563. Si Samuel, si Judas ng Kerioth at si Juan. Ang Parabula Tungkol sa mga Pukyutan.

Pebrero 10, 1947.

Si Jesus ay nag-iisa pa rin, nakalubog sa pag-iisip, habang naglalakad nang dahan-dahan patungo sa makapal na kakahuyan sa kanluran ng Ephraim. Ang lumalagaslas na ingay ng tubig ay tumataas mula sa ilog at ang mga awit ng mga ibon ay naririnig mula sa mga punungkahoy. Ang matingkad na sikat ng araw ng tagsibol ay kaaya-aya sa ilalim ng mga sanga, at tahimik ang yapak sa mayabong na damuhang alpombra. Ang mga sinag ng araw ay pumoporma ng isang magalaw na alpombra ng mga siklo o ginintuang mga pira-piraso ng liwanag sa berdeng damo at ang ilang mga bulaklak na natatakpan pa ng hamog ay nagniningning na tila ang kanilang mga petalo ay mamahaling mga kaliskis, kapag ang isang pabilog na liwanag ay tumatama sa kanila habang ang lahat as paligid ay anino.

Si Jesus ay nagpapatungo sa isang ungos na nakausling katulad ng isang balkonahe sa itaas ng isang walang-laman na espasyo sa ilalim. Isang balkonahe sa ibaba kung saan ang isang malaking puno ng terebinto ay tumutubo, at mula kung saan ang nababanat na mga sanga ng layas na mga blackberry, o mga dogrose, o ivy at mga clematis ay nakabitin, dahil wala silang makitang lugar o mga suporta sa kanilang kinalalagyang lugar, napakakipot para sa kanilang labis-labis na kasiglahan, at sila’y nakabitin katulad ng lugaygay na magulong buhok at sila’y kumakalat umaasang makakita ng makakapitan.

Ngayon si Jesus ay kalebel na ang ungos. Kumikilos Siyang papunta sa pinakadulo ng umuusling bahagi, hinahawi ang sabid-sabid sa mga palumpong . Ang isang kawan ng mga ibon ay umalis na lumipad nang nagsisiyapang sa takot. si Jesus ay tumigil pinagmamasdan ang lalaki na nauna na sa Kanya roon at, nakadapa sa damo, halos na sa gilid ng ungos, ang kanyang mga siko nakatukod sa lupa, ang lalaki ay tinitingnan ang espasyo sa harapan, pagawing Herusalem. Ang lalaki ay si Samuel, ang dating tagasunod ni Jonathan ben Uziel. Siya ay nag-iisip. Siya ay nagbubuntung-hininga. Iniiling niya ang kanyang ulo...

Inuga ni Jesus ang ilang mga sanga upang makuha ang kanyang pansin at, nakikita na ang Kanyang pag-uga ay walang mangyari, pumulot Siya ng isang bato mula sa damuhan at pinagulong itong pababa sa landas. Ang ingay ng bato na tumatalbog nang pababa sa dalisdis ay nagising ang bata-pang lalaki, na tumalikod nang nasorpresa nagsasabing: «Sino ang nandiyan?»

«Ako ito, Samuel. Naunahan mo Ako sa isa sa mga lugar kung saan mas gusto Kong magdasal» sabi ni Jesus pinapakita ang Kanyang Sarili mula sa likuran ng isang malaking puno ng terebinto na tumutubo sa gilid ng maliit na landas at ginagawa Niya ito na tila Siya ay kararating pa lamang.

«O! Guro! Ikinalulungkot ko... Ngunit iiwanan ko na kaagad na libre ang lugar» sinabi niya nang tumatayo at nagmamadali at pinupulot ang kanyang manta na kanyang hinubad at inilatag sa lupa upang higaan ito.

«Hindi. Bakit? Kasya ang dalawa diyan. Ang lugar ay napakaganda! Hiwalay na hiwalay, nag-iisa, nakabitin sa itaas ng walang-lamang espasyo, labis-labis ang liwanag at may ganito kalawak na tanawin! Bakit gusto mo itong iwanan?»

«Bueno, upang maging libre Kayo sa pagdarasal...»

«At hindi ba natin magagawa ang ganyan nang magkasama, o nagninilay, nagkukuwentuhan, itinataas ang ating mga espiritu sa Diyos... kinakalimutan ang mga tao at ang kanilang mga kakulangan, iniisip ang Diyos, ang ating Ama at ang mabuting  Ama ng lahat na mga naghahanap at nagmamahal sa Kanya nang may mabuting kalooban?»

Si Samuel ay nagpakita ng pagkasorpresa nang sinasabi ni Jesus: «kinakalimutan ang mga tao at ang kanilang mga pagkukulang...» Ngunit wala siyang sinasabing kahit ano. Siya ay naupo muli.

Si Jesus ay naupo sa tabi at nagsabi sa kanya: «Maupo ka rito. At magsama tayo. Kita mo kung gaano kalinaw ang tanawing ngayon. Kung mayroon tayo ng mga mata ng isang agila makikita natin ang mapuputing nayon sa mga tuktok ng mga bundok sa paligid ng Herusalem. At baka makakakita tayo ng isang lugar na nagniningning katulad ng isang hiyas-na-bato sa ere at magagawa niyan ang ating mga puso na tumibok: ang ginintuang mga simboryo ng Bahay ng Diyos... Tingnan. Naroon ang Bethel. Nakikita mo ang mapuputing bahay nito at ayón, sa kabila ng Bethel, ay naroon ang Beeroth. Gaano naging tusong matalisik ang mga naninirahan sa lugar na iyon at sa mga karatig-pook nito! Ngunit naging mabuti ang kinalabasan nito, bagama't ang pandaraya ay hindi kailanman nagiging isang mabuting sandata. Naging mabuti ang kinalabasan nito sapagkat nailagay sila nito sa pakikipaglingkod sa totoong Diyos. Lagi nang mas mabuti ang mawalan ng mga karangalang pantao upang tamuhin ang pagkakálapit sa dibinidad. Kahit na kung ang mga pantaong karangalan ay marami at mahalaga, at ang pagkakálapit sa dibinidad ay hamak at di-tanyag. Tama ba iyon?»

«Oo, Guro. Ang sinasabi Ninyo ay tama. Iyan ang nangyari sa akin.»

«Ngunit ikaw ay malungkot, bagama't ang pagbabago ay kailangan na magawa kang masaya.  Ikaw ay malungkot. Ikaw ay naghihirap. Namumuhay ka nang nag-iisa. Tinitingnan mo ang mga lugar na iyong iniwan. Nagmumukha kang katulad ng isang nakukulong na ibon na, nakadiin sa mga baras ng kulungan nito, tinitingnan nang may labis na pagsisisi ang lugar na minahal nito. Hindi Ko hinihingi sa iyo na gawin iyan. Ikaw ay malaya. Makakalakad ka at...»

«Panginoon, si Judas ba kaya ay nagsalita ng masama tungkol sa akin na Kayo ay nagsasalita nang ganyan?»

«Hindi, si Judas ay hindi nagsalita sa Akin. Hindi siya nagsalita sa Akin, ngunit siya ay nagsalita sa iyo. Iyan kung bakit ka malungkot. At namumuhay ka nang mag-iisa dahil nalulungkot ka sa puso gawa niyan.»

«Panginoon, kung nalalaman Ninyo ang lahat na iyan, bagama't walang sinuman ang nagbanggit sa Inyo, maaaring nalalaman din Ninyo na ako ay nalulungkot hindi dahil sa gusto ko kayong iwanan, na pinagsisisihan ko na ako ay nakumberti, o dahil gusto kong makabalik sa nakaraan... o dahil natatakot ako sa mga tao, dahil gusto nilang ihasik ang takot ng kanilang mga kaparusahan sa akin. Tinitingnan ko ang banda roon. Iyan ay totoo. Nakatingin ako pagawing Herusalem. Ngunit hindi sa nananabik akong makabalik doon. Ang ibig kong sabihin: ang makabalik doon katulad ng dati ako noon. Sapagkat ako ay tiyak na nananabik, katulad ng lahat, na makabalik bilang isang Israelita na gustong makapasok sa Bahay ng Diyos at sambahin ang Kataastaasan, at sa palagay ko hindi Ninyo ako kagagalitan para diyan.»

«Ako ang una, sa Aking dobleng Kalikasan, na maghanap para sa altar na iyan at gusto Kong mapaligiran ito ng kabanalan, katulad na ito ang nababagay diyan. Bilang ang Anak ng Diyos, ang lahat na nagpaparangal sa Kanya ay  isang matamis na tinig sa Akin, at bilang ang Anak ng tao, bilang isang Israelita, at kung gayon isang Anak ng Batas, tinitingnan Ko ang Templo at ang altar bilang ang pinaka sagradong lugar sa Israel, kung saan ang atin pagkatao ay makalalapit sa Dibinidad at mangamoy ng ere na pumapaligid sa trono ng Diyos. Hindi Ko inaalis ang Batas, Samuel. Iyan ay sagrado sa Akin sapagkat iyan ay binigay ng Aking Ama. Piniperpekto Ko ito at kinukumpleto ng bagong mga piyesa. Bilang ang Anak ng Diyos magagawa Ko iyan. Ang Aking Ama ay pinadala Ako para diyan. Naparito Ako upang itatag ang espirituwal na Templo ng Aking Simbahan, na laban sa Templong ito walang mga tao o mga dimonyo ang maaaring mangibabaw. At ang mga talaan ng Batas ay magkakaroon ng lugar ng karangalan sa loob nito, sapagkat sila ay eternal, perpekto, di-magagalaw. Ang kautusan na “huwag gawin ang kasalanan na ito o iyon” na nasa mga talaan na iyan, na sa kamalayan ng gumawa nito ay nilalaman ang kung ano ang kinakailangan upang maging makatarungan sa mga mata ng Diyos, ay hindi kinakansela ang Aking salita. Sa kabaligtaran! Ibinibigay Ko rin sa inyo ang sampung mga kautusan na iyon. Sinasabi Ko lamang sa inyo na sundin sila nang may perpeksiyon, ibig sabihin, hindi dahil sa takot sa galit ng Diyos sa inyo, bagkus dala ng pagmamahal para sa Diyos Na siyang inyong Ama.  Ako ay naparito upang ilagay ang inyong mga kamay ng mga tao sa mga kamay ng inyong Ama. Dahil sa gaano karaming mga siglo ang mga kamay na iyon ay nagkahati-hati! Ang kaparusahan ay nahati sila. Ang kasalanan ay nahati sila. Ngayon ang Tagapagtubos ay dumating, ang pagkakasala ay malapit nang kanselahin. Ang mga hadlang ay bumabagsak. Kayo ay sa muli mga anak na ng Diyos.»

«Iyan ay totoo. Kayo ay mabuti at nakakapagpaginhawa. Lagi. At nalalaman Ninyo. Kung kaya't hindi ko sasabihin sa Inyo ang aking inaalala. Ngunit tinatanong ko Kayo: bakit ang mga tao ay napakasamâ, baliw at tanga? Papaano at sa pamamagitan ng anong mga bagay naiimpluwensiyahan nila tayo nang may-kadimonyohan upang gumawa ng masasamang bagay? At papaano tayo nagiging mga dimonyong katulad niyan? At mamilit kapag ang isa ay malapit sa Inyo? Ako ay nakatingin doon at iniisip ko... Oo. Iniisip ko kung gaano karaming mga agos ng lason ang lumalabas mula doon upang mabalisa ang mga anak ng Israel.  Tinitingnan ko kung papaano ang karunungan ng mga rabbi naidudugtong sa labis na kasamaan na nangangatawan nang mali sa mga bagay upang maloko ang mga tao. Iniisip ko ang lahat na iyan, sapagkat...» Si Samuel, na nakapagsalita nang madamdamin, ay tumigil at iniyuko ang kanyang ulo.

Si Jesus ay tinapos ang pangungusap: «... sapagkat si Judas, ang Aking disipulo, ay kung ano siya, at pinamimighati niya Ako at ang mga nasa paligid Ko o ang lumalapit sa Akin. Alam Ko. Sinisikap ni Judas na mapaalis ka dito at gumagawa siya ng mga pahiwatig at mga panunuya sa iyo...»

«Hindi lamang sa akin. Oo. Nilalason niya ang aking lugod ng paglapit sa hustisya. Nilalason niya ito nang napakagaling na sa isip ko katulad ko ang isang traydor dito, pinagtataksilan Kayo at ang aking sarili. Ang aking sarili, sapagkat binobola  ko ang aking sarili na ako ay mas magaling, samantalang ako ang magiging dahilan ng Inyong pagkasira. Sa katotohanan hindi ko pa nakikilala ang aking sarili magpahanggang ngayon... at kung sakaling masalubong ko ang mga taga-Templo baka masira ako sa aking pinangangatawanan at maging... O! kung nagawa ko iyon noon, nagkaroon sana ako ng dahilan na hindi ko Kayo nakikilala, sapagkat ang alam ko sa Inyo ay kung ano ang sinabi sa akin upang ako ay maging isang sumpang tao. Ngunit kung ginawa ko ito ngayon! Anong sumpa ang magiging  sa traydor ng Anak ng Diyos! Ako ay narito... Nag-iisip, oo. Iniisip ko kung saan ako maaaring tumakbo upang mailigtas ko ang aking sarili sa aking sarili at sa kanila. Iniisip ko ang pagtakbo sa isang malayong lugar, upang samahan ang mga taga-Diaspora... Umalis, umalis sa malayo, upang mapigilan ang dimonyo na gawin akong magkasala... Tama ang Inyong apostol sa hindi pagtiwala sa akin. Kilala niya ako, sapagkat kilala niya kaming lahat sa pagkilala sa aming mga Lider... At tama siya sa pagdududa tungkol sa akin. Kapag sinasabi niya: “Hindi mo ba nalalaman na sinasabi Niya sa amin na kami ay kailangan na maging mahina? Isipin na lamang: kami ay Kanyang mga apostol at matagal na Niyang nakakasama. At ikaw, nahawahan na katulad mo ng lumang Israel, ay kararating pa lamang, at dumating kung kailan ang mga sirkunstansiya ay nagagawa kaming manginig, sa palagay mo ba mayroon kang sapat na lakas na manatiling makatarungan?” kapag sinasabi niya ang ganito siya ay tama.» Ang lalaki ay pinanghihinaan ng loob at itinutungo ang kanyang ulo.

«Gaanong kalungkutan ang binibigay ng mga anak ng mga tao sa kanilang mga sarili! Talagang alam ni Satanas kung papaano gamitin ang kanilang disposisyon na iyan upang takutin sila nang ganap at maihiwalay sila sa Lugod na dumarating upang mailigtas sila. Sapagkat ang kalungkutan ng espiritu, ang takot sa búkas at mga alalahanin ay laging ang mga armas na inilalagay ng tao sa mga kamay ng kanyang kaaway, na nananakot sa kanya sa pamamagitan ng gayon ding mga pantasma na iniimahina mismo ng tao. At may ibang mga tao na talagang nakikipag-alyansa kay Satanas upang tulungan siyang takutin ang kanyang mga kapatid. Ngunit, Aking mahal na anak, wala bang isang Ama sa Langit? Isang Ama, Na katulad na ang bitak na ito sa bato ay nagtutustos para sa damong ito – ang bitak na ito puno ng lupa na nasa isang lugar na ang singaw ng mga hamog na dumadaloy sa makinis na bato ay naiipon sa manipis na ukang ito, upang sana ang munting damong ito ay mabuhay at mamulaklak ng munting bulaklak na ito, na hindi mahuhuli sa kagandahan nito kaysa sa kagandahan ng dakilang araw na sumisinag sa itaas doon: kapwa perpektong gawa ng Tagapaglikha- isang Amang nangangalaga sa isang damo na tumutubo sa ibabaw ng isang bato,  hindi ba Niya pangangalagaan ang Kanyang mga anak na may-katatagan na gustong maglingkod sa Kanya? O! ang Diyos ay talagang hindi binibigo ang “mabubuting” gustong mangyari ng tao. Sapagkat Siya ito na siyang nagpapaapoy ng mga mithiing ito sa kanilang mga puso. May-kahinahunan at may-karunungan Niyang nililikha ang mga sirkunstansiya upang mapukaw ang mga kahilingan ng Kanyang mga anak, hindi lamang iyan, bagkus kung sakali na ang isang mithiin na maparangalan Siya ay masusundan nito ang isang di-perpektong landas., itutuwid at gagawin Niyang perpekto ito upang masundan nito ang tamang landas. Ikaw ay naroroon sa huli. Naniwala ka, gusto mo at nakumbinsi ka na pinararangalan mo ang Diyos sa pang-uusig sa Akin. Ang Ama ay nakita na ang iyong puso ay hindi kinapopootan ang Diyos, bagkus minimithi nitong makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa pag-alis sa mundo sa Kanya Na siyang sinabi nila sa iyo na kaaway ng Diyos at siyang ang tagapagpahamak ng mga kaluluwa. Kung kaya't nilikha Niya ang sirkunstansiya upang matugunan ang iyong mithiin na mabigyan ng kaluwalhatian ang Panginoon. At ikaw ay ngayon nasa pagitan na namin. At makapaniniwala ka ba na ang Diyos ay pababayaan ka, ngayon na dinala ka na Niya dito? Tanging kapag iniwan mo Siya, ang kapangyarihan ng kasamaan ay mapangingibabawan ka.»

«Ayaw ko niyan. Ang aking kalooban ay sinsiro!» wika ng lalaki.

«Kung gayon ano ang inaalala? Ang tungkol sa salita ng isang tao? Hayaan siyang magsalita. Nag-aakala siya sa pamamagitan ng kanyang iniisip. At ang isip ng tao ay laging di-perpekto. Ngunit titingnan Ko iyan.»

«Ayaw kong kagalitan Ninyo siya. Ang Inyong pagtitiyak na hindi ako magkakasala ay sapat na sa akin.»

«Tinitiyak Ko sa iyo. Iyan ay hindi mangyayari sa iyo sapagkat ayaw mong mangyari iyan sa iyo. Sapagkat tingnan mo, anak, hindi makakatulong sa iyo na pumunta sa Diaspora o kahit na sa dulo ng mundo upang mapanatili ang iyong kaluluwa na hindi mapoot sa Kristo at sa hindi maparusahan para sa ganyang pagkapoot. Marami sa Israel ang hindi marurumihan ang kanilang mga sarili ng Krimen sa materyal na pananaw, ngunit hindi sila magiging mas walang kasalanan kaysa sa mga magkukundina sa Akin at sa magpapatupad ng sentensiya. Makapagsasalita Ako sa iyo tungkol sa mga bagay na ito. Sapagkat nalalaman mo na na ang lahat ay naisaayos para sa mga ito. Nalalaman mo ang mga pangalan at ang mga naiisip ng Aking mga pinaka walang-awang mga kaaway. Sinabi mo:  “Alam ni Judas ang lahat sapagkat kilala niya ang lahat na mga Lider.” Ngunit kung kilala niya kayo, kayo rin, na mga minor na kakilala niya, dahil kayo ay katulad ng mas maliliit na bituin malapit sa mas malalaking planeta, nalalaman din ninyo kung ano ang isinasagawa, papaano ito isinasagawa at sino ang nagsasagawa nito, at anong mga pakikipagsabwatan ang ginagawa, at anong mga pamamaraan ang pinag-aaralan. Kung kaya't makapagsasalita Ako sa iyo. Hindi Ko magagawa ang ganito sa iba... Kung ano ang mapaghihirapan Ko at mapagtitiisan Ko. Ang iba ay hindi...»

«Guro, ngunit papaano Kayo, nalalaman iyan, na maging napaka... Sino ang parating sa landas?» Si Samuel ay tumayo upang tingnan: «Judas!»

«Oo. Ako. Ako ay sinabihan na ang Guro ay dumaan dito, sa halip ikaw ang nakita ko. Kung gayon babalik ako, iniiwan ka sa iyong mga naiisip» at siya ay tumatawa na may kanyang tusong tawa na mas nakalulungkot pa kaysa sa iyak ng isang kuwago, napaka mapagkunwari ito.

«Ako ay naririto rin. Kinakailangan ba nila Ako sa nayon?» si Jesus ay lumitaw sa likuran ni Samuel.

«O! Kayo! Kung gayon  mabuti ang nakakasama mo, Samuel! At Kayo rin, Guro...»

«Oo. Ang maging kasama ang isang nagmamahal sa katarungan ay laging mabuti. Kung gayon gusto mo Ako, makasama Ako. Halika, kung gayon. May lugar para sa iyo at pati rin kay Juan, kung siya ay kasama mo.»

«Siya ay nasa ibaba sa nayon, abalá siya sa pag-asikaso sa ibang mga peregrino.»

«Kung may ilang peregrino, kailangan Kong pumunta.»

«Hindi. Sila ay mananatili nang buong araw bukas. Dinadala sila ni Juan sa ating mga higaan para sa kanilang pananatili. Masaya siyang gawin iyon. Siyempre, ang lahat ay nagagawa siyang masaya. Kayo ay talagang magkapareho. Hindi ko alam kung papaano kayo nagiging laging masaya kahit na kung ang mga bagay-bagay ay napaka... nakapagpapaalala.»

«Iyan din ang ibig kung itanong nang dumating ka!» bulalas ni Samuel.

«Ah! Itatanong mo? Kung gayon hindi ka masaya, at ikaw ay nagtataka na ang ibang mga tao, sa mga kalagayan na mas mahigit pang... mas mahirap kaysa ng sa atin, ay nagagawang maging masaya.»

«Hindi ako di-masaya.  Hindi ako nagsasalita para sa aking sarili. Bagkus iniisip ko kung mula saan maaaring nanggagaling ang kapanatagan ng Guro, dahil nalalaman Niya ang Kanyang hinaharap ngunit sa kabila nito Siya ay hindi nababalisa ng kahit ano.»

«Mula sa makalangit na mga pinanggagalingan, siyempre! Iyan ay natural! Siya ay Diyos! Pinagdududahan mo na ito? Ang isang Diyos ba ay makapaghihirap? Siya ay hindi abot ng kapighatian. Ang pagmamahal ng Kanyang Ama ay para sa Kanya katulad ng... katulad ng isang nakapagpapasiglang alak. At ang Kanyang matatag na paniniwala na ang Kanyang mga kinikilos... ay ang kaligtasan ng mundo ay isang nakapagpapasiglang alak para sa Kanya. At pagkatapos... Maaari ba Siyang magkaroon ng pisikal na reaksiyon na tayong, mga abang tao, ay mayroon? Iyan ay kontra sa sentido-komun. Kung si Adan, noong siya ay inosente, ay walang nalalaman na kahit na anong kapighatian, ni hindi niya kailanman malalaman ang tungkol dito kung siya ay nanatiling inosente, si Jesus... ang Super inosente, ang nilikha... hindi ko alam kung kailangan kong sabihin: di-nilikha bilang Diyos, o nilikha dahil Siya ay may mga kamag-anak .. o! gaano karaming di-masasagot na “bakit” para sa mga henerasyon sa hinaharap, aking Guro! Kung si Adan ay malaya sa kapighatian dahil sa kanyang inosensiya, maiisip ba ng isa na si Jesus ay maaaring maghirap?»

Ang ulo ni Jesus ay nakatungo. Siya ay nakaupo na muli sa damo. Ang Kanyang mukha ay natatakpan ng Kanyang buhok. Kung kaya't hindi ko makita ang Kanyang hitsura.

Si Samuel nakatayo sa harapan ni Judas, na nakatayo din, ay tumugon: «Ngunit kung Siya ay kailangan na maging ang Tagapagtubos, Siya ay talagang kailangan na maghirap. Hindi mo ba naaalaala sina David at Isaiah?»

«Naaalaala ko sila! Ngunit bagama't nakita nila ang pigura ng Tagapagtubos, hindi nila nakita ang di-materyal na tulong na tatanggapin Niya upang... sabihin na natin: Siya ay mapahirapan, nang hindi nakararamdam ng kahit na anong kirot.»

«Alin na tulong? Ang isang tao ay maaaring mahalin ang kapighatian o paghirapan ito nang may pagtanggap, ayon sa kanyang perpeksiyon sa hustisya. Ngunit lagi niya itong mararamdaman. Kung hindi... kung hindi niya maramdaman ito... hindi ito magiging kapighatian.»

«Si Jesus ay ang Anak ng Diyos.»

«Ngunit Siya ay hindi isang multo! Siya ay totoong Laman! At ang laman ay naghihirap kung ito ay pinahihirapan. Siya ay isang totoong Tao! At ang isip ng tao ay naghihirap kung ito ay sinasaktan o hinahamak.»

«Ang Kanyang pakikipag-isa sa Diyos ay naaalis ang ganyang mga pagkataong bagay sa Kanya.»

Si Jesus ay itinaas ang Kanyang ulo at nagsabi: «Sasabihin Ko sa iyong totoo, Judas, na Ako ay naghihirap at maghihirap katulad ng bawat tao, at mahigit pa kaysa sa bawat tao. Ngunit maaari Akong maging masaya nang gayon din, kinalulugdan ang banal na espirituwal na kaligayahan ng mga nakalaya sa kalungkutan ng Lupa, sapagkat niyakap nila ang kalooban ng Diyos bilang kanilang tanging nobya. Nagagawa Ko ito sapagkat napangibabawan Ko ang pagkataong konsepto ng kaligayahan, ang pagkabalisa ng kaligayahan, ayon sa imahinasyon nito ng mga tao. Hindi Ko pinagsisikapan na makuha kung ano ang ayon sa mga tao na siyang nilalaman ng kaligayahan, bagkus inilalagay Ko ang Aking lugod sa eksaktong kabaligtaran ng kung ano ang pinagsisikapan ng tao na maabot. Ang mga bagay na iniiwasan at hinahamak ng tao, sapagkat tinitingnan ito na pampabigat at grabe, ay ang siyang pinakamatamis na bagay para sa Akin. Hindi Ako interesado sa isang oras. Tinitingnan Ko ang mga konsekwensiya na maaaring madala ng isang oras na iyan sa eternal na buhay.  Ang Aking episodyo ay matatapos, ngunit ang bunga nito ay tatagal. Ang Aking kapighatian ay matatapos, ngunit ang kahalagahan ng Aking kapighatian ay hindi matatapos. At ano ang maaari Kong gawin sa isang oras na tinatawag na “maligayang kalagayan” sa Lupa, isang oras na kinamit pagkatapos na hanap-hanapin nang marami at maraming pang mga taon, kung ang oras na iyan ay hindi Ko maaaring madala bilang kasiyahan sa eternal na buhay at kakailanganin Kong kalugdan ang lahat na ito nang Ako lamang mismo, nang hindi ito ibinabahagi sa mga minamahal Ko?»

«Ngunit kung Kayo ay magtatagumpay, kami, Inyong mga tagasunod, ay babahagi sa Inyong kaligayahan!» bulalas ni Judas.

«Ikaw? At sino ka, kompara sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa hinaharap na multitud kung kanino ang aking kalungkutan ay magdadala ng lugod? Nakikita Ko ang kabila pa ng makalupang kaligayahan. Tinitingnan Ko ang sobrenatural sa kabila nito. Nakikita Ko ang Aking kapighatian nagiging eternal na kasiyahan para sa multitud na mga tao. At niyayakap Ko ang kapighatian bilang ang pinakamalakas na kapangyarihan upang maabot ang perpektong kaligayahan, na siyang ang pagmahal sa kapwa hanggang sa ipaghirap upang mabigyan siya ng lugod, hanggang sa ikamatay para sa kanya.»

«Hindi ko maintindihan ang kaligayahan na iyan» wika ni Judas.

«Hindi ka pa marunong. Kung marunong kana maiintindihan mo ito.»

«At si Juan ba ay marunong? Siya ay mas mangmang pa kaysa sa akin!»

«Sa isang pagkataong pananaw siya nga. Ngunit tinataglay niya ang siyensiya ng pagmamahal.»

«Sige. Ngunit hindi sa palagay ko mababago ng pagmamahal ang mga pambambo na maging hindi mga pambambo at ang mga bato na maging hindi mga bato at hindi makagawa ng sakit sa mga katawan na natatamaan nito. Lagi Ninyong sinasabi na ang kapighatian ay mahal sa Inyo sapagkat ito ay pagmamahal para sa Inyo. Ngunit kung Kayo ay totoong mahuli at pahirapan, kung iyan ay posible, hindi ko alam kung mananatili pa rin ang Inyong dating kaisipan. Mas mabuti pang pag-isipan Ninyo ang tungkol diyan habang naiiwasan pa Ninyo ang kirot. Ito ay makamamatay, alam ba Ninyo? Kung Kayo ay mahahawakan ng mga tao...o! hindi sila magkakaroon ng paggalang sa Inyo!»

Si Jesus ay tinitingnan siya. Siya ay maputlang maputla. Ang Kanyang dilat na mga mata ay tila nakikita, sa kabila ng mukha ni Judas, ang lahat na pagpapahirap na naghihintay sa Kanya, datapwa't, bagama't malungkot, ang Kanyang mga mata ay nananatiling mapagpakumbaba at mabait, at higit sa lahat, mahinahon: dalawang malinaw na mga mata ng isang inosenteng nasa kapayapaan. Siya ay tumugon: «Alam Ko. Nalalaman Ko rin ang hindi ninyo nalalaman. Ngunit umaasa Ako sa awa ng Diyos. Siya, Na maawain sa mga nagkakasala, ay magkakaroon din ng awa sa Akin. Hindi Ko hihingin sa Kanya na huwag maghirap, bagkus ang makapaghirap. At ngayon tayo na, Samuel, mauna ka nang kaunti sa amin at sabihin kay Juan na mapupunta Ako sa nayon maya-maya lamang.»

Si Samuel ay yumukod at mabilis na umalis. Si Jesus ay nagsimulang bumaba.

Ang landas ay napaka makipot na kinakailangan nila na magpatuloy sa paglalakad nang ang isa ay nasa likod ng isa. Ngunit hindi iyan nakapagpigil kay Judas sa pagsasabing: «Pinagkakatiwalaan Ninyo nang labis ang taong iyon, Guro. Sinabi ko na sa Inyo kung sino siya. Siya ay ang pinaka mainitin-ang-ulo at madaling-masulsulan na disipulo ni Jonathan. Siyempre, hulí na ngayon. Nailagay na Ninyo ang Inyong Sarili sa kanyang mga kamay. Siya ay isang espiya na malapit sa Inyo. At Kayo ay inisip Ninyo nang mahigit pa sa minsan na ako ay isang espiya at ang iba ay iyan ang iniisip nang higit pa kaysa sa iniisip Ninyo! Ako ay hindi isang espiya.»

Si Jesus ay tumigil at tumalikod. Ang kalungkutan at mahestad ay naghalo sa Kanyang mukha at sa Kanyang mga matang nakatitig sa Kanyang apostol. Sinabi Niya: «Hindi. Ikaw ay hindi isang espiya. Ikaw ay isang dimonyo. Ninakaw mo ang karapatan ng Serpiyente na manrahuyo at manloko upang mailayo ang mga tao mula sa Diyos. Ang iyong asal ay ni hindi isang bato o isang pambambo, ngunit nasasaktan Ako nito nang higit pa sa isang tama ng bato o isang bigwas ng isang pambambo. O! sa Aking kahila-hilakbot na paghihirap wala nang hihigit pa sa iyong asal na makapagpapahirap sa Martir.» Si Jesus ay tinatakpan ang Kanyang mukha ng Kanyang mga kamay, na tila ibig Niyang itago ang labis na takot, at pagkatapos nagsimula Siyang tumakbo pababa sa landas.

Si Judas ay sumisigaw sa likuran Niya: «Guro! Guro! Bakit Ninyo ako pinamimighati? Ang sinungaling na iyon ay tiyak na gumawa nang paninirang ulat sa Inyo... Makinig sa akin, Guro!»

Si Jesus ay hindi nakikinig. Siya ay tumatakbo, mistulang lumilipad Siya pababa sa mga dalisdis. Hindi Siya tumitigil nang dinaraanan Niya ang mga magpuputol ng mga kahoy at ang mga pastol na bumabati sa Kanya. Siya ay dumaraan, kumakaway Siya sa kanila ngunit hindi Siya tumitigil. Si Judas ay nagpasya na lamang na tumigil at maging tahimik.

Sila ay halos nasa ibaba na nang masalubong nila si Juan na, ang kanyang nasisinag na mukha napaliwanag ng isang mapayapang ngiti, umaakyat patungo sa kanila. May hinahawakan siya sa kamay na isang maliit na batang lalaki na daldal nang daldal habang sumisipsip ng isang bahay-pukyutan.

«Guro! Naririto ako! May mga taong galing sa Caesarea Philippi. Nabalitaan nila na Kayo ay naririto at sila ay pumunta. Gaano ito kakaiba! Walang sinuman ang nagsalita at ang lahat ay alam kung nasaan Kayo! Sila ay nagpapahinga na ngayon. Sila ay pagod-na-pagod. Lumakad ako at hiningi ko kay Dinah na bigyan ako ng ilang gatas at pulot sapagkat mayroong isang may sakit. Inilagay ko siya sa aking kama. Hindi ako natatakot. At ang maliit na Annas ay gustong sumama sa akin. Huwag Ninyo siyang hawakan, Guro; nanlalagkit siya ng pulot» at ang mabait na si Juan, na maraming patak at mga bakas ng daliring may pulot sa kanyang tunika, ay tumatawa. Tumatawa siya na pinipigilan ang bata na gustong pumunta at ialok kay Jesus ang kanyang sinisipsip na bahay-pukyutan at sumisigaw: «Halikayo. Napakarami nito para sa Inyo!»

«Oo. Nagtatanggal sila ng mga bahay-pukyutan sa bakuran ni Dinah. Alam ko. Ang kanyang mga pukyutan ay dumami kamakailan lang» sabi ni Juan.

Sila ay naglakad na uli at dumating sila sa unang bahay kung saan ang mga nag-aalaga ng mga pukyutan ay gumagawa pa rin ng nakakabinging ingay malapit sa mga bahay-pukyutan. Hindi ko talaga alam kung bakit. Ang mga kawan ng mga pukyutan – nagmumukha silang malalaking kumpol ng kakaibang mga ubas – ay nakabitin mula sa ilang mga sanga at ang ilang mga lalaki ay kinukuha sila upang ilagay sa bagong mga bahay-pukyutan. Sa mas malayo pa, ang walang-kapagurang na humuhugong na mga pukyutan ay pumapasok at lumalabas sa mga bahay-pukyutan na naitalaga na.

Ang mga lalaki ay binabati si Jesus at may isang babae na lumalapit sa Kanya may dalang ilang magagandang bahay-pukyutan na kanyang inaalok sa Kanya.

«Bakit mo pinagkakaitan ang iyong sarili nito? Nabigyan mo na si Juan ng ilan...»

«O! Ang aking mga pukyutan ay nakagawa ng labis na pulot. Kasiyahan para sa akin na ialok ito. Ngunit pakiusap na pagpalain ang bagong mga kawan. Tingnan, dinadala nila ang pinakahuli. Sa taon na ito kinailangan namin na doblehin ang mga bahay-pukyutan.»

Si Jesus ay pumunta sa munting mga bayan ng mga pukyutan at pinagpapala Niya sila isa-isa tinataas ang Kanyang kamay sa gitna ng hugong ng mga nagtatrabahong mga pukyutan na hindi tumitigil sa pagtatrabaho.

«Lahat sila masaya at lahat din sila sabik na sabik. Isang bagong bahay...» sabi ng isang lalaki.

«At isang bagong kasalan. Talagang nagmumukha silang mga babae na naghahanda ng isang kapistahan ng kasalan» sabi ng isa pa.

«Oo, ngunit ang mga babae ay mas nagdadaldal kaysa magtrabaho. Ang mga pukyutan, sa halip, ay nagtatrabaho sa katahimikan at nagtatrabaho din sila sa mga araw ng mga kapistahan ng kasalan. Nagtatrabaho sila sa lahat ng oras upang itayo ang kanilang kaharian» tugon ng ikatlong lalaki.

«Ang laging magtrabaho sa birtud ay ipinahihintulot, hindi lang, bagkus, ito ay tungkulin. Ang magtrabaho lagi para kumita, hindi. Hindi ito pinahihintulot. Tanging ang mga tao lamang na hindi nagmamalay na sila ay mayroong isang Diyos Na kailangang parangalan sa Kanyang araw ang makagagawa nito. Ang magtrabaho sa katahimikan ay isang merito na kailangang matutunan ng lahat mula sa mga pukyutan. Sapagkat ang banal na mga bagay ay ginagawang may-kabanalan sa loob ng katahimikan. Maging katulad ng mga pukyutan sa katarungan. Walang-kapaguran at tahimik. Nakakakita ang Diyos. Naggagantimpala ang Diyos. Ang kapayapaan ay sumainyo» sabi ni Jesus.

At nang Siya ay nag-iisa na lamang kasama ang Kanyang dalawang apostol sinabi Niya: «Sa mga manggagawa ng Diyos lalo na minumungkahi Ko ang mga pukyutan bilang modelo. Nilalagak nila sa katahimikan ng bahay-pukyutan ang pulot na naporma sa loob ng katawan nila sa pamamagitan ng kanilang walang-tigil na pagtatrabaho sa mabubuting korola.  Ang kanilang pagod ay ni hindi lumalabas na pagod, dahil ginagawa nila ito nang may labis na kagandahang loob, lumilipad katulad ng mga ginintuang tuldok, mula sa isang bulaklak patungo sa isa pa, at pagkatapos, kargado ng katas, pumapasok upang pasarapin pa ang katas sa pag-iisa sa kanilang maliliit na mga selda. Ang mga tao ay kailangan na gayahin sila, pinipili ang mga leksiyon, ang mabubuting doktrina at mga pakikipagkaibigan, na makagagawa ng mga katas ng totoong birtud, pagkatapos mamumuhay nang mag-isa upang isaayos pa, ginagamit kung ano ang aktibong naipon, ang birtud, ang katarungan, na mga katulad ng pulot na nasipsip mula sa mabubuting elemento, na ang isa sa pinakamahalaga dito ay ang mabuting kalooban, na kung wala ito ang nakolektang mga katas dito at doon ay magiging walang pakinabang. Kinakailangan din na pagnilay-nilayan nang mapagpakumbaba, sa kalihiman ng sariling puso, ang mabuti na ating nakita at narinig, nang hindi naiinggit kung ang mga reyna na pukyutan ay malapit sa mga nagtatrabahong mga pukyutan, ibig sabihin, kung may isang mas makatarungan pa kaysa sa kanya na nagninilay-nilay. Kapwa ang mga reyna at ang mga trabahador ay kinakailangan sa bahay-pukyutan. Magiging isang sakuna ito kung lahat sila ay mga reyna o lahat ay mga trabahador. Kapwa ang una at ang huli ay mamamatay. Sapagkat ang mga reyna ay mawawalan ng pagkain upang makapagsupling kung wala ang mga trabahador, at ang mga trabahador ay mawawala na kung ang mga reyna ay hindi na makakapagsupling. At ang mga reyna ay hindi kailangan na kainggitan. Mayroon sila ng kanilang trabaho at kanilang penitensiya. Nakikita nila ang araw nang minsan lamang, sa kanilang tanging nag-iisang pakikipagtalik na paglipad. Bago nito at pagkatapos nito, sila ay nasa perpetwong pag-iisa sa loob ng kulay-ambar na mga pader ng bahay-pukyutan. Ang bawat isa ay may kanyang gawain, at ang bawat gawain ay pakikipagtipan, at ang bawat pakikipagtipan ay isang kapanagutan bukod sa pagiging isang karangalan. At ang mga trabahador na mga pukyutan ay hindi nag-aaksaya sa walang kapararakan o mapanganib na mga paglipad sa paligid ng may-sakit o nakalalasong mga bulaklak. Hindi sila gumagawa ng mga pakikipagsapalaran na mga tangka. Hindi sila nakakalimot na isagawa ang kanilang misyon, hindi sila nagrerebelde laban sa pakay para sa kung saan sila nilikha. O! Admirableng maliliit na nilalang! Gaano ninyo natuturuan ang mga tao!...» Si Jesus ay naging tahimik, nawawala sa loob ng Kanyang pagninilay-nilay. Si Judas ay bigla na lamang naalaala na kailangan niyang pumunta sa hindi ko alam kung saan, at halos tumatakbo siyang umalis. Si Jesus at si Juan ay nananatili. At si Juan ay tinitingnan si Jesus nang hindi nagpapahalata sa Kanya. Isang  matalas na tingin ng nananabik na pagmamahal. Itinaas ni Jesus ang Kanyang ulo, tumalikod nang kaunti, nakakatagpo ang mga mata ng Kanyang paboritong apostol na pinagmamasdan Siya. Ang Kanyang mukha ay nagliwanag nang Kanyang kinakabig si Juan sa Kanyang Sarili.

Si Juan, habang naglalakad na niyayakap nang gayon, ay nagtanong: «Si Judas ay pinalungkot Kayong muli, hindi ba? At maaaring nabalisa din niya si Samuel.»

«Bakit? Siya ba ay nagsalita ng anuman sa iyo?»

«Hindi. Ngunit naintindihan ko. Sinabi lamang niya: “Sa pangkalahatan na pananalita kapag ang isa ay namumuhay nang malapit sa isang tao na totoong mabuti, siya ay nagiging mabuti. Ngunit si Judas ay hindi, bagama't namuhay siyang kasama ang Guro nang tatlong taon. Siya ay bulok sa kailaliman  ng kanyang puso, at ang kabutihan ng Kristo ay hindi siya tinatalaban, punung-puno siya ng kasamaan”. Hindi ko alam ang aking sasabihin, sapagkat iyon ay totoo... Ngunit bakit si Judas ganyan? Posible kaya na siya ay hindi na kailanman magbabago? Datapwa't... pare-pareho ang tinatanggap namin na mga leksiyon... at nang siya ay sumama sa amin, hindi siya mas masama pa kaysa sa amin...»

«Aking Juan! Aking mapagpakumbabang bata!» Si Jesus ay hinahalikan ang kanyang noo, bukas na bukas at dalisay, at Siya ay bumulong sa kanyang maliwanag na buhok na umaalon nang kaunti: «May mga tao na tila nabubuhay upang sirain ang kabutihan na nasa kanila. Ikaw ay isang mangingisda at nalalaman mo kung ano ang ginagawa ng isang panlayag kapag dumating ang bagyo. Yumuyuko itong napakababa malapit sa tubig na halos pataubin nito ang bangka at maging panganib para sa bangka, kung kaya't kung minsan kinakailangan na ito ay ibaba, at kung gayon ang isa ay naiiwan nang walang mga pakpak na makalipad patungo sa pugad nito, sapagkat ang isang panlayag, na hinampas ng bagyo ay hindi na isang pakpak, bagkus ito ay nagiging isang pabigat na magdadala sa isa sa ilalim ng tubig, sa kamatayan at hindi sa kaligtasan. Ngunit kung ang marahas na bugso ng bagyo ay humina, kahit ilang mga sandali, diyan ang panlayag nagiging isang pakpak kaagad at ang bangka ay maglalayag nang mabilis patungo sa daungan dinadala ang mga taong nakasakay dito sa kaligtasan. Ganyan din ang nangyayari sa maraming mga kaluluwa. Sapat na na ang bagyo ng masisimbuyong damdamin ay humina, at ang kaluluwa na pinayuko at halos malunod ng... ng kung ano ang hindi mabuti, ay magsisimulang hanapin nito ang Kabutihan.»

«Oo, Guro. Ngunit... kung gayon... sabihin sa akin... mararating ba ni Judas kailanman ang Inyong daungan?»

«O! Huwag mo Akong gawin na tingnan Ko ang hinaharap ng isa sa Aking pinakamamahal na mga apostol! Nasa Aking harapan ang hinaharap ng milyun-milyon na kaluluwa para kung kanino ang Aking mga paghihirap ay magiging walang kabuluhan!... Nasa Aking harapan ang lahat na mabababang uring aksiyon ng mundo... Ang pagkaani ay nakababalisa sa Akin. Ang pagkaani sa bumubulang maruruming bagay na katulad ng isang ilog ay nagtatakip at magtatakip sa Lupa, sa iba't ibang mga pamamaraan, ngunit laging makamamatay para sa Perpeksiyon, hanggang sa katapusan ng panahon. Huwag mong gawin na tumingin Ako!  Gawin mong patirin Ko ang Aking pagkauhaw at makatagpo ng kaginhawahan sa isang bukal na hindi nagkakalasa ng kabulukan, at gawin mong makalimutan Ko ang makamandag na kabulukan ng napakaraming mga tao, sa pagtingin lamang sa iyo, Aking kapayapaan!» at hinahalikan Niya siyang muli sa pagitan ng kanyang mga kilay tinitingnan nang malalim ang malilinaw na mata ng purong nagmamahal na apostol...

Pumasok sila sa bahay. Si Samuel ay nasa kusina nagpuputol ng kahoy upang matulungan ang matandang babae sa pagpapadikit ng apoy.

Si Jesus ay tinanong ang babae: «Ang mga peregrino ba ay natutulog?»

«Sa palagay ko. Hindi ako makarinig ng kahit anong ingay. Dadalhin ko ang tubig na ito sa mga sasakyang-hayop. Sila ay nasa imbakan ng mga kahoy.»

«Gagawin ko iyan, ina. Mas mabuti pang pumunta ka sa bahay ni Rachel. Nangako siya sa akin ng ilang sariwang keso. Sabihin sa kanya na babayaran ko siya sa araw ng Sabbath» sabi ni Juan pinupulot ang dalawang taong na puno ng tubig.

Tanging si Jesus lamang at si Samuel ang natira. Nilalapitan ni Jesus ang lalaki na yumuyuko umiihip upang mapadikit ang apoy at ipinatong Niya ang Kanyang kamay sa kanyang balikat nagsasabing: «Si Judas ay nagambala tayo doon sa itaas... Gusto Kong sabihin sa iyo na ipadadala kita kasama ang Aking mga apostol sa araw pagkatapos ng Sabbath. Baka mas gusto mo iyan...»

«Salamat sa Inyo, Guro. Nalulungkot akong hindi mapalapit sa Inyo. Ngunit sa Inyong mga apostol makikita ko Kayong muli. Oo, mas gusto kong mapalayo kay Judas. Hindi ako naglakas loob na tanungin Kayo...»

«Sige. Iyan ay ayos na. At maawa sa kanya. Katulad ng ginagawa Ko. At huwag sabihan si Pedro o sino pa man...»

«Mapipigilan ko ang aking dila, Guro.»

«Ang mga disipulo ay saka na darating. Nariyan si Hermas at si Stephen, at nariyan si Isaac, dalawang marunong na mga tao at isang makatarungan na isa, at marami pang iba. Magugustuhan mo ito, nasa pagitan ka ng totoong mga kapatid.»

«Oo, Guro. Naiintindihan at tinutulungan Ninyo kami. Kayo talaga ang mabuting Guro» at yumuyuko siya upang halikan ang kamay ni Jesus.

270412


Sunod na kabanata