614. Si Jesus Nagpakita sa Kanyang Ina.

(Pebrero 21, 1944)

¹Si Maria ay nakapatirapa ang Kanyang mukha nasa sahig.. Nagmumukha Siyang isang kaawa-awang sawing-palad. Nagmumukha Siyang katulad ng nalantang bulaklak na Kanyang binanggit.

Ang nakasarang bintana ay nabuksan nang may marahas na bagsak ng mabigat na panara, at kasabay ng unang sinag ng araw, si Jesus ay pumasok.

Si Maria, Na nagulat ng ingay at itinaas ang Kanyang ulo upang tingnan kung anong hangin ang nagbukas sa mga panara, ay nakita ang Kanyang nagliliwanag na Anak: makisig, walang-hangganang mas makisig kaysa Siya noon bago ang paghihirap, ngumingiti, buháy na buháy, mas maningning pa kaysa sa araw, nakadamit ng puti na tila hinabing liwanag, lumalapit sa Kanya.

Itinutuwid Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang pagkakaluhod at inilalagay ang Kanyang mga kamay nang pa-krus sa Kanyang dibdib, Siya ay nagsabi nang may hikbi na siyang lugod at kapighatian: «Panginoon, Aking Diyos». At Siya ay nananatiling gayon, labis na naliligayahan sa pagninilay-nilay sa Kanya, ang Kanyang mukha basa ng mga luha, ngunit naging banayad, napatahimik ng Kanyang ngiti at ng labis na kaligayahan.

²Ngunit ayaw Niyang makita ang Kanyang Ina na nakaluhod, katulad ng isang lingkod. At tinawag Niya Siya, inuunat ang Kanyang mga kamay, mula sa mga sugat nito kung saan ay lumalabas ang mga sinag na nagagawa ang Kanyang maluwalhating Laman na maging mas maningning pa: «Inay!» Ngunit ito ay hindi ang nakapamimighating salita ng mga pag-uusap at mga pagpapaalam bago ang Kanyang Pasyon, o ang makabagbag-damdamin na lamentasyon ng pagkikita sa Kalbaryo at ng aguniya. Ito ay isang sigaw ng tagumpay, ng lugod, ng kalayaan, ng pagbúbunyi, ng pagmamahal, ng pasasalamat. At niyuyukuan Niya ang Kanyang Ina, Na hindi nangangahas na hipuin Siya, at inilagay ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa ilalim ng nakabaluktot na mga siko ni Maria, at binuhat Niya Siya sa Kanyang puso at hinahalikan Siya.

O! Nabatid ni Maria na ito ay hindi isang bisyon, na ito ay ang Kanyang Anak Na totoo ngang bumangon na, na ito ay ang Kanyang Jesus, ang Anak Na nagmamahal pa rin sa Kanya bilang isang Anak.  At nang  may sigaw, Kanyang niyapos ang leeg ni Jesus, at niyayakap at hinahalikan Niya Siya, tumatawa sa Kanyang pag-iyak. Hinahalikan Niya ang Kanyang Noo, kung saan wala nang mga sugat, ang Kanyang ulo hindi na magulo at madugo, ang Kanyang nagniningning na mga Mata, ang Kanyang magaling nang mga Pisngi, ang Kanyang bunganga hindi na magà. Pagkatapos kinuha Niya ang Kanyang mga kamay at hinahalikan ang mga likod nito at ang mga palad, ang kanilang sumisinag na mga sugat, at bigla Siyang yumuko patungo sa Kanyang mga Paa at inaalis ang tumatakip na maningning na damit at hinahalikan ang mga ito. Pagkatapos Siya ay tumayo, tinitingnan Siya, ngunit ayaw maglakas-loob.

Ngunit si Jesus ay ngumiti at nakaintindi. Inalisan Niya ng takip nang kaunti ang Kanyang dibdib at nagsabi: «At ang isang ito, Inay, hindi ba Ninyo ito hahalikan, ang isang ito na nagpalungkot sa Inyo nang labis at na Kayo lamang ang karapat-dapat na humalik dito? Halikan Ninyo ang Aking Puso, Inay. Ang Inyong halik ay kakanselahin niyan ang huling alaala ng kung ano ang nakapagpapamighati at ibibigay niyan sa Akin ang lugod, na ang Aking lugod sa pagkakabangon mula sa kamatayan ay nagkukulang pa.» At kinuha ni Jesus ang mukha ng Kanyang Ina at idinikit ang Kanyang mga labì sa mga labì ng sugat ng Kanyang Dibdib, mula kung saan ang mga daloy ng isang napakaningning na liwanag ay lumalabas.

Ang mukha ni Maria ay nagkakaroon ng sinag ng liwanag ng liwanag na iyon, binabahang katulad nito ng mga sinag niyon. Siya ay humahalik nang humahalik habang si Jesus ay hinahaplos Siya. Hindi si Maria napapagod kailanman sa paghalik. Nagmumukha Siyang isang nauuhaw na babae na ang bunganga nakakabit sa isang pontanya at iniinom niya mula rito ang búhay na nakakawala sa kanya.

³Si Jesus ay nagsasalita na ngayon.

«Tapos na ang lahat, Inay. Hindi na Ninyo kailangan na umiyak pa sa Inyong Anak. Ang pagsubok ay tapos na. Ang panunubos ay nangyari na.

Inay, maraming salamat para sa paglilihi sa Akin, para sa pagpapalaki sa Akin, para sa pagtulong sa Akin sa buhay at sa kamatayan.

Napakinggan Ko ang Inyong mga panalangin na dumating sa Akin. Sila ang Aking naging lakas sa Aking kapighatian, Aking mga kasama sa Aking paglalakbay sa Lupa at sa ibayo ng Lupa. Sumama sila sa Akin sa Krus at sa Limbo. Sila ang mga insenso na nanguna sa Pontipise, Na papunta upang tawagin ang Kanyang mga lingkod at dalhin sila sa templo na walang kamatayan: sa Aking Langit. Sumama sila sa Akin sa Paraiso, pinangungunahan, katulad ng isang anghelikal na tinig, ang prusisyon ng natubos na dinadala ng Tagapagtubos, upang ang mga anghel ay maging handa sa pagbati sa Kongkistador, na bumabalik sa Kanyang Kaharian. Sila ay nakita at napakinggan ng Ama at ng Espiritu, Na ngumiti sa kanila, na tila sila ang pinakamagandang bulaklak at pinakamatamis na awit na pinanganak sa Paraiso. Sila ay nakilala ng mga Patriyarka at ng bagong mga Santo, ng bago, unang mga mamamayan ng Aking Herusalem, at dinadala Ko sa Inyo ang kanilang mga pasasalamat, Inay, kasabay ng mga halik ng kanilang mga kamag-anak, kasama ang kanilang mga pagpapalà at kasama ang pagpapalà ni Jose, ang esposo ng Inyong kaluluwa.

Ang buong Kalangitan ay umaawit ng hosana sa Inyo, Inay, Banal na Ina! Isang hosana na walang kamatayan, na hindi isang huwad na hosana katulad ng binigay sa Akin noong makailang mga araw pa lamang.

⁴Pupunta na Ako ngayon sa Ama sa Aking pagkataong hitsura. Ang Paraiso ay kailangan na makita ang Kongkistador sa Kanyang hitsura ng Tao, na sa pamamagitan nito natalo Niya ang Kasalanan ng Tao. Ngunit darating Akong muli. Kailangan Kong makumpirma sa Pananampalataya ang mga hindi pa naniniwala at nasa pangangailangan na maniwala upang madala ang iba pa na maniwala, kailangan Kong palakasin ang mga duwag na nangangailangan ng labis na lakas upang malabanan ang mundo.

Pagkatapos Ako ay aakyat sa Langit. Ngunit hindi Ko Kayo pababayaan nang mag-isa. Inay, nakikita ba Ninyo ang belo na iyon? Sa pagkapuksa sa Akin, taglay Ko pa ang kapangyarihan ng himala alang-alang sa Inyo, upang mabigyan Kayo ng kaginhawahan na iyon. Ngunit para sa Inyo gagawa pa Ako ng isa pang himala. Makukuha Ninyo Ako, sa Sakramento, kasing totoo nang dinala Ninyo Ako noon.

Hindi Kayo kailanman mag-iisa. Ngunit nitong mga nakaraang araw Kayo ay nag-isa. Ngunit ang kapighatian din Ninyong iyon ay kinailangan para sa Aking Panunubos. Labis ang patuloy na idadagdag sa Panunubos, sapagkat labis ang patuloy na lilikhain sa daan ng Kasalanan. Tatawagin Ko ang Aking mga lingkod sa pagbabahagi sa panunubos na ito. Kayo ang isa na sa pamamagitan ng Inyong Sarili ay gagawa nang mas malaki kaysa sa magkakasamang lahat na iba pa. Ngunit ang mahabang pag-abandona rin na iyon ay kinailangan.

Ngayon hindi na kailangan. Ako ay hindi na nakahiwalay sa Ama. Hindi Kayo mawawalay pa sa Inyong Anak. At, sa pagtataglay sa Inyong Anak, tinataglay Ninyo ang aming Trinidad. Isang buháy na Langit, dadalhin Ninyo ang Trinidad sa mga tao sa Lupa, at pababanalin Ninyo ang Simbahan, Kayo, Reyna ng Pagpapari at Ina ng mga Kristiyano.

Pagkatapos pupuntahan Ko Kayo upang kunin Kayo.  At hindi na Ako mapapasa-Inyo, bagkus Kayo ay mapapasa-Akin, sa Aking Kaharian, upang gawing mas maganda ang Paraiso.

⁵Aalis na Ako ngayon, Inay. Gagawin Kong masaya ang isa pang Maria. Pagkatapos tataas Ako sa Ama. Pagkatapos pupuntahan Ko ang mga hindi naniniwala. Inay, ang Inyong halik ay isang pagpapalà. At ang Aking kapayapaan sa Inyo bilang isang kasama. Paalam.»

At si Jesus ay nawala sa sinag ng araw na bumababa mula sa maagang maliwanag na kalangitan ng umaga.

101012

 

 

 



Sunod na kabanata