanag. Ano ang aking gagawin? Ibig kong maging ayon sa Inyong sinasabi… ngunit…»

«Hindi iyan mahirap, Simon. May nalalaman ka bang kaunti sa mga Iskriptura? Mayroon? Bueno, isipin ang propetang si Micah. Gusto ng Diyos sa iyo ang sinabi ni Micah. Hindi Niya hinihingi sa iyo na wasakin mo ang iyong puso, ni hindi Niya hinihingi na isakripisyo mo ang pinakabanal mong mga damdamin. Hindi Niya iyan hinihingi sa iyo sa pansamantala. Isang araw, nang hindi hinihingi ng Diyos, ibibigay mo sa Diyos ang iyong sarili. Ngunit Siya ay maghihintay habang ang araw at ang hamog ay binabago ka, isang manipis na uhay ng damo katulad mo  ngayon, sa pagiging isang matatag, maluwalhating púno ng palmera. Pansamantala, ito lamang ang hinihingi Niya sa iyo: maging makatarungan, mahalin ang awa, pangalagaan nang husto ang pagsunod sa iyong Diyos. Magpursige na gawin iyan at ang nakaraan ni Simon ay makakansela at ikaw ay magiging isang bagong tao, ang kaibigan ng Diyos at ng Kanyang Kristo. Hindi na si Simon, bagkus Cephas¹ ang ligtas na bato kung saan Ako sasandal.»

«Gusto ko iyan! Naiintindihan ko iyan. Ang Batas ay napaka… napaka… ibig-sabihin, hindi na ako makatugon pa rito, ayon sa pagkakagawa nito ng mga rabbi. Ngunit ang Inyong sinasabi, oo… Sa palagay ko magagawa ko iyan. At tutulungan Ninyo ako. ⁹Tutuloy ba kayo sa bahay na ito? Kilala ko ang may-ari.»

«Ako ay tutuloy dito. Ngunit Ako ay patungong Herusalem at pagkatapos Ako ay magtuturo sa buong Palestina. Ako ay naparito para diyan. Ngunit madalas Akong pupunta rito.»

«Pupunta ako upang mapakinggan Kayong muli. Ibig kong maging Inyong disipulo. Ang kaunti ng liwanag ay papasok sa aking ulo.»

«Sa iyong puso, higit sa lahat, Simon. Sa iyong puso. At ikaw, Andres, wala ka bang kahit anong sasabihin?»

«Ako'y nakikinig, Guro.»

«Ang aking kapatid ay nahihiya.»

«Siya ay magiging isang leon. Dumidilim na. Pagpalain nawa kayo ng Diyos, at pagkalooban kayo ng mabuting huli. Lakad na.»

«Ang kapayapaan ay mapasa-Inyo.» Sila ay umalis.

Noong sila ay nakalabas na kaagad si Pedro ay nagsabi: «Iniisip ko kung ano ang Kanyang ibig sabihin noon, noong Kanyang sinabi na ako ay mangingisda sa pamamagitan ng ibang mga lambat at manghuhuli ng ibang isda.»

«Bakit hindi mo Siya tinanong? Ibig mong magsalita nang napakarami, ngunit halos hindi ka nagsalita.»

«Ako'y… nahihiya. Siya ay ibang iba sa lahat na mga rabbi!»

«Ngayon  Siya ay patungo na sa Herusalem…» sabi ni Juan, na may labis na pangungulila at kalungkutan. «Ibig kong sabihin sa Kanya kung pahihintulutan Niya akong makasama sa Kanya… Ngunit hindi ako naglakas-loob…»

Lakad at tanungin Siya, aking bata» sabi ni Pedro. «Iniwan natin Siya nang gayong… nang walang isang salita ng pagmamahal. Gawin man lamang na malaman Niya na Siya'y ating hinahangaan. Sasabihin ko sa iyong ama.»

«Pupunta ba ako, Santiago?»

«Lakad.»

Si Juan ay umalis tumatakbo… at tumakbong pabalik, masayang-masaya. «Sinabi ko sa Kanya: “Ibig ba Ninyong sumama ako sa Inyo sa Herusalem?” Siya ay tumugon: “Halika, Aking kaibigan”. Kaibigan, sinabi Niya! Bukas, Ako ay naririto sa ganitong oras. Ah! Patungong Herusalem kasama Siya!...»

…ang bisyon ay nagtatapos.

¹⁰Ang tungkol sa naunang bisyon, ngayong umaga ika 14 ng Oktubre si Jesus ay nagsabi sa akin:

«Ibig Kong tingnan mo at ng lahat ang asal ni Juan: lalo na ang isang punto na laging hindi napupuna ng lahat. Hinahangaan ninyo siya dahil siya ay dalisay, mapagmahal, tapat. Ngunit hindi ninyo napupuna na siya ay dakila rin sa kababaang-loob.

Siya, ang unang may kagagawan na si Pedro ay nakapunta sa Akin, ay mapagpakumbabang tahimik tungkol sa detalyeng iyan. Ang apostol ni Pedro, at pagkatapos ang una sa Aking mga apostol, ay si Juan. Una sa pagkákilala sa Akin, una sa pakikipagusap sa Akin, sa pagpapahayag tungkol sa Akin. Subalit sa kabila nito, tingnan kung ano ang kanyang sinasabi? “Si Andres, ang kapatid ni Simon, ay ang isa sa dalawa na nakapakinig sa mga salita ni Juan² at sumunod kay Jesus. Ang unang tao na kanyang nakita ay ang kanyang kapatid na si Simon, kung kanino siya ay nagsabi: ‘Nakita na namin ang Mesiyas’ at dinala niya siya kay Jesus.

Bukod sa pagiging mabuti, siya ay makatarungan, at sa dahilan na nalalaman niya na si Andres ay namomroblema dahil sa kanyang pagkamahiyain at pagkamatimpiin na disposisyon, at na ibig niyang makagawa nang labis, ngunit hindi siya magtagumpay dito, ibig ni Juan na makababa sa angkanan na darating ang pagkilala sa mabuting kalooban ni Andres. Ibig ni Juan na si Andres ay lumabas na siyang unang apostol ng Kristo kasama si Pedro, sa kabila na ang pagkamahiyain ni Andres at ang kanyang pagka di-mapalagay sa kanyang kapatid ay ang dahilan ng pagkabigo ng kanyang apostolado.

¹¹Sa pagitan ng mga taong may ginagawa para sa Akin, sino ang makagagaya kay Juan, na sa halip na iproklama ang sarili na siya ang walang-katulad na apostol, hindi niya inisip na ang kanyang tagumpay ay nakadepende sa napakaraming bagay, hindi lamang sa kabanalan, bagkus sa pantaong paglalakas-loob din, sa suwerte at sa paminsan-minsan na pagkakataon na makasama ng ibang tao na hindi masyadong malakas ang loob at hindi masyadong masuwerte, ngunit baka mas banal?

Kapag nagtatagumpay kayo na makagawa ng ilang mabuting bagay, huwag ipagmalaki ito, na tila ang lahat na merito ay sa inyo lamang. Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng apostoladong mga manggagawa, at magkaroon ng malinaw na mata at sinsirong puso na makita at mabigyan ang bawat isa ng papuri na karapat-dapat sa kanila. Isang malinaw na mata na mabanaagan ang mga apostol na isinakripisyo ang mga sarili at siyang mga unang pampasigla sa mga gawain ng iba. Tanging ang Diyos lamang ang nakakakita sa kanila: sila ay mahiyain at tila walang ginagawa, samantalang sila ang kumukuha sa Langit ng apoy na nagtutulak sa malalakas ang loob na mga manggagawa. Isang sinsirong puso sa pagsasabing: “Ako ay nagtrabaho. Ngunit ang taong ito ay nagmahal nang higit pa sa akin, mas mabuti siyang magdasal kaysa sa akin, hindi ko maisakripisyo ang aking sarili katulad ng ginagawa niya at katulad ng sinasabi ni Jesus: ‘…sa loob ng iyong sariling silid na ang pinto nakasara magdasal nang lihim.’ Dahil nalalaman ko ang kanyang may kababaang-loob na banal na birtud, ibig kong ito ay malaman at sabihin: ‘Ako ay isang aktibong instrumento; siya ay isang puwersa na nagpapasigla sa akin, sapagkat, nakakabit katulad niya sa Diyos, siya ay isang tunel ng makalangit na enerhiya para sa akin’ ”.

At ang pagpapalà ng Ama, na bumababa upang gantimpalaan ang mapagpakumbabang tao, na malihim na isinasakripisyo ang sarili upang mabigyan ng lakas ang mga apostol, ay bababa rin sa apostol na sinsirong kinikilala kapwa ang sobrenatural at tahimik na tulong ng mapagpakumbabang isa, at ang kanyang mga merito na hindi napupuna ng paimbabaw na mga tao.

Iyan ay isang leksiyon para sa lahat. ¹²Siya ba ay Aking paborito? Oo, siya nga. Hindi ba’t nakakahawig niya Ako? Dalisay, mapagmahal, masunurin, ngunit mapagpakumbaba rin. Tinitingnan Ko ang Aking Sarili sa kanya katulad sa isang salamin at nakikita Ko ang Aking mga birtud sa kanya. Ako kung gayon ay minamahal siya katulad ng isa pang Ako. Nakikita Ko siya sa sulyap ng Aking Ama, Na tinitingnan siya na isang maliit na Kristo. At ang Aking Ina ay magsasabi sa Akin: “Ang pakiramdam Ko siya ay tila ikalawa Kong anak. Tila nakikita Kita, na inulit sa isang tao”.

O! Gaano ka nakikilala ng Isa Na Napupuno ng Karunungan, Aking minamahal! Ang dalawang asul ng inyong dalisay na mga puso ay nagkahalo sa isang belo lamang upang maporma ang isang proteksiyon ng pagmamahal para sa Akin, at naging isang pagmamahal lamang ito, kahit bago Ko pa man ibinigay ang Aking Ina kay Juan at si Juan sa Aking Ina. Sila ay nagmamahalan sapagkat nabatid nila na sila ay magkatulad: mga anak at magkapatid ng Ama at ng Anak.»

(260) 080710/040113/040413

¹  Cephas, ang ibig sabihin Bato. Tingnan Juan 1,42.

² Ibig sabihin, si Juan Bautista.

Sunod na kabanata.