590. Ang Lunes Bago ang Paskuwa. Ang Isinumpang Puno ng Igos at ang Parabula Tungkol sa Masamang Magbubukid.

Marso 31, 1947.

Si Jesus ay lumabas nang maaga mula sa kubol ng isang Galilean, sa kapatagan sa itaas ng Mount of Olives, kung saan nag-iipun-ipon ang mga Galilean sa okasyon ng dakilang mga kapistahan. Ang Parang ay ganap na tulog, naliliwanagan ng buwan na unti-unting lumulubog, binabalot ng puting-platang liwanag ang mga kubol, mga punungkahoy at mga dalisdis, at ang bayan na tulog sa ibaba roon sa ilalim...

Si Jesus ay dumaraan nang walang pag-aalinlangan at walang ingay sa pagitan ng mga kubol, at noong Siya ay nasa labas na ng Parang, bumaba Siyang mabilis sa matatarik na dalisdis pagawing Gethsemane, pinapasok Niya ito, lumabas Siya rito, tinatawid ang maliit na tulay sa ibabaw ng Kidron, isang platang ribon na umaawit sa buwan, narating Niya ang Geyt na binabantayan ng mga lehiyonaryo. Ang pagbabantay sa gabing ito sa saradong mga Geyt ay maaaring isang panigurong hakbang ng Prokonsul. Ang mga sundalo, apat lahat sila, ay nagkukuwentuhan mga nakaupo sa malalaking bato na inilagay bilang mga upuan sa tabi ng napakalaking pader, at pinaiinitan nila ang kanilang mga sarili sa isang maliit na apoy ng tuyong mga sanga na nagbibigay ng isang mapula-pulang liwanag sa makikintab na mga armor sa katawan at mababagsik na helmet, sa ilalim nito kung saan lumilitaw ang mga mukhang ibang-iba sa mga mukha ng mga Hebreo, sa kanilang Italiano na mga katangian.

«Sino ang nandiyan!» tanong ng unang nakakita sa matangkad na pigura ni Jesus na lumitaw mula sa likuran ng isang maliit na bahay malapit sa Geyt, at inabot niya ang isang matulis na sibat na nakasandal sa malapit na pader, at tumayo siya sa tayóng-sundalo na aktitud, ginagaya ng iba pa. At na hindi binibigyan si Jesus ng panahon na makatugon sinabi niya: «Walang sinuman ang pinahihintulutan na makapasok. Hindi Mo ba nalalaman na ito ang katapusan ng ikalawang pagbabantay?»

«Ako ay si Jesus ng Nazareth. Ang Aking Ina ay nasa loob ng bayan. Pupunta Ako sa Kanya.»

«O! ang Tao na bumuhay muli sa isang patay na tao ng Bethany! Sa ngalan ni Jove! Makikita ko Siya sa wakas!» At nilalapitan niya Siya tinitingnan Siya nang mausisa, naglalakad nang paikot sa Kanya, na tila gusto niyang makatiyak na ito ay hindi isang bagay na di-totoo, isang bagay na kakaiba, bagkus isang tao katulad ng sino pa mang iba. At sinasabi niya ito: «O! talaga naman! Siya ay kasing ganda ni Apollo, ngunit Siya ay ginawang eksaktong katulad natin! At Siya ay wala ni baston, o sombrero, o kahit anong tanda ng Kanyang kapangyarihan!» Siya ay nagtataka. Si Jesus ay tinitingnan siya nang matiyaga. Ngumingiting magiliw.

Ang iba, na hindi kasing mausisa – baka nakita na nila si Jesus sa ibang mga okasyon – ay nagsabi: «Naging mas maganda sana kung Siya ay nakapunta rito noong kalahatian ng unang pagbabantay, nang ang magandang dalaga, na namatay ngayong umaga, ay dinala sa kanyang sepulkro. Nakita sana natin siyang binuhay muli...»

Si Jesus ay may-kabaitan na inuulit: «Maaari ba Akong makapunta sa Aking Ina?»

Ang apat na sundalo ay nagising. Ang pinakamataas ang ranggo ay nagsabi: «Sa katunayan, ayon sa mga tagubilin, hindi kami magpaparaan ng kahit sino. Ngunit makakaraan pa rin Kayo. Siya na napipilit na mabuksan ang ma pinto ng Hades, ay madali Niyang mapipilit na mabuksan ang mga geyt ng isang saradong bayan. At Kayo ay hindi isang tao na nang-uudyok ng rebelyon. Kung kaya't ang pagbabawal ay hindi para sa Inyo. Sikapin na huwag makita ng mga patrulya sa bayan. Buksan ang geyt, Marcus Gratus. At Kayo, pumasok nang walang ingay. Kami ay mga sundalo at kailangan namin na sumunod...»

«Huwag matakot. Ang inyong kabaitan ay hindi magiging isang kaparusahan para sa inyo.»

Ang isa sa mga lehiyonaryo ay maingat na binubuksan ang munting pinto na bahagi ng napakalaking pinaka-pinto at nagsabi: «Maging mabilis. Ang ikalawang pagbabantay ay malapit nang matapos at kami ay papalitan ng ibang mga guwardiya.»

«Ang kapayapaan ay sumainyo.»

«Kami ay mga mandirigma...»

«Ang Aking kapayapaan na binibigay ay tumatagal din sa panahon ng digmaan, sapagkat ito ay ang kapayapaan ng kaluluwa.»

At pinapasok ni Jesus ang madilim na arko na binuksan sa makapal na pader. Dumaraan Siyang tahimik sa harapan ng silid ng mga guwardiya, na sa pamamagitan ng pintuan nito ay lumalabas ang kumukurap-kurap na liwanag ng isang lampara ng langis, isang pangkaraniwang lampara, nakabitin sa isang kawit ng mababang kisame, at makikita ng isa ang mga katawan ng mga sundalo natutulog sa mga banig na nakalatag sa sahig, ganap na nababalot ng kanilang mga manta, ang kanilang mga armas nasa tabi nila.

Si Jesus ay nasa loob na ng bayan ngayon... at nawala Siya sa aking paningin, habang pinagmamasdan ko ang dalawang sundalo na bumalik sa loob, pagkatapos na makita na si Jesus ay nakaalis na, bago gisingin ang mga papalit na sundalo.

«Hindi na Siya nakikita... Iniisip ko kung ano ang Kanyang ibig-sabihin ng mga salitang iyon. Gusto ko sanang malaman» sabi ng pinakabatang sundalo.

«Sana tinanong mo Siya. Hindi Niya tayo kinasusuklaman. Siya lamang ang tanging Hudyo Na hindi nanghahamak sa atin at hindi sa atin nang-iinis kahit papaano» tugon ng isa pa, na nasa kaganapan ng pagkalalaki.

«Hindi ako naglakas-loob. Papaano ko magagawa iyan, isang magbubukid mula sa Benevento, magsasalita sa isang tao Na sinasabing isang Diyos?»

«Isang diyos na nakasakay sa isang asno? Ha! Ha! Kung Siya ay kasing lasing, katulad ni Bacchus, baka gawin Niya iyan. Ngunit Siya ay hindi lasing. Hindi sa palagay ko Siya umiinom kahit na alak na may pulot. Hindi mo ba nakita kung gaano Siya kaputla at kapayat?»

«At gayunpaman ang mga Hebreo...»

«Sila ay umiinom, bagama't nagkukunwari silang hindi umiinom! At nalasing ng malalakas na alak ng lupaing ito at ng kanilang malalakas na inumin, nakakita sila ng diyos sa isang tao. Maniwala sa akin. Ang mga diyos ay mga kuwento ng mga walang-magawa. Ang Olympus ay walang laman at ang Lupa ay wala nito.»

«Kung ikaw ay mapakinggan nila!...»

«Ikaw ba ay para pa ring bata na ni hindi ka man lamang maging isang kandidato at walang-alam na ang Caesar mismo ay hindi naniniwala sa mga diyos, ni ang mga pontipise, ang mga manghuhula, ang Avral na mga kapatid, ang mga birhen ni Vesta, o sino pa man na iba?»

«Bakit kung gayon...»

«Bakit ang mga ritwal? Dahil gusto ito ng mga tao, may pakinabang ito sa mga pari at ang Caesar ay ginagamit ito upang siya ay sundin, na tila siya ay isang makalupang diyos hawak sa kamay ng mga diyos ng Olympus. Ngunit ang mga unang hindi naniniwala ay ang mga taong ating pinagpipitagan bilang mga ministro ng mga diyos. Ako ay isang Pyrrhonian. Nakapaglakbay na ako sa buong mundo. Nagkaroon na ako ng maraming karanasan. Pumuti na ang aking buhok sa mga sentido at ang aking pag-iisip ay gumulang na. Ang aking pansariling patakaran ay nasa tatlong mga pangungusap. Ang mahalin ang Roma, ang tanging diyosa at ang tanging katiyakan, hanggang sa isakripisyo ko ang aking buhay para sa kanya. Ang walang paniwalaan, sapagkat ang lahat sa paligid natin ay isang ilusyon lamang, maliban sa ating sagradong inmortal na Amangbayan. Kailangan na pagdudahan natin kahit na ang ating mga sarili, sapagkat walang katiyakan kung tayo nga ay nabubuhay. Ang mga pándamá at katwiran ay hindi sapat upang malaman nating tiyak na tayo ay nagtagumpay na malaman ang Katotohanan at ang mabuhay at ang mamatay ay pareho ang halaga, sapagkat hindi natin nalalaman kung ano ang mabuhay at kung ano ang mamatay» sabi niya, ginagaya ang pagkilos ng di-paniniwalang pilosopiya ng isang may mataas na kaisipan...

Ang isa ay tinitingnan siya nang nagdududa. Pagkatapos sinabi niya: «Ako, sa halip, ay naniniwala. At gusto kong makaalam... Ang matuto mula sa taong iyon na kararaan pa lamang.. Tiyak na nalalaman Niya ang Katotohanan.. May isang kakaibang bagay na lumalabas mula sa Kanya. Ito ay katulad ng isang liwanag na lumalagos sa iyo!»

«Harinawang iligtas ka ni Aesculapius! Ikaw ay may sakit. Umakyat ka sa bayan mula sa isang lambak kamakailan pa lamang, at ang mga gumagawa ng paglalakbay na ganyan at hindi sanay sa mga kapaligiran na ito ay madaling magkasakit. Ang iyong isip ay naglalagalag. Halika. Tanging mainit-init na alak lamang na may mga rekado ang makapagpapapawis sa iyo at mailabas ang lason ng Jordan...» at tinutulak niya siya patungo sa silid ng mga guwardiya.

Ngunit ang isa ay pinalalaya ang kanyang sarili nagsasabing: «Wala akong sakit. Ayaw ko ng kahit anong mainit-init na may rekadong alak. Gusto kong magbantay sa banda roon, sa kabila ng mga pader (tinuturo niya ang looban na tabi ng mga pader) at hintayin ang tao na nagsasabing Siya ay si Jesus.»

«Kung walang anuman sa iyo ang maghintay... Gigising ko ang mga tao na mga papalit. Paalam...»

At pumasok siya sa silid ng mga guwardiya nang may-kaingayan, ginigising ang kanyang mga kasamahan at sumisigaw: «Oras na ninyo, mga tamad na mga istambay! Pagod na ako!...» Siya ay humihikab nang maingay at nagmumura, sapagkat pinabayaan nilang mamatay ang apoy at naubos nilang inumín ang mainit-init na alak na «kailangang-kailangan upang matuyo ang hamog-Palestina...»

Ang isa, ang bata-pang lehiyonaryo, nakasandal sa pader, naliliwanagan nang kaunti ng buwan mula sa kanluran, ay naghihintay para kay Jesus na dumaan ulit. Ang mga bituin ay nagbabantay sa kanyang pag-asa...»

Sa pansamantala narating ni Jesus ang bahay ni Lazarus sa burol ng Zion at Siya ay kumakatok sa pinto. Si Levi ang nagbukas sa Kanya.

«Kayo, Guro?! Ang mga babae ay natutulog. Bakit hindi Kayo nagpadala ng isang katulong, kung may kailangan Kayo?»

«Hindi nila siya pararaanin.»

«Ah! iyan ay totoo. Ngunit papaano Kayo nakaraan?»

«Ako ay si Jesus ng Nazareth. At ang mga lehiyonaryo ay pinaraan Ako. Ngunit ito ay hindi kailangan na mabulgar, Levi.»

«Hindi ko iyan babanggitin... Sila ay mas mabubuti pa kaysa sa marami sa atin!»

«Dalhin mo Ako kung saan natutulog ang Aking Ina at huwag manggising ng iba pa sa bahay.»

«Ayon sa ibig Ninyo, Panginoon. si Lazarus ay inutusan ang lahat na mga namamahala ng kanyang mga bahay na sundin Kayo sa lahat na bagay nang walang kahit anong usap-usapan o pag-antala. Iyon ay pagkatapos lamang ng pagsikat ng araw nang ang isang katulong, maraming mga katulong ang nagdala ng kanyang utos sa lahat na mga bahay. Sumunod at manahimik. Gagawin namin iyan. Naibigay Ninyong muli sa amin ang aming panginoon...»

Ang mamâ ay yumagyag nang nauuna kay Jesus sa mga koridor, na kasing lapad ng mga galeriya, ng magandang mansiyon ni Lazarus sa burol ng Zion, at ang ilaw na dala-dala niya ay naliliwanagan sa napakagandang paraan ang mga muwebles at mga tapiseriya na nag-aadorno sa malalapad na koridor. Ang mamâ ay tumigil sa nakasaradong pinto nagsasabing: «Ang Inyong Ina ay nasa loob nito.»

«Makakalakad ka na.»

«At papaano ang ilaw? Gusto ba Ninyo ito? Makakabalik ako nang wala iyan. kabisadung-kabisado ko ang bahay. Ako ay pinanganak dito.»

«Iwanan mo iyan. At huwag mong alisin ang susi sa pinto. Lalabas kaagad Ako.»

«Alam Ninyo kung saan Ninyo ako makikita. Isasara ko iyon bilang panigurado. Ngunit magiging handa ako na buksan ang pinto para sa Inyo kaagad pagdating Ninyo.»

Si Jesus ay nananatiling mag-isa. Kumakatok Siya nang mahina, gayon kahinang katok na tanging ang isa lamang na gising-na-gising ang makakarinig.

Nagkaroon ng isang ingay sa loob ng silid, katulad ng isang upuan na ginagalaw, at isang mahinang pagkaluskos ng mga paa, at ang isang mababang pigíl na tinig ang nagtanong: «Sino ang kumakatok?»

«Ako ito, Inay. Buksan Ninyo ang pinto.»

Ang pinto ay binuksan kaagad. Tanging ang liwanag lamang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa tahimik na silid at ikinakalat ang mga sinag nito sa isang hindi-nagalaw na kama. Ang isang upuan ay malapit sa bintana na bukas-na-bukas sa misteryo ng gabi,

«Hindi pa ba Kayo natutulog? Malalim na ang gabi!»

«Ako ay nagdarasal... Halika, Anak. Maupo Ka rito sa kinaroroonan Ko» at tinuturo Niya ang upuan malapit sa bintana.

«Hindi Ako mapatigil. Naparito Ako upang kunin Kayo at pumunta kay Eliza sa Ophel.  Si Annaleah ay patay na. Nalaman ba Ninyo?»

«Hindi. Walang sinuman... Kailan, Jesus?»

«Pagkatapos na makaraan Ako.»

«Pagkatapos na makaraan Ka! Kung gayon Ikaw ang nagpapalayang Anghel para sa kanya?! Ang Lupa ay gayong isang kulungan para sa kanya! Masayang babae! Sana Ako ay nasa lugar niya! Namatay ba siya... nang natural? Ibig Kong sabihin hindi dahil sa isang kasawiang-palad?»

«Namatay siya sa kaluguran ng pagmamahal. Ako ay nasabihan noong Ako ay nasa dalisdis na ng Templo. Sumama Kayo sa Akin, Inay. Hindi tayo natatakot na mápasamâ ang ating mga sarili upang mapaginhawahan ang isang ina na tinaglay ang kanyang anak na babae na namatay sa sobrenatural na lugod... Ang ating unang birhen! Ang isang pumunta sa Inyo sa Nazareth, upang makita Ako at humingi sa Akin na ibigay Ko sa kanya ang lugod na ito... Malayong mapayapang mga araw.»

«Noong makalawa siya ay umaawit katulad ng isang blackcap na umiibig at hinalikan niya Ako nagsasabing: “Ako ay masaya!”, at gustung-gusto niyang mapakinggan ang lahat ng tungkol sa Iyo. Kung papaano Ka pinorma ng Diyos. Kung papaano Niya Ako pinili. At ang tungkol sa Aking unang mga pagtibok ng isang konsagradong birhen... Ngayon naiintindihan Ko... Nakahanda na Ako Anak.»

Si Maria, habang nagsasalita, ay naitaas ang Kanyang mga tinirintas na buhok na nakabitin sa Kanyang mga balikat, nagagawa Siyang magmukhang isang bata-pang babae, at nailagay Niya ang Kanyang belo at manta.

Sila ay lumabas gumagawa ng pinaka posibleng mahinang ingay. Si Levi ay nasa malapit na ng pinaka-pintuan. Ipinaliliwanag niya kung bakit, nagsasabing: «Mas ginusto ko ang ganito... Dahil sa aking asawa... Ang mga babae ay mausisa. Nagtanong sana siya sa akin ng napakaraming tanong. Sa halip wala siyang nalalaman...»

Binuksan niya ang pinto at isasara na sana ito. Sinabi ni Jesus: «Ibabalik Ko ang Aking Ina sa loob mga oras ng pagbabantay na ito.»

«Magbabantay ako rito. Huwag matakot.»

«Kapayapaan sa iyo.»

Naglalakad sila sa tahimik na walang-tao na mga kalsada, mula kung saan ang liwanag ng buwan ay unti-unti nang nawawala, habang sumisinag pa ito sa mga tuktok ng mga kabahayan sa burol ng Zion. Mas maliwanag pa sa arabal ng Ophel kung saan ang katamtamang mga bahay ay mas mabababa.

Naririto ang bahay ni Annaleah. Sarado, madilim, tahimik. Ang ilan sa mga tuyong bulaklak ay nasa dalawang baytang pa ng bahay. Baka itinapon ito ng birhen bago siya namatay, o nalaglag ito mula sa kanyang kabaong... Si Jesus ay kumakatok sa pinto. Kumakatok uli Siya...

Ang ingay ng isang bintana na binubuksan (ay narinig mula) sa mataas na bahagi ng gusali. Ang isang nalulungkot na tinig ay nagtanong: «Sino ang kumakatok?»

«Si Maria at si Jesus ng Nazareth» tugon ni Maria.

«O! Darating ako!...»

Isang maikling paghihintay, pagkatapos ang ingay ng itinutulak na mga baras. Ang pinto ay nabuksan pinakikita ang hapóng mukha ni Eliza, na kumakapit nang may-kahirapan sa poste ng pintuan, at nang pumapasok si Maria iniunat ang Kanyang mga kamay sa kanya, siya ay hinimatay sa Kanyang dibdib, humihikbi nang mahina katulad ng isa na matagal nang umiiyak nang labis hanggang sa maubusan ng luha o boses.

Si Jesus ay isinasara ang pinto naghihintay nang matiyaga para sa Kanyang Ina na mapaginhawahan ang labis na kapighatian. May isang silid na malapit sa pintuan. Sila ay pumasok dito at si Jesus ay kinuha ang lampara na iniwan ni Eliza sa sahig ng pamasukan bago binuksan ang pinto. Ang mga luha ng ina ay tila walang katapusan. Nagsasalita siya kay Maria humihikbi nang namamaos. Ang isang ina ay nagsasalita sa Ina... Si Jesus, nakatayo sa tabi ng pader, ay tahimik...

Si Eliza ay hindi matanggap sa kanyang sarili ang kamatayan na iyon, na nangyari nang napaka... At sa kanyang pamimighati kanyang sinisisi si Samuel, ang madayang katipan, para sa nangyari: «Ang isinumpang lalaking iyon ang dumurog sa kanyang puso! Wala siya kailanman sinabi na kahit ano. Ngunit gaano kaya katagal siyang naghihirap! At sa kanyang kaluguran, sa pagsigaw, ang kanyang puso ay bumigay. Isumpa sana ang lalaki magpakailanman.»

«Hindi, mahal Ko. Hindi. Huwag manumpa Hindi ito ganyan. Ang Diyos ay minahal siya nang labis na ginusto Niya siya na mapunta sa Kanyang kapayapaan.  Ngunit kahit na kung siya ay namatay dahil kay Samuel – ito ay hindi ganito, ngunit halimbawa na ganito ito – isipin kung anong masayang kamatayan ang nagkaroon siya, at sabihin na ang masamang ginawa ay nagdala ng isang masayang kamatayan para sa kanya.»

«Wala na siya sa akin! Siya ay patay na! Hindi Mo nalalaman kung ano ang mawalan ng isang anak na babae! Dalawang beses kong natikman ang kapighatian na iyan. Sapagkat iniiyakan ko na siya, dahil para na rin siyang patay, nang siya ay pinagaling ng Inyong Anak. Ngunit ngayon... Ngunit ngayon... Siya ay hindi bumalik! Hindi Siya nagkaroon ng awa... Nawala na siya sa akin! Nawala na! Ang aking anak ay nasa loob na ng kanyang libingan! Nalalaman ba Ninyo kung ano ang ibig sabihin ng makakita ang isang anak na nasa paghihirap ng kamatayan? Ang malaman na siya ay kailangan na mamatay? Ang makita siyang patay, noong akala ng isa na siya ay nakapanumbalik at malakas? Hindi Ninyo nalalaman. Hindi Kayo nakapagsasalita ng kahit ano... Siya ay kasing ganda ng isang rosas na kabubukadkad pa lamang sa maagang sikat ng araw, nang inaadornohan niya ang kanyang sarili ngayong umaga. Ginusto niyang adornohan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng damit na aking ginawa para sa kanyang kasal. Ginusto rin niyang koronahan ang kanyang sarili bilang isang nobya. Pagkatapos mas nagustuhan niyang kalasin ang girnalda, na nakahanda na, at bunutin ang mga bulaklak upang maitapon ito sa Inyong Anak, at siya ay umawit! Siya ay umawit! Ang kanyang tinig ay pinunó ang bahay. Siya ay kasing yumi ng tagsibol. Ang lugod ay nagawa ang kanyang mga mata na magningning katulad ng mga bituin, at ang kanyang nakabukang mga labì pinakikita ang kanyang mapuputing ngipin ay isang maselan na granadang pula, at ang kanyang mga pisngi ay kasing malarosas at kasing sariwa ng mga rosas sa tagsibol na may mga hamog. At siya ay naging kasing puti ng isang liryo na kabubukadkad pa lamang. At siya ay sumandal sa aking dibdib katulad ng isang naputol na tangkay... Wala ni isang salita! Ni isang buntung-hininga! Hindi na makulay. Wala ni isang sulyap. Kasing payapa ng isang anghel ng Diyos, ngunit walang-buhay. Dahil Kayo ay nagbubunyi sa tagumpay ng Inyong Anak, at Siya ay malusog at malakas, hindi Ninyo nalalaman kung ano ang katulad ng aking kapighatian! Bakit Siya hindi bumalik? Saan niya Siya napalungkot, at ako kasama niya, na hindi Niya napakinggan ang aking panalangin?»

«Eliza! Eliza! Huwag sabihin... Ang kalungkutan ay nagagawa kang bulag at bingi... Eliza, hindi mo nalalaman kung ano ang Aking paghihirap. At hindi mo malalaman kung magiging anong isang malalim na dagat ang Aking paghihirap. Nakita mo na siya ay payapa at maganda noong nagpahingalay siya sa kapayapaan. Sa iyong mga bisig. Ako... tatlumpung mga taon Ko nang pinagninilayan ang tungkol sa Aking Sanggol at, sa kabila ng makinis na katawan na Aking pinagninilay-nilayan at hinahaplos, nakikita Ko ang mga sugat ng Tao ng mga kapighatian na siyang kalalabasan ng Aking Anak. Sinasabi mo na hindi Ko alam kung ano ang makita ang isang anak na pumunta sa kanyang kamatayan nang dalawang beses, at ang mamatay nang minsan at manatiling ganyan sa kapayapaan, alam mo ba kung ano ang ibig-sabihin sa isang ina ang makita ang isang ganyang bisyon sa loob ng napakaraming taon? Ang Aking Anak! Naririto Siya. Siya ay nakadamit na nang pula, na tila Siya ay kalalabas sa isang paliligo sa Dugo. At maya-maya lamang, bago magtagal, ang mukha ng iyong anak ay hindi pa nangingitim sa loob ng kanyang libingan, at makikita Ko Siya nakadamit sa purpura ng Kanyang inosenteng Dugo. Ng Dugo na binigay Ko sa Kanya. At habang tinanggap mo ang iyong anak sa iyong dibdib, alam mo ba kung magiging ano ang Aking kapighatian, nakikita ang Aking Anak na namamatay katulad ng isang kriminal sa krus na kahoy? Tingnan mo Siya, ang Tagapagligtas ng lahat! Sa kanilang mga espiritu at sa kanilang laman. Sapagkat ang laman ng mga nailigtas Niya ay hindi mabubulok at pagpapalain sa Kanyang Kaharian. At tingnan Ako! Tingnan ang Inang ito na patuloy na sinasamahan at dinadala ang Kanyang Anak sa Sakripisyo! O! hindi Ko Siya pipigilan nang kahit na isang hakbang! Naiintindihan kita, kaawa-awang ina. Ngunit subukan at unawain ang Aking puso! Huwag kapootan ang Aking Anak. Hindi matatagalan ni Annaleah ang aguniya ng kanyang Panginoon. At ang kanyang Panginoon ay ginawa siyang magpalâ sa loob isang oras ng pagbubunyi.»

Si Eliza ay tumigil sa pag-iyak sa pagkarinig ng pagbubunyag na ito. Tinititigan niya si Maria, Na ang Kaninong mukha ng isang martir ay basa ng tahimik na mga luha, tinitingnan niya si Jesus, Na nakatingin sa kanya nang naaawa... at siya ay lumuhod sa paanan ni Jesus umuungol: «Ngunit siya ay patay! Siya ay patay, Panginoon! Katulad ng isang liryo, isang sawing liryo. Ang mga makata ay nagsasabi na nasisiyahan Kayo sa mga liryo! O! totoo, Kayo, pinanganak ng liryong si Maria, ay madalas na bumababa sa mabulaklak na mga taniman, at ginagawa Ninyong ang purpurang mga rosas na maging kaputiang-niyebe na mga liryo, at pinipitas Ninyo sila inaalis sila sa mundo. Bakit? Bakit, Panginoon? Hindi ba makatarungan na ang isang ina ay kalugdan ang rosas na pinanganak niya? Bakit alisin ang purpura nito sa malamig na kaputian ng kamatayan ng isang liryo?»

«Mga liryo! Sila ang magiging simbolo ng mga babaeng iyon na nagmamahal sa Akin katulad ng pagmahal ng Aking Ina sa Diyos.  Ang kaputiang-niyebe na bulaklak na higaan ng Dibinong Hari.»

«Ngunit kaming mga ina ay iiyak. Kaming mga ina ay may karapatan sa aming mga anak. Bakit pagkaitan sila ng buhay?»

«Hindi iyan ang ibig Kong sabihin, babae. Ang mga anak na babae ay mananatili, ngunit konsagrado sa Hari, katulad ng mga birhen sa mga palasyo ni Solomon. Alalahanin ang Awit... At sila ang magiging mga esposa, ang minamahal, sa Lupa at sa Langit.»

«Ngunit ang aking anak-na-babae ay patay na! Siya ay patay na!» At siya ay patuloy na umiiyak sa isang makabagbag-damdamin na pag-iyak.

«Ako ang Resureksiyon at Buhay. Ang naniniwala sa Akin, kahit na kung siya ay mamatay, ay mabubuhay, at sasabihin Ko sa iyong totoo na siya ay hindi kailanman mamamatay. Ang iyong anak ay nabubuhay. Siya ay mabubuhay magpakailanman sapagkat naniniwala siya sa Buhay. Ang Aking kamatayan ay magiging kumpletong Buhay para sa kanya. Nalalaman niya ang lugod ng nabubuhay sa Akin bago malaman ang kapighatian na makita Akong inaagaw sa buhay. Ang iyong kapighatian ay nagagawa kang bulag at bingi, katulad ng tamang sinabi ng Aking Ina. Uulitin mo pagkatapos ang salitang pinadala Ko sa iyo ngayong umaga: “Ang kanyang kamatayan ay totoong isang grasya ng Diyos”. Maniwala sa Akin, babae. Ang kakilabutan ay nakabitin sa itaas ng lugar na ito. At ang araw ay darating kung kailan ang mga ina na tinamaan nang katulad mo ay magsasabi: “Purihin ang Diyos Na ipinagpaliban sa aming mga anak ang mga araw na ito.” At ang mga ina na hindi natamaan ay sisigaw sa Langit: “Bakit, o Diyos, hindi Ninyo pinatay ang aming mga anak bago sa oras na ito?” Maniwala sa Akin, babae. Paniwalaan ang Aking mga salita. Huwag mong itaas sa pagitan ni Annaleah at sa iyong sarili ang tunay na hadlang na naghihiwalay sa mga tao, ang hadlang ng di-pagkakaunawaan sa pananampalataya. Kita mo?  Ginusto Ko sanang huwag pumunta rito. Nalalaman mo kung gaano Ako kinapopootan. Huwag gawin na maloko ka ng isang oras ng pananagumpay!... Ang bawat sulok ay maaaring may itinatagong bitag para sa Akin. At Ako ay naparito, sa gabi, upang paginhawahan ka at sabihin ang mga salitang ito sa iyo. Nahahabag Ako sa kapighatian ng isang ina. Ngunit Ako ay naparito upang sabihin ang mga salitang ito sa iyo para sa kapayapaan ng iyong kaluluwa. Kapayapaan sa iyo! Kapayapaan!»

«Ibigay Ninyo sa akin iyan, Panginoon! Hindi ko magawa! Sa aking kapighatian hindi ko mapahingahan ang aking isip. Ngunit Kayo, Na nagbibigay muli ng buhay sa patay at kalusugan sa namamatay, magbigay ng kapayapaan sa puso ng isang ina na nawasak ng kapighatian.»

«Mangyari ang ganyan, babae. Kapayapaan sa iyo.» Ipinapataw Niya ang Kanyang kamay sa kanya, pinagpapala siya at nagdarasal nang tahimik sa kanya. si Maria ay lumuhod din sa tabi ni Eliza, niyayakap siya Niya.

«Paalam, Eliza, lalakad na Ako...»

«Hindi na ba tayo magkikitang muli, Panginoon? Hindi ko iiwanan ang aking bahay nang maraming araw, at Kayo ay aalis pagkatapos ng mga kapistahan ng Paskuwa. Kayo ay bahagi pa rin ng aking anak kahit papaano... sapagkat si Annaleah... sapagkat si Annaleah ay namuhay sa Inyo at para sa Inyo.» Siya ay umiiyak, nang mas kalmante, ngunit gaano siyang umiiyak!

Si Jesus ay tinitingnan siya... Hinahaplos Niya ang kanyang puting buhok at sinabi Niya sa kanya: «Makikita mo Akong muli.»

«Kailan?»

«Sa loob ng walong gabi mula ngayong gabi.»

«At pagiginhawahan ba Ninyo akong muli? Pagpapalain ba Ninyo ako upang mabigyan ako ng lakas?»

«Pagpapalain ka ng Aking puso sa pamamagitan ng kabuuan ng Aking pagmamahal para sa mga nagmamahal sa Akin. Halika, Inay.»

«Anak, kung pahihintulutan Mo Ako, ibig Kong manatiling matagal-tagal sa ina na ito. Ang kapighatian ay isang alimbukay na bumabalik muli, pagkaraan na Siya na nagbibigay ng kapayapaan ay nakaalis na... Babalik Ako sa unang oras. Hindi Ako natatakot na lumakad nang mag-isa. At nalalaman Mo na dadaanan Ko ang isang buong sandatahang-lakas ng mga kaaway upang paginhawahan ang isang kapatid Ko sa Diyos.»

«Ayon sa ibig Ninyo. Ako ay lalakad na. Mapasainyo ang Diyos.»

Siya ay lumabas nang walang-ingay, isinasara ang pinto ng silid at ng bahay.

Siya ay bumalik sa mga pader, sa Gate of Ephraim, o sa Stercoral o Dung Gate, sapagkat napakinggan ko nang maraming beses ang mga Geyt na ito, na magkalapit, na binanggit sa pamamagitan ng tatlong mga pangalan na ito, baka dahil ang isa ay nagbubukas sa daang Jericho, na siyang nasa ibaba, isang daan na magdadala sa isa sa Ephraim, at ang isa ay malapit sa Hinnom valley, kung saan doon sinusunog ang mga basura ng bayan, at sila ay magkaparehong-magkapareho na nalilito ako tungkol sa kanila.

Nagsisimula pa lamang na sumikat ang araw sa silanganing bahagi ng kalawakan, na, bagama't, ay nagsisiksikan pa rin sa mga bituin. Ang mga kalsada ay nababalot ng isang malabong liwanag na mas nakakainip kaysa sa kadiliman ng gabi, na napagagaan ng puting liwanag ng buwan. Ngunit ang sundalong Romano ay mabuti ang paningin, at nang kaagad makita niya si Jesus na lumalapit sa Geyt, kumilos siya upang salubungin Siya.

«Mabuhay. Kanina pa ako naghihintay para sa Inyo...» Siya ay tumigil nag-aalinlangan.

«Magsalita na walang-takot. Ano ang gusto mo sa Akin?»

«Ang makaalam. Sinabi Ninyo: “Ang kapayapaan na binibigay Ko ay nagtatagal din sa panahon ng digmaan, sapagkat ito ay ang kapayapaan ng kaluluwa”. Gusto kong malaman kung anong kapayapaan ito, at ano ang kaluluwa. Papaano ang isang tao, na nakikipagdigma, magiging nasa kapayapaan? Ang templo ng Kapayapaan ay sarado kapag ang pinto ni Janus ay bukas. Ang dalawang bagay na ito ay hindi maaaring magkasáma sa mundo.» Siya ay nagsasalita nakasandal sa medyo berdeng pader ng isang pangkusinang-hardin, sa tabi ng isang daanan na kasing kipot ng isang landas sa pagitan ng mga bukid, sa pagitan ng maralitang mga bahay, isang basâ, mapanglaw, madilim na daanan.

Ang tunog ng tinig ni Jesus ay malumanay at maningning dahil sa Kanyang lugod sa pagtatapon ng isang binhi ng liwanag sa pagano. «Totoo, na ang kapayapaan at digmaan ay hindi maaaring magkasama sa mundo. Ang isa ay pinaaalis ang isa. Ngunit sa isang mandirigma ay maaaring magkaroon ng kapayapaan kahit na kung siya ay inuutusan na makipaglaban sa isang digmaan. Ang Aking kapayapaan ay maaaring mapunta sa kanya. Sapagkat ang Aking kapayapaan ay nanggagaling sa Langit. At ito ay hindi nababalisa ng dagundong ng digmaan o ng kabangisan ng mga masaker. Isang dibinong bagay, sinasakop nito ang dibinong bagay na mayroon ang tao sa kanyang sarili, at pinangalanan na kaluluwa.»

«Dibino? Sa loob ko? Ang Caesar ay dibino. Ako ay ang anak ng mga magbubukid. Ngayon ako ay isang ordinaryong sundalo. Kung ako ay matapang, ako ay baka maging isang senturyon. Ngunit hindi dibino.»

«May dibinong bahagi sa iyo. Ito ay ang kaluluwa. Ito ay nanggaling sa Diyos. Nanggaling sa totoong Diyos.  Kung gayon ito ay dibino, isang buháy na batong-hiyas sa tao, at pinakakain nito ang sarili at nabubuhay sa pamamagitan ng dibinong mga bagay: pananampalataya, kapayapaan, katotohanan. Ang digmaan ay hindi ito nababalisa nito. Ang mga pang-uusig ay hindi ito nasusugatan nito. Ang kamatayan ay hindi ito napapatay nito. Ang kasamaan lamang, ang paggawa kung ano ang pangit, ang makasusugat o makapapatay dito, at magkakait din dito ng kapayapaan na Aking pinagkakaloob. Sapagkat ang kasamaan ang naghihiwalay sa tao sa Diyos.»

«At ano ang kasamaan?»

«Ang manatili sa pagiging pagano at ang pagsamba sa mga diyus-diyusan kung ang kabutihan ng totoong Diyos ay ginawa ang isa na malaman na naririyan ang totoong Diyos. Ang hindi magmahal sa kanyang ama, ina, mga kapatid at kanyang kapwa. Ang magnakaw, pumatay, magrebelde, maging mahalay, maging sinungaling. Iyan ang kasamaan.»

«Ah! kung gayon hindi ako maaaring magkaroon ng Inyong kapayapaan! Ako ay isang sundalo at inuutusan akong pumatay. Kung gayon walang kaligtasan para sa amin?!»

«Maging makatarungan sa panahon ng digmaan katulad na ikaw ay makatarungan sa panahon ng kapayapaan. Gawin mo ang iyong tungkulin nang walang kalupitan at walang kasabikan. Habang nakikipaglaban at nananakop, isipin na ang iyong kaaway ay katulad mo, at na ang bawat bayan ay may mga ina at mga dalagita katulad ng iyong ina at mga kapatid na babae, at maging matapang nang hindi nagiging isang hayop. Ikaw ay hindi mapapalayó sa katarungan at kapayapaan, at ang Aking kapayapaan ay mananatili sa iyo.»

«At pagkatapos?»

«At pagkatapos? Ano ang ibig mong sabihin?»

«Pagkatapos ng aking kamatayan? Ano ang mangyayari sa kabutihan na aking ginawa at sa aking kaluluwa, na sinasabi Ninyo na hindi namamatay kung ang isa ay hindi gumagawa ng masasamang bagay?»

«Ito ay nabubuhay. Nabubuhay itong adornado ng mabubuting gawa nito, nasa loob ng isang malugod na kapayapaan, na mas mahigit pa kaysa sa kinalulugdan ng kahit sino na nasa Lupa.»

«Kung gayon sa Palestina isang tao lamang ang nakagawa ng mabuti! Alam ko na.»

«Sino?»

«Si Lazarus ng Bethany. Ang kanyang kaluluwa ay hindi namatay!»

«Totoo, siya ay isang makatarungan na tao. Ngunit marami ang katulad niya, at sila ay namamatay na hindi ibinabangon mula sa kamatayan, ngunit ang kanilang mga kaluluwa ay namumuhay sa totoong Diyos. sapagkat ang kaluluwa ay may isa pang tahanan, sa Kaharian ng Diyos. At ang mga naniniwala sa Akin ay papasok sa Kaharian na iyan.»

«Kahit na ako, isang Romano?»

«Ikaw din, kung maniwala ka sa Katotohanan.»

«Ano ang Katotohanan?»

«Ako ang Katotohanan at ang Daan upang makapunta sa Katotohanan, at Ako ang Búhay at binibigay Ko ang Búhay, sapagkat ang mga tumatanggap sa Katotohanan tumatanggap ng Búhay.»

Ang bata-pang sundalo ay nag-iisip... tahimik... Pagkatapos itinaas niya ang kanyang mukha. Ang puro pang mukha ng isang binata, at siya ay ngumingiti, isang malinaw, panatag na ngiti. Sinabi niya: «Pagsisikapan kong maalaala ang lahat na ito at mas matuto pa. Gusto ko ito...»

«Ano ang pangalan mo?»

«Vital. Mula sa Benevento. Mula sa kabukiran ng bayan na iyan.»

«Tatandaan Ko ang iyong pangalan. Gawin ang iyong espiritu na talagang maging vital¹ sa pagpapakain dito ng Katotohanan. Paalam. Ang Geyt ay binubuksan na. Aalis Ako sa bayan.»

«Mabuhay!»

Si Jesus ay mabilis na pumunta sa Geyt at nagmadali patungo sa daan na magdadala sa Kidron at sa Gethsemane at pagkatapos sa Parang ng mga Galilean.

Sa pagitan ng mga punong-olibo ng bundok natagpuan Niya si Judas ng Kerioth, na paakyat din nang mabilis patungo sa Parang, na nagigising na. Si Judas ay napakilos na tila siya ay natakot nakikita ang sarili na nasa harapan ni Jesus. Si Jesus ay tinitingnan siya nang walang-galaw, nang hindi nagsasalita.

«Ako ay umalis upang dalhan ng pagkain ang mga ketongin. Ngunit... nakakita ako ng dalawa sa Hinnom, lima sa Siloam. Ang iba pa, gumaling. Sila ay naroroon pa rin, ngunit sila ay napagaling nang mabuti na pinakiusapan nila ako na bigyan-alam ang pari. Bumaba ako noong pagsikat-ng-araw, upang maging libre pagkatapos. Gagawa iyon ng isang pagkakagulo. Gayon kalaking bilang ng mga ketongin na napagaling nang sabay-sabay pagkatapos na pinagpala Ninyo sila sa presensya ng napakaraming tao!»

Si Jesus ay hindi nagsasalita. Pinababayaan niya Siyang magsalita... Hindi Niya sinasabi: «Nagawa mo ang tamang bagay», o kahit anumang magpatungkol sa ikinilos ni Judas at sa himala, ngunit tumitigil nang bigla at tinititigan ang apostol tinanong Niya siya: «Bueno? Ang katotohanan na iniwanan kita ng kalayaan at pera, anong pagbabago ang nagawa nito?»

«Ano ang ibig Ninyong sabihin?»

«Ito: tinatanong kita kung napabanal mo ang iyong sarili mula nang ibinalik Ko sa iyo ang kalayaan at pera. At naintindihan mo Ako... Ah! Judas! Tandaan! Laging tandaan na ikaw ang isa na mas minahal Ko kaysa sino pa mang iba, tumatanggap mula sa iyo ng kulang na pagmamahal kaysa sa naibigay sa Akin ng iba. Hindi lang, bagkus, tumanggap Ako ng mas malaking kapootan, sapagkat iyon ay ang kapootan ng isang Aking trinato bilang isang kaibigan, kaysa sa pinaka-matinding kapootan ng pinaka-matinding Pariseo.

Si Judas ay gustong magsalita, ngunit si Jesus sa pamamagitan ng isang ma-awtoridad na senyas ay pinagpapatuloy siya sa paglalakad... At si Judas, ang kanyang ulo nakatungo katulad ng isang tálunan na tao, ay nagpapatuloy...

Sa hangganan ng Parang ng mga Galilean, ang mga apostol at ang dalawang katulong ni Lazarus ay handa na.

«Saan Kayo nanggaling, Guro? At ikaw, Judas? Kayo ba ay magkasama?»

Si Jesus ay pinigilan ang tugon ni Judas nagsasabing: «May kinailangan Akong sabihin sa ilang mga puso. Si Judas ay pumunta sa mga ketongin... Ngunit lahat sila ay gumaling, maliban sa pito.»

«O! bakit ka pumunta? Gusto ko rin pumunta!» sabi ng Zealot.

«Upang maging libre na ngayon na makasama sa atin. Tayo na. Papasok tayo sa bayan sa pamamagitan ng Sheep Gate. Magmadali tayo» sabi muli ni Jesus.

Siya ang una sa lahat na lumakad, dumaraan sa taniman ng mga punong-olibo na magdadala sa isa mula sa Parang, na nasa halos kalahatian ng Bethany at Herusalem, patungo sa isa pang maliit na tulay na tumatawid sa Kidron malapit sa Sheep Gate.

Ang ilang mga bahay ng mga magbubukid ay nakakalat sa mga dalisdis, at halos nasa ibaba, malapit sa tubig ng ilog, ang isang gusot na puno ng igos ay pauguy-ugoy sa itaas ng tubig. Ibinaling ni Jesus ang Kanyang mga hakbang patungo rito at naghahanap Siya sa pagitan ng malalaking dahon nito ng kahit anong hinog na igos. Ngunit ang puno ng igos ay walang iba bagkus mga dahon, maraming walang-silbing mga dahon, ngunit wala ni isang bunga sa mga sanga nito.

«Katulad mo ang maraming puso sa Israel. Ikaw ay ni walang-kabaitan o awa sa Anak ng tao. Huwag ka na sanang mamunga pang muli at wala na sana kailanman ang sinuman na kumain pa ng iyong bunga sa hinaharap» sabi ni Jesus.

Ang mga apostol ay nagkatinginan sa isa’t isa. Sila ay nagulat sa galit ni Jesus sa baog na puno, na baka isang layas na puno. Ngunit wala silang sinasabi kahit ano. Tanging pagkaraan lamang, pagkatapos na matawid ang Kidron, si Pedro ay tinanong Siya: «Saan Kayo kumain?»

«Wala.»

«O! Kung gayon gutom Kayo! May isang pastol sa banda roon nagpapastol ng ilang mga kambing. Pupunta ako manghihingi ng kaunting gatas para sa Inyo. Hindi ako magtatagal» at siya ay humakbang nang malalaki papalayo at bumalik nang nag-iingat may dalang lumang mangkok na puno ng gatas.

Si Jesus ay ininom ito at may kasamang isang haplos ibinalik Niya ang mangkok sa bata-pang pastol na sumama kay Pedro...

Pumasok sila sa bayan at umakyat patungo sa Templo at, pagkatapos na masamba ang Panginoon, si Jesus ay bumalik sa korte kung saan nagtuturo ang mga rabbi.

Ang mga tao ay nagsiksikan sa paligid Niya, at ang isang ina, na naparito mula sa Cintium, ay pinakikita sa Kanya ang kanyang maliit na batang lalaki na gawa ng sakit, sa palagay ko, ay nabulag. Ang kanyang mga mata ay puti, na tila siya ay may malaking katarata sa ibabaw ng kanyang balintatao o isang leucoma. Si Jesus ay pinagaling siya hinihipong kaunti ang kanyang mga mata sa pamamagitan ng Kanyang mga daliri. At Siya ay kaagad nagsalita:

«Ang isang lalaki ay bumili ng isang piraso ng lupa at gumawa ng isang ubasan dito, nagtayo ng isang bahay para sa magbubukid, isang tore para sa mga tagapamahala, imbakan ng mga alak at mga lugar kung saan pipisain ang mga ubas, at pinatao niya ito sa mga tao na kanyang pinagkakatiwalaan. Pagkatapos siya ay nangibang bansa. Nang ang panahon ay dumating na kung kailan ang ubasan ay mamumunga na, dahil ang mga baging ay lumaki na sa laki upang mamunga, ang may-ari ng ubasan ay nagpadala ng kanyang mga katulong sa mga tumatao upang kolektahin ang kita ng ani. Ngunit ang mga tumatao ay pinaligiran ang mga katulong at binugbog nila sila, binugbog nila ang iba sa pamamagitan ng mabibigat na bato, sinusugatan nang malala ang ilan, at pinatay nila ang iba sa kanila. Ang mga nakaligtas at nakabalik sa may-ari, ay nagkuwento sa kanya kung ano ang nangyari sa kanila. Ang may-ari ay pinagaling at pinaginhawahan sila at nagpadala pa ng mas marami pang katulong, sa pagkakataong ito malakilaking bilang ng mga katulong. At ang mga tumatao ay trinato sila katulad ng ginawa nila sa nauna. Pagkatapos ang may-ari ng ubasan ay nagsabi: “Ipadadala ko ang aking anak sa kanila. Tiyak na igagalang nila ang aking eredero”. Ngunit ang mga tumatao, noong makita nila siyang dumarating at nalaman nila na siya ay ang eredero, ay nagsabi sa isa’t isa: “Halikayo. Mag-ipun-ipon tayo nang  marami tayo. Dalhin natin siya sa isang malayong lugar, at patayin siya. Ang kanyang mana ay mapupunta sa atin”. At tinatanggap siya nang may pagkukunwaring mga parangal, nag-ipun-ipon sila sa paligid niya na tila ibig nilang bigyan siya ng isang mainit na pagsalubong, pagkatapos, pagkaraan na mahalikan siya, itinali nila siya, binugbog siya, at sa pamamagitan ng walang-katapusan na mga salitang panunuya dinala nila siya sa lugar ng pagpapahirap at pinatay siya. Ngayon sabihin sa Akin. Ang ama at may-ari na iyon, na isang araw ay maiintindihan na ang kanyang anak at eredero ng kanyang pag-aari ay hindi na babalik, at malalaman niya na ang kanyang mga katulong na mga tumatao, kung kanino binigay niya ang kanyang lupa upang bukirin sa ngalan niya, kinalulugdan ang makatarungan na parteng upa para dito at binibigay kung ano ang makatarungan sa kanilang panginoon, ay ang siyang mga mamamatay-tao ng kanyang anak, ano ang kanyang gagawin?» at ang mga matang sapiro ni Jesus, na maningning na tila ito ay pinaliwanag ng araw, ay kumislap sa mga taong naroroon, at lalo na sa mga grupo ng mas maimpluwensiyang mga Judaean, mga Pariseo at mga eskriba, nakakalat sa pagitan ng pulutong.

Walang nagsasalita.

«Kung gayon, magsalita! Kayo man lamang, mga rabbi ng Israel. Sabihin ang salita ng katarungan upang makumbinsi ang mga tao na maging makatarungan. Baka Ako magsalita ng isang salita na hindi mabuti, ayon sa inyong mga isip. Kung kaya't hinihingi Ko sa inyo na magsalita, upang ang mga tao ay hindi sana mapunta sa pagkakamali.»

Ang mga eskriba ay napilitan na tumugon at sinabi nila: «Parurusahan niya ang masasamang tao nang isang malupit na kamatayan at ibibigay ang ubasan sa ibang mga tumatao, upang bukirin sana nila iyo sa tapat na pamamaraan binibigay sa kanya ang bunga ng lupa na pinagkatiwala sa kanila.»

«Ang sinabi ninyo ay tama. Sa mga Iskriptura ay nakasulat: “Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ay naging ang pinaka panulukan na bato. Ito ay ang gawa ng Panginoon at maganda itong tingnan”. Kung gayon, dahil na ito ay isinulat nang gayon, at nalalaman ninyo, at tama ang paghusga ninyo na ang mga tumatáong iyon na pumatay sa anak at eredero ng may-ari ng ubasan ay kailangan na maparusahan sa isang malupit na paraan, bueno, iyan kung bakit sinasabi Ko sa inyo: “Ang Kaharian ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa mga tao upang ito ay mamunga. At siya na babagsak laban sa batong ito ay mawawasak, at siya na binagsakan ng bato, ay madudurog”.»

Ang hepeng mga pari, ang mga Pariseo at mga eskriba, na may isang tunay... na makabayaning aktitud, ay hindi gumaganti. Napakalakas ang kagustuhan na makuha ang pinaplano ng isa! Sa mga nakaraan na okasyon sinalungat man lamang nila Siya, samantalang ngayon, nang ang Panginoong Jesus ay hayagan na sinabi sa kanila na ang kanilang kapangyarihan ay aalisin sa kanila, hindi nila Siya inaabuso, hindi sila tumututol laban sa Kanya, hindi nila Siya tinatakot, umaasal katulad ng huwad na mga mapagpasensya na mga kordero, na sa ilalim ng mapagkunwaring hitsura ng kababaang-loob ay natatago ang di-mababagong mga puso ng mga lobo.

Nilapitan lamang nila Siya, dahil nagpapatuloy Siyang gumalaw nang paatras at paabante, sa pakikinig sa isang ito o isang iyon na kabilang sa maraming peregrino na nag-ipun-ipon sa malapad na korte, ang marami sa kanila ay humihingi ng payo para sa mga kaso tungkol sa kanilang mga kaluluwa o pamilya o panlipunan na mga sitwasyon, at sila ay naghihintay ng pagkakataon na makapagsalita ng kung ano sa Kanya pagkatapos na mapakinggan Siyang binibigay ang Kanyang opinyon sa isang lalaki tungkol sa magulong kaso ng pamana, na naghatid ng di-pagkakaunawaan at samaan-ng-loob sa pagitan ng ilang mga eredero, dahil sa isang anak na nagkaroon ang kanilang ama sa isang katulong na babae ng sambahayan at inampon ng ama. Ang lehitimong mga anak ay ayaw ang anak sa labas na manirahan na kasama nila, ni ayaw nila siyang mapasama sa kanilang partihan ng mana sa mga bahay at mga bukid, dahil ayaw nila na siya ay may kinalaman pa sa kahit na ano tungkol sa kanila. Ngunit hindi nila malaman kung papaano aayusin ang úsapín, sapagkat ang kanilang ama bago mamatay ay ginawa silang manumpa na, sa dahilan na lagi niya pinagpaparti-parte nang magkakapareho ang tinapay sa pagitan ng kanyang lehitimong mga anak at ng anak sa labas, kailangan na parti-partihin din nang magkakapareho ang mana sa kanila.

Sinabi ni Jesus sa lalaking nagsasangguni sa Kanya sa katauhan ng kanyang tatlong mga kapatid: «Ang bawat isa sa inyo ay kailangan na magpalabas ng isang piraso ng lupa at ipagbili ito, upang pagsama-samahin ang napagbilhan na pera na katumbas ng isang parte ng lima ng total na minana sa ama, at ibigay ito sa anak sa labas nagsasabing: “Naririto ang iyong parte. Ikaw ay hindi dinadaya ng kung ano ang pag-aari mo, ni hindi rin namin sinusuway ang kalooban ng ating ama. Humayo at samahan ka ng Diyos”. At magbigay nang marami, kahit sobra pa sa eksaktong halaga ng kanyang parte. Gawin ang ganyan sa presensya ng makatarungan na mga saksi, at walang sinuman sa Lupa o sa kabila pa ng Lupa ang makapagbibigkas ng isang salita ng paninisi o magpapasimula ng isang iskandalo. At magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ninyo at sa loob ninyo, dahil hindi kayo makukonsiyensiya ng pagsuway sa inyong ama, at hindi ninyo makakasama siya na, bagama't talagang inosente, nababalisa kayo nang higit pa kaysa kung ang isang mandarambong sa lansangan ay nasa pagitan ninyo.»

Ang lalaki ay nagsabi: «Ang anak sa labas ay totoong nababalisa ang kapayapaan ng aming pamilya, nasira niya ang kalusugan ng aming ina na namatay sa dalamhati, at nakakuha siya ng isang lugar na hindi naman niya pag-aari.»

«Lalaki, siya ay walang kasalanan, bagkus siya na naging tatay niya ang kailangang sisihin. Hindi niya hiningi na ipanganak at taglayin ang tanda ng pagiging anak sa labas. Iyon ay sa kaimbutan ng inyong ama na siya ay naipanganak upang mapalagay sa kapighatian at mapamighati kayo. Maging makatarungan kung gayon sa inosenteng tao na masakit nang nagbabayad-sala sa isang kasalanan na hindi niya ginawa. Huwag gawin ang espiritu ng inyong ama na maging anathema sa inyo. Ang Diyos ay nahusgahan na siya. Ang inyong mga sumpa ay hindi na kinakailangan. Laging parangalan ang inyong ama, kahit na kung siya ang nagkasala, hindi para sa kanyang sarili, bagkus pinangatawanan niya sa inyo ang Diyos sa Lupa, dahil pinanganak kayo dahil sa kanya ayon sa dekreto ng Diyos at dahil siya ay ang panginoon ng inyong sambahayan. Ang mga magulang ay ang sumusunod kaagad pagkatapos sa Diyos. Alalahanin ang Dekalogo. At huwag magkasala. Humayo sa kapayapaan.»

Ang mga pari at mga eskriba ay nilapitan Siya upang tanungin Siya: «Napakinggan namin Kayo. Ang Inyong sinabi ay tama. Ni si Solomon ay hindi makapagbibigay ng mas mabuti pang payo. Ngunit sa dahilan na gumagawa Kayo ng mga kababalaghan at nagbibigay Kayo ng payo na tanging ang marunong na hari lamang ang makapagbibigay, sabihin sa amin, anong awtoridad ang mayroon Kayo upang gawin ang mga bagay na ganyan? Saan nanggagaling ang Kapangyarihan Ninyong iyan?»

Si Jesus ay tinititigan sila. Siya ay ni hindi mabalasik o mapanghamak, ngunit Siya ay maringal na maringal. Sinabi Niya: «Ako ay may isang tanong din na itatanong sa inyo, at kung kayo ay tumugon sa Akin, sasabihin Ko sa inyo kung sa anong awtoridad Ko, isang Mahirap na tao na walang awtoridad ng mga opisina – sapagkat iyan ang ibig ninyong sabihin – ginagawa ang mga bagay na ito. Sabihin sa Akin: saan nanggagaling ang binyag ni Juan? Mula sa Langit o mula sa tao na nagbibigay nito? Tumugon sa Akin. Sa pamamagitan ng anong awtoridad binibigay iyon ni Juan bilang isang nagpapadalisay na ritwal upang maihanda kayo sa pagdating ng Mesiyas, kung si Juan ay mas mahirap pa at mas kulang pa ang nalalaman kaysa sa Akin, at wala siyang kahit ano man na opisina, dahil namumuhay siya sa disyerto mula pa nang kanyang pagkabata?»

Ang mga eskriba at mga pari ay nagsasangguni sa isa’t isa. Ang mga tao ay sumisiksik sa paligid nila, nang may malalaking mata at nakikinig nang mabuti, nakahandang magprotesta kung ang mga eskriba ay pawawalang-halaga si Juan at sasaktan ang Guro, at magbunyi kung sila ay matalo ng tanong ng dibinong marunong na Rabbi ng Nazareth. Ang lubos na katahimikan ng pulutong naghihintay sa tugon ay nakakagulat. Ito ay napakalalim na ang paghinga at pagbulong ng mga pari at mga eskriba ay maririnig, habang sila ay nangungusap sa isa’t isa nang walang binibigkas nga mga salita, at sa pansamantala sumusulyap sila sa mga tao, na ang kaninong mga damdamin ay nakahanda nang sumabog. Sa wakas nagpasya ang kanilang mga isip at sila ay tumugon. Hinarap nila ang Kristo Na, nakasandal sa isang malaking poste, nakakursomano, ay tinitingnan ang kanilang mga mukha nang hindi sila pinakakawalan ng tingin, at sila ay nagsabi: «Guro, hindi namin nalalaman kung sa pamamagitan ng kung anong awtoridad ginawa ni Juan iyon o kung saan nanggaling ang kanyang binyag. Walang sinuman ang naka-isip na tanungin si Juan noong siya ay nabubuhay pa, at ni hindi niya ito binanggit nang kusa.»

«At hindi Ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad Ko ginagawa ang mga bagay na iyon.» At tinalikuran Niya sila upang tawagin ang Labindalawa, at pinipilit ang Kanyang daan sa gitna ng nagbubunying pulutong, iniwan Niya ang Templo.

Noong sila ay nasa labas na, sa ibayo ng Probatica, dahil sila ay lumabas sa kabilang tabi, si Bartolomeo ay nagsabi sa Kanya: «Ang Inyong mga kaaway ay naging napaka mahinahon. Baka sila ay nakukumberti na sa Panginoon Na nagpadala sa Inyo at kikilalanin Kayo bilang ang banal na Mesiyas.»

«Iyan ay totoo. Hindi nila pinag-usapan ang Inyong tanong o ang Inyong tugon...» sabi ni Mateo.

«Mangyari ang ganyan. Maganda na ang Herusalem ay babaling sa Panginoong kanyang Diyos» sabi muli ni Bartolomeo.

«Huwag linlangin ang inyong mga sarili! Ang bahaging iyan ng Herusalem ay hindi kailanman makukumberti. Hindi sila tumugon sa ibang paraan sapagkat natatakot sila sa pulutong. Nababasa Ko ang kanilang mga iniisip kahit na kung hindi Ko naririnig ang kanilang pigíl na mga salita.»

«At ano ang kanilang sinasabi?» tanong ni Pedro.

«Ito ang kanilang sinasabi. Gusto Kong malaman ninyo kung ano ang kanilang sinabi, upang sana makilala ninyo sila nang husto at mabigyan sana ninyo ang mga disipulo sa hinaharap ng eksaktong deskripsiyon tungkol sa mga puso ng mga tao noong Aking mga araw. Sila ay hindi tumugon dahil sa sila ay bumabaling sa Panginoon. Bagkus dahil sinasabi nila sa isa’t isa: “Kung tayo ay tumugon: ‘Ang binyag ni Juan ay nanggaling sa Langit’, sasabihin ng Rabbi sa atin: ‘Kung gayon bakit hindi ninyo pinaniwalaan ang nanggaling sa Langit at sinadyang ginawa bilang isang paghahanda para sa panahon ng Mesiyas?’; at kung sabihin natin: ‘Mula sa tao’, diyan ang pulutong kukontrahin tayo nagsasabing: ‘Kung gayon bakit hindi kayo naniniwala sa sinabi ng ating propetang si Juan tungkol kay Jesus ng Nazareth?’. Kung kaya't mas mabuti pang sabihin: ‘Hindi namin alam’”. Iyan ang kanilang sinasabi. Hindi dahil sila ay nakukumberti sa Diyos, bagkus dala ng may-pinupuntirya na kalkulasyon at dahil ayaw na kailangan nilang tanggapin sa pamamagitan ng kanilang mga labì na Ako ang Kristo at na ginagawa Ko kung ano ang ginagawa Ko sapagkat Ako ang Kordero ng Diyos Na siyang binabanggit ng Prekursor. At ni ayaw Ko rin sabihin kong sa anong awtoridad Ko ginagawa ang mga bagay na ginagawa Ko. Nasabi Ko na ito nang maraming beses sa pagitan ng mga pader na ito at sa buong Palestina at ang Aking mga himala ay nagsasalita pa nga nang mas malakas kaysa sa Aking mga salita. Ngayon hindi Ko na ito sasabihin sa pamamagitan ng Aking mga salita. Pababayaan Ko ang mga propeta at ang Aking Ama at ang mga tanda sa Langit na siyang magsalita. Sapagkat ang panahon ay dumating na kung kailan ang lahat na mga tanda ay ibibigay. Ang mga binanggit ng mga propeta at pinakikita ng mga simbolo ng ating kasaysayan, at ang Aking mga binunyag: ang tanda ni Jonah; naaalaala ba ninyo ang araw na iyon sa Kedesh? Iyon ang tanda na hinihintay ni Gamaliel. Ikaw, Stephen, at ikaw, Hermas, at ikaw, Barnabas, na mga humiwalay sa inyong mga kasamahan upang masundan Ako ngayon, ay tiyak na narinig ninyo ang rabbi na nagsalita tungkol sa tanda na iyan. Bueno,  ang tanda ay malapit nang ibigay.»

Siya ay umalis paakyat sa mga taniman ng mga punong-olibo sa bundok, sinusundan ng Kanyang mga apostol at ng marami ng Kanyang pitumpu’t dalawang mga disipulo, bukod sa iba pa na, katulad ni Jose Barnabas,, sumusunod sa Kanya upang mapakinggan Siyang magsalita muli.

--------------------

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus: «Ilalagay mo rito ang ikalawang bahagi ng Lunes, ibig sabihin, ang mga talumpating binigay sa Aking mga apostol sa loob ng gabi (bisyon ng Marso 6, 1945).»

170712

 

 



¹ Vital, sa Tagalog ay maaaring ang ibig sabihin: mahalaga. RLB



Sunod na kabanata