612. Ang Umaga ng Resureksiyon.

Abril 1, 1945.

¹Ang mga babae ay ipinagpatuloy ang pagtatrabaho sa mga ungguwento, na, sa loob ng gabi, sa lamig ng yarda, ay naging isang makapal na pomada.

Si Juan at si Pedro ay naisip na kailangan nilang linisin ang silid-Hapunan, nililinis ang mga gamit sa mesa, ngunit binabalik muli ang lahat, na tila ang Hapunan ay katatapos pa lamang.

«Sinabi Niya sa atin» sabi ni Juan.

«Sinabi rin Niya: “Huwag matulog”! Sinabi Niya: “Huwag magmalaki, Pedro. Hindi mo ba nalalaman na ang oras ng pagsubok ay malapit nang dumating?” At... at sinabi Niya: “Itatatwa mo Ako...”» Si Pedro ay umiiyak muli, habang sinasabi niya nang may malalim na kalungkutan: «At itinatwa ko Siya!»

«Tama na, Pedro! Nakapanumbalik na ang sarili mo. Tama na ang pahirap na ito!»

«Hindi, hindi kailanman sapat na. Kung ako ay magiging kasing tanda ng unang mga patriyarka, kung aabútin ko ang pitong daan o ang siyam na raan na edad ni Adan at ng kanyang unang mga apo, hindi ako titigil sa pagkakaroon ng pahirap na ito.»

«Hindi ka ba umaasa sa Kanyang Awa?»

«Oo, umaasa ako. Kung ako ay hindi naniwala diyan, magiging katulad ako ng Iskariote: isang desperadong tao. Ngunit kahit na kung ako ay pinatawad Niya mula sa sinapupunan ng Kanyang Ama, kung saan Siya bumalik, hindi ko patatawarin ang aking sarili. Ako! Ako! Ako na nagsabi: “Hindi ko Siya nakikilala”, sapagkat noong sandaling iyon delikadong makilala Siya, sapagkat nahihiya ako ng pagiging Kanyang disipulo, sapagkat natatakot ako na mapahirapan... Siya noon ay patungo sa Kanyang kamatayan... at inisip ko ang mailigtas ang aking buhay. At upang mailigtas ito, tinatwa ko Siya, katulad ng isang babae na nagkasala, na, pagkatapos na mailuwal ang isang bata, inaayawan ang bunga ng kanyang sinapupunan, na mapanganib na panatilihin, bago bumalik ang kanyang asawa na hindi nag-aalam. Ako ay mas malala pa kaysa sa isang nangangalunya... mas malala pa kaysa...»

²Si Maria ng Magdala, nakuha ang kanyang atensiyon ng kanilang mga sigaw, ay pumasok. «Huwag sumigaw nang ganyan. Maririnig kayo ni Maria. Siya ay hapung-hapo! Wala na Siyang lakas na natitira, at ang lahat ay nakapananakit sa Kanya. Ang inyong walang-kabuluhan na hindi-akalaing mga sigaw ay pinaninibago ang Kanyang pahirap ng kung ano ang nangyari sa inyo...»

«Kita mo? Kita mo, Juan? Ang isang babae ay makapag-uutos sa akin na manahimik. At tama siya. Sapagkat tayo, ang mga kalalakihang sagrado sa Panginoon, ay nakapagsinungalíng o tumakbo lamang. Ang mga babae ay naging matatapang. Ikaw, mahigit lamang nang kaunti sa isang babae, napakabata at puro, ay nagawa mong makapanatili. Kami, ang malalakas, ang mga kalalakihan, ay tumakbo. O! gaano ako kamumuhian ng mundo! Sabihin sa akin, sabihin sa akin, babae! Tama ka! Ilagay mo ang iyong paa sa aking mga labì na nagsinungaling. Sa suwelas ng iyong sandalyas ay baka may kaunti pang dugo Niya. At tanging ang Dugo lamang na iyan, inihalo sa putik ng daan, ang makapagbibigay sa tagatatwa ng kaunting kapatawaran, kaunting kapayapaan. Kailangan kong masanay sa pangungutya ng mundo! Ano ba ako? Sabihin sa akin: ano ba ako?»

«Ikaw ay puno ng pagmamalaki» tugon nang kalmado ni Maria ng Magdala. «Kapighatian? Iyan din. Ngunit kailangan mong maniwala na sa sampung parte ng iyong kapighatian, lima, ayaw kitang saktan sa pagsasabi ng anim, ang lima ay ang iyong kapighatian ng pagiging isang kasusuklaman. At talagang tutuyain kita kung magpapatuloy ka ng pag-ungol lamang at mapunta sa pagwawalà, katulad na katulad lamang ng isang tangang babae! Kung ano ang nangyari na ay nangyari na. At walang di-akalain na pagsisigaw ang makaka-aayos o makakapagkansela diyan. Nagsisilbi lamang iyan na makakuha ng atensiyon at makahingi ng di-karapat-dapat na awa. Maging katulad ng isang lalaki sa iyong pagsisisi. Huwag sumigaw. Kumilos. ³Ako... kilala mo kung sino ako... Ngunit, noong madama ko na ako ay mas kasuklam-suklam pa kaysa suka, hindi ako nagpadala sa mga pagkukumbulsiyon. Kumilos ako. Sa harapan ng publiko. Nang hindi iniisip ang tungkol sa akin sarili at hindi nanghihingi ng pansin. Ako ba ay kinasuklaman ng mundo? Iyon ay tama. Karapat-dapat ako nito. Sinabi ng mundo: “Isang bagong kapritso ng puta”? At tinawag nitong paglalapastangan ang aking paglapit kay Jesus? Tama iyon. Ang mundo ay naalaala ang aking dating asal na nagbibigay katwiran sa gayong mga salita. Kung gayon? Ang mundo ay kailangan na makumbinsi ang sarili na ang makasalanan na Maria ay wala na. Sa pamamagitan ng mga pangyayari, nakumbinsi ko ang mundo. Ganyan din ang gawin at manahimik.»

«Ikaw ay mahigpit, Maria» pagtutol ni Juan.

«Mas higit sa aking sarili kaysa sa ibang mga tao. Ngunit tinatanggap ko ito. Wala ako ng magaan na kamay ng Ina. Siya ay Pagmamahal. Ako... o! hinahagupit ko ang aking mga nararamdaman sa pamamagitan ng latigo ng aking kalooban. At mas lalo ko pang gagawin ito. Sa palagay ba ninyo nakalimutan ko ang aking sarili ng pagiging mahalay? Hindi, hindi ko nakalimutan. Ngunit sinasabi ko lamang ang ganyan sa aking sarili. At lagi ko itong uulitin sa aking sarili. Ako ay mamamatay na tinupok ng lihim ng panghihinayang na ito ng pagiging aking sariling tagapagparumi, ng di-mapatatahimik na kapighatian ng pagiging aking mismong tagapaglapastangan at ng pagiging hindi makapagbigay sa Kanya ng kahit ano bagkus ang pinagtatapakán-na-puso... Kita ninyo... nagtrabaho ako nang mas mahigit pa kaysa sa iba sa mga balsamo.. At nang mas may malaking katapangan bubuksan ko Siya... O! Diyos! ano na ang magiging katulad Niya ngayon! (Si Maria ng Magdala ay pinamumutla ng tungkol sa kaisipan na ito). At tatakpan ko Siya ng bagong mga balsamo, inaalis ang tiyak na namantsahan na ng Kanyang di-mabilang na mga sugat... Gagawin ko ito, sapagkat ang ibang mga ay magmumukhang katulad ng mga lampang halaman pagkaraan ng isang malakas na ulan... Ngunit pinamimighati ako na kailangan kong gawin ito sa pamamagitan ng mga kamay na ito na nasanay sa paghaplos nang may-kahalayan, at kinakailangan na lapitan ang Kanyang Kabanalan sa pamamagitan ng narumihan kong katawan na ito... Gusto ko sana... gusto ko sana ang kamay ng Birheng Ina ang gumawa ng huling unsiyon na ito...»

Si Maria ay umiiyak na ngayon nang tahimik, nang walang paghikbi. Gaano siya kaiba ngayon kompara sa parang-artistang Maria  na laging pinakikita sa amin! Siya ay umiiyak nang walang ingay, katulad ng kanyang ginawa noong araw ng kanyang kapatawaran sa bahay ng Pariseo.

⁴Ang sinasabi mo ba ay... na ang mga babae ay matatakot?» Si Pedro ay tinatanong siya.

«Hindi matatakot... Ngunit sila ay mababalisa nakikita ang Kanyang Katawan, na tiyak na naaagnas na... namamaga... maitim. At pagkatapos, at ito ay tiyak, matatakot sila sa mga guwardiya.»

«Gusto mong sumama ako? Kasama si Juan?»

«Ha! Tiyak na hindi! Kaming mga babae ay lahat pupunta. Sapagkat, kaming lahat ay nasa itaas doon, kaya't makatarungan na kaming lahat ay nasa paligid ng Kanyang higaan sa kamatayan. Ikaw at si Juan ay mananatili rito. Hindi Siya maaaring manatiling nag-iisa!...»

«Siya ba ay hindi pupunta?»

«Hindi namin Siya pinapupunta!»

«Siya ay kumbinsido na Siya ay babangon mula sa kamatayan... Ano sa palagay mo?»

«Ako, pagkatapos ni Maria, ang isang mas naniniwala. Ako ay laging naniwala na iyan ay maaaring mangyari. Sinabi Niya ang ganyan. At hindi Siya kailanman nagsisinungalíng... Hindi kailanman!... O! noon madalas ko Siyang tawagin Jesus, Guro, Tagapagligtas, Panginoon... Ngayon, ngayon ang pakiramdam ko Siya ay napakadakila na hindi ko alam, hindi ako maglakas-loob na bigyan pa Siya ng pangalan... Ano ang sasabihin ko sa Kanya kapag makita ko Siya?...»

«Ngunit sa palagay mo ba Siya ay babangon?...»

«Isa pa! O! Sa lakas ng pagsasabi sa iyo na naniniwala ako at sa lakas ng mapakinggan kang nagsasabi na hindi ka naniniwala, magtatapos ako sa hindi paniniwala mismo! Ako ay naniwala at naniniwala ako. Ako ay naniwala at noong matagal na naghanda ako ng isang damit para sa Kanya. At bukas, dahil bukas ay ang ikatlong araw, dadalhin ko iyon dito, upang maihanda iyon...»

«Ngunit kung sinasabi mo na Siya ay magiging maitim na, maga, marumi?»

«Marumi, hindi kailanman. Ang kasalanan ay marumi. Ngunit... siyempre! Siya ay magiging maitim. Kung gayon? Si Lazarus ay hindi ba bulok na? Gayunpaman siya ay bumangon. At ang kanyang katawan ay gumaling. Ngunit, kung sinasabi ko ang ganyan!... Manahimik, kayong ayaw maniwala! Ang aking pagkataong rason ay sinasabi sa akin: “Siya ay patay at hindi babangon”. Ngunit ang aking espiritu, “Kanyang” espiritu, sapagkat tumanggap ako ng bagong espiritu sa Kanya, ay sumisigaw nang umaalingawngaw katulad ng mga nakabibinging platang trumpeta: “Siya ay babangon! Siya ay babangon! Siya ay babangon!”. Bakit ninyo ako tinatapon katulad ng isang maliit na bangka sa mga bangin ng inyong mga pagdududa? Naniniwala ako! Naniniwala ako, aking Panginoon! Bagama't nadudurog ang puso gawa ng kalungkutan, si Lazarus ay sinunod ang Guro at nanatili sa Bethany... Ako, na nakakikilala kay Lazarus ni Theophilus, isang malakas na tao, hindi isang matatakutin na kuneho, ay naiintindihan ang sakripisyong kanyang ginawa nananatili sa lilim at hindi malapit sa Guro. Ngunit siya ay sumunod. At sa pamamagitan ng gayong pagsunod siya ay naging mas makabayani kaysa ng kung inagaw niya Siya nang may mga armas mula sa mga armadong lalaki. Ako ay naniwala at naniniwala ako. At ako ay mananatili rito. Naghihintay katulad Niya. Ngunit paraanin ako. magbubukang-liwayway na. Kapag may sapat na liwanag na kami ay kaagad pupunta sa Sepulkro...»

At si Maria ng Magdala ay umalis, ang kanyang mukha namumula sa kaiiyak, ngunit laging matapang.

⁵Siya ay bumalik sa silid ni Maria.

«Ano ang nangyayari kay Pedro?»

«Isang kanerbiyusan na pagwawalà. Ngunit nalampasan na niya iyon.»

«Huwag maging mahigpit, Maria. Siya ay naghihirap.»

«Ganyan din ako. Ngunit nalalaman Ninyo na hindi kahit minsan humingi ako sa Inyo ng isang haplos ng awa. Siya ay napagaling na Ninyo... Sa kabaligtaran, sa palagay ko Kayo lamang Ina, ang isang nangangailangan ng isang balsamo. Aking banal, minamahal na Ina! Ngunit laksan ang Inyong loob... Bukas ay ang ikatlong araw. Isasara natin ang ating sarili dito, tayong dalawa: Kanyang mga mangingibig. Kayo, ang banal na Mangingibig; ako, ang abang mangingibig... Ngunit minamahal ko Siya hangga't nagagawa, sa pamamagitan ng aking buong sarili. At tayo ay maghihintay para sa Kanya... Ang iba, ang mga di-naniniwala, sasaraduhan natin sila roon sa banda roon, kasama ang kanilang mga pagdududa. At maglalagay ako ng maraming rosas dito... Gagawin kong madala ang baul dito ngayon... Pupunta ako sa bahay-mansiyon at magbibilin ako kay Levi. Ang lahat na nakapangingilabot na mga bagay na ito ay kailangan na mawala! Ang ating Nabuhay-na-muling Panginoon ay kailangan na huwag makita ang mga ito... Napakaraming mga rosas... At magsusuot Kayo ng isang bagong damit... Hindi Kayo dapat na makita Niya nang ganyan. Susuklayin ko ang Inyong buhok, huhugasan ko ang Inyong kaawa-awang mukha na nasira ng mga luha. Eternal na dalaga, aakto akong Inyong ina... Magkakaroon man lamang ako ng lugod ng makainang pangangalaga sa isang batang mas inosente pa kaysa sa isang bagong-panganak! Mahal!» at sa pamamagitan ng pagbuhos ng kanyang emosyon, si Maria ng Magdala ay idinidiin ang kanyang dibdib sa ulo ni Maria Na nakaupo, hinahalikan at hinahaplos niya Siya, inaayos niya ang magagaang kulot ng Kanyang buhok na nagusot sa likuran ng Kanyang mga tainga, sa pamamagitan ng kanyang linen na damit pinupunas niya ang bagong mga luha na bumababa sa Kanyang mga pisngi muli, sa muli, lagi...

⁶Ang mga babae ay dumating na may mga ilawan at mga amphora at mga plorera na may malalaking bunganga.

Si Maria ni Alfeo ay may dala-dalang mabigat na dikdikin. «Hindi posibleng manatili sa labas. May isang mahinang hangin na pumapatay sa mga lampara» paliwanag niya.

Inilagay nila ang kanilang mga sarili sa isang tabi. Ibinaba nila ang lahat na bagay sa ibabaw ng isang mahabang makipot na mesa, pagkatapos binibigyan nila ng huling lapat ang kanilang mga balsamo sa paghalò sa mabigat na pomada sa mga esensiya sa dikdikin na may maputing pulbos, na kinuha nila nang mga ilang dakot sa isang maliit na sako. Naghahalô sila sa pamamagitan ng kanilang buong lakas at pagkatapos pinupuno nila ang isang may-malaking bunganga na plorera. Inilalagay nila ito sa sahig. Inuulit nila ang gayon din na operasyon para sa isa pang plorera. Mga pabango at mga luha ay bumabagsak sa mga resina.

Si Maria ng Magdala ay nagsabi: «Hindi ito ang unsiyon na inasahan kong maihahanda para sa Inyo.» Sapagkat ito ay si Maria ng Magdala na, bilang mas magaling kaysa sa ibang mga babae, ang siyang nagkokontrol at nangangasiwa sa paghahalo ng pabango, na napaka-lakas na nagpasya silang buksan ang pinto at iwanan ang bintana na medyo nakabukas sa may hardin, na nagsisimula pa lamang na makita sa maagang liwanag ng bukang-liwayway.

Lahat sila ay umiiyak nang mas malakas pagkatapos ng sinabi ni Maria ng Magdala sa isang pigíl na tinig.

Sila ay nakatapos. Ang lahat na plorera ay puna na.

Lumabas sila dala ang walang-laman na mga amphora, ang dikdikin na hindi na gagamitin, ang maraming mga lampara. Dalawa lamang ang natira sa maliit na silid at sila ay nanginginig, sila ay tila humihikbi rin, kasabay ang kumukurap-kurap nilang ilawan...

Ang mga babae ay bumalik muli at isinara nila ang bintana, sapagkat kung baga ito ay medyo malamig na bukang-liwayway. Isinuot nila ang kanilang mga manta at kumuha sila ng malalaking sako doon kung saan nila inilalagay ang mga plorera ng balsamo.

⁷Si Maria ay tumayo at hinahanap ang Kanyang manta. Ngunit lahat ay sumisiksik sa Kanya kinukumbinsi Siya na huwag sumama.

«Hindi Ninyo kayang tumayo, Maria. Hindi Kayo nagkaroon ng kahit anong pagkain sa loob ng dalawang araw. Tanging kaunting tubig lamang.

«Oo, Ina. Gagawin namin itong mabilis at maayos. At babalik kaagad kami.»

«Huwag matakot. Eembalsamuhin namin Siyang katulad ng isang hari. Tingnan kung anong mamahaling balsamo ang aming naihanda

«Wala kaming kalilimutan na kahit anong parte ng katawan o kahit anong sugat at aayusin namin Siya nang mabuti sa pamamagitan ng aming mga kamay. Kami ay malalakas at kami ay mga ina. Ilalagay namin Siya katulad ng isang bata sa isang kuna. At ang iba ay kakailanganin lamang nila na isara ang lugar.»

Ngunit si Maria ay namimilit: «Ito ay Aking katungkulan» sabi Niya. «Ako ang laging nag-aalaga sa Kanya. Tanging sa huling tatlong taon lamang na ito na Siya ay nasa mundo, Aking isinuko ang pangangalaga sa Kanya sa ibang mga tao, noong Siya ay malayo sa Akin. Ngayon na ang mundo ay tinanggihan Siya at itinatwa Siya, Siya ay sa Akin muli. At Ako ay muli ang Kanyang lingkod.»

Si Pedro, na lumapit sa pintuan kasama si Juan, nang hindi nakikita ng mga babae, ay tumakbo noong mapakinggan ang mga salitang iyon. Tumakbo siya sa isang natatakpang sulok upang itangis ang kanyang kasalanan. Si Juan ay nananatili sa malapit sa pintuan. Ngunit wala siyang sinasabi na kahit ano. Ibig din niyang sumama. Ngunit ginagawa niya ang sakripisyo ng pananatiling kasama ang Ina.

Si Maria ng Magdala ay dinala ulit si Maria sa Kanyang upuan. Siya ay lumuhod sa harapan Niya, niyayakap niya ang Kanyang mga tuhod itinataas ang kanyang namimighating nagmamahal na mukha sa Kanya, at siya ay nangangako: «Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, nalalaman Niya at nakikita Niya ang lahat. Ngunit sa pamamagitan ng aking mga halik sasabihin ko sa Kanyang Katawan ang Inyong pagmamahal at ang Inyong kahilingan. Alam ko kung ano ang pagmamahal. Alam ko kung anong pagtulak, kung anong kagutuman ito na magmahal, anong paghahanap upang makasama ang sinuman na ating minamahal. At ito ay ganito rin sa kahit anong mababang pagmamahal na nagmumukhang katulad ng ginto, ngunit dumi pala. At kapag siya na nagkasala ay naintindihan niya kung ano ang banal na pagmamahal para sa buháy na Awa, Na hindi alam ng mga tao kung papaano mahalin, diyan niya naiintindihan nang mas mabuti kung ano ang Inyong pagmamahal, Ina. Nalalaman Ninyo na alam ko kung papaano magmahal. At nalalaman Ninyo na sinabi Niya ang ganyan, noong gabing iyon ng aking tunay na kapanganakan, sa mga dalampasigan ng ating panatag na lawa, na nalalaman ni Maria kung papaano magmahal nang labis. Ngayon ang labis kong pagmamahal na ito, katulad ng tubig na umaapaw sa isang nakatagilid na palanggana, katulad ng kabit-kabit na mga rosas na umaagos pababa sa isang pader, katulad ng isang apoy na nakatagpo ng isang kahoy kumakalat at lumalago, ay bumuhos sa Kanya, at mula sa Kanya-Pagmamahal ay nakakuha ng sariwang kapangyarihan... O! ang aking kapangyarihan ng pagmahal ay hindi nakuha ang Kanyang lugar sa Krus!... Ngunit kung ano ang hindi ko nagawa para sa Kanya – ang maghirap, at magpadaloy ng dugo, at mamatay sa Kanyang lugar, sa gitna ng panunuya ng lahat ng mundo, masaya, masaya, masayang maghirap sa Kanyang lugar, at natitiyak ko na ang sinulid ng aking abang buhay ay mas masusunog pa ng nananagumpay na pagmamahal kaysa ng nakahihiyang intablado, at mula sa mga abo lalabas ang sariwang puting-niyebeng bulaklak ng bagong birhen na buhay, na walang alam ng lahat na hindi Diyos – ang lahat na iyan na hindi ko nagawa para sa Kanya, ay magagawa ko pa para sa Inyo..., Ina, Na aking minamahal nang buong puso ko. Umasa sa akin. Ako, na sa bahay ni Simon, ang Pariseo, ay alam kung papaano haplusin ang Kanyang banal na mga paa, ngayon, sa pamamagitan ng aking kaluluwa na nagbubukas pa nang nagbubukas sa Grasya, nang may mas lalo pang kahinayan ay mahahaplos ang Kanyang banal na mga galamay, upang linisin ang Kanyang mga sugat na mas iniimbalsamo ng aking pagmamahal, sa pamamagitan ng balsamo na galing sa aking puso na piniga ng pagmamahal at kapighatian, kaysa ng ungguwento. At ang kamatayan ay hindi sisirain ang katawan na nagmahal nang labis at labis na minahal. Ang kamatayan ay lalayas, sapagkat ang Pagmamahal ay mas malakas. Ang Pagmamahal ay hindi malulupig. At ako, Ina, sa pamamagitan ng Inyong perpektong pagmamahal, sa pamamagitan ng aking totál na pagmamahal, ay eembalsamuhin ang aking Hari ng Pagmamahal.»

Si Maria ay hinahalikan ang makabagbag-puso na babaeng ito na, sa wakas, ay nakatagpo ng labis na simbuyo ng damdamin at Siya ay bumigay sa kanyang mga pakiusap.

⁸Ang mga babae ay lumabas may dalang isang lampara. Isa lamang ang naiwan sa silid. si Maria ng Magdala ang huling lumabas, pagkatapos ng isang huling halik sa Ina Na mananatili.

Ang bahay ay ganap na madilim at tahimik. Ang daan ay madilim pa at nangungulila.

Si Juan ay nagtanong: «Talaga bang hindi ninyo ako kailangan?»

«Hindi. Baka kakailanganin ka rito. Paalam.»

Si Juan ay bumalik kay Maria. «Hindi nila ako kailangan...» sabi niya sa mababang tinig.

«Huwag kang napapahiya. Sila ay kasama ni Jesus. Ikaw kasama Ako. Juan, tayo ay magdasal nang kaunti nang magkasama. Nasaan si Pedro?»

«Hindi ko alam. Kung saan sa loob ng bahay. Ngunit hindi ko siya nakita. Siya ay... Akala ko siya ay mas malakas... Ako ay naghihirap din, ngunit siya...»

«Siya ay may dalawang kapighatian. Ikaw ay may isa lamang. Halika. Tayo ay magdasal din para sa kanya.» At si Maria ay unti-unting binibigkas ang «Ama Namin».

Pagkatapos hinahaplos Niya si Juan nagsasabing: «Puntahan mo si Pedro. Huwag mo siyang pabayaan na nag-iisa. Labis na siyang matagal sa kadiliman sa loob ng mga oras na ito, na hindi niya matagalan kahit ang maliit na liwanag ng mundo. Maging apostol ka ng iyong nawawalang kapatid. Magsimula ka sa iyong pagtuturo sa kanya. Sa iyong daan, at ito ay magiging mahabang daan, lagi kang makakatagpo ng mga taong katulad niya. Simulan mo ang iyong gawain sa iyong kasamahan...»

«Ngunit ano ang aking sasabihin?... Hindi ko alam... Ang lahat ay nagagawa siyang umiyak...»

«Banggitin mo ang Kanyang alituntunin ng pagmamahal sa kanya. Sabihin mo sa kanya na siya na natatakot lamang, ay hindi pa nakikilala nang sapat ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay Pagibig. At kung sabihin niya sa iyo: “Ako ay nagkasala”. Sabihin sa kanya na ang Diyos ay minahal nang labis ang mga nagkakasala na Kanyang pinadala ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kanila. Sabihin sa kanya na kailangan natin na tumugon ng pagmamahal sa labis na pagmamahal. At ang pagmamahal ay nagagawa ang isa na magtiwala sa napakabuting Panginoon. Ang pagtitiwalang iyan ay nagagawa tayong hindi matakot sa Kanyang paghuhukom, sapagkat sa pamamagitan nito nakilala natin ang dibinong Karunungan at Kabutihan, at sinasabi natin: “Ako ay isang kaawa-awang nilikha. Ngunit alam Niya. At binibigay Niya sa akin ang Kristo bilang garantiya ng pagpapatawad at bilang isang nagsusuportang haligi. Ang aking kahirapan ay nalalampasan sa pamamagitan ng aking pakikiisa sa Kristo”. Ito ay sa pangalan ni Jesus na ang lahat ay napapatawad... Lakad, Juan. Sabihin sa kanya iyan. Ako ay mananatili rito, kasama ang Aking Jesus...» at Kanyang hinahaplos ang veronica.

Si Juan ay lumabas, isinasara ang pinto sa likuran niya.

⁹Si Maria ay lumuhod, katulad ng Kanyang ginawa noong nakaraang gabi, kaharap ang belo ng veronica. At Siya ay nagdarasal at nakikipagusap sa Kanyang Anak. Habang Siya ay sapat na malakas upang makapagbigay ng lakas sa ibang mga tao, kapag Siya ay nag-iisa na Siya ay bumabaluktot sa ilalim ng Kanyang nakapananaig na krus. Gayunpaman, ngayon at paminsan-minsan, katulad ng isang apoy na hindi na nasisiil ng tiklis, ang Kanyang kaluluwa ay tumataas patungo sa isang pag-asa na hindi mamatay-matay sa loob Niya. Sa kabaligtaran ito ay  lumalago habang dumaraan ang mga oras. At Kanyang ring binabanggit ang Kanyang pag-asa sa Ama. Ang Kanyang pag-asa at ang Kanyang hiling.

--------------------

¹⁰(Mailalagay mo rito ang panalangin ng nakaraang taon, ang lamentasyon ng bukang-liwayway ng Paskuwang ito, may petsang Pebrero 21, 1944, pinababayaan itong eksakto kung ano ito, sapagkat walang pagbabago ang kailangan na gawin diyan).

--------------------

(Pebrero 21, 1944)

¹¹«Jesus, Jesus! Hindi Ka pa ba babalik? Ang Iyong abang Ina ay hindi na makatagal sa idea na Ikaw ay nakahigang patay diyan. Sinabi Mo ito, ngunit walang nakaintindi sa Iyo.  “Sirain ang Templo ng Diyos at Akin itong itatayong muli sa loob ng tatlong araw”. Ito ang simula ng ikatlong araw. O! Aking Jesus! Huwag nang hintayin na matapos ito upang bumalik sa pagiging buháy, sa Iyong Ina, Na nangangailangan na makita Kang buháy upang hindi mamatay inaalaala na Ikaw ay patay, Na nangangailangan na makita Kang makisig, malusog, nagwagi, upang hindi mamatay inaalaala Ka sa ganyang kalagayan kung saan Kita iniwan!

¹²O! Ama! Ama! Ibigay muli sa Akin ang Aking Anak! Na sana makita Ko Siyang bumalik bilang isang Tao at hindi isang labí, isang Hari, hindi isang kondenado. Pagkatapos, alam Ko, Siya ay babalik sa Inyo, sa Langit. Ngunit makikita Ko muna Siyang gumaling na mula sa labis na kasamaan, makikita Ko muna Siyang malakas pagkatapos ng labis na panghihina, makikita Ko muna Siyang nanalo pagkatapos ng labis na pakikibaka, makikita Ko muna Siyang Diyos pagkatapos ng labis na pagkatao na ipinaghirap sa katauhan ng mga tao. At mararamdaman Kong Ako ay masaya kahit na kung mawala sa Akin ang posibilidad na mapalapit sa Kanya. Malalaman Ko na Siya ay kasama Ninyo, Banal na Ama, malalaman Ko na Siya ay sa magpasawalanghanggan ay malaya na sa Kapighatian. Ngayon, sa halip, hindi Ko makalimutan na Siya ay nasa loob ng isang sepulkro, na Siya ay naroroon, pinatay dahil sa lahat na kapighatian na binigay nila sa Kanya, na Siya, Aking Anak-Diyos, ay bumabahagi sa kapalaran ng mga tao sa dilim ng isang sepulkro, Siya, Inyong Buháy na Anak.

Ama, Ama, makinig sa Inyong lingkod. Dahil sa “oo” na iyon... hindi Ako kailanman humingi ng kahit ano para sa Aking pagsunod sa Inyong kalooban; iyon ay Inyong Kalooban, at ang Inyong Kalooban ay Akin; hindi Ko kinailangan na humingi ng kahit ano para sa sakripisyo ng Aking kalooban sa Inyong kalooban, Banal na Ama. Ngunit ngayon, ngunit ngayon, alang-alang sa “oo” na iyon na Aking sinabi sa mensaherong Anghel, o Ama, makinig sa Akin!

Siya ay malaya na ngayon sa mga pahirap, sapagkat natapos na Niya ang lahat sa pamamagitan ng aguniya ng tatlong oras pagkatapos ng mga pahirap ng umaga. Ngunit tatlong araw na Ako sa aaguniyang ito. Nakikita Ninyo ang Aking puso at napapakinggan Ninyo ang mga pintig nito. Ang Ating Jesus ay nagsabi na walang balahibo ang nalalaglag mula sa isang ibon nang hindi Ninyo nakikita, na walang layas na bulaklak ang namamatay nang hindi naaaliw Ninyo ang aguniya nito sa pamamagitan ng Inyong sinag-ng-araw at ng Inyong hamog. O Ama, Ako ay namamatay ng kapighatiang ito! Gawin sa Akin ang katulad ng ginagawa Ninyo sa ibong pipit na Inyong dinaramtan muli ng bagong mga balahibo, at sa bulaklak na Inyong pinaiinitan at pinapatid ang pagkauhaw nito sa Inyong awa. Ako ay namamatay na naninigas sa lamig ng kapighatian. Ako ay wala nang pagkain sa Aking mga ugat. Minsan ito ay naging gatas lahat upang masustentuhan ang Inyong Anak at Akin; ngayon ang lahat na ito ay naging mga luha sapagkat Ako ay wala nang Anak. Pinatay nila Siya, pinatay nila Siya, Ama, at nalalaman Ninyo kung papaano!

Ako ay wala nang dugo! Napadaloy Ko na itong lahat kasama Siya noong Huwebes na gabi, noong nakapamimighating Biyernes. Kasing lamig Ko ang isa na ang kaninong mga ugat ay pinutol. Ang araw ay hindi na sumisinag para sa Akin, sapagkat Siya ay patay. Ang Aking banal na Araw, ang Aking pinagpalang Araw, ang Araw Na pinanganak ng Aking sinapupunan para sa lugod ng Kanyang Ina, para sa kaligtasan ng mundo. Wala na Akong pampalamig, sapagkat wala na Siya sa Akin, ang pinakamatamis na pontanya para sa Kanyang Ina, Na umiinom ng Kanyang Salita, Na pumapatid ng Kanyang pagkauhaw sa pamamagitan ng Kanyang presensya. Katulad Ko ang isang bulaklak sa tuyong buhangin. Ako ay namamatay, Ako ay namamatay, banal na Ama.

¹³At hindi Ako natatakot na mamatay. Sapagkat Siya rin ay patay na. Ngunit ano ang gagawin ng mga maliliit na ito, ang maliit na kawan ng Aking Anak, napakahina, natatakot na natatakot, pabagu-bago, kung walang magsusuporta sa kanila? Ako ay wala, Ama. Ngunit, sa pamamagitan ng mga mithiin ng Aking Anak, katulad Ko ang isang hilera ng armadong mga lalaki. Nagtatanggol Ako, ipagtatanggol Ko ang Kanyang Doktrina at ang Kanyang pamana katulad ng ipinagtatanggol ng babaeng lobo ang kanyang mga anak. Ako, isang babaeng tupa, ay magiging isang babaeng-lobo upang maipagtanggol kung ano ang pag-aari ng Aking Anak, at samakatuwid, kung ano ang sa Inyo.

Nakita Ninyo ito, Ama. Noong nakaraang walong araw ang bayan na ito ay inalisan ng mga sanga ang mga punong-olibo, hinubaran ang mga bahay nito, ang mga hardin nito, at ang mga nakatira rito at naging paos sumisigaw: “Hosana sa Anak ni David; pinagpala Siya na dumating sa ngalan ng Panginoon”. At habang Siya ay dumaraan naglalakad sa mga alpombra ng mga sanga, ng mga damit, ng mga tela, ng mga bulaklak, ang mga mamamayan ay tinuturo Siya sa isa't isa nagsasabing: “Siya ay si Jesus, ang Propeta mula sa Nazareth sa Galilee. Siya ay ang Hari ng Israel”. At habang ang mga sangang iyon ay hindi pa nalalanta at ang kanilang mga tinig mga paos pa sa labis ng pag-aawit ng mga hosana, binago nila ang kanilang mga sigaw na maging mga akusasyon at mga panunumpa at mga hiling ng kamatayan, at ang mga sanga na pinutol para sa pananagumpay ay ginawa nilang mga pamukpok upang ihampas sa Inyong Kordero, Na kanilang dinadala sa Kanyang kamatayan. Kung sila ay nakagawa nang labis habang Siya ay nasa pagitan nila at nagsalita sa kanila, at ngumiti sa kanila, at tumingin sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang mga mata na tumutunaw sa mga puso, at kahit ang mga bato ay nanginginig kapag tinitingnan ng mga matang iyon, at tinulungan sila Niya at tinuruan, ano ang kanilang gagawin kapag bumalik na Siya sa Inyo?

Ang Kanyang mga disipulo, nakita Ninyo sila. Ang isa ay nagtaksil sa Kanya, ang iba ay tumakbo. Hindi pa nga Siya nahahampas noong sila ay tumakbo katulad ng mga duwag na tupa, at ni hindi sila namalagi sa paligid Niya habang Siya ay namamatay. Isa lamang, ang pinakabata, ang nanatili. Ngayon dumating ang mas matanda. Ngunit naitatwa na niya Siya nang minsan. Kung si Jesus ay wala na upang bantayan siya, magpupursige ba siya sa kanyang Pananampalataya?

Ako ay isang walang kahalagahan, ngunit ang kaunti ng Aking Anak ay nasa Akin, at ang Aking pagmamahal ay pinupunuan nito kung ano ang kulang sa Akin at pinawawalang-bisa ang pagkukulang na ito.  Kung kaya't Ako ay nagiging isang bagay na may silbi para sa ipinaglalaban ng Inyong Anak, para sa Kanyang Simbahan, na hindi kailanman makatatagpo ng kapayapaan at nangangailangan na makapag-ugat nang malalim upang hindi malabnot ng mga hangin. Ako ang isang mangangalaga nito. Katulad ng isang masugid na hardinero babantayan Ko na ito ay lalagong malakas at tuwid sa bukang-liwayway nito. Pagkatapos hindi Ako mag-aalalang mamatay. Ngunit hindi Ako mabubuhay kung magtatagal pa Akong wala si Jesus.

¹⁴O! Ama, Na nag-abandona sa Inyong Anak para sa kabutihan ng mga tao, at pagkatapos pinaginhawahan Ninyo Siya, sapagkat tiyak na Siya ay Inyo nang tinanggap sa Inyong sinapupunan pagkatapos ng Kanyang kamatayan, huwag na Ninyo Akong pabayaan nang matagal pa sa pagka-abandona. Pinaghihirap Ko ito at inaalay para sa kabutihan ng mga tao. Bagkus aliwin Ako, ngayon, Ama, Ama, maawa! Maawa, Anak! Maawa, dibinong Espiritu! Alalahanin ang Inyong Birhen!»

--------------------

(Abril 1, 1945)

Pagkaraan, nakapatirapa sa sahig, si Maria ay tila nananalangin sa pamamagitan ng Kanyang saloobin at ng Kanya ring puso. Siya ay tunay ngang isang kaawa-awang nadurog na bagay. Nakakamukha Niya ang isang bulaklak na iyon na natutuyo sa kamatayan na Kanyang sinasabi.

Ni hindi Niya napupuna ang panginginig ng isang maikli ngunit malakas na lindol na nagawa ang maybahay na lalaki’t babae na sumigaw at tumakbo, habang sina Pedro at Juan, kasing puti ng kamatayan, ay kinakaladkad ang kanilang mga sarili hanggang sa layo ng pamasukan ng silid. ngunit sa dahilan na nakita nila Siya na dumog sa Kanyang pananalangin, hindi nag-iintindi, hindi nagmamalay ng kung ano ang hindi Diyos, sila ay umalis sinasara ang pinto, at natatakot katulad nila, bumalik sila sa silid-Hapunan.

091012

 

 

 



Sunod na kabanata