516. Si Jesus, ang Mabuting Pastol.

Oktubre 25, 1946.

Si Jesus, Na pinasok ang bayan sa pamamagitan ng Herod’s Gate, ay tinatawid na ito ngayon, pagawi sa lambak ng Tyropoeon at sa distrito ng Ophel.

«Tayo ba ay pupunta sa Templo?» tanong ng Iskariote.

«Oo, pupunta tayo.»

«Mag-ingat sa gagawin Ninyo!» marami ang nagsasabi binabalaan Siya.

«Titigil lamang Ako para sa oras ng panalangin.»

«Ipakukulong nila Kayo.»

«Hindi. Papasok tayo sa pamamagitan ng hilagaing mga tarangkahan at lalabas sa pamamagitan ng mga tarangkahan sa timog at mawawalan sila ng panahon na mag-organisa at saktan Ako. Maliban na lamang kung laging may isa sa likuran Ko na nagmamasid at nag-uulat.»

Walang sinuman ang tumugon at si Jesus ay nagpatuloy sa Kanyang paglalakad patungo sa Templo na lumitaw sa tuktok ng burol nito, nagmumukhang halos nakakatakot sa berdeng manilaw-nilaw na liwanag ng isang walang-siglang umaga ng taglamig, dahil ang araw ay isang pagunita lamang, nagpupumilit na manatili nagsisikap na makalampas sa makapal na mga ulap. Isang walang-patutunguhang pagsisikap! Ang malugod na kaningningan ng madaling-araw ay naging isang maputlang salamin ng isang di-tunay na dilaw, na hindi nakakalat, bagkus nagpapakita ng mga pulu-pulo ng walang-siglang mga kulay na may mga guhit-guhit ng berde. Sa ganoong liwanag ang mga marmol at gintong mga dekorasyon ng Templo ay nagmumukhang maputla, makulimlim, sasabihin ko malungkot, katulad ng mga labí na lumalabas mula sa isang patay na lugar.

Si Jesus ay tinitingnan ito nang matindi habang umaakyat patungo sa bakuran. At tinitingnan Niya ang mga mukha ng maaagang mga naglalakbay. Karamihan mga abang mga tao: mga hardinero ng mga gulay sa palengke, mga pastol na may maliliit na hayop para sa katayan, mga katulong o mga maybahay patungo sa mga palengke. Lahat sila ay dumaraan nang tahimik, nakabalot sa kanilang mga manta, yumuyuko nang kaunti upang protektahan ang kanilang mga sarili sa napakalamig na hangin ng umaga. Ang kanila ring mga mukha ay nagmumukhang mas maputla kaysa karaniwan ng lahi na ito. Ito ay ang kakaibang liwanag na nagagawa silang magmukhang napaka medyo-berde, halos malaperlas sa hubog ng may-kulay na mga tela ng kanilang mga manta, na berde, matingkad na biyoleta, malalim na dilaw at kung gayon hindi maaaring magbigay ng malarosas na mga repleksiyon sa kanilang mga mukha. Ang Ilan ay bumabati sa Guro, ngunit hindi tumitigil. Hindi ito ang tamang panahon. Wala pang mga pulubi ngayon, na bumibigkas ng kanilang malulungkot na iyak sa mga sangandaan o sa ilalim ng mga arko na itinayo sa itaas ng mga kalsada sa maiikling mga pagitan. Ang oras at ang panahon ay natutulungan si Jesus na makalakad nang malaya na walang mga sagabal.

Sila ngayon ay nasa loob na ng bakuran. Sila ay pumasok. Pumunta sila sa Court of Israel.  Sila ay nagdarasal habang ang malakas na tunog ng mga trumpeta, sasabihin ko mga platang trumpeta ayon sa uri ng tunog nito, ay ibinabalita ang isang bagay na mahalaga ikinakalat sa buong burol, at habang ang amoy ng insenso ay kumakalat nang kalugud-lugod nangingibabaw sa bawat iba pang di masyadong kalugud-lugod na amoy na maaamoy ng isa sa tuktok ng Moriah, ibig sabihin, sasabihin kong ito ay ang walang-katapusang mga amoy ng karne na kinakatay at sinusunog ng apoy, amoy ng sunog na harina, ng nasusunog na langis, na laging malalanghap sa itaas doon nang humigi’t kumulang malakas, dahil sa patuloy na mga pagsusunog.

Sila ay umalis kinukuha ang ibang daan at sila ay nagsimulang mapuna ng mga unang tao sa Templo, ng mga tagaroon, ng mga tagapalit ng pera at ng mga nagtitinda na nag-aayos ng kanilang mga mesa at mga kulungan. Ngunit napakakaunti nila at ang kanilang pagtataka ay gayon na lamang na sila ay hindi maka-alma. Nagpapalitan sila ng mga salita ng pagtataka:

«Siya ay bumalik!»

«Hindi Siya pumunta sa Galilee, katulad ng sinabi nila.»

«Ngunit saan Siya nagtatago kung hindi nila Siya makita kahit saan?»

«Gusto talaga Niyang kalaban sila.»

«Anong tanga!»

«Anong banal na tao!» at patuloy pa ayon sa kanya-kanyang nararamdaman.

Si Jesus ay nasa labas na ng Templo at Siya ay pababa patungo sa kalsada na magdadala sa isa sa Ophel, nang, sa sangahan ng mga kalsada na patungo sa Zion, nakita Niya ang lalaking pinanganak na bulag, na kapapagaling pa lamang, naglalakad nang masaya sa pasalungat na direksiyon may dala-dalang mga basket na puno ng namamangong mga mansanas, nakikipagbiruan sa ibang mga binata, na may mga dala-dala rin.

Ang binata ay baka hindi mapansin ang engkuwentro, dahil hindi niya alam ang mukha ni Jesus o ang mga mukha ng mga apostol. Ngunit natatandaan ni Jesus ang mukha ng lalaki na Kanyang pinagaling nang mahimala. At tinawag Niya siya. Si Sidonia, na pinangalanan na Bartholmai, ay tumalikod at tumingin nang may-pagtatanong sa matangkad na marangal na lalaki, bagama't simple lamang ang pananamit, na tumatawag sa kanya sa pangalan, na patungo sa isang makipot na kalsada.

«Halika rito» utos ni Jesus sa kanya.

Ang binata ay nilalapitan Siya, nang hindi binababa ang kanyang dala-dala, tinitingnan si Jesus nang patago at iniisip na Siya ay gustong bumili ng ilan ng kanyang mga mansanas, sinabi niya: «Ang aking panginoon ay naipagbili na ang mga ito. Ngunit marami pa siya kung gusto ninyo. Magaganda at masarap ang mga ito. Dumating sila kahapon mula sa mga taniman sa Sharon. At kung marami ang bibilhin ninyo bibigyan kayo niya ng magandang diskuwento, sapagkat...»

Si Jesus ay ngumingiti itinataas ang Kanyang kanang kamay upang patigilin ang madaldal na lalaki. At sinabi Niya: «Hindi kita tinawag upang bumili ng mga mansanas, bagkus upang batiin ka at pagpalain ang Kataastaasan Na naging mabait sa iyo.»

«O! oo! Ginagawa ko iyan lagi, dahil sa liwanag na aking nakikita at dahil sa trabaho na nagagawa ko, natutulungan ang aking ama’t ina, sa wakas. Nakatagpo ako ng isang mabait na panginoon. Siya ay hindi isang Hebreo ngunit siya ay mabait. Ang mga Hebreo ay ayaw ako... dahil ako ay pinalayas sa sinagoga» sabi ng binata binababa sa lupa ang kanyang mga basket.

«Pinalayas ka nila? Bakit? Ano ang nagawa mo?»

«Ako, wala. Matitiyak ko sa inyo. Ang Panginoon ang gumawa niyon. Sa isang araw ng Sabbath ginawa Niya akong matagpuan ko ang lalaking iyon na sinasabi na siyang Mesiyas, at pinagaling Niya ako, katulad ng nakikita ninyo. At iyan kung bakit pinalayas nila ako.»

«Kung gayon, Siya Na nagpagaling sa iyo, ay hindi talaga nakagawa sa iyo ng maganda» sabi ni Jesus tinutukso siya.

«Huwag mong sabihin iyan, mamâ! Nanlalapastangan ka! Una sa lahat pinakita niya sa akin na ako ay minamahal ng Diyos, pagkatapos ginawa niya akong makakita... Hindi ninyo nalalaman kung ano ito na “makakita” dahil lagi kayong may paningin. Ngunit sa isa na hindi kailanman nakakita! O!... Ito ay... Ito ay lahat na mga bagay na pinagsama-sama na mayroon ang isa sa pamamagitan ng kanyang paningin. Sasabihin ko sa inyo na nang ako ay makakita, sa banda roon malapit sa sanaw ng Siloam, ako ay tumawa at umiyak, dahil sa lugod, eh? Ako ay umiyak katulad ng hindi pa ako napaiyak dahil sa aking kamalasan. Sapagkat naintindihan ko pagkatapos kung gaano iyon kadakila at kung gaano kabuti ang Kataastaasan. At ngayon makapaghahanap-buhay na ako at ito ay sa pamamagitan ng isang disenteng trabaho. At pagkatapos... ito ang pinaka inaasahan kong ipagkakaloob sa akin ng himalang aking tinanggap – umaasa akong makikilala ko ang lalaki na siyang sinasabi nila na siyang ang Mesiyas at ang Kanyang disipulo na siyang...»

«Ano ang gagawin mo pagkatapos?»

«Gusto ko Siyang pagpalain. Siya at ang Kanyang disipulo. At gusto kong hingin sa Guro, Na maaaring talagang nanggaling sa Diyos, na kunin ako bilang Kanyang utusan.»

«Ano? Dahil sa Kanya ikaw ay anathema, nahihirapan kang makakuha ng trabaho, baka parusahan ka pa nang lalo, at gusto mong paglingkuran Siya? Nalalaman mo ba na lahat na sumusunod sa nagpagaling sa iyo ay inuusig?»

«Oo, alam ko! Ngunit Siya ay ang Anak ng Diyos, iyan ang aming sinasabi sa pagitan namin. Bagama't ang mga nasa itaas doon (at tinuturo niya ang Templo) ay ayaw nilang sabihin namin iyan. At iyan ba ay hindi sulit na iwanan ang lahat upang paglingkuran Siya?»

«Kung gayon naniniwala ka ba sa Anak ng Diyos at sa Kanyang presensya sa Palestina?»

«Pinaniniwalaan ko iyan. Ngunit ibig ko Siyang makilala upang maniwala sa Kanya hindi laman sa pamamagitan ng aking talino bagkus sa pamamagitan ng aking buong sarili. Kung nalalaman ninyo kung sino Siya at kung nasaan Siya, sabihin ninyo sa akin, upang makapunta sana ako at makita Siya, at maniwala sana ako sa Kanya nang ganap, at mapaglingkuran Siya.»

«Nakita mo na Siya, at wala nang pangangailangan sa iyo na pumunta pa sa Kanya. Siya, Na nakikita mo ngayun-ngayon lamang at Siyang nagsasalita sa iyo, ay ang Anak ng Diyos.»

Hindi ko maigigiit ito nang may ganap na katiyakan,  ngunit sa aking palagay sa pagsasabi ng mga salitang ito si Jesus ay halos nagkaroon ng napakaikling pagbabagong-anyo, nagiging napakagandang lalaki at sasabihin ko maningning. Sa palagay ko upang magantimpalaan ang abang naniniwala sa Kanya at upang makumpirmahan siya sa kanyang pananampalataya, sa loob ng tagal ng isang kislap, ibinunyag Niya ang Kanyang kagandahan sa hinaharap, ang ibig kong sabihin ang kagandahan na Kanyang kukunin pagkatapos ng Resureksiyon at Kanyang pananatilihin sa Langit, ang Kanyang kagandahan ng isang niluwalhating tao, ng isang katawan na niluwalhati at hinaluan ng di-maisasalarawan na kagandahan ng Perpeksiyon, na esklusibo na Kanya lamang. Sasabihin ko, sa isang saglit. Isang kislap. Ngunit ang medyo madilim na sulok, kung saan sila pumunta upang mag-usap, sa ilalim ng arko ng daan, ay lumiwanag nang may kakaibang kaningningan na nanggagaling kay Jesus Na, aking uulitin, nagiging napakagandang lalaki.

Pagkatapos ang lahat ay naging normal ulit, maliban sa binata, na ngayon nakapatirapa sa lupa, ang kanyang mukha nasa alikabok, at sumasamba nagsasabing: «Naniniwala ako, Panginoon, aking Diyos!»

«Tumayo ka. Ako ay pumunta sa mundo upang magdala ng liwanag at ng kaalaman tungkol sa Diyos at upang masubukan ang mga tao at mahusgahan sila. Ang panahon Kong ito ay ang panahon ng pamimílì, paghirang at pangangalap. Ako ay naparito para sa mga puro sa puso at intensiyon, para sa mapagpakumbaba, sa mabababa ang kalooban, sa mga mangingibig ng katarungan, ng awa, ng kapayapaan, para sa mga umiiyak at para sa mga nakaaalam kung papaano ibigay ang tunay na halaga sa iba't ibang uri ng kayamanan at mas kinagugustuhan ang espirituwal na mga kayamanan kaysa ang materyal na mga kayamanan, na sana matagpuan nila kung ano ang hinahanap ng kanilang mga espiritu at ang mga nabubulagan ay sana makakita sapagkat ang  mga tao ay nagtayo ng makakapal na pader upang maharangan ang liwanag, ibig sabihin ang kaalaman tungkol sa Diyos – at ang mga ang tingin sa kanilang sarili ay mga nakakakita, ay sana maging bulag...»

«Kung gayon kinapopootan Ninyo ang malaki-laking bahagi ng mga tao at Kayo ay hindi kasing buti katulad ng sinasabi Ninyo. Kung Kayo ay mabuti, gugustuhin Ninyo ang lahat na makakita, at ang mga nakakakita ay hindi maging bulag» pagputol ng ilang mga Pariseo na mga dumating galing sa pangunahing daan at maingat na lumapit sa grupo sa likuran ng mga apostol.

Si Jesus ay tumalikod at tinitingnan sila. Siya ay tiyak na wala na sa pagbabago-ng-anyo nang dibinong kagandahan ngayon! Ito ay ang mahigpit-na-mahigpit na Jesus Na tumititig sa Kanyang mga taga-usig sa pamamagitan ng Kanyang sapirong mga mata, at ang Kanyang tinig ay nawalan na ng ginintuang nota ng lugod, bagkus ito ay isang tansong tinig at ito ay matalas at mahigpit katulad ng tunog ng tanso habang Siya ay tumutugon: «Hindi Ako ang isa na may gusto na hindi makakita ang mga tao na sa kasalukuyan ay lumalaban sa katotohanan. Sila mismo ang naglalagay ng mga harang sa harapan ng kanilang mga mata upang hindi makakita. At sila ay nagiging bulag sa pamamagitan ng kanilang sariling malayang kalooban. At ang Ama ay pinadala Ako upang ang paghihiwalay ay mangyari, at ang mga anak ng Liwanag at ng Kadiliman ay makitang talaga, ang gustong makakita at ang gustong maging bulag.»

«Kami ba ay kasama rin sa mga taong bulag na ito?»

«Kung kayo ay kasama at nagsikap kayong makakita, hindi kayo magkakasala. Ngunit ito ay dahil sinasabi ninyo: “Nakakakita kami”, at pagkatapos ayaw ninyong makakita, na kayo ay nagkakasala. Ang inyong kasalanan ay nananatili sapagkat hindi kayo nagsisikap na makakita, sa kabila na kayo ay bulag.»

«At ano ang kailangan namin na makita?»

«Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay. Ang isang taong bulag, katulad ng lalaking ito dati, sa tulong ng kanyang tungkod ay laging nakakarating sa pinto ng kanyang bahay at nakakakilos sa paligid nito, sapagkat nalalaman niya ang kanyang bahay. Ngunit kung siya ay dinala sa isang ibang lugar hindi siya makakapasok sa pamamagitan ng pinto ng bagong bahay, sapagkat hindi niya nalalaman kung nasaan ito at babangga siya sa mga pader.

Ang panahon ng bagong Batas ay dumating na. Ang lahat ay pinanariwa at ang lahat ay isang bagong mundo, isang bagong sambayanan, ang isang bagong kaharian ay lumilitaw. Ngayon ang sambayanan ng nakaraan ay hindi nalalaman ang lahat na ito. Alam nila ang kanilang mga panahon. Katulad nila ang bulag na mga tao na dinala sa isang bagong bayan kung nasaan naroroon ang maharlikang bahay ng Ama, ngunit hindi nila nalalaman kung nasaan ito. Ako ay naparito upang dalhin sila at papasukin sila doon at na sana makakita sila. Ngunit Ako ay ang Pintuan na sa pamamagitan nito ang isa ay mapapasok ang bahay ng Ama, sa Kaharian ng Diyos, sa Liwanag, sa Daan, sa Katotohanan, sa Buhay. Ako rin ang Isa na naparito upang ipunin ang kawan na naiwan na walang gumagabay at dalhin ito sa isa lamang na kulungan: ang kulungan ng Ama. Nalalaman Ko ang pintuan ng Kulungan sapagkat Ako ang Pintuan at ang Pastol. At Ako ay pumapasok at lumalabas ayon sa kagustuhan Ko at kung kailan Ko gusto. At Ako ay pumapasok nang libre, at sa pamamagitan ng pintuan, sapagkat Ako ang totoong Pastol.

Kapag ang isang tao ay dumating upang bigyan ang mga tupa ng Diyos ng ibang mga tagubilin o subukan na iligaw sila dinadala sila sa ibang mga kulungan at ibang mga daan, siya ay hindi ang mabuting Pastol, bagkus isang tamad na pastol, Gayon din naman, siya na pumapasok nang hindi sa pintuan ng kulungan, bagkus sinusubukan na makapasok sa ibang paraan, sumasampa sa bakod patungo sa bakuran, ay hindi ang pastol, bagkus isang magnanakaw at isang mamamatay-tao, na pumapasok upang pumatay at magnakaw, upang ang ninakaw na mga tupa sa pamamagitan ng kanilang mga iyak ay hindi sana makuha ang pansin ng mga nagbabantay at ng pastol. Ang huwad na mga pastol ay isinisingit ang kanilang mga sarili sa mga tupa ng kawan ng Israel upang iligaw sila sa mga pastulan, malayo sa totoong Pastol. At pumapasok silang handa na mailayo sila sa kawan kahit sa pamamagitan ng karahasan, at kung kinakailangan, papatayin din nila sila at bugbugin sila sa maraming mga pamamaraan, upang sila ay hindi magsalita sinasabihan ang Pastol ng mga panloloko ng huwad na mga pastol o sumisigaw sa Diyos na sila ay protektahan sa kanilang mga kaaway at sa mga kaaway ng Pastol.

Ako ang mabuting Pastol at ang Aking mga tupa ay kilala Ako, at ang mga magpakailanman naging bantay ng totoong Kawan ay kilala Ako. Matagal na Akong kilala nila at ang Aking Pangalan at binabanggit nila ito upang makilala ito sa Israel, at sinalarawan nila ito at hinanda nila ang Aking mga daan, at nang marinig ang Aking pangalan, ang huli sa kanila ay binuksan ang pinto sa Akin nagsasabi sa kawan na naghihintay sa totoong Pastol, ang kawan nakapaligid sa kanyang tungkod: “Ngayon! Naririto ang Isa Na aking sinabi na susunod sa akin. Ang Isa Na nauuna sa akin sapagkat Siya ay naririto na bago pa ako at hindi ko Siya nakilala. Ngunit para sa Kanya, upang kayo ay sana maging handa na tanggapin Siya, ako ay naparito upang magbinyag sa pamamagitan ng tubig, na sana Siya ay maibunyag sa Israel”. At ang mabubuting tupa ay napakinggan ang Aking tinig at nang sila ay Aking tinawag sa kanilang mga pangalan sila ay lumapit sa Akin at isinama Ko sila, katulad ng ginagawa ng isang mabuting pastol kung siya ay kilala ng mga tupa na nakakikilala sa kanyang tinig at sumusunod sa kanya saan man siya magpunta. At nang silang lahat ay kanyang pinalabas, siya ay naglalakad sa harapan nila at sinusundan nila siya sapagkat minamahal nila ang tinig ng pastol. Ngunit hindi nila sinusundan ang isang estranghero, sa kabaligtaran sila ay tumatakbo mula sa kanya, sapagkat hindi nila siya kilala at sila ay natatakot sa kanya. Ako rin ay naglalakad sa harapan ng Aking mga tupa at tinuturo Ko sa kanila ang daan at Ako ang unang humaharap sa mga panganib, na Aking pinapakita sa kawan, na ibig Kong madala sa kaligtasan sa loob ng Aking Kaharian.»

«Ang Israel ba ay hindi na ang kaharian ng Diyos?»

«Ang Israel ay ang lugar mula kung saan ang sambayanan ng Diyos ay kailangan na tumaas patungo sa totoong Herusalem at sa Kaharian ng Diyos.»

«At papaano ang tungkol sa pinangakong Mesiyas? Ang Mesiyas na sinasabi Ninyo na Kayo ito, hindi ba Niya gagawin ang Israel na maging matagumpay, maluwalhati, ang panginoon ng mundo, ipinapailalim sa Kanyang setro ang kahat na mga tao at ipinaghihiganti ang Kanyang Sarili, o! ipinaghihiganti nang malupit ang Sarili sa lahat na umalipin dito mula pa noong ito ay isang sambayanan? Kung gayon, wala sa lahat ng iyan ang totoo? Ipinagkakaila ba Ninyo ang mga propeta? Ang Inyo bang sinasabi na ang ating mga rabbi ay mga tanga? Kayo...»

«Ang Kaharian ng Mesiyas ay hindi kaharian ng mundong ito. Ito ay ang Kaharian ng Diyos, nakabatay sa Pagmamahal. Wala nang iba pa. At ang Mesiyas ay hindi isang hari ng mga sambayanan at mga sandatahang-lakas, bagkus ang hari ng mga espiritu. Ang Mesiyas ay manggagaling sa piniling sambayanan, mula sa maharlikang lahi, at higit sa lahat mula sa Diyos, Na  siyang lumikha sa Kanya at nagpadala sa Kanya. Ang pundasyon ng Kaharian ng Diyos,  ang paghahayag sa Batas ng pagmamahal, ang pagbabalita sa Mabuting Balita na binanggit ng propeta ay nagsimula sa sambayanan ng Israel. Ngunit ang Mesiyas ay ang magiging Hari ng mundo, ang Hari ng mga hari, at ang Kanyang Kaharian ay hindi magkakaroon ng limitasyon o hangganan, ni sa panahon o sa espasyo. Buksan ang inyong mga mata at tanggapin ang katotohanan.»

«Wala kaming naintindihan sa Inyong kalokohan. Nagsasalita Kayo ng mga salita na walang kahit na anong makatwiran na kaugnayan. Magsalita at tumugon sa amin nang walang mga parabula. Kayo ba o hindi Kayo ang Mesiyas?»

«At hindi pa ba ninyo naintindihan? Sinabi Ko na sa inyo na Ako ang Pintuan at Pastol para diyan. Magpahanggang ngayon wala pang nakakapasok sa Kaharian ng Diyos, sapagkat ito ay pinaderan at walang mga labasan. Ngunit ngayon Ako ay naparito na at ang pintuan upang makapasok ay nagawa na.»

«O! Ang ibang mga tao ay nagsabi na sila ang Mesiyas at pagkaraan sila ay nabisto na mga mandarambong sa daan at mga rebelde at ang hustisya ng tao ay pinarusahan ang kanilang kasamaan. Sino ang makapagtitiyak sa amin na Kayo ay hindi katulad nila? Kami ay pagod na sa paghihirap at sa paggawa sa mga tao na paghirapan ang kahigpitan ng Roma, salamat sa mga sinungaling na nagsasabing sila ay mga hari at inuudyukan nila ang mga tao na magrebelde!»

«Hindi. Ang sinasabi ninyo ay hindi tama. Ayaw ninyong maghirap, tama iyan. Ngunit hindi kayo nalulungkot kung ang mga tao ay maghirap. Kung kaya't naidadagdag ninyo ang inyong katindihan sa kahigpitan ng mga naghahari sa atin, sa pamamagitan ng paniniil sa mga pangkaraniwang tao sa pamamagitan ng mabibigat na mga ikapu at ng iba pang mga pamamaraan. Sino ang makatitiyak sa inyo na Ako ay hindi isang salbahe? Ang Aking mga gawa. Hindi Ako ang isa na siyang magpapabigat sa kamay ng Roma. Sa kabaligtaran, kung mayroon mang kahit ano, gagawin Ko itong mas magaan sa pagpapayo sa mga naghahari na maging makatao at ang nasasakupang sambayanan na maging mapasensya. Iyan man lamang.»

Marami mga tao ang nagka-ipun-ipon at sila ay lumalaki pa nang lumalaki sa bilang  at dahil dito ang trapiko sa pangunahing kalsada ay nahaharangan kung kaya’t sila ay lumipat sa isang eskinita, sa ilalim ng mga arko kung saan ang mga tinig ay umaalingawngaw habang sinasabi nila ang kanilang pagsang-ayon nagsasabing: «Tamang-tama Siya tungkol sa mga ikapu! Iyan ay totoo. Pinapayuhan Niya kami na magpasakop at ang mga Romano na maging maawain.»

Ang mga Pariseo, katulad ng dati, ay naiinis dahil sa pagsang-ayon ng pulutong at ang tono ng kanilang pagsasalita sa Kristo ay nagiging mas maigting. «Tumugon sa amin nang walang maraming mga salita, at patunayan na Kayo ay ang Mesiyas.»

«Sasabihin Ko sa inyong totoo na Ako nga. Ako lamang ang Pintuan ng Kulungan ng Langit. Siya na hindi dumaraan sa Akin ay hindi makakapasok. Nagkaroon ng ibang mga huwad na Mesiyas, at magkakaroon pa. Ngunit Ako lamang ang tángi at totoong Mesiyas. Ang mga naparito magpahanggang ngayon pinapahayag ang kanilang sarili na ganoon, ay hindi ang Mesiyas, sila ay mga magnanakaw lamang at mga bandido. At hindi lamang ang mga tao na ginawa ang ilang mga tao na katulad nila na tawagin silang Mesiyas, bagkus pati rin ang iba na hindi kinukuha ang pangalan na iyan ang nanghihingi ng isang pagsamba na ni hindi binibigay sa totoong Mesiyas. Makinig, ang sinuman na may mga tainga ay makinig. Ngunit punahin ito. Ang mga tupa ay hindi nakinig sa huwad na mga Mesiyas o sa mga huwad na pastol at mga panginoon, sapagkat ang kanilang mga espiritu ay naintindihan ang pagkahuwad ng kanilang mga tinig na gustong palabasin na mabait at sa halip ay malupit. Tanging ilang mga lalaking kambing lamang ang sumunod sa kanila upang maging kanilang mga kasama sa kasamaan. Mailap na di-nagpapakumbabang mga barakong kambing na ayaw na pumasok sa Kulungan ng Diyos, sa ilalim ng setro ng totoong Hari at Pastol. Sapagkat ito na ngayon ang nangyayari sa Israel. Na Siya Na siyang ang Hari ng mga hari ay naging ang Pastol ng Kawan, samantalang, minsan, siya na siyang ang pastol ng mga kawan ay naging hari at kapwa ang Una at ang huli ay nanggaling sa iisang ugat, ang lahi ni Jesse, katulad na ito ay ang sinasabi sa mga pangako at mga propesiya.

Ang huwad na mga pastol ay hindi nagsalita ng sinsirong mga salita o gumawa ng nakapagpapaginhawang mga gawa. Ikinakalat at pinahihirapan nila ang kawan o pinababayaan ito sa mga lobo, o pinapatay nila ito upang kumita pinagbibili ito upang maisiguro ang kanilang mga buhay o pinagkakaitan ito ng mga pastulan nito upang gawin ang mga ito na mga lugar ng aliwan o mga palumpungan para sa mga diyus-diyusan.  Nalalaman ba ninyo kung alin an g mga lobo? Ito ay ang masisimbuyong mga damdamin, ang mga bisyo na siyang itinuro din ng mga huwad na pastol sa kawan, dahil sila ang unang mga nagpakagumon sa mga ito. At nalalaman ba ninyo kung alin ang mga palumpungan para sa mga diyus-diyusan? Ito ay ang sariling mga pagkamakasarili na sa harapan nito labis na insenso ang sinusunog. Ang dalawa pang iba ay hindi na kinakailangan na ipaliwanag pa sapagkat ang sermon ay napakalinaw pa nga. Ngunit makatwiran na ang huwad na mga pastol ay kinailangan na umasal nang gayon. Sila ay walang iba bagkus mga magnanakaw na mga naparito upang magnakaw, pumatay at manira, upang dalhin ang mga tupa sa mapaglinlang na mga pastulan o sa huwad na mga kulungan na walang iba bagkus mga bahay-katayan. Ngunit ang mga pumupunta sa Akin ay ligtas at magagawa nilang lumabas patungo sa Aking mga pastulan o bumalik upang magpahinga kasama Ako at maging malakas at mataba sa pamamagitan ng banal na malulusog na pagkain. Sapagkat Ako ay naparito para diyan. Na ang Aking sambayanan, ang Aking mga tupa, na magpahanggang ngayon ay payat at malungkot, ay magkaroon sana ng buhay at magkaroon nito nang masagana, sa kapayapaan at kaluguran. At gusto Ko ito nang labis na Ako ay naparito upang ibigay ang Aking buhay upang ang Aking mga tupa ay sana magkaroon ng ganap na masaganang Buhay ng mga anak ng Diyos.

Ako ang mabuting Pastol. At kapag ang isang pastol ay mabuti binibigay niya ang kanyang buhay upang maipagsanggalang ang kanyang kawan sa mga lobo at mga magnanakaw, samantalang ang isang bayarán na pastol, na hindi nagmamahal sa mga tupa bagkus minamahal ang pera na kanyang nakukuha sa pagpapastol sa kanila, ay iniisip lamang ang mailigtas ang kanyang sarili at ang kanyang naiipon na pera sa kanyang lukbutan, at kapag nakakakita siya ng mga lobo o mga magnanakaw na dumarating, siya ay lumalayas, ngunit babalik pagkatapos upang kunin ang halos mga patay na tupa na iniwan ng mga lobo o ang mga tupa na naikalat ng mga magnanakaw, pinapatay ang una upang kainin sila o pinagbibili ang huli upang mas kumita pa at pagkatapos sa pamamagitan ng huwad na mga luha sasabihin niya sa kanyang panginoon na kahit isang tupa ay hindi nakaligtas. Ano ang pakialam ng binabayaran-na-pastol kung ang isang lobo ay nangangagat o ikinakalat ang mga tupa, at ang isang magnanakaw ay kinukuha sila upang dalhin sa katayan? Inaalagaan ba niya ang mga tupa habang sila ay lumalaki at siya ba ay nagtrabaho upang sila ay maging malakas? Ngunit ang may-ari na alam kung magkano ang halaga ng isang tupa, ilang oras ng pagtatrabaho ang kinakailangan, ng pagbabantay, ilang sakripisyo, ay minamahal at inaalagaan sila dahil mahal niya sila. Ngunit Ako ay mahigit pa sa may-ari. Ako ang Tagapagligtas ng Aking kawan at alam Ko kung gaano ang kinakailangan sa Akin upang mailigtas ang kahit isa man lang na kaluluwa, at pumapayag Ako kung gayon na gawin ang kahit ano upang mailigtas ang isang kaluluwa. Ito ay ipinagkatiwala sa Akin ng Aking Ama. Ang lahat na mga kaluluwa ay ipinagkatiwala sa Akin kasama ang mga tagubilin na kailangan Kong mailigtas ang malaki-laking bilang nila. Habang mas marami Akong naililigtas mula sa kamatayan ng espiritu, mas lalong luluwalhatiin ang Aking Ama. Ako kung gayon ay nakikibaka na mapalaya sila mula sa lahat ng kanilang mga kaaway, ibig sabihin mula sa kanilang mga kaakuhan, sa mundo, sa laman, sa dimonyo, at mula sa Aking mga kaaway na nakikipag-agawan sa Akin para sa kanila upang papaghirapin Ako. Ginagawa Ko iyan sapagkat nalalaman Ko ang Isip ng Aking Ama. At ang Aking Ama ay pinadala Ako upang gawin iyan, sapagkat nababatid Niya ang Aking pagmamahal para sa Kanya at para sa mga kaluluwa. At ang Akin ding mga tupa ay kilala Ako at alam ang Aking pagmamahal at nararamdaman nila na Ako ay nakahanda na ibigay ang Aking buhay upang mabigyan sila ng kaligayahan.

At may iba pa Akong mga tupa. Ngunit sila ay hindi kasali sa Kawan na ito. Kung gayon hindi nila Ako nakikilala para sa kung ano Ako, at marami ang hindi nakaaalam kung ano Ako at kung sino Ako. Mga tupa na sa napakarami sa atin ay lumalabas na mas malala pa kaysa sa mga barakong mga kambing at tinitingnan na di-karapat-dapat na makilala ang Katotohanan at ang makuha ng Buhay at ang Kaharian. Gayunpaman ito ay hindi ganito. Ang Ama ay gusto rin sila, kung kaya't kailangan na lapitan Ko rin sila, upang magawa ang Aking Sarili na makilala at malaman ang Mabuting Balita, upang madala sila sa Aking mga pastulan at maipon sila. At sila ay makikinig din sa Aking tinig sapagkat magtatapos sila sa pagmahal dito. At magkakaroon ng iisang Kawan lamang sa ilalim ng iisang Pastol lamang, at ang Kaharian ng Diyos ay mapoporma sa Lupa nakahandang ilipat at tanggapin sa Langit, sa ilalim ng Aking setro at ng Aking tanda at ng Aking totoong Pangalan.

Aking totoong Pangalan! Ako lamang ang nakaaalam nito! Ngunit kapat ang bilang ng mga napili ay kumpleto na, at sa pagitan ng mga himno ng pagbubunyi nakaupo sila sa dakilang kapistahan ng kasalan ng Nobyo at ng Nobya, diyan ibubunyag ang Aking Pangalan sa Aking mga napili, na sa pamamagitan ng kanilang katapatan dito ay naging mga banal, nang hindi nalalaman gayunpaman ang ganap na abot at lalim kung ano ang ibig sabihin na mamarkahan ng Aking Pangalan at magantimpalaan dahil sa kanilang pagmamahal para dito, o kung ano ang magiging gantimpala... Iyan ang ibig Kong ibigay sa Aking matatapat na tupa. At iyan ay Aking sariling kagalakan...»

Na ang Kanyang mga mata maningning gawa ng mga luha ng lubos na kaligayahan tinitingnan ni Jesus ang mga mukha na nakalingon sa Kanya, at ang isang ngiti ay nanginig sa Kanyang mga labì, isang gayon na naging-espirituwal na ngiti sa Kanyang naging-espirituwal na mukha, na pinangiligan ang mga pulutong nakabatid na ang Kristo ay dumanas ng isang labis-labis na kaligayahan at na dala ng pagmamahal gusto Niyang papangyarihin ito. Itinuwid Niya ang Kanyang Sarili at sa loob ng isang sandali isinasara Niya ang Kanyang mga mata itinatago ang misteryo na nakikita ng Kanyang isip at na baka maibunyag ng Kanyang mga mata, at Siya ay nagpapatuloy:

«Iyan kung bakit ang Ama ay minamahal Ako, o Aking sambayanan, o Aking kawan! Dahil para sa kapakanan ninyo, para sa inyong eternal na kabutihan, binibigay Ko ang Aking buhay. Pagkaraan Akin itong kukunin muli. Ngunit Akin munang ibibigay ito na sana kayo ay magkaroon ng buhay at mapasainyo ang Tagapagligtas bilang inyong buhay. At akin itong ibibigay sa gayong pamamaraan na sana kayo ay makakain dito, sa dahilan na magbabago Ako mula sa pagiging Pastol hanggang sa pagiging pastulan at pontanya, na nagbibigay ng pagkain at inumin, hindi para sa apatnapung mga taon katulad ng para sa mga Hebreo sa disyerto, bagkus para sa lahat ng panahon ng pagkakapatapon sa mga disyerto ng Lupa. Walang sinuman, sa katunayan, ang makakakuha ng Aking buhay. Ni ang mga tao na sa pagmamahal sa Akin nang kanilang buong mga sarili ay karapat-dapat Kong isakripisyo ito para sa kanila, ni ang mga tao na kukunin ito sa pamamagitan ng malaking kapootan at katangahang takot. Walang makakakuha nito kung Ako ay hindi sumasang-ayon na ibigay ito at kung ang Ama ay hindi ito ipahintulot, sa dahilan na kami kapwa ay naliligayahan ng luwalhati ng pagmamahal para sa nagkasalang Sangkatauhan. Ibibigay Ko ito Mismo. At may kapangyarihan Akong kunin itong muli kailan Ko man ito gustuhin, sa dahilan na hindi nababagay na ang Kamatayan ay mangibabaw sa Buhay. Iyan kung bakit ang Ama ay binigay sa Akin ang kapangyarihan na iyan, hindi lamang, bagkus, iniutos ng Ama sa Akin na gawin Ko iyan. At sa pamamagitan ng Aking buhay, inialay at isinakripisyo, ang mga tao ay maging isa lamang na Sambayanan: Aking Sambayanan, ang makalangit na Sambayanan ng mga anak ng Diyos, at sa sambayanan ang mga tupa ay ihihiwalay sa mga barakong kambing at ang mga tupa ay susundan ang kanilang Pastol patungo sa Kaharian ng eternal na Buhay.» 

At si Jesus, Na magpahanggang ngayon ay nagsalita sa isang malakas na tinig, ay nilapitan si Sidonia pinangalanang Bartholmai, na laging nasa harapan Niya na ang kanyang mga basket ng masarap na nangangamoy na mga mansanas nasa kanyang paanan, at sinabi Niya sa kanya nang pabulong: «Nakalimutan mo ang lahat dahil sa Akin. Ngayon ikaw ay tiyak na parurusahan at mawawala sa iyo ang iyong trabaho. Kita mo iyon? Ako lagi ang dahilan ng kapighatian sa iyo. Dahil sa Akin nawala sa iyo ang sinagoga, at ngayon mawawala sa iyo ang iyong panginoon...»

«At ano ang aking gagawin sa lahat na iyan, kung nasa akin Kayo? Kayo lamang ang tanging may halaga sa akin. At iiwanan ko ang lahat upang sundan Kayo, kung ako ay Inyong pahihintulutan. Hayaan lamang Ninyo akong dalhin ang mga prutas na ito sa kanya na bumili nito at pagkatapos sasama ako sa Inyo.»

«Pumunta tayong dalawa. Pagkatapos lalakad tayo upang tingnan ang iyong ama. Sapagkat mayroon kang ama at kailangan na parangalan mo siya sa paghingi sa kanya na pagpalain ka niya.»

«Oo, Panginoon. Ang lahat na ibig Ninyo. Ngunit turuan Ninyo ako ng maraming mga bagay, sapagkat wala akong nalalaman, wala talaga. Ni hindi ako makapagbasa at makasulat dahil ako ay bulag.»

«Huwag kang mag-alala tungkol diyan. Ang iyong mabuting kalooban ay tuturuan ka.»

At Siya ay lumakad upang puntahan ang pinaka kalsada, habang ang mga pulutong ay nagkukumentaryo, nagdidiskusyon, at nag-aaway pa nga, nahahati sa pagitan ng dalawang dating opinyon: si Jesus ba ng Nazareth ay isang tao na inaalihan o Siya ba ay isang santo? Ang mga pulutong, na may di-nagkakasundong opinyon, ay nagdidiskusyon, habang si Jesus ay lumalayo.

271011

 

 


Sunod na kabanata