586. Pumunta si Judas sa mga Lider ng Sanhedrin.

Marso 29, 1947.

Si Judas ay dumating sa pangkabukirang bahay ni Caiaphas sa gabi. Ngunit ang buwan ay umaaktong kasabwat ng mamamatay-tao, pinaliliwanagan ang daan para sa kanya. Maaaring nakatitiyak siya na matatagpuan niya roon, sa bahay na iyon sa labas ng mga pader, ang mga taong kanyang hinahanap, kung hindi sa palagay ko sinubukan niya sanang pasukin ang bayan at pumunta sa Templo. Sa halip naglalakad siyang paakyat sa pagitan ng mga punong-olibo ng maliit na burol nang walang pag-aalinlangan. Sa sandaling ito siya ay mas kampante kaysa kanina, sapagkat ngayon ay gabi at ang kadiliman at ang kaliliman ng oras ay nagpoprotekta laban sa bawat posibilidad ng sorpresa. Ang pangkabukiran na mga daan ay walang tao, pagkatapos na maging abala buong araw gawa ng mga pulutong ng mga peregrino na pumupunta sa Herusalem para sa Paskuwa. Kahit na ang kaawa-awang mga ketongin ay ngayon nasa kanila nang mga pinaninilungan at itinutulog ang tulog ng di-masasayang mga tao, kinalilimutan ang kanilang kahihinatnan nang kaunting mga oras.

Si Judas ngayon ay nasa pintuan na ng bahay, na ganap na maputi sa liwanag ng buwan. Siya ay kumakatok: nang tatlong beses, nang minsan, tatlong beses muli, dalawang beses...

Kahit na ang kaugaliang senyas ay naiintindihan niya! At ito ay maaaring isang may-katiyakan na tanda, sapagkat ang pinto ay nagbukas nang kalahati nang walang kahit anong pagtitiyak ng nagtatao sa pinto sa pamamagitan ng maliit na silipan na bútas.

Si Judas ay patagong pumasok at tinatanong niya ang katulong na tao-sa-pinto, na bumabati sa kanya: «Nag-ipun-ipon na ba ang mga miyembro?»

«Oo, Judas ng Kerioth, nag-ipun-ipon na sila. Isang buong kapulungan, maaari kong sabihin.»

«Dalhin ako sa kanila. Kailangan kong magsalita ng tungkol isang mahalagang bagay. Bilis!»

Ang lalaki ay isinara ang lahat na mga panara ng pinto at pinangungunahan si Judas patungo sa isang medyo madilim na silid, tumitigil sa harapan ng isang mabigat na pinto, kung saan siya ay kumatok. Ang mga bulung-bulungan ng mga tinig sa loob ng nakasarang silid ay tumigil at napalitan ito ng ingay ng panara at ng paglalangitngit ng pinto, na binuksan at ang isang kono ng matingkad na liwanag ay suminag sa madilim na koridor.

«Ikaw? Pasok!» sabi ng tao na nagbukas ng pinto at na hindi ko kilala. At si Judas ay pumunta sa bulwagan, habang ang tao na nagbukas sa pinto ay isinasara ito muli.

May mga tanda ng pagkagulat o ng kung man lamang pananabik, noong makita nila si Judas na pumasok sa silid. Ngunit binati nila siya nang sabay-sabay.

«Kapayapaan sa inyo, mga miyembro ng banal na Sanhedrin» bati ni Judas.

«Lumapit ka. Ano ang gusto mo?» tinatanong nila siya.

«Gusto kong magsalita sa inyo... tungkol sa Kristo. Hindi posibleng magpatuloy nang ganito. Hindi na ako ulit makakatulong pa sa inyo, maliban kung magpapasya kayong gumawa ng mahihigpit na hakbang. Ang tao ay nagsosospetsa na ngayon.»

«Nagkamali ka bang nabisto, ikaw na tanga?» bumulalas sila pinuputol siya.

«Hindi. Ngunit kayo ang mga tanga, dahil nakagawa kayo ng maling hakbang sa pagmamadali sa mga bagay sa katangahang pamamaraan. Alam na alam naman ninyo na paglilingkuran ko kayo! Ngunit hindi ninyo ako pinagkatiwalaan.»

«May mahina kang memorya, Judas ni Simon! Hindi mo ba naaalaala kung papaano ka humiwalay sa amin noong huling pagkakataon? Maiisip mo na tapat ka sa amin, noong prinoklama mo sa pamamaraang iyon na hindi mo Siya mapagtataksilan?» sabi ni Helkai nang may panunuya, at ang datíng niya siya ay mas makamandad nang higit pa kailanman.

«At sa palagay ba ninyo madaling manloko sa isang kaibigan, ang Tanging Isa Na talagang nagmamahal sa akin, ang Inosente? Sa palagay ba ninyo madali ang umabot sa ganyan hanggang sa gumawa ng isang krimen?» si Judas ay umiinit.

Nagsisikap silang pakalmahin siya. At hinihimok nila siya. At ginaganyak nila siya, o nagsisikap man lamang sila na ganito ang gawin, pinakikita na hindi siya gagawa ng isang krimen «bagkus ng isang banal na gawain para sa kanyang Amangbayan, na kanyang inililigtas sa mga paninisi mula sa mga nakakasakop, na mga nagpapakita na ng tanda ng hindi na makapagpapasensya pa dahil sa patuloy na mga kaguluhan at mga pagkakahati-hati ng mga partido at mga pulutong sa isang probinsiya ng Roma, at para sa Sangkatauhan, kung Siya ay talagang kumbinsido tungkol sa dibinong kalikasan ng Mesiyas at tungkol sa Kanyang espirituwal na misyon.»

«Kung ang Kanyang sinasabi ay totoo – malayo man ito na paniwalaan namin– ikaw ba ay hindi ang kasabwat ng Panunubos? Ang iyong pangalan ay mapapasáma sa Kanyang pangalan magpakailanman, at ang iyong Amangbayan ay ibibilang ka sa kanyang magigiting na mga tao at pararangalan ka ng pinakamataas na mga parangal. At isang upuan sa pagitan namin ay nakahanda na para sa iyo. Ikaw ay tataas, Judas. Gagawa ka ng mga batas para sa Israel. O! Hindi namin makakalimutan ang ginawa mo para sa kabutihan ng banal na Templo, ng banal na Pagpapari, para sa proteksiyon ng pinakabanal na Batas, para sa kabutihan ng buong Nasyon! Ang tanging gagawin mo lamang ay ang tulungan kami, pagkatapos isinusumpa namin sa iyo, isinusumpa ko sa ngalan ng aking makapangyarihang ama at ni Caiaphas, na ngayon ay sinusuot ang ephod, na ikaw ay magiging ang pinakadakilang tao sa Israel. Mas dakila pa kaysa sa mga Tetrarka, mas dakila pa sa aking ama, ngayon isang Mataas na Pari na inalis sa puwesto. Katulad ng isang hari, katulad ng isang propeta ikaw ay pagsisilbihan at pakikinggan. At kung si Jesus ng Nazareth ay walang iba bagkus isang huwad na Mesiyas, kahit na kung talagang Siya ay hindi mananagot ng kamatayan dahil ang Kanyang mga ginawa ay hind gawain ng isang magnanakaw, bagkus ng isang baliw, pinaaalalahanan ka namin tungkol sa inspiradong mga salita ng pontipise na si Caiaphas – nalalaman mo na siya na nagsusuot ng ephod at ng rational ay nagsasalita sa pamamagitan ng dibinong mungkahi at nagpopropesiya kung ano ang mabuti at kung ano ang kailangan na gawin para dito – si Caiaphas, naaalaala mo ba? Sinabi ni Caiaphas: “Mas mabuti na para sa isang tao na mamatay para sa sambayanan, kaysa ang buong Nasyon na masira”. Iyon ay isang propetikong salita.»

«Iyon ay talagang isang propesiya. Ang Kataastaasan ay nagsalita sa pamamagitan ng mga labì ng Mataas na Pari. Gawin siyang masunod!» sabi nang sabay-sabay ng maruruming tutâ na iyon, ang mga miyembro ng dakilang konseho ng Sanhedrin, na nagmumukha nang mga artista at katulad na ng mga robot na naka-program na na gumawa ng ilang mga kilos.

Si Judas ay naimpluwensiyahan, nagayuma... ngunit mayroon pa rin kaunting sentido-komun, kung hindi man ito kabutihan, sa kanya, at ito ay pumipigil sa kanyang bigkasin ang patál na mga salita.

Pinalilibutan siya ng respeto at pagkukunwang kagiliwan, inuudyukan nila siya nagsasabing: «Hindi mo ba kami pinaniniwalaan? Tingnan: kami ay ang mga ulo ng dalawampu’t apat na makaparing mga pamilya, ang mga Nakatatanda ng sambayanan, ang mga eskriba, ang pinakadakilang mga Pariseo sa Israel, ang marurunong na mga rabbi, ang mga mahistrado ng Templo. Ang buod ng Israel ay naririto, sa paligid mo, nakahandang palakpakan ka, at sa pamamagitan ng isang pagpapahintulot sinasabi namin sa iyo: «Gawin iyan, sapagkat iyan ay isang banal na gawain”.»

«At nasaan si Gamaliel? At si Jose at si Nicodemus, nasaan sila? At nasaan si Eleazar, ang kaibigan ni Jose, at nasaan si Juan ng Gaash? Hindi ko sila nakikita.»

«Si Gamaliel ay ikinulong ang kanyang sarili upang gumawa ng mahigpit na pagpepenitensiya, si Juan ay kasama ng kanyang nagdadalang-tao na asawa na hindi mabuti ang pakiramdam ngayong gabi. Si Eleazar... hindi namin malaman kung bakit hindi siya nakarating. Ngunit kahit sinuman ay maaaring datnan ng biglaang karamdaman, hindi ba sa palagay mo? Ang tungkol kina Jose at Nicodemus, hindi namin sila sinabihan hinggil sa lihim na pagpupulong na ito at alang-alang sa karangalan mo... upang, kung ang aming plano ay minalas na hindi magtagumpay, ang iyong pangalan ay hindi mababanggit sa Guro... Pinoprotektahan namin ang iyong pangalan. Minamahal ka namin, Judas, ang bagong Macabeo tagapagligtas ng ating Amangbayan.»

«Ang Macabeo ay humarap sa magandang labanan. Ako... ay nagtataksil.»

«Huwag tingnan ang mga detalye ng gagawin, bagkus ang katarungan ng pakay. Maaari bang magsalita ka, Sadoc, ang ginintuang eskriba. Mahahalagang salita ang dumadaloy mula sa iyong mga labí. Kung si Gamaliel ay may-pinag-aralan, ikaw ay marunong, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay nasa iyong mga labì. Magsalita sa taong ito na nag-aalinlangan pa rin.»

Ang masamang-loob na Sadoc na iyon ay lumalapit sinusundan ng isang paugud-ugod na Hananiah, isang nangayayat na namamatay na lobo sa tabi ng isang tusong malakas na malupit na asong-gubat.

«Makinig, o tao ng Diyos!» nagsisimula ang Sadoc nang may-kagarbohan kinukuha ang isang inspiradong mananalumpating tayò, ang kanyang kanang kamay nakaunat nang paharap sa estilo ni Cicero, ang kanyang kaliwa ay inaasikaso ang paghawak sa tambak ng mga tiklop ng kanyang pang-eskribang kasuutan. Pagkatapos itinataas din ang kanyang kaliwang kamay, hinahayaan ang kanyang pang-monumentong damit na bumagsak nang walang-kaayusan, at kung gayon, ang kanyang mukha at mga kamay nakataas patungo sa kisame ng silid, sinabi niya sa isang kumukulog na tinig: «Sinasabi ko sa iyo! Sinasabi ko sa iyo sa Kataastaasang Presensya ng Diyos!»

«Maran Atha!» bulalas nilang lahat, yumuyuko na tila ang isang kataastaasang inspirasyon ay binaluktot sila, pagkatapos tumatayo na ang kanilang mga kamay naka-krus sa kanilang mga dibdib.

«Sinasabi ko sa iyo. Ito ay nakasulat sa mga pahina ng ating kasaysayan sa ating kahihinatnan! Ito ay nakasulat sa mga tanda at mga pigura na iniwan ng mga panahon! Ito ay nakasulat sa ritwal na pinagdiriwang nang walang pagkaputol mula ng gabi na patál sa mga Ehipsiyo! Ito ay nakasulat sa pigura ni Abel! At gawin kung ano ang nakasulat na magkatotoo.»

«Maran Atha!» sabi ng iba sa mababang kahapis-hapis na nakakagulat na koro, inuulit ang dating mga pagkilos, ang kanilang mga mukha kakaibang nasisinagan ng liwanag ng dalawang tsandelyer ng maputlang-biyoleta na mica, nakukulayan ang isang pabagu-bagong liwanag sa mga dulo ng bulwagan. Ang asamblea ng mga lalaki na halos lahat nakadamit ng puti, na ang maputla o pagka-olibong kutis ng kanilang lahi, nagagawang mas maputla o kulay-olibo pa dahil sa kalát na liwanag ay talagang nagmumukhang isang pagpupulong ng mga multo.

«Ang salita ng Diyos ay bumaba sa mga labì ng mga propeta upang aprobahan ang dekretong ito. Siya ay kailangan na mamatay! Ito ay nakatakda!»

«Ito ay nakatakda! Maran Atha!»

«Siya ay kailangan na mamatay, ang Kanyang kapalaran ay markado!»

«Siya ay kailangan na mamatay. Maran Atha!»

«Ang Kanyang makamamatay na kapalaran ay pinaliwanag hanggang sa huling detalye, at ang kabagsikan ay hindi mapakikialaman!»

«Maran Atha!»

«Kahit na ang pagpapakahulugan na presyo na ibabayad sa kanya na siyang magiging ang instrumento ng Diyos para sa katuparan ng pangako ay nakatakda!»

«Iyan ay nakatakda! Maran Atha!»

«Bilang Tagapagtubos, o bilang huwad na propeta, Siya ay kailangan na mamatay!»

«Siya ay kailangan na mamatay! Maran Atha!»

«Ang oras ay dumating na! Si Jehovah ay gusto ito! Naririnig ko ang Kanyang tinig! Ito ay sumisigaw: “Gawing mangyari ito”!»

«Ang Kataastaasan ay nakapagsalita na! Gawin na mangyari ito! Gawin na mangyari ito! Maran Atha!»

«Mangyari na palakasin ka ng Langit katulad na pinalakas nito si Jael at si Judith, na mga babae at kumilos katulad ng mga bayani; katulad na pinalakas si Jephthah, na, isang ama, ay isinakripisyo ang kanyang anak na babae sa kanyang Amangbayan; katulad na pinalakas si David laban kay Goliath, at gawin ang gawain na maaalaala ng mga sambayanan ang Israel magpakailanpaman!»

«Palakasin ka nawa ng Langit. Maran Atha!»

«Maging ikaw ang magwagi!»

«Maging ikaw ang magwagi! Maran Atha!»

«Ang kumukurukok na mahinang tinig ni Hananiah ay narinig: «Siya na nag-aalinlangan sa isang sagradong utos ay pinararatangan na mapahiya at mamatay!»

«Pararatangan. Maran Atha!»

«Kung hindi mo pakikinggan ang tinig ng Panginoong iyong Diyos, at hindi mo  ginawa ang Kanyang utos at ang Kanyang inuutos sa pamamagitan ng aking mga salita, bumaba nawa sa iyo ang lahat na maldisyon!»

«Ang lahat na maldisyon! Maran Atha!»

«Harinawang hampasin ka ng Panginoon ng lahat ng mga sumpa ng batas ni Moses at ikalat ka sana Niya sa pagitan ng mga nasyon.»

«Hampasin ka nawa Niya at ikalat ka! Maran Atha!»

Patay na katahimikan ang sumunod sa nakakagulat na tagpong ito... Ang lahat ay naging walang-galaw sa nakakatakot na katahimikan.

Sa wakas ang tinig ni Judas ay narinig at ito ay lubos na nagbago na nahirapan akong makilala ito: «Oo. Gagawin ko ito. Kailangan na gawin ko ito. At gagawin ko ito. Ang huling bahagi ng mga sumpa ng batas ni Moses ay bahagi ko na, at kailangang maalis ko ito sapagkat nag-antala ako nang napakatagal na. At nababaliw na ako sapagkat wala akong kapayapaan o kapahingahan, ang aking puso ay natatakot, nagmumukha akong natataranta at ang aking kaluluwa ay inuubos ng kalungkutan. Nanginginig ako sa idea na ako ay mabibisto at dudurugin Niya ako para sa aking pagtataksil – sapagkat hindi ko nalalaman kung gaano ang nalalaman Niya tungkol sa aking mga naiisip – nakikita ko ang aking buhay na nakabitin sa isang sinulid, at sa umaga at gabi nananawagan ako na matapos na ang oras na ito dahil sa takot na nananakot sa aking puso. Dahil sa nakakatakot na gawain na kailangan kong isagawa. O! iabante ang oras na ito! Pakawalan ako sa kirot kong ito! Gawin ang lahat na mangyari. Kaagad! Na ako ay sana makalaya! Tayo na!»

Ang tinig ni Judas ay nagiging mas matatag at mas malakas habang siya ay nagsasalita. Ang kanyang mga kilos, dati mekanikal at di-nakatitiyak, katulad ng isang naglalakad-na-tulóg, ay naging malaya at buluntad. Siya ay tumayo sa ganap na taas niya, mala-dimonyong may kagandahang lalaki, at sumigaw: «Gawin ang mga kaugnayan ng isang katangahang pagkakamali na bumagsak! Ako ay malaya sa nakatatakot na pagpapasakop, Kristo! Hindi na ako natatakot sa Inyo at ibibigay ko Kayo sa Inyong mga kaaway! Tayo na!» Isang sigaw ng nagtatagumpay na dimonyo, at may-katapangan siyang pumupunta sa pintuan.

Ngunit pinigilan nila siya: «Sandali! Sabihin sa amin: nasaan si Jesus ng Nazareth?»

«Sa bahay ni Lazarus.. Sa Bethany.»

«Hindi natin mapapasok ang bahay na iyan, dahil may mga bantay iyan na matatapat na katulong. Iyan ay bahay ng isang paborito ng Roma. Tiyak na mapapaharap tayo sa mas malaking problema.»

«Tayo pupunta sa bayan pagsikat ng araw. Maglagay ng mga tanod sa daan ng Bethpage, gumawa ng isang kaguluhan at hulihin Siya.»

«Papaano mo malalaman na dadaan Siya sa daan na iyan? Baka ang kunin Niya ay ang isa pang daan...»

«Hindi. Sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na pupunta Siya sa bayan sa daan na iyan, patungo sa geyt ng Ephraim, at upang maghintay sa Kanya malapit sa En Rogel. Kung mahuhuli ninyo Siya bago...»

«Hindi natin magagawa iyan. kakailanganin natin na pumunta sa bayan kasabay Siya sa pagitan ng mga guwardiya, at ang lahat na mga daan patungo sa mga geyt, at ang lahat na mga kalsada sa bayan ay magsisiksikan sa mga tao mula pagsikat-ng-araw hanggang gabi. Magkakaroon ng gulo. At iyan ay hindi kailangan na mangyari.»

«Siya ay aakyat sa Templo. Sabihin sa Kanya na pumunta sa isa sa mga bulwagan upang matanong Siya.  Sabihin sa Kanya na pumunta sa ngalan ng Mataas na Pari. Siya ay pupunta, sapagkat mas may respeto Siya para sa inyo kaysa para sa Kanyang sariling buhay. Kapag Siya ay nag-iisa na kasama kayo... magkakaroon kayo ng pagkakataon na kunin Siya patungo sa isang ligtas na lugar at upang paratangan Siya sa tamang pagkakataon.»

«Magkakaroon pa rin ng gulo. Maaaring napuna ninyo na ang mga pulutong ay ganap na nakuha Niya. At hindi lamang ang mga pulutong, bagkus pati na rin ang malalakas at ang mga pag-asa ng Israel. Si Gamaliel ay nawawalan ng kanyang mga disipulo, at gayon din sa Jonathan ben Uziel at ang iba pa sa pagitan natin, at tayong lahat ay iniiwan nila, nararahuyo Niya. Kahit na ang mga Hentil ay pinagpipitaganan Siya, o kinatatakutan nila Siya, na isa rin pagpipitagan, at sila ay nakahanda na mag-alsa laban sa atin kung mamaltratuhin natin Siya. Bukod pa sa ibang mga bagay, ang ilan sa mga tulisan na ating inupahan upang magkunwaring mga disipulo at gumawa ng mga kaguluhan, ay naaresto at sila ay kumanta para kaawaan kapalit ng kanilang impormasyon, at ang Praetor ay alam ito... Ang buong mundo ay sinusundan Siya, habang tayo ay walang natatapos. Bagkus kinakailangan na kumilos nang pino, upang ang mga pulutong ay walang nalalaman na kahit ano.»

«Oo. Iyan kung papaano iyan dapat gawin. Kahit na si Annas ay iyan ang minumungkahi. Sinasabi niya: «Hindi iyan dapat mangyari sa loob ng mga kapistahan at hindi kailangan na magkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga panatikong mga tao”. Iyan ang kanyang iniutos, at nagbigay siya ng mga utos na Siya ay kailangan na tratuhin nang magalang sa loob ng Templo at kahit saan pa man at na Siya ay hindi kailangan na gambalain, upang maloko Siya.»

«Kung gayon, ano ang gusto ninyong gawin? Payag na payag ako ngayong gabi, ngunit kayo ay nag-aalinlangan...» sabi ni Judas.

«Bueno, kailangan na dalhin mo kami sa Kanya kapag Siya ay lubos na nag-iisa. Alam mo ang Kanyang mga kinasanayan. Sumulat ka sa amin na gusto ka Niya sa malapit sa Kanya kaysa sino pa mang iba. Kung gayon maaaring nalalaman mo ang Kanyang gustong gawin. Kami ay magiging laging handa. Kapag sa isip mo ito ang tamang lugar at ang tamang sandali, pumunta ka sa amin, at susundan ka namin.»

«Sige. At anong ganti ang aking tatanggapin?» Si Judas ngayon ay nagsasalitang malamig, na tila siya ay nakikipag-transaksiyon sa negosyo.

«Kung ano ang binanggit ng mga propeta, upang tayo ay maging tapat sa pinasiglahang salita: tatlumpung piraso ng pilak...»

«Tatlumpung piraso ng pilak upang mapatay ang isang tao, at ang Tao na iyon? Ang halaga ng isang pangkaraniwan na kordero sa loob ng mga kapistahan?! Kayo ay baliw! Hindi sa ako ay nangangailangan ng pera. Marami ako nito. Kung kaya't huwag isipin na makukumbinsi ninyo ako ng katakawan sa pera. Ngunit napakaliit niyan upang mabayaran ang aking pamimighati na pagtaksilan Siya Na laging nagmahal sa akin.»

«Ngunit sinabi na namin sa iyo kung ano ang aming gagawin para sa iyo. Kaluwalhatian, mga karangalan! Kung ano ang inaasahan na makukuha mo mula sa Kanya at hindi mo nakuha. Pagagalingin namin ang nararamdaman mo mula iyong kabiguan. Ngunit ang presyo ay naitalaga ng mga propeta! O! iyan ay isang pormalidad! Isang simbolo at wala nang iba pa. Ang iba ay darating pagkatapos...»

«At ang pera kailan?»

«Sa sandaling sabihin mo sa amin: “Halikayo”. Hindi bago. Walang nagbabayad bago mapasakanya ang mga pinamili. Sa palagay mo ba hindi iyan makatarungan?»

«Makatarungan iyan. Ngunit gawin man lamang triple ang halaga...»

«Hindi. Iyan ang sinabi ng mga propeta. At iyan kung ano ang dapat na gawin. O! Susundin natin ang mga propeta! Wala tayong aalisin kahit isang punto sa kung ano ang kanilang isinulat tungkol sa Kanya. Ha! Ha! Ha!  Kami ay tapat sa pinasiglahang salita! Ha! Ha! Ha! tumatawa ang nakasusukang kalansay na iyon ni Hananiah. At marami ang sumama sa kanya nang may kahapis-hapis, masagwa, huwad na tawanan, isang tunay na halakhakan ng mga dimonyo na walang magawa bagkus ang manuya. Dahil ang tawanan ay tipikal sa mga panatag na nagmamahal na mga espiritu, ang panunuya ay katangi-tangi sa balisáng mga puso na puno ng galit.

«Ang lahat ay nasabi na. Makalalakad ka na. Maghihintay kami ng pagsikat-ng-araw upang makabalik sa bayan sa pamamagitan ng ibang mga daan. Paalam. Kapayapaan sa iyo, nawawalang tupa, na bumabalik sa kawan ni Abraham. Kapayapaan sa iyo! Kapayapaan sa iyo! At ang pasasalamat ng buong Israel! Umasa sa amin! Ang isang mithiin mo ay isang batas sa amin. Harinawang samahan ka ng Diyos, katulad na Siya ay naging kasama ng lahat ng Kanyang matatapat na lingkod! Ang lahat na mga pagpapalà sa iyo!»

Sinasamahan nila siya sa pintuan nang may mga pagyakap at mga pangangako ng pagmamahal... Pinapanood nila siya na lumalayo sa isang medyo madilim na koridor... Pinakikinggan nila ang ingay ng mga panara ng pinto na nakabukas at isinasara...

Bumalik sila sa bulwagan nagsasaya.

Tanging dalawa lamang o tatlong tinig ang maririnig, ang mga tinig ng hindi masyadong mala-dimonyo: «At ngayon? Papaano tayo kikilos sa harapan ni Judas ni Simon? Alam na alam naman natin na hindi natin maibibigay kung ano ang ating ipinangako, maliban sa miserableng tatlumpung piraso ng pilak!... Ano ang kanyang sasabihin kapag nalaman niya na siya ay pinagtaksilan natin? Hindi kaya tayo nakagawa ng mas malaking kasiraan? Siya ba ay hindi iikot magsasabi sa mga tao kung ano ang ating ginawa? Nalalaman natin na siya ay isang tao na nagbabago ang isip.»

«Kayo ay simpleng-simple at tanga na may mga ganyang iniisip! Napagpasyahan na natin kung ano ang ating gagawin kay Judas. Napagpasyahan ito noong nakaraan. Hindi ba ninyo maalaala? At hindi magbabago ang ating mga isip. Kapag natapos na ang lahat tungkol sa Kristo, si Judas ay mamamatay. Iyan ay napagkasunduan na.»

«Ngunit kung siya ay magsalita bago pa man?»

«Kanino? Sa mga disipulo at sa sambayanan, upang pagbabatuhin? Siya ay hindi magsasalita. Ang kakilabutan ng kanyang ginawa ay hindi siya patatahimikin...»

«Ngunit maaari siyang magsisi sa hinaharap, maaari siyang makunsiyensya, maaari pa nga siyang mabaliw... Sapagkat ang pangungunsiyensya sa kanya ng kanyang budhi, kung magising ito, ay magagawa siyang bagkus isang baliw...»

«Hindi siya magkakaroon ng panahon. Kami ang bahala tungkol diyan. Ang lahat sa tamang sandali. Ang Nazareno muna, pagkatapos ang tao na nagtaksil sa Kanya» sabi ni Helkai nang dahan-dahan, sa isang nakatatakot na tunog.

«Oo. At isipin! Wala ni isang salita sa mga wala rito. Labis na ang kanilang nalalaman tungkol sa ating mga iniisip. Hindi ko pinagkakatiwalaan sina Jose at Nicodemus. At hindi ako labis na umaasa sa iba pa.»

«Pinagdududahan mo ba si Gamaliel?»

«Siya ay umiiwas sa atin maraming mga buwan na. Hindi siya sumasama sa ating mga pagpupulong nang walang personal na utos mula sa pontipise. Sinasabi niya na sinusulat niya ang kanyang gawa sa tulong ng kanyang anak. Ngunit ang sinasabi ko ay ang tungkol kina Eleazar at Juan.»

«O! Hindi nila tayo kailanman kinontra» sabi kaagad ng isang miyembro ng Sanhedrin, na minsan nakita ko na na kasama si Jose ng Arimathea, ngunit ang kung kaninong pangalan ay hindi ko na maalaala.

«Hindi, bagkus! Hindi nila tayo kinontra nang sapat. Ha! Ha! Ha! At kailangan natin silang bantayan! Maraming ahas ang nakapagtayo ng kanilang mga pugad sa loob ng Sanhedrin, sa palagay ko... Ha! Ha! Ha! Ngunit sila ay mapapalayas... Ha! Ha! Ha!» sabi ni Hananiah, habang siya ay nagpapatuloy, umiiling-iling at pinanginginigan, tumutuon sa kanyang tungkod, naghahanap ng isang komportableng lugar sa isa sa malalapad na mga upuan natatakpan ng makakapal na alpombra, nakalagay sa tabi ng mga pader ng bulwagan, at siya ay humigang masaya, at kaagad nakatulog, na nakanganga ang bunganga, nagmumukhang pangit sa kanyang masamang katandaan.

Pinapanood nila siya. At si Doras, ang anak ni Doras, ay nagsabi: «Nasisiyahan siya na makita ang araw na ito. Ito ay pinangarap ng aking ama ngunit hindi niya nakita. Dadalhin ko ang kanyang espiritu sa aking puso, upang siya ay sana maparoon sa araw ng paghihiganti sa Nazareno, at sana siya ay magbunyi...»

«Tandaan na tayo ay kailangan na laging nasa loob ng Templo, naghahalinhinan, at marami sa atin sa bawat pagbabantay.»

«Gagawin natin iyan.»

«Magbibigay tayo ng mga tagubilin upang si Judas ni Simon ay madala sa Mataas na Pari kahit anong oras.»

«Isasaayos natin iyan.»

«At ngayon ihanda natin ang ating mga puso para sa panghuling gawain.»

«Sila ay nakahanda na! Nakahanda na sila!»

«Nang may katusuhan.»

«Nang may kapinuhan.»

«Upang maiwasan ang lahat na pagsospetsa.»

«Upang maakit ang bawat puso.»

«Anuman ang Kanyang sabihin o gawin, tayo ay hindi aalma. Ipaghihiganti natin ang ating mga sarili para sa lahat sa isang bigwas.»

«Gagawin natin iyan. At ito ay magiging isang malupit na paghihiganti.»

«At ganap na paghihiganti!»

«At nakapangingilabot!»

At sila ay naupo nagsisikap na makapagpahinga sa paghihintay sa pagsikat-ng-araw.

040712

 

 



Sunod na kabanata