580. Ang Biyernes Bago ang Pagpasok sa Herusalem. Si Judas ng Kerioth walang pagsisisi.

 

Marso 19, 1947.

«Kung ibig ninyo, makakalakad kayo, saan man ang ibig ninyo. Ako ay mananatili rito kasama sina Judas at Santiago. Ang mga babaeng disipulo ay parating» sabi ni Jesus sa mga apostol na nagkaipun-ipon sa paligid Niya sa ilalim ng balkonahe ng bahay. At dinagdag pa Niya: «Ngunit tiyakin na lahat kayo ay nakabalik na rito bago lumubog ang araw. At maging mahinahon. Sikapin na hindi napupuna upang maiwasan ang mga pagganti laban sa inyo.»

«O! ako ay mananatili rito. Ano ba ang kailangan kong gawin sa Herusalem?» sabi ni Pedro.

«Sa halip ako ay lalakad. Ang aking ama ay tiyak na hinihintay ako. Gusto niyang ihandog ang alak. Isang matagal nang pangako, ngunit laging tinutupad, sapagkat ang aking ama ay isang tapat na tao. Anong gandang alak ang matitikman ninyo sa bangkete ng Paskuwa! Ang ubasan ng aking ama sa Ramah! Ito ay sikát doon sa lugar» sabi ni Tomas.

«Ang mga alak din na ito ni Lazarus ay napaka sarap. Hindi ko kailanman makakalimutan ang bangkete para sa kapistahan ng Dedikasyon...» sabi ni Mateo, sa di-sinasadyang pananalita ng katakawan.

«Kung gayon ang iyong alaala ay mapaninibago nang mas lalo pa kailanpaman, sapagkat sa palagay ko si Lazarus ay magbibigay ng malaking bangkete bukas. Nakita ko ang gayong mga preparasyon...» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Ganoon ba? Darating ba ang ibang mga tao?» tanong ni Andres.

«Hindi. Tinanong ko si Maximinus. Sinabi niya hindi.»

«Ah! Sana sinuot ko yung bagong tunika na pinadala sa akin ng aking asawa» sabi ni Felipe.

«Iyan ang aking gagawin. Gusto kong isuot iyon sa Paskuwa. Ngunit isusuot ko iyon bukas. Magkakaroon tayong mas malaking kapayapaan dito bukas, kaysa sa darating na kaunting pang mga araw...» sabi ni Bartolomeo  at siya ay tumigil nang nag-iisip.

«Aadornohan ko ang aking sarili ng bagong mga damit pagpunta sa bayan. At papaano Kayo, Guro?» tanong ni Juan.

«Gayon din Ako. Magsusuot Ako ng purpurang mga kapa.»

»Magmumukha Kayong katulad ng isang hari!» bulalas ng paboritong apostol puno ng paghanga, dahil naiimahina na niya Siya sa loob ng magagandang kapa...

«Ngunit kung hindi ko iyan inasikaso! Nagkaroon na sana ako ng purpurang iyan nang maraming taon na...» sabi ng Iskariote nang may kayabangan.

«Talaga? O! walang sinuman ang naka-isip ng tungkol diyan... Ang Guro ay laging napaka mapagpakumbaba..»

«Napaka-mapagpakumbaba. Ang panahon ay dumating kung kailan Siya ay dapat na maging Hari. Sapat nang matagal ang ating pinaghintay! Kung Siya ay hindi isang hari sa isang trono, upang mapangalagaan man lamang ang Kanyang dignidad, kailangan na mayroon Siya ng mga damit na bagay sa Kanyang ranggo. Ako ang bahala sa lahat.»

«Tama ka, Judas. Nalalaman mo ang mga pamamaraan ng mundo. Kami... ay mahihirap na mangingisda...» sabing mapagpakumbaba ng mga lalaking nanggaling sa lawa... At katulad na siyang laging ang nangyayari sa liwanag ng mundo sa huwad na takip-silim ng mundo – ang may-halong mababang uring metal ni Judas ay tila mas noble kaysa sa di-napino, ngunit puro, sinsiro, tapat na ginto ng mga puso ng  mga Galilean...

Si Jesus, Na nakikipagusap sa Zealot at sa mga anak ni Alfeo, ay tumalikod at tiningnan ang Iskariote at ang mga tapat na mga lalaki, napaka mapagpakumbaba at napapahiya sa pagiging gayon... walang-wala kompara kay Judas... at iniiling Niya ang Kanyang ulo nang walang sinasabi na kahit ano. Ngunit nang makita Niya ang Iskariote na nagtatali ng mga sintas ng kanyang mga sandalyas at inaayos ang kanyang manta na tila siya ay aalis na, tinanong Niya siya: «Saan ka pupunta?»

«Sa bayan.»

«Sinabi Ko sa inyo na pinamamalagi Ko kayo rito kasama si Santiago...»

«Ah! Akala ko ang tinutukoy Ninyo ay ang Inyong kapatid na si Judas... Kung gayon... ako... ay katulad ng isang preso... Ah! Ah!» nanunuya siya.

«Hindi sa palagay ko na ang Bethany ay may mga tanikala o mga baras. Mayroon lamang ito ng mithiin ng iyong Guro. At mamahalin kong maging ang preso nito» wika ng Zealot.

«O! siyempre! Ako ay nagbibiro... Ang katotohanan ay... gusto kong makibalita tungkol sa aking ina. Ang mga peregrino mula sa Kerioth ay tiyak na nakarating na sa Herusalem at...»

«Hindi. Sa loob ng dalawang araw tayo ay mapupunta sa Herusalem. Ikaw ay mamamalagi na ngayon dito» sabi ni Jesus nang ma-awtoridad. Si Judas ay hindi namimilit. Inalis niya ang kanyang manta nagsasabing: «Kung gayon? Sino ang pupunta sa bayan? Kailangan natin na malaman kung ano ang mga sabi-sabi... Ano ang ginagawa ng mga disipulo... Gusto kong umalis upang makarinig din ng tungkol sa mga kaibigan... Ako ay nangako kay Pedro...»

«Hindi na bale. Ikaw ay mananatili. Wala sa kung ano ang sinabi mo ang kinakailangan. Iyan ay hindi istriktong kinakailangan...»

«Ngunit kung si Tomas ay lalakad...»

«Guro, gusto ko rin na lumakad. Ipinangako ko rin ito. May mga kaibigan ako sa bahay ni Annas at...»

«At pupunta ka ba roon, anak? At kung ikaw ay mahuli nila?» tanong ni Salome na lumapit sa kanila.

«Kung mahuli nila ako? Ano bang mali ang nagawa ko? Wala. Kung gayon hindi ko dapat na katakutan ang Panginoon. At kahit na kung mahuli nila ako, hindi ako manginginig.»

«O! ang matapang na bata-pang leon! Hindi ka ba manginginig? Wala ka bang alam kung gaano nila tayo kinapopootan? Ito ay kamatayan, alam mo ba, kung tayo ay kanilang mahuli» sabi ng Iskariote upang takutin siya.

«Kung gayon bakit gusto mong lumakad? Ikaw ba kaya ay may pribilehiyo na hindi mapakikialaman? Ano ang iyong ginawa upang maging ganyan? Sabihin sa akin, at gagawin ko iyan.»

Si Judas ay bigla na lamang nagmumukhang takót at galít, ngunit ang mukha ni Juan ay napakalinaw na ang traydor ay nabigyan ng katiyakan. Nabatid niya na doon ay walang pambibitag, walang pagsospetsa sa mga salitang iyon, at sinabi niya: «Wala akong ginawa na kahit ano. Ngunit mayroon akong ilang mabubuting kaibigan malapit sa Prokonsul, kung kaya't...»

«Bueno! Ang sinuman na gustong sumama, ay sumama, dahil hindi na umuulan. Nag-aaksaya tayo ng oras dito at pagtanghali baka umulan ulit. Sinuman ang gustong sumama ay kailangang magmadali» sabi ni Tomas inapura sila.

«Sasama ba ako, Guro?» tanong ni Juan.

«Oo, lakad.»

«Ayan na Kayo! Ito ay laging ganyan din! Siya ay maaari, ang iba ay maaari. Ako hindi. Ito ay laging “hindi” para sa akin!»

«Susubukan kong makaalam tungkol sa iyong ina» sabi ni Juan upang kumalma siya.

«At susubukan ko rin. Sasama ako sa inyo ni Tomas» sabi ng Zealot at dagdag pa niya: «Ang aking matandang edad ay makapagpipigil sa mga bata pa, Guro. At kilalang-kilala ko ang mga taga-Kerioth. Kung may makita akong sinuman, lalapitan ko sila. Dadalhan kita ng balita tungkol sa iyong ina, Judas. Maging mabait! Maging tahimik! Ito ay Paskuwa, Judas. May nararamdaman tayong lahat ng kapayapaan ng kapistahan na ito, ng lugod ng solemnidad na ito. Bakit gusto mong mag-isang maging balisa, labis na nagmumukmok, di-makontentong labis, walang kinalulugdang kapayapaan? Ang Paskuwa ay ang pagdaan ng Diyos... Ang Paskuwa, para sa ating mga Hebreo, ay ang kapistahan ng ating liberasyon mula sa matigas na pamatok. Ang Kataastaasang Diyos ay hinango tayo. Ngayon, sa dahilan na ang matagal nang pangyayari ay hindi maaaring ulitin, ang simbolo nito ay nananatili, nag-iisa... Paskuwa: liberasyon ng mga puso, puripikasyon, binyag, kung ibig mo, ng dugo ng kordero, upang ang mga kaaway na kapangyarihan ay hindi na sana masugatan nito ang mga taong may marka nito. Napakagandang simulan ang bagong taon sa pamamagitan ng kapistahan na ito ng puripikasyon, ng liberasyon, ng adorasyon sa Diyos ating Tagapagligtas... O! mawalang-galang na, Guro! Ako ay nakapagsalita kung saan ako ay dapat na nanahimik, sapagkat Kayo ay naririto upang itama ang aming mga puso...»

«Katulad na katulad lamang ng aking iniisip, Simon. Ang pinakang bagay din na iyon: na ako ay may dalawang guro ngayon sa halip na isa lamang, at sila ay tila napakarami» sabi ng Iskariote nang galít.

Si Pedro... o! si Pedro sa sandaling ito ay hindi mapigilan ang sarili at siya ay nagwala sa galit nagsasabing: «At kung hindi mo titigilan ito kaagad magkakaroon ka ng ikatlo at iyan ay magiging ako. At sinusumpa ko sa iyo na ang aking argumento ay magiging mas kakumbinsing-kakumbinsi kaysa sa mga salita.»

«Bubugbugin mo ba ang isang kasamahan? Pagkatapos ng napakalaking pagsisikap na mapanatili ang lumang Galilean sa ilalim, ang iyong totoong pagkatao ay umiibabaw muli, ganoon ba?»

«Hindi ito umiibabaw. Ito ay laging nasa ibabaw, at napakalinaw na hindi ako gumagamit ng kakambal. Ang problema ay sa mga utu-uto na katulad mo, isang argumento lamang ang makakapasok: isang maganda-gandang palo. Kailangan na mahiya ka sa pangangahas sa Kanyang kabaitan at sa aming pasensya! Halika, Simon! Halika, Juan! Halika, Tomas! Paalam, Guro. Ako ay sasama na rin, sapagkat kung ako ay mananatili... hindi, salamat sa Diyos, hindi ko na mapipigilan pa ang aking sarili» at si Pedro ay hinablot ang kanyang manta, na nasa ibabaw ng upuan, at isinuot ito nang nagmamadali, at siya ay galit na galit na hindi niya napuna na naisuot niya ito nang baligtad, kung kaya't kinailangan ni Juan na sabihin sa kanya ang kanyang pagkakamali at tinulungan siyang itama ito. At umalis siyang una ulo, binabagsak ang kanyang mga paa sa lupa, upang makalabas nang gayon ang iba ng ganyang galit. Nagmumukha siyang isang naninibasib na bata-pang toro.

Ang iba... o! ang iba ay katulad ng bukás na mga aklat kung saan mababasa ng isa kung ano ang nakasulat. Si Bartolomeo ay itiningala ang kanyang manipis na mukha ng isang matandang lalaki patungo sa kalangitan na makulimlim pa rin, na tila pinag-aaralan niya ang mga hangin, upang hindi kailangan na pag-aralan ang mga mukha: ang kay Jesus sa katunayan ay nakakalungkot, ang sa Iskariote ay labis na may pagka-taksil. Si Mateo at si Felipe ay tinitingnan si Tadeo na ang kaninong mga mata, katulad na katulad ng kay Jesus, ay kumikislap sa galit, at sila ay pareho ang iniisip: nilagay nila si Judas sa pagitan nilang dalawa at itinulak sa tabi ng daanan na patungo sa bahay ni Simon, nagsasabing: «Gusto ng iyong ina na gawin namin iyan. Mas mabuti pang sumama ka na rin, Santiago ni Zebedeo» at kinaladkad din nila ang anak ni Salome. Si Andres ay tinitingnan si Santiago ni Alfeo at sa Santiago ay tinitingnan siya: dalawang mukha na nagpapakita ng parehong pinipigilan na paghihirap, at sa dahilan na hindi nila malaman kung ano ang kanilang sasabihin, naghawakan sila ng kamay katulad ng dalawang bata at umalis na malungkot. Si Salome ang tanging babaeng disipulo roon at hindi siya maglakas-loob na gumalaw o magsalita, ni hindi siya nakapagpasya kung siya ay aalis, na tila gusto niyang pigilan ang iba pang mga salita ng walang-silbing apostol sa pamamagitan ng kanyang presensya. Mabuti na lamang wala sa pamilya ni Lazarus ang naroroon. Ang Banal na Birhen din ay wala roon.

Nakikita ni Judas na siya ay nag-iisa na lamang kasama si Jesus at si Salome. Sa dahilan na ayaw niyang makasama sila, tumalikod siya at umalis nang tuwiran patungo sa balag ng hasmin.

Si Jesus ay tinitingnan siyang umaalis. Pinapanood Niya siya. Napuna Niya na si Judas pagkatapos na magkunwaring nauupo sa loob ng balag, si Judas ay pumuslit na makaalis sa katahimikan at nawala sa pagitan ng mga halamang-bakod na mga rosas, laurel at mga kahon, na naghihiwalay sa tunay na hardin sa mga latag na taniman ng mga panrekado, kung saan naroroon ang mga bahay-pukyutan. Posibleng makalabas doon sa pamamagitan ng isa sa mga sekundaryong mga geyt na nakabukas sa mga pader ng malaking hardin, isang tunay na parke, na ang dalawang tabi nito ay humahantong sa napakataas na mga halamang bakod, kasing lapad ng isang abenida, na may mga butas sa mga geyt dito at doon upang makaraan papunta sa mga parang, mga bukid, mga lootan at mga taniman ng mga punong-olibo, pati na rin sa bahay ni Simon, na nag-uugnay sa hardin sa mga bukid, pinagsasama at pinaghihiwalay din sila nang kasabay, habang sa dalawa pang tabi ay may malalakas ng masibong mga pader na nagbubukas sa dalawang daan, isang sekundaryo at isang pangunahing daan, na pumoporma sa isang sangahan-ng-mga-daan at ang una, binabagtas nito ang Bethany, ay tumatakbo patungong Bethlehem.

Si Jesus ay itinutuwid ang Kanyang Sarili hangga't maaari at binabago ang Kanyang pusisyon kung kinakailangan, upang makita kung ano ang ginagawa ng Iskariote, at ang Kanyang mga mata ay umaapoy.

Si Maria Salome ay tinitingnan sila at naiintindihan niya, bagama't hindi siya makakita, bilang di napakataas, nadadama niya kung ano ang nangyayari sa dulo ng parke at siya ay bumulong: «Panginoon, maawa sa amin!»

Si Jesus ay napakinggan ang kanyang bulong at Siya ay tumalikod nang isang sandali upang tingnan ang Kanyang mabuting simpleng disipulo. Maaaring nagkaroon siya ng isang kaisipan ng makainang pagmamalaki nang humiling siya ng isang lugar ng karangalan para sa kanyang mga anak, ngunit siya man lamang ay nasa pusisyon na gawin iyon dahil sila ay mabubuting mga apostol at mapagpakumbabang tinanggap niya ang pangangaral ng Guro at hindi niya minasama ito, ni hindi siya lumayo sa Kanya, sa kabaligtaran siya ay naging mas mapagpakumbaba pa at sunud-sunuran sa kanyang Guro, Na kanyang sinusundan katulad ng Kanyang anino, hangga't magagawa niya, at na ang Kaninong pinakamaliit na ekspresyon kanyang pinag-aaralan upang, hangga't maaari, maunahan niya ang Kanyang mga hihilingin at mabigyan Siya ng lugod. At kahit na ngayon ang mabuti at mapagpakumbabang Salome ay nagsisikap na mapaginhawahan ang Guro at mapatahimik ang pagsospetsa na siyang nagpapahirap sa Kanya, nagsasabing: «Kita Ninyo? Hindi siya lumalayo. Iniwan niya ang kanyang manta roon at hindi niya ito kinuha. Maaaring siya ay maglalakad-lakad sa mga parang upang maparaos ang kanyang sumpong... Si Judas ay hindi kailanman pumupunta sa bayan kung hindi siya nakabihis nang maayos...»

«Siya ay pupunta roon kahit na kung siya ay hubad, kung ginusto niya. Sa katunayan... Tingnan! Halika rito!»

«O! sinusubukan niyang buksan ang geyt! Ngunit ito ay nakakandado! Tinatawag niya ang isa sa mga katulong sa mga bahay-pukyutan!»

Si Jesus ay sumigaw sa malakas ng tinig: «Judas! Hintayin mo Ako! Kailangan Kong magsalita sa iyo» at Siya ay aalis na sana.

«Alang-alang sa awa, Panginoon!!! Tatawagin ko si Lazarus... Ang Inyong Ina... Huwag Kayong lumakad nang mag-isa!»

Bagamat si Jesus ay naglalakad nang mabilis, Siya ay tumalikod nang kaunti at nagsabi: «Inuutusan kita na huwag gawin iyan. Sa kabaligtaran, manahimik. Sa lahat. Kung magtanong sila tungkol sa Akin: Ako ay lumabas kasama si Judas para maglakad-lakad. Kung dumating ang mga babaeng disipulo, gawin silang maghintay. Babalik Ako kaagad.»

Si Salome ay hindi nagsalita, ni hindi rin ang Iskariote. Ang una malapit sa bahay, ang huli malapit sa pader, sila ay kapwa nananatili kung saan sila pinatigil ni Jesus at tinitingnan nila Siya: si Salome ay nakikita si Jesus na lumalayo, si Judas nakikita si Jesus na lumalapit sa kanya.

«Buksan mo ang pinto, Jonah. Ako ay lalabas nang sandali kasama ang Aking disipulo. At kung ikaw ay mananatili rito, hindi mo na kailangan na isara iyan paglabas namin. Babalik kaagad Ako» sabi Niya nang may-kabaitan sa katulong na magbubukid na nananatiling di-makapagsalita na ang susi nasa kanyang kamay.

Ang mabigat na bakal na pinto ay lumalangitngit sa pagbukas, katulad na ang susi ay gumagasgas sa pagbukas sa kandado.

«Ang pinto na bihirang buksan» sabi ng katulong ngumingiti. «Eh! ikaw ay naging makalawang! Kapag ang isa ay walang ginagawa siya ay nasasayang... gawa ng kalawang, alikabok... maliliit na hayop... Ganyan din ang nangyayari sa atin... kung lagi natin hindi tatrabahuhin ang ating mga kaluluwa!»

«Mabuting pagkasabi, Jonah! Ang iyong naiisip ay marunong na kaisipan. Maraming rabbi ang maiinggit sa iyo.

«O! ang aking mga pukyutan ang nagmungkahi nito sa akin... at ang Inyong mga salita. Ito ay totoong ang Inyong mga salita.  Pagkatapos ang mga pukyutan din ay ginawa akong maintindihan ko ang mga ito. Sapagkat ang lahat ay may isang tinig, kung maiintindihan ito ng isa. At sasabihin ko: kung ang mga pukyutan ay sinusunod ang utos Niya Na naglikha sa kanila, at sila ay maliliit na insekto na hindi ko alam kung sila ay may mga utak at mga puso, at ako, na may puso, utak at kaluluwa, at napapakinggan ko ang Guro, wala ba akong pananagutan na gawin ang kanilang ginagawa, laging ginagawa kung ano ang sinasabi ng Guro na aming dapat gawin, at sa ganoon magawa ang aming kaluluwa na maganda at maningning, nang wala kahit anong kalawang, putik at dayami, at mga bato at iba pang mga patibong na inilagay kagamitan ng mala-dimonyong mga kaaway?»

«Tamang-tama ka. Gayahin ang iyong mga pukyutan, at ang inyong kaluluwa ay magiging isang masaganang bahay-pukyutan puno ng mahahalagang birtud, at ang Diyos ay darating upang kalugdan ito. Paalam, Jonah. Ang kapayapaan ay mapasayo.»

Ipinatong Niya ang Kanyang kamay sa kulay-abong ulo ng katulong, na tumigil sa harapan Niya, at Siya ay lumabas sa daan patungo sa mga parang ng pulang klabel na kasing ganda ng makapal na pulang-pula at kulay-dugong mga alpombra. Ang mga pukyutan ay lumilipad dito palipat-lipat sa mga bulaklak kumikislap at humuhugong.

Noong sila ay sapat nang malayo mula sa pader upang walang sinuman sa hardin ni Lazarus ang maaaring makarinig sa kanila, si Jesus ay nagsabi: «Napakinggan mo ba ang katulong na iyon? Siya ay isang magbubukid. Iyon ay malaking bagay na kung nakakabasa siya ng kaunting mga salita... gayunpaman... ang kanyang mga salita ay maaaring Ako ang nagbigkas at ang Aking talumpati ay hindi magmumukhang katangahan. Ang pakiramdam niya ang isa ay kailangan na magbantay upang matiyak na ang mga kaaway ng espiritu ay hindi ito masira... Ikaw... ay Aking pinananatiling malapit sa Akin dahil sa ganyang mga kaaway, at iyan kung bakit kinapopootan mo Ako! Gusto kitang ipagsanggalang laban sa iyong sarili at sa kanila, at kinapopootan mo Ako. Iniaabot Ko sa iyo ang pamamaraan na mailigtas ang iyong sarili, at magagawa mo pa ito, at kinapopootan mo Ako. Sasabihin Ko sa iyong muli: umalis ka, Judas. Magpakalayu-layo ka. Huwag kang pumunta sa Herusalem. Ikaw ay wala sa tamang kalusugan. Hindi kasinungalingan ang sabihin na labis kang may nararamdaman na hindi ka makakabahagi sa selebrasyon ng Paskuwa. Ang ipagdiriwang mo ay ang isang suplementaryo. Ipinahihintulot ng Batas na ipagdiwang ng mga tao ang suplementaryong Paskuwa, kung ang mga sakit o iba pang malalang mga rason ay pinipigilan silang ipagdiwang ang solemneng Paskuwa. Hihingin Ko kay Lazarus – siya ay isang mahinahon na kaibigan at hindi magtatanong ng kahit na ano – na dalhin ka sa ibayo ng Jordan ngayong araw.»

«Hindi. Sinabi ko na sa Inyo nang maraming beses na ako ay Inyong tanggihan. Ayaw Ninyo ito. Ngayon ayaw ko na ito.»

«Ayaw mo na? Ayaw mo nang maligtas? Hindi ka na naaawa sa iyong sarili? Sa iyong ina?»

«Kailangan ang sabihin Ninyo sa akin: “Wala ka bang awa sa Akin?” Mas magiging sinsiro pa Kayo.»

«Judas, Aking di-masayang kaibigan, hindi Ako nakikiusap sa iyo alang-alang sa Akin. Nakikiusap Ako sa iyo para sa iyong sariling kapakanan. Tingnan mo! Tayo ay nag-iisa. Ikaw at Ako nag-iisa.. kilala mo kung sino Ako, kilala Ko kung sino ka. Ito ay ang huling sandali ng grasya na pinagkakaloob sa atin upang mapigilan ang iyong pagkasira... O! huwag manuyang labis na maka-dimonyo, Aking kaibigan. Huwag mo Akong tawanan na tila Ako ay baliw: Sinasabi Ko: “iyong kasiraan” at hindi Akin. At ang Akin ay hindi kasiraan. Ang iyo oo... Tayo ay nag-iisa, ikaw at Ako, at sa itaas natin ay nariyan ang Diyos... Ang Diyos na hindi pa sa iyo napopoot, ang Diyos na siyang Saksi sa supremong pakikibakang ito sa pagitan ng Kabutihan at Kasamaan naglalabanan para sa iyong kaluluwa. Sa itaas natin ay naririyan ang Karurukan ng Langit nakatingin sa atin. Ang Karurukan ng Langit na malapit nang mapuno ng mga santo. Sila ay nagbubunyi na, sa kanilang lugar ng paghihintay, sapagkat nararamdaman nila na ang lugod ay dumarating... Judas, ang iyong ama ay isa sa kanila...»

«Siya ay isang makasalanan. Siya ay wala roon.»

«Siya ay dating makasalanan, ngunit hindi isang naisumpang kaluluwa. Kung kaya't ang lugod ay lumalapit din sa kanya. Bakit ibig mong pamighatiin siya sa kanyang kaluguran?»

«Siya ay nakalampas na sa kapighatian. Siya ay patay na.»

«Hindi. Hindi siya nakalampas sa kapighatian nakikita kang may pagkakasala, ikaw... o! huwag mo Akong gawin na sabihin Ko ang salitang iyon!...»

«Oo, sabihin Ninyo! Lagi ko nang sinasabi iyan sa aking sarili sa loob ng maraming buwan! Ako ay naisumpa na. Alam ko. Wala nang mababago pa.»

«Lahat Judas, Ako ay lumuluha. Ang huling mga luha ng Tao... gusto mo bang ito ay iluha?... Judas, nakikiusap Ako sa iyo. Isipin, Aking kaibigan: ang Langit ay sumasang-ayon sa Aking mga panalangin, at ikaw, at ikaw... Gagawin mo ba Akong manalangin nang walang mangyayari? Isipin kung sino ang nananalangin sa harapan mo: ang Mesiyas ng Israel, ang Anak ng Ama... Judas, makinig sa Akin... Tumigil, habang magagawa mo pa!...»

«Hindi!»

Si Jesus ay tinakpan ang Kanyang mukha ng Kanyang mga kamay at bumagsak sa lupa sa hangganan ng parang. Siya ay lumuluha nang walang ingay, ngunit may-kapaitan. Ang Kanyang mga balikat ay nauuga ng Kanyang malalim na paghikbi...

Si Judas ay tinitingnan Siya, doon, sa kanyang paanan, durog-ang-puso, umiiyak, at dala ng mithiin na mailigtas siya... at siya ay naantig sa isang sandali. Kinalilimutan ang matigas na tono ng isang tunay na dimonyo na mayroon siya kanina, sinabi niya: «Hindi ako makaaalis... Naibigay ko na ang aking salita...»

Si Jesus ay itinaas ang Kanyang naghihirap na mukha at pinutol siya nagsasabing: «Kanino? Kanino? Sa ilang kaawa-awang mga tao! At ikaw ay nag-aalala tungkol sa kanila, na baka ka tingnan nila na kahiya-hiya?  At hindi ba’t naibigay mo ang sarili mo sa Akin sa nang tatlong taon? At inaalala mo ang tungkol sa mga komentaryo ng sandakot na mga tagagawa ng masama at hindi ang tungkol sa paghuhukom ng Diyos? o! Ngunit ano ba ang dapat Kong gawin, Ama, upang mabuhay muli sa kanya ang kalooban na huwag magkasala?» At Kanyang ibinaba ulit ang Kanyang ulo, napahihirapan ng kapighatian, nalulungkot... Siya ay nagmumukha nang ang Jesus na naghihirap sa aguniya sa Gethsemane.

Si Judas ay nalulungkot para sa Kanya at nagsabi: «Ako ay mananatili. Huwag maghirap nang ganyan! Mananatili ako... tulungan Ninyo akong manatili! Ipagsanggalang ako!»

«Lagi na! Lagi na, kung hihilingin mo lamang. Halika. Walang kasalanan na hindi Ko pinauumanhinan at pinatatawad. Sabihin: “Gusto ko”. At natubos na kita...» Si Jesus, nakatayo, ay kinuha siya sa Kanyang mga bisig.

Ngunit kung ang mga luha ni Jesus-Diyos ay bumabagsak sa ulo ni Judas, ang mga labì ni Judas ay nananatiling nakasarado. Hindi niya sinasabi ang hinihinging salita. Hindi niya sinasabi «patawarin ako» nang binubulong ni Jesus sa kanyang buhok: «Mararamdaman mo kung minamahal kita! Kinagalitan sana kita! Hinahalikan kita. May karapatan sana Akong sabihin sa iyo: “Hingin mo sa Diyos na patawarin ka” at ang hinihiling Ko lamang sa iyo ay ang kalooban na mapatawad. Ikaw ay labis na may sakit! Hindi ka makahihingi ng labis sa isang tao na labis na may sakit. Sa lahat na mga nagkasala na lumapit sa Akin hiningi Ko ang absulutong pagtitika upang sila ay mapatawad. Hinihingi Ko sa iyo, Aking kaibigan, ang kalooban lamang na magsisi at pagkatapos... Ako ay kikilos.»

Si Judas ay tahimik...

Si Jesus ay pinakawalan siya nagsasabing: «Manatili man lamang dito hanggang sa araw pagkatapos ng Sabbath.»

«Mananatili ako... Bumalik na tayo sa bahay. Mapupuna nila ang pagkawala natin. Ang mga babae ay baka naghihintay para sa Inyo. Mas mabuti pa sila kaysa sa akin at kailangan na huwag Ninyo silang pababayaan dahil sa akin.»

«Naaalaala mo ba ang parabula tungkol sa nawawalang tupa? Ikaw ang nawawalang tupa... Sila, ang mga babaeng disipulo, ay ang mabubuting tupa nakasara sa kulungan. Sila ay wala sa panganib, kahit na kung Ako ay kinailangan na maghanap nang buong araw para sa iyong kaluluwa upang madala itong pabalik sa kawan...»

«Siyempre! Siyempre! Sige! Babalik ako sa kawan! Ikukulong ko ang aking sarili sa silid-aklatan ni Lazarus at magbabasa ako roon. Ayaw kong ako ay magambala. Ayaw kong makita ang sinuman o mapakinggan ang kahit na ano. Kung gayon... Hindi Ninyo ako mapagsususpetsahan lagi. At kung ang Sanhedrin ay mapasabihan ng tungkol sa kahit na ano na nangyayari, kailangan na hanapin Ninyo ang ahas sa pagitan ng Inyong mga paboritong disipulo. Paalam! Papasok ako sa pamamagitan ng pinaka-geyt. Huwag matakot. Hindi ako tatakas. Makakapunta Kayo at tingnan kailanman Ninyo gusto» at tumatalikod sa Kanya siya ay naglakad nang papalayo.

Si Jesus, isang matangkad na pigura sa Kanyang linen na tunika sa gilid ng berdeng-pulang parang, ay itinaas ang Kanyang mga kamay patungo sa maliwanag na kalangitan at itinaas ang Kanyang napakalungkot na mukha at kaluluwa sa Kanyang Ama umuungol: «O! Ama! Aakusahan ba Ninyo Ako na Ako ay may nakaligtaan na kahit ano na baka makapagligtas sa kanya? Nalalaman Ninyo na Ako ay nakikibaka upang mapigilan ang kanyang krimen alang-alang sa kanyang kaluluwa, hindi para sa Aking buhay... Ama! O! Ama! Nakikiusap Ako sa Inyo! Bilisan ang oras ng kadiliman, ang oras ng Sakripisyo, sapagkat napakalupit nito para sa Akin na mamuhay malapit sa kaibigan na ayaw na matubos... Ang pinakamalaking kapighatian!» at si Jesus ay naupo sa ibabaw ng makapal, mataas, magandang klabel. Ipinatong Niya ang Kanyang ulo sa Kanyang nakataas na mga tuhod na yakap ng Kanyang mga kamay at Siya ay umiiyak...

O! hindi ko matingnan ang mga luhang iyon! Nasa paghihirap, nasa pangungulila, nasa... paniniwala na ang Langit ay hindi Siya pagiginhawahan, at na kailangan na paghirapan Niya ang kapighatian na iyon, ang mga ito ay katulad na katulad na ng mga makikita sa Gethsemane. At ito ay nagpapamighati sa akin nang labis...

Si Jesus ay umiiyak nang matagal sa nangungulilang tahimik na lugar. Ang mga saksi sa Kanyang mga luha ang kulay-gintong mga pukyutan, ang napabanguhang klabel na umaalon nang dahan-dahan sa isang masamang hangin, at ang mga ulap na sa kaagahan ng umaga ay katulad ng isang manipis na lambat sa asul na kalangitan at ngayon naging makapal, madilim, nagkaipun-ipon nagbabanta ng mas marami pang ulan.

Si Jesus ay tumigil sa pag-iyak. Itinaas Niya ang Kanyang ulo nakikinig... Ang ingay ng mga gulong at ng mga kampanilya ng mga guwarnasyon ay nanggagaling mula sa pangunahing daan. Pagkatapos ang ingay ng mga gulong ay tumigil, habang ang ingay ng mga kampanilya ay patuloy.

Sinabi ni Jesus: «Tayo na! Ang mga babaeng disipulo... Sila ay matatapat... Ama, papangyarihin ang ayon sa Inyong kahilingan! Inihahandog Ko sa Inyo ang sakripisyo ng mithiin Kong ito bilang Tagapagligtas at Kaibigan. Ito ay nakasulat! Ginusto Niya ito. Iyan ay totoo. Ngunit, Ama, hayaan Ninyong ipagpatuloy Ko ang Aking gawain sa kapakanan niya hanggang sa ito ay tapos na. At kahit magmula sa sandaling ito sinasabi Ko sa Inyo: Ama, kapag Ako ay nananalangin para sa mga makasalanan, isang biktima na walang kapangyarihan na makagawa ng direktang aksiyon, Ama, kunin ang Aking mga paghihirap at puwersahin ang kaluluwa ni Judas sa pamamagitan nito. Nalalaman Ko na hinihingi Ko kung ano ang hindi maipagkakaloob ng Hustisya. Ngunit ang Awa at Pagmamahal ay nanggaling sa Inyo, at minamahal Ninyo kung ano ang nanggaling sa Inyo at Kaisang Bagay lamang Ninyo, Diyos Iisa at Sang-tatlo, Banal at Pinagpala. Ibibigay Ko ang Aking Sarili sa Aking mga minamahal bilang pagkain at inumin. Kung gayon, Ama, ang Akin bang Dugo at ang Aking Laman ay magiging kapahamakan para sa isa sa kanila? Ama, tulungan Ninyo Ako! Isang mikrobyo ng pagsisisi sa loob ng puso na iyon!... Ama, bakit Kayo lumalayo? Kayo ba ay nagsisimula nang lumayo sa Inyong Salita Na nananalangin? Ama, ang oras ay dumating na. Alam Ko. Harinawang mangyari ang Inyong banal na kalooban! Ngunit iwanan ang Inyong Anak, Inyong Kristo, sa kung Kanino, sa pamamagitan ng Inyong di-malirip na dekreto ang ilang panghuhula tungkol sa hinaharap ay nawawala sa oras na ito – at hindi Ko sinasabi na ito ay kalupitan, bagkus ito ay sa awa sa Akin – iwanan Ninyo Ako ng pag-asa na siya ay maililigtas Ko pa rin. O! Ama! Alam Ko. Nalalaman Ko mula pa nang Ako ay Ako. Nalalaman Ko mula pa noon, hindi lamang bilang Salita, bagkus bilang Tao, nang Ako ay pumunta rito sa Lupa. Nalalaman Ko mula pa nang makilala Ko ang lalaki sa Templo... Lagi Ko nang nalalaman ang tungkol dito... Ngunit ngayon... O! ito ay tila sa Akin – sa pamamagitan ng Inyong dakilang awa, Kabanalbanalang Ama! – ito ay tila sa Akin bagkus isang nakakatakot na panaginip, dala ng kanyang asal, ngunit hindi isang bagay ma di-maiiwasan... at na Ako ay maaari pa ring umasa, lagi, sapagkat walang-hangganan ang Aking paghihirap at magiging walang-hangganan ang Sakripisyo, at sana ito ay maging kaunting benepisyo rin para sa kanya... Ah! Ako ay nahihibang! Ang Tao ang siyang gustong umasa nang gayon! Ang Diyos Na nasa Tao, ang Diyos na ginawang Tao ay hindi maloloko ang Sarili! Ang ulap na sa loob ng isang sandali ay itinatago nito ang kalaliman mula sa Akin ay nawawala na... ang kalaliman nakabukas na upang lamunin ang tao na ginusto ang Kadiliman kaysa sa Liwanag... Ang Inyong habag ang nagtatago nito! Ang Inyong habag ang nagpapakita na nito ngayon, ngayon na Ako ay Inyong nang napaginhawahan muli! Oo, Ama, iyan din! Lahat! At Ako ay magiging Awa hanggang sa katapusan, sapagkat ganyan nga ang Aking Esensiya.»

Siya ay nananalangin pa rin, nananalangin nang tahimik, ang Kanyang mga kamay nakapadipang katulad ng krus, at ang Kanyang naghihirap na mukha ay pakalma na nang pakalma kinukuha ang hitsura ng taimtim na kapayapaan. Ito ay nagiging halos maningning sa liwanag ng kaluguran na nasa loob, bagama't walang ngiti sa Kanyang nakasarang mga labì. Ito ay ang kaluguran ng Kanyang espiritu, nasa pakikipagniig sa Kanyang Ama, isang kaluguran na tumatagas mula sa mga belo ng laman at kinakansela nito ang mga marka na nagawa ng kapighatian at naiguhit sa mukha ng Guro, na naging mas lalu’t lalo pang payat at espirituwal, habang mas lumalapit Siya patungo sa kapighatian at sakripisyo. Sa mga huling mortal na mga araw na ito ang mukha ng Kristo ay hindi na isang mukha ng Lupa, at walang pintor ang makapagbibigay sa atin ng mukhang ito ng Tao Diyos na nakaukit sa sobrenatural na kagandahan ng perpektong total na pagmamahal at kapighatian, kahit na kung ang Tagapagligtas ay ipakita ang Kanyang Sarili sa pintor.

Si Jesus ay naroroon nang muli sa geyt ng bakuran, isinara Niya ito at nagpatuloy patungo sa bahay. Ang katulong na nakita na kanina ay nakita Siya at tumakbo upang kunin ang malaking susi na hawak ni Jesus sa Kanyang kamay.

Siya ay nagpapatuloy. Nasalubong Niya si Lazarus na nagsabi: «Guro, ang mga babae ay dumating. Dinala ko sila sa puting bulwagan sapagkat sa loob ng silid-aklatan ay naroroon si Judas, na nagbabasa at hindi mabuti ang pakiramdam.»

«Alam Ko. Salamat para sa mga babae. Marami ba sila?»

«Sina Johanna, Nike, Eliza at Valeria kasama si Plautina at isang pang kaibigan o napalayang-babae, hindi ko alam, na ang pangalan ay Marcella, at isang matandang babae na nagsasabi na kilala Kayo: si Anna ng Meron, pagkatapos si Annaleah at may isa pang bata-pang babae kasama niya, ang pangalan ay Sarah. Sila ay kasama ng mga babaeng disipulo, ng Inyong Ina at ng Aking mga kapatid.»

«At ang mga tinig na ito ng mga bata?»

«Si Anna ay dinala ang kanyang mga apo, si Johanna kasama ang kanyang mga bata at si Valeria ang kanyang anak na babae. Dinala ko sila sa mas looban na yarda...»

080612

 


Sunod na kabanata