54. Si Jesus Nakilala Sina Judas Iskariote at si Tomas at Pinagaling si Simon Zealot.

Oktubre 26, 1944

Si Jesus ay kasama ng Kanyang anim na disipulo. Ni noong isang araw o ngayon ay hindi ko nakita si Judas Tadeo, na nagsabi na gusto niyang sumama kay Jesus sa Herusalem.

Maaaring Paskuwa pa rin, sapagkat laging maraming tao sa bayan.

Ngayon ay gabi na at maraming tao ang nagmamadaling makauwi. Si Jesus din ay patungo sa bahay kung saan Siya ay isang panauhin. Hindi ito ang bahay ng Huling Hapunan, na nasa bayan, bagamat hindi malayo sa mga pader nito. Ang bahay, sa halip, ay isang tunay na bahay sa kabukiran, sa gitna ng makapal na taniman ng púnong mga olibo. Mula sa isang pangkabukiran na bukás na lugar sa harapan ng bahay, makikita ng isa ang mga punong olibo hanggang sa ibaba kung saan may isang maliit na ilog, na dumadaloy sa lambak na napoporma ng dalawang burol: sa tuktok ng isang burol ay naroon ang Templo, doon sa isa pa ay wala bagkus mga punong olibo lamang. Si Jesus ay nasa unang mga dalisdis ng hulíng burol, na tumataas nang suwabe, ganap na natatakpan ng mapayapang mga púno.

«Juan, may dalawang lalaki na naghihintay sa inyong kaibigan» sabi ng isang may-edad na lalaki, na maaaring ang magbubukid o ang may-ari ng taniman ng mga punong-olibo. Sasabihin ko na si Juan ay kilala siya.

«Nasaan sila? Sino sila?»

«Hindi ko alam. Ang isa ay tiyak na isang Judaean. Ang isa pa... hindi ko alam. Hindi ko siya tinanong.»

«Nasaan sila?»

«Nasa kusina, naghihintay, at... at... oo... mayroon pang isa na punung-puno ng sugat. Ginawa ko siyang manatili sa banda roon, sapagkat natatakot ako na siya ay baka isang ketongin. Sinasabi niya na gusto niyang makita ang Propeta Na nagsalita sa Templo.»

²Si Jesus, Na magpasahanggang ngayon ay tahimik,  ay nagsabi: «Puntahan muna natin siya. Sabihin sa iba na sumama kung ibig nila. Magsasalita Ako sa kanila roon, sa loob ng taniman ng mga punong-olibo.» At pinupuntahan Niya ang lugar na sinabi ng lalaki.

«At papano kami? Ano ang aming gagawin?» tanong ni Pedro.

«Halikayo, kung gusto ninyo.»

Ang isang lalaki, balot-na-balot, ay nakasandal sa isang pangkabukirang pader na sumusuporta sa isang terasa, ang pinakamalapit sa hangganan ng ari-arian. Maaaring nakarating siya roon dumaraan sa isang landas na namamaybay sa ilog.

Noong makita niya si Jesus na nilalapitan siya, siya ay sumigaw: «Atras! Atras! Maawa sa akin!» At inalisan niya ng takip ang kanyang katawan nilalaglag ang kanyang tunika sa lupa. Kung ang kanyang mukha ay punó ng mga langib ang kanyang katawan ay isang malaking sugat. Ang ilan sa mga sugat ay naging malalalim na sugat na, ang iba ay katulad ng mga súnog, ang iba ay maputi-puti at nangingintab, na tila may isang manipis na salamin na inilagay sa ibabaw nito.

«Ikaw ba ay isang ketongin? Ano ang kailangan mo sa Akin?»

«Huwag Ninyo akong isumpa! Huwag ninyo akong batuhin. Ako ay nasabihan na noong makalawang gabi ibinunyag Ninyo ang Inyong Sarili bilang ang Tinig ng Diyos at ang Nagtataglay ng Grasya. Nasabihan din ako na nagbigay Kayo ng pagtitiyak na sa pagtaas ng Inyong Tanda, pagagalingin Ninyo ang lahat ng mga sakit. Pakiusap na itaas Ninyo ito sa akin. Ako ay nanggaling sa mga sepulkro... sa banda roon... gumapang ako katulad ng isang ahas sa pagitan ng mga palumpong malapit sa ilog upang makarating dito nang walang nakakakita. Naghintay ako hanggang gabi bago umalis sapagkat sa dapit-hapon mas mahirap makilala kung sino ako. Naglakas-loob ako... nakita ko ang lalaking ito, ang tao ng bahay. Siya ay mabuti. Hindi niya ako pinatay. Sinabi lamang niya: “Maghintay sa banda roon, malapit sa maliit na pader”. Maawa sa akin» at sa dahilan na si Jesus nilalapitan siya, nang Siya lamang mag-isa, sapagkat ang anim na disipulo at ang may-ari, pati na rin ang dalawang estranghero, ay nasa malayo at kitang-kitang nandidiri, sinabi niya: «Huwag nang mas lumapit pa. Huwag! Ako ay nakakahawa!» Ngunit si Jesus ay nagpapatuloy. Tinitingnan Niya siya nang awang-awa, na ang lalaki ay nagsimulang umiyak at lumuhod halos nahihipo ng kanyang mukha ang lupa, umuungol: «Ang Inyong Tanda! Ang Inyong Tanda!»

«Iyan ay itataas kapag oras na. Ngunit ngayon sinasabi Ko sa iyo: Tumayo. Maging magaling na. Gusto Ko ito. At maging ang tanda sa bayan na ito na kailangan na makakilala sa Akin. Bangon, sinasabi Ko. At huwag magkasala, dala ng pagpapasalamat sa Diyos!»

Ang lalaki ay unti-unting tumatayo. Siya ay tila lumilitaw mula sa mahahabang mabulaklak na damo katulad na mula sa isang damit pamburol... at magaling na. Tinitingnan niya ang kanyang sarili sa huling malabong liwanag  ng araw. Siya ay magaling na. Siya ay sumisigaw: «Ako ay malinis! O! Ano na ang aking gagawin para sa Inyo ngayon?»

«Kailangan na sumunod ka sa Batas. Pumunta ka sa mga pari. Maging mabuti sa hinaharap. Lakad.»

Ang lalaki ay nasa punto nang itapon ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus, ngunit naalaala niya na siya ay hindi pa dalisay, ayon sa Batas, at pinipigilan niya ang kanyang sarili. Ngunit hinahalikan niya ang kanyang sariling kamay, at nagtatapon ng isang halik kay Jesus at umiiyak. Umiiyak siya sa tuwa.

³Ang iba ay natutulala. Si Jesus ay tumalikod sa napagaling na lalaki at ginigising sila ngumingiti. «Aking mga kaibigan, iyon ay isang ketong lamang ng laman. Ngunit makakakita kayo ng ketong na bumabagsak mula sa mga puso. Kayo ba ito na may kailangan sa Akin?» Tinatanong Niya ang dalawang estranghero. «Naririto Ako. Sino kayo?»

«Napakinggan namin Kayo noong makalawang gabi... sa Templo. Hinanap namin Kayo sa bayan. Ang isang lalaki, na nagsabi na siya ay isang kamag-anak Ninyo, ay sinabi sa amin na Kayo ay tumitigil dito.»

«Bakit ninyo Ako hinahanap?»

«Upang sundan Kayo, kung pahihintulutan Ninyo kami, sapagkat nasa Inyo ang mga salita ng katotohanan.»

«Sundan Ako? Ngunit nalalaman ba ninyo kung saan Ako pupunta?»

«Hindi, Guro, ngunit tiyak na sa kaluwalhatian.»

«Oo. Ngunit hindi kaluwalhatian ng mundong ito. Ako ay patungo sa isang kaluwalhatian na nasa Langit at nakukuha ng birtud at sakripisyo. Bakit ninyo Ako gustong sundan?» Tinatanong Niya silang muli.

«Upang makibahagi sa Inyong kaluwalhatian.»

«Ayon sa Langit?»

«Oo, ayon sa Langit.»

«Hindi lahat nakakarating doon. Sapagkat si Mammon ay naglalatag ng mga patibong para sa mga nananabik ng Langit kaysa para sa ibang mga tao. At tanging ang may malalakas na kalooban lamang ang makalalaban. Bakit sundan Ako, kung ang sumunod sa Akin ay nangangahulugan ng isang walang-tigil na pakikibaka laban sa kaaway, na nasa loob natin, laban sa ostil na mundo, at laban sa Kaaway na siyang si Satanas?»

«Sapagkat iyan ang mithiin ng aming mga kaluluwa, na nakuha na Ninyo. Kayo ay banal at makapangyarihan. Gusto namin na maging Inyong mga kaibigan.»

«Mga kaibigan!!!» Si Jesus ay tahimik at nagbubuntung-hininga. Pagkatapos tinititigan Niya ang isa na siyang laging nagsasalita at nag-alis na ng panaklob sa ulo ng kanyang manta. ⁴Siya ay si Judas Iskariote. «Sino ka? Nakapagsasalita ka nang mas mabuti kaysa sa isang tao ng sambayanan.»

«Ako ay si Judas, anak ni Simon. Nanggaling ako sa Kerioth. Ngunit ako ay tao ng Templo. Naghihintay ako at pinapangarap ko ang Hari ng mga Hudyo. Narinig ko Kayong nagsalita katulad ng isang hari. Nakita ko ang Inyong makaharing mga kilos. Isama Ninyo ako.»

«Isama ka? Ngayon? Kaagad? Hindi.»

«Bakit hindi, Guro?»

«Sapagkat kailangan na iksaminin natin nang mabuti ang ating mga sarili bago makipagsapalaran sa matarik na mga daan.»

«Hindi ba Kayo naniniwala na ako ay sinsiro?»

«Nasabi mo iyan. Naniniwala Ako sa iyong pabigla-bigla. Ngunit hindi Ako naniniwala sa iyong pagpupursige. Isipin ang tungkol dito, Judas. Ako ay aalis nga ngayon at babalik Ako para sa Pentekostes. Kung ikaw ay nasa Templo, makikita mo Ako. Iksaminin mo ang iyong sarili. ⁵At sino ka?»

«Ako ay isa pang nakakita sa Inyo. Gusto kong makasama Kayo. Ngunit ngayon natatakot na ako.»

«Hindi. Ang pangangahas ay sumisira sa mga tao. Ang takot ay maaaring sagabal, ngunit ito ay isang tulong kung ito ay nanggagaling sa kababaang-loob. Huwag matakot. Isipin mo rin ang tungkol dito, at sa pagbalik Ko...»

«Guro, napakabanal Ninyo! Natatakot ako ng pagiging hindi karapat-dapat. Wala nang iba pa. Sapagkat hindi ko pinagdududahan ang aking pagmamahal...»

«Ano ang iyong pangalan?»

«Tomas, ni Didymus.»

«Aalalahanin Ko ang iyong pangalan. Humayo sa kapayapaan.»

Si Jesus ay pinahayo sila at pumunta sa mapag-arugang bahay para sa hapunan.

⁶Ang anim na disipulo na kasama Niya ay maraming bagay na gustong malaman. «Bakit, Guro, trinato Ninyo sila nang magkaiba? Sapagkat doon ay may pagkakaiba. Kapwa sila may pabigla-bigla...» tanong ni Juan.

«Aking kaibigan, ang parehong pabigla-bigla ay maaaring may ibang lasa at ibang epekto. Sila ay tiyak na may parehong pabigla-bigla. Ngunit hindi sila nagkakapareho sa pakay. At ang isang lumalabas na hindi masyadong perpekto ay, sa katotohanan, mas perpekto, sapagkat siya ay walang panggaganyak ng pantaong kaluwalhatian. Minamahal niya Ako sapagkat minamahal niya Ako.»

«At ganyan din ako.»

«At ako rin.»

«At ako.»

«At ako.»

«At ako.»

«At ako.»

«Alam Ko. Kilala Ko kayo para sa kung ano kayo.»

«Kami ba kung gayon ay perpekto.»

«O! Hindi! Ngunit, katulad ni Tomas, kayo ay magiging perpekto kung kayo ay magpupursige sa inyong mithiin na magmahal. ⁷Perpekto?! O! Aking mga kaibigan! At sino ba ang perpekto bagkus ang Diyos?»

«Kayo!»

«Sasabihin Ko sa inyong totoo na Ako ay hindi perpekto sa pamamagitan ng Aking Sarili, kung sa isip ninyo Ako ay propeta. Walang tao ang perpekto. Ngunit Ako ay perpekto sapagkat Siya Na nagsasalita sa inyo ay ang Salita ng Ama: bahagi ng Diyos. Ang Kanyang isip na naging Salita. Ako ay may perpeksiyon sa Aking Sarili. At kailangan na paniwalaan ninyo na Ako ay ganyan kung naniniwala kayo na Ako ay ang Salita ng Ama. Datapwat, tingnan, Aking mga kaibigan, gusto Kong tawagin Akong ang Anak ng tao sapagkat ibinaba Ko ang Aking Sarili ipinapataw sa Aking Sarili ang lahat ng mga paghihirap ng tao, upang batahin ito bilang ang Aking unang bitayán, at kanselahin ito, pagkatapos na mabatá ito, nang hindi Ko ito Mismo ipinaghihirap. Anong dalahin, Aking mga kaibigan! Ngunit dinadala Ko ito nang malugod. Kaluguran para sa Akin na batahin ito, sapagkat, sa dahilan na Ako ang Anak ng sangkatauhan, gagawin Ko muli ang sangkatauhan na maging anak ng Diyos. Katulad na ito ay noong unang araw.»

Si Jesus ay nagsasalita nang napakamalumanay, nakaupo sa abang mesa, pakaway-kaway nang dahan-dahan ang Kanyang mga kamay sa ibabaw ng mesa, ang Kanyang ulo medyo nakakiling sa isang tabi, ang Kanyang mukha natatanglawan mula sa ibaba ng isang maliit na lampara ng langis sa ibabaw ng mesa. Ngumingiti Siya nang may kaamuan, Siya Na dati ay napaka mahestuwosong Guro sa Kanyang tindig, ay ngayon napaka mapagkaibigan sa Kanyang mga kilos. Ang Kanyang mga disipulo ay nakikinig sa Kanya nang mabuti.

⁸Guro... bakit hindi dumating ang Inyong pinsan, bagamat nalalaman niya kung saan Kayo nakatira?»

«Aking Pedro!... ikaw ay magiging isa sa Aking mga bato, ang una. Ngunit hindi lahat na bato ay madaling magamit. Nakita na ba ninyo ang mga batong marmol sa gusali ng Praetorium? Sa pamamagitan ng mahirap na pagtatrabaho sila ay hinugot mula sa sinapupunan ng tabi ng bundok, at ngayon bahagi na ng Praetorium. Tingnan sa halip ang mga batong iyon doon na nagniningning sa sikat ng buwan, sa tubig ng Kidron, sila ay nakarating doon sa daan ng tubig nang sila mismo, at kung may magkagustong sila ay kunin, hindi sila manlalaban. Ang Aking pinsan ay katulad ng unang mga bato na Aking sinasabi.... Ang sinapupunan ng tabi ng bundok: ang kanyang pamilya, nakikipag-agawan sila sa Akin para sa kanya.»

«Ngunit ibig kong maging eksaktong katulad ng mga bato sa ilog. Handang-handa akong iwanan ang lahat para sa Inyo: tahanan, asawa, pangingisda, mga kapatid. Lahat, Rabboni, para sa Inyo.»

«Alam Ko, Pedro. Iyan kung bakit minamahal kita. ⁹Si Judas din ay darating.»

«Sino? Si Judas ng Kerioth? Wala akong pakialam sa kanya. Siya ay isang pusturyosong binata, ngunit... mas gusto ko... mas gusto ko ang aking sarili...» lahat sila ay nápatawá sa matalisik na winika ni Pedro. «Walang dapat na ipagtawá. Ang ibig kong sabihin mas gusto ko pa ang isang sinsirong Galilean, isang magaspang na mangingisda, ngunit walang panlilinlang upang... kaysa sa mga tagabayan na... hindi ko alam... dito: ang Guro ay alam kung ano ang ibig kong sabihin.»

«Oo, alam Ko. Ngunit huwag manghusga. Kailangan natin ang isa’t isa sa mundong ito, ang mabubuti ay kahalo ang masasamâ, katulad na katulad ng mga bulaklak sa isang bukid. Ang mga abeto tumutubong katabi ang nakapanggagamot na mga malbarosa.»

¹⁰«Gusto kong itanong ang isang bagay...»

«Ano, Andres?»

«Si Juan ay sinabi sa akin ang inyong ginawang himala sa Cana... Kami ay umaasang labis na gagawa Kayo ng isa sa Capernaum... at sinabi Ninyo na hindi Kayo gagawa ng kahit anong himala bago ginagampanan ang Batas. Bakit ang Cana kung gayon? At bakit dito at hindi sa Inyong Sariling amangbayan?»

«Ang sumunod sa Batas ay ang makaisa ang Diyos at nagpapalaki iyan sa ating mga naaabot. Ang isang himala ay ang katibayan na nakakaisa natin ang Diyos, pati na rin ang mapagkawanggawa at sumasang-ayon na presensya ng Diyos. Iyan kung bakit gusto Kong gampanan ang Aking katungkulan bilang isang Israelita, bago simulan ang serye ng mga himala.»

«Ngunit Kayo ay hindi obligadong gampanan ang Batas.»

«Bakit? Bilang Anak ng Diyos, hindi Ako obligado. Ngunit bilang isang anak ng Batas, oo, obligado Ako. Sa pansamantala, ang Israel ay kilala lamang Ako bilang ganyan... at, pagdating ng araw, halos lahat sa Israel ay makikilala Ako bilang ganyan, hindi, bagkus, mas kakaunti pa. Ngunit ayaw Kong iskandaluhin ang Israel at kung gayon sinusunod Ko ang Batas.»

«Kayo ay banal.»

«Ang kabanalan ay hindi humaharang sa pagsunod. Hindi, bagkus, ginagawa nitong perpekto ang pagsunod. Bukod sa ano pa man, may isang mabuting halimbawa na kailangan ibigay. Ano ang sasabihin ninyo sa isang ama, ng isang mas matandang kapatid, ng isang tagapagturo, ng isang pari na hindi nagbigay ng mabubuting halimbawa.»

¹¹«At ano ang tungkol sa Cana?»

«Ang Cana ay upang gawing masaya ang Aking Ina. Ang Cana ay ang paunang bayad sa Aking Ina. Pinangungunahan Niya ang Grasya. Dito pinararangalan Ko ang Banal na Siyudad, ginagawa ito, sa publiko, ang panimulang punto ng Aking kapangyarihan bilang Mesiyas. Ngunit doon, sa Cana, pinarangalan Ko ang Banal na Ina ng Diyos, Napupuno ng Grasya. Ang mundo ay tinanggap Ako sa pamamagitan Niya. Makatarungan lamang na ang Aking unang himala sa mundo ay kailangan na para sa Kanya.»

¹²Mayroon pagkatok sa pinto. Ito ay si Tomas muli. Siya ay pumasok at itinapon ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus. «Guro... hindi ako makapaghintay hanggang sa Inyong pagbalik. Gawin akong sumama sa Inyo. Ako ay punó ng mga diperensiya, ngunit mayroon ako ng aking pagmamahal, ang tanging aking malaking kayamanan. Ito ay sa Inyo, ito ay para sa Inyo. Pasamahin ako, Guro...»

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang kamay sa ulo ni Tomas. «Makakatigil ka, Didymus. Sundan Ako. Pinagpalà ang mga sinsiro at mapilit sa kanilang kalooban. Kayong lahat ay pinagpala. Kayo ay mahigit pa sa mga kamag-anak sa Akin, sapagkat kayo ay Aking mga anak at Aking mga kapatid, hindi ayon sa dugo, na namamatay, bagkus ayon sa kalooban ng Diyos at sa inyong espirituwal na kahilingan, ngayon sasabihin Ko sa inyo na Ako ay walang mas malapit na kamag-anak kaysa sa mga gumagawa ng kalooban ng Aking Ama, at ginagawa ninyo ito, sapagkat gusto ninyo kung ano ang mabuti.»

Ang bisyon ay nagtatapos nang gayon. ¹³Ngayon ay 4 n.g. at ang mga anino ng pamamanhid ay bumabagsak na sa akin: isang pamamanhid na nararamdaman ko na magiging marahas, isang lohikal na konsekwensiya ng masakit na oras kahapon...

Ngunit malubha rin ang aking sakit noong Oktubre 24. Kung kaya't, noong natapos na ang bisyon – isinulat ko ito nang naghihirap sa sakit ng ulo na kasing tindi ng meningitis – wala akong sapat na lakas na idagdag na sa wakas nakita ko si Jesus nakasuot katulad noong Siya ay nagpakita sa akin noong ang bisyon ay tanging para sa akin lamang: nakasuot ng isang malambot na tunika ng puting delana na halos nagkukulay ng gatas at ng isang manta ng gayon din ang kulay. Ang mga damit na Kanyang suot noong una Niyang binunyag ang Kanyang Sarili bilang ang Mesiyas sa Herusalem.

(289) 271109/040513

Sunod na kabanata.