60. Ang Paggaling ng Biyanang Babae ni Simon Pedro.

Nobyembre 3, 1944.     

¹Si Pedro ay nakikipagusap kay Jesus. Sinasabi niya: «Guro, ibig kong hingin sa Inyo na pumunta sa aking bahay. Hindi ako naglakas-loob na hingin sa Inyo ito noong nakaraang Sabbath. Ngunit… ibig ko Kayong pumunta.»

«Sa Bethsaida?»              

«Hindi, dito… sa bahay ng aking asawa. Ang ibig kong sabihin sa kanyang bahay.»

«Bakit ibig mo ito, Pedro?»       

«Bueno, para sa maraming rason… dahil din ngayon ako ay sinabihan na ang aking biyanang babae ay may sakit. Kung pagagalingin Ninyo siya, baka siya…»

«Sabihin mo sa Akin, Simon.»

«Ang ibig kong sabihin ay… kung pumunta Kayo sa kanya, titigil siya… oo, bueno, alam Ninyo, hindi parehong bagay ang mapakinggan ang mga tao na nagsasalita ng tungkol sa kung sino at ang makita at mapakinggan ang kung sinong tao, at kung ang taong tinutukoy ay gumaling… bueno…»

«Ang ibig mong sabihin pati ang masamang damdamin ay matatapos din?»

«Hindi, hindi eksaktong masamang damdamin. Ngunit, alam Ninyo… maraming mga opinyon sa nayon, at siya… ay hindi malaman kung sino ang kanyang pakikinggan. Halika, Jesus.»

«Pupunta Ako. Tayo na. Sasabihin mo sa mga naghihintay sa Akin na magsasalita Ako sa kanila sa iyong bahay.»

²Sila ay lumakad hanggang sa layo ng isang mababang bahay, mas mababa pa kaysa sa bahay ni Pedro sa Bethsaida, at ito ay mas malapit din sa lawa. Ito ay nakahiwalay sa lawa sa pamamagitan ng mabatong baybayin at sa palagay ko kapag may bagyo, ang mga alon ay humahampas sa mga pader ng bahay, na, habang bilang mababa, ay napakalapad, na tila ilang mga tao ang nakatira rito.

Sa loob ng pangkusinang-hardin sa harapan ng bahay, nakaharap sa lawa, ay mayroon lamang isang matandang gusot na baging, suportado ng isang pangkabukirang balag, at isang matandang puno-ng-igos na gawa ng mga hangin, umiihip mula sa lawa, ay nagawang mabaluktot pagawing bahay. Ang gusot na mga dahon ng puno ay kumakaskas sa mga pader ng bahay at humahampas sa mga panara ng maliliit na bintana, na ngayon ay mga nakasarado bilang proteksiyon laban sa matingkad na sinag ng araw. Wala ritong iba bagkus ang baging at ang puno ng igos at isang medyo berdeng maliit na pader ng isang mababang bubon.

«Pasok Kayo, Guro.»

May ilang mga babae sa kusina, ang ilan ay abalá sa pagkukumpuni ng mga lambat, ang ilan ay naghahanda ng pagkain. Binati nila si Pedro at sila ay yumuyukod na napapahiya kay Jesus, inaaninag Siyang may pág-uusisa.

«Kapayapaan sa bahay na ito. Kumusta ang pasyente?»

«Sabihin mo sa Kanya, ikaw ang pinakamatanda sa mga manugang-na-babae» tatlo sa mga babae ang nagsasabi sa isa pa, na nagtutuyo ng kanyang mga kamay sa laylayan ng kanyang damit.

«Ang kanyang temperatura ay napakataas. Ang doktor ay nakita siya at sinabi na siya ay napakatanda na upang gumaling, at na kapag ang sakit ay pumunta mula sa mga buto patungo sa puso, at tumaas ang lagnat, ang isa ay mamamatay, lalo na ang matatanda. Ayaw na niyang kumain pa… Sinusubukan ko at naghahanda ako ng masarap na pagkain, kahit na ngayon, Simon, inihahanda ko ang sopas na gustung-gusto niya. Pinili ko ang pinakamagandang isda na nakuha ko mula sa aking mga bayaw. Ngunit sa palagay ko hindi niya ito kakainin. At… napaka-balisá niya! Siya ay nagrereklamo, at sumisigaw, at umiiyak, at nanunumpa…»

«Maging magtiyaga, na tila siya ay iyong ina at ang Diyos ay pagkakalooban ka ng merito para diyan. ³Dalhin mo Ako sa kanya.»

«Rabbi… Rabbi… hindi ko alam kung matutuwa siyang makita Kayo. Ayaw niyang makakita ng sinuman. Hindi ako maglalakas-loob na sabihin sa kanya: “Dadalhin ko sa inyo ngayon ang Rabbi upang tingnan ka”.»

Si Jesus ay ngumingiti nang kalmante. Kinakausap Niya si Pedro: «Panahon mo na ngayon, Simon. Ikaw ay isang lalaki at ang pinakamatandang manugang-na-lalaki, sinabi mo sa Akin. Lakad.»

Si Pedro ay napangiwi nang labis at sumunod. Tinawid niya ang kusina, at pumasok sa isa pang silid at pinasok ang pintuan na kanyang isinasara, napapakinggan ko siyang nagsasalita sa isang babae. Siya ay dumungaw sa pintuan at nagsabi: «Halikayo, Guro, bilis.» At siya ay bumulong sa napakababang tinig, halos mapakinggan lamang: «Bago magbago ang kanyang isip.»

Si Jesus ay tinawid ang kusina at binuksan nang maluwang ang pinto. Nakatayo sa pamasukan, binigkas Niya ang Kanyang matamis, solemne na pagbati: «Sumainyo ang kapayapaan.» Siya ay pumasok, bagama't hindi Siya nakatanggap ng sagot. Siya ay lumapit sa isang mababang kama kung saan naroon ang isang maliit na matandang babae, ubanin, payat, humahangos dahil sa mataas na temperatura na nagagawa ang kanyang namayat na mukha na mamula.

Si Jesus ay niyukuan ang maliit na kama, ngumingiti sa matandang babae: «May nararamdaman ka bang kirot?»

«Ako ay namamatay!»

«Hindi. Hindi ka mamamatay. Naniniwala ka ba na mapapagaling kita?»

«Bakit gusto Mong gawin iyan? Hindi Mo ako kilala.»

«Para kay Simon, na nakiusap sa Akin… at para sa iyo, upang mabigyan ang iyong kaluluwa ng panahon na makakita at makapagmahal sa Liwanag.»

«Si Simon? Mas mabuti pa kung siya ay… Bakit naisip ako ni Simon?»

«Sapagkat siya ay mas mabait kaysa sa naiisip mo… Kilala Ko siya at natitiyak Ko. Kilala Ko siya at masaya Ako na pagbigyan siya.»

«Pagagalingin Mo ba ako, kung gayon? Hindi ako mamamatay, kung gayon?»

«Hindi, babae. Hindi ka pa mamamatay. Makapaniniwala ka ba sa Akin?»

«Naniniwala ako, naniniwala ako. Sapat na para sa akin ang huwag mamatay!»

⁴Si Jesus ay ngumingiti ulit. Kinuha Niya ang kanyang kamay, kulubot na may mga magang ugat, na nawawala sa mas batang kamay ni Jesus, Na tumatayong tuwid, at kinukuha ang aktitud na lagi Niyang ginagawa kapag gumagawa ng isang himala. Siya ay sumigaw: «Gumaling! Gusto Ko ito! Tumayo ka!» at pinakawalan Niya ang kanyang kamay. At ang kanyang kamay ay bumagsak na walang anumang reklamo, samantalang kanina, sa kabila ng pag-iingat ni Jesus sa pagkuha nito, siya ay umungol nang ito ay nagalaw.

Nagkaroon ng katahimikan sa loob ng kaunting mga sandali. Pagkatapos ang matandang babae ay sumigaw: «O! Diyos ng aming mga ninuno! Ngunit walang problema sa akin! Ako ay magaling na! Halikayo! Halikayo!» Ang kanyang mga manugang-na-babae ay nagmadaling pumasok. «Tingnan ninyo!» sabi ng matandang babae: «Nakakakilos ako at wala akong nararamdamang kirot! At hindi na ako nilalagnat! Hipuin kung gaano ako kalamig. At ang aking puso ay hindi na katulad ng pamalo ng panday. Ah! Hindi na ako namamatay!» Wala ni isang salita para sa Panginoon!

Ngunit hindi ito binibigyan ng pansin ni Jesus. Sinabi Niya sa pinakamatandang manugang-na-babae: «Bihisan siya upang siya ay makabangon. Káya na niyang bumangon.» At Siya ay lumakad patungo sa pinto.

Si Simon, napapahiya, ay nagsabi sa kanyang biyanan: «Ang Guro ay pinagaling kayo. Wala ka bang sasabihin sa Kanya?»

«Siyempre mayroon. Hindi ko naiisip ang tungkol diyan. Salamat sa Inyo. Ano ang maaaring gawin ko upang mapasalamatan Kayo?»

«Maging mabait, napakabait. Sapagkat ang Eternal na Ama ay naging mabait sa inyo. At kung hindi naman kalabisan para sa inyo, pahintulutan Akong makapagpahinga sa loob ng inyong tahanan ngayon.  Napunta Ako sa maraming nayon nang nakaraang linggo, at dumating Ako rito nang mag-uumaga ngayong umaga. Ako'y pagod.»

«Siyempre! Siyempre! Makapananatili Kayo kung ibig Ninyo.» Ngunit walang labis na pananabik sa kanyang mga salita.

⁵Sina Jesus, Pedro, Andres, Santiago at Juan ay lumakad at naupo sa pangkusinang-hardin.

«Guro!...»

«Oo, Pedro?»

«Ako'y napapahiya.»

Si Jesus ay sumenyas, na ang ibig-sabihin: «Hindi na bale.» Siya pagkatapos ay nagpatuloy: «Siya ay hindi ang una, at hindi ang magiging huli na hindi kaagad makararamdam ng pasasalamat. Ngunit hindi Ako naghahanap ng pasasalamat. Ang tanging ibig Ko ay ang mabigyan ang mga kaluluwa ng pagkakataon na mailigtas ang kanilang mga sarili.

«Ah! May mga kaso na na katulad nito? Saan?»

«Usisador na Simon, nang ang kanyang asawa at isang kapatid ay pinalayas Ako, nagsasabing: “Layas! Lumayas Ka! Ayaw namin na magkaroon ng problema sa sinagoga”. Para sa kanila, para sa napakarami, Ako ay isa nang rebelde… Pinagaling Ko pa rin siya gayunpaman… alang-alang sa mga bata. At sinabi Ko kay Sarah sa pangkusinang-hardin, hinahaplos siya: “Pagagalingin Ko ang iyong ina. Umuwi ka na. Huwag ka nang umiyak pa”. At ang babae ay gumaling nang sandali rin iyon at ang maliit na bata ay sinabihan siya, at sinabihan din niya ang kanyang ama at ang kanyang tiyo… at siya ay pinarusahan sa pakikipagusap sa Akin. Alam Ko, sapagkat ang bata ay hinabol Ako noong paalis na Ako sa nayon… Ngunit hindi na bale iyon.»

«Nagawa ko sana siyang magkasakit muli.»

«Pedro!» Si Jesus ay mahigpit. «Iyan ba ang itinuturo Ko sa iyo at sa iba? Ano ang napakinggan mong sinabi Ko sa pinakaunang sandali noong napakinggan mo Ako? Tungkol saan Ako lagi nagsasalita bilang ang unang patakaran upang maging Aking mga totoong disipulo?»

«Totoo iyan, Guro. Ako ay tunay na isang hayop. Patawarin Ninyo ako. Ngunit… hindi ko matiis ang katotohanan na hindi nila Kayo minamahal!»

«O! Pedro! Makakakita ka ng higit pang kawalang-pakialam! Magkakaroon ka ng maraming sorpresa, Pedro! Mga tao na hinahamak ng tinatawag na “banal” na mundo bilang mga tagapalit ng pera, na sa halip siyang maglalagay ng halimbawa sa mundo, isang halimbawa na hindi susundin ng mga nanghahamak sa kanila. Mga pagano na siyang Aking magiging pinakamatatapat. Mga puta na magiging dalisay sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihan ng kalooban at pagtitika. Mga makasalanan na binabago ang kanilang pamamaraan ng pamumuhay…»

«Makinig: na ang isang makasalanan babaguhin ang kanyang pamamaraan… maaari pa ito. Ngunit ang isang puta at isang tagapalit ng pera!...»

«Hindi mo ito pinaniniwalaan?»

«Hindi ko ito pinaniniwalaan.»

«Nagkakamali ka, Simon. Ngunit naririto na ang iyong biyanan patungo sa atin.»

⁶«Guro, nakikiusap ako sa Inyo na pumarito at maupo sa aking mesa.»

«Salamat sa iyo, babae. Gantimpalaan sana kayo ng Diyos.»

Sila ay pumunta sa kusina at naupo sa hapag-kainan. Ang matandang babae ay sinisilbihan sila ng maraming isda, kapwa bilang may-sabaw at inihaw. «Wala akong iba bagkus ito» siya ay humihingi ng paumanhin. At, upang mapanatili ang kinasanayan, sinabi niya kay Pedro: «Ang iyong mga bayaw ay nakagagawa pa nang labis, nag-iisang katulad nila,  mula nang pumunta ka sa Bethsaida! Kung nakatutulong lamang iyan na magawa ang aking anak na maging mas mayaman… Ngunit napakinggan ko na ikaw ay madalas wala at hindi ka nangingisda.»

«Sinusundan ko ang Guro. Ako ay nanggaling sa Herusalem kasama Siya at kasama ko Siya sa mga araw ng Sabbath. Hindi ko ginugugol ang aking panahon sa mga pagpapakasarap.»

«Ngunit hindi ka kumikita ng kahit magkano. Dahil ibig mong maging katulong ng Propeta, mas mabuti pang bumalik ka na lamang dito. Ang aking kaawa-awang anak ay mapakakain man lamang ng kanyang mga kamag-anak habang ikaw ay umaaktong ang santo.»

«Ngunit kayo ba ay hindi nahihiya ng pagsasalita nang ganyan sa harapan Niya Na nagpagaling sa inyo?»

«Hindi ko Siya pinagsasabihan. Ginagawa Niya ang Kanyang gawáin. Ikaw ang pinagsasabihan ko, ikaw ay isang tamad. Maging ano pa man, hindi ka kailanman magiging isang propeta o isang pari. Ikaw ay isang mangmang na makasalanan, isang mabuti pa sa wala.»

«Masuwerte kayo na Siya ay naririto, kung hindi'y…»

«Simon, ang iyong biyanan ay binibigyan ka ng napakagandang payo. Makapangingisda ka kahit dito. Ako'y sinabihan na madalas ka rin mangisda sa Capernaum. Makababalik ka muli.»

«At manirahan dito muli? Ngunit Guro, hindi Ninyo…»

«Maging mabait, Pedro. Kung nandidito ka, ikaw ay magiging nasa lawa o kasama Ko. Kung gayon anong kaibahan iyan para sa iyo kung ikaw ay naririto o wala sa bahay na ito?» Si Jesus ay naipatong ang Kanyang kamay sa balikat ni Pedro at ang Kanyang kakalmahan ay tila dumadaloy patungo sa mainit na apostol.

«Tama Kayo. Kayo ay laging tama. Gagawin ko iyan. Ngunit… papaano ang mga ito?» at itinuturo niya ang kanyang mga kasamahang sina Juan at Santiago.

«Hindi rin ba sila makakapunta?»

«O! Ang aming ama at higit sa lahat ang aming ina ay magiging mas masaya kung malalaman nila na kami ay kasama Ninyo, kaysa sila. Hindi sila tututol.»

«Baka si Zebedeo ay pupunta rin» sabi ni Pedro.

«Posibleng posible. At ang iba pa kasama niya. Kami ay pupunta, Guro. Tiyak na pupunta kami.»

⁷«Si Jesus ng Nazareth ba ay naririto?» tanong ng isang batang lalaki na lumitaw sa pintuan.

«Siya ay naririto, pasok ka.»

Ang bata ay pumasok, na aking natatandaan na isa sa mga bata na nakita ko sa unang mga bisyon ng Capernaum, at eksaktong ang isa na natumba malapit sa paanan ni Jesus, at nangakong magpapakabait, upang makuha niya ang pulot ng Paraiso.

«Ang Aking maliit na kaibigan, halika rito» sabi ni Jesus.

Ang maliit na bata, medyo napapahiya dahil marami ang nakatingin sa kanya, ay naglakas-loob at tumakbo kay Jesus, Na yumakap sa kanya at iniupo siya sa ibabaw ng Kanyang mga tuhod, at binibigyan siya ng kaunti ng Kanyang isda sa ibabaw ng isang hiwa ng tinapay.

«Naririto, Jesus. Ito ay para sa Inyo. Ngayon din ang taong iyon ay nagsabi: «Ngayon ay Sabbath. Dalhin mo ito sa Rabbi ng Nazareth at sabihan mo ang iyong kaibigan na ipanalangin ako.» Nalalaman niya na Kayo ay aking kaibigan!...» Ang bata ay ngumingiting masaya, at kinakain ang kanyang tinapay at isda.

«Mabuting gawa, maliit na Santiago! Sasabihan mo ang taong iyon na ang Aking mga panalangin ay tumataas sa Ama para sa kanya.»

«Iyan ba ay para sa mga mahihirap?» tanong ni Pedro.

«Oo, para sa mahihirap.»            

«Iyan ba ay ang dating alay din na iyon? Tingnan natin.»            

Si Jesus ay iniabot ang lukbutan. Ito ay ibinuhos ni Pedro at binibilang ang mga salapi. «Gayon pa rin na malaking halaga! Ngunit sino ang taong ito? Hoy! Bata, sino ito?»…

«Hindi ako dapat magsalita, at hindi ako magsasalita!»

«Ikaw na munting makulit! Maging mabait, at bibigyan kita ng ilang prutas.»

«Hindi ako magsasalita, ako man ay insultuhin mo o haplusin mo.»

«Anong dila mayroon siya! Pakinggan lang!»

«Tama ang maliit na Santiago, Pedro. Pinangangatawanan niya ang kanyang salita: pabayaan lang siyang mag-isa.»

⁸«Guro, kilala ba Ninyo kung sino ang taong ito?»

Si Jesus ay hindi sumasagot. Siya ay abalá sa bata, kung kanino nagbibigay Siya ng isa pang piraso ng inihaw na isda, pagkatapos na maalis ang lahat na tinik. Ngunit si Pedro ay namimilit, at si Jesus ay napilitan na tumugon.

«Nalalaman Ko ang lahat, Simon.»

«At hindi dapat kami makaalam?»

«At hindi ka ba kailanman mapagagaling sa iyong kapintasan?» si Jesus ay kinagagalitan siya, ngunit ngumingiti rin. At dagdag Niya: «Malalaman mo pagdating ng araw. Sapagkat kung ibig ng kasamaan na nakatago, at hindi ito maaaring maging laging ganyan, ang kabutihan, kahit na kung ibig nito na nakatago, upang maging karapat-dapat ng merito, ay malalaman isang araw, para sa kaluwalhatian ng Diyos, na ang Kaninong kalikasan ay nagniningning sa isa sa Kanyang mga anak. Ang kalikasan ng Diyos: pagmamahal. At ang taong ito ay naiintindihan ang lahat na iyan, sapagkat minamahal niya ang kanyang kapwa. Lakad, Santiago. Dalhin mo ang Aking pagpapalà sa taong iyon.»

Ang bisyon ay natapos nang gayon.

(319)190710/040713

Sunod na kabanata.