528. Si Judas ng Kerioth Mahalay.

Nobyembre 14, 1946.

Ang lahat ng Nob ay tulóg. Ngayon ay pagsikat ng araw. Ang madaling araw, sa suwabeng liwanag ng taglamig ay maselan na nakukulayan ng di kapani-paniwalang mga kulay. Ito ay hindi ang malaplatang berdeng liwanag ng pagsikat ng araw ng tag-init, ang liwanag na lumalabas nang bigla na lamang at nagbabago ang kulay sa pagiging maputlang ginto at pagiging rosas na pakinang nang pakinang. Ngunit ang isang kulay berdeng jade na natutunaw sa pagiging napakaputlang kulay abong-asul, ay pinakikita ang liwanag sa silangan sa isang maliit na mababang kalahating pabilog sa itaas ng orisonte: isang lugar ng isang natatalukbungan na halos pagod na kaningningan katulad ng isang maputlang apoy ng asupre na lumalagablab sa likuran ng isang tábing ng maputi-puting usok. At ito ay umuunat nang may kahirapan sa kulay-abo pang kalangitan, bagama't ito ay malinis kasama ang mga bituin na nakatitig pa sa mundo. Nahihirapan ang liwanag na maitaboy ang pagkakulay-abo upang magkaroon ng lugar ang mahalagang kulay ng maputlang jade at ang purong cobalt-blue ng kalangitan ng Palestina. Ang liwanag ay tila tumitigil nang nahihiya, na tila naghihirap ito gawa ng lamig, sa hangganan sa silangan. At mas nagtatagal pa ito roon, na ang kalahating pabilog ng kaningningan na asupre ay napalaki at nagbabago ang kulay mula sa pagiging maputlang berde patungo sa pagiging maputi, na may bahid na dilaw, nang ito ay matalo ng isang biglang rosas na kulay na siyang nagpalaya sa kalangitan mula sa huling talukbong ng gabi at ginawa itong kasing linis at mamahalin katulad ng isang trapal na satin na may kulay ng sapiro at ang isang apoy ay lumiwanag sa malayong orisonte, na tila ang isang pader ay nagiba at ang isang  lumalagablab na pugon ay naibunyag. Ngunit ito ba ay apoy o isang rubi na pinaliwanag ng isang nakatagong apoy? Hindi. Ito ay ang tumataas na araw. Ayón ito. Kapag ito ay tumaas na mula sa likuran ng mga kurbada ng orisonte, kukulayan nito ang maputing ulap ng pagka-rosas ng kurales, at babaguhin ang mga patak na hamog sa mga halaman na maging mga diyamante. Ang mataas na puno ng terebinto, sa dulo ng nayon, ay may mga diyamante sa ibabaw ng tansong mga dahon nito na nakaharap sa silangan. Nagmumukha silang mga bituin na kumikislap sa mga sanga ng higanteng puno, na ang tuktok ay inaabot ang asul na kalawakan.

Baka sa loob ng gabi, ang ilan sa mga bituin ay bumaba nang napakababa sa nayon upang bumulong ng selestiyal na mga lihim sa mga mamamayan ng Nob, o baka upang paginhawahan sa pamamagitan ng kanilang purong liwanag ang walang-tulog na Tao Na palakad-lakad nang tahimik sa itaas doon, sa terasa ni Juan. Sapagkat si Jesus lamang, sa buong bayan ng Nob, ang gising at naglalakad nang pauli-uli sa terasa ng maliit na bahay, na ang mga kamay nakakursomano, mahigpit na nababalot ng Kanyang malaking manta na nagtatakip sa Kanyang ulo katulad ng isang hood, upang maprotektahan ang Kanyang sarili sa lamig. Sa tuwing nakakarating Siya sa dulo ng terasa, Siya ay dudungaw upang tingnan ang kalsada na tumatakbo patungo sa sentro ng bayan. Isang kalsada na medyo madilim pa rin, walang mga tao at tahimik. Pagkatapos magpapatuloy Siya sa paglalakad nang pauli-uli, dahan-dahan, tahimik, na sa karamihan ng oras ang Kanyang ulo nakayuko, nag-iisip, kung minsan tumitingin sa kalangitan na sa pamamagitan ng walang-katiyakan na mga kulay ng pagsikat ng araw ay nagsisimula nang maging malinaw. O sa pamamagitan ng Kanyang mga mata sinusundan Niya ang humuhuning paglipad ng pinakamaagang ibong pipit, ginising ng liwanag ng araw, habang iniiwan ang mapag-arugang tisa ng isang malapit na bubong, bumababa upang tumukâ sa paanan ng punong mansanas ni Juan, pagkatapos lumipad itong muli, nakikita si Jesus, sumisiyap nang may takot at kung gayon ginigising ang iba pang maliliit na ibon sa kanilang mga pugad dito at doon.

Ang paghuni ng isang tupa ay narinig mula sa isang kulungan at ito ay naglaho nang nanginginig sa ere. At ang nagmamadaling pagkaluskos ng mga paa ay narinig nanggagaling sa kalsada. Si Jesus ay dumungaw upang tumingin, pagkatapos Siya ay nagmadaling bumaba sa hagdanan, pinasok ang madilim na kusina isinasara ang pinto.

Ang mga yapak ay lumalapit, maririnig ito sa isang parte ng pangkusinang-hardin malapit sa bahay, ang ingay ng mga yapak ay tumigil sa pinto ng kusina; ang isang kamay ay naghahapuhap para sa panara, naramdaman nito na ang pinto ay hindi nakasusi, itinataas nito ang harang na magagalaw mula sa labas at sa loob, at kasabay nito may isang tinig na nagsabi: «Mayroon na bang gising?» Ang isang kamay ay binuksan ang pinto nang maingat na hindi ito pinalalangitngit. Ang ulo ni Judas ng Kerioth ay lumitaw sa pamamagitan si siwang... Siya ay tumitingin... Napakadilim. Malamig, Tahimik.

«Nakalimutan nilang isara ang pinto... Gayunpaman... Akala ko ito ay nakasara... Maging ano pa man, hindi na bale!... Ang mga magnanakaw ay hindi ninanakawan ang mahihirap. At wala nang mas mahirap pa kaysa sa amin... Eh!... Ngunit umasa tayo na... hindi ito magiging laging ganito. Nasaan ang isinumpang kahon ng pangkaskas na iyon?... Hindi ko ito makita... Kung masisindihan ko lamang ang apoy... dahil hulí na ako, oo, huling-hulí na... Ngunit nasaan kaya ito? Napakaraming tao ang gumagamit nito. Sa istante ng paapuyan? Hindi... Sa ibabaw ng mesa?... Hindi... Sa ibabaw ng mga upuan? Hindi. Sa paminggalan? Hindi... Ang langitngit ng inaamag nang pinto na iyon kapag binubuksan... Inaamag nang kahoy.... Kinakalawang na mga bisagra... Ang lahat ay matanda na, inaamag, nakakatakot na rito. Ah! abang Judas! At ito ay wala rito... Kakailanganin kong pumunta sa silid ng matandang lalaki...»

Habang nagsasalita, siya ay naghahapuhap lagi sa walang-makitang kadiliman, nang nag-iingat katulad ng isang magnanakaw o isang gabing ibon sa pag-ilag sa mga masasagasaan na gagawa ng ingay... May nabunggo siyang isang katawan at napasigaw nang mahina sa takot.

«Huwag matakot. Ako ito. At ang kahon ng kaskasan ay nasa Aking kamay. Narito. Magsindi ka» sabi ni Jesus nang kalmante.

«Kayo, Guro? Ano ang Inyong ginagawa dito, nag-iisa, sa dilim, sa lamig na ito... Tiyak na magkakaroon ng maraming may sakit na mga tao ngayon, pagkatapos ng isang Sabbath at dalawang basang araw, ngunit hindi sila mapupunta rito nang napaka-aga. Sila ay baka umaalis na sa kalapit na mga nayon ngayon, sapagkat ngayon lamang nila nakikita na hindi uulan. Ang mga daan ay natuyo ng hangin sa gabi.»

«Alam Ko. Ngunit magsindi ng isang lampara. Hindi para sa matatapat na tao na magsalita sa kadiliman, bagkus ito ay tipikal sa mga magnanakaw, mga sinungaling, mahahalay na tao at mga mamamatay-tao. Ang mga partido sa masasamang gawain ay mahal ang kadiliman. Ako ay hindi kapartido ng sinuman.»

«Kahit na ako, Guro. Gusto kong magsindi ng isang magandang apoy. Kung kaya't ako ang unang umakyat... Ano ang Inyong sinabi, Guro? Bumulung-bulong Kayo at hindi ko naintindihan.»

«Kung gayon sindihan mo iyan.»

«Ah!... Nakita ko na na ngayon ay isang maliwanag na araw. Ngunit malamig. Masisiyahan sila na makatagpo ng isang magandang apoy... Bumangon ba Kayo dahil napakinggan Ninyo ako na naghahapuhap sa paligid o dahil sa matandang lalaki na... siya ba ay nasasaktan pa rin?... Naririto ito! Sa wakas! Ang pangkaskas at ang asero ay tila basà, at ayaw kumislap... Nababad sila...»

Ang isang maliit na apoy ay tumataas mula sa mitsa ng isang lampara. Nag-iisa lamang na nanginginig na apoy... ngunit sapat nang makita ang dalawang mukha: ang maputlang mukha ni Jesus, ang kayumangging walang-takot na mukha ni Judas.

«Sisindihan ko na ang apoy... Kayo ay kasing puti ng kamatayan. Hindi Kayo nagkaroon ng tulog! At dahil sa matandang iyon! Napakabuti Ninyo.»

«Iyan ay totoo. Napakabuti Ko. Sa lahat. Pati na rin sa hindi nararapat nito. Ngunit ang matandang lalaki ay karapat-dapat nito. Siya ay isang matapat na tao, na may matapat na puso. Gayunman, hindi Ako nagbantay para sa kanya, bagkus para sa ibang tao. Totoo na ang asero at ang pangkaskas ay basà, ngunit hindi dahil sa isang kopa na natumba, o dahil sa ibang likido na napakalat nang aksidente, bagkus dahil ang Aking mga luha ay bumagsak sa mga ito. Iyan ay totoo. Ngayon ay isang maliwanag na araw ngunit malamig at ang hangin ay natuyo ang mga daan at sa pagsikat ng araw ang mga hamog ay bumagsak. Pakiramdaman ang Aking manta. ito ay basa nito... Pagkatapos ang pagsikat ng araw ay dumating upang ipakita ang maliwanag na kalangitan, ang liwanag ay dumating upang ipakita ang walang-laman na espasyo, ang araw ay tumaas upang gawin ang mga patak ng hamog na magningning sa mga dahon at ang mga luha sa mga pilikmata. Totoo ito. Magkakaroon ng maraming mga maysakit ngayon, ngunit Ako ay hindi naghihintay para sa kanila. Ako ay naghihintay para sa iyo, Ako ay gising nang magdamag para sa iyo. At sa dahilan na hindi Ako makapananatili dito sa paghihintay para sa iyo, umakyat Ako sa terasa, isinisigaw ang Aking tawag sa hangin, pinakikita ang Aking pamimighati sa mga bituin, ang Aking mga luha sa bukang-liwayway. Hindi ang matandang may sakit na lalaki, bagkus ang talipandas na tao, ang disipulo na umiiwas sa Guro, ang apostol ng Diyos na mas gusto pa ang kubeta kaysa sa Langit at ang kasinungalingan kaysa sa Katotohanan, ang hindi sa Akin nagpatulog buong gabi sa paghihintay. At nang mapakinggan Ko ang iyong mga yapak bumaba Ako rito... naghihintay muli para sa iyo. Hindi pata sa iyong katauhan, nga ngayon ay malapit na sa Akin naglalagalag katulad ng isang magnanakaw sa paligid ng madilim na kusina, bagkus para sa iyong mga pakiramdam... Ako ay umaasa ng isang salita... At hindi mo sinabi ito nang maramdaman mo na Ako ay nakatayo sa harapan mo. Hindi ba niya, kung kanino mo pinagbibili ang iyong espiritu, sinabi sa iyo na nalalaman Ko ito? Siyempre hindi!  Hindi ka niya mabigyan ng babala o magmungkahi siya sa iyo ng isang salita na masasabi mo, o kailangan na nasabi mo sana, kung ikaw ay isang makatarungan na tao. Bagkus iminungkahi niya ang mga kasinungalingan na hindi hinihiling, ang walang silbing mga kasinungalingan, na mas nakakasamâ pa kaysa sa iyong kalokohan na ginagawa sa gabi. Iminungkahi niya ito nang ngumingisi, nagbubunyi na nagawa ka niyang mas bumababa pa at nakagawa sa Akin ng isa pang kapighatian. Totoo ito. Maraming maysakit ang pupunta. Ngunit ang isang mas seryosong may sakit ay hindi pupunta sa kanyang Doktor. At ang Doktor Mismo ay may sakit ng kapighatian dahil sa pasyenteng iyan na ayaw na gumaling. Iyan ay totoo. Ang lahat ay totoo. At na Ako ay bumulong din ng isang salita na hindi mo naintindihan. Pagkatapos ng Aking sinabi sa iyo, mahuhulaan mo ba ito?»

Si Jesus ay nakapagsalita sa mababang tingi, ngunit napakatalas at nakalulungkot at napakahigpit din, na si Judas, na sa unang mga salita ay ngumingiti, nakatayong tuwid, may kabastusan, napakalapit kay Jesus, ay unti-unting tumikal at nanliit sa sarili, na tila ang bawat salita ay isang dagok, samantalang si Jesus ay patuwid nang patuwid ang tayò, tunay na isang hukom at totoong kalunus-lunos ang Kanyang nakalulungkot na hitsura.

Si Judas, na ngayon nasa pagitan na ng isang masahan ng harina at ng isang sulok, ay bumulong: «Bueno... hindi ko malalaman...»

«Hindi? Bueno, sasabihin Ko sa iyo dahil hindi Ako natatakot na magsabi ng katotohanan. Sinungaling! Iyan ang Aking sinabi. At kung mapagpapasensyahan natin ang isang di makatotohanan na bata dahil hindi pa niya nalalaman ang nagagawa ng isang kasinungalingan at tinuturuan natin siya na huwag nang magsalita pa, hindi natin ito matitiis sa isang malaki nang lalaki; sa isang apostol, sapagkat sa isang disipulo ng pinaka Katotohanan ito ay kasuklam-suklam. Lubos na kasuklam-suklam. Iyan kung bakit naghintay Ako para sa iyo nang buong gabi at Ako ay umiyak at ang Aking mga luha ay nabasà ang mesa kung saan naroroon ang kahon ng pangkaskas, at pagkatapos Ako ay umiiyak habang nagbabantay at tinatawag kita nang buong Aking kaluluwa sa mabituing gabi, iyan kung bakit Ako napuno ng hamog katulad ng nobyo ng Awit ng mga Awit. Ngunit ang Aking ulo ay napuno ng hamog nang walang katuturan at ang Aking buhok ng mga patak ng gabi, walang katuturan na kumatok Ako sa pinto ng iyong kaluluwa nagsasabing: “Buksan ang pinto sa Akin dahil minamahal kita bagama't hindi ka malinis”. Hindi, bagkus, ito ay dahil lamang na iyan ay may dumi na gusto Kong pumasok at linisin iyan. Ito ay dahil iyan ay may sakit na gusto Kong pumasok at pagalingin iyan. Mag-ingat, Judas! Tingnan na ang Nobyo ay hindi umalis, at magpakailanman, at na baka hindi mo na Siya ulit makita pa... Judas, ikaw ba ay hindi magsasalita?...»

«Hulí na ngayon na magsalita pa! Sinabi na Ninyo: napandidiri ko Kayo. Palayasin Ninyo ako...»

«Hindi. Ang mga ketongin ay napandidiri din Ako. Ngunit Ako ay nalulungkot para sa kanila. At kung Ako ay kanilang tatawagin, nagmamadali Akong pumunta sa kanila at linisin sila. Ayaw mo bang malinisan?»

«Hulí na... at wala nang katuturan. Hindi ko magawang maging banal. Sinasabi ko sa Inyo: palayasin Ninyo ako.»

«Hindi Ako isa sa mga kaibigan mong mga Pariseo na nagsasabi na di-mabilang na mga bagay ang marumi at iniiwasan nila ito o pinalalayas nang may kalupitan, samantalang malilinis nila ito sa pamamagitan ng karidad. Ako ang Tagapagligtas at wala Akong pinalalayas na sinuman...»

Isang mahabang katahimikan. Si Judas ay nasa kanyang sulok, si Jesus nakasandal na ang Kanyang likod nasa mesa at tila nagpapahinga dito, pagod na pagod at naghihirap habang Siya nakatingin... Itinaas ni Judas ang kanyang ulo. Tinitingnan niya Siya nang nag-aalinlangan at bumulong: «At kung iwanan ko Kayo, ano ang Inyong gagawin?»

«Wala. Igagalang Ko ang iyong kalooban. Nagdarasal para sa iyo. Ngunit kung Ako ang tatanungin mo sasabihin Ko sa iyo na kahit na kung iwanan mo Ako, ngayon ay hulí na.»

«Para sa ano, Guro?»

«Para sa ano? Nalalaman mo katulad ng nalalaman Ko... Sindihan mo na ang apoy ngayon. Nakakarinig Ako ng mga yapak sa itaas. Ating pigilan ang eskandalo rito, sa pagitan natin. Magpatungkol sa iba tayo ay hindi natulog nang matagal... at ang ating kagustuhan na mainitan ang nagdala sa ating dalawa rito... Ama Ko!...»

At habang nagsisindi siya ng apoy malapit sa mga gatong na nakalagay na sa paapuyan at hinihipan niya upang ang maninipis na pinagkataman ay umapoy, itinaas ni Jesus ang Kanyang mga kamay at idinidiin ito sa Kanyang mga mata...

101211

 

 


Sunod na kabanata