50. Si Jesus sa Bethsaida sa Bahay ni Pedro. Natagpuan Niya sina Felipe at Natanael.

Oktubre 15, 1944.

(...) Pagkatapos (noong 9:30) kinailangan kong isalarawan ito.

¹ Si Juan ay kumakatok sa pinto ng bahay kung saan si Jesus ay isang panauhin. Isang babae ang pumunta sa pinto at noong makita niya kung sino ang kumakatok, tinawag niya si Jesus.

Nagpalitan sila ng pagbati ng kapayapaan. Pagkatapos sinabi ni Jesus: «Maaga ka, Juan.»

«Ako ay naparito upang sabihin sa Inyo na si Pedro ay nakikiusap na dumaan Kayo sa Bethsaida. Siya ay nakapagsalita sa maraming mga tao tungkol sa Inyo... Kami ay hindi nangisda kagabi. Nagdasal kami hangga't magagawa namin, at pinagpaliban namin ang kita... sapagkat ang Sabbath ay hindi pa tapos. Ngayong umaga, pumunta kami sa mga kalsada nagsasalita tungkol sa Inyo. Maraming tao ang ibig na makapakinig sa Inyo... pupunta ba Kayo, Guro?» 

«Pupunta Ako, bagamat dadaan muna Ako sa Nazareth bago pumunta sa Herusalem.»

«Si Pedro ay dadalhin Kayo mula sa Bethsaida hanggang Tiberias sa kanyang bangka. Mas magiging madali pa ito para sa Inyo.»

«Tayo na, kung gayon.»

Kinuha ni Jesus ang Kanyang manta at bag. Ngunit si Juan ay kinuha ang bag. At sila ay umalis, pagkatapos na makapagpaalam sa maybahay.

²Ang bisyon ay pinakikita silang lumalabas mula sa nayon at sinisimulan ang kanilang paglalakbay patungo sa Bethsaida. Ngunit hindi ko napapakinggan ang kanilang sinasabi, sa katunayan ang bisyon ay naputol at nagpatuloy lamang ito noong sila ay papasok na sa Bethsaida. Nabatid ko na iyon ay ang bayan na iyon sapagkat nakita ko si Pedro, si Andres at si Santiago, kasama ang kanilang mga asawa, hinihintay si Jesus sa pásukán ng nayon.

«Kapayapaan sa inyo. Naririto Ako.»

«Pinasasalamatan namin Kayo, Guro, sa katauhan din ng mga naghihintay sa Inyo. Ngayon ay hindi ang Sabbath, ngunit maaari bang magsalita Kayo sa mga naghihintay na makarinig sa Inyo?»

«Oo, Pedro, magsasalita Ako. Sa iyong bahay.»

Si Pedro ay masayang-masaya: «Halikayo, kung gayon, ito ay ang aking asawa at ito ay ang ina ni Juan at ito ay ang kanilang mga kaibigan. Ngunit may iba pang mga tao ang naghihintay sa Inyo: mga kamag-anak at mga kaibigan namin.»

«Sabihin sa kanila na magsasalita Ako sa kanila ngayong gabi, bago Ako umalis.»

Nakalimutan kong banggitin na umalis sila sa Capernaum paglubog ng araw at dumating sa Bethsaida sa sumunod na umaga.

«Guro... pakiusap: tumigil ng isang gabi sa aking bahay. Ang daan patungo sa Herusalem ay isang mahabang daan, kahit na kung paikliin ko iyan para sa inyo, dinadala Kayo sa Tiberias sa bangka. Ang aking bahay ay mahirap, ngunit tapat at mapagkaibigan. Tumigil na kasama kami ngayong gabi.»

Si Jesus ay tinitingnan si Pedro at lahat na mga naghihintay. Tinitingnan Niya sila nang mausisa. Pagkatapos Siya ay ngumiti at nagsabi: «Oo, titigil Ako.»

Iyon ay isang malaking lugod para kay Pedro.

Ang mga tao ay dumudungaw mula sa kanilang mga pintuan at nagpapalitan ng gustong-makaalam na mga sulyap sa isa’t isa. May isang lalaki na tumatawag kay Santiago sa pangalan at nagsalita sa kanya sa mababang tinig, tinuturo si Jesus. Si Santiago ay tumango sa pagsang-ayon at ang mamâ ay umalis at nagsasalita sa iba pang mga taong nakatayo sa isang sangahan ng mga daan.

Sila ay pumasok sa bahay ni Pedro. Mayroon isang malaking mausok na kusina. Sa isang sulok, ay may mga lambat, mga lubid, mga basket ng pangingisda. Sa gitna ay may isang mahaba na mababang paapuyan, ngunit dito walang apoy. Sa pamamagitan ng dalawang magkaharap na pintuan, makikita ng isa ang kalsada sa isang tabi, at ang pangkusinang-hardin na may isang púno ng igos at mga bagging sa kabilang tabi. Sa kabila ng kalsada ang pag-alon ng kalangitang-asul na lawa ay makikita, at sa kabila ng pangkusinang-hardin ay naroon ang maitim, na mababang pader ng isa pang bahay.

«Inaalok ko sa Inyo ang mayroon ako, Guro, at sa pinakamaganda nang nalalaman ko kung papaano...»

«Hindi ka na makapag-aalok nang mas higit pa o nang mas maganda pa, sapagkat ginagawa mo ang iyong pag-aalay nang may pagmamahal.»

Binibigyan nila si Jesus ng ilang tubig upang mapalamigan Niya ang Kanyang Sarili at pagkatapos ilang tinapay at mga olibo. Si Jesus ay kumain lamang ng ilang subo upang masiyahan sila, pagkatapos pinasalamatan Niya sila, at hindi na kumain pa.

Ang ilang mga bata ay sumisilip nang mausisa mula sa pangkusinang-hardin at sa kalsada. Hindi ko alam kung sila ay mga anak ni Pedro. Ang alam ko lamang ay pinakukunot niya ang kanyang noo sa mga nanghihimasok upang mapanatili sila sa labas. Si Jesus ay ngumingiti at nagsabi: «Pabayaan lang sila.»

«Guro, ibig ba Ninyong magpahinga?» Ang aking silid ay naririto at ang kay Andres ay sa banda roon. Mamíli Kayo. Hindi kami gagawa ng kahit anong ingay habang nagpapahinga Kayo.»

«Mayroon ka bang isang terasa?»

«Oo, at ang bagging, bagamat halos wala pa itong mga dahon, ay nagbibigay ng kaunting lilim.»

«Kung gayon dalhin mo Ako sa itaas doon. Mas gusto Kong magpahinga roon. Mag-iisip Ako at magdarasal.»

«Ayon sa ibig Ninyo. Halikayo.»

Ang isang maliit na hagdanan ay tumataas mula sa pangkusinang-hardin hanggang sa bubungan, na isang terasa napalilibutan ng isang mababang pader. Doon din, ay may mga lambat at mga lubid. Ngunit gaanong matingkad na liwanag, at anong ganda ng tanawin ng asul na lawa!

Si Jesus ay naupo sa isang bangkito, sinasandal ang Kanyang likod sa maliit na pader. Si Pedro ay kinaaabalahan ang paglabas ng isang panlayag na kanyang binibiklad sa ibabaw at sa isang tabi ng bagging upang makagawa ng isang harang sa sikat ng araw. May ihip ng hangin dito at katahimikan. Si Jesus ay kitang-kita na masaya.

«Bababa na ako, Guro.»

«Lakad. Lumakad kasama si Juan at sabihin sa mga tao na magsasalita Ako rito paglubog ng araw.»

Si Jesus ay nananatiling nag-iisa at nagdarasal nang matagal. Maliban sa dalawang pares ng mga kalapati na pauli-uli sa kanilang mga pugad, at sa dalawang sumisiyap na mga pipit, walang ingay o buháy na nilalang ang malapit kay Jesus Na nagdarasal. Ang mga oras ay dumaraan nang mapayapa at tahimik.

³Pagkatapos si Jesus ay tumayo, naglalakad Siya nang paikot sa terasa, tinitingnan ang lawa, ngumingiti sa ilang mga batang naglalaro sa kalsada at sila ay ngumingiti nang pabalik sa Kanya, tinitingnan Niya ang kahabaan ng kalsada, patungo sa maliit na liwasan mga sandaang yarda ang layo mula sa bahay ni Pedro. Bumaba Siya sa hagdanan. Tumingin Siya sa kusina: «Babae, maglalakad-lakad Ako sa baybayin.»

Siya ay lumabas at naglalakad patungo sa baybayin, malapit sa mga bata. Tinanong Niya sila: «Ano ang ginagawa ninyo?»

«Gusto namin maglaro ng digma-digmaan. Ngunit ayaw niya, at naglalaro kami ng pangingisda.»

Ang bata na ayaw ng digma-digmaan ay isang mahinang maliit na bata na may napaka-tingkad na mukha. Baka nalalaman niya na, kasing hina ng katulad niya, mabubugbog siya sa “pakikidigma” at kung gayon nakiusap siya ng kapayapaan.

Ngunit si Jesus ay sinamantala ang pagkakataon upang makapagsalita sa mga bata: «Tama siya. Ang digmaan ay isang kaparusahan ng Diyos upang kastiguhin ang mga tao, at iyan ay isang tanda na ang tao ay hindi na tunay na anak ng Diyos. Noong nilikha ng Kataastaasan ang mundo, ginawa Niya ang lahat na mga bagay: ang araw, ang dagat, ang mga bituin, ang mga ilog, ang mga tanim, ang mga hayop, ngunit hindi Niya ginawa ang mga armas. Nilikha Niya ang tao at binigyan siya ng mga mata upang sana magbitaw siya ng mapagmahal na mga sulyap, at isang bunganga upang bumigkas ng mapagmahal na mga salita, at mga tainga upang makinig sa mga salitang ganyan, at mga kamay upang makatulong at makahaplos, at mga paa upang makatakbo nang mabilis upang matulungan ang ating mga kapwang nangangailangan, at isang puso na nakapagmamahal. Binigyan Niya ang tao ng talino, pananalita, mga damdamin at panlasa. Ngunit hindi Niya binigyan ang tao ng poot. Bakit? Sapagkat ang tao, bilang isang nilikha ng Diyos, ay dapat na maging pagibig katulad na ang Diyos ay Pagibig. Kung ang tao ay nanatiling isang nilikha ng Diyos, nakapagpursige sana siya sa pagibig, at ang pantaong pamilya ay hindi sana nakaranas ng digmaan o kamatayan.»

«Ngunit ayaw niyang makipagdigma, dahil lagi siyang natatalo.» (Tama ang hula ko.)

Si Jesus ay ngumingiti at nagsabi: «Huwag nating sumbatan kung ano ang nakasasamà sa atin dahil lamang iyan ay nakasasamà sa atin. Kailangan na sumbatan natin ang isang bagay kung iyan ay nakasasamà sa lahat. Kung ang isang tao ay nagsabi: “Ayaw ko niyan dahil ako ay matatalo”, ang taong iyan ay makasarili. Sa halip, ang mabuting anak ng Diyos ay magsasabi: “Mga kapatid, alam ko na mananalo ako, ngunit sasabihin ko sa inyo: huwag nating gawin iyan sapagkat matatalo kayo”.  O! Ang taong iyan ay naiintindihan ang pinaka alituntunin! Sino ang makapagsasabi sa Akin kung alin ang pinaka alituntunin?»

Ang labing-isang bunganga ay nagsasabi nang sabay-sabay: «Mamahalin mo ang iyong Diyos nang lahat ng iyong lakas, at ang iyong kapwa bilang sarili mo mismo”.»

«O! Kayo ay magagaling na mga bata. Kayo bang lahat ay pumapasok?»

«Oo, kaming lahat.»

«Sino ang pinakamagaling?»

«Si Joel.»

«Isang dakilang pangalan! Sinasabi niya: “...gawin ang mahina na magsabi: ‘Ako ay malakas’ “. Ngunit malakas sa ano? Sa Batas ng totoong Diyos, upang mapasáma sa mga huhusgahan sa Lambak ng Disisyon na Kanyang magiging mga santo. ⁴Ngunit ang paghusga ay malapit na. Hindi sa Lambak ng Disisyon, bagkus sa bundok ng Panunubos. Doon, ang araw at ang buwan ay didilim sa takot, ang mga bituin ay manginginig at luluha ng mga luha ng awa, at ang mga anak ng Liwanag ay huhusgahan at ihihiwalay sa mga anak ng Kadiliman. At ang buong Israel ay malalaman nito na ang Diyos nito ay dumating na. Masaya ang mga makakakilala sa Kanya. Ang pulot, gatas at sariwang tubig ay bababà sa kanilang mga puso at ang mga tinik ay magiging eternal na mga rosas. Alin sa inyo ang gustong mapasáma sa mga huhusgahan na magiging mga santo ng Diyos?»

«Ako! Ako! Ako!»

«Mamahalin ba ninyo ang Mesiyas, kung gayon?». «Oo! Oo! Kayo! Kayo ang aming minamahal. Kilala namin kung sino Kayo! Sina Simon at Santiago ay sinabi sa amin, at ang aming mga ina ay sinabi sa amin. Isama Ninyo kami sa Inyo!»

«Oo, isasama Ko kayo kung kayo ay mabuti. Wala nang mga salitang masamâ, wala nang pagyayabang, mga pag-aaway, wala nang pagsagut-sagot sa mga magulang. Panalangin, aral, trabaho, pagsunod. At mamahalin Ko kayo at sasamahan Ko kayo.»

Ang mga bata ay lahat nasa paligid ni Jesus. Nagmumukha silang masayang-nakulayan na korola sa paligid ng isang mahaba, madilim-na-asul na pistilo.

⁵Ang isang nakatatandang lalaki ay lumapit sa grupo, nang mausisa. Si Jesus ay tumalikod upang haplusin ang isang bata na humahatak sa Kanyang manta at nakita siya. Tinititigan Niya siya, nang maigi. Ang mamâ ay namula at binati Siya, ngunit walang sinasabi na kahit  ano.

«Halika! Sundan Ako!»

«Oo! Guro.»

Si Jesus ay pinagpapalà ang mga bata at naglalakad sa tabi ni Felipe, (tinatawag Niya siya sa kanyang pangalan) bumalik Siya sa bahay. Sila ay naupo sa maliit na pangkusinang-hardin.

«Gusto mo bang maging Aking disipulo?»

«Oo, gusto ko... ngunit  hindi ako nangangahas na umasa nang labis.»

«Tinawag kita.»

«Kung gayon ako ay Inyong disipulo. Naririto ako.»

«May nalaman ka na ba tungkol sa Akin?»

«Si Andres ay nagsalita sa akin tungkol sa Inyo. Sinabi niya sa akin: “Ang Isang iyong kinasasabikan ay dumating na”. Sapagkat alam ni Andres na kinasasabikan ko ang Mesiyas.»

«Ang iyong paghihintay ay hindi nabigo. Siya ay nasa harapan mo.»

«Aking Guro at aking Diyos!»

«Ikaw ay isang mabuting-naturuan na Israelita. Iyan kung bakit pinahahalata Ko ang Aking Sarili sa iyo. ⁶Ang isa pang kaibigan mo ay naghihintay, siya ay isang sinsirong Israelita rin. Lakad at sabihin sa kanya: “Natagpuan na namin si Jesus ng Nazareth, ang anak ni Jose ng Sambahayan ni David, na ang tungkol sa Kanya nagsalita si Moses at ang mga Propeta”. Lakad.»

 Si Jesus ay nananatiling nag-iisa hanggang nakabalik si Felipe kasama si Natanael-Bartolomeo.

«Naririto ang isang totoong Israelita kung kanino ay walang panloloko. Kapayapaan sa iyo, Natanael.»

«Papaano Ninyo ako nakikilala?»

«Bago dumating si Felipe upang tawagin ka, nakita kita sa ilalim ng púno ng igos.»

«Guro, Kayo ang Anak ng Diyos. Kayo ang Hari ng Israel!»

«Dahil ba nakita kita, habang nagninilay-nilay ka sa ilalim ng púno ng igos, ikaw ay naniniwala? Makakakita ka ng mas dakilang mga bagay kaysa diyan. Sasabihin Ko sa iyong totoo na ang Langit ay bukas at dahil sa iyong pananampalataya makakakita ka ng mga anghel na bumababa at umaakyat sa itaas ng Anak ng tao: ibig sabihin sa itaas Ko, Na ang tungkol Kanino Ako ay nagsasalita sa iyo.»

«Guro! Hindi ako karapat-dapat ng gayong pabor!»

«Maniwala sa Akin at ikaw ay magiging karapat-dapat ng Langit. Maniniwala ka ba?»

«Maniniwala ako, Guro.»

⁷Ang bisyon ay naputol... nagsimula ito muli sa terasa punó ng mga tao; ang iba pang mga tao ay nasa pangkusinang-hardin ni Pedro. Si Jesus ay nagsimulang magsalita.

«Kapayapaan sa mga tao ng mabuting kalooban. Kapayapaan at mga pagpapalà sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga kababaihan, sa kanilang mga anak. Harinawang ang grasya at ang liwanag ng Diyos ay maghari sa inyong mga tahanan at sa inyong mga puso naninirahan sa mga ito.

Hiniling ninyong mapakinggan Ako. Ang Salita ay nagsasalita, ito ay nagsasalita nang may lugod sa mga tapat, nang may kapighatian sa di-tapat, nang may kasiyahan sa banal at dalisay, nang may awa sa mga nagkakasala. Hindi Nito pinagkakaila ang Sarili Nito. Ito ay naparito upang kumalat katulad ng isang ilog na dumadaloy upang patubigan ang mga lupang nangangailangan ng tubig, pinaninibago at pinatataba sila nang sabay sa pamamagitan ng pataba.

Ibig ninyong malaman kung ano ang kinakailangan upang maging mga disipulo ng Salita ng Diyos, ng Mesiyas, ng Salita ng Ama, Na naparito upang ipunin ang Israel, na sana mapakinggan nitong muli ang mga salita ng banal at walang-pagbabagong Dekalogo at sana mapabanal ng mga ito at kung gayon mapadalisay para sa oras ng Panunubos at ng Kaharian, hanggang sa mapapadalisay ng tao ang kanyang sarili.

Ngayon, sinasabi Ko sa bingi, sa bulag, sa pipi, sa mga ketongin, sa paralitiko, sa patay: “Bangon, kayo ay magaling na, bangon, maglakad, harinawang ang mga ilog ng liwanag, ng mga salita, ng mga tunog ay mabuksan para sa inyo, na sana makita at mapakinggan ninyo Ako at magsalita tungkol sa Akin”. Ngunit sa halip na para sa inyong mga katawan, Ako ay nagsasalita sa inyong mga kaluluwa. Mga tao ng mabuting kalooban, lumapit sa Akin ng walang kahit anong takot. Kung ang inyong mga kaluluwa ay nasugatan, pagagalingin Ko sila; kung sila ay may sakit, gagamutin Ko sila; kung sila ay patay, pababangunin Ko sila. Ang tanging kailugan Ko ay ang inyong mabuting kalooban.

Ang Akin bang hinihingi ay mahirap? Hindi. Hindi iyan mahirap. Hindi Ko pinapataw sa inyo ang daan-daan na mga alituntunin ng mga rabbi. Sinasabi Ko sa inyo: sundan ang Dekalogo. Ang Batas ay isa at walang-pagbabago. Maraming mga siglo ang dumaan mula noong ito ay binigay, maganda, dalisay, sariwa, katulad ng isang bagong-panganak na nilikha, katulad ng isang rosas na kabubukas pa lamang sa tangkay nito. Simple, maayos, madaling sundan. Sa loob ng mga siglo ang mga pagkukulang at ang mga kausúhan ay naguló ito ng maraming minor na mga batas, ng mga pabigat at mga restriksiyon, ng napakaraming masasakit na sugnay. Dinadala Ko nang muli sa inyo ang Batas katulad nang ito ay binigay sa inyo ng Kataastaasan. Ngunit, sa inyong kapakanan, hinihingi Ko na tanggapin ito nang may sinsirong mga puso, katulad ng mga tunay na Israelita ng mga nakaraang araw.

Kayo ay bumubulong, mas sa inyong mga puso kaysa sa pamamagitan ng inyong mga labì, na ito ay kasalanan ng mga tao na nasa matataas na lipunan, kaysa ng abang mga tao. Alam Ko. Sa Deuteronomio ay sinasabi kung ano ang dapat na gawin, wala nang iba pa ang kinakailangan. Ngunit huwag husgahan ang mga kumikilos para sa ibang mga tao, hindi para sa kanilang sarili mismo. Gawin kung ano ang inuutos ng Diyos. At higit sa lahat, magpursige at maging perpekto sa dalawang pinaka-alituntunin. Kung minamahal ninyo ang Diyos nang lahat ng inyong mga kaluluwa, hindi kayo magkakasala, sapagkat ang kasalanan ay nagbibigay kirot sa Diyos. Ang sinuman na nagmamahal, ay ayaw na makapanakit, kung minamahal ninyo ang inyong mga kapwa, katulad na minamahal ninyo ang inyong mga sarili, kayo ay magiging mga magalang na mga anak sa inyong mga magulang, matatapat na mga asawa sa inyong mga asawa, tapat na mga mangangalakal sa inyong pangangalakal, nang walang kahit anong karahasan laban sa inyong mga kaaway, makatotohanan sa pagbigay saksi, nang walang kahit anong inggit sa mayayaman na tao, nang walang kahit na anong insentibo ng kahalayan para sa asawa ng may-asawa. At sa dahilan na ayaw ninyong makagawa ng kahit ano sa ibang mga tao ng ayaw ninyong magawa sa inyo, hindi kayo magnanakaw, o papatay, o maninira ng puri, o papasok sa hindi ninyo pugad katulad ng mga ibong kukko.

Hindi, bagkus, sasabihin Ko sa inyo: “dalhin sa perpeksiyon ang inyong pagsunod sa dalawang alituntunin ng pagmamahal: mahalin din ang inyong mga kaaway”.

Gaano kayo mamahalin ng Kataastaasan, dahil minamahal Niya nang labis ang tao. Bagamat ang tao ay naging Kanyang kaaway dahil sa orihinal na kasalanan, at dahil sa kanyang personal na mga kasalanan, pinadala Niya ang Tagapagtubos, ang Kordero Na siyang Kanyang Anak, ibig sabihin Ako, Na nagsasalita sa inyo, ang mesiyas na ipinangako na tutubos sa inyo mula sa lahat na mga kasalanan, kung matututo kayong magmahal katulad na Siya ay nagmamahal.

Magmahal. Harinawang ang inyong pagmamahal ay maging isang hagdan na sa pamamagitan nito, katulad ng mga anghel, tataas kayo sa Langit, katulad na nakita ito ni Jacob, kapag marinig ninyo ang Ama nagsasabi sa bawat isa at sa lahat: “Ako ang magiging inyong protektor nasaan man kayo, at ibabalik Ko kayo sa lugar na ito; sa Langit, ang Eternal na Kaharian”.

Kapayapaan sa inyo.»

⁸Ang pulutong ay nagbibigkas ng mga salita ng pagsang-ayong emosyonal at unti-unting umaalis. Sina Pedro, Andres, Santiago, Juan, Felipe at Bartolomeo ay nananatili.

«Kayo ba ay aalis bukas, Guro?»

«Bukas, pagsikat ng araw, kung walang anuman sa inyo.»

«Nalulungkot ako na Kayo ay aalis. Ngunit walang anuman sa akin ang oras. Sa kabaligtaran, bumabagay ito sa akin.»

«Kayo ba ay lalabas upang mangisda?»

«Oo, ngayong gabi, kapag tumataas na ang buwan.»

«Maganda ang ginawa mo, Simon, sa hindi pangingisda kagabi. Ang Sabbath ay hindi pa tapos. Si Nehemiah sa kanyang repormasyon ay gustong maigalang ang Sabbath sa Judah. Kahit sa mga araw na ito napakaraming tao ang nagtatrabaho sa araw ng Sabbath sa mga pigaan ng mga ubas, nagdadala ng mga panggatong na kahoy, alak at prutas at namimili at nagbebenta ng isda at mga tupa. Mayroon kayong anim na araw para diyan. Ang Sabbath ay araw ng Panginoon, tanging isang bagay lamang ang magagawa ninyo sa Sabbath: maaari kayong gumawa ng mabuti sa inyong kapwa. Ngunit lahat na kita ay kailangan na hindi sinasama sa tulong na iyan. Ang sinuman na lumalabag sa Sabbath upang kumita ay parurusahan ng Diyos. Kumikita ba siya? Mawawala sa kanya ito sa loob ng ibang anim na araw. Hindi siya kumikita? Pinagod niya ang kanyang sarili sa walang pakay, sapagkat hindi niya ito pinagkalooban ng pahinga na pinanunúto ng Katalinuhan para dito, at kung gayon nainis niya ang kanyang kaluluwa dahil sa pagpapakapagod nang walang katuturan, hanggang sa ito ay magmurá. Ang araw ng Panginoon, sa halip, ay kailangan na gamitin na ang inyong mga puso kaisa ng Diyos sa matamis na pananalangin ng pagmamahal, kailangan na maging tapat kayo sa lahat ng bagay.»

«Ngunit... ang mga eskriba at mga doktor, na napakahigpit sa amin, ay hindi nagtatrabaho sa mga araw ng Sabbath, ni hindi sila nagbibigay ng isang piraso ng tinapay sa kanilang mga kapwa, upang maiwasan ang pagod ng pag-aabot ng tinapay, ngunit nagsasagawa rin sila ng usurya sa araw ng Sabbath. Sa dahilan na ito ay hindi manwal na pagtatrabaho, legal ba na gumawa ng usurya sa isang araw ng Sabbath?»

«Hindi. hindi kailanman. Ni sa araw ng Sabbath o sa kahit alin na ibang mga araw. Ang nagsasagawa ng usurya ay di-tapat at malupit.»

«Ang mga eskriba at mga Pariseo, kung gayon...»

«Simon: huwag maghusga. Huwag gawin iyan.»

«Ngunit may mga mata ako upang makakita...»

«Kasamaan lamang ba ang naririyan na dapat na makita, Simon?»

«Hindi, Guro.»

«Bueno, kung gayon, bakit tingnan ang mga kagagawan ng kasamaan?»

«Tama Kayo, Guro.»

⁹«Bueno, bukas na umaga sa pagsikat ng araw, Ako ay aalis kasama si Juan.»

«Guro...»

«Oo, Simon, ano ‘yun?»

«Guro... pupunta ba Kayo sa Herusalem?»

«Alam mo na pupunta Ako.»

«Ako rin ay pupunta sa Paskuwa... at si Andres at si Santiago rin.»

«Bueno?... Ang ibig mo bang sabihin ay gusto mong sumama sa Akin? At papaano ang iyong pangingisda? At ang iyong kita? Sinabi mo sa Akin na gusto mong magkaroon ng pera, at mawawala Ako nang maraming araw. Pupunta muna Ako sa bahay ng Aking Ina. At dadaan din Ako roon sa Aking pagbabalik. Titigil Ako roon upang magturo. Papaano ka mabubuhay?...»

Si Pedro ay naguguluhan, hindi makapagpasya... pagkatapos nagpasya ang kanyang isip: «Sa palagay ko... sasama ako. Mas gusto ko Kayo kaysa sa pera!»

«Sasama rin, ako.»

«Kami ay sasama rin, hindi ba Felipe?»

«Halikayo, kung gayon, matutulungan ninyo Ako.»

«O!...» si Pedro ay mas nananabik sa idea ng matutulungan si Jesus.  «Papaano namin iyan gagawin?»

«Sasabihin Ko sa inyo. Upang gumawa ng mabuti, ang tanging kakailanganin ninyo, ay ang gawin kung ano ang sinasabi Ko sa inyo. Ang sinuman na sumusunod ay laging nagagawa ang mabuti. Tayo ay magdadasal na ngayon at pagkatapos ang bawat isa sa atin ay lalakad at gagawin ang kanyang mga katungkulan.»

«Ano ang Inyong gagawin, Guro?»

«Magpapatuloy Akong magdasal. Ako ang Liwanag ng mundo, ngunit Ako rin ay ang Anak ng tao. Kailangan Ko, kung gayon, na umigib mula sa Liwanag, upang maging ang Tao Na tutubos sa tao. Tayo ay magdasal.»

 (268) 110210/040113/040413 

Sunod na kabanata.