551. Si Jesus Iginagalang ang Alituntunin ng Pagmamahal Nang Higit pa sa Batas ng Sabbath.

Enero 11, 1947.

Ang sampung apostol, pagod at puno ng alikabok, ay nakabalik sa bahay. Nang binati sila ng babae binubuksan ang pinto, tinanong nila siya kaagad: «Nasaan ang Guro?»

«Sa palagay ko Siya ay nasa kakahuyan, nagdarasal katulad ng dati. Lumabas Siya nang napaka-aga kaninang umaga at hindi pa bumabalik.»

«At wala bang sinuman ang pumunta at hanapin Siya? Ano ang ginagawa ng dalawang iyon?!» sigaw ni Pedro nang balisá.

«Huwag kang mabalisa, mamâ. Siya ay ligtas sa pagitan namin, katulad na Siya ay magiging ligtas sa loob ng bahay ng Kanyang Ina.»

«Ligtas! Siyempre! Naaalaala mo ba si Juan Bautista? Siya ba ay naging ligtas?»

«Hindi siya naging ligtas sapagkat hindi niya nababasa ang mga puso ng mga nakakausap niya. Ngunit kung iyon ay ipinahintulot ng Kataastaasan para kay Juan Bautista, tiyak na hindi Niya ito ipahihintulot para sa Kanyang Mesiyas. Kailangan na paniwalaan mo iyan nang higit pa sa paniniwala ko, dahil ako ay isang babae at isang Samaritano.»

«Tama si Maria. Ngunit saan kaya Siya pumunta nang eksakto?»

«Hindi ko alam. Kung minsan sa isa Siya pumupunta, kung minsan sa iba Siya pumupunta. Kung minsan Siya ay lubos na nag-iisa, kung minsan kasama Niya ang mga bata na giliw na giliw sa Kanya. Tinuturuan Niya sila na magdasal sa pagkakakita sa Diyos sa lahat na mga bagay. Maaaring Siya ay nag-iisa ngayon sapagkat hindi Siya bumalik kaninang tanghali. Kapag ang mga bata ay kasama Niya, lagi Siyang bumabalik sapagkat sila ay maliliit na ibon na gustong mapakain sa tamang oras...» sabi ng matandang babae ngumingiti, dahil naaalaala niya siguro ang kanyang sampung mga anak, at pagkatapos siya ay nagbuntung-hininga... sapagkat ang lugod at kapighatian ay lahat nasa mga alaala ng pamumuhay ng isang tao.

«At si Judas at Juan, nasaan sila?»

«Si Judas ay pumunta sa pontanya, si Juan upang kumuha ng mga panggatong na kahoy. Wala nang natira sa akin dahil naubos ko ang lahat sa paglalaba sa lahat ng inyong mga damit upang madala ninyo itong malinis pag-alis ninyo.»

«Gantimpalaan sana kayo ng Diyos, ina. Nagagawa namin kayo na magtrabaho nang mahirap...» sabi ni Tomas pinapatong ang kanyang kamay sa manipis na nakabaluktot na balikat ng babae, dahil ibig niya siyang haplusin.

«O!... hindi ito mahirap na gawain. Pakiramdam ko nagkaroon ako muli ng mga anak...» sabi niya ngumingiti muli habang ang mga luha ay nagsisimulang magningning sa kanyang malalalim na mata.

Si Juan ay pumasok nakabaluktot sa ilalim ng isang malaking bigkis ng mga panggatong, at ang kung baga madilim na koridor ay tila nagliliwanag habang pinapasok niya ito. Lagi kong napupuna ang kaningningan na tila lumiliwanag saan man si Juan napupunta. Ang kanyang parang-batang ngiti na napaka lambing at dalisay, ang kanyang malilinaw na mata na ngumingiting katulad ng kalangitan sa April, ang kanyang malugod na tinig na napaka madamdamin sa pagbabáti sa kanyang mga kasamahan, ay katulad ng mga sinag-ng-araw o ng isang bahaghari ng kapayapaan. Ang lahat ay mahal siya maliban si Judas ng Kerioth; hindi ko alam kung minamahal o kinapopootan niya siya, ngunit tiyak na kina-iinggitan niya siya, madalas pa nga niya siyang lokohin at saktan kung minsan. Ngunit si Judas sa pansamantala ay wala rito.

Tinutulungan nila siya na mailapag ang kanyang dala-dala at tinanong nila siya kung saan maaaring napapunta si Jesus. Si Juan ay medyo kinabahan din tungkol sa pagka-antala. Ngunit, nagtitiwala sa Diyos nang higit pa kaysa sa iba, sinabi niya: «Ang Kanyang Ama ay ilalayo Siya mula sa kasamaan. Kailangan natin na maniwala sa Panginoon.» At dinagdag niya: «Ngunit... halikayo. Kayo ay mga pagod at puno ng alikabok. Naghanda kami ng pagkain at mainit na tubig para sa inyo. Halikayo...»

Si Judas ng Kerioth ay bumalik din dala ang kanyang mga tumutulo pang mga pitsel. «Kapayapaan sa inyo. Nagkaroon ba kayo ng mabuting paglalakbay?» tanong niya, ngunit walang kabaitan sa kanyang tinig. Ito ay may halo ng panunuya at kawalang-kasiyahan.

«Oo. Nagsimula kami mula sa Decapolis.»

«Dahil natatakot kayo na pagbabatuhin o mahawahan?» tanong nang may panunuya ng Iskariote.

«Hindi namin kinatakutan ang kahit alin diyan. Ginawa namin iyon dala ng kahinahunan bilang mga baguhan. At ang mungkahi ay ginawa ko, na – ayaw kitang kagalitan sa kahit na ano – namuti na ang buhok sa mga pergamino» sabi ni Bartolomeo.

Si Judas ay hindi tumutugon. Iniiwan niya ang kusina kung saan ang mga apostol na kababalik pa lamang ay nagpapahinga at kumakain ng kung ano ang naihanda na.

Si Pedro ay tinitingnan ang Iskariote na umaalis at iniiling niya ang kanyang ulo. Ngunit hindi siya nagsasalita ng kahit na ano. Si Tadeo sa halip ay hinatak ang mga manggas ni Juan at nagtanong: «Papaano siya umasal sa nakaraang mga araw na ito? Lagi bang masamâ ang timpla? Maging prangko...»

«Ako ay laging sinsiro, Judas. Ngunit matitiyak ko sa iyo na wala siyang ginawang kahit anong problema. Ang Guro ay halos laging nakahiwalay. Nananatili akong kasama ang matandang babae, at pinakikinggan ko ang mga dumarating na tao upang magsalita sa Guro, at pagkatapos sinasabi ko sa Kanya. Si Judas sa halip umiikot sa nayon. Nakagawa siya ng ilang mga kaibigan... Ano ang magagawa natin! Siya ay katulad lamang niyan... Hindi siya makapamuhay nang panatag, katulad nang ginagawa natin...»

«Sa ganang akin magagawa niya ang gusto niya. Masaya na ako huwag lamang siyang gagawa ng ikalulungkot.»

«Hindi. Hindi niya ginagawa iyan. Siya ay tiyak na napapagod. Ngunit... Naririto na ang Guro! Napapakinggan ko ang Kanyang tinig. Siya ay nagsasalita sa isang tao...»

Sila ay nagmadaling lumabas at nakita si Jesus na dumarating, sa loob ng lumalalim na takipsilim, may kargang dalawang bata at may nakakapit sa Kanyang manta, at Kanya silang pinagiginhawahan dahil sila ay umiiyak.

«Pagpalain Kayo ng Diyos, Guro! Ngunit saan Kayo nanggaling sa mga oras na ito?»

Si Jesus sa Kanyang pagpasok ay tumugon: «Galing Ako sa mga mandarambong sa lansangan. Nakuha Ko rin ang Aking nagustuhan. Naglakad Ako pagkaraan ng paglubog-ng-araw, ngunit patatawarin Ako ng Aking Ama sapagkat ginawa Ko ang isang gawain ng awa... Juan, at ikaw, Simon, kunin sila... Ang Aking mga kamay ay sumasakit sa kapaguran... Ako ay talagang pagod.» Siya ay naupo sa isang bangkito malapit sa paapuyan. Siya ay ngumingiti: Siya ay pagod ngunit masaya.

«Mula sa mga mandarambong? Ngunit saan Kayo nanggaling? Sino ang mga bantang ito? Kayo ba ay may kinain man lamang? Ngunit nasaan Kayo noon? Hindi mabuti ang nasa labas pagdating ng dilim at napakalayo!... Kami ay nag-aalala. Wala ba Kayo sa loob ng kakahuyan?» nagtatanong sila nang sabay-sabay.

«Wala Ako sa kakahuyan. Naglakad Ako pagawing Jericho...»

«Hindi maganda ang ginawa Ninyo! Maaari Kayong nakatagpo ng napopoot sa Inyo!» sabi ni Tadeo kinagagalitan Siya.

«Kinuha Ko ang daan na sinabi nila sa atin. Matagal Ko nang gustong pumunta roon... May mga kaawa-awang sawing-palad doon na kailangan na matubos. Hindi sila makagagawa ng masakit sa Akin. At pumunta Ako nang tamang-tama sa oras para sa mga batang ito. Bigyan sila ng makakain. Hindi sa palagay Ko na sila ay may kinain man lamang, sapagkat natatakot sila sa mga mandarambong sa lansangan. At wala Akong dalang pagkain. Kung Ako man lamang sana ay nakatagpo ng isang pastol!... Ngunit dahil sa parating na Sabbath ang lahat na mga pastulan ay walang mga tao...»

«Siyempre! Tayo lamang ang mga tao na sa ilang mga araw ay hindi nasusunod ang Sabbath...» wika ni Judas ng Kerioth na laging maigting magsalita.

«Ano ang sinasabi mo? Ano ang ibig mong palabasin?» lahat sila ay tinatanong siya.

«Ang sinasabi ko ay sa loob ng dalawang Sabbath tayo ay nagtatrabaho pagkalipas ng paglubog-ng-araw.»

«Judas, nalalaman mo kung bakit kinailangan natin na magpatuloy sa paglalakad noong nakaraan na Sabbath. Ito ay hindi laging ang kasalanan ng tao na nakagagawa ng pagkakasala, bagkus ang kasalanan din ng mga tao na pumipilit sa kanya na magkasala. At ngayong araw... alam Ko. Gusto mong sabihin sa akin na sa araw din na ito ay nalabag Ko ang Sabbath. Ang Aking tugon ay kung dakila ang batas ng pagpápahinga sa araw ng Sabbath, napakadakila ang alituntunin ng pagmamahal. Hindi Ko kailangan na pangatwiranan Ko ang Aking sarili sa iyo. Ngunit ginagawa Ko ito upang maturuan kayo ng kababaang-loob, pagpapakumbaba at ng dakilang katotohanan na sa pagkakataon ng isang banal na pangangailangan kailangan na gamitin ng isa ang kaelastikuhan ng espiritu. Ang ating kasaysayan ay maraming halimbawa ng ganyang pangangailangan. Nang sumikat ang araw nagpagawi Ako sa mga kabundukan ng Adumin, sapagkat nalalaman Ko na mayroong ilang mga kaawa-awang sawing-palad doon, na ang kaninong mga kaluluwa ay apektado ng ketong ng krimen. Umaasa Akong matagpuan Ko sila, makapagsalita sa kanila at makabalik bago lumubog ang araw. Nakita Ko sila. Ngunit hindi Ko nagawang makapagsalita sa kanila, sapagkat may ibang mga bagay pang kailangang sabihin... Natagpuan nila ang tatlong mga batang ito umiiyak sa may pamasukan ng isang abang kulungan ng mga tupa sa kapatagan. Sila ay pumunta noong gabing iyon upang magnakaw ng ilang mga tupa at upang pumatay din, kung ang pastol ay lumaban. Ang kirot gawa ng pagkagutom ay nakamamatay sa mga kabundukan sa panahon ng taglamig... At kapag ito ay nararamdaman ng mga malulupit na puso, nagagawa nito ang mga tao na maging mas mababangis pa kaysa sa mga lobo. Ang mga batang ito ay naroroon kasama ang isang maliit na pastol matanda lamang nang kaunti kaysa sa kanila, ngunit kasing takot katulad nila. Ang ama ng mga bata, hindi Ko alam kung bakit, ay namatay noong gabing iyon. Baka siya ay nakagat ng kung anong hayop, o dahil sa sakit sa puso... Ang kanyang malamig na bangkay ay nakahiga sa mga dayami malapit sa mga tupa. Ang pinaka-matandang anak na natutulog sa tabi niya, ay nalaman ito. Kung kaya't ang mga mandarambong, sa halip na makagawa ng pananalakay, ay nakatagpo ng isang patay na tao at apat na umiiyak na bata. Iniwan nila ang patay at pinalayas ang maliit na pastol, at sa dahilan na kahit na sa pinaka masasamang tao ay maaaring magkaroon din ng habag na mahirap na mapantayan, isinama rin nila ang mga bata... Natagpuan Ko sila habang nag-uusap-usap kung ano ang kailangan na gawin. Ang mas mababangis ay gustong patayin ang sampung-taong gulang na batang lalaki, na siyang delikadong saksi sa kanilang pagnanakaw at pagtatago sa lugar; ang hindi masyadong mababangis ay gustong palayasin siya sa pamamagitan ng pananakot sa kanya at gusto nilang kunin ang kawan ng mga tupa. Lahat sila ay gustong kunin ang maliliit na bata.»

«Upang gawin ang ano? Wala ba silang pamilya?»

«Patay na ang kanilang ina. Iyan kung kabit sinama sila ng tatay nila sa taglamig na mga pastulan, at siya ay pabalik na patungo sa kanyang malungkot na tahanan tinatawid ang mga kabundukan na ito. Maaari Ko bang iwanan ang maliliit na ito sa mga mandarambong upang mapalaki silang katulad nila? Ako ay nagsalita sa kanila... Sa buong katotohanan sasabihin Ko sa inyo na naintindihan nila Ako nang higit pa kaysa sa iba pang maraming tao. Kung kaya't nangyari na iniwan nila sa Akin ang maliliit na bata at bukas dadalhin nila ang maliit na pastol sa daan na patungong Shechem. Sapagkat ang mga kapatid na lalaki ng ina ng mga bata ay naninirahan sa bahaging iyon ng kabukiran. Pansamantala tinanggap Ko ang mga bata. Kukupkupin Ko sila hanggang dumating ang mga kamag-anak nila.»

«At natutuwa Kayo na ang mga mandarambong...» sabi ng Iskariote at siya ay tumatawa...

«Nakatitiyak man lamang Ako na hindi nila sasaktan ang maliit na pastol. Sila ay masasamâ. Kailangan na hindi natin sila husgahan kung bakit sila ganyan, bagkus kailangan na magsikap tayo na sila ay mailigtas. Ang isang mabuting gawain ay maaaring ang simula ng kanilang kaligtasan...» iniyuko ni Jesus ang Kanyang ulo, buhós sa pag-iisip tungkol sa kung ano na hindi ko alam.

Ang mga apostol at ang matandang babae ay nag-uusap-usap kinahahabagan ang natatakot na mga bata na kanilang pinagsisikapan nang husto na mapaginhawahan...

Tiningala  ni Jesus ang Kanyang ulo nang marinig Niya ang pinaka-bunso, isang moreno na halos wala pang tatlong taong gulang, na nagsimulang umiyak, at sinabi Niya kay Santiago, na inaabala ang sarili nang walang mangyari sa pagbigay sa bata ng ilang gatas: «Ibigay mo sa Akin ang bata at lumakad at kunin mo ang Aking bag...» at Siya ay ngumingiti habang ang maliit na bata ay kumakalmante sa ibabaw ng Kanyang mga tuhod at may-katakawan na iniinom ang gatas na kanyang tinanggihan kanina. Ang ibang mga bata, na mga mas nakatatanda, ay kinakain ang sopas na inilagay sa harapan nila, ngunit ang mga luha ay dumadaloy mula sa kanilang mga mata.

«Kaawa-awa! Gaanong kahirapan! Ngayon! Makatwiran na tayo ay maghirap, ngunit ang inosenteng mga bata!...» sabi ni Pedro na hindi matagalan na makita ang mga bata na maghirap.

«Ikaw ay isang makasalanan, Simon. Kinagagalitan mo ang Diyos» pagtunghay ng Iskariote.

«Maaaring ako ay makasalanan. Ngunit hindi ko kinagagalitan ang Diyos. Sinasabi ko lamang... Guro, bakit ang mga bata ay kailangan na maghirap? Wala silang nagawang kahit anong kasalanan.»

«Ang lahat ay nagkasala, ang orihinal na kasalanan man lamang» sabi ng Iskariote.

Si Pedro ay hindi sa kanya tumutugon. Hinihintay niya ang tugon ni Jesus.  At si Jesus, Na inuugoy na makatulog ang bata na nabusog na at inaantok, ay nagsabi: Simon, ang kapighatian ay ang resulta ng kasalanan.»

«O sige. Kung gayon... pagkatapos na maalis Ninyo ang kasalanan, ang mga bata ay hindi na ulit maghihirap pa.»

«Maghihirap pa rin sila. Huwag kang maiskandalo, Simon. Ang kapighatian at kamatayan ay palaging mapupunta sa Lupa. Ang purung-purong mga tao rin ay naghihirap at maghihirap. Hindi, bagkus, sila ang mga maghihirap sa katauhan ng lahat. Ang mga biktima na katanggap-tanggap sa Panginoon.»

«Ngunit bakit? Hindi ko maintindihan...»

«Maraming mga bagay ang hindi ninyo maintindihan sa ibabaw ng Lupa. Kailangan man lamang ninyong maniwala na iyan ang ginugusto ng perpektong Pagmamahal. At kapag ang Grasya na naibalik na sa mga tao ay nagawang malaman ng pinakabanal na mga tao ang nakatagong mga katotohanan, diyan makikita ng isa na gugustuhin ng pinakabanal na mga tao na sila ay maging mga biktima, sapagkat maiintindihan na nila ang kapangyarihan ng kapighatian... Ang bata ay nakatulog na. Maria, maaari mo bang kunin na siya?»

«Sigurado, Guro. Sinasabi namin: ang isang natatakot na bata ay natutulog nang kaunti at umiiyak nang labis, at ang isang ibon na walang pugad ay nangangailangan ng makainang pakpak. Ang aking kama ay isang napakalaking kama ngayon na ako na lamang ang tanging humihiga dito. Ilalagay ko ang mga bata dito at babantayan sila. Ang ibang mga ito ay malapit na ring makatulog at makalimutan ang kanilang pamimighati. Halikayo, atin silang ilagay sa kama.»

Kinuha niya ang maliit na bata mula sa lapi ni Jesus at lumabas siya sinusundan nina Pedro at Felipe habang si Santiago ni Zebedeo ay bumabalik upang kunin ang bag ni Jesus.

Binuksan ni Jesus ang bag at may hinahanap sa loob. Inilabas Niya ang isang mabigat na tunika, iniladlad ito at tinitingnang mabuti ang lapad nito. Siya ay hindi nasisiyahan. Hinahanap Niya ang isang manta na may katulad na kulay ng tunika. Itinabi Niya ang mga ito, sinasara ang bag at isinauli ito kay Santiago.

Si Pedro ay bumalik kasama si Felipe. Ang matandang babae ay nanatiling kasama ang tatlong mga bata at nakita kaagad ni Pedro ang mga damit na nakaladlad at nakatabi at nagtanong siya: «Papalitan ba Ninyo ang Inyong mga damit, Guro? Pagod na katulad Ninyo, ang isang mainit-init na paligo ay magpapalakas sa Inyo. Mayroong mainit na tubig at paiinitan namin ang Inyong mga damit, pagkatapos maghahapunan tayo at matutulog. Ang kuwento tungkol sa kaawa-awang mga batang ito ay nakaantig sa akin nang labis...»

Si Jesus ay ngumingiti ngunit hindi Siya nagsasalita tungkol sa bagay na ito. Sinabi lamang Niya: «Ating papurihan ang Panginoon Na siyang nagdala sa Akin dito nang nasa oras upang mailigtas ang inosenteng mga bata.» Pagkatapos Siya ay naging tahimik, at kitang-kita na Siya ay pagod...

Ang matandang babae ay bumalik dala ang mga damit ng mga bata. «Kailangan itong mapalitan... Punit-punit at marurumi ito... Ngunit wala na sa akin ang mga damit ng aking mga anak upang mapalitan ang mga ito. Lalabhan ko sila bukas...»

«Hindi, ina. Kapag tapos na ang Sabbath gagawa kayo ng tatlong maliliit na damit mula sa damit Ko...»

«Ngunit, Panginoon, nalalaman ba Ninyo na Kayo ay may tatlong tunika na lamang na naiiwan? Kung ibibigay Ninyo ang isa, ano na ang maiiwan sa Inyo? Si Lazarus ay wala rito, katulad noong binigay Ninyo ang Inyong manta sa ketongin na babae!» sabi ni Pedro.

«Hindi na bale! May matitira pang dalawa, at napakarami na nito para sa Anak ng tao. Kunin ito, Maria. Bukas sa pagsikat ng araw sisimulan mo ang iyong trabaho, at ang Inuusig na Isa ay magbubunyi sa pagtulong sa mahihirap na ang kaninong mga alalahanin ay nauunawaan Niya.»

300312

 

 


Sunod na kabanata