52. Si Jesus sa Kasalan sa Cana.

Ang gabi ng Enero 16, 1944. Ang kasalan sa Cana.

¹Nakikita ko ang isang bahay. Isang tipikong panggitnang-silanganing bahay: isang mahaba, mababa, maputing bahay, na may kaunting mga bintana at mga pintuan, may isang bubong na terasa, napalilibutan ng isang maliit na pader, mga isang metro ang taas, na may malilim na balag ng baging, na umaabot sa itaas ng terasa at kumalat ang mga sanga nito sa mahigit kalahatian ng terasa. Ang isang nasa-labas na hagdanan sa harapan ay umaabot sa isang pintuan na nasa kalahatian ng taas ng bahay, at ang bukás ay patungo sa mabababang madidilim na silid. Ang bahay ay nakatayo sa gitna ng isang katulad ng giikan na sahig, na may bubon ng tubig sa gitna. May ilan na mga púno ng igos at ng mansanas. Ang bahay ay nakaharap sa daan, ngunit ito ay hindi nasa tabi ng daan mismo, bagkus medyo pasók nang kaunti at ang isang daanan sa damuhan ang nag-uugnay dito sa daan, na nagmumukhang ang pinakadaan.

Tila ito ay nasa labas ng bayan ng Cana: isa bahay na pag-aari ng mga magbubukid na nakatira sa gitna ng kanilang ari-arian. Ang kabukiran ay malayo ang unat sa kabila ng bahay. Ang araw ay sumisinag sa ganap na asul na kalangitan. Sa una wala akong nakikitang sinuman o kahit ano. Walang sinuman sa malapit ng bahay.

²Pagkatapos nakakakita ako ng dalawang babae, na may mahahabang damit at mga manta na nagtatakip din sa kanilang mga ulo katulad ng mga belo, naglalakas sa daan at pagkatapos sa daanan. Ang isa ay mas matanda sa isa: mga limampung taong gulang, na may madilim na damit, ang pagka abong-kulay-kape ng  sariwang lana. Ang isa pang babae ay nakasuot ng mas maputing mga damit: isang maputlang dilaw na damit at isang asul na manta. Nagmumukha siyang mga tatlumpu’t limang taong gulang. Siya ay talagang maganda, balingkinitan, at ang kanyang pagdala ay napaka-marangal, bagamat siya ay napakabait at mapagpakumbaba. Noong siya ay malapit na, nakilala ko ang Kanyang maputlang mukha, ang Kanyang asul na mga mata at ang Kanyang olandesang buhok na makikita sa Kanyang noo. Nakilala ko ang Ating Kabanalbanalang Ginang. Hindi ko alam kung sino ang isa pang mas matanda. Sila ay naguusap at ang Ating Ginang ay ngumingiti. Noong sila ay malapit na sa bahay, ang isang nagbabantay, sa mga dumarating,  ay pinaalam ang iba sa loob ng bahay, at dalawang lalaki at dalawang babae ang bumababa upang salubungin sila. Binigyan nila ng pinakamainit na pagsalubong ang dalawang babae, lalo na ang Ating Ginang.

Maagang umaga ngayon, sasabihin ko mga alas nuwebe, baka mas maaga pa, sapagkat ang kabukiran ay may luntiang tingin ng maaagang oras ng umaga, kapag ang hamog ay pinagmumukhang mas berde ang mga damo at ang hangin ay malaya pa sa mga alikabok. Tila tagsibol ngayon sapagkat ang mga damo sa mga parang ay hindi sunog ng araw ng tag-init at ang butil sa mga bukid ay murà pa at berde at wala pang mga tainga. Ang mga dahon ng púno ng igos at ng púno ng mansanas ay berde at malambot at ang sa baging ay gayon din. Ngunit wala akong makitang mga bulaklak sa mansanas at walang bunga sa mansanas at sa púno ng igos o sa mga baging: na ang ibig sabihin kapapamulaklak pa lamang ng púno ng mansanas at ang maliliit na bunga nito ay hindi pa nakikita.

Si Maria, Na labis na sinasalubong at inaalalayan ng isang may-edad na lalaki na lumalabas na maaaring siyang may-ari, ay inaakyat ang nasa-labas na hagdanan at pinasok ang malaking bulwagan na tila kinukuha nito ang lahat na espasyo ng buong bahay, o halos ang lahat nito.

Kung hindi ako nagkakamali, ang mga silid sa ibaba ay ang mga lugar kung saan sila talaga nakatira, kung saan naroon ang kanilang imbakan, taguan ng alak, samantalang ang bulwagan sa itaas ay ginagamit para sa espesyal na mga okasyon, katulad ng mga kapistahang mga araw, o para sa mga gawain na nangangailangan ng isang malaking espasyo, katulad ng pagpapatuyo at pag-iipit ng mga pagkain. Para sa espesyal na mga selebrasyon ang bulwagan ay inaalisan ng bawat gamit at pagkatapos nilalagyan ng dekorasyon, katulad ngayon, na may mga sariwang sanga, mga banig at mga mesa na ginayakan ng masasarap na ulam. Sa gitna ay may mayaman na ginayakan na mesa na may mga amphora at mga pinggan na punó ng prutas. Sa tabi ng nasa kanan na pader, magpatungkol sa kinatatayuan ko, ay may isa pang mesa na may gayak na, ngunit hindi masyadong marangya. Sa kaliwang tabi, ay may isang klaseng mahabang patungan na may mga pinggan ng keso at iba pang pagkain, na nagmumukhang mga keyk na pinatungan ng pulot pukyutan at ng matatamis na laman. Sa sahig, malapit sa pader din na iyon, ay may mas marami pang mga amphora at may anim na malalaking lalagyan, na kinorte halos katulad ng tansong mga pitsel. Tatawagin ko silang mga banga.

Si Maria ay nakikinig nang magiliw sa kung ano ang kanilang sinasabi sa Kanya, pagkatapos inaalis Niya ang Kanyang manta at mabait na tumutulong sa pagsasangkap sa mga mesa. Nakikita ko Siyang pauli-uli inaayos ang mga higaang-upuan, tinutuwid ang mga girnaldang bulaklak, pinagagandang mas lalo ang hitsura na mga nakahaing prutas, tinitiyak na ang mga lampara ay punó ng langis. Siya ay ngumingiti, napakakaunting nagsasalita at sa napakababang tinig. Sa halip Siya ay mas nakikinig at may labis na tiyaga.

³Ang isang malakas na tunog ng mga instrumentong musikal (hindi napakagandang pakinggan) ay naririnig na nanggagaling sa kalsada. Lahat sila ay nagmadaling lumabas, maliban kay Maria. Nakikita ko ang nobya na pumapasok, ismarteng nakadamit at masaya, napaliligiran ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Ang nobyo, na siyang naunang tumakbo sa labas at salubungin siya, ay ngayon katabi na niya.

⁴Sa puntong ito ay nagkaroon ng pagbabago sa bisyon. Sa halip na ang bahay, ang nakikita ko ay ang isang nayon. Hindi ko alam kung ito ay ang Cana o isang kalapit na nayon. At nakikita ko si Jesus kasama si Juan at isa pang lalaki, na sa palagay ko ay si Judas Tadeo, ngunit maaaring magkamali ako. Nakatitiyak ako tungkol kay Juan. Si Jesus ay nakasuot ng isang puting tunika at isang madilim na asul na manta. Noong mapakinggan Niya ang tunog ng mga instrumento, ang kasama ni Jesus ay tinatanong ang isang lalaki tungkol sa kung ano at pagkatapos sinasabihan si Jesus. Pagkatapos si Jesus, ngumingiti, ay nagsabi: «Tayo na at gawing masaya ang Aking Ina.» at nagsimula Siyang maglakad nang patawid sa mga bukid patungo sa bahay, kasama ang Kanyang dalawang kasama.

Nakalimutan kong banggitin na si Maria ay sa aking palagay kung hindi isang kamag-anak ng mga kaanak ng nobyo Siya ay isang kaibigan ng mga ito, sapagkat Siya ay malapít sa kanila.

 Noong dumating si Jesus, ang bantay din kanina, ay pinaalam ang iba pa. Ang may-ari, kasama ang kanyang anak, ang nobyo, at si Maria ay bumaba upang salubungin Siya, at binabati Siyang magalang.  Pagkatapos kanyang binabati ang dalawa pang kasama at gayon din ang ginagawa ng kanyang anak. Ngunit ang gusto ko ay ang mapagmahal at magalang na paraan ng pagpalitan ng mga pagbati nina Jesus at Maria. Doon ay walang mga pagbuhos, ngunit ang mga salita «Kapayapaan sa Iyo» ay binigkas nang may tingin at ngiti na katumbas ng sandaan na mga yakap at sandaan na mga halik. Ang isang halik ay nanginginig sa mga labì ni Maria ngunit hindi ito naibigay, kanya lamang ipinatong ang Kanyang maliit na maputing kamay sa balikat ni Jesus at hinihipong padaplis ang isang kulot ng buhok ni Jesus. Ang haplos ng isang basal na mangingibig.

⁵Si Jesus ay inaakyat ang hagdanan katabi ang Kanyang Ina, sinusundan ng Kanyang mga disipulo, ng may-ari at ang ng nobyo, at pinasok ang bulwagan ng bangkete, kung saan ang mga kababaihan ay nagsimulang magpaikot-ikot, nagdadagdag ng mga upuan at mga plato para sa tatlong panauhin, na, sa tingin ko, ay hindi inaasahan. Sasabihin ko na ang pagdating ni Jesus ay walang katiyakan at ang pagdating ng Kanyang mga kasamahan ay ganap na hindi inaasahan.

Naririnig kong napakalinaw ang buung-buo, may pagkalalaki, napakatamis na tinig ng Guro nang pagpasok sa bulwagan: «Harinawang mapasa-bahay na ito ang kapayapaan at ang pagpapalà ng Diyos sa inyong lahat.» Isang pagbating mahestad sa lahat na taong naroroon. Napangingibabawan ni Jesus ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang tindig at ng Kanyang taas. Siya ay isang panauhin, at isang pangkaraniwang panauhin, ngunit Siya ay tila ang hari ng bangkete, nang higit pa sa nobyo, nang higit pa sa may-ari. Kahit gaano pa ka-mapagpakumbaba at masunurin, Siya ang isang naghahari.

Si Jesus ay nauupo sa gitnang mesa kasama ang nobya at ang nobyo, ang kanilang mga kamag-anak at ang pinaka-maimpluwensiyang mga kaibigan. Ang dalawang disipulo ay inanyayahan din na maupo sa mesang iyon, dala ng paggalang kay Jesus.

Ang likod ni Jesus ay nakaharap sa pader na iyon kung saan naroroon ang malalaking banga at ang patungan.  Kung gayon hindi Niya ito nakikita, ni ang tagapamahala na abalá sa mga ulam na inihaw na karne, na dinala sa pamamagitan ng isang maliit na pintuan malapit sa patungan.

May napuna akong isang bagay. Na maliban sa mga ina ng bata-pang mag-asawa at ni Maria, walang ibang babae ang nakaupo sa mesa. Ang lahat na mga babae, na gumagawa ng ingay na katumbas ng sandaan ka-tao, ay nakaupo sa ibang mesa malapit sa pader, at pinagsisilbihan pagkatapos na mapagsilbihan ang batang mag-asawa at ang mga panauhing pandangal. Si Jesus ay nakaupo malapit sa may-ari, sa harapan ni Maria, Na ang Kaninong lugar ay malapit sa nobya.

Ang bangkete ay nagsimula. At natitiyak ko sa inyo na sila ay hindi nagkukulang ng gana o uhaw. Ang mga taong kumakain at umiinom nang kaunti ay sina Jesus at ang Kanyang Ina, Na nagsasalita rin nang napakakaunti. Si Jesus ay mas nagsasalita pa nang mas marami nang kaunti. Ngunit bagamat napaka-katamtaman, Siya ay hindi sumisimangot o naiinis sa kaunting Kanyang sinasabi. Siya ay mabait, ngunit hindi madaldal. Tumutugon Siya kapag Siya ay tinatanong, kapag sila ay nagsasalita sa Kanya, nagkaka-interes Siya sa paksa, binibigay Niya ang Kanyang opinyon, ngunit sa kabila niyan tinututukan Niya ang Kanyang mga naiisip, katulad ng isang sanay sa pagninilay-nilay. Siya ay ngumingiti, Hindi Siya kailanman tumatawa. Kapag nakaririnig Siya ng isang walang-pakundangan na biro, nagkukunwari Siyang hindi Niya iyon napapakinggan. Si Maria ay nabubusog sa Kanyang pagninilay-nilay tungkol sa Kanyang Jesus, at gayon din si Juan, na nasa dulo ng mesa at nakabitin sa mga labì ng kanyang Guro.

⁶Napuna ni Maria na ang mga katulong ay nagsasalita sa mabababang tinig sa tagapangasiwa, na nagmumukhang labis na napapahiya at naintindihan Niya kung ano ang dahilan ng di-magandang sitwasyon. «Anak», bumulong Siya sa mababang tinig, na kumuha sa pansin ni Jesus. «Anak, sila ay wala nang alak.»

«Babae, ano pa ba ang naririyan sa pagitan Ko at Ninyo?» Si Jesus, noong sinasabi ang mga salitang ito, ay mas lalo pang ngumingiti nang mas maamo, at si Maria ay ngumingiti rin, katulad ng dalawang tao na may nalalaman na ilang katotohanan na siyang kanilang malugod na lihim at hindi pinapansin ng kahit sinuman.

                                                                --------------------------------------

⁷Si Jesus ay ipinaliliwanag ang ibig sabihin ng pangungusap sa akin.

jesus sinab

«Ang “pa” na iyon, na inalis ng maraming tagapagsalin, ay ang susi sa pangungusap at ipinaliliwanag nito ang totoong ibig-sabihin.

Ako noon ay ang Anak, Na nagpapailalim sa Aking Ina, hanggang sa sandali nang ang kalooban ng Aking Ama ay sinabi sa Akin na ang oras ay dumating na kung kailan Ako ay dapat na maging ang Guro. Magmula nang ang Aking misyon ay nagsimula na, hindi na Ako ang Anak Na nagpapailalim sa Aking Ina, bagkus Ako ay ang Lingkod ng Diyos. Ang Aking moral na mga pagkakakabit sa Aking Ina ay naputol na. Sila ay naging mas matataas na mga pagkakakabit, lahat espirituwal. Lagi Kong tinatawag si Maria noon, Aking Banal na “Ina”. Ang aming pagmamahal ay hindi dumanas ng mga interupsyon, ni hindi iyon lumamig, hindi, bagkus, iyon ay hindi naging kasing perpekto noong napahiwalay Ako sa Kanya katulad ng isang pangalawang kapanganakan at ibinigay Niya Ako sa mundo at para sa mundo, bilang ang Mesiyas at ang Tagapag-ebanghelyo.  Ang Kanyang ikatlong mataas na mistikal na maternidad ay nangyari noong pinanganak Niya Ako sa krus sa pahirap ng Golgotha, at ginawa Akong ang Tagapagtubos ng mundo.

”Ano pa ba ang naririyan sa pagitan Ko at Ninyo?” Dati Ako ay sa Inyo, tanging sa Inyo lamang. Binibigyan Ninyo Ako ng mga utos, at sinusunod Ko Kayo. Ako ay “nakapailalim “ sa Inyo. Ngayon Ako ay pag-aari na ng Aking misyon.

Hindi ba’t sinabi Ko: “Siya, na inilapat ang kanyang mga kamay sa araro at tumitingin pabalik upang magpaalam sa mga maiiwanan, ay hindi nababagay para sa Kaharian ng Diyos”? Inilapat Ko ang Aking mga kamay sa araro hindi upang bungkalin ang lupa ng talim ng araro, bagkus upang buksan ang mga puso ng mga tao at itanim doon ang salita ng Diyos. Aalisin Ko lamang ang Aking mga kamay sa pagkakahawak sa araro kapag pupunitin nila ito upang ipako sa Krus at buksan sa pamamagitan ng Aking nagpapahirap na pako ang puso ng Aking Ama, mula rito kung saan dadaloy ang kapatawaran para sa sangkatauhan.

Ang “pa” na iyon, nakalimutan ng karamihan, ay ito ang ibig-sabihin: “Kayo ang lahat sa Akin, Inay, habang Ako ay si Jesus lamang ni Maria ng Nazareth, at Kayo ang lahat sa Aking espiritu; ngunit mula na Ako ay naging ang hinihintay na Mesiyas, Ako ay pag-aari ng Aking Ama. Maghintay nang kaunting sandali at kapag tapos na ang Aking misyon, Ako ay, sa muli magiging ganap na sa Inyo; hahawakan na Ninyo Akong muli sa loob ng Inyong mga bisig, katulad noong Ako ay isang maliit na bata pa lamang at wala na muling makikipag-agawan sa Inyo para sa Inyong Anak, tiningnan na kahihiyan ng sangkatauhan, na itatapon ang Kanyang mortal na labí sa Inyo, upang madala sa Inyo ang kahihiyan ng pagiging ang ina ng isang kriminal. At pagkatapos mapapasa-Inyo Akong muli, pánalúnan, at sa wakas, mapapasa-Inyo Ako magpasawalanghanggan kapag Kayo ay pánalúnan na sa Langit. Ngunit ngayon Ako ay pag-aari ng lahat ng mga taong ito. At pag-aari Ako ng Ama, Na nagpadala sa Akin sa kanila”.

Iyan ang buod ng maikli ngunit punó ng ibig-sabihin na “pa” na iyon.»  

⁸Si Maria ay nagsabi sa mga katulong: «Gawin kung ano ang Kanyang sasabihin sa inyo.» Sa ngumingiting mga mata ng Kanyang Anak, nabasa ni Maria ang Kanyang pahintulot, natatakpan ng belo ng dakilang pagtuturo sa lahat na «mga tinawag». jesus cana

At si Jesus ay sinabi sa mga katulong: «Punuin ang mga banga ng tubig.»

Nakikita ko ang mga katulong na pinupuno ang mga banga ng tubig na dinala mula sa bubon (naririnig ko ang matitinis na tunog ng mga moton habang tinataas ang tumutulong mga balde at ibinababa ito). Nakikita ko ang tagapamahala na ibinubuhos niya nang may nagtatakang mga mata ang ilan sa mga likido, pagkatapos tinitikman ito nang may mas malaki pang pagtataka, kinasisiyahan ito at nagsasalita sa mayari at sa nobyo (sila ay magkakalapit).

Si Maria ay tinitingnan Niyang muli ang Kanyang Anak, at ngumingiti; pagkatapos bilang nakatanggap na ng ngiti mula kay Jesus, iniyuko Niya ang Kanyang ulo, namumula nang kaunti. Siya ay masaya.

Ang isang bulung-bulungan ay kumakalat sa buong bulwagan, binabaling nilang lahat ang kanilang mga ulo kina Jesus at Maria, ang iba ay tumatayo upang makita nang mas mabuti, ang iba ay lumalapit sa mga banga. Pagkatapos isang sandali ng katahimikan, na nasira kaagad ng isang pagsabog ng mga papuri para kay Jesus.

Siya ay tumayo at simpleng nagsabi: «Pasalamatan si Maria» at umalis sa bangkete. Ang Kanyang mga disipulo ay sinundan Siya. Sa pamasukan ng pintuan inulit Niya: «Harinawang ang kapayapaan ay mapapunta sa bahay ito at mapapunta sa inyo ang pagpapalà ng Diyos» at dinagdag Niya: «Paalam, Inay.»

Ang bisyon ay nagtatapos.

                                                                __________________________________

 

⁹Si Jesus ay tinuturuan ako ayon sa sumusunod:

jesus sinab

«Noong sinabi Ko sa mga disipulo: “Tayo na at gawing masaya ang Aking Ina”, binibigyan Ko ang pangungusap ng mas malalim na ibig-sabihin kaysa ng tila lamang. Hindi Ko ibig-sabihin ang kaligayahan na makita Ako, bagkus ang lugod ng pagiging ang tagapagsimula ng Aking mahimalang mga aktibidad at ng pagiging ang unang tagapagbigay-biyaya ng sangkatauhan.

Laging tandaan iyan. Ang Aking unang himala ay nangyari dahil kay Maria. Ang pinakauna. Ito ay isang simbolo na si Maria ang susi sa mga himala. Hindi Ko kailanman tinanggihan si Maria ng kahit ano at dahil sa Kanyang panalangin inabante Ko rin ang oras ng grasya. Kilala Ko ang Aking Ina, ang ikalawa sa kabutihan pagkatapos ng Diyos. Alam Ko na ang pagkalooban kayo ng grasya ay ang gawin Siyang masaya, sapagkat Siya ay Lahat Pagmamahal. Iyan kung bakit Ko sinabi, nakikilala Siya: “Tayo na at gawin Siyang masaya”.

Bukod dito, gusto Kong malaman ng mundo ang Kanyang kapangyarihan, kasama ng Akin. Sa dahilan na Siya ay nakatalagang idugtong sa Akin sa laman, makatarungan lamang na Siya ay maidugtong sa Akin sa kapangyarihan na pinakikita sa mundo. Sapagkat kami ay isang laman: Ako nasa Kanya, Siya nakapaligid sa Akin, katulad ng mga petalo ng isang liryo sa paligid ng may-pabangong buháy na pistilo; at Siya ay kaisa Ko sa Aking kapighatian: sapagkat kapwa kami nasa krus, Ako sa pamamagitan ng Aking katawan, Siya sa pamamagitan ng Kanyang kaluluwa, katulad na ang isang liryo ay napababanguhan dahil sa korola nito at dahil sa esensiya na kinukuha mula rito.

Sinasabi Ko sa iyo kung ano ang sinabi Ko sa mga panauhin: “Pasalamatan si Maria. Ito ay sa pamamagitan Niya na nasa sa iyo ang Guro ng himala at nasa iyo ang Aking mga grasya, lalo na ang tungkol sa pagpapatawad”.

Magpahinga sa kapayapaan. Kami ay kasama mo.»

(279) 110710/040313/040413

Sunod na kabanata.