57. Pagbalik sa Nazareth Pagkatapos ng Paskuwa Kasama ang Anim na Disipulo.
Oktubre 31, 1944.
¹Si Jesus ay malapit sa Nazareth kasama ang Kanyang pinsan at ang anim na
disipulo. Mula sa tuktok ng burol na kinaroroonan nila, ang puting nayon ay
makikita sa gitna ng kaberdehan ng mga punungkahoy, na ang mga bahay nito
nakakalat nang pataas at pababa ng magiliw na umaalun-alon na mga dalisdis,
malumanay ang pagbaba sa ilan mga lugar, mas matarik sa iba.
«Naririto na tayo, Aking mga kaibigan. Iyan ang Aking bahay. Ang Aking Ina
ay nasa bahay sapagkat may usok na tumataas mula sa bahay. Siya ay baka
nagluluto ng tinapay. Hindi Ko hihingin na sumama kayo sa Akin, sapagkat
naiisip Ko na nananabik kayong makauwi sa inyong mga bahay. Ngunit kung ibig
ninyong makibahagi sa Aking tinapay kasama Ako at ang Aking Ina, Na nakilala
na ni Juan, kung gayon sasabihin Ko sa inyo: “Halikayo”…»
Ang anim na disipulo, na nalulungkot na dahil sa napipintong paghihiwalayan,
ay lahat masaya na muli at tinanggap nila ang paanyaya nang buong puso.
«Tayo na, kung gayon.»
Bumaba sila nang mabilis sa burol at kinuha ang pinaka kalsada. Ngayon ay
gabi. Mainit pa ngunit ang mga lilim ng gabi ay bumababa na sa kabukiran,
kung saan ang mga bunga ng mga tanim ay nagsisimula nang mahinog.
Sila ay pumasok sa nayon. Ang mga kababaihan at paparoo’t parito sa
pontanya, ang mga kalalakihan mga nakatayo sa kanilang maliliit na pagawaan
o nagtatrabaho sa mga pangkusinang-hardin kumakaway kina Jesus at Santiago.
Ang mga bata ay sumisiksik sa paligid ni Jesus.
«Bumalik Ka na ba?»
«Titira Ka na ba ngayon dito?»
«Ang gulong ng aking maliit na kariton ay nasira muli.»
«Alam Mo, Jesus. Mayroon na akong bagong kapatid na babae, at tinawag nila
siya na Maria.»
«Ang punong-guro ay sinabi sa akin na natutuhan ko na ang lahat at na ako ay
isang totoong anak ng Batas.»
«Si Sarah ay wala rito, sapagkat ang kanyang ina ay malubha ang sakit. Siya
ay umiiyak, dahil natatakot siya.»
«Ang kapatid kong si Isaac ay nagpakasal. Nagkaroon kami ng magandang
kapistahan.»
Si Jesus ay nakikinig, naghahaplos, nagpupuri, nangangako ng Kanyang tulong.
²At narating nila ang bahay nang ganyan. Si Maria ay nasa pintuan na, dahil
ang isang maalalahaning bata ay napasabihan Siya.
«Anak!»
«Inay!»
Kapwa sila nasa bisig ng isa’t isa. Si Maria, Na mas maliit kaysa kay Jesus,
ay nakasandal na ang Kanyang ulo nakadikit sa dibdib ng Kanyang Anak, yakap
ng Kanyang mga kamay. Hinahalikan ni Jesus ang olandesang buhok ni Maria.
Pinasok nila ang bahay.
Ang mga disipulo, kasama si Judas, ay nanatili sa labas, upang maiwanan sina
Jesus at Maria nang malaya sa kanilang unang mga pagbuhos ng damdamin.
«Jesus! Aking Anak!» ang tinig ni Maria ay nanginginig, na tila ito ay
nababarahan ng mga paghikbi.
«Bakit, Inay, bakit Kayo balisang-balisa?»
«O! Anak. Sinabihan nila Ako… Sa loob Templo, nang araw na iyon, may ilang
mga Galilean at ilang mga Nazareno… Sila'y bumalik… at sinabi nila sa Akin…
O! Anak!»
«Ngunit nakikita Ninyo, Inay, na Ako ay maayos. Hindi Ako nasaktan, ang
Diyos ay napaluwalhatian sa loob ng Kanyang Bahay.»
«Oo, alam Ko, Anak ng Aking puso. Alam Ko na katulad iyon ng tunog ng
trumpeta na gumigising sa mga natutulog. At Ako ay masaya para sa
kaluwalhatian na naibigay sa Diyos… Masaya Ako na ang sambayanan Kong ito ay
nagising sa Diyos… Hindi Kita kinagagalitan… Hindi Ako magiging hadlang sa
iyo… Naiintindihan Kita at… Ako ay masaya, ngunit dinala Kita sa Aking
sinapupunan, Anak!...» Si Maria ay yakap pa rin ng mga bisig ni Jesus at
Siya ay nakapagsalita na ang Kanyang maliit na kamay nakadiin sa dibdib ng
Kanyang Anak, ang Kanyang ulo nakatingala kay Jesus, ang Kanyang mga mata
nagniningning sa mga luha na handa nang gumulong sa Kanyang mga pisngi.
Ngayon Siya ay tahimik, nakasandal ang Kanyang ulo sa dibdib ni Jesus.
Kamukha Niya ang isang abuhing kalapati, sa Kanyang medyo abuhing damit,
pinoprotektahan ng dalawang malakas na puting mga pakpak, sapagkat suot pa
rin ni Jesus ang Kanyang puting tunika at manta.
«Inay! kaawa-awang Ina! Mahal na Ina!...» Si Jesus ay hinahalikan Siyang
muli.
³Pagkatapos sinabi Niya: «Bueno, kita Ninyo? Ako ay narito, ngunit hindi Ako
nag-iisa. Kasama Ko ang Aking unang mga disipulo, at ang iba pa ay nasa
Judaea. Ang Akin ding pinsan na si Judas ay kasama Ko at sinusundan Ako…»
«Si Judas?»
«Oo, si Judas. Alam Ko kung bakit Kayo nasorpresa. Kabilang sa mga nagsabi
sa Inyo kung ano ang nangyari, ay tiyak na kasama rito si Alfeo kasama ang
kanyang mga anak, at hindi Ako magkakamali kung sasabihin Ko sa Inyo na
pinipintasan nila Ako. Ngunit huwag Kayong matakot. Ngayon ay ganyan, bukas
ay magiging iba. Ang tao ay kailangan na bukirin katulad ng lupa, at kung
saan may mga tinik, magkakaroon ng mga rosas. Si Judas, kung kanino Kayo ay
giliw na giliw, ay kasama Ko na.»
«Nasaan na siya ngayon?»
«Nasa labas, kasama ang iba pa. Mayroon ba Kayong sapat na tinapay para sa
lahat?»
«Oo, Anak. Si Maria ni Alfeo ay inilalabas na ito ngayon lang mula sa pugon.
Si Maria ay napakabuti sa Akin, lalo na ngayon.»
«Ang Diyos ay bibigyan siya ng kaluwalhatian.» Si Jesus ay pumunta sa
pintuan at nágtawag: «Judas! Ang iyong ina ay naririto! Pumasok kayo, Aking
mga kaibigan!»
Sila ay pumasok at binati ang Ina ni Jesus. Si Judas ay hinahalikan si Maria
at pagkatapos tumakbo sa paghahanap sa kanyang ina.
Si Jesus ay pinakikilala ang limang disipulo binabanggit ang kanilang mga
pangalan: sina Pedro, Andres, Santiago, Natanael, Felipe; sapagkat si Juan,
na nakilala na si Maria, ay nagsalita sa Kanya kaagad, pagkatapos ni Judas,
yumuyuko sa harapan Niya at tinatanggap ang Kanyang pagpapalà.
⁴Si Maria ay binabati sila at sinabihan sila na maupo. Siya ay ang maybahay
at bagama't sinasamba ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng Kanyang mga sulyap
– ang Kanyang kaluluwa ay tila nakikipagusap sa Kanyang Anak sa pamamagitan
ng Kanyang mga mata – Siya ang umaasikaso sa Kanyang mga panauhin. Ibig
Niyang magdala ng ilang tubig upang sila ay mapalamigan. Ngunit si Pedro ay
tumutol: «Hindi, Babae. Hind ko iyan mapahihintulutan. Pakiusap na maupo
malapit sa Inyong Anak, Banal na Ina. Ako ang lalakad, kaming lahat ay
pupunta sa pangkusinang-hardin upang palamigan ang aming mga sarili.»
Si Maria ni Alfeo ay nagmadaling pumasok, namumula at natatakpan ng harina,
binabati si Jesus Na pinagpapalà siya, pagkatapos pinasunod ang anim na mga
kalalakihan patungo sa pangkusinang-hardin, sa pontanya, at bumalik na
masaya. «O! Maria!» sabi niya sa Birhen. «Sinabi sa akin ni Judas. Gaano ako
kasaya! Para kay Judas at para sa iyo, aking mahal na hipag. Alam ko na ang
iba ay kagagalitan ako. Ngunit walang anuman ito. Magiging masaya ako sa
araw na malalaman ko na lahat sila ay para kay Jesus. Tayo ay mga ina at
nalalaman natin… nararamdaman natin kung ano ang mabuti para sa ating mga
anak. At pakiramdam ko na Ikaw, Jesus, ay ang kayamanan ng aking mga anak.»
Si Jesus ay hinahaplos ang kanyang ulo at ngumingiti sa kanya.
Ang mga disipulo ay pumasok muli at si Maria ni Alfeo ay sinisilbihan sila
ng namamangong tinapay, mga olibo at keso. Pagkatapos nagdala siya ng isang
maliit na amphora ng red wine, na ibinubuhos ni Jesus para sa Kanyang
mga kaibigan. Si Jesus lagi ang itong nag-aalok at nag-aabot ng mga bagay sa
kanila.
⁵Sa una ang mga disipulo ay medyo napapahiya, pagkaraan sila ay mas
nakatitiyak ng kanilang mga sarili at nagsasalita tungkol sa kanilang mga
tahanan, tungkol sa kanilang paglalakbay patungo sa Jerusalem, tungkol sa
mga himalang ginawa ni Jesus. Sila ay puno ng sigla at pagmamahal at si
Pedro ay nagsisikap na makaporma ng isang alyansa kay Maria na kailangang
tingnan kaagad ni Jesus, nang hindi na maghihintay pa sa Bethsaida.
«Gawin kung ano ang Kanyang sinasabi sa iyo» panghihikayat ni Maria, na may
magiliw na ngiti. «Mas magiging may pakinabang sa iyo ang paghihintay kaysa
ang agarang pagsasama-sama,,
Ang pag-asa ni Pedro ay naglalaho. Ngunit siya ay nagpailalim na may
mabuting kalooban. Nagtanong lamang siya: «Ito ba ay magiging matagal na
paghihintay?»
Si Jesus ay ngumingiti sa kanya, ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano.
Si Maria ay tinitingnan ang ngiti ni Jesus na isang paborableng tanda at
Siya ay nagpapaliwanag: «Simon ni Jonas, Siya ay ngumingiti… kung kaya't
sasabihin Ko sa iyo: kasing bilis ng isang paglipad ng isang langaylangayan
sa ibabaw ng lawa ang magiging iyong masunuring paghihintay.»
«Salamat sa Inyo, Babae.»
⁶«Wala ka bang sasabihin, Judas? At ikaw, Juan?»
«Tinitingnan ko Kayo, Maria.»
«At ako.»
«Tinitingnan Ko rin kayo… at alam ninyo? Nagpapaalaala ito sa Akin ng mga
nakaraang araw. Noon din may tatlong pares na mga mata na nakatitig sa Akin
nang may pagmamahal. Naaalaala mo ba, Maria, ang Aking tatlong mag-aaral?»
«O! Naaalaala ko! Tamang-tama Ka! At kahit na ngayon, tatlo ng halos
magkakaparehong edad, ay tinitingnan Ka nang may lahat nilang pagmamahal. At
sa palagay ko si Juan ay katulad ni Jesus, katulad ni Jesus noon,
napakaganda at malarosas, ang pinakabata sa kanilang lahat.»
Ang iba ay nananabik na may malaman pang iba… at ang mga alaala at mga
kuwento tungkol sa mga nakaraan ay nabuhay at ikinuwento. Dumidilim na.
«Aking mga kaibigan, Ako ay walang mga silid-tulugan. Ngunit ang pagawaan
kung saan Ako madalas magtrabaho ay nasa banda roon. Kung ibig ninyong
manilungan doon… Ngunit doon ay walang iba bagkus mga upuan.»
«Isang komportableng higaan para sa mga mangingisda, na sanay matulog sa
makikitid na tabla. Salamat sa Inyo, Guro. Ito ay isang karangalan at isang
pagpapalà na matulog sa ilalim ng Inyong bubungan.»
Sila ay umalis pagkatapos na magpaalam para sa gabi. Si Judas din ay umuwi
kasama ang kanyang ina.
Si Jesus at si Maria ay naiwan sa silid, nakaupo sa ibabaw ng baul, sa
liwanag ng maliit na langis na lampara, magka-akbay, at si Jesus ay
ikinukuwento kay Maria ang tungkol sa Kanyang huling paglalakbay. At si
Maria ay nakikinig nang lubos na nasisiyahan, nananabik, masaya.
Ang bisyon ay natapos nang gayon.
(305)
190710/040613