550. Ang Unang Araw sa Ephraim.

Enero 8, 1947.

«Kapayapaan sa Inyo, Guro» sabi ni Pedro at ni Santiago ni Zebedeo umuwing may dalang mga pitsel puno ng tubig.

«Kapayapaan sa inyo. Saan kayo nanggaling?»

«Sa ilog. Pumunta kami upang kumuha ng tubig, at babalik pa kami upang makakuha ng marami pa, upang mapanatiling malinis ang bahay. Iniisip na tayo ay titigil dito... At hindi makatarungan na ang matandang babae ang magtatrabaho para sa atin. Siya ay nasa kabilang silid kung saan nagpadikit siya ng apoy upang initin ang tubig. Ang aking kapatid ay pumunta sa kakahuyan upang kumuha ng ilang panggatong. Matagal-tagal nang hindi umuulan at ito ay nasusunog katulad ng heath» paliwanag ni Santiago ni Zebedeo.

«Siyempre. Ngunit ang problema ay, bagama't halos hindi pa sumisikat ang araw, nakita nila kami kapwa sa ilog at sa kakahuyan. At pumunta ako sa ilog upang maiwasan ang pagpunta sa pontanya...» sabi ni Pedro.

«Bakit, Simon ni Jonah?»

«Sapagkat laging may mga tao sa pontanya, at kami ay baka nakilala nila at sila ay baka pumunta rito...»

Habang sila ay nag-uusap, ang dalawang anak ni Alfeo, si Judas ng Kerioth at si Tomas ay nasa mahabang koridor na humahati sa bahay, at kung gayon napapakinggan nila ang huling mga salita ni Pedro at ang tugon ni Jesus: «Kung ano ang maaaring hindi nangyari sa pagsikat ng araw ngayon, ay tiyak na mangyayari din, bukas sa pinaka madali, sapagkat tayo ay maninirahan dito...»

«Dito? Ngunit... akala ko tayo ay tumigil lamang dito upang magpahinga...» marami sa kanila ang nagsasabi.

«Hindi tayo tumigil upang magpahinga. Bagkus upang manatili. Tayo ay aalis lamang dito upang bumalik sa Herusalem para sa Paskuwa.»

«O! Akala ko noong tinutukoy Ninyo ang lugar ng mga lobo at mga mangangatay, ang ibig Ninyong sabihin ay ang rehiyon na ito kung saan gusto lang Ninyong dumaan, katulad ng Inyong ginawa noong nakaraan, upang makapunta sa ibang mga lugar nang hindi pinupuntahan ang mga daan na madalas puntahan ng mga Judaean at mga Pariseo...» sabi ni Felipe na kararating pa lamang, at ang iba ay nagsasabi: «Akala ko iyan din.»

«Hindi ninyo naintindihan. Hindi ito ang lugar ng mga lobo at mga mangangatay, bagama't tunay na mga lobo ang nagtatago sa mga bundok. Ngunit ang tinutukoy Ko ay mga hayop...»

«O! iyan ay malinaw na malinaw!» bulalas ni Judas ng Kerioth nang medyo mapanuya. «Sa dahilan na tinutukoy Ninyo ang Inyong sarili na ang Kordero, maiintindihan ng isa na ang mga lobo ay mga tao. Tayo ay hindi ganap na mga tanga.»

«Hindi. Kayo ay hindi mga tanga bagkus sa kung ano ang ayaw ninyong intindihin. Ibig sabihin, sa kung ano ang may kinalaman sa Aking kalikasan at misyon, at sa kapighatian na binibigay ninyo sa Akin sa hindi ninyo pagtrabaho nang husto na maihanda ang inyong hinaharap. Ito ay para sa inyong sariling kabutihan na Ako ay nagsasalita at nagtuturo sa inyo sa pamamagitan ng mga gawa at mga salita. Ngunit inyong tinatanggihan kung ano ang nakababalisa sa inyong kalikasang pantao gawa ng pangitain ng mga kapighatian o kung ano ang humihingi ng mga pagsisikap laban sa inyong mga kaakuhan. Makinig sa Akin bago dumating ang mga estranghero dito. Paghihiwalayin Ko kayo ngayon sa dalawang grupo ng limang apostol at ginagabayan ng ulo ng bawat grupo kayo ay pupunta sa malapit na kabukiran, katulad ng inyong ginawa nang pinadala Ko kayo noong mga unang araw. Alalahanin kung ano ang Aking sinabi sa inyo noon at isabuhay ito. Ang tanging kaibahan lamang ay ngayon dadaan kayo sa mga nayon binabalita rin sa mga Samaritano na ang araw ng Panginoon ay malapit na, upang sila ay sana nakahanda kapag ito ay dumating, at sana maging mas madali para sa inyo na makumberti sila sa Tanging Diyos. Maging puno ng karidad at karunungan at wala ng masasamang palagay. Makikita ninyo, at mababatid ninyo nang mas lalo, na tayo ay pinagkalooban dito ng kung ano ang ipinagkait sa atin sa ibang mga lugar. Kung kaya't maging mabait sa mga taong ito na, bagama't inosente, ay pinagbabayarang-sala ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Si Pedro ang magiging ulo nina Judas ni Alfeo, Tomas, Felipe at Mateo. Si Santiago ni Alfeo ang magiging gabay nina Andres, Bartolomeo, Simon Zealot at Santiago ni Zebedeo. Sina Judas ng Kerioth at si Juan ay mananatili sa Akin. Ganyan ang magiging grupo magmula bukas. Ngayong araw tayo ay magpapahinga ginagawa ang kinakailangan na mga preparasyon para sa darating na mga araw. Ipangingilin natin ang Sabbath nang magkakasama tayo. Kung kaya't kailangan na kayo ay naririto bago dumating ang Sabbath, upang makaalis sa araw pagkatapos nito. Ito ay magiging isang araw ng pagmamahal para sa atin, pagkatapos na mahalin ang ating kapwa sa grupo na umalis sa kawan ng Ama. Lakad na at asikasuhin ang inyong mga gagawin.»

Siya ay nananatiling nag-iisa at umalis patungo sa isang silid sa dulo ng koridor.

Ang bahay ay umalingawngaw sa tunog ng mga yapak at mga tinig, bagama't sila ay nasa loob ng kanilang mga silid at walang sinuman ang makikita bagkus ang matandang babae na paparoo’t parito sa koridor nang makailang beses, inaasikaso ang kanyang mga gawaing bahay, ang isa nito ay tiyak ang pagmamasa ng tinapay dahil ang kanyang buhok ay may mga harina at ang kanyang mga kamay puno ng tapay.

Maya-maya nang kaunti si Jesus ay lumabas at umakyat sa terasa ng bahay. Siya ay naglalakad nang paparoo’t parito nagninilay-nilay at paminsan-minsan tinitingnan Niya ang tanawin sa Kanyang paligid.

Siya ay sinamahan nina Pedro at Judas ng Kerioth na hindi nagmumukhang napaka masayahin. Baka masakit para kay Pedro ang humiwalay kay Jesus. At baka masakit para sa Iskariote ang hindi makahiwalay kay Jesus at makapagpasikat sa mga nayon. Sila ay tiyak na nagmumukhang labis na nag-iisip nang sila ay umakyat sa terasa.

«Halikayo. Tingnan kung anong ganda ng tanawin ang makikita ninyo mula rito.» At tinuturo Niya ang iba't ibang tanawin. Ang matataas na makakahoy na mga bundok sa gawing hilagang-kanluran umuunat katulad ng isang gulugod mula hilaga hanggang timog. Ang isa sa mga ito sa likuran ng Ephraim ay isang tunay na higante pinanununghan ang iba pa. Sa gawing hilagang-silangan at timog-silangan ay may mababangis na paalun-alon na mga burol. Ang nayon ay nasa loob ng isang berdeng lambak na may patag na kaligiran sa malayo sa pagitan ng dalawang mas mataas at mas mababang kabit-kabit na mga bundok, na mula sa gitnang bahagi ng rehiyon ay bumababa patungo sa kapatagan ng Jordan. Sa pamamagitan ng isang bitak sa mas mabababang bundok posibleng makita ang berdeng kapatagan na sa ibayo nito ay dumadaloy ang asul na Jordan. Sa kasagsagan ng tagsibol ito ay maaaring isang magandang lugar, lahat berde at mataba. Sa kasalukuyan ang madilim na mga kulay ng mga ubasan at mga lootan ay napuputol ang berdeng mga bukid ng seryal, na ang malambot na mga tangkay nito ay sumisibol mula sa mga kimpal ng lupa, at ang luntian na mga pastulan na sinusustentuhan ng matabang lupa.

Kung ang nasa ibayo ng Ephraim ay tinawag na isang disyerto ni Juan, ang ibig sabihin nito na ang disyerto ng Judaea ay isang napaka banayad na disyerto, sa lugar man lamang na ito, o iyon ay isang disyerto man lamang dahil lamang ito ay walang mga nayon, puno lahat ng mga kakahuyan at mga pastulan sa gitna ng masayang bumubulubok na mga ilog, na ibang-iba sa lupain na malapit sa Dead Sea, isang tigang na lupain na tamang matatawag na isang «disyerto», dahil wala ritong mga tanim, maliban sa mabababang matitinik na pili-pilipit na punungkahoy na tumutubo sa mga disyerto sa pagitan ng kalat na mga bato at sa buhangin na sagana sa asin. Ngunit ang kaaya-ayang disyertong ito, na nasa kabila ng Ephraim, ay malawak na adornado ng mga ubasan, mga taniman ng mga punong olibo at mga lootan, at ang mga puno ng almendras ay ngayon ngumingiti na sa araw, nakakalat dito at doon katulad ng puting-rosas na mga bungkos, sa mga dalisdis na malapit nang matakpan ng mga bitin ng mga bagong usbong ng bagging.

«Ako ay halos tila nasa akin nang sariling bayan» sabi ni Judas.

«Ito ay nagmumukha rin katulad ng Jutah. Ang tanging kaibahan lamang ay doon ang ilog ay nasa ibaba sa kapatagan at ang bayan nasa itaas sa burol. Dito sa halip ang bayan ay tila nasa loob ng isang malawak na lambak na may ilog sa gitna. Isang kabukiran na mayaman sa mga baging! Maaaring maganda at malaki ang kita, para sa mga may-ari, na magkaroon ng ganyang lupain» wika ni Pedro.

«Ito ay nakasulat: “Harinawang ang kanyang lupain ay pagpalain ni Yahweh ng bunga ng kalangitan at ng mga hamog, ng mga bukal na bumubulwak ng tubig mula sa kalaliman, ng bunga na pinagpala ng araw at ng buwan, ng bunga mula sa mga tuktok ng matatandang bundok, ng bunga ng eternal na mga burol at ng saganang mga ani ng lupa”. At sa mga salitang iyan ng Pentateuch binabasi nila ang kanilang mapagmalaking pagmamatigas na pagtingin sa kanilang mga sarili na superyor. Ito ay ganito. Kahit na ang salita ng Diyos at ang mga regalo ng Diyos, kung ito ay bumaba sa mga puso na puno ng pagmamalaki, ay nagiging ang dahilan ng kasiraan. Hindi sa pamamagitan ng kanilang sariling kagagawan, bagkus dahil sa pagmamalaki na nagpápasamâ sa kanilang mabuting katas» sabi ni Jesus.

«Talaga. At ng sa makatarungan na Jose kinuha lamang nila ang kabangisan ng isang toro at ang leeg ng isang rhinoceros . Ayaw kong manatili rito. Bakit ayaw Ninyo akong makasama sa iba?» sabi ng Iskariote.

«Ayaw mo bang manatiling kasama Ako?» tanong ni Jesus, Na tumigil sa pagtingin sa tanawin at tumalikod upang tingnan si Judas.

«Gusto kong makasama Kayo, ngunit hindi ang mga mamamayan ng Ephraim.»

«Anong napaka pinong dahilan! At ano ang tungkol sa amin kung gayon? Dahil dadaanan namin ang Samaria at ang Decapolis – sapagkat wala kaming madadaanang iba bagkus ang mga lugar na ito sa loob ng panahon na itinalaga sa pagitan ng isang Sabbath at ng susunod – kami kaya ay maglalakad sa pagitan ng mga santo?» sabi ni Pedro, kinagagalitan si Judas na hindi tumutugon.

«Ano ang problema nito sa iyo kung sinuman ang malapit sa iyo, kung magagawa mong mahalin ang lahat sa pamamagitan Ko? Mahalin mo Ako sa iyong kapwa, at ang lahat na mga lugar ay magiging magkakapareho sa ganang iyo» sabi ni Jesus nang kalmante.

Si Judas ay hindi rin tumutugon sa Kanya.

«Isipin lang ito! Kinakailangan kong umalis... samantalang mas gugustuhin kong manatili rito. Pagkatapos man ng lahat... isipin kung ano ang aking magagawa. Ilagay man lamang si Felipe o ang Inyong kapatid bilang ulo ng grupo, Guro. Ako... hangga't ang kinakailangan kong sabihin ay: gawin natin ito, pumunta tayo sa lugar na iyon, magagawa ko pa. Ngunit kung ako ay kailangan na magsalita!... Masasayang ko ang lahat.»

«Ang pagsunod ay magagawa kang magawa mo ang lahat nang maayos. Kung ano ang ginagawa mo ay makapagpapasaya sa Akin.»

«Kung ganyan... kung iyan ay makapagpapasaya sa Inyo, makapagpapasaya iyan sa akin. Sapat na para sa akin na magawa Kayong masaya.  Ngunit ayón na sila! Sinabi ko na sa Inyo! Kalahati ng bayan ay papunta rito... Tingnan! Ang ulo ng sinagoga... ang kilalang mga tao... ang kanilang mga babae... ang mga bata at ang mga mamamayan!...»

«Bumaba tayo at salubungin sila» sabi ni Jesus at nagmadali Siyang pababa sa hagdanan tinatawag ang mga apostol upang makaalis sila sa bahay na kasama Siya.

Ang mga mamamayan ng Ephraim ay lumalapit na may mga tanda ng pinaka malalim na paggalang, at pagkatapos ng kinaugalian na mga pagbati, ang isa sa kanila, baka ang ulo ng sinagoga, ay nagsalita sa katauhan ng lahat: «Pagpalain nawa ang Kataastaasan para sa araw na ito, at pagpalain ang Kanyang Propeta Na pumunta sa amin sapagkat minamahal Niya ang lahat na tao sa ngalan ng Kataastaasang Diyos. Pagpalain nawa Kayo, Guro at Panginoon, dahil naalaala Ninyo ang aming mga puso at ang aming mga salita, at Kayo ay naparito upang magpahinga sa pagitan namin. Bubuksan namin ang aming mga puso at mga bahay sa Inyo, humihingi sa Inyo na magsalita sa amin para sa aming kalusugan. Pagpalain nawa ang araw na ito, sapagkat sa pamamagitan nito siya na tumatanggap sa Kanya nang may matuwid na espiritu ay makikita ang disyerto na mamumunga.»

«Ang sinabi mo, Malachi, ay tama. Siya na may alam na tumanggap nang may matuwid na espiritu sa Kanya Na dumating sa ngalan ng Diyos, ay makikita ang kanyang disyerto na mamumunga at ang matatag ngunit mabangis na mga tanim dito ay mapamumunga. Ako ay mananatiling kasama ninyo. At kayo ay pupunta sa Akin. Bilang mabubuting kaibigan. At ang Aking mga apostol ay dadalhin ang Aking salita sa mga makatatanggap nito.»

«Hindi ba Ninyo kami matuturuan, Guro?» tanong ni Malachi medyo nalulungkot.

«Ako ay naparito upang magnilay at magdasal, upang maihanda ang Aking Sarili para sa malalaking mangyayari sa hinaharap. Nalulungkot ka ba na pinili Ko ang inyong bayan para sa Aking katahimikan?»

«O! hindi. Ang pinaka pangyayari na nakikita Kayong nagdarasal ay magagawa kaming marunong. Salamat sa Inyo sa pagpili sa amin para sa pakay na iyan. Hindi namin Kayo gagambalain sa Inyong pagdarasal at hindi namin pahihintulutan ang Inyong mga kaaway na gambalain Kayo. Sapagkat alam na ng lahat kung ano ang nangyari at ang nangyayari sa Judaea. Magbabantay kami nang mabuti. At makukontento na kami sa Inyong salita kapag hindi ito makakasagabal para sa Inyo na ibigay sa amin. Tanggapin pansamantala ang aming mga regalo ng magiliw-na-pagtanggap sa Inyo.»

«Ako ay si Jesus at wala Akong tinatanggihan na sinuman. Kung kaya't tinatanggap Ko kung ano ang inyong hinahandog sa Akin upang patunayan sa inyo na wala Akong tinatanggihan na sinuman. Ngunit kung ibig ninyo Akong mahalin, mula ngayon ibigay sa mahihirap na tao ng nayon o sa mga dumaraan kung ano ang binibigay ninyo sa Akin. Nangangailangan lamang Ako ng kapayapaan at pagmamahal.»

«Nalalaman namin iyan. Nalalaman namin ang lahat. At tiyak na nararamdaman namin na maibibigay namin sa Inyo kung ano ang Inyong pangangailangan, upang magawa Kayong bumulalas: “Ang lupain na sana magiging para sa Akin katulad ng Ehipto, ibig sabihin kapighatian, ay naging para sa Akin, katulad ng para kay Jose ni Jacob, ang lupain ng kapayapaan at kaluwalhatian”.»

«Kung mahal ninyo ako sa pagtanggap ng Aking salita, iyan ang sasabihin Ko.»

Ang mga mamamayan ay inaabot ang kanilang mga regalo sa mga apostol at pagkatapos umalis, maliban kay Malachi at dalawa pang lalaki na nagsasalita kay Jesus sa mabababang tinig. Ang mga bata ay nananatili rin, nakuha ng dating panghalina na lumalabas mula kay Jesus; hindi nakikinig sa kanilang mga ina na tumatawag sa kanila, at sila ay umalis lamang pagkatapos na sila ay hinaplos at pinagpala ni Jesus. Pagkatapos, kasing tabil ng mga golondrina, sila ay tumatakbong umalis, sinusundan ng tatlong mga lalaki.

040212

 

 


Sunod na kabanata