500. Ang Dibino at ang Maka-Demonyong mga Pamumusesyon.

September 25, 1946.

Ang bantilan ng Bethabara ay katatawid pa lamang. Sa kabila ng asul na ilog na mayamang-mayaman sa tubig dahil ito ay natutustusan ng mga pinanggagalingan ng tubig na pinupuno ng mga ulan ng taglagas, makikita ng isa ang kabilang pampang, ang silanganing pampang, na mayroong maraming tao na mga pakaway-kaway. Sa kanluraning pampang, sa halip, kung saan naroroon si Jesus at ang Kanyang mga apostol, ay may isang pastol lamang at isang kawan na nanginginain sa berdeng damo ng pampang.

Si Pedro ay ibinagsak ang sarili sa mga labì ng isang maliit na pader na naroroon, na ni hindi na niya pinatutuyo ang kanyang mga paa, na basa pa pagkatapos na maglakad nang painut-inot sa tubig. Sapagkat totoo na gumagamit sila ng mga bangka sa panahon na ito, ngunit upang maiwasan na mapasadsad ang mga bangka kung saan ang tubig ay mababaw, ginagamit lamang nila ang bangka hanggang sa kung saan ang tubig ay malalim at pabababain ang mga pasahero kapag sasadsad na ang bangka sa mababaw na tubig. Ang mga pasahero ay mapipilitan na maglakad nang ilang mga hakbang sa tubig.

«Ano ang nangyayari sa iyo? Masama ba ang pakiramdam mo?»

«Hindi. Ngunit hindi ko na matatagalan ito. Sa bundok ng Nebo karahasan, at bago iyon sa Heshbon, at dati sa Herusalem at sa Capernaum, pagkatapos ng sa bundok ng Nebo sa Callirhoe, at ngayon sa Bethabara... O!...» iniyuko niya ang kanyang ulo hinahawakan ito ng kanyang mga kamay at umiiyak...

«Huwag kang panghinaan ng loob, Simon. Huwag mo Akong pagkaitan ng lakas-ng-loob ng iyong mga kasama at ng iyo!» sabi ni Jesus nalalapitan siya at ipinapatong ang Kanyang kamay sa mabigat na kulay-abong manta ng apostol.

«Hindi ko matatagalan iyan! Ayaw kong makitang minamaltrato Kayo nang ganyan! Kung ako ay nakakatugon sa pagmamaltrato... baka matatagalan ko. Ngunit... ang pangangailangan na pigilan ko ang aking sarili... at pinakikinggan ang kanilang mga insulto, at nakikita Kayong naghihirap, na tila ako ay isang walang puwersang sanggol... o! dinudurog nito ang aking puso at hapong-hapo ang aking pakiramdam... Papaano matatagalan ng isa ang makita Siyang ganyan? Siya ay tila may sakit, namamatay nang lagnat ng malarya... nagmumukha Siyang isang tinutugis na may-kasalanan na hindi makatagpo ng isang lugar na matitigilan at makakain ng isang mumo ng pagkain o makainom ng isang patak ng tubig, makatagpo ng isang batong mauunanan ng Kanyang ulo! Ang ayena na iyon sa bundok ng Nebo! Ang mga ahas na iyon sa Callirhoe! Ang baliw na iyon na nasa banda pa roon! (at tinuturo niya ang kabilang pampang). Kulang lang nang kaunti na maging isang dimonyo ang isang mula sa Callirhoe, bagama't sinasabi Ninyo na ang ikalawa lamang ang nilukuban ni Beelzebub! Natatakot ako ng nilulukuban na mga tao, sa palagay ko kung nahahawakan sila ni Satanas nang gayon, sila ay maaaring napakasamâ. Ngunit... ang tao ay maaaring bumagsak nang hindi ganap na pumapayag na masakop. Sa halip ang mga taong iyon na hindi naman inaalihan ng dimonyo ay kumikilos katulad ng ginagawa nila, na ang kanilang pangangatwiran ay ganap na malaya!.. O! hindi ba Ninyo sila kailanman susupilin, kung titingnan na ayaw Ninyo silang maparusahan? At... matatalo nila Kayo...» At ang tapat na apostol, na ang kaninong mga luha ay tumigil sa pagpápakawala niya ng kanyang galit, ay nagpatuloy sa pag-iyak nang grabe.

«Aking mahal na Pedro, at sa palagay mo ba sila ay hindi naalihan ng dimonyo? Sa palagay mo ba na ang naaalihan ng dimonyo ay kailangan na magmukhang katulad ng lalaki mula sa Callirhoe o katulad ng mga tao na atin nang natagpuan? Sa palagay mo ba ang obsesyon ay naipakikita lamang ng  masasagwang sigaw, ng mga pagtalon, ng kabangisan, ng kabaliwan para sa pamumuhay sa mga lungga, ng matigas na katahimikan, ng mga sagabal sa mga galamay, ng namitig na mga isip, upang ang taong inalihan ay nagsasalita at kumikilos nang hindi niya nalalaman? Hindi. Nariyan din ang mas pino at makapangyarihang mga obsesyon, hindi lang, bagkus, mga pamumusesyon, at sila ang pinakamapanganib na mga pamumusesyon sapagkat hindi nila hinahadlangan o pinahihina ang pangangatwiran, upang hindi sana sila makagawa ng mabuting mga gawa, bagkus pinauunlad nila ito, hindi lamang, bagkus: pinalalaki nila ito upang ito ay sana maging makapangyarihan sa paglilingkod sa kanya na nagtataglay nito. Kapag inaari ng Diyos ang isang pag-iisip at ginagamit ito para sa Kanyang serbisyo, naglalagay Siya rito, sa mga oras na ito ay nasa serbisyo ng Diyos, ng isang sobrenatural na katalinuhan na nagpapalaki nang husto sa natural na katalinuhan noong tao. Sa palagay mo ba, halimbawa, na sina Isaiah, Ezekiel, Daniel, at ang iba pang mga propeta, kung kinailangan nilang basahin at ipaliwanag ang mga propesiya, na isinulat ng iba, hindi nila makikita ang di-maiintindihan na mga  kalabuan na nakikita ng mga tao ng kasalukuyang mga araw? gayunpaman, sasabihin Ko sa iyo, naintindihan nila ito nang perpekto habang tinatanggap ito. Tingnan mo, Simon. Ating dalhin ang bulaklak na ito na tumubo rito sa iyong paanan. Ano ang makikita mo sa loob ng lilim na bumabalot sa takupis nito? Wala. Makikita mo ang isang malalim na takupis at isang maliit na bunganga at wala nang iba pa. Ngayon tingnan ito habang pinupulot Ko ito at inilalagay Ko ito sa loob ng mga sinag ng araw. Ano ang nakikita mo?»

«Nakakakita ako ng ilang pistilo, ilang polen, at isang maliit na korona ng balahibo na nagmumukhang katulad ng pilikmata sa paligid ng mga pistilo at isang munting pilas ng isang bagay, lahat kulubot, umaadorno sa malaking petalo at sa dalawang maliit pa at nakakakita ako ng isang munting patak ng hamog sa ilalim ng takupis... at o! Ang isang kulisap ay nakapunta sa ilalim, upang uminom, at napasabid sa kulubot na balahibo at hindi makaalis mismo. Kung gayon! Tingnan ko nga nang mabuti. O! Ang balahibo ay malagkit katulad ng pulot. Alam ko na! Ginawa ito ng Diyos nang gayon, upang ang tanim ay makakain dito, o ang mga ibon ay makinabang kinakain ang mga lumilipad-lipad, o ang hangin ay sana mapadalisay... Gaano kaganda!»

«Ngunit kung wala ang malakas na liwanag ng araw wala ka sanang nakitang kahit ano.»

«Eh! wala!»

«Ganyan din ang nangyayari sa kaso ng isang dibinong pamumusesyon. Ang tao, na sa pamamagitan ng kanyang sarili ay inilalagay lamang niya ang kanyang mabuting kalooban upang mamahal niya nang ganap ang Diyos, maibigay ang kanyang sarili sa Kanyang kalooban, maisabuhay ang mga birtud at makontrolan ang masisimbuyong damdamin, ay nadadala sa Diyos, at sa Liwanag na siyang ang Diyos, sa Karunungan na siyang ang Diyos nakikita at naiintindihan niya ang lahat. Pagkaraan nito, kapag ang absulutong aksiyon ay nagtapos na, isang estado ang mangingibabaw sa nilikha, kung saan kung ano ang tinanggap dati ay magiging isang panuntunan ng pamumuhay at pagpapakabanal, subalit magiging malabo, o kung baga, kung ano ang dating napakalinaw ay magiging katulad ng takip-silim. Ang dimonyo, isang perpetwong manggagaya ng Diyos, ay nakagagawa ng nakakaparehong epekto, bagama't limitado sapagkat Diyos lamang ang walang-hangganan, sa mental na obsesyon ng mga naaalihan sapagkat binibigay nila nang kaagad-agad ang kanilang mga sarili sa kanya upang maging matagumpay, at pinagkakalooban niya sila ng mas mataas na katalinuhan, na debotong para sa kasamaan lamang, sa pananalanta, sa pananakit sa Diyos at sa tao. Ngunit sa dahilan na ang aksiyon ng dimonyo ay natatagpuan ang kaluluwa na pumapayag, ito ay nagpapatuloy at kung gayon nadadala ang kaluluwa nang unti-unti sa isang ganap na kaalaman ng Kasamaan. Sila ang pinakamalalang mga pamumusesyon. Walang tanda ang makikita sa labas at dahil diyan sila ay hindi iniiwasan ng mga tao. Ngunit sila ay naririyan. Ngunit katulad ng Aking sinasabi sa inyo lagi, ang Anak ng tao ay mahahampas ng mga taong ganyang ang pamumusesyon.»

«Ngunit hindi ba mahahampas ng Diyos ang Impiyerno?»

«Magagawa Niya. Siya ang mas malakas.»

«At bakit hindi Niya ginagawa upang maipagsanggalang Niya Kayo?»

«Ang mga rason ng Diyos ay alam sa Langit. Tayo na. At huwag kayong panghinaan ng loob.»

Ang pastol, na kanina pa nakikinig nang walang pagkukunwari, ay nagtanong: «Mayroon ba Kayong isang lugar na pupuntahan? Kayo ba ay hinihintay?»

«Wala, lalaki. Kailangan Kong pumunta sa ibayo ng Jericho. Ngunit walang naghihintay sa Akin.»

«Kayo ba ay pagod-na-pagod, Rabbi?»

«Oo, Ako ay pagod. Hindi nila kami bigyan ng matutuluyan o pahintulutan kaming tumigil mula pa sa bundok ng Nebo.»

«Bueno... Gusto ko kaninang sabihin sa Inyo... Ako ay mula sa malapit sa Beth-hoglah, yaong luma... Ang aking ama ay bulag at hindi ako makalalayo nang husto dahil ayaw kong maiwan siyang nag-iisa sa loob ng maraming buwan. Ngunit ang aking puso ay naghihirap dahil diyan at gayon din ang kawan. Kung gusto Ninyo... bibigyan ko Kayo ng matutuluyan.  Ito ay hindi malayo. Ang matanda ay labis na naniniwala sa Inyo. Si Jose, anak ni Jose, Inyong disipulo, ay alam ito.»

«Tayo na.»

Ang lalaki ay hindi naghintay na sabihan pa siya nang dalawang beses. Inipon niya ang kawan at pinakilos ito patungo sa nayon, na maaaring nasa hilagang-kanluran ng lugar na kanilang kinaroroonan ngayon. Si Jesus ay sinusundan ang kawan kasama ang Kanyang mga disipulo.

«Guro» sabi ng Iskariote pagkaraan ng mga ilang sandali «ang Beth-hoglah ay walang sinuman na makabibili sa mga regalo ng mamang iyon...»

«Ipagbibili natin sila kapag pupunta tayo sa Jericho upang makita si Nike.»

«Ang katunayan ay... na ang lalaking ito ay mahirap at kailangan natin na suklian siya, ngunit ako ay wala ni isang perang naiwan.»

«Tayo ay may pagkain, at marami nito. Para rin sa ilang mga pulubi. Wala tayong kailangan na iba pa pansamantala.»

«Ayon sa ibig Ninyo. Ngunit naging mas mabuti sana kung ako ay Inyong pinauna. Nagawa ko sanang...»

«Hindi iyan kinakailangan.»

«Guro, iyan ay pagkukulang ng tiwala! Bakit hindi Ninyo kami pinadadala katulad ng ginawa Ninyo dati, nang dalawahan?»

«Sapagkat minamahal Ko kayo at pinangangalagaan Ko ang inyong kabutihan.»

«Hindi tama na panatilihin kaming di-kilala nang ganito. Iisipin ng mga tao na... hindi kami karapat-dapat, walang kakayahan... Minsan madalas Ninyo kaming palakarin, nagtuturo kami, gumagawa kami ng mga himala, kami ay kilala...»

«Nalulungkot ka ba na hindi mo na ito nagagawa? Nakabuti ba ito sa inyo na lumakad nang wala Ako? Ikaw lamang ang tanging nagrereklamo na hindi ka nakakalakad nang nag-iisa... Judas!...»

«Guro, nalalaman Ninyo kung minamahal ko Kayo!» sabi ni Judas nang may katatagan.

«Alam Ko. At pinananatili kitang kasama Ko na sana ang iyong espiritu ay hindi maging marumi. Ikaw lamang ang tanging nag-iipon at namimigay, nagbebenta o nakikipagpalitan sa kapakanan ng mahihirap. Sapat na iyan. Labis pa nga. Tingnan mo ang iyong mga kasama, wala ni isa sa kanila ang humihingi ng iyong hinihingi.»

«Ngunit pinahihintulutan Ninyo ang mga disipulo... Ang ganyang pagkakaiba ay di makatarungan.»

«Judas, ikaw lamang ang tanging nagsasabi na Ako ay di makatarungan... Ngunit pinatatawad kita. Magpatuloy at ipadala si Andres sa Akin.»

Si Jesus ay binagalan ang Kanyang paglalakad upang hintayin si Andres at nagsasalita sa kanya nang sarilinan. Hindi ko alam kung ano ang sinasabi Niya sa kanya. Nakikita ko si Andres na ngumingiti nang magiliw at yumuko upang halikan ang mga kamay ng Guro at pagkatapos nagpatuloy.

Si Jesus ay nananatiling nag-iisa, sa likuran nilang lahat... at Siya ay nagpapatuloy na nakayuko ang ulo, pinupunasan ang Kanyang mukha ng laylayan ng Kanyang manta na tila Siya ay pinagpapawisan. Ngunit ang mga patak na dumadaloy sa Kanyang nangayayat na namumutlang mga pisngi ay mga luha, hindi buu-buong mga pawis.

--------------------

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus: «Ilalagay mo rito ang bisyon ng Oktubre 3, 1944: “Ang Asawa ng Saduseong Nigromante”.»

130911

 

 


Sunod na kabanata