540. Ang mga Judaean Kasama Sina Martha at Maria.

Disyembre 19, 1946.

Si Martha, bagama't nagdaramdam ang puso at nanghihina, ay laging ang isang binibini na alam kung papaano tumanggap ng mga bisita, pinararangalan sila sa pamamagitan ng perpektong pagiging magalang ng isang tunay na pinanganak na binibini. Kung gayon, pagkatapos na madala ang grupo patungo sa isa sa mga bulwagan, nagbigay siya ng mga tagubilin na magdala ng mga pampalamig na kinaugalian, upang ang mga panauhin ay magkaroon ng makapagpapalakas sa kanila.

Ang mga katulong ay umiikot nagbubuhos ng mainit na maiinom o may gulang na mga alak at nag-aalok ng magagandang prutas, datiles na kasing ganda ng mga topasyo, mga pasas, isang katulad ng ating matatamis na ubas, kumpol-kumpol na magaganda, likidong pulot, lahat pinamimigay mula sa mamahaling mga amphora, mga kopa, mga pinggan at mga trey. At si Martha ay nakatingin nang maasikaso na walang sinuman ang napapabayaan, hindi lamang, bagkus, sinasabihan niya ang mga katulong na silbihan ang mga panauhin ayon sa kanilang mga edad at ayon sa bawat indibidwal, na ang mga pag-uugali ay kabisado niya. Pinatigil niya ang isang katulong, na patungo kay Helkai na may dala ng amphora na puno ng alak at isang kalis at sinabi niya sa kanya: «Tobias, huwag mo siyang alukin ng alak, bagkus ng tubig na may pulot at ng katas ng datiles.» At sinasabi niya sa isa pa: «Natitiyak ko na mas gugustuhin ni Juan ang alak. Alukin siya ng ilan ng ating puting alak ng pinatuyong ubas.» At personal niyang inaalok ang matandang Hananiah, ang eskriba, ng mainit na gatas, na kanyang pinatatamisan ng maraming ginintuan na pulot, nagsasabing: «Makakabuti iyan sa iyong ubo. Sinasakripisyo mo ang iyong sarili sa pagpunta rito, lalo na dahil kayo ay masasakitin, at ngayon ay isang malamig na araw. Naaantig akong nakikita kayong lahat na napaka maalalahanin.»

«Iyan ay aming katungkulan, Martha. Si Eucheria ay kalahi namin. Isang tunay na Hudyo na pinararangalan kaming lahat.»

«Ang pagpaparangal na binibigay sa pinagpipitaganang alaala ng aking ina ay nakaaantig sa aking puso. Uulitin ko ang iyong mga salita kay Lazarus.»

«Ngunit ibig namin siyang batiin. Siya ay gayon kabuti na kaibigan!» sabi ni Helkai kasama ang kanyang kinaugalian na pagkukunwari, nilalapitan siya.

«Batiin siya? Ito ay imposible. Siya ay nanghihina nang husto.»

«O! Hindi namin siya gagambalain. Hindi ba, aking mga kaibigan? Sapat na para sa amin ang makapagpaalam sa kanya, mula sa pamasukan ng kanyang silid» sabi ni Felix.

«Hindi ko maipahihintulot, talagang hindi ko magagawa. Si Nicomedes ay ipinagbabawal ang mapagod at mga emosyon.»

«Ang isang sulyap sa aming namamatay na kaibigan ay hindi makakamatay sa kanya, Martha» sabi ni Callascebona. «Makapamimighati sa amin nang labis ang hindi siya mabati!»

Si Martha ay balisa at nag-aalinlangan. Siya ay tumitingin pagawi sa pintuan, baka upang tingnan kung si Maria ay darating upang tulungan siya. Ngunit si Maria ay wala roon.

Ang mga Judaean ay napuna ang kanyang pagkabagabag, at si Sadoc, ang eskriba, ay pinuna ito sa kanya: «Mukhang ang aming pagdalaw ay nakababalisa sa iyo, babae.»

«Hindi. Hindi kailanman. Maunawaan sana ninyo ang aking pagdadalamhati. Ako ay namumuhay nang maraming buwan na malapit sa aking namamatay na kapatid at... hindi ko na magawa... at hindi ko na alam kung papaano kumilos sa mga handaan, katulad na nagagawa ko noong nakaraan...»

«O! ito ay hindi isang handaan! Ni hindi namin inaasahan na kami ay iyong pararangalan nang ganito! Baka... baka naman may gusto kang itago sa amin at iyan kung bakit ayaw mong makita namin si Lazarus at pinagbabawalan mo kaming pumunta sa kanyang silid. Eh! ito ay halatang-halata! Ngunit huwag matakot! Ang silid ng isang may sakit na tao ay isang santuwaryo para sa lahat, maniwala sa akin...» sabi ni Helkai.

«Walang kailangan na itago sa silid ng aming kapatid. Walang nakatago doon. Naroon lamang ang isang namamatay na tao, na alang-alang sa awa ay kailangan na hindi mabigyan ng mga masasakit na alaala. At ikaw, Helkai, at kayong lahat, ay masasakit na mga alaala para kay Lazarus» sabi ni Maria sa kanyang magandang pakinggan na tinig, lumilitaw sa pintuan at hawak ang kurtina sa isang tabi sa pamamagitan ng isang kamay.

«Maria!» sabi ni Martha umuungol nang nangungusap, upang patigilin siya.

«Wala, kapatid. Hayaan akong magsalita...» Pagkatapos kanyang kinakausap ang iba pa: «At upang maalis ang bawat posibleng pagdududa ninyo, isa sa inyo – ito ay magiging isa lamang na alaala ng nakaraan na magsasariwa ng dalamhati – ay maaaring sumama sa akin, kung ang tanawin ng isang namamatay na tao ay hindi sa kanya nakapandidiri at ang amoy ng isang namamatay na katawan ay hindi sa kanya magpapasuka.»

«At ikaw ba ay hindi isang nagpapadalamhating alaala?» sabing mapanuya ng Herodian, na aking nakita na, ngunit hindi ko maalaala kung saan, lumalapit mula sa kanyang sulok at nakatayo sa harapan ni Maria.

Si Martha ay napaungol, si Maria ay nagmumukhang katulad ng isang nagagalit na anghel. Ang kanyang mga mata ay kumikislap. Itinuwid niya ang kanyang sarili nang mapagmalaki, kinalilimutan ang pagod at pamimighati na nagpapabaluktot sa kanyang katawan, at na may hitsura ng isang nasaktan na reyna sinabi niya: «Oo. Ako ay isang alaala din. Ngunit hindi ng kapighatian, katulad ng sinasabi mo. Ako ay alaala ng Awa ng Diyos. At si Lazarus ay namamatay nang mapayapa nakikita ako, sapagkat nalalaman niya na ipinauubaya niya ang kanyang espiritu sa mga kamay ng walang-hangganang Awa.»

«Ha! Ha! Iyan ay hindi ang mga salita ng mga nakaraan nang araw! Ang iyong birtud! Maaari mo iyang ipakita sa mga taong hindi nakakakilala sa iyo...»

«Ngunit hindi sa iyo, tama ba iyon? Ngunit ilalagay ko ito sa ilalim mismo ng iyong mga mata, upang sabihin sa iyo na ang mga ibon na may magkakaparehong balahibo, ay nagsasama-sama. Noong mga araw na iyon, sa kamalasan, ako ay malapit sa iyo, at ako ay katulad mo. Ngayon ako ay malapit sa Banal na Isa, at ako ay nagiging tapat.»

«Kung ano ang nasira na ay hindi na muli maitatayo pa, Maria.»

«Sa katunayan, ikaw, kayong lahat, ay hindi na ninyo muli maitatayo ang inyong nakaraan. Hindi na ninyo maitatayong muli kung ano ang sinira na ninyo. Hindi ninyo magagawa, nang personal, katulad na natatakot ninyo ako. At wala sa natitira pa ang makagagawa, na nanakit sa aking kapatid, nang siya ay pinamighati, at ngayon nagkukunwari kayo na kanyang mga kaibigan, para sa isang masamang pakay.»

«O! Ikaw ay matapang, babae. Ang Rabbi ay maaaring napalayas ang maraming dimonyo sa iyo, ngunit hindi ka Niya nagawang mahinahon!» sabi ng isa na mga apatnapung taong gulang.

«Hindi, Jonathan ben Annas. Hindi Niya ako ginawang mahina. Ginawa Niya akong malakas na may katapangan ng isa na tapat, ng isa na gustong maging tapat muli at naputol niya ang lahat na mga kaugnayan sa nakaraan upang makapagsimula ng isang bagong pamumuhay. Sige na! Sino ang sasama upang tingnan si Lazarus?» Siya ay kasing ma-awtoridad katulad ng isang reyna. Napangingibabawan niya silang lahat sa pamamagitan ng kanyang ka-prangkahan, nang walang awa kahit na sa kanyang sarili. Si Martha, sa halip, ay nasisiraan ng loob, tinitingnan niya nang nangungusap na may mga luha sa kanyang mga mata si Maria na sana siya ay manatiling tahimik.

«Ako ang sasama!» sabi ni Helkai, nagbubuntung-hininga katulad ng isang biktima, at siya ay kasing huwad ng isang ahas. At sila ay lumabas nang magkasama.

Ang iba ay kinakausap si Martha: «Ang iyong kapatid!... Parehong katauhan pa rin. Ngunit hindi siya kailangan na umasal nang gayon. Maraming kailangan na ipagpatawad para sa kanya» sabi ni Uriel, ang rabbi na nakita sa Giscala, ang isa na nagtapon kay Jesus ng mga bato.

Sa ilalim ng mga hagupit ng mga gayong salita, si Martha ay nakapanumbalik at sinabi niya: «Ang Diyos ay pinatawad na siya. Wala nang iba pang pagpapatawad kung gayon ang kinakailangan. At ang kanyang kasalukuyang pamumuhay ay isang halimbawa para sa mundo.» Ngunit ang kanyang pagiging palaban ay kaagad nawala at naging mga luha. Siya ay umuungol lumuluha: «Kayo ay malupit! Sa kanya... at sa akin... Wala kayong habag para sa aming nakaraan o sa aming kasalukuyan na dalamhati. Bakit kayo pumunta? Upang saktan at pamighatiin kami?»

«Hindi, babae. Hindi. Upang batiin lamang ang dakilang Judaean na namamatay. Wala nang iba pang dahilan! Hindi mo kailangan na pagkamalan ang aming mabuting mga intensiyon. Napakinggan namin mula kina Jose at Nicodemus na siya ay lumalala, at kami ay pumunta... katulad na sila ay pumunta, ang dalawang dakilang mga kaibigan ng Rabbi at ni Lazarus. Bakit gusto ninyo kaming tratuhin nang iba, sa dahilan na minamahal namin ang Rabbi at si Lazarus, katulad ng pagmamahal nila? Kayo ay hindi makatarungan. Mapasisinungalingan ba ninyo na sila ay pumunta kasama si Juan, Eleazar, Philip, Joshua at Joachim, upang malaman kung ano ang kalagayan ni Lazarus noon, at na si Manaen ay pumunta rin?...»

«Wala akong itinatangging kahit ano. Ngunit ako ay nagtataka na alam na alam ninyo. Hindi ko naisip na pati ang looban ng mga bahay ay napapasok din ninyo. Hindi ko alam na may bagong alituntunin bilang karagdagan sa anim na raan at labintatlo: ibig sabihin, ang mag-usisa at mag-espiya sa pampersonal na mga bagay ng mga pamilya... O! Mawalang galang na! Nasasaktan ko kayo! Ang kapighatian ay napagkakaitan ako ng aking mga pandama at pinalalala ninyo ito.»

«O! naiintindihan ka namin, babae! At dahil naisip namin na kapwa kayo ay mapagkakaitan ng inyong mga pandama, kami ay naparito upang magbigay ng ilang mabubuting payo. Magpasugo para sa Guro. Kahapon din pitong ketongin ang dumating upang magpuri sa Panginoon dahil sila ay pinagaling ng Rabbi. Magpasugo para sa Kanya sa katauhan din ni Lazarus.»

«Ang aking kapatid ay hindi isang ketongin» sigaw ni Martha nang nanginginig. «Iyan ba kung bakit gusto ninyo siyang makita? Iyan ba kung bakit kayo dumating? Hindi, siya ay hindi isang ketongin! Tingnan ang aking mga kamay. Pinagaling ko siya sa loob ng maraming mga taon at walang ketong sa akin. Ang aking mga kamay ay napapula ng mga panimpla, ngunit ako ay hindi isang ketongin. Wala akong...»

«Kapayapaan! Kapayapaan, babae. At sino ang nagsabi na si Lazarus ay isang ketongin? At sino ang magsususpetsa ng nakakatakot na sakit na iyan sa inyo, katulad ng pagtatago ng isang ketongin? At sa palagay ba ninyo na, para sa lahat ng inyong kapangyarihan, hindi namin kayo hahampasin, kung kayo ay nagkasala? Upang magawa na masunod ang mga alituntunin handang-handa kami na husgahan ang aming mga ama at mga ina, aming mga asawa at mga anak. Ako, si Jonathan ni Uziel, ang nagsasabi sa iyo.

«Walang duda! Tama iyan! At ngayon sinasabi namin sa inyo, dala ng pagmamahal namin para sa iyo at para sa inyong ina at alang-alang kay Lazarus, magpasugo para sa Guro. Iniiling mo ba ang iyong ulo? Ang ibig mo bang sabihin huli na ang lahat ngayon? Ano? Ikaw, si Martha, ang matapat na disipulo, ay walang pananampalataya sa Kanya? Masama iyan! Ikaw ba ay nagsisimula na rin na magduda?» sabi ni Archelaus.

«Ikaw ay naglalapastangan, eskriba. Naniniwala ako sa Guro katulad na naniniwala ako sa totoong Diyos.»

«Bakit ayaw mong subukan, kung gayon? Naibangon Niya ang patay... Iyon man lamang ang sinasabi nila... Baka hindi mo nalalaman kung nasaan Siya? Kung gusto mo, hahanapin namin Siya, tutulungan ka namin» sa ni Felix sa isang mapagpahiwatig na paraan.

«Hindi! Sa loob ng bahay ni Lazarus tiyak na nalalaman nila kung nasaan ang Rabbi. Sabihin sa amin nang prangko, babae, at kami ay aalis at hahanapin Siya at dadalhin namin Siya sa inyo, at naroroon kami sa himala upang magbunying kasama mo, kasama kayong lahat» sabi ni Sadoc tinutukso siya.

Si Martha ay nag-aalinlangan, siya ay halos natutuksong pumayag. Ang iba ay namimilit habang sinasabi niya: «Hindi ko nalalaman kung nasaan Siya... Talagang hindi ko nalalaman... Siya ay umalis mga ilang araw na ang nakararaan at Siya ay nagpaalam sa amin katulad ng isa na aalis nang matagal. Magiginhawahan ako kung alam ko kung nasaan Siya... Kung nalalaman ko man lamang. Ngunit hindi ko alam, iyan ang katotohanan...»

«Kaawa-awang babae! Ngunit tutulungan namin kayo. Dadalhin namin Siya sa inyo» sabi ni Cornelius.

«Hindi! Hindi na iyan kinakailangan. Ang Guro. Kayo ay nagsasalita ng tungkol sa Kanya, hindi ba? Ang Guro ay nagsabi na kami ay kailangan na umasa nang higit pa sa pag-asa, at sa Diyos lamang. At amin iyan gagawin» sabi ni Maria sa isang kumukulog na tinig, habang bumabalik siya kasama si Helkai, humiwalay kaagad sa kanya at pumunta patungo sa tatlong Pariseo yumuyuko upang magsalita sa kanila.

«Ngunit siya ay namamatay na, ayon sa aking napapakinggan!» sabi ni Doras, na isa sa tatlo.

«Kung kaya't ano? Hayaan siyang mamatay! Hindi ko hahadlangan ang pasya ng Diyos at hindi ko susuwayin ang Rabbi.»

«At ano ang inaasahan ninyo pagkatapos ng kanyang kamatayan, hangal na babae?» sabi ng Herodian nang nanunuya.

«Ano? Buhay!» ang kanyang tinig ay isang sigaw ng absulutong pananampalataya.

«Buhay? Ha! Ha! Maging sinsiro. Nalalaman ninyo na Siya ay walang kapangyarihan sa tunay na kamatayan, at sa inyong kahangalang pagmamahal para sa Kanya ayaw ninyo na iyan ay mabulgar.»

«Lumayas kayo, kayong lahat! Ito ay para kay Martha na sabihin ito sa inyo. Ngunit siya ay natatakot sa inyo. Natatakot lamang ako na malabag ko ang Diyos, Na nagpatawad sa akin. At sinasabihan ko kayo sa katauhan ni Martha.  Lumayas kayo, kayong lahat. Walang lugar sa loob ng bahay na ito para sa mga napopoot kay Jesucristo. Labas! Pumunta kayo sa inyong mapanglaw na mga lungga! Lahat labas! O tatawagin ko ang mga katulong upang palayasin kayo katulad ng isang kawan ng di-malinis na mga pulubi.»

Siya ay mapangibabaw sa kanyang galit. Ang mga Judaean ay parang palihim na lumalabas sa pinaka may-karuwagan na paraan, sa harapan ng babae. Totoo na ang babaeng iyon ay katulad ng isang nagagalit na arkanghel...

Habang iniiwan nila ang bulwagan at tinatawid ang pamasukan dumaraan sa harapan ni Maria, tinititigan niya sila nang pagalit, lumilikha ng isang di-materyal na Caudine Fork¹ sa ilalim kung saan ang pagmamalaki ng natalong mga Judaean ay napilitan na yumukod. Ang bulwagan sa wakas ay naging malinis.

Si Martha ay hinimatay sa ibabaw ng alpombra lumuluha nang husto.

«Bakit ka umiiyak, kapatid? Hindi ko makita kung bakit kailangan mong umiyak...»

«O! sinaktan mo sila... at sinaktan ka nila, sinaktan nila tayo... at ngayon ipaghihiganti nila ang kanilang sarili... at...»

«Manahimik, hangal na babae! Sa kanino mo inaasahan na ipaghihiganti nila ang kanilang mga sarili? Kay Lazarus? Kailangan nilang magpasya muna, at bago nila gawin iyan... Walang sinuman ang naghihiganti sa isang tao na tapos na! Sa atin? Nangangailangan ba tayo ng kanilang tinapay upang mabuhay? Hindi nila mapakikialaman ang ating ari-arian. Ang anino ng Roma ay nakikita diyan. Saan kung ganoon? At kahit na kung halimbawa magagawa nila iyon, hindi ba’t tayong dalawa ay bata pa at malalakas? Tayo ba ay hindi makapagtatrabaho? Si Jesus ba ay hindi mahirap? Hindi ba’t ang ating Jesus ay isang manggagawa? Hindi ba tayo kailangan na maging mas katulad Niya, kung tayo ay mahirap at mga manggagawa? Kailangan na magmalaki ka sa pagiging gayon! Umasa para diyan! Hingin sa Diyos na ipagkaloob ito!»

«Ngunit ang sinabi nila sa iyo...»

«Ah! Ang sinabi nila sa akin! Iyon ay totoo. At inuulit ko ito sa sarili ko. Ako ay dati di-malinis. Ako ngayon ay ang babaeng-tupa na ng Pastol! At ang nakaraan ay patay na. Sige na, halika na upang tingnan si Lazarus.»

070112



¹Caudine Fork – Kung baga sinisimbolo ng malaking tinidor ng pagsuko. RLB


Sunod na kabanata