617. Si Jesus Nagpakita kay Lazarus.

Abril 3, 1945.

¹Ang sikat ng araw ng isang maliwanag na umaga ng Abril ay pinupuno ng maniningning na kislap ang mga palumpungan ng mga rosas at hasmin sa hardin ni Lazarus. At ang mga halamang bakod ng evergreen at laurel, ang tungkos ng lamuymoy ng isang mataas na puno ng palmera na humahapay-hapay nang malumanay sa dulo ng isang abenida, ang napakakapal na puno ng laurel malapit sa palaisdaan, ay tila nahugasan ng isang mahiwagang kamay, napakalinis na nahugasan ito ng saganang hamog ng gabi at nawisikan ang mga dahon nito, na ngayon ito ay tila natatakpan ng bagong enamel, napakakintab at napakalinis nito.

Ngunit ang bahay ay tahimik, na tila ito ay puno ng patay na mga tao. Ang mga bintana ay nakabukas, ngunit wala ni isang tinig, ni kahit na ingay ang lumalabas mula sa mga silid, na nasa loob ng malabong liwanag sapagkat ang lahat na mga kurtina ay nakababa.

Sa loob, sa kabila ng bulwagan, kung saan maraming pintuan, ngayon lahat bukas – at kakaibang makita ang mga bulwagan na wala kahit na anong preparasyon, samantalang ang gamit nito ay para sa maraming bangkete – ay may isang malaking yarda, na sementado at napaiikutan ng isang balkonahe na puno ng mga upuan. Maraming mga disipulo ang mga nakaupo rito, at ang ilan ay nakaupo rin sa sahig, sa mga banig, o sa marmol mismo. Kasama rito nakikita ko ang mga apostol na sina Mateo, Andres, Bartolomeo, ang magkapatid na sina Santiago at Judas ni Alfeo, si Santiago ni Zebedeo, ang mga pastol na disipulo kasama si Manaen, katabi ang ilan na hindi ko mga kilala. Hindi ko nakikita ang Zealot, si Lazarus o si Maximinus.

Sa wakas si Maximinus ay pumasok kasama ang ilang mga katulong at nagbibigay siya ng tinapay sa lahat may kasamang iba't ibang mga makakain, ibig sabihin, mga olibo o keso, o pulot, at bagong gatas din sa mga may gusto nito. Ngunit sila ay hindi nananabik na kumain, bagama't hinihikayat sila ni Maximinus na kumain. Lahat sila ay labis na nalulungkot. Sa loob ng kaunting mga araw ang kanilang mga mukha ay mukhang lumalim at malaabo sa ilalim ng kapulahan ng mga luha. Ang mga apostol lalo na, at ang mga tumakbo sa unang mga oras, ay nagmumukhang nakatungo, habang ang mga pastol at si Manaen ay hindi masyadong lupaypay, hindi, bagkus, hindi masyadong nahihiya, at si Maximinus ay namimighati lamang sa isang pamamaraang panlalaki.

²Ang Zealot ay pumasok halos tumatakbo at nagtanong: «Si Lazarus ba ay nandito?»

«Wala, nasa loob siya ng kanyang silid. Anong kailangan mo?»

«Sa dulo ng landas, malapit sa pontanya ng araw, ay naroon si Felipe. Nanggaling siya sa kapatagan ng Jericho. Siya ay hapung-hapo. At ayaw niyang pumunta rito, sapagkat... katulad ng lahat, ang pakiramdam niya siya ay isang makasalanan. Ngunit si Lazarus ay makukumbinsi siya.»

Si Bartolomeo ay tumayo at nagsabi: «Pupunta rin ako...»

Pumunta sila kay Lazarus, na, noong tinawag, ay lumabas mula sa medyo madilim na silid, kung saan siya ay tiyak na umiyak at nagdasal, nang may nalulungkot na mukha.

Lahat sila ay lumabas at tinatawid muna ang hardin, pagkatapos ang nayon, kung saan ito ay bumababa patungo sa mga dalisdis ng Mount of Olives, pagkatapos narating nila ang dulo ng nayon, kung saan ang maliit na kapatagan, kung saan ang nayon ay nakatayo, ay nagtatapos din, at nagpatuloy sila sa tanging daan ng bundok na tumataas at bumababa sa ibabaw ng natural na mga baytang patawid sa mga bundok, na bumababa patungo sa kapatagan sa silangan at tumataas patungo sa bayan ng Herusalem sa kanluran.

May isang pontanya rito na may isang malaking pansahod, kung saan ang mga baka at mga tao ay umiinom upang pawiin ang kanilang uhaw. Ang lugar ngayun-ngayon lamang ay nangungulila at malamig, sapagkat marami lilim ng makakapal na punungkahoy sa paligid ng tangke na puno ng purong tubig, na laging napapalitan ng tubig-bukal ng ilang bundok, at umaapaw napananatiling basà ang lupa.

³Si Felipe ay nakaupo sa mas mataas na gilid ng pontanya, ang kanyang ulo nakatungo, ang kanyang buhok magulo, maalikabok, ang kanyang sirang sandalyas ay nakabitin mula sa kanyang may gasgas na mga paa

Si Lazarus ay tinatawag siya sa nakakaawang tinig: «Felipe, halika sa akin! Magmahalan tayo alang-alang sa Kanya. Magkaisa tayo sa Ngalan Niya. Mamamahal pa rin natin siya sa ganyan!»

«O! Lazarus! Lazarus! Tumakbo ako... at kahapon, sa ibayo ng Jericho, napakinggan ko na Siya ay patay na!... Ako... Hindi ko mapapatawad ang aking sarili sa pagtakbo...»

«Lahat tayo ay tumakbo. Maliban kay Juan, na nanatiling tapat sa Kanya, at si Simon na tinipon tayo sa utos Niya, pagkatapos na tayo ay may-karuwagan na tumakbo. Kung gayon... sa ating mga apostol, walang sinuman ang naging tapat» sabi ni Bartolomeo.

«At mapapatawad mo ba ang sarili mo?»

«Hindi. Ngunit iniisip ko ang paggawa ng pagwawasto, dahil magagawa,  sa hindi pagsuko sa walang-mangyayaring pagpapakalugmok. Kailangang magsama-sama tayo. Kailangan na samahan natin si Juan at malaman natin ang Kanyang huling mga oras. Si Juan ay sinundan Siya lagi» tugon ni Bartolomeo sa kanyang kasamahan na si Felipe.

«At huwag pabayaan na mamatay ang Kanyang Doktrina. Kailangan na ituro natin ito sa mundo. Kailangan natin panatilihing buháy iyan man lamang, sa dahilan na hindi tayo kumilos sa oras upang mailigtas Siya mula sa Kanyang mga kaaway, dahil tayo ay napakabagal at hulí» sabi ng Zealot.

«Hindi ninyo Siya maililigtas. Walang makapagliligtas sa Kanya. Sinabi Niya sa akin. Inuulit ko ulit ito» sabi ni Lazarus nang matatag.

«Nalaman mo ba, Lazarus?» tanong ni Felipe.

«Oo, nalaman ko. Iyon ay ang aking pahirap na masabihan Niya, mula pa noong gabi ng Sabbath, tungkol sa Kanyang kamatayan, at detalyado, upang masabihan kung papaano tayo kikilos...»

«Hindi. Hindi ikaw. Ikaw ay sumunod at naghirap. Kumilos kaming katulad ng mga duwag. Ikaw at si Simon ay ang mga isinakripisyo sa pagsunod» bulalas ni Bartolomeo.

«Oo. Sa pagsunod. O! gaano kahirap itong labanan ang pagmamahal upang masunod ang Pinakamamahal! Halika, Felipe. Halos lahat na mga disipulo ay nasa bahay. Kailangang sumama ka rin.»

«Nahihiya akong magpakita sa mundo, sa aking mga kasamahan...»

«Magkakapareho tayong lahat!» sabi ni Bartolomeo umuungol.

«Oo. Ngunit ang aking puso ay ayaw patawarin ang sarili.»

«Iyan ay pagmamalaki, Felipe. Halika. Noong gabi ng Sabbath sinabi Niya sa akin: “Hindi nila patatawarin ang kanilang mga sarili. Sabihin sa kanila na pinatatawad Ko sila, sapagkat nalalaman Ko na sila ay hindi kumikilos nang malaya, bagkus si Satanas ang itong nagliligaw sa kanila”. Halika.»

⁴Si Felipe ay umiyak pa nang mas malakas, ngunit siya ay sumuko. At, yumuyukod na tila siya ay tumanda sa loob ng kaunting mga araw lamang, naglalakad siya sa tabi ni Lazarus hanggang sa layo ng nakakulong na yarda kung saan silang lahat ay naghihintay para sa kanya. At ang sulyap na binigay niya sa kanyang mga kasamahan, at ang mga sulyap na binigay ng kanyang mga kasamahan sa kanya, ay ang kitang-kitang ebidensiya ng pangungumpisal ng kanilang totál na kapanglawan.

Si Lazarus ay nalalaman ito at nagsabi:

«Ang isang bagong tupa sa kawan ng Kristo, na natakot ng pagdating ng mga lobo at tumakbo pagkatapos ng pag-aresto sa Pastol, ay tinanggap ng Kanyang kaibigan. Sa naligaw na tupang ito, na dinanas ang kapaitan ng pag-iisa, ni hindi man lang nagkaroon ng kaginhawahan na iyakan ang parehong pagkakamali kasama ang kanyang mga kapatid, inuulit ko ang Kanyang testamento ng pagmamahal.

Sa presensya ng makalangit na mga koro sinusumpa ko sinabi Niya sa akin, bukod sa marami pang ibang mga bagay na ang inyong kasalukuyang kahinaan ay hindi makatatagal, sapagkat sila ay labis na nakapagpapalungkot na nawasak nito ang aking puso sa loob ng huling sampung mga araw na ito – at kung hindi ko nalaman na ang aking buhay ay may ilang kapakinabangan sa Panginoon, bagama't napaka-kaawa-awa at may kapintasan ito, susuko na ako sa sugat ng kapighatian na ito ng isang kaibigan at disipulo na nawalan ng lahat sa pagkawala Niya – sinabi Niya sa akin: ``Ang nakalalasong singaw ng naging-maruming Herusalem ay sisirain din ang ulo ng Aking mga disipulo. Sila ay tatakbo at pupunta sa iyo`. Sa katotohanan, nakikita ninyo na kayong lahat ay naririto. Masasabi kong lahat sa inyo. Sapagkat, maliban kay Simon Pedro at kay Judas Iskariote, kayong lahat ay nagpatungo sa aking bahay at sa aking puso ng isang kaibigan. Sinabi Niya: ``Titipunin mo sila. Pasisiglahin mo ang Aking nakakalat na mga tupa. Sasabihin mo sa kanila na pinatatawad Ko sila. PInagkakatiwala Ko sa iyo ang Aking kapatawaran para sa kanila. Hindi nila patatahimikin ang kanilang mga isip dahil sa pagtakbo. Sabihin sa kanila na huwag mahulog sa mas malaking pagkakasala ng mawalang ng pag-asa sa Aking kapatawaran`.

Iyan ang Kanyang sinabi. At pinatawad ko kayo sa katauhan Niya. At namumula ako sa pagbibigay sa inyo sa Ngalan Niya ng bagay na ito na napakabanal, partikular-na-partikular sa Kanya, Siya na Kapatawaran, ibig sabihin, ang perpektong Pagmamahal, sapagkat siya na nagpapatawad sa isang nagkasala, ay perpektong nagmamahal. Ang ministeryong ito ay naging isang aliw sa aking matigas na pagsunod... Sapagkat gusto kong mapunta roon, katulad nina Maria at Martha, aking magigiliw na kapatid. At kung Siya ay pinako sa krus sa Golgotha ng mga tao, sinusumpa ko sa inyo, ako pinako sa krus dito ng pagsunod, at iyon ay totoong makabagbag-puso ng pagiging martir. Ngunit kung  ito ay nagsisilbing makapagbigay ng aliw sa Kanyang Espiritu, kung nakapagsisilbi itong mailigtas ang Kanyang mga disipulo para sa Kanya, hanggang sa tipunin Niya sila upang dalhin sila sa perpeksiyon sa pananampalataya, bueno, sa muli sinasakripisyo ko ang aking hiling na mapunta roon upang pagpitaganan man lang sana ang Kanyang Labí  bago matapos ang ikatlong araw.

⁵Alam ko na nagdududa kayo. Kailangan na huwag. Sa Kanyang mga salita sa bangkete ng Paskuwa ang nalalaman ko ay kung ano lamang ang sinabi ninyo sa akin. Ngunit habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong tinataas, isa-isa, ang mga diyamanteng ito ng Kanyang makatotohanan na mga salita, at mas lalo kong nararamdaman na ito ay may tiyak na kaugnayan sa dagliang bukas. Hindi Niya masasabi: `Pupunta Ako sa Ama at pagkatapos Ako ay babalik``, kung talagang hindi na nga Siya babalik. Hindi Niya masasabi: ``Kapag makita ninyo Akong muli mapupuno kayo ng lugod`` kung talagang nawala na nga Siya nang totoo. Lagi Niyang sinasabi: ``Babangon Ako mula sa kamatayan``. Sinabi ninyo sa akin na sinabi Niya: ``Malapit nang bumagsak ang hamog sa mga binhing inihasik sa inyo at gagawin silang lahat na sumibol, pagkatapos ang Paraklito ay darating at gagawin itong nápakalalakíng mga punungkahoy`. Hindi ba`t iyan ang sinabi Niya? O! huwag pahintulutan na mangyari iyan para lamang sa huli sa Kanyang mga disipulo, para sa kaawa-awang Lazarus, na kasa-kasama Niya kamakailan pa lamang! Kapag Siya ay bumalik, tiyakin na ang lahat ng Kanyang binhi ay sumibol na sa ilalim ng hamog ng Kanyang Dugo.

Mula noong nakakatakot na oras noong Siya ay itinaas sa Krus, nagkaroon sa loob ko ng isang dakilang sinag ng liwanag, isang malakas na paglitaw ng lakas. Ang lahat ay maningning, ang lahat ay nanauli at sumibol. Wala ni isang salita sa loob ko ang may kaawa-awang pantaong kahulugan. Bagkus ang lahat na napakinggan ko mula sa Kanya o tungkol sa Kanya, ngayon ay lahat puno ng buhay, at ang aking tigang na lupa ay totoong naging isang matabang hilerang taniman ng mga bulaklak, kung saan ang bawat bulaklak ay may Kanyang Pangalan at ang at ang bawat katas ay kumukuha ng buhay mula sa Kanyang banal na Puso.

Naniniwala ako, Kristo! Ngunit upang ito ay sana maniwala sa Inyo, sa bawat pangako Ninyo, sa Inyong kapatawaran, sa lahat na Kayo, hinahandog ko sa Inyo ang aking buhay. Gamitin ito, ngunit huwag pabayaan ang Inyong Doktrina na mamatay! Durugin ang kaawa-awang Lazarus hanggang magkadurug-durog nang husto, ngunit tipunin ang nakakalat na mga miyembro ng apostoladong grupo. Ang lahat man na hilingin Ninyo, ngunit kapalit gawin ang Inyong Salita na maging buháy na buháy at eternal, at ngayon at magpasawalanghanggan, gawin na lumapit dito sila na tanging sa Inyo lamang magkakaroon ng eternal na buhay.»

Si Lazarus ay totoong inspirado. Ang pagmamahal ay naitataas siya sa napakataas na daigdig at ang kanyang datíng ay napakalakas na napagagaan din pati ang kanyang mga kasamahan. Ang ilan ay tumatawag sa kanya sa kanyang kanan, ang ilan sa kanyang kaliwa, na tila siya ay isang kompesor, isang doktor, isang ama. Ang yarda ng mayaman na bahay ni Lazarus, hindi ko alam kung bakit, ay nagpapaalaala sa akin ng tungkol sa mga tinutuluyan ng mga patrisyong mga Kristiyano noong mga araw ng mga pang-uusig at ng makabayaning pananampalataya...

⁶Siya ay nakayuko kay Judas ni Alfeo, na hindi makakita ng rason upang mapatahimik ang kanyang dalamhati sa pag-iwan sa kanyang Guro at pinsan, nang may bigla na lamang nagpatayo sa kanya nang tuwid. Siya ay tumalikod at pagkatapos nagsabi siya nang maliwanag: «Darating ako, Panginoon.» Ang kanyang dating agaran na pagtugon na pagsang-ayon. At siya ay lumabas, na tila hinahabol niya ang tumatawag at nauuna na sa kanya.

Lahat sila ay nagkatinginan sa isa't isa, namangha. Sila ay nagkukunsultahan sa isa't isa.

«Ano ang kanyang nakita?»

«Ngunit wala naman dito!»

«May napakinggan ba kayong tinig?»

«Ako wala.»

«Ni ako wala rin.»

«Kung gayon? Si Lazarus ba kaya ay masama na ulit ang nararamdaman?»

«Baka... Siya ay naghirap nang higit pa kaysa sa atin, at hinihikayat niya tayo nang labis, tayo... yung mga duwag! Baka siya ay nahihibang.»

«Sa katunayan nagmumukha siyang hapung-hapo.»

«At ang kanyang mga mata ay umaapoy habang nagsasalita siya.»

«Baka si Jesus ay tinawag siya sa Langit.»

«Sa katunayan inalay ni Lazarus sa Kanya ang kanyang buhay hindi pa nagtatagal... Pinitas siya Niya kaagad katulad ng isang bulaklak... O! gaano tayo kaawa-awang mga sawing-palad! Ano ang ating gagawin ngayon?»

Ang mga komentaryo ay pagkawalang-pag-asa at pagdadalamhati.

⁷Si Lazarus ay tinawid ang bulwagan, lumabas sa hardin, laging tumatakbo, ngumingiti, bumubulong, at ang kanyang kaluluwa ay nasa kanyang tinig: «Darating ako, Panginoon.» Narating niya ang isang palumpungan ng laurel na pumoporma ng isang berdeng panilungan, sasabihin natin isang balag ng halaman, at siya ay bumagsak sa kanyang mga tuhod, na ang kanyang mukha nasa lupa, sumisigaw: «O! aking Panginoon!»

Dahil si Jesus, sa Kanyang kagandahan ng Resureksiyon, ay nasa pamasukan ng balag na ito at ngumingiti sa kanya... at nagsasabi: «Ang lahat ay natapos na, Lazarus. Ako ay naparito upang pasalamatan kita, Aking tapat na kaibigan. Naparito Ako upang sabihin sa iyo na sabihan ang ating mga kapatid na pumunta kaagad sa bahay ng Hapunan. Ikaw – isa pang sakripisyo, Aking mahal na kaibigan, dala ng pagmamahal mo para sa Akin – ay mananatili rito, para sa pansamantala... Alam Ko na naghihirap ka dahil diyan. Ngunit alam Ko na ikaw ay mapagbigay. Si Maria, ang iyong kapatid, ay pinaginhawahan na, sapagkat pinuntahan ko siya at nakita niya Ako.»

«Hindi na Kayo naghihirap pa, aking Panginoon. At nasusuklian ako niyan para sa bawat sakripisyo. Ako ay naghirap... nalalaman na Kayo ay naghihirap... at na ako ay wala roon...»

«O! naghirap ka! Ang iyong espiritu ay nasa paanan ng Aking Krus, at naroon iyon sa kadiliman ng Aking sepulkro. Mula sa kalaliman na kinaroroonan Ko, pinanawagan mo Akong maaga pa. Katulad ng mga nagmahal sa Akin nang kanilang buong mga sarili.  Ngayun-ngayon lamang sinabi Ko sa iyo: “Halika, Lazarus”. Katulad noong araw ng iyong resureksiyon. Ngunit sa loob ng ilang mga oras sinasabi mo sa Akin: “Halikayo”. Ako ay naparito. At tinawag kita, upang ilabas ka, bilang tugon Ko naman, mula sa kalaliman ng iyong dalamhati. Lakad. Kapayapaan at mga pagpapalà sa iyo, Lazarus! Lumago pa nang lalo sa iyong pagmamahal para sa Akin. Ako ay darating muli.»

⁸Si Lazarus ay nanatili lagi sa kanyang mga tuhod nang hindi nangangahas na kumilos. Ang mahestad ng Panginoon, bagama't nababawasan ng pagmamahal, ay gayon na lamang na ang dating pagkilos ni Lazarus ay napararalisa.

Ngunit bago mawala sa loob ng isang baha ng liwanag na sumisipsip sa Kanya, humakbang si Jesus at sa pamamagitan ng Kanyang kamay hinipo Niya ang tapat na noo nang mgaan.

Ito ay sa sandaling iyon na si Lazarus ay nakapanaguli mula sa kanyang kasiya-siyang pagkamangha, siya ay tumayo at tumatakbong nauuna ang ulo patungo sa kanyang mga kasamahan at na may kaningning ng lugod sa kanyang mga mata at sa kanyang noo na nahipo lamang nang magaan ng Kristo, siya ay sumisigaw: «Siya ay bumangon na, mga kapatid! Tinawag Niya ako. Pumunta ako. Nakita ko Siya. Nagsalita Siya sa akin. Sinabi Niya sa akin na sabihan kayo na pumunta kaagad sa bahay ng Hapunan. Lakad! Lakad! Ako ay mananatili rito, sapagkat iyan ang gusto Niya. Ngunit ang aking lugod ay kumpleto na...» At si Lazarus ay umiiyak sa kanyang tuwa, habang hinihikayat niya ang mga apostol na siyang maunang lumakad patungo sa lugar na iniutos Niya. «Lakad! Lakad! Kailangan Niya kayo! Minamahal Niya kayo! Huwag matakot sa Kanya!... O! Siya ay mahigit pa kahit kailanman ang Panginoon, ang Kabutihan, ang Pagmamahal!»

Ang mga disipulo rin ay tumayo... Ang Bethany ay nawalan ng laman. Si Lazarus ay nananatili na ang kanyang puso napaginhawahan...

131012

 

 



Sunod na kabanata