532. Sa Loob ng Sinagoga ng Pinalayang mga Alipin ng Roma.

Nobyembre 26, 1946.

Ang sinagoga ng mga Romano ay eksaktong nasa kabilang tabi ng Templo, malapit sa Hippicus tower. Ang mga tao ay naghihintay para kay Jesus. At nang Siya ay itinuro sa pagsimula ng kalsada, ilang mga babae ang sumalubong sa Kanya. Si Jesus ay kasama sina Pedro at Tadeo.

«Mabuhay, Guro. Ako ay nagpapasalamat sa Inyo para sa pakikinig sa akin. Kararating pa lamang ba Ninyo sa bayan ngayon?»

«Hindi. Naririto na Ako mula pa ng unang oras. Pumunta Ako sa Templo.»

«Sa Templo? Hindi ba nila Kayo ininsulto?»

«Hindi. Maaga pa ng umaga noon at ang mga tao ay hindi nag-aalam tungkol sa Aking pagdating.»

«Iyan kung bakit nagpasugo ako para sa Inyo... at dahil din may ilang mga Galilean na gusto Kayo mapakinggan na magsalita. Maraming araw na silang pumupunta sa Templo naghihintay para sa Inyo. Ngunit sila ay nililibak at tinatakot pa. Ako ay naroroon din kahapon at naisip ko na sila ay naghihintay para sa Inyo upang insultuhin Kayo. Nagpadala ako ng mga tao sa bawat geyt. Sa pamamagitan ng ginto nagagawa ng isa ang lahat...»

«Ako ay nagpapasalamat sa iyo. Ngunit hindi posible para sa Akin na hindi umakyat sa Templo, dahil Ako ang Rabbi ng Israel. Sino ang mga babaeng ito?»

«Ang aking napalayang babae na si Tusnilde. Dalawang-ulit na isang barbaro, Panginoon. Nagmula siya sa Teutoburger Wald. Isang biktima ng madaliang mga pagsugod na iyon  na nagpadanak ng maraming dugo. Ang aking ama ay binigay siya sa aking ina, na nagbigay naman sa akin, sa aking kasal. Siya ay dumaan na mula sa kanyang mga diyos patungo sa amin, at mula sa amin patungo sa Inyo, sapagkat ginagawa niya kung ano ang aking ginagawa. Napakabuti niya. Ang iba pang mga babae ay ang mga asawa ng mga Hentil na naghihintay sa Inyo. Sila ay nanggaling sa bawat rehiyon. Ang karamihan sa kanila ay naghihirap. Sila ay nakarating sa loob ng mga barko ng kanilang mga asawa.»

«Tayo na sa loob ng sinagoga...»

Ang lider ng sinagoga, nakatayo sa pintuan, ay yumuyuko at pinakikilala ang sarili: «Mattathias, isang Sicilian, Guro. Papuri at mga pagpapalà sa Inyo.»

«Kapayapaan sa iyo.»

«Pasok Kayo. Isasara ko ang pinto upang tayo ay sana nasa kapayapaan. Ganyan ang kapootan na ang mga ladrilyo ay mga mata at ang mga bato mga tainga upang bantayan Kayo at isumpa Kayo, Guro. Baka ang mga taong ito ay mas mabuti pa, dahil hangga't hindi nakikialam ang sinuman sa kanilang mga ginagawa, pinababayaan nila tayo» sabi ng matandang lider ng sinagoga naglalakad sa tabi ni Jesus, dinadala Siya sa pamamagitan ng isang maliit na yarda patungo sa isang malaking silid. na siyang ang sinagoga.

«Ating pagalingin muna ang mga may sakit na tao, Mattathias. Ang kanilang pananampalataya ay karapat-dapat ng isang gantimpala» sabi ni Jesus. At lumilipat Siya mula sa isang babae patungo sa isa pa nagpapataw ng Kanyang mga kamay. Ang ilan ay malusog, ngunit ang maliit na anak na lalaki na kanilang hinahawakan ay may sakit, at pinagaling ni Jesus ang bata.

Ang isa ay isang maliit na batang babae na ganap na paralisado, at nang siya ay kaagad napagaling, siya ay sumigaw: «Si Sitare ay hinahalikan ang Inyong mga kamay, Panginoon!»

Si Jesus, Na nakalampas na, ay tumalikod ngumingiti at nagtanong: «Ikaw ba ay Syrian?»

Ang kanyang ina ang nagpapaliwanag: «Phoenician, Panginoon. Mula sa ibayo ng Sidon. Nakatira kami sa mga pampang ng Tamiri. At mayroon akong sampu pang mga anak na lalaki at dalawa pang mga babae, ang isa ay si Syra, ang isa pa ay si Tamira. At si Syra, bagama't mas malaki lamang nang kaunti sa isang dalagita, ay isang balo. Kung kaya't, bilang malaya, naninirahan siya rito sa bayan kasama ang kanyang kapatid na lalaki, at isa sa mga naniniwala sa Inyo. Sinabi sa amin ni Syra na nagagawa Ninyo ang lahat.»

«Siya ba ay hindi mo kasama?»

«Oo, Panginoon, kasama ko siya. siya ay nasa banda roon, sa likuran ng mga babaeng iyon.»

«Halika sa harapan» sabi ni Jesus.

Ang babae ay pumupunta sa harapan nang nahihiya.

«Hindi ka dapat na matakot sa Akin kung minamahal mo Ako» sabi ni Jesus pinalalakas ang kanyang loob.

«Minamahal ko Kayo. Iyan kung bakit iniwan ko ang Alexandroscene. Sapagkat naisip ko na mapapakinggan ko Kayo ulit... at matututunan kong tanggapin ang aking kapighatian...» siya ay umiiyak.

«Kailan ka naging isang balo?»

«Noong katapusan ng inyong buwan ng Adar... Kung Kayo ay sana naroroon, si Zeno ay hindi sana namatay. Iyan ang sinabi niya... sapagkat napakinggan niya Kayo at siya ay naniwala sa Inyo.»

«Kung gayon siya ay hindi patay, babae. Sapagkat siya na naniniwala sa Akin, ay nabubuhay. Ang totoong buhay ay hindi ikinabubuhay ng katawan sa kaunting mga araw na ito. Ang totoong buhay ay nakakamtan naniniwala sa at sinusundan ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, at kumikilos ayon sa Kanyang Salita. Kahit na kung ang isang tao ay naniniwala at sumusunod sa loob ng maikling panahon, ang mga ikinilos sa maikling panahon, na kaagad naputol ng kamatayan ng katawan, kahit na kung ito ay sa isang araw lamang, sa isang oras lamang, sasabihin Ko sa iyong totoo na ang taong iyon ay hindi na niya matitikman ang kamatayan. Sapagkat ang Aking Ama, Na siya rin ang Ama ng lahat na mga tao, ay hindi tinitingnan ang panahon na ginugol sa Aking Batas at sa Aking Pananampalataya, bagkus ang kalooban ng tao na mabuhay hanggang kamatayan sa Batas at Pananampalatayang iyan. Nangangako Ako ng eternal na Buhay sa mga naniniwala sa Akin at kumikilos ayon sa kung ano ang Aking sinasabi, minamahal ang Tagapagligtas, pinalalawig ang pagmamahal na iyan at sinasabuhay ang Aking tinuturo sa loob ng panahon na pinagkaloob sa kanila. Ang mga manggagawa ng Aking ubasan ay ang lahat na pumupunta sa Akin at nagsasabi: “Panginoon, tanggapin Ninyo ako na makasama sa Inyong mga manggagawa”, at sila ay nagpupursige sa kalooban na iyan hanggang isipin ng Aking Ama na ang kanilang araw ay nagtatapos na. Sasabihin ko sa iyong totoo na magkakaroon ng mga manggagawa na nakapagtrabaho lamang ng isang oras, ang kanilang huling oras, at tatanggap ng kanilang gantimpala nang mas agad-agad pa kaysa sa mga nagtrabaho mula pa nang unang oras, ngunit laging may kakuparan, nauudyukan lamang na magtrabaho para maiwasan ang impiyerno, ibig sabihin dahil sa takot ng kaparusahan. Hindi ganyan ang pagtrabaho na ginagantimpalaan ng Aking Ama nang may agad-agad na kaluwalhatian. Sa kabaligtaran ang ganyan na tusong makasariling mga tao, na nananabik na makagawa ng mabuti at nang kung gaano lamang nito upang hindi marapatin ang eternal na kaparusahan, ay bibigyan ng isang matagal na pagbabayad-sala ng eternal na Hukom. Kailangan nilang matuto sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, sa loob ng matagal na pagbabayad-sala, upang kamtin ang isang espiritu na aktibo sa pagmamahal, at sa totoong pagmamahal, ganap na nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.  At sasabihin Ko rin sa iyo na sa hinaharap magkakaroon ng marami, lalo na sa pagitan ng mga Hentil, na siyang magiging mga manggagawa sa isang oras at kahit sa loob ng kulang pa sa isang oras, at sila ay magiging maluwalhati sa Aking Kaharian, sapagkat sa loob ng oras na iyan ng pagkakasundo sa Grasya inaanyayahan silang pumasok sa Ubasan ng Diyos, narating nila ang makabayaning perpeksiyon ng Karidad. Kung kaya't maging masaya, babae. Ang iyong asawa ay hindi patay, siya ay nabubuhay. Hindi siya nawala sa iyo, nakahiwalay lamang siya sa iyo nang sandali. Ngayon, katulad ng isang nobya na hindi pa nakakapasok sa bahay ng kanyang nobyo, kailangan na ihanda mo ang iyong sarili para sa totoong inmortal na kasalan sa kanya na iyong pinagluluksa. O! ang masayang kasalan ng dalawang espiritu na naging banal at pinagsasamang muli sa magpasawalanghanggan kung saan wala nang paghihiwalayan, wala nang takot na magkahiwalay, walang kirot, kung saan ang mga espiritu ay magbubunyi sa pagmamahal ng Diyos at sa kanilang nagpapalitan na paggigiliwan! Ang kamatayan ay totoong buhay para sa makatarungan, sapagkat walang makapagbabanta sa sigla ng espiritu, ibig sabihin sa pananatili nito sa Katarungan. Huwag umiyak para sa kung ano ang naglalaho o ipagluksa ito, o Syra. Itaas ang iyong espiritu, at tumingin na may katarungan at katotohanan. Ang Diyos ay minahal ka sa pagligtas sa iyong asawa na mailayo siya sa peligro na baka mabuwag ng mga gawa ng mundo ang kanyang pananampalataya sa Akin.»

«Napaginhawahan Ninyo ako, Panginoon. Mamumuhay ako ayon sa Inyong sinasabi. Harinawang pagpalain Kayo at harinawang ang Inyong Ama ay pagpalain kasama Ninyo, magpasawalanghanggan.»

Ang lider ng sinagoga, habang si Jesus ay papunta na sana sa harapan, ay nagsabi: «Maaari ba akong gumawa ng pagtutol, nang hindi ginugusto ang kahit anong pananakit?»

«Sabihin sa Akin. Ako ay naririto, ang Guro, upang magbigay ng karunungan sa mga humihingi nito.»

«Sinabi Ninyo na ang ilan ay magiging maluwalhati kaagad sa Langit. Ang Langit ba ay hindi nakasarado? Hindi ba’t ang makatarungan ay nasa Limbo naghihintay na mapasok ito?»

«Ganyan iyan. Ang Langit ay nakasarado. At ito ay mabubuksan lamang ng Tagapagtubos. Ngunit ang oras na ito ay dumating na. Sasabihin Ko sa iyong totoo na ang araw ng Panunubos ay tumataas na sa silangan at mamaya lamang ay maliwanag na maliwanag na. Sasabihin Ko sa inyong totoo na wala nang iba pang kapistahan ang darating, pagkatapos ng isang ito, bago ang araw na iyon. Sasabihin Ko sa iyong totoo na pinupuwersa Ko nang mabuksan ang mga tarangkahan, dahil Ako ay nasa tuktok na ng bundok ng Aking sakripisyo... Ang Aking sakripisyo ay tumutulak na sa mga tarangkahan ng Langit sapagkat ito ay kumikilos na. Alalahanin mamâ na kapag ito ay nagawa na, ang sagradong mga kurtina at ang makalangit na mga tarangkahan ay mabubuksan. Sapagkat si Jehovah ay hindi na maninirahan sa Kanyang kaluwalhatian sa Banal ng mga Banal, at magiging wala nang silbi ang maglagay ng isang belo sa pagitan ng Di-Madadamang Isa at ng mga mortal, at ang Sangkatauhan, na nauna sa atin at makatarungan, ay babalik kung saan ito nakadestino., kasama ang Unang-Pinanganak namumuno dito, isa nang ganap na buong katawan at espiritu, at ang Kanyang mga kapatid nakasuot ng damit ng liwanag na mapapasakanila hanggang sa ang kanilang mga katawan din ay tinawag na sa pagbubunyi.»

Si Jesus sa tono ng pag-aawit na ginagamit ng mga lider ng sinagoga at ng mga rabbi inuulit ang mga salitang biblikal o ang mga salmo, ay nagsasabi: «At sinabi Niya sa Akin: “Magpropesiya sa mga batong ito at sabihin sa kanila: Tuyong mga buto, pakinggan ang salita ng Panginoon... Pasisiglahin Ko ang espiritu papunta sa inyo at kayo ay mabubuhay. Maglalagay Ako ng mga litid sa inyo, gagawin Kong tumubo ang laman sa inyo, tatakpan Ko kayo ng balat at bibigyan Ko kayo ng hininga at kayo ay mabubuhay at matututunan ninyo na Ako ang Panginoon... Bubuksan Ko na ngayon ang inyong mga libingan... Ibabangon Ko kayo mula sa inyong mga libingan... Kapag nilagay Ko na ang Aking espiritu sa inyo, mabubuhay kayo at ibabalik Ko kayo ulit sa inyong sariling lupa”.»

Ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang normal na paraan ng pagsasalita at ibinababa ang Kanyang mga kamay na Kanyang naiunat nang pataas sinabi Niya: «Dalawa ang resureksiyon ng kung ano ang tuyo at patay sa buhay. Dalawa ang binalangkas sa mga salita ng propeta. Ang una ay ang resureksiyon patungo sa Buhay at sa Buhay, ibig sabihin, sa Grasya na siyang Buhay, ng lahat na tumatanggap sa Salita ng Panginoon, ang espiritu na nilikha ng Ama, at Diyos katulad ng Ama, Na ang Kaninong Anak ay Siya, at pinangalanang Salita, ang Salita Na siyang ang Buhay at nagbibigay ng Buhay. Ang Buhay na iyan na kinakailangan ng lahat, at na ang Israel, katulad ng mga Hentil, ay wala nito. Sapagkat kung magpahanggang ngayon sapat na para sa Israel na asahan at hintayin ang Buhay na darating mula sa Langit, upang magkaroon ng eternal na Buhay, magmula ngayon ang Israel ay kailangan na tanggapin ang Buhay upang mabuhay. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang mga tao ng Aking sambayanan na hindi tinatanggap Ako-Buhay, ay hindi magkakaroon ng Buhay, at ang Aking pagdating ay magiging para sa kanila ang pagdating ng kamatayan, sapagkat tatanggihan nila ang Buhay na darating sa kanila upang maibigay sa kanila. Ang oras ay dumating na kung kailan ang Israel ay mahahati sa dalawa: sa mga buhay at sa mga patay. Ito ang oras upang piliin na mabuhay o mamatay. Ang Salita ay nakapagsalita na, pinakita na Niya ang Kanyang Pinanggalingan at Kapangyarihan, Siya ay nagpagaling, nagturo, nagbangon ng mga tao mula sa kamatayan, at matatapos na Niya ang Kanyang misyon. Wala nang dahilan pa para sa mga hindi pumupunta sa Buhay. Ang Panginoon ay dumaraan. Kapag Siya ay dumaan na, Siya ay hindi babalik. Siya ay hindi bumalik noon sa Ehipto upang ibigay muli ang buhay sa mga unang-panganak ng mga taong nanuya at naniil sa Kanya sa Kanyang mga anak. Siya ay ni hindi rin babalik ngayon, pagkatapos na ang sakripisyo ng Kordero ay nakapagpasya na ng mga patutunguhan. Ang mga taong hindi tumatanggap sa Akin bago pa ang Aking pagdaan, at mga napopoot sa Akin ngayon at sa darating na araw, ay hindi magkakaroon ng Aking Dugo upang mapabanal ang kanilang mga espiritu, sila ay hindi mabubuhay at hindi nila makakasama ang Diyos para sa natitirang mga araw ng kanilang paglalakbay sa Lupa. Na walang kasamang Banal na Manna, wala ang nagpoprotektang maliwanag na ulap, wala ang Tubig na nagmumula sa Langit, wala ang Diyos, maglalagalag sila sa loob ng malawak na disyerto na siyang ang Lupa, ang lahat ng Lupa, ganap na isang disyerto, kung ang mga tumatawid ng disyertong ito ay nagkukulang sa pakikiisa sa Langit, nagkukulang sa kalapitan sa Ama at Kaibigan: sa Diyos. At nariyan ang ikalawang resureksiyon: ang pangkalahatan na resureksiyon, kung kailan ang mga batong natuyo at naikalat ng mga panahon, ay magiging sariwa at natatakpan ng mga litid, laman at balat. At ito ang magiging Paghuhukom. At ang laman at dugo ng makatarungan ay magbubunyi na ang kanilang mga espiritu nasa eternal na Kaharian, at ang laman at dugo ng isinumpa ay maghihirap na ang kanilang mga espiritu nasa eternal na kaparusahan. Minamahal kita, o Israel; minamahal kita, o Hentilismo; minamahal kita, o Sangkatauhan! At dahil sa pagmamahal na ito inaanyayahan Ko kayo sa Buhay at sa napakaligayang Resureksiyon.»

Ang mga nag-ipun-ipon sa malaking bulwagan ay narahuyo. Walang pagkakaiba sa pagkamangha sa pagitan ng mga Hebreo at ng mga iba pa, mula sa iba't ibang mga lugar at mga relihiyon. Hindi, bagkus, sasabihin ko na ang mga tao na siyang pinaka mapitagan na nagulat ay ang mga banyaga.

Ang isang marangal na matandang lalaki, ay bumubulung sa pagitan ng kanyang mga ngipin.

«Ano ang sinabi mo, mamâ?» tanong ni Jesus tumatalikod.

«Sinabi ko na... Inuulit ko sa aking sarili ang mga salita na napakinggan ko noong aking kabataan mula sa aking tagapagturo: “Ang tao ay pinagkalooban na makataas sa dibinong perpeksiyon sa pamamagitan ng birtud. Sa loob ng tao ay nariyan ang kaningningan ng Tagapaglikha at habang mas ginagawa ng tao na maging kapita-pitagan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng birtud, sa pamamagitan ng halos tupukin ang materyal sa apoy ng birtud, mas lalong nabubunyag ang kaningningan na iyan. Ang tao ay pinagkalooban na makilala ang Isang Naririyan Na, nang minsan man lamang sa loob ng pamumuhay ng tao, nang may mahigpit o paternal na damdamin, pinakikita ang Kanyang Sarili sa tao, upang sana masabi niya: ‘Kailangan kong maging mabuti. Kaawa-awang ako. Kung ako ay hindi ganyan! Sapagkat ang isang walang-hanggang Kapangyarihan ay kumislap sa harapan ko upang gawin na maintindihan ko na ang birtud ay isang obligasyon at isang tanda ng nobleng kalikasan ng tao’. Makikita mo ang kislap ng Dibinidad na iyan sa kagandahan ng kalikasan, o sa salita ng isang namamatay na tao, o sa sulyap ng isang di-masayang tao na nakatingin sa iyo at naghuhusga, o sa katahimikan ng isang  minamahal na tao na, sa pagiging tahimik, ay pinupuna ang isang kahiya-hiyang ginawa mo, matatagpuan mo ito sa takot ng isang bata nakikita ang isang marahas na kilos mo, o sa katahimikan ng gabi kung ikaw ay nag-iisa mismo, at sa pinaka sarado at nangungulilang silid,  makikilala mo ang isa pang ako, na mas makapangyarihan pa kaysa sa iyo, Na nagsasalita isang tunog na wala kang maririnig. At iyan ay ang Diyos, ang Diyos na ito na kailangan na naririyan, ang Diyos na ito na sinasamba ng Sangnilikha nang baka hindi nag-aalam ng tungkol dito, ang Diyos na ito, Na ang tanging Isa, totoong nakapagbibigay ng kasiyahan sa mga pakiramdam ng mabirtud na mga tao, na hindi nasisiyahan at nagiginhawahan ng ating mga seremonya at ating mga doktrina, o sa harapan ng walang-laman na mga altar, walang-walang kalaman-laman, sa kabila na ang isang estatuwa ay ang nangingibabaw sa mga ito”. Alam na alam ko ang mga salitang ito sapagkat sa loob ng maraming mga taon, lagi ko itong inuulit bilang aking alituntunin at aking pag-asa. Ako ay namuhay, nagtrabaho, at ako ay naghirap at lumuha. Ngunit natiis ko ang lahat, at umasa ako nang mabirtud, umaasang matatagpuan ko, bago ang aking kamatayan, ang Diyos na ito na ipinangako sa akin ni Hermogenes na aking makikilala. Ngayon sinasabi ko kanina sa aking sarili na totoong nakita ko na Siya. At hindi bilang isang kislap, at hindi ko napakinggan ang Kanyang salita bilang isang tunog na wala kang maririnig. Bagkus ang Dibinong Isa ay nagpakita sa akin sa malinaw at pinakamagandang hugis ng isang tao, at napakinggan ko Siya at ako ay punung-puno ng sagradong pagkamangha. Ang kaluluwa, ang bagay na ito na tinatanggap na totoo ng totoong mga tao, ang aking kaluluwa ay tinatanggap Kayo, o Perpeksiyon, at nagsasabi sa Inyo: “Ituro Ninyo sa akin ang Inyong Daan at ang Inyong Buhay at ang Inyong Katotohanan, upang sana isang araw ako, isang malungkot na tao, ay mapasama sa Inyo, Kataastaasang Kagandahan”.»

«Tayo ay magkákasama. At sasabihin Ko sa iyon na, pagkatapos, makakaisa mong muli si Hermogenes.»

«Ngunit siya ay namatay na hindi Kayo nakikilala!»

Ang materyal na kaalaman ay hindi lamang ang kinakailangan na kaalaman upang ariin Ako. Ang tao na sa pamamagitan ng kanyang birtud nagtatagumpay na maramdaman ang di-kilalang Diyos at na mamuhay nang mabirtud sa pagdakila sa Diyos na iyan, ay talagang masasabi natin na nakilala na niya ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay ibinunyag ang Kanyang Sarili sa kanya, bilang isang gantimpala para sa kanyang mabirtud na pamumuhay. Magiging kapangi-pangilabot kung naging kailangan na makilala Akong personal. Pagkatapos ng maikling panahon hindi posible para sa sinuman na makaisa Ako. Sapagkat, sasabihin Ko sa iyo, ang Nabubuhay na Isa ay iiwanan malapit na ang kaharian ng patay upang bumalik sa Kaharian ng Buhay, at ang mga tao ay mawawalan na ng posibilidad na may malaman, maliban sa pamamagitan ng pananampalataya at ng espiritu. Ngunit ang kaalaman tungkol sa Akin ay hindi titigil, hindi, bagkus, ito ay kakalat at sa isang perpektong paraan, sa dahilan na ito ay wala ng lahat na nagpapalabo sa mga pandama. Ang Diyos ay magsasalita, ang Diyos ay kikilos, ang Diyos ay mamumuhay, Ang Diyos ay ibubunyag ang Kanyang Sarili sa mga kaluluwa ng Kanyang mga tagapaniwala sa pamamagitan ng Kanyang di-malalaman at perpektong Kalikasan. At ang mga tao ay mamahalin ang Diyos-Tao. At ang Diyos-Tao ay mamahalin ang mga tao sa pamamagitan ng bagong paraan, sa pamamagitan ng di-maulatan na paraan na iiwanan sa Lupa ng Kanyang walang-hangganang pagmamahal bago bumalik sa Kanyang Ama, pagkatapos na mapangyari na Niya ang lahat.»

«O! Panginoon! Panginoon! Sabihin sa amin kung papaano namin magagawang makita Kayo at malaman na Kayo ito Na nagsasalita sa amin at kung nasaan Kayo, pagkatapos na makaalis na Kayo!» marami sa kanila ang bumubulalas. At ang ilan ay nagpapatuloy: «Kami ay mga Hentil, at hindi namin alam ang Inyong batas. Wala kaming sapat na panahon upang tumigil dito at sundan Kayo. Papaano namin makukuha ang birtud na iyan na nagagawa ang isa na maging karapat-dapat na makilala ang Diyos?»

Si Jesus ay ngumingiti, nagniningning na magandang lalaki sa kaligayahan ng Kanyang mga nakukuha sa Hentilismo at may-kabaitan Siyang nagpapaliwanag:

«Huwag mag-alala tungkol sa matutunan ang maraming mga batas. Ang mga ito ay darating (at pinapatong Niya ang Kanyang mga kamay sa mga balikat nina Pedro at Tadeo) upang dalhin ang Aking Batas sa mundo. Ngunit hanggang sa dumating sila, sundan bilang isang alituntunin ang mga sumusunod na kaunting mga pangungusap kung saan ang lahat ng Aking Batas ng Kaligtasan ay nalalagom. Mahalin ang Diyos nang inyong buong mga puso. Mahalin ang mga awtoridad, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga katulong, mga tao, at pati ang inyong mga kaaway, katulad ng inyong pagmamahal sa inyong mga sarili. At upang makatiyak na hindi kayo nakagagawa ng kasalanan, bago ang bawat aksiyon, maging kayo man ay inutusan na gawin ito o ito ay isang kusang pagkilos, tanungin ang inyong mga sarili: “Magugustuhan ko ba kung ano ang gagawin ko na sa taong ito, na gawin sa akin?” At kung sa pakiramdam ninyo hindi ninyo magugustuhan, huwag ninyong gawin. Sa pamamagitan ng kaunting mga pangungusap na ito masusundan ninyo sa inyong mga sarili ang daan na sa pamamagitan nito ang Diyos ay pupunta sa inyo at kayo ay pupunta sa Diyos. Sapagkat walang tao ang masisiyahan  kung ang isang anak ay walang pasasalamat, o kung may pumatay sa kanya, o ang ibang tao ay pinagnakawan siya, o kinuha ang kanyang asawa, o nirahuyo ang kanyang kapatid na babae o ang kanyang anak na babae o may nang-agaw sa kanyang bahay, sa kanyang mga bukid, o sa kanyang mga katulong. Sa pamamagitan ng alituntunin na iyan kayo ay magiging mabubuting anak at mabubuting mga magulang, mabubuting mga asawa, mga kapatid, mga mangangalakal, mga kaibigan. Kung gayon kayo ay magiging mabirtud, at ang Diyos ay pupunta sa inyo.

Sa paligid Ko ay hindi lamang mga Hebreo at mga proselito, kung saan ay walang kasamaan, ang ibig Kong sabihin hindi sila pumupunta sa Akin upang may makita silang kapintasan, katulad ng mga nagpalayas sa inyo sa Templo upang kayo ay hindi makapunta sa Buhay, bagkus nasa paligid Ko rin ang mga Hentil mula sa bawat bahagi ng mundo. Nakakakita Ako ng mga Cretan at mga Phoenician na nakahalo sa mga tao na mula sa Pontus at Phrygia at may isang mula sa mga dalampasigan ng di-kilalang karagatan, isang dinadaanan patungo sa di-kilalang mga lupain kung saan Ako ay mamahalin din. At nakikita Ko ang mga Griyego kasama ang mga Sicilian at mga tao mula sa Cyrenaica at Asya. Bueno, sinasabi Ko sa inyo: lakad! Sabihan ang mga tao sa inyong mga bansa na ang Liwanag ay nasa mundo, at gawin silang pumunta sa Liwanag. Sabihin sa kanila na ang Karunungan ay iniwan ang Langit upang maging tinapay para sa mga tao, tubig para sa mga nanghihinang mga tao. Sabihin sa kanila na ang Buhay ay naparito upang magpagaling at upang papanumbalikin ang may sakit o buhayin muli ang patay. At sabihin sa kanila na... ang panahon ay mabilis na dumaraan katulad ng kidlat sa tag-init. Gawin na pumunta ang mga ibig na mapasakanila ang Diyos. Ang kanilang mga espiritu ay makikilala ang Diyos. Gawing makapunta ang gustong mapagaling. Habang ang Aking kamay ay malaya, pagagalingin nito ang mga mananawagan nito nang may pananampalataya.

Sabihin... Oo! Pumunta nang mabilis at sabihin na ang Tagapagligtas ay naghihintay para sa mga umaasa at gustong magkaroon ng dibinong tulong sa Paskuwa sa banal na Siyudad. Sabihan ang mga nangangailangan at kahit ang mga nag-uusyoso lamang. Ang kislap ng pananampalataya sa Akin, ng pananampalataya na nagliligtas, ay baka nanggagaling sa isang di-purong udyok ng pag-uusyoso. Lakad! Si Jesus ng Nazareth, ang Hari ng Israel, ang Hari ng mundo ay iniipon ang mga tagapangatawan ng mundo upang ibigay sa kanila ang mga kayamanan ng Kanyang mga grasya at gawin silang mga saksi ng pagtataas sa Kanyang na magkokonsagra sa Kanya na nananagumpay magpakailanman at magpasawalanghanggan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Lakad!

Sa bukang-liwayway ng Aking makalupang  pamumuhay ang mga tagapangatawan ng Aking Sambayanan ay dumating mula sa iba't ibang lugar upang sambahin ang Sanggol kung  saan ang Walang-hangganang Isa ay nakatago. Ang kalooban ng isang tao, na ang tingin sa kanyang sarili ay makapangyarihan at isang lingkod ng kalooban ng Diyos, ay iniutos ang senso ng Imperyo. Dahil sinunod niya ang di-kilala at di-malalabag na utos ng Kataastaasan, ang paganong iyon ay magiging noon ang tagapagbalita ng Diyos, Na gusto na ang lahat na mga tao ng Israel, na nakakalat sa buong mundo, mapunta sa Lupain ng sambayanang ito, malapit sa Bethlehem Ephrathah, upang kagulatan ang mga tanda na bumaba mula sa Langit sa unang atungal ng bagong-panganak na Sanggol. At na tila iyon ay hindi pa sapat, iba pang mga tanda ang nagsalita sa mga Hentil at ang kanilang mga tagapangatawan ay pumunta sambahin ang maliit na abang Hari ng mga hari, Na noon ay malayo mula sa Kanyang makalupang koronasyon, ngunit siyang Hari na sa mga mata ng mga angel.

Ang oras ay dumating na kung kailan Ako ay magiging Hari sa paningin ng mga sambayanan, bago Ako bumalik kung saan Ako nanggaling. Sa katapusan ng Aking makalupang araw, sa gabi ng Aking pantaong pamumuhay, makatarungan lamang na ang mga tao ng lahat ng mga sambayanan ay mapunta rito upang makita Siya Na sasambahin at kung Kanino ang lahat na Awa ay nakatago. At harinawa na ang lahat na mabubuting tao ay kalugdan ang maagang bunga ng bagong aning ito, ng Awa na ito na puputok katulad ng isang ulap sa Nisan upang pabahain ang mga ilog ng kanais-nais na mga tubig, na mapayayabong ang mga punungkahoy na nakatanim sa kanilang mga pampang, katulad ng nababasa natin sa Ezekiel.»

At si Jesus ay nagpapatuloy sa pagpapagaling sa mga maysakit at pinakikinggan ang kanilang mga pangalan, dahil ngayon ang  lahat ay gustong sabihin ang kanilang sariling mga pangalan: «Ako si Zilla, ako si Zabdi... Ako si Gail... Ako si Andres... Ako si Theophanus... Ako si Selina... Ako si Olyntus, ako si Felipe, ako si Elissa... Ako si Berenice... Ang aking anak na babae si Gaia... Ako si Argenide, ako... ako... ako»

Siya ay nakatapos na at gusto Niyang makaalis. Ngunit gaano nilang mapilit na pinakikiusapan Siya na manatili, na magsalita ulit!

At ang isang lalaki, baka bulag sa isang mata, na natatakpan ng isang bendahe, upang mapigilan pa Siya nang kaunti, ay nagsabi: «Panginoon, ako ay nahampas ng isang lalaki, na naninibugho sa aking mabuting negosyo. Nailigtas ko ang aking sarili nang may kahirapan. Ngunit nawalan ako ng isang mata, napaputok ng dagok. Ngayon ang aking kaaway ay naging mahirap at wala nang pumapansin at siya ay pumunta sa isang nayon malapit sa Corinth. Ako ay mula sa Corinth. Ano ang aking gagawin sa kanya na halos pumatay sa akin? Makatarungan na hindi ko dapat gawin sa ibang mga tao kung ano ang ayaw kong matanggap. Ngunit ako ay tumanggap na sa kanya... pananakit; labis na pananakit...» at ang kanyang mukha ay labis na nagpapakita ng kanyang nararamdaman na ang isa ay mababasa dito ang naiisip na hindi niya nasabi: «kung gayon kailangan kong maghiganti sa kanya...»

Si Jesus ay tinitingnan siya sa pamamagitan ng Kanyang ngumingiting sapirong mga mata, ngunit may marangal na hitsura ng Guro, at nagsabi: «At ikaw, isang tao mula sa Gresya, ay tinatanong Ako? Hindi ba’t sinabi ng inyong dakilang mga tao na ang mga mortal ay nagiging katulad ng Diyos kapag sila ay tumutugon sa dalawang regalo na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos upang sila ay maging katulad ng Sarili Niya, ibig sabihin: ang magawang mapunta sa katotohanan at matulungan ang kanyang kapwa?»

«Siyempre, si Pythagoras!»

«At hindi ba’t sinabi nila na nilalapitan ng tao ang Diyos hindi sa pamamagitan ng siyensiya, kapangyarihan o iba pang pamamaraan, bagkus sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti?»

«Oo, si Demosthenes! Ngunit mawalang galang na Guro, kung tatanungin ko Kayo... Kayo ay isang Hebreo at ang mga Hebreo ay walang hilig sa aming mga pilosopo... Ngunit papaano Ninyo nalalaman ang mga bagay na iyon?»

«Mamâ, dahil Ako ang Karunungan na nagpapasigla sa mga isip na nag-iisip ng mga salitang iyon. Ako ay naroroon saan man ang Kabutihan ay aktibo. Ikaw, isang Griyego, ay kailangan na makinig sa payo ng marurunong na tao, na sa pamamagitan ng kanilang payo Ako ay nagsasalita pa rin. Gumawa ng mabuti sa mga nakagawa sa iyo ng mali, at sasabihin ng Diyos na ikaw ay banal. At ngayon hayaan Akong makaalis. May iba pang mga tao ang naghihintay sa Akin. Paalam, Valeria. At huwag matakot para sa Akin. Ito ay hindi pa ang Aking oras. At kapag ang Aking Oras ay dumating na, ni ang mga sandatahang-lakas ng Caesar ay hindi makapagpipigil sa Aking mga kaaway.»

«Mabuhay, Guro. At magdasal para sa akin.»

«Na sana ang kapayapaan ay hawakan ka. Paalam. Kapayapaan sa iyo, lider ng sinagoga. Kapayapaan sa Aking mga naniniwala at sa mga naghahanap ng kapayapaan.»

At sa pamamagitan ng isang pagkilos na isang pagbati at isang pagpapalà, iniiwan Niya ang bulwagan, tinatawid Niya ang yarda at lumabas patungo sa kalsada...

211211

 


Sunod na kabanata