534. Ang Pitong Ketongin na Pinagaling. Mga Tagubilin sa mga Apostol at ang Pagdating sa Bethany.

Disyembre  4, 1946.

Si Jesus kasama si Pedro at si Judas Tadeo ay naglalakad nang mabilis sa isang mapanglaw na mabatong lugar, sa isang tabi ng bayan. Dahil hindi ko makita ang berdeng taniman ng mga olibo, bagkus nakikita ko lamang ang burol, o kung baga ang mga burol na may kakaunti o walang kaberdehan sa kanluran ng Herusalem, na kasama rito ay ang mapanglaw na Golgotha, sa palagay ko ako ay nasa labas ng silanganing tabi ng bayan.

«Makapagbibigay tayo sa kanila ng kahit na ano mula sa ating napamilì. Maaaring napakaterible ang mamuhay sa loob ng mga sepulkro sa panahon ng taglamig» sabi ni Tadeo na may dalang mga parsela katulad na katulad ni Pedro. 

«Natutuwa ako na pumunta tayo sa mga napalayang alipin dahil tinanggap natin ang perang ito para sa mga ketongin. Abang mga kaawa-awang sawing-palad! Sa loob ng mga araw ng mga kapistahan na ito walang nag-iisip tungkol sa kanila. Ang bawat isa ay nagsasaya... maaalaala nila ang kanilang nawalang mga tahanan... Sa aba! Kung sila lamang ay naniniwala sa Inyo! Maniniwala ba sila, Guro?» tanong ni Pedro, na laging napakasimple at napaka nakakabit sa kanyang Jesus.

«Tayo ay umasa na ganyan, Simon, tayo ay umasa na ganyan. Tayo ay magdasal sa pansamantala...» At sila ay nagpapatuloy nagdarasal.

«Ang mapanglaw na lambak ng Hinnom ay lumitaw kasama ang mga sepulkro nito ng buhay na mga tao.

«Ipagpatuloy ninyo at tustusan sila» sabi ni Jesus.

Ang dalawa ay nagpapatuloy nagsasalita sa malalakas na tinig. Ang mga mukha ng mga ketongin ay lumitaw sa mga bunganga ng mga kuweba o mga silungan.

«Kami ay mga disipulo ng Rabbi na si Jesus» sabi ni Pedro. «Siya ay darating at pinadala kami upang tulungan kayo. Ilan ba kayo?»

«Pito rito. Tatlo sa kabilang tabi, sa ibayo ng En Rogel» sabi ng isa sa katauhan ng lahat.

Si Pedro ay binuksan ang kanyang balutan at si Tadeo ang kanya. Gumawa sila ng sampung parte. Tinapay, keso, mantikilya, mga olibo. Ang langis, saan nila ilalagay ang langis na nasa isang maliit na banga?

«Ang isa sa inyo ay kailangan na magdala ng isang lalagyan. Sa banda roon, sa bato. Paghahatian ninyo ang langis, katulad ng magkakapatid at sa ngalan ni Jesus, Na nagsasabuhay ng pagmamahal para sa ating kapwa» sabi ni Pedro.

Pansamantala ang isang ketongin ay bumababa na umiika-ika patungo sa kanila malapit sa isang malaking bato, at naglagay siya ng isang basag na pitsel sa bato. Tinitingnan niya sila habang sila ay nagbubuhos ng langis sa pitsel at sa dahilan na siya ay lubos na nagtataka siya ay nagtanong: «Kayo ba ay hindi natatakot na maging napakalapit sa akin?» Sa katunayan tanging ang bato lamang ang nasa pagitan ng dalawang apostol at ng ketongin.

«Natatakot lamang kaming masaktan ang pagmamahal. Pinapunta Niya kami rito sinasabi sa amin na tulungan kayo, sapagkat ang mga sumusunod sa Kristo ay kailangan na magmahal katulad na nagmamahal ang Kristo. Harinawang ang langis na ito ay mabuksan ang inyong mga puso, sana magbigay ito sa kanila ng liwanag na tila ito ay nagliliwanag na sa mga lampara ng inyong mga puso. Ang panahon ng Grasya ay dumating na para sa mga umaasa sa Panginoong Jesus. Magkaroon ng pananampalataya sa Kanya. Siya ay ang Mesiyas at nanggagamot Siya ng mga katawan at mga kaluluwa. Nagagawa Niya ang lahat sapagkat Siya ay ang Immanuel» sabi ni Tadeo sa pamamagitan ng kanyang pangkaraniwan na mapangibabaw na dignidad.

Ang ketongin ay nakatayo na ang maliit na pitsel na sa kanyang mga kamay nakatingin sa kanya na tila siya ay nararahuyo. Pagkatapos sinabi niya: «Alam ko na ang Israel ay may kanyang Mesiyas, sapagkat ang mga peregrino na bumababa patungo sa bayan naghahanap para sa Kanya, ay nagsasalita ng tungkol sa Kanya at napapakinggan namin ang kanilang pag-uusap... Ngunit hindi ko kailanman siya nakita dahil kamakailan pa lamang ako napunta rito. At sa palagay ba ninyo pagagalingin Niya ako? Sa pagitan namin ay may ilan na isinusumpa Siya at ilan na pinagpapala Siya, at hindi ko malaman kung sino ang paniniwalaan ko.»

«Ang mga nanunumpa ba sa Kanya ay mabubuting tao?»

«Hindi, sila ay malupit at minamaltrato nila kami. Gusto nila ang pinaka magagandang lugar at ang pinaka malalaking bahagi. Sa katunayan hindi namin malaman kung kami ay makatatagal dito dahil diyan.»

«Kung gayon nakikita mo na tanging ang mga panauhin lamang ng impiyerno ang napopoot sa Mesiyas. Sapagkat nadarama ng impiyerno na ito ay natalo na Niya at dahil dito napopoot ito sa Kanya. Ngunit sinasabi ko sa iyo na Siya ay kailangan na mahalin, at nang may pananampalataya, kung gusto natin na makatanggap ng Grasya mula sa Kataastaasan dito at pagkatapos dito» sabi muli ni Tadeo.

«Kung gusto kong magkaroon ng Grasya! Ako ay dalawang taon na na kasal at mayroon akong isang maliit na anak na lalaki na hindi ako kilala. Ako ay nagkaroon ng ketong mga ilang buwan pa lamang, katulad ng makikita ninyo.» Sa katunayan may iilan-ilan na mga mantsa lamang siya.

«Kung gayon lumapit sa Guro nang may pananampalataya. Tingnan! Siya ay dumarating. Sabihan ang iyong mga kasamahan at bumalik dito. Siya ay daraan at pagagalingin Niya kayo.»

Ang mamâ ay nagpakendeng-kendeng pataas sa dalisdis at tumatawag: «Uriah! Joab! Adina! At ikaw din na hindi naniniwala. Ang Panginoon ay darating upang iligtas tayo.»

Isa, dalawa, tatlong ketongin ang lumabas: tatlong wasak na tao ang lumalapit nagmumukhang mas na mas pang nakakatakot. Ang babae ay pinakikita lamang ang sarili. Siya ay isang buháy na lagim... Baka siya umiiyak at nagsasalita, ngunit hindi posibleng maintindihan ang kahit ano, sapagkat ang kanyang tinig ay katulad ng isang tili nanggagaling mula sa kung ano na dati ay isang bunganga at ngayon ay walang iba bagkus dalawang nakakatakot na mga panga na walang mga ngipin...

«Oo. Sasabihin ko sa inyo na sinabi nila sa akin na pumarito at tawagin kayo, sapagkat Siya ay darating upang pagalingin tayo.»

«Hindi! Hindi ako pupunta sapagkat hindi ako naniwala sa Kanya nang pumunta Siya rito noon nang ilang beses... at hindi na Siya makikinig ulit sa akin... Maging ano pa man ako ay hindi makalakad» sabi ng babae nang mas maliwanag, na hindi ko alam kung gaano kahirap niya iyon ginawa. Tinutulungan pa nga niya sa pamamagitan ng kanyang mga daliri ang gilid ng kanyang mga labì upang siya ay maintindihan.

«Dadalhin ka namin, Adina...» sabi ng dalawang lalaki at ng isang may dala ng maliit pitsel.

«Hindi... Hindi... Nagkasala ako nang labis...» at siya ay hinimatay sa kanyang kinaroroonan...

Tatlo pa ang dumarating tumatakbo, hangga't magagawa nila, at nagsasabi nang mapaghari-harian: «Ibigay sa amin ang langis kaagad at pagkatapos makakapunta kayo kay Beelzebub kung gusto ninyo.»

«Ang langis ay para sa lahat!» sabi ng lalaki na may dalang maliit na pitsel nagsisikap na ipagsanggalang ang kanyang maliit na kayamanan. Ngunit ang tatlong marahas na malupit na mga lalaki ay napangibabawan siya at inagaw ang pitsel mula sa kanyang mga kamay.

«Ayan ka na! Ito ay laging ganito... Isang kaunting langis pagkaraan ng gayon katagal na panahon!... Ngunit ang Guro ay darating... Pumunta tayo sa Kanya. Talaga bang hindi ka sasama, Adina?»

«Hindi ako maglalakas-loob...»

Ang tatlo ay bumababa patungo sa bato. Sila ay tumigil naghihintay kay Jesus, dahil ang mga apostol ay umalis para salubungin Siya.

Si Jesus ay tiningala ang Kanyang ulo, tinitingnan Niya sila sa Kanyang di-maikukumparang pamamaraan. Siya ay nagtanong: «Bakit ibig ninyong muli ang inyong kalusugan?»

«Para sa kapakanan ng aming mga pamilya, para sa aming mga sarili... Nakapangingilabot na manirahan dito...»

«Kayo ay hindi lamang mga katawan, Aking mga anak. Mayroon din kayong isang kaluluwa, at mas mahalaga pa iyan kaysa sa inyong mga katawan. Kailangan na kayo ay manabik tungkol diyan. Kung kaya't huwag humingi na mapagaling para sa inyong mga sarili at sa inyong mga pamilya, bagkus upang magkaroon ng panahon na makilala ang Salita ng Diyos, at makapamuhay nang nagiging karapat-dapat ng Kanyang Kaharian. Kayo ba ay makatarungan? Maging mas lalong makatarungan. Kayo ba ay mga makasalanan? Hingin na mabuhay upang magkaroon ng panahon na makapagbayad-sala para sa nagawa ninyong kamalian... Nasaan ang babae? Bakit hindi siya pumupunta? Hindi siya maglakas-loob na harapin ang mukha ng Anak ng tao, samantalang hindi siya noon natakot na makakaharap  niya ang mukha ng Diyos noong siya ay gumagawa ng kasalanan? Lakad at sabihin sa kanya na siya ay pinatawad nang labis dahil sa kanyang pagsisisi at pagpapasa-Diyos sa lahat at na ang Eternal na Ama ay pinadala Ako upang patawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga taong pinagsisisihan ang kanilang nakaraan.»

«Guro, si Adina ay hindi na makapáglakád.»

«Lakad at tulungan siyang makababa rito. At magdala ng isa pang lalagyan. Bibigyan pa namin kayo ng ilan pang langis...»

«Panginoon, may sapat na lamang para sa iba pa» sabi ni Pedro sa mababang tinig habang ang mga ketongin ay pumupunta upang kunin ang babae.

«Magkakaroon ng sapat para sa lahat. Magkaroon ng pananampalataya. Sapagkat mas madali para sa inyo na magkaroon ng pananampalataya diyan, kaysa para sa mga kaawa-awang sawing-palad na iyon na maniwala na ang kanilang mga katawan ay magiging katulad ng dati.»

Sa pansamantala, sa itaas sa mga salambi ang isang pag-aaway ay nagsimula sa pagitan ng tatlong masasamang ketongin tungkol sa paghahati-hati ng pagkain...

Ang babae ay ibinababa dala ng mga kamay ng kanyang mga kasamahan... at siya ay umuungol, hanggang sa ito ay posible para sa kanya, nagsasabing: «Patawarin ako! Ang aking nakaraan! Para sa hindi paghingi na patawarin noong nakaraan!... Jesus, Anak ni David, maawa sa akin!»

Ibinaba nila siya sa paanan ng bato. At sa ibabaw ng bato naglagay sila ng isang klase ng palayok na basag-basag.

Si Jesus ay nagtanong: «Anong sasabihin mo? Mas madali bang dagdagan ang langis sa isang plorera o gawing tumubo ang laman kung saan ito ay sinira ng ketong?»

Nagkaroon ng katahimikan... Pagkatapos ang babae ay nagsabi: «Ang langis. Ngunit ang laman din, sapagkat nagagawa Ninyo ang lahat. At maibibigay din Ninyo ang kaluluwa ng aking maaagang mga taon. Naniniwala ako, Panginoon.»

O! ang dibinong ngiti! Ito ay katulad ng isang liwanag na kumakalat nang banayad, masaya, malambot! At ito ay nasa Kanyang mga mata, at sa Kanyang mga labì, at sa Kanyang tinig habang sinasabi Niya: «Dahil sa iyong pananampalataya maging magaling at mapatawad. At kayo din. At dalhin ang langis na ito at pagkain upang mapalakas ang inyong mga sarili. At ipakita ang inyong mga sarili sa pari, ayon sa ito ang pinanunúto. Bukas, pagsikat ng araw, babalik Ako na may dalang ilang damit, at makahahayo nang nakadamit nang desente. Magsaya! Purihin ang Panginoon. Hindi na kayo mga ketongin!»

Tanging pagkatapos lamang niyan ang apat, na magpahanggang ngayon nakatitig ang mga mata sa Panginoon, tiningnan ang kanilang mga sarili at sumigaw sa pagtataka. Ang babae ay ibig na tumayo, ngunit hubad na hubad siya para gawin ito. Ang kanyang mga damit ay nakalawit na punit-punit at kung ano ang hubad ay mas mahigit pa kaysa sa natatakpan. Natatakpan nang bahagya ng bato, dala ng likas na pangangailangan na maging desente hindi lamang magpatungkol kay Jesus, bagkus sa Kanya ring mga kasamahan, ang kanyang mukha nabuo nang muli sa mga katangian nito, na napangayayat lamang ng kahirapan, siya ay umiiyak nagsasabi nang walang-tigil: «Pinagpala! Pinagpala! Pinagpala!» at ang kanyang mga pagpapalà ay humahalo sa nakapangingilabot na mga paglalapastangan ng tatlong masasamang ketongin, na ngayon ay nagngangalit na nakikita na ang iba ay napagaling. At sila ay nagtatapon ng dumi at mga bato.

«Hindi kayo makapananatili rito. Sumama sa Akin. Walang masamang mangyayari sa inyo. Tingnan. Ang kalsada ay walang tao. Sa ikaanim na oras ang lahat ay nasa kanilang mga bahay.  Titigil kayong kasama ang iba pang mga ketongin, hanggang bukas. Huwag matakot. Sundan Ako. Kunin mo ito, babae» at binibigay Niya ang Kanyang manta upang matakpan ang sarili niya.

Ang apat, mga natatakot nang kaunti at namamangha, ay sinusundan Siya katulad ng apat ng mga kordero. Nabagtas nila ang natitirang bahagi ng Hinnom valley. Tinawid nila ang daan at pumunta patungo sa Siloam pool, isa pang mapanglaw na lugar ng mga ketongin.

Si Jesus ay tumigil sa paanan ng bangin at nagsabi: «Umakyat at sabihin sa kanila na Ako ay mapupunta rito sa unang oras bukas. Lakad at magbunying kasama sila at ipahayag ang Guro ng Ebanghelyo.» Sinabi Niya sa mga apostol na ibigay sa kanila ang lahat na pagkain na mayroon sila at Kanya silang pinagpapala bago sila pinaalis...

«Umalis na tayo ngayon. Lampas na ng ikaanim na oras» sabi ni Jesus tumatalikod upang bumalik sa mas mababang daan ng Bethany.

Ngunit Siya ay maya-maya lamang tinawag pabalik ng isang sigaw: «Jesus, Anak ni David, maawa din sa amin.»

«Ang mga ito ay hindi na naghintay ng pagsikat ng araw...» wika ni Pedro.

«Tayo na sa kanila. Napakakaunti ang mga oras kung saan makagagawa Ako ng ilang kabutihan, nang hindi nagagambala ng mga taong napopoot sa Akin ang kapayapaan ng mga taong Aking natutulungan!» tugon ni Jesus at binabalikan Niya ang daan na Kanyang dinaanan na tinitingnan ang tatlong mga ketongin ng Siloam, na mga nakadungaw mula sa terasa ng maliit na burol at inuulit ang kanilang sigaw, tinutulungan ng mga napagaling na at nasa likuran nila.

Si Jesus ay walang ginawa bagkus ang iunat ang Kanyang mga kamay at magsabi: «Mangyari sa inyo ang ayon sa hinihingi ninyo. Humayo at mamuhay sa mga daan ng Panginoon.» Pinagpapala Niya sila habang ang ketong ay nawawala sa kanilang mga katawan katulad ng isang manipis na sapin ng niyebe na natutunaw sa init ng araw. At si Jesus ay tumatakbong umalis sinusundan ng mga pagpapalà ng mga napagaling at na mga mula sa kanilang terasa ay inuunat ang kanilang mga kamay sa isang pagyakap na mas tunay pa kaysa kung ginawa nila ito nang may totoong niyayakap.

Bumalik sila sa daan ng Bethany, na sinusundan ang daloy ng Kidron at pinoporma ang isang makipot na pagliko pagkatapos ng ilang daan na mga hakbang mula sa Siloam. Ngunit nang malampasan nila ang pagliko at nakikita na nila ang ibang bahagi ng daan patungong Bethany, naroon, nag-iisa, si Judas ng Kerioth, naglalakad nang mabilis.

«Iyon ay si Judas!» bulalas ni Tadeo na siyang unang nakakita sa kanya.

«Bakit ka naririto? Nag-iisa? Hoy! Judas!» sigaw ni Pedro.

Si Judas ay lumingon nang bigla. Siya ay maputla, medyo berde pa nga. Si Pedro ay nagsabi sa kanya: «Nakita mo ba ang dimonyo, na katulad mo ang kulay ng letsugas?»

«Ano ang ginagawa mo rito, Judas? Bakit mo iniwan ang iyong mga kasama?» nagtanong si Jesus nang sabay.

Si Judas ay nakapanumbalik sa kanyang sarili pagpipigil. Sinabi niya: «Kasama ko sila kanina. Nakakita ako ng isang lalaki na may balita tungkol sa aking ina. Tingnan...» Naghahanap siya sa kanyang sinturon. Inuntog niya ng kanyang kamay ang kanyang noo nagsasabing: «Naiwan ko iyon sa bahay ng mamâ! Gusto kong mabasa Ninyo ang sulat. O baka nawala ko iyon sa daan... Hindi mabuti ang kalagayan ng aking ina. O kung baga siya ay may sakit. Ngunit naroroon ang ating mga kasamahan sa banda roon. Sila ay tumigil. Nakita nila Kayo... Guro, ako ay balisa.»

«Nakikita Ko iyan.»

«Guro, naririto ang mga lukbutan. Ginawa kong dalawa... upang maiwasan na makakuha ng atensiyon. Ako ay nag-iisa...»

Ang mga apostol na sina Bartolomeo, Felipe, Mateo, Simon at Santiago ni Zebedeo at medyo nahihiya. Nilalapitan nila nang madamdamin si Jesus, ngunit nalalaman nila na sila ay nakagawa ng pagkakamali.

Si Jesus ay tinitingnan sila at nagsabi: «Huwag na ninyong gagawin iyan muli. Hindi tama na kayo ay maghiwalay. Kapag sinabi Ko sa inyo na huwag gawin iyan, iyan ay dahil nalalaman Ko na kailangan ninyong suportahan ang isa’t isa. Hindi kayo sapat na malakas na magawa ninyo ang mga bagay-bagay nang sarili lamang mismo. Kung nagkakaisa, matitingnan at masusuportahan ninyo ang isa’t isa. Kung kayo ay nahahati...»

«Ako iyon, Guro, na nagbigay ng maling payo, sapagkat pagkaraan naalaala namin na sinabi Ninyo sa amin na huwag maghiwalay, bagkus pumunta nang sabay-sabay sa Bethany, at si Judas ay nakaalis na na may makatarungan na dahilan, at hindi na namin inisip na pumuntang kasama siya. Patawarin Ninyo ako, Panginoon» sabi ni Bartolomeo nang mapagpakumbaba at prangko.

«Oo, pinatatawad kita. Ngunit inuulit Ko: huwag na uling gawin iyan. Isipin na ang pagsunod ay laging nakakapagligtas sa isa sa isang kasalanan man lamang: ang pag-akala na magagawa niya nang mag-isa. Hindi ninyo nalalaman kung gaano ang dimonyo gumagalaw sa palibot ninyo naghahanap ng lahat na dahilan upang magawa kayong magkasala at magawa kayong masaktan ninyo ang inyong Guro, Na labis nang napahihirapan nang malupit. Ang mga araw na ito ay nagiging pahirap nang pahirap para sa Akin at sa organismo na Aking ipinarito upang pormahin. Kung gayon, labis na pangangalaga ang kinakailangan, upang hindi Ko dapat sabihin na baka iyan masugatan at mapatay – sapagkat iyan ay hindi kailanman mangyayari hanggang sa katapusan ng panahon – ngunit hindi sana iyan mamantsahan ng dumi. Ang mga kaaway nito ay pinagmamasdan kayo nang mabuti, hindi kayo kailanman pinakakawalan ng kanilang paningin, at katulad niyan pinakikiramdaman nila ang bawat aksiyon at salita Ko. At ginagawa nila iyan upang magkaroon ng balidong mga rason para sa pag-alimura. Kung makita nila kayo na kayo ay pala-away, hatì, kahit papaano di perpekto, kahit na sa walang kuwentang mga bagay, kukunin nila ito at pasasamain anuman ang nagawa na ninyo at gagamitin nila ito katulad ng dumi at isang akusasyon laban sa Akin at sa Aking Simbahan na napoporma na ngayon. Kita ninyo! Hindi Ko kayo kinagagalitan, bagkus pinapayuhan Ko kayo. Para sa inyong kabutihan. O! Aking mga kaibigan, hindi ba ninyo nalalaman na pasasamain nila kahit na ang pinakamagandang mga bagay at ipakikita sa mga tao upang Ako ay maakusahan na tila ito ay ang katarungan. Kung kaya't sa hinaharap maging mas masunurin at mahinahon.»

Ang mga apostol ay lahat naantig ng kabaitan ni Jesus.

Si Judas ay patuloy ang pagbabagu-bago ng kulay. Siya ay malumbay, nasa likuran nang kaunti sa lahat, hanggang si Pedro ay nagsabi sa kanya: «Ano ang ginagawa mo? Hindi ka dapat sisihin nang mas higit pa kaysa sa iba. Kung kaya't lumapit ka rito at sumabay sa iba» at siya ay napilitan na sumunod.

Sila ay naglalakad nang mabilis sapagkat, bagama't naririyan ang sinag ng araw, ang isang malamig na hingin ay umiihip ginagawa silang maglakad nang mabilis upang mapaiinitan ang kanilang mga sarili. Sila ay nakapaglakad na nang malayu-layo nang si Natanael, na giniginaw at ito ay kitang-kita dahil binalot niya nang husto ang kanyang sarili sa kanyang manta, ay napuna na si Jesus ay mayroon lamang ng Kanyang tunika: «Guro, ngunit ano ang ginawa Ninyo sa Inyong manta?»

«Binigay Ko iyon sa isang babaeng ketongin. Pinagaling at pinaginhawahan namin ang pitong ketongin.»

«Ngunit maaaring giniginaw Kayo. Kunin Ninyo itong akin» sabi ng Zealot at dagdag niya: «Ako ay nasanay na sa mga hangin ng taglamig sa loob ng mga sepulkro na kasing lamig ng yelo.»

«Hindi, Simon. Tingnan. Nariyan na ang Bethany. Maya-maya lamang nasa loob na tayo ng bahay. At hindi Ako giniginaw man lamang. Nagkaroon Ako ng labis na espirituwal na lugod ngayong araw at mas komportable pa itong malayo kaysa sa isang mainit na manta.»

«Kapatid, ginagantimpalaan Ninyo kami para sa hindi namin ginawa. Kayo ang nagpagaling at nagbigay ng kasiyahan, hindi kami...» sabi ni Tadeo.

«Inihanda ninyo ang kanilang mga puso na magkaroon ng pananampalataya sa himala. Kung gayon kasama Ko at katulad Ko tumulong kayo sa pagpapagaling at pagbigay ng kaginhawahan. Kung nalalaman lamang ninyo kung gaano Ako nagbubunyi na maisama Ko kayo sa Akin sa bawat gawain na ginagawa Ko! Naaalaala ba ninyo ang mga salita ng Aking pinsan na si Juan ni Zachariah: “Kailangan Niyang mas lumago pa, kailan kong maging mas maliit pa”? Tamang-tama na sinabi niya ito, sapagkat ang bawat tao, maging gaano pa man siya kadakila, kahit na kung siya ay naging si Moses o si Elias, ay nagiging malabo katulad ng isang bituin na natatabunan ng mga sinag ng araw, sa paglitaw Niya Na nanggagaling mula sa Langit at siyang mas dakila kaysa kahit sinong tao, sapagkat nanggagaling Siya mula sa Kabanalbanalang Ama. Ngunit Ako rin, Na siyang Tagapagtatag ng isang Organismo na tatagal sa loob ng mga siglo at magiging kasing banal katulad ng Tagapagtatag at Ulo nito, ng isang Organismo na tatagal sa pangangatawan sa Akin, at magiging isang bagay kasama Ko, katulad na ang mga galamay at katawan ng tao ay isang bagay kasama ang ulo na nangingibabaw sa kanila, kailangan Kong sabihin: “Ang katawan na iyan ay kailangan na magningning at Ako ay kailangan na lumabo”. Kakailanganin ninyong ipagpatuloy ang Aking gawain. Ako ay malapit nang mawala rito sa pagitan ninyo, dito sa Lupa, materyal na mawawala, upang gabayan ang Aking mga apostol, mga disipulo at mga tagasunod. Gayunpaman, lagi Ako ninyong makakasámang espirituwal, at ang inyong mga espiritu ay madarama ang Aking Espiritu at tatanggapin ang Aking Liwanag. Ngunit kailangan ninyong magpakita sa unang hanay sa harapan, habang Ako ay nakabalik na kung saan Ako nanggaling. Iyan kung bakit inihahanda Ko kayo nang unti-unti upang magpakita bilang siyang nasa unahan. Kung minsan kayo ay tumututol nagsasabing: “Noong mga unang araw mas madalas Ninyo kaming pinapupunta”. Kailangan ninyong dapat na makilala. Ngayon na kayo ay kilala na, ngayon na para sa maliit na pulo na ito ng Lupa kayo ay siya nang ang “mga Apostol”, lagi Ko na kayong pinananatiling malapit sa Akin, bumabahagi sa bawat pagkilos Ko, upang ang mundo ay sana masabi: “Ginagawa Niya sila na Kanyang mga kasosyo sa gawain na Kanyang ginagawa, sapagkat sila ay mananatili pagkatapos Niya upang maipagpatuloy ang Kanyang gawain”. Oo, Aking mga kaibigan. Kailangan ninyong magpatuloy pa nang magpatuloy, at maliwanagan, ipinagpapatuloy Ako, nagiging bilang Ako, samantalang Ako, katulad ng isang ina na unti-unting tumitigil sa pagsuporta sa kanyang maliliit na anak na natuto nang maglakad, ay aalis... Ang pagpalit mula sa Akin patungo sa inyo ay hindi kailangan na mangyaring marahas. Ang maliliit na mga naniniwala ng kawan at ang mabababa ang loob ay matatakot. Iaabot Ko sila sa inyo nang mahinahon upang hindi sana nila maramdaman na sila ay nag-iisa kahit isang sandali man. At mahalin sila nang labis, katulad ng pagmahal Ko sa kanila. Mahalin sila sa pag-alaala tungkol sa Akin katulad ng pagmahal Ko sa kanila...»

Si Jesus ay naging tahimik nabuhos sa pag-iisip. At Siya ay nakabalik lamang sa reyalidad nang, sa labas nang kaunti sa Bethany, nasalubong Niya ang iba pang mga apostol na dumaan sa isa pang daan. Sila ay magkakasabay na nagpatuloy patungo sa bahay ni Lazarus. Sinabi ni Juan na sila ay inaasahan nang dumating, sapagkat sila ay nakita ng mga katulong. Sinabi din niya na si Lazarus ay mapeligro ang kalagayan ng kanyang sakit.

«Alam Ko. Iyan kung bakit Ko sinabi sa inyo na tayo ay tutuloy sa bahay ni Simon. Ngunit ayaw Kong umalis nang hindi siya binabati muli.»

«Ngunit bakit hindi Ninyo siya pinagagaling? Ito ay magiging makatarungan din. Pinababayaan Ninyo ang lahat ng Inyong pinakamabubuting lingkod na mamatay. Hindi ko maintindihan...» sabi ng Iskariote, na laging mapangahas, kahit na sa kanyang pinakamabuting mga sandali.

«Walang pangangailangan para sa iyo na makaintindi nang abante.»

«Oo. Walang pangangailangan. Ngunit nalalaman ba Ninyo kung ano ang sinasabi ng Inyong mga kaaway? Na Kayo ay nagpapagaling kung kailan ito ay magagawa Ninyo, hindi kung kailan gusto Ninyo, na Kayo ay nagpoprotekta kung kailan magagawa Ninyo ito... Hindi ba Ninyo nalalaman na ang matandang lalaki mula sa Tekoah ay patay na? At na siya ay pinatay?»

«Patay? Sino? Si Elianna? Papaano?» lahat sila ay nagtatanong nang nananabik. Si Pedro ay nagtanong lamang: «At papaano mo nalalaman?»

«Napakinggan ko ito nang hindi sinasadya kamakailan pa lamang sa loob ng bahay na aking napuntahan, at nalalaman ng Diyos kung ako ay nagsisinungaling. Ito ay tila lumalabas na gawa ng isang mandarambong sa daan, na pumunta nagkukunwaring isang mangangalakal, at sa halip na magbayad ng upa, pinatay niya siya...»

«Kaawa-awang matandang kaluluwa! Anong di masayang buhay! Anong malungkot na kamatayan! Hindi ba Kayo magsasalita ng kahit na ano, Guro?» marami ang nagsasabi.

«Wala Akong kailangang sabihin maliban sa ang matandang lalaki ay nakapaglingkod sa Kristo hanggang sa kanyang kamatayan. Sana lahat sila ay katulad niya!»

«Sabihin sa akin, anak ni Alfeo, hindi kaya ito ayon sa sinabi mo, kung nagkataon, eh?» si Pedro ay tinatanong si Tadeo.

«Maaaring ganito nga ito. Ang isang anak na pinalalayas ang kanyang ama dala ng kapootan, at ng ganitong klase ng kapootan, ay makagagawa ng kahit na ano. Kapatid, ang Inyong mga salita ay totoong-totoo: “At ang isang kapatid ay magiging kalaban ang kanyang kapatid, at ang isang ama laban sa kanyang mga anak”.»

«Oo, at ang mga gumagawa niyan ay iisipin na pinaglilingkuran nila ang Diyos. Ang kanilang mga mata ay bulag, ang kanilang mga puso matitigas, ang kanilang mga espiritu walang liwanag. Gayunpaman kakailanganin ninyo silang mahalin» sabi ni Jesus.

«Ngunit papaano namin mamahalin ang mga tumatrato sa amin nang ganyan? Ito ay magiging isang malaking pagsisikap kung hindi kami gaganti at tiisin ang kanilang ginagawa nang may pagpapasa-Diyos na lamang...» bulalas ni Felipe.

«Magtatatag Ako na halimbawa para sa inyo at matuturuan kayo nito. Sa tamang panahon. Ang kung Ako ay inyong minamahal, gagawin ninyo kung ano ang ginagawa Ko.»

«Naririto sina Maximinus at Sarah. Si Lazarus ay maaaring malala ang kalagayan, kung ang kanyang mga kapatid ay hindi dumarating upang salubungin Kayo!» wika ng Zealot.

Ang dalawa ay nagmadali patungo sa kanila at pinagpatirapa ang mga sarili. Sa kanila ring mga mukha at mga damit ay naroon ang hitsura na nagawa ng kapighatian at pagod sa mga miyembro ng mga pamilyang nakikibaka sa kamatayan. Sinabi lamang nila: «Guro, halikayo...» ngunit napakalungkot na ang dalawang mga salitang iyon ay mas nakikipagusap kaysa sa isang mahabang talumpati. At pinasunod nila kaagad si Jesus sa pintuan ng maliit na kinalalagyan ni Lazarus, habang ang ibang mga katulong ay inaasikaso ang mga apostol.

Sa kanilang malumanay na pagkatok si Martha ang pumunta sa pinto at binuksan ito nang kaunti, pinakikita ang kanyang nangayayat na maputlang mukha sa puwang: «Guro! Halikayo. Pagpalain nawa Kayo!»

Si Jesus ay pumasok, at pinasok niya ang silid ni Lazarus pagkatapos na daanan ang isa pang nauuna rito. Si Lazarus ay natutulog. Si Lazarus? Isang kalansay, isang manilaw-nilaw na momya na humihinga... Ang kanyang mukha ay isa nang bungó, at sa kanyang tulog ang kasiraan nito ay mas lalo pang kitang-kita, isang ulo na inalisan ng laman ng kamatayan. Ang kanyang mala-esperma na haták na balat ay makinang sa matalas na mga anggulo ng kanyang mga buto sa itaas ng mga pisngi at sa kanyang mga panga, sa kanyang noo, sa uka ng kanyang mga mata na masyado nang nakalubog na tila wala na ang mga mata, sa kanyang matilos na ilong na tila lumaki nang labis upang ang tabas ng mga pisngi ay tila nawala. Ang kanyang mga labì ay maputlang-maputla na halos hindi na ito makita, at tila hindi na makasara sa dalawang hilera ng kanyang medyo natatakpan na mga ngipin... isa nang mukha ng isang patay na tao.

Si Jesus ay yumuko upang tingnan siya. Inilapit pa Niya ang Kanyang sarili. Tiningnan Niya ang dalawang magkapatid na babae na nakatingin sa Kanya na ang kanilang mga kaluluwa ay ganap na nasa kanilang mga mata, dalawang namimighating umaasang mga kaluluwa. Tumango Siya sa kanila at lumabas nang walang-ingay, patungo sa maliit na yarda sa labas ng dalawang silid. Sina Martha at Maria ay sinundan Siya. Isinara nila ang pinto pagkaraan nila.

Nag-iisa na lamang, ang tatlo sa kanila, sa loob ng apat na pader, na ang asul na kalangitan nasa itaas, ay nagkatinginan. Ang magkapatid ay ni hindi makapagtanong, o makapagsalita. Ngunit si Jesus ang nagsalita: «Kilala ninyo kung sino Ako. Kilala Ko kung sino kayo. Nalalaman ninyo na minamahal Ko kayo. Alam Ko na minamahal ninyo Ako. Nalalaman ninyo ang Aking kapangyarihan. Nalalaman Ko ang inyong pananampalataya sa Akin. Nalalaman din ninyo, at lalo ka na, Maria, na habang mas nagmamahal ang isang tao mas lalo siyang nagkakaroon. Ang makaasa at makapaniwala nang lampas pa sa lahat ng mga limitasyon at sa lahat ng mga reyalidad na nagpapasinungaling sa pananampalataya ay ang magmahal. Bueno, alang-alang diyan, sinasabi Ko sa inyo na umasa at maniwala laban sa lahat na kumokontra na mga reyalidad. Makatitigil lamang Ako nang kaunting mga oras. Bilang ang Tao, nalalaman na Kataastaasan kung gaano Ko gustong tumigil dito kasama kayo, upang tulungan at paginhawahan siya, upang tulungan at paginhawahan kayo. Ngunit bilang ang Anak ng Diyos alam Ko na Ako ay kailangan na lumakad, na kailangan Kong umalis... Na Ako ay kailangan na wala rito kung kailan... mas kakailanganin ninyo Ako kaysa sa hangin na inyong sinisinghot. Isang araw, malapit na malapit na, maiintindihan ninyo ang mga rason na ito na ngayon ay tila kalupitan sa inyo. Sila ay dibinong mga rason. Nakapamimighati sa Akin Na Tao, katulad na ito ay sa inyo. Nakapamimighati ngayon. Sapagkat ngayon hindi ninyo maakap at mapagnilayan ang kanilang kagandahan at karunungan. Ni hindi Ko ito maibubunyag sa inyo. Kapag ang lahat ay nangyari na, diyan kayo makaiintindi at magbubunyi... Makinig. Kapag si Lazarus ay... patay na. Huwag umiyak nang ganyan! Pagkatapos magpasugo ng tao sa Akin kaagad. At sa pansamantala gumawa ng mga paghahanda para sa paglilibing nag-aanyaya ng malaking bilang ng mga tao, katulad ng katayuan sa lipunan ni Lazarus at ng inyong sambahayan. Siya ay isang dakilang Hebreo. Kakaunting mga tao ang nakakikilala sa kanya para sa kung ano siya. Ngunit nalalampasan niya ang marami sa mga mata ng Diyos. Paaalamin Ko kayo kung nasaan Ako, upang lagi ninyo Akong makikita.» 

«Ngunit bakit hindi rito sa sandaling iyon man lamang? Pinauubaya na namin ang lahat sa Diyos tungkol sa kanyang kamatayan, oo... Ngunit Kayo... Ngunit Kayo... Ngunit Kayo...» si Martha ay humihikbi bilang hindi makapagsalita ng kahit ano pa, pinipigil ang kanyang mga luha sa kanyang damit...

Si Maria sa halip ay tinititigan si Jesus, na tila siya ay nahipnotismo at hindi siya umiiyak.

«Sumunod, maniwala, umasa, laging sabihin oo sa Diyos. Si Lazarus ay tinatawag kayo. Lakad. Papasok Ako sa isang sandali lamang. At kung hindi na Ako magkaroon ng pagkakataon na makausap kayo nang sarilinan, alalahanin kung ano ang sinabi Ko sa inyo.»

At habang pumapasok sila nang nagmamadali, si Jesus ay naupo sa isang batong upuan at nagdarasal.

271211

 

 


Sunod na kabanata