58. Ang Paggaling ng isang Bulag na lalaki sa Capernaum.
Oktubre 7, 1944.
¹Si Jesus ay nagsasabi, at ako ay kaagad naging kalmante at ang lugod ng
gayong kalinaw na kapayapaan ay nagagawang masaya ang aking puso:
«Tingnan. Siya¹ ay giliw na giliw sa mga episodyo ng tungkol sa mga
bulag. Bigyan natin siya ng isa pa.» At nakakakita ako.
²Nakikita ko ang isang magandang paglubog-ng-araw ng tag-init. Ang araw
ay napaapoy ang buong kanluran ng kalangitan at ang lawa ng Gennesaret
ay nagmumukhang isang dambuhalang plato na umaapoy, sa ilalim ng isang
kalangitan na lumalagablab.
Ang mga kalsada sa Capernaum ay nagsisimula pa lamang na magsiksikan sa
mga tao; mga babaeng pumupunta sa pontanya, mga mangingisdang naghahanda
ng kanilang mga lambat at mga bangka upang mangisda sa gabi, mga batang
tumatakbong naglalaro sa mga kalsada, maliliit na asno may dala-dalang
mga kaing patungo sa bukid, baka upang maghakot ng mga gulay.
Si Jesus ay lumitaw sa isang pintuan na nagbubukas patungo sa isang
maliit na bakuran na ganap na nalililiman ng isang baging at isang puno
ng igos. Sa kabila nito ay may isang mabatong lakaran, na nagpapanabi sa
lawa. Maaaring ito ay bahay ni Pedro, sapagkat siya ay nasa baybayin
kasama si Andres, inaayos ang mga basket ng isda at ang mga lambat sa
loob ng bangka, at naghihilera ng mga upuan at ng mga tali na mga
nakaikot. Inihahanda niya ang lahat upang makapangisda, at si Andres ay
tinutulungan siya, paparoo’t parito sa bahay at sa bangka.
Si Jesus ay tinanong ang Kanyang apostol: «Magkakaroon ka kaya ng
mabuting huli?»
«Ang panahon ay tama. Ang tubig ay kalmante, ngayon ay magiging
maliwanag na sikat ng buwan. Ang mga isda ay pupunta sa ibabaw mula sa
ilalim at ang aking lambat ay hihilahin sila.»
«Lalakad ba tayong dalawa lamang?»
«O! Guro! Papaano nating dalawa lamang magagawa ito sa klase ng lambat
na ito.»
«Hindi pa Ako napapunta na mangisda at umaasa Ako na maturuan mo.» Si
Jesus ay dahan-dahan na bumababa patungo sa lawa at Siya ay tumigil
malapit sa bangka, sa magaspang na mabatong mga buhangin.
«Kita Ninyo, Guro: ito ang aming ginagawa. Ako ay nagpapalaot katabi ng
bangka ni Santiago ni Zebedeo, at kami ay pupunta nang ganyan sa tamang
lugar, ang dalawang bangka magkasabay. Pagkatapos ibababa namin ang
lambat. Hawak namin ang
isang dulo. Sinabi Ninyo na ibig Ninyong hawakan ito.»
«Oo, kung sasabihin mo sa Akin kung ano ang dapat Kong gawin.»
«O! Titingnan lamang Ninyo iyan na bumababa. Iyan ay kailangan na ibaba
nang dahan-dahan na walang mabubuhol. Napakadahan-dahan, sapagkat tayo
ay mapupunta sa lugar ng pangingisdaan, at kahit na anong biglang kilos
ay baka mapalayas ang mga isda. Walang anumang buhol, kung hindi'y
magsasara ang lambat, samantalang iyan ay kailangang nakabuka katulad ng
isang bag, o kung mas ibig Ninyo, katulad ng isang talukbong hinihipan
ng hangin. Pagkatapos,
kapag ang lambat ay lubos na nakababa na, tayo ay magsasagwan nang
marahan, o baka maglayag tayo, ayon sa sitwasyon, ginagawa ang
kalahating paikot sa lawa. At kapag maintindihan natin sa pamamagitan ng
panginginig ng sinasabitan ng lambat na maganda ang huli, tayo ay
magpapagawi na ng baybayin. Kapag tayo ay halos nasa baybayin na – hindi
bago upang maiwasan ang panganib na mawala ang mga isda; hindi
pagkatapos, upang hindi masira kapwa ang huli at ang lambat sa mga bato
– babantunin na natin ang lambat. Sa puntong ito kailangang maging
maingat na maingat tayo, sapagkat kailangan na ang dalawang bangka ay
magkalapit upang makuha ng isang bangka ang dulo ng lambat mula sa isa
pa, ngunit kailangan na hindi sila magsalpukan, upang hindi maipit ang
lambat na puno ng isda. Pakiusap, Guro, maging maingat, iyan ay ang
aming pang-araw-araw na tinapay. Bantayan ang lambat, na ang biglang
haltak ay hindi ito maitaob. Ang isda ay makikipaglaban para sa kanilang
kalayaan sa pamamagitan ng malalakas na igkas ng kanilang mga buntot, at
kung sila ay marami… Maiintindihan Ninyo… Sila ay maliliit na bagay,
ngunit kung sampu, sandaan, sanlibo ang magkasabay-sabay, sila ay
nagiging kasing lakas ng Leviathan².
³«Ganyan din ang nangyayari tungkol sa kasalanan, Pedro. Sa
kahuli-hulihan, ang isang pagkakamali ay hindi na di-mababawi. Ngunit
kung ang isa ay hindi maingat sa pagpigil sa kanyang sarili, at
magdagdag siya ng pagkakamali sa isang pagkakamali, sa katapusan ang
isang maliit na pagkakamali, baka isang pagkalimot, o isang simpleng
kahinaan, ay lumaki nang lumaki, ito ay naging isang ugali, naging isang
pangunahing bisyo. Kung minsan ang isa ay nagsisimula sa pamamagitan ng
isang mahalay na sulyap at nagtatapos sa paggawa ng isang pangangalunya.
Kung minsan, sa simpleng pagkukulang ng karidad kapag nakikipagusap sa
isang kamag-anak, ang isa ay nagtatapos sa paggawa ng karahasan sa
kapwa. Huwag na huwag kailanman na pabayaan ang mga pagkakamali na
madagdagan sa katindihan at sa bilang, kung umiiwas ka sa problema! Sila
ay nagiging mapanganib at mapangibabaw katulad ng pang-impiyernong Ahas
mismo, at kakaladkarin ka nila patungong Gehenna.»
«Ang sinasabi Ninyo, Guro, ay tama… Ngunit napakahina namin!»
«Ingat at panalangin ay kinakailangan upang maging malakas at makakuha
ng tulong, kasama ang malakas na kalooban na huwag magkasala. At
kailangan na mayroon kang ganap na pagtitiwala sa nagmamahal na
katarungan ng Ama.»
⁴«Sa palagay ba Ninyo hindi Siya magiging masyadong napakahigpit sa
abang si Simon?»
«Baka naging mas mahigpit Siya sa lumang Simon. Ngunit sa Aking Pedro,
sa bagong tao, sa tao ng Kanyang Kristo… hindi Pedro. Hindi Siya
magiging napakahigpit. Minamahal ka Niya at mamahalin ka Niya.»
«At papaano sa akin?»
«Ikaw, din, Andres; at si Juan, si Santiago, si Felipe at si Natanael
din. Kayo ang unang mga pinili Ko.»
«Magkakaroon pa ba ng iba? Nariyan ang Inyong pinsan, at sa Judaea…»
«O! Magkakaroon pa ng marami. Ang Aking Kaharian ay bukas sa lahat ng
sangkatauhan at sasabihin Ko sa inyong totoo na ang Aking huli, sa mga
gabi ng mga siglo, ay mas marami pa kaysa sa inyong pinakamalaking huli…
Sapagkat ang bawat isang siglo ay isang gabi kung saan hindi ang purong
liwanag ng Orion o ng naglalayag na buwan ang magiging gabay at liwanag
ng sangkatauhan, bagkus ang salita ng Kristo at ang Grasya na Kanyang
ibibigay; isang gabi na magiging ang bukang-liwayway ng isang araw na
walang paglubog-ng-araw at ng isang liwanag kung saan ang lahat na
matatapat ay mamumuhay at magiging bukang-liwayway ng isang
pagsikat-ng-araw na gagawa sa lahat na mga pinili na maging makinang,
maganda, masaya magpasawalanghanggan kahit katulad pa ng mga diyos. Mga
minor na mga diyos, mga anak ng Diyos Ama at katulad Ko… Hindi posible
para sa inyo na makaintindi ngayon. Ngunit sasabihin Ko sa inyong totoo
na ang inyong Kristiyanong pamumuhay ay magagawa kayo na makatulad ang
inyong Guro, at kayo ay magniningning sa Langit kasama ang Kanyang mga
tanda. Kung kaya't, sa kabila ng mainggiting malisya ni Satanas at ng
mahinang kalooban ng mga tao, ang Aking huli ay magiging mas marami
kaysa ng sa inyo.»
«Ngunit kami lamang ba ang Inyong magiging mga apostol?»
«Ikaw ba ay naninibugho, Pedro? Hindi, huwag! Ang iba pa ay darating at
sa loob ng Aking puso ay magkakaroon ng pagmamahal para sa lahat. Huwag
maging masakim, Pedro. Hindi mo pa nakikilala kung Sino ang nagmamahal
sa inyo. Nabilang mo ba kailanman ang mga bituin? O ang mga bato sa
kalaliman ng lawa? Hindi, hindi mo mabibilang. Ay mas hindi mo
mabibilang ang nagmamahal na mga pintig na magagawa ng Aking puso.
Nagawa mo na ba kailanman na mabilang kung ilang beses ang lawa na ito
hinahalikan ang baybayin sa pamamagitan ng mga alon nito sa loob ng
labindalawang buwan? Hindi, hindi kailanman magagawa. At mas hindi mo
mabibilang ang nagmamahal na mga alon na ibinubuhos ng Aking puso upang
mahalikan ang mga tao. Matiyak tungkol sa Aking pagmamahal, Pedro.»
Si Pedro ay kinuha ang kamay ni Jesus at hinahalikan ito. Siya ay labis
na naantig ang damdamin.
Si Andres ay tumitingin, ngunit hindi maglakas-loob na kunin ang kamay
ni Jesus. Ngunit si Jesus ay hinahaplos ang kanyang buhok sa pamamagitan
ng Kanyang kamay nagsasabing: «Mahal na mahal din kita. Sa oras ng iyong
bukang-liwayway, na hindi na kinakailangan na itaas ang iyong mga mata,
makikita mo ang iyong Jesus na nasasalamin sa kisame ng kalangitan, at
Siya ay ngingiti sa iyo upang sabihin sa iyo: “Minamahal kita. Halika”,
at ang iyong pagpanaw ay magiging mas matamis pa kaysa sa
pagpasok sa isang silid ng kasalan…»
⁵«Simon! Simon! Andres! Naririto ako… darating ako…» Si Juan ay
nagmamadaling patungo sa kanila. «O! Guro! Napaghintay ko ba Kayo?» Si
Juan ay tinitingnan si Jesus sa pamamagitan ng mga mata ng isang
mangingibig.
Si Pedro ay tumugon: «Upang sabihin sa iyo ang katotohanan, nagsisimula
na akong isipin na hindi ka na sasama. Ihanda mo na ang iyong bangka
mabilis. At si Santiago?...»
«Bueno… kami ay nahuli gawa ng isang bulag na lalaki. Akala niya si
Jesus ay nasa loob ng bahay namin at siya ay pumunta roon. Sinabi namin
sa kanya: «Wala Siya rito. Baka pagalingin ka Niya bukas. Maghintay
lang”. Ngunit ayaw niyang maghintay. Si Santiago ay nagsabi sa kanya:
“Matagal ka nang naghihintay na makita ang liwanag, anong diperensiya
nito kung maghihintay na lang kayo ng isa pang gabi?” Ngunit hindi siya
makinig sa rason…»
«Juan, kung ikaw ay bulag, mananabik ka bang makita ang iyong ina?»
«Eh!... siyempre!»
«Bueno, kung gayon? Nasaan ang bulag na lalaki?»
«Siya ay parating kasama si Santiago. Nahawakan niya ang manta ni
Santiago at ayaw itong bitawan. Ngunit darating siya nang matagal
sapagkat ang baybayin ay puno ng mga bato, at siya ay natitisod dito…
Guro, mapatatawad ba Ninyo ako sa pagiging matigas?»
«Oo, patatawarin kita, ngunit upang makabayad-pinsala, lakad at tulungan
ang bulag at dalhin siya sa Akin.»
Si Juan ay tumakbo.
⁶Si Pedro ay iniiling ang kanyang ulo, ngunit hindi nagsasalita ng kahit
ano. Tinitingnan niya ang kalangitan na nagiging asul pagkatapos na
maging malalim na kulay-tanso, tinitingnan niya ang lawa at ang ibang
mga bangka na mga nasa laot na nangingisda at siya'y
nagbubuntung-hininga.
«Simon?»
«Guro?»
«Huwag matakot. Magkakaroon ka ng magandang huli, kahit na kung ikaw pa
ang maging huli na lalabas.»
«Sa ganito ring oras na ito?»
«Sa tuwing nagiging mapagkawang-gawa ka, ang Diyos ay pagkakalooban ka
ng grasya ng kasaganaan.»
«Naririto na ang bulag na lalaki.»
Ang kaawa-awang lalaki ay papalapit nasa pagitan nina Santiago at Juan.
May hawak siyang patpat ng paglalakad, ngunit hindi niya ito ginagamit
ngayon. Mas nakapaglalakad siya nang mabuti, suportado ng dalawang
lalaki.
«Naririto, mamâ, ang Guro ay nasa harapan mo.»
«Ang bulag na lalaki ay lumuhod: «Aking Panginoon! Maawa sa akin.»
«Ibig mo bang makakita? Tumayo ka. Kailan ka pa naging bulag?»
Ang apat na apostol ay pumaligid sa dalawa pa.
«Pitong taon na, Panginoon. Dati, nakakakita ako nang mabuti, at ako ay
nagtatrabaho. Ako ay isang platero sa Cæsarea sa Dagat. Maganda ang
aking kinikita. Ang daungan, ang mabuting kalakalan, lagi nila akong
kailangan para sa isang trabaho at sa isa pa. Ngunit habang pinupukpok
ang isang piraso ng bakal upang makagawa ng isang angkla, maiisip Ninyo
kung gaano nagbabaga ito upang makorte, may isang talsik ang lumabas at
sinunog ang aking mata. Ang aking mga mata ay mahapdi na dahil sa init
ng pandayan. Nawala sa akin ang nasugatang mata, at ang isa pa ay
nabulag pagkaraan ng tatlong buwan. Naubos ko na ang lahat ng aking
naiipon, at ngayon nabubuhay ako sa karidad…»
«Nag-iisa ka ba?»
«Ako ay may-asawa at tatlong maliliit na anak… Ni hindi ko nakita ang
mukha ng isa sa kanila… at mayroon akong isang matandang ina. Subalit
siya at ang aking asawa ay kumikita lamang ng kaunting tinapay, at sa
pamamagitan ng kanilang kinikita at ang mga limos na naiuuwi ko,
nakakaraos kami na huwag magutom. Kung ako'y gumaling!... babalik ako sa
pagtatrabaho. Ang tanging hinihiling ko lamang ay ang makapagtrabaho
katulad ng isang mabuting Israelita at kung gayon mapakain ang mga
minamahal ko.»
«At ikaw ay pumunta sa Akin? Sino ang nagsabi sa iyo?»
«Ang isang ketongin na pinagaling Ninyo sa paanan ng Mount Tabor,
nang Kayo ay pabalik sa lawa pagkatapos ng magandang talumpati Ninyo na
iyon.»
«Ano ang kanyang sinabi sa iyo?»
«Na nagagawa Ninyo ang lahat. Na Kayo ang kalusugan ng mga katawan at ng
mga kaluluwa. Na Kayo ay isang liwanag para sa mga kaluluwa at mga
katawan, sapagkat Kayo ay ang Liwanag ng Diyos. Siya, bagama't isang
ketongin, ay naglakas-loob na makihalo sa pulutong, sa panganib na siya
ay pagbabatuhin, lubos na nakabalot sa kanyang manta, sapagkat nakita
niya Kayong dumaraan patungo sa isang bundok, at ang Inyong mukha ay
nagsindi ng pag-asa sa loob ng kanyang puso. Sinabi niya sa akin: “May
nakita akong isang bagay sa mukhang iyon na bumulong sa akin: ‘May
kalusugan doon. Lakad!’ At ako'y pumunta”. Pagkatapos inulit niya ang
Inyong talumpati sa akin at sinabi niya sa akin na siya ay Iyong
pinagaling, hinihipo siya ng Inyong kamay, nang walang pagkamuhi. Siya
ay pabalik mula sa pari pagkatapos ng puripikasyon. Kilala ko siya.
Gumawa ako ng ilang trabaho para sa kanya nang siya ay may isang
tindahan sa Caesarea. Ako'y pumunta, nagtatanong tungkol sa Inyo sa
bawat bayan at nayon. Ngayon nakita ko na Kayo… Maawa sa akin!»
⁸«Halika. Ang liwanag ay napakatingkad pa para sa isang manggagaling sa
kadiliman!»
«Ako ba ay Inyong pagagalingin, kung gayon?»
Si Jesus ay dinala siya sa bahay ni Pedro, sa malabong liwanag ng
pangkusinang-hardin, inilagay Niya siya sa harapan Niya Mismo, sa gayong
pusisyon na ang kanyang napagaling na mga mata ay hindi sana makita,
bilang unang tanawin, ang lawa na kumikislap pa sa mga liwanag. Ang mamâ
ay nagmumukhang isang masunuring bata, sumusunod siya nang walang mga
tanung-tanong.
«Ama! Ang Inyong Liwanag sa anak Ninyong ito!» Si Jesus ay naiunat ang
Kanyang mga kamay sa ibabaw ng ulo ng nakaluhod na mamâ. Siya ay
nananatili sa aktitud na iyon nang isang sandali. Pagkatapos Kanyang
binasa ng laway ang dulo ng Kanyang mga daliri at sa pamamagitan ng
Kanyang kanang kamay hinipo Niya nang marahan ang bukas, ngunit
walang-buhay na mga mata.
⁹Isang sandali. Pagkatapos ang mamâ ay kumurap, kinuskos ang kanyang mga
talukap na tila siya ay gumigising sa pagkakatulog, at ang kanyang mga
mata ay nalalabuan.
«Ano ang iyong nakikita?»
«O!... o!... o!.. Eternal na Diyos! Sa palagay ko… sa palagay ko o! na
ako ay nakakakita… Nakikita ko ang Inyong manta… Ito ay pula, hindi ba?
At isang maputing kamay… at isang delanang sinturon… o! Mabuting Jesus…
Nakakakita ako nang pabuti nang pabuti, habang mas nasasanay akong
tumingin… Naroroon ang damo ng lupa… at iyan ay tiyak na isang bubon… at
naroroon ang isang baging…»
«Tumayo ka, Aking kaibigan.»
Ang mamâ na umiiyak at tumatawa, ay tumatayo, at pagkaraan ng
isang sandali ng pag-aalinlangan sa pagitan ng paggalang at pagmithi,
itinaas niya ang kanyang mukha at nakita ang mga mata ni Jesus. Maaaring
napakaganda na makakita muli at nakikita ang mukhang iyon bilang unang
tanawin! Ang mamâ ay sumigaw at iniunat ang mga kamay. Ito ay isang
likas na pagkilos. Ngunit kanyang pinigil ang kanyang sarili.
Ngunit si Jesus ay ibinuka ang Kanyang mga kamay at kinabig sa Kanyang
Sarili ang mamâ na masyadong mas mababa kaysa sa Kanya. «Umuwi ka na,
ngayon, at maging masaya at makatarungan. Humayo kasama ang Aking
kapayapaan.»
«Guro, Guro! Panginoon! Jesus! Banal! pinagpalà! Ang liwanag… nakakakita
ako… nakikita ko ang lahat… Naroon ang asul na lawa, ang malinaw na
kalangitan, ang lumulubog na araw, at ang mga sungay ng lumiliit na
buwan… Ngunit nasa loob ng Inyong mga mata ang nakikita kong
pinakamaganda at malinaw na asul, at sa loob Ninyo nakikita ko ang
kagandahan ng pinakatunay na araw, at ang basal na liwanag ng
pinagpalang buwan. Kayo ang Tala ng mga naghihirap, ang Liwanag ng mga
bulag, ang buháy na aktibong Awa!»
«Ako ang Liwanag ng mga kaluluwa. Maging isang anak ng Liwanag.»
«Oo, Jesus, lagi. Sa tuwing isasara ko ang aking nabuhay-na-muling mga
mata, uulitin ko ang aking pangako. Harinawang Kayo at ang Kataastaasan
ay pagpalain.»
«Pagpalain ang Kataastaasang Ama! Lakad!»
At ang mamâ ay umalis, masaya, nakatitiyak ng kanyang sarili, habang si
Jesus at ang natulalang mga apostol ay sumasakay sa bangka at sinimulan
ang kanilang paglalayag na mga manyobra.
At ang bisyon ay natapos.
(308)
190710/040713
¹ Tinutukoy ni Jesus ang pang-espirituwal na gabay na pari ni Maria Valtorta. RLB.
² Leviathan - Maaaring ang ahas-dagat ng alamat ng Hebreo. Ang
apocryphal na Aklat ni Enoch ay nagsasalita ng tungkol sa kasa-kasamang
hayop na babae na ang pangalan ay Leviathan. - Hango sa answer.com - RLB.