618. Si Jesus Nagpakita kay Johanna ni Chuza.

April 4, 1945.

¹Sa loob ng isang mayaman na silid, kung saan ang liwanag mula sa labas ay halos hindi nakakapasok, si Johanna ay umiiyak, ganap na pinanghihinaan ng loob sa upuan malapit sa mababang kama natatakpan ng napakagandang mga sapin. Siya ay umiiyak na ang kanyang kamay nakapatong sa gilid at ang kanyang noo nasa kanyang braso, ganap na naaalog ng mga hikbi, na maaaring makadurog sa kanyang puso. Noong, sa hapdi ng kanyang mga luha, itinaas niyang sandali ang kanyang mukha upang makahinga, isang malaking basang lugar ang makikita sa mamahaling sapin, habang ang kanyang mukha ay basang-basa ng mga luha. Pagkatapos ipinatong niya itong muli sa kanyang braso at sa muli makikita lamang ng isa ang napakaputing manipis na leeg, ang masa ng kanyang kulay-kapeng buhok, ang kanyang napaka balingkinitan na mga balikat at ang itaas ng kanyang katawan. Ang iba pa ay nawawala sa malabong liwanag, kung saan ang kanyang katawan ay nawawala, nababalot ng kanyang madilim na biyoletang damit.

Nang hindi ginagalaw ang mga kurtina o binubuksan ang pinto si Jesus ay pumasok, at nang hindi gumagawa ng kahit anong ingay nilalapitan Niya si Johanna. Hinihipo Niya nang kaunti ang kanyang buhok sa pamamagitan ng Kanyang Kamay at nagtanong Siya nang pabulong: «Bakit ka umiiyak, Johanna?»

At si Johanna, na maaaring iniisip na ito ay ang kanyang anghel na nagtatanong sa kanya, at na walang nakikitang kahit ano sapagkat hindi niya tinataas ang kanyang ulo mula sa gilid ng kama, pinababatid niya ang kanyang pahirap nang may mas maraming luha ng pangungulila: «Sapagkat wala na sa akin kahit na ang sepulkro ng Panginoon, na aking mapupuntahan at mailuha ang aking mga luha at hindi maging nag-iisa...»

«Ngunit Siya ay bumangon na. Hindi ka ba masaya?»

«O! oo! Ngunit ang lahat na mga babae ay nakita Siya maliban kay Martha at sa Akin. At si Martha ay tiyak na makikita Siya sa Bethany... sapagkat ang kanilang bahay ay isang mapagkaibigan na bahay. Ang akin... ang aking bahay ay hindi na mapagkaibigan... Nawala sa akin ang lahat dahil sa Kanyang Pasyon... Kapwa ang aking Guro at ang aking asawa... at ang kanyang kaluluwa... sapagkat hindi siya naniniwala... hindi siya naniniwala... at pinagtatawanan niya ako... at inuutusan niya ako na huwag pagpitaganan kahit na ang alaala ng aking Tagapagligtas... upang hindi siya masira... Ang mga interes pantao ay mas importante sa kanya... Ako... Ako... Ako... hindi ko malaman kung kailangan ko pang  patuloy siyang mahalin o kasuklaman ko siya. Hindi ko malaman kung kailangan ko siyang sundin, bilang kanyang asawa, o suwayin siya, katulad na siyang gustong gawin ng aking kaluluwa, dahil sa mas dakilang pagkakákasal na pagkakátali ng espiritu kay Kristo, kung Kanino ako ay mananatiling tapat... Ako... Ako... Gusto kong malaman... At sino ang magpapayo sa akin, kung ang kaawa-awang Johanna ay hindi na Siya mapupuntahan? O!... ang Pasyon ay tapos na para sa aking Panginoon!... Ngunit para sa akin ito ay nagsimula noong Biyernes, at ito ay tumatagal... O! nanghihina ako nang labis at wala na akong lakas na dalhin ang krus na ito!...»

«Ngunit kung tutulungan ka Niya, dadalhin mo ba ito alang-alang sa Kanya?»

«O! oo! Maliban na tutulungan Niya ako... Nalalaman Niya kung ano ang ibig sabihin ng dalhin ang krus ng isa... O! maawa sa aking kasawiang-palad!...»

«Oo. Alam Ko kung ano ang dalhin ang krus ng isa. Iyan kung bakit Ako naparito at Ako ay nasa tabi mo. ²Johanna, nababatid mo ba kung sino ang nagsasalita sa iyo? Ang iyo bang bahay ay hindi na mapagkaibigan sa Kristo? Bakit? Kung siya man, na iyong makalupang asawa, ay katulad ng isang bituin na natatakpan ng isang ulap ng nakalalason na pantaong mga singaw, ikaw ay si Johanna pa rin ni Jesus. Ang Guro ay hindi ka iniwanan. Si Jesus ay hindi kailanman nang-iiwan sa mga kaluluwang naging Kanyang espirituwal na mga esposa. Siya ay laging ang Guro, ang Kaibigan, ang Esposo, kahit ngayon din na Siya ay bumangon na. Johanna, itaas mo ang iyong ulo. Tingnan mo Ako. Sa oras na ito ng lihim na pagtuturo, na mas matamis pa kaysa kung Ako ay nagpakita sa iyo katulad ng ginawa Ko sa ibang mga babaeng disipulo, sasabihin Ko sa iyo kung ano dapat ang ikikilos mo sa hinaharap. Katulad ng ikinikilos ng marami mong mga kapatid na babae. Mahalin mo ang iyong nababalisang asawa nang may tiyaga at pagpapasakop. Dagdagan mo pa lalo ang iyong kabaitan dahil nag-aalaga siya sa sarili niya ng kapaitan ng mga kinatatakutan ng tao. Dagdagan mo ang iyong espirituwal na kaningningan habang mas nagpapakita siya ng mga anino ng pantaong mga interes. Maging tapat para sa dalawa. At maging malakas sa iyong espirituwal na pagkakákasal na pagkakátali. Gaano karaming mga babae, sa hinaharap, ang kailangan na mamíli sa pagitan ng kalooban ng Diyos at ng kalooban ng kanilang mga asawa! Ngunit sila ay magiging dakila kapag, mahigit pa sa pagmamahal at sa maternidad, sinundan nila ang Diyos. Ang iyong pasyon ay nagsisimula na. Oo. Ngunit nakikita mo na ang bawat pasyon ay nagtatapos sa isang resureksiyon...»

Si Johanna ay itinataas nang itinataas nang unti-unti ang kanyang ulo. Ang kanyang paghikbi ay paunti nang paunti. Tumitingin siya ngayon at nakakakita siya, nagpadalusdos siya sa kanyang mga tuhod, sumasamba at bumubulong: «Ang Panginoon!»

«Oo. Ang Panginoon. Nakikita mo na hindi Ko ginawa sa kahit sinong iba pang mga babaeng disipulo ang katulad ng ginawa Ko sa iyo. Bagkus tinitingnan Ko ang partikular na pangangailangan at inaayos Ko nang antas-antas ang tulong na Aking ibibigay sa mga kaluluwang umaasa sa tulong Ko. Akyatin mo ang iyong Kalbaryo ng isang asawa sa tulong ng Aking haplos at ng iyong inosenteng anak. Pinasok niya ang Langit kasama Ko at binigay niya sa akin ang kanyang haplos para sa iyo. Pinagpapala kita, Johanna. Magkaroon ng pananampalataya, Niligtas kita. Ikaw ay maliligtas, kung may pananampalataya ka.»

³Si Johanna ngayon ay ngumingiti at naglakas-loob siyang magtanong: «Hindi ba Kayo pupunta sa mga bata?»

«Hinalikan Ko sila pagbukang-liwayway habang sila ay natutulog sa kanilang maliliit na kama, at naniwala sila na ako ay isang maliit na anghel ng Panginoon. Mahahalikan Ko ang inosente kailanman na gustuhin Ko. Ngunit hindi Ko sila ginising upang hindi sila mabalisa nang labis. Ang kanilang kaluluwa ay tinatago ang alaala ng Aking halik... at pagdating ng panahon ihahatid ito sa kanilang mga isip. Walang nawawala sa kung ano ang Akin. Maging laging isang ina sa kanila. At laging maging isang anak sa Aking Ina. Huwag kailanman maging ganap na nakatikal sa Kanya. Sa pamamagitan ng makainang kagiliwan palalawigin Niya kung ano dati ang ating pagkakaibigan. At dalhin ang mga bata sa Kanya. Nangangailangan Siya ng mga bata upang hindi masyadong maramdaman na Siya ay napagkaitan ng Kanyang Sanggol...»

«Si Chuza ay hindi sasang-ayon...»

«Si Chuza ay pababayaan kang kumilos.»

«Ako ba ay kanyang hihiwalayan, Panginoon?» Ito ay ang sigaw ng bagong pahirap.

«Siya ay isang nalalabuan na bituin. Dalhin siya muli sa liwanag sa pamamagitan ng iyong kabayanihan ng isang asawa at isang Kristiyano. Paalam. Maliban sa Aking Ina, huwag banggitin sa kahit sino ang Aking pagpunta sa iyo. Ang mga pagbubunyag din ay kailangan na banggitin sa mga kung kanino at kung kailan ito tamang gawin.»

Si Jesus ay ngumingiti sa kanya nagniningning nang matingkad, at Siya ay nawala sa kaningningan Niya.

⁴Si Johanna ay tumayo, nawawala sa pangangarap, nahahati sa pagitan ng lugod at ng kapighatian, sa pagitan ng takot ng pagkakaroon ng panaginip at ng katiyakan ng pagkakakita. Ngunit ang kanyang mga pakiramdam ay tinitiyak sa kanya. Pinuntahan niya ang maliliit na bata, na mga naglalarong tahimik sa mas mataas na terasa, at hinahalikan sila.

«Hindi na ba kayo umiiyak pa, inay?» tanong ni Maria nang nahihiya, hindi na ang kaawa-awang sawing-palad na batang babae, bagkus isa nang mayuming magiliw na batang babae, mabuti ang bihis at may malinis na buhok; at si Matthias, kayumanggihin at balingkinitan, nang may datíng ng isang mabuting maliit na batang lalaki ay nagsabi: «Sabihin sa akin ang nagpaiyak sa inyo, at parurusahan ko siya.»

Si Johanna ay niyayakap silang magkasabay at dinidiin sila sa kanyang puso, at nagsabi nagsasalitang nakadikit sa kulay-kapeng buhok ni Maria at sa ibabaw ng maitim na buhok ni Matthias: «Hindi na ako umiiyak pa. Si Jesus ay bumangon na at pinagpapala Niya tayo.»

«O! kung gayon hindi na ba Siya dumurugo ulit? Hindi na ba Siya naghihirap ulit?» tanong ni Maria.

«Nakakatawang bata! Kung baga kailangan mong sabihin: Siya ay hindi na patay! Pagkatapos, Siya ay masaya na ngayon!... Sapagkat nakakatakot ang maging patay!...» sabi ni Matthias. 

«Kung gayon wala na bang rason upang umiyak, inay?» tanong ni Maria ulit.

«Wala na. Wala na para sa inyo, inosenteng mga bata. Magbunyi, kasama ang mga anghel.»

«Ang mga anghel!... Kagabi, hindi ko alam kung anong oras ng pagbabantay na iyon, pakiramdam ko ako ay hinahaplos at gumising ako nagsasabing: “Inay!”, ngunit hindi ko kayo tinatawag. Tinatawag ko ang aking patay na ina, sapagkat ang haplos na iyon ay mas magaan at mas magiliw kaysa ng sa inyo, at binuksan ko ang aking mga mata nang isang sandali. Ngunit ang nakita ko lamang ay isang maningning na liwanag at sinabi ko: “Ang aking anghel ay hinalikan ako upang aliwin ako para sa aking malalim na kalungkutan sa pagkamatay ng Panginoon”» sabi ni Maria.

«Ako rin. Ngunit ako ay antok na antok, at sinabi ko: “Kayo ba ito?” Iniisip ko ang aking Gabay na anghel at gusto kong sabihin sa kanya: “Lakad at halikan si Jesus at si Johanna, upang hindi na sila ulit matakot”, ngunit hindi ako nagtagumpay. Nakatulog ako ulit at nagsimula akong managinip, at ako ay tila nasa Langit kasama kayo at si Maria. Pagkatapos naroon ang lindol na iyon at nagising ako at natakot. Ngunit si Esther ay nagsabi sa akin: “Huwag matakot. Tapos na lahat iyon” at nakatulog akong muli.»

⁵Si Johanna ay hinahalikan sila muli, at pagkatapos iniiwan niya sila sa kanilang mapayapang paglalaro at pumunta siya sa bahay ng Hapunan.

Nagtatanong siya tungkol kay Maria. Pumasok siya sa Kanyang silid. Hindi niya sinasara ang pinto at sinabi ang kanyang dakilang salita: «Nakita ko Siya. Sinasabi ko sa Inyo. Ako ay pinaginhawahan at masaya. Mahalin Ninyo ako, sapagkat sinabi Niya na ako ay kailangan na kaisa Ninyo.»

Ang Ina ay tumugon: «Nasabi Ko na sa iyo, noong araw ng Sabbath, na minamahal kita. Kahapon. Sapagkat iyon ay kahapon... At ang araw na iyon ng pag-iyak at kadiliman ay tila napakalayo sa araw na ito ng liwanag at mga ngiti!»

«Oo... Ngayon naaalaala ko na na sinabi na Ninyo sa akin kung ano ang Kanyang inulit sa akin ngayon. Sinabi Ninyo: “Tayong mga babae ay kailangan na kumilos, sapagkat tayo ay nanatili at ang mga lalaki ay tumakbo... Ang totoong tagapagbigay ng buhay ay laging ang babae...” O! Ina, tulungan Ninyo akong magbigay ng buhay kay Chuza! Tinalikdan niya ang Pananampalataya!... Si Johanna ay nagsisimula na ulit na umiyak.

Si Maria ay niyakap siya: «Ang pagmamahal ay mas malakas kaysa sa pananampalataya. Iyan ang pinaka-aktibong birtud. Sa pamamagitan niyan makalilikha ka ng bagong kaluluwa para kay Chuza. Huwag matakot. Ngunit tutulungan kita.»

141012

 

 

 



Sunod na kabanata