621. Si Jesus Nagpakita sa mga Disipulo ng Emmaus.

Abril 5, 1945.

¹Sa isang daan sa isang bundok dalawang maedad na lalaki ang naglalakad nang mabilis papalayo sa Herusalem, na ang mga bundok nito ay pawala nang pawala sa paningin sa likuran ng mga bundok na sumusunod na may paalun-alon na mga taluktok at mga lambak.

Sila ay nag-uusap. Ang mas matanda ay nagsasabi sa isa, na mga tatlumpu’t limang taong gulang: «Maniwala sa akin: mas mabuti nang gawin ito, may pamilya ako, at ikaw ay mayroon din. Ang Templo ay hindi nagbibiro. Ibig talaga nilang matapos na ang bagay na ito. Tama ba sila? Mali ba sila? Hindi ko alam. Ang alam ko malinaw na talagang gusto nilang tapusin na ang tungkol sa bagay na ito.»

«Sa krimen na ito, Simon. Sabihin mo ang pangalan nito. Sapagkat iyan ay isang krimen man lamang.»

«Depende. Ang pagmamahal ay naitulak tayong kontrahin ang Sanhedrin. Ngunit baka naman... sino ang nakaaalam!»

«Hindi kailanman. Ang pagmamahal ay nagbibigay liwanag. Hindi ito nagdadala sa pagkakamali.»

«Ang Sanhedrin din, ang mga Pari din at ang mga Hepe ay nagmahal. Minamahal nila si Jehovah, Na minahal ng lahat ng Israel mula nang ginawa ang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng mga Patriyarka. Kung gayon, ang pagmamahal ay liwanag din para sa kanila at hindi nagdadala sa pagkakamali!»

«Ang kanilang pagmamahal ay hindi para sa Panginoon. Oo. Ang Israel ay sa mahabang mga panahon nasa Pananampalatayang iyan. Ngunit sabihin sa akin. Masasabi mo ba na ang binigay sa atin ng mga Hepe ng Templo, ng mga Pariseo, ng mga eskriba, ng mga pari ay Pananampalataya pa rin. Sa pamamagitan ng gintong sagrado sa Panginoon binayaran nila ang Traydor at ngayon pinambabayad nila sa mga guwardiya. Ang una upang ipagkanulo ang Kristo, ang huli upang sila ay magsinungaling. O! hindi ko malaman kung bakit ang eternal na Kapangyarihan ay nilimitahan ang Sarili sa pagpapabagsak sa mga pader at sa pagpunit sa Belo! Sasabihin ko sa iyo na mas gusto ko pang nailibing ang bagong mga Pilisteo sa ilalim ng mga labí . Lahat sila!»

«Cleopas! Ikaw ay magiging ganap na paghiganti.»

«Magiging ako nga. Sapagkat aminin na natin na Siya ay isang propeta lamang, legal ba na pumatay ng isang inosente? Sapagkat Siya ay inosente! Nakita mo ba Siyang gumawa ng isa sa mga krimen na kanilang pinaratang sa Kanya upang Siya ay patayin?»

«Wala. Wala kahit isa. ²Ngunit nakagawa Siya ng isang pagkakamali.»

«Alin, Simon?»

«Hindi Niya pinakita ang Kanyang kapangyarihan mula sa itaas ng Krus, upang mapatotohanan ang ating pananampalataya at maparusahan ang di-makapaniwalang mapaglapastangan na mga tao. Tinanggap sana Niya ang hamon at bumaba mula sa Krus.»

«Ngawa Niya ang mas mahigit pa riyan. Siya ay bumangon mula sa kamatayan.»

«Iyan ay talagang totoo. Bumangon papaano? Sa pamamagitan lamang ng Kanyang Espiritu o sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at ng Kanyang Katawan?»

«Ngunit ang espiritu ay eternal! Hindi ito nangangailangan na bumangon!» bulalas ni Cleopas.

«Alam ko rin iyan. Ang ibig kong sabihin ay kung bumangon Siya sa pamamagitan lamang ng Kanyang Kalikasan ng Diyos, superyor sa lahat na mga patibong ng tao. Sapagkat naglatag sila ng mga patibong sa Kanyang Espiritu sa pamamagitan ng takot ng tao. Napakinggan mo, hindi ba? Si Mark ay nagsabi na sa Gethsemane, kung saan Siya ay nagdasal sa tabi ng isang bato, ay may mga dugo kahit saan. At si Juan, na nakapagsalita kay Mark, ay nagsabi sa kanya: “Huwag pabayaan na magulo ang lugar na iyon, sapagkat iyon ay Dugo na ipinawis ng Tao-Diyos”. Kung Siya ay nagpawis ng dugo bago pinahirapan, maaaring Siya ay nahintakutan ng pahirap!»

«Ang ating kaawa-awang Guro!...» sila ay naging tahimik nalulungkot.

³Si Jesus ay sinamahan sila at nagtanong: «Ano ang inyong pinag-uusapan? Sa katahimikan napapakinggan Ko ang inyong mga salita nang salit-salitan. Sino ang napatay?» Iyon ay isang Jesus na natatalukbungan sa ilalim ng abang hitsura ng isang kaawa-awang manlalakbay na nagmamadali.

Ang dalawa ay hindi Siya nakikilala. «Nanggaling ka ba sa malayo, mamâ?  Hindi ka ba tumigil sa Herusalem? Ang iyong maalikabok  na tunika at ang iyong mga sandalyas sa ganyang kalagayan ay nagmumukhang mga kasuutan ng isang walang-kapagurang peregrino.»

«Ako nga. Nanggaling Ako sa napakalayo...»

«Kung gayon maaaring pagod kayo. Malayo ba ang pupuntahan ninyo?»

«Oo, napakalayo, mas malayo pa nga kaysa sa lugar na pinanggalingan Ko.»

«Kayo ba ay may negosyo? Namímili?»

«Kailangan Kong bumili ng isang malaking bilang ng mga kawan para sa pinakadakilang Panginoon. Kinakailangan Kong umikot sa buong mundo upang pumilì ng mga tupa at mga kordero, at kailangan Ko rin pumunta sa pagitan ng mababangis na kawan, na, bagama't, kapag sila ay napaamò, ay magiging mas mabubuti pa kaysa sa mga na sa kasalukuyan ay hindi mababangis.»

«Mahirap na trabaho. At kayo ba ay nakapaglakad nang hindi tumitigil sa Herusalem?»

«Bakit mo Ako tinatanong?»

«Sapagkat kayo ay tila ang nag-iisa na walang nalalaman tungkol sa kung ano ang nangyari nang mga nakaraang araw na ito.»

«Ano ang nangyari?»

«Kayo ay nanggaling sa malayo at baka wala kayong nalalaman. Bagama't ang inyong pananalita ay Galilean. Kung gayon, kahit na kung kayo ay ang lingkod ng isang banyagang hari o ang anak ng nangibang bayan na mga Galilean, kailangan na malaman ninyo, kung kayo ay tinuli, na sa loob ng tatlong mga taon sa aming Amangbayan may isang dakilang propeta ang lumitaw, pinangalanang Jesus ng Nazareth, makapangyarihan sa mga gawa at sa mga salita sa harapan ng Diyos at sa harapan ng mga tao, at Siya ay umikot nagtuturo sa buong Bansa. At sinabi Niya na Siya ay ang Mesiyas. Ang Kanyang mga salita at mga gawa ay talagang mga salita at mga gawa ng Anak ng Diyos, katulad ng sinabi Niya na Siya nga. Bagkus ng Anak ng Diyos lamang. Ang lahat ng Langit... Ngayon alam na ninyo kung bakit... ⁴Ngunit kayo ba ay tinuli?»

«Ako ay panganay at sagrado sa Panginoon.»

«Kung gayon nalalaman ninyo ang aming Relihiyon?»

«Alam Ko ang bawat kataga nito. Alam Ko ang mga alituntunin at ang mga kaugalian. Ang Halacha, ang midrash at ang Haggadah ay alam Ko katulad ng mga elemento ng ere, ng tubig, ng apoy at ng liwanag, na siyang ang una patungo kung saan kumikiling ang katalinuhan, ang instinto at ang mga pangangailangan ng tao, pagkatapos na siya ay maipanganak.»

«Bueno, kung gayon nalalaman ninyo na ang Israel ay pinangakuan na magkakaroon ng Mesiyas, ngunit isang makapangyarihang hari na magbubuklod muli sa Israel. Ang isang itong sa halip ay hindi gayon...»

«Papaano, kung gayon?»

«Hindi Siya nagtangka sa makalupang kapangyarihan. Bagkus sinabi Niya na Siya ang hari ng isang eternal na espirituwal na kaharian. Hindi Siya nagbuklod, sa kabaligtaran nahati Niya ang Israel, sapagkat ang bansa ngayon ay hati na sa pagitan ng mga naniniwala sa Kanya at ng mga nagsasabi na Siya ay isang kriminal. Sa katunayan, hindi Siya ang may mga sangkap na mayroon ang mga hari, sapagkat gusto lamang Niya ay kababaang-loob at kapatawaran, At ang isa ba ay makapagpapasuko at makatatalo sa pamamagitan ng mga armas na ganyan?...»

«Kung gayon?»

»Kung kaya't ang mga Hepe ng mga Pari at ang mga Nakatatanda ng Israel ay pinahúli Siya at hinatulan Siyang  mamatay... pinararatangan Siya, talaga, ng mga krimen na wala Siyang kinalaman. Ang Kanyang tanging naging kapintasan ay ang pagiging napakabuti at napakahigpit...»

«Kung Siya ay isang napakabuti, papaano Siya magiging isang napakalupit?»

«Iyon ay posible, sapagkat napakahigpit Niya sa pagsasalita ng katotohanan sa mga Hepe ng Israel at napakabuti sa hindi paggawa ng mga himala ng kamatayan sa kanila, hinahampas na mamatay ang Kanyang di-makatarungan na mga kaaway.»

«Siya ba ay kasing higpit ni Juan Bautista?»

«Bueno... Hindi ko malalaman. Madalas Niyang mahigpit na kagalitan ang mga eskriba at mga Pariseo, lalo na kamakailan lamang, at pinagbantaan Niya ang mga taga-Templo, na tila sila ay markado ng galit ng Diyos. Ngunit kung ang isa ay isang makasalanan at nagsisi, at nakakita Siya ng tunay na pagsisisi sa pusong iyon, sapagkat nababasa ng Nazareno ang mga puso nang mas mabuti pa kaysa nababasa ng isang eskriba ang mga teksto, diyan Siya nagiging mas mabait pa kaysa sa isang ina.»

«At ang Roma ba ay pinahintulutan ang isang inosente na mapatay?»

«Si Pilato ay hinatulan Siya... Ngunit ayaw niya iyon, at sinabi niya na Siya ay “makatarungan”. Ngunit tinakot nila siya na isusuplong siya sa Caesar, at siya ay natakot. ⁵Sa maikling pananalita hinatulan Siyang ipako sa krus at namatay Siya sa Krus. At iyan, kasama ang takot ng mga miyembro ng Sanhedrin, ay masyadong nakapagpahina ng loob namin. Sapagkat ako ay si Cleopas, ang anak ni Cleopas, at siya ay si Simon, kapwa mula sa Emmaus, at magkamag-anak, sapagkat ako ang asawa ng kanyang pinakamatandang anak na babae, at kami ay mga disipulo ng Propeta.»

«At kayo ba ay hindi na ngayon mga disipulo?»

«Umasa kami na palalayain Niya ang Israel at na, sa pamamagitan ng isang himala, patutunayan din Niya ang Kanyang mga salita. Sa halip!...»

«Anong mga salita ang sinabi Niya?»

«Sinabi na namin sa inyo: “Naparito Ako sa Kaharian ni David.  Akong ang mapayapang Hari” at iba pa. At madalas Niyang sabihin: “Halikayo sa Kaharian”, ngunit, pagkatapos, hindi Niya binigay sa amin ang kaharian. At sasabihin Niya: “Sa ikatlong araw babangon Ako mula sa kamatayan”. Ngayon ito ang ikatlong araw mula nang Siya ay namatay. At kahit ito nga ay tapos na, sapagkat ngayon ay lampas na ng ika-siyam na oras, at Siya ay hindi pa bumabangon. Ilang mga babae at mga guwardiya ang nagsabi na Siya ay bumangon na. Ngunit hindi namin Siya nakita. Ang mga guwardiya ngayon ay nagsasabi na iyon ang kanilang sinabi upang mapangatwiranan ang pagnanakaw ng labí  na ginawa ng mga disipulo ng Nazareno. Ngunit ang mga disipulo!... Inabandona namin Siyang lahat dala ng takot noong buháy pa Siya... at tiyak na hindi namin ninakaw Siya ngayon na Siya ay patay na. At ang mga babae... sino ang maniniwala sa kanila? Iyan ang aming pinag-uusapan. At gusto naming malaman kung ang Kanyang ibig sabihin ay ang babangon Siya sa Espiritu lamang na naging dibino muli, o pati sa Kanyang katawan. Ang mga babae ay nagsasabi na ang mga anghel – sapagkat sinasabi nila na nakakita sila ng dalawang anghel pagkatapos ng lindol, at ito ay maaari nga, dahil noong Biyernes may ilang makatarungang mga tao ang lumabas mula sa kanilang sepulkro – sinasabi nila na sinabi ng anghel na katulad Niya ang isa na hindi kailanman namatay.  At sa katunayan tila ganyan kung papaano Siya nakikita ng mga babae. Ngunit ang dalawa sa amin, dalawang hepe, ay pumunta sa Sepulkro. At habang nakita nila itong walang laman, katulad ng sinabi ng mga babae, hindi nila Siya nakita doon o kahit saan pa man. At ito ay isang malaking kapanglawan, sapagkat hindi na namin malaman kung ano ang iisipin!»

⁶«O! gaano kayo katanga at kahirap maintindihan! At gaano kayo kabagal sa paniniwala sa mga salita ng mga propeta! At hindi ba’t ang lahat na iyan ay nasabi na? Ang pagkakamali ng Israel ay ito: napagkamalan nila ang interpretasyon ng pagiging hari ng Kristo. Iyan kung bakit hindi siya pinaniwalaan. Iyan kung bakit Siya ay kinatakutan. Iyan kung bakit kayo ngayon ay nasa pagdududa na. Sa matataas na lugar, sa mabababang lugar, sa Templo, sa mga nayon, kahit saan ang mga tao ang iniisip ay isang hari ayon sa pagkataong kalikasan. Ang pagtatayong muli ng Kaharian ng Israel ay hindi limitado, sa isip ng Diyos, sa panahon, sa espasyo at sa pamamaraan, katulad na ito ay limitado sa inyo.

Hindi sa panahon: walang kaharian, kahit na ang pinaka makapangyarihan na kaharian,  ang eternal. Alalahanin ang malalakas na Paraon na naniil sa mga Hudyo noong mga araw ni Moses.  Ilang mga dinastiya ang nagkaroon ng katapusan, at tanging mga walang-kaluluwang momya lamang ang natira sa kanila sa ilalim ng lihim na mga libingan! At alaalang labí , kung kahit iyan ay naririyan pa, ng kanilang kapangyarihan nang isang oras, at mas kulang pa nga, kung susukatin natin ang kanilang mga siglo sa pamamagitan ng eternal na Panahon. Ang Kaharian na ito ay eternal.

Sa Espasyo. Iyon ay tinawag: Kaharian ng Israel. Sapagkat ang angkan ng lahi ng tao ay nanggaling sa Israel; sapagkat sa Israel ay nariyan, sa isang pananalita, ang binhi ng Diyos; at kung gayon, sa pagsasabing Israel, ang ibig sabihin: ang kaharian ng mga nilikha ng Diyos. Ngunit ang pagiging hari ng Haring Mesiyas ay hindi limitado sa maliit na espasyo ng Palestina, bagkus ito ay umaabot mula hilaga hanggang timog, mula silangan patungo kanluran, saan man may nilikha na may espiritu sa katawan nito, ibig sabihin, saan man may isang tao. Papaano ang isang tao na nag-iisa lamang iipunin sa ilalim niya ang lahat na mga tao, na palaban sa isa't isa, at pormahin ang isa lamang na kaharian, nang hindi nagpapadanak ng mga ilog ng dugo at pailaliman silang lahat sa pamamagitan ng malupit na mga paniniil ng armadong mga tao? Kung gayon, papaano sana Siya naging isang mapayapang hari na binanggit ng mga propeta?

Sa pamamaraan: ang pantaong pamamaraan, sinabi Ko, ay paniniil. Ang mas mataas pa sa tao na pamamaraan ay pagmamahal. Ang una ay laging limitado, sapagkat ang mga tao ay nagrerebelde laban sa naniniil. Ang huli ay walang limitasyon, sapagkat ang pagmamahal ay minamahal o, kung ito ay hindi minamahal, ito ay pinagtatawanan. Ngunit sa dahilan na ito ay espirituwal, hindi ito maaaring atakihin nang diretso. At ang Diyos, ang Walang-hangganan, ay gusto na ang pamamaraan ay maging katulad Niya Mismo. Gusto Niya kung ano ang hindi limitado, sapagkat Siya ay eternal: ang espiritu; kung ano ang pag-aari ng espiritu; kung ano ang nagdadala sa Espiritu. Iyan ang naging pagkakamali: na ang mga tao ay nilikha sa kanilang mga isip ang isang pang-Mesiyas na idea na mali sa pamamaraan at porma.

Ano ang pinakamataas na pagkahari? Ang pagkahari ng Diyos. Hindi ba’t ito? Kung gayon, ang Admirableng ito, ang Immanuel na ito, ang Banal na ito, ang nobleng Mikrobyong  ito, ang Malakas na ito, ang Ama ng hinaharap na siglong ito, ang Prinsipe ng kapayapaan na ito, ang Diyos na ito na katulad Niya mula kung Kanino Siya nanggaling, sapagkat ganyan Siya pinangalanan at ganyan din ang Mesiyas, hindi ba Siya magkakaroon ng isang pagkahari katulad ng pagkahari Niya Na lumikha sa Kanya? Siyempre, magkakaroon Siya! Isang pagkahari na ganap na espirituwal at eternal, libre sa karahasan at sa dugo, walang malay ng mga pagkakanulo at pag-abuso ng kapangyarihan. Ang Kanyang Pagkahari! Ang paghaharing pinagkakaloob din ng Eternal na Kabutihan sa abang mga tao, upang mabigyan ng karangalan at lugod ang Kanyang Salita.

⁷Ngunit hindi ba’t sinabi ni David na ang makapangyarihang Haring ito ay napailalim sa Kanyang mga paa ang lahat na mga bagay bilang isang tuntungan? Hindi ba’t sinalarawan ni Isaiah ang lahat ng Kanyang Pasyon, at si David ba ay hindi niya binilang, sa isang pananalita, ang lahat ng Kanyang mga pahirap? At hindi ba’t sinabi na Siya ay ang Tagapagligtas at Tagapagtubos, Na sa pamamagitan ng Kanyang holokausto ay maililigtas ang makasalanang sangkatauhan? At hindi ba’t sinabi, at si Jonah ang tanda, na sa loob ng tatlong araw Siya ay lululunin ng walang-pagkabusog na tiyan ng Lupa, at pagkatapos Siya ay iluluwa katulad na ang propeta ay iniluwa ng balyena? At ito ba ay hindi sinabi Niya: “Ang Aking Templo, na siyang ang Aking Katawan, sa ikatlong araw pagkatapos na sinira, ay itatayo Kong muli (ibig sabihin, ng Diyos)?” At ano ang inakala ninyo? Na sa pamamagitan ng mahika itatayo Niyang muli ang mga pader ng Templo? Hindi. Hindi ang mga pader. Bagkus ang Sarili Niya. At Diyos lamang ang makapagbabangon ng Kanyang Sarili mula sa kamatayan, Naibangon na Niya ang totoong Templo: ang Kanyang Katawan ng Kordero. Isinakripisyo, katulad na tinanggap ni Moses ang utos at ang propesiya, upang ihanda ang “pagdaan” mula kamatayan patungo sa Buhay, mula sa pagkaalipin patungo sa kalayaan, ng mga tao, ng mga anak ng Diyos at mga alipin ni Satanas.

Papaano Siya bumangon? tinatanong ninyo ang isa't isa. Tumutugon Ako: Siya ay bumangon kasama ang Kanyang Katawan at ang kanyang Dibinong Espiritu na naninirahan doon, katulad na sa bawat mortal na katawan ay may naninirahan na kaluluwa bilang reyna ng puso. Ganyan kung papaano Siya bumangon pagkatapos na paghirapan ang lahat upang mabayaran-sala ang lahat, at makagawa ng pagwawasto para sa primitibong Pagkakasala at para sa di-mabilang na mga pagkakasal na nagagawa araw-araw ng Sangkatauhan. Siya ay bumangon katulad na ito ay nasabi sa ilalim ng belo ng mga propesiya. Siya ay dumating sa Kanyang oras, pinaaalalahanan Ko kayo tungkol kay Daniel, sa Kanyang oras Siya sinakripisyo. At makinig at tandaan, sa oras na hinulaan pagkatapos ng Kanyang kamatayan ang mamamatay-diyos na bayan ay sisirain.

⁸Pinapayuhan Ko kayo na ito ang gawin: basahin ang mga propeta sa pamamagitan ng inyong mga kaluluwa, hindi ng inyong mapagmalaking mga isip, mula sa simula ng Aklat hanggang sa mga salita ng Sinakripisyong Salita: alalahanin ang Prekursor na nagturo sa Kanya bilang ang Kordero; sariwain sa isip kung ano ang kapalaran ng masimbolong kordero ng panahon ni Moses. Ang panganay na anak ng Israel ay nailigtas sa pamamagitan ng dugo na iyon. Sa pamamagitan ng Dugong ito ang panganay ng Diyos ay maliligtas, ibig sabihin, ang mga tao na sa pamamagitan ng mabuting kalooban nagawa nila ang kanilang mga sarili na sagrado sa Panginoon. Alalahanin at intindihin ang tungkol sa Mesiyas na salmo ni David at ang propeta tungkol sa Mesiyas na si Isaiah. Alalahanin si Daniel, sariwain sa inyong mga isipan, ngunit itinataas ang mga ito mula sa dumi ng lupa patungo sa selestiyal na asul, alalahanin ang bawat salita tungkol sa pagkahari ng Santo ng Diyos, at maiintindihan ninyo na walang iba na mas makatarungan pa at mas malakas pang tanda na maibibigay sa inyo kaysa ng pananagumpay na ito sa Kamatayan, kaysa sa Resureksiyon na ito na ginawa Niya Mismo. Alalahanin na iyon ay magiging kontra sa Kanyang awa at sa Kanyang misyon na parusahan mula sa itaas ng Kanyang Krus ang mga naglagay sa Kanya roon. Siya pa rin ang Tagapagligtas, kahit na kung Siya ay ang Ipinako Na pinagtatawanan at ipinako sa isang intablado! Ang Kanyang mga galamay ay ipinako, ngunit ang Kanyang espiritu at kalooban ay malaya. At sa pamamagitan ng huli ginusto Niyang maghintay, upang mabigyan ang mga makasalanan ng panahon na maniwala at mapanawagan ang Kanyang Dugo sa kanilang mga sarili, hindi sa pamamagitan ng mapaglapastangang mga sigaw, bagkus ng mga daing ng pagsisisi.

⁹Ngayon Siya ay nakabangon na. Natapos na Niya ang lahat. Maluwalhati Siya bago ang Kanyang engkarnasyon. Talong ulit Siyang maluwalhati ngayon na, bilang pinahiya ang Kanyang Sarili sa isang katawan sa loob ng maraming mga taon, sinakripisyo Niya ang Kanyang Sarili, itinataas ang Pagsunod sa perpeksiyon ng pagpapapatay sa krus upang papangyarihin ang Kalooban ng Diyos. Maluwalhating-maluwalhati, sa pamamagitan ng Kanyang naluwalhating Katawan, ngayon na Siya ay umaakyat patungo sa Langit, at pinapasok ang eternal na Kaluwalhatian, sinisimulan ang Kaharian na hindi naintindihan ng Israel. Patungo sa Kaharian na ito, sa mas mapilit at mas mapilit pang pamamaraan, sa pamamagitan ng pagmamahal at ng awtoridad na punung-puno Siya, tinatawag Niya ang mga tribu ng mundo. Katulad nang inaasahan at hula ng makatarungan ng Israel at ng mga propeta, ang lahat na mga tao ay pupunta sa Tagapagligtas. At hindi na magkakaroon ng mga Judaean o mga Romano, mga Scythian o mga Aprikano, mga Iberian o mga Celt, mga Ehipsiyo o mga Phrygian. Ang lupain sa ibayo ng Euphrates ay dudugtong sa mga bukal ng walang-tigil na Ilog. Ang mga Hyperborian katabi ang mga Numidian ay dudulog sa Kanyang Kaharian, at ang mga lahi at mga wika ay mawawala. Hindi na magkakaroon ng iba't ibang mga kaugalian at iba't ibang kulay ng mga balat at buhok, bagkus magkakaroon ng isang di-masusukat na matatalinong purong mga tao, isang wika lamang at isang pagmamahal. Ito ay ang magiging Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ng Langit. At eternal na Monarkiya: ang Sinakripisyong Panginoon Na bumangon na muli mula sa kamatayan. Ang eternal na nasasakupan: ang mga naniniwala sa Kanyang Pananampalataya. Maniwala, upang makasama rito.

¹⁰Naririto ang Emmaus, Aking mga kaibigan. Ako ay papunta sa mas malayo pa. Walang pagtigil ang ipinagkaloob sa Manlalakbay Na kailangan na maglakbay nang malayo.»

«Ginoo, kayo ay mas may-alam pa kaysa sa isang rabbi. Kung Siya ay hindi patay, sasabihin namin na Siya ay nagsalita sa amin. Gusto namin na makarinig nang mas marami pa at mas malawak na katotohanan mula sa inyo. Sapagkat ngayon, kami ay katulad ng mga tupa na walang isang pastol, nabalisa ng bagyo ng poot ng Israel, at hindi na namin maintindihan ang mga salita ng Aklat. Gusto ba ninyong sumama kami sa inyo? Tingnan, patuloy ninyong matuturuan kami, kinukumpleto ang gawain ng Guro Na kinuha mula sa amin.»

«Nasa inyo Siya sa gayong katagal na panahon at hindi ba Niya nakumpleto ang Kanyang mga tagubilin sa inyo? Hindi ba’t ito ay isang sinagoga?»

«Oo, ito nga. Ako si Cleopas, ang anak ni Cleopas ang Lider ng sinagoga na namatay sa kaluguran ng pagkakakilala sa Mesiyas.»

«At hindi pa ba kayo nagtagumpay sa paniniwala nang may maliwanag na matatag na pananampalataya? Ngunit ito ay hindi ninyo kagagawan. Pagkatapos ng Dugo, ang Apoy ay wala pa. At pagkatapos kayo ay maniniwala, sapagkat maiintindihan na ninyo. Paalam.»

«O ginoo, halos gabi na at ang araw ay nagsisimula nang lumubog. Kayo ay pagod at uhaw. Pumasok kayo. Manatiling kasama namin. Magsasalita kayo sa amin tungkol sa Diyos, habang nagsasálo tayo sa tinapay at asin.»

¹¹Si Jesus ay pumasok at pinagsisilbihan nila Siya sa pamamagitan ng kaugalian ng pag-aaruga ng mga Hudyo, inaalok Siya ng mga inumin at tubig para sa Kanyang pagod na mga paa.

Pagkatapos sila ay naupo sa mesa at ang dalawa ay pinakiusapan Siya na siyang mag-alay ng pagkain para sa kanila.

Si Jesus ay tumayo hawak ang tinapay sa loob ng mga palad ng Kanyang mga kamay, at itinataas ang Kanyang mga mata sa mapulang kalangitan ng gabi, sinasawika Niya ang pagpapasalamat para sa pagkain at naupo. Hinahati Niya ang tinapay at binibigay ang ilan sa Kanyang dalawang kasama. At, sa paggawa nito, naibubunyag ang Kanyang Sarili kung sino Siya: ang Bumangon na Panginoon. Hindi Siya ang maningning na Bumangon na Panginoon Na nagpakita sa iba na mas mahal sa Kanya. Ngunit Siya ay si Jesus Na puno ng mahestad, na ang mga sugat malinaw na malinaw na makikita sa Kanyang mahahabang kamay: pulang mga rosas sa kaligiran ng kulay-gatas ng Kanyang balat. Isang Jesus na buháy na buháy sa Kanyang nabuong-muli na Katawan. Ngunit Siya ay maliwanag din na Diyos sa mahestad ng Kanyang mga mata at ng lahat ng Kanyang aspekto.

Ang dalawa ay nakilala Siya at bumagsak sa kanilang mga tuhod... Ngunit noong naglakas loob silang itaas ang kanilang mga mukha, wala nang naiwan sa Kanya maliban sa nahating tinapay. Kinuha nila ito at hinahalikan. Ang bawat isa sa kanila ay kinuha ang kanyang kapiraso at pagkatapos na mabalot ito sa linen na tela, inilagay niya ito, katulad ng isang relikya, sa kanyang dibdib.

Sila ay umiiyak nagsasabing: «Siya iyon! At hindi natin Siya nakilala. Gayunpaman hindi mo ba naramdaman ang pag-apoy ng iyong puso sa loob mo habang Siya ay nagsasalita at pinaliliwanag ang mga Iskriptura sa atin?»

«Oo, naramdaman ko. At ngayon tila nakikita ko Siyang muli. At sa liwanag na nagmumula sa Langit. Ang liwanag ng Diyos. At nakikita ko na Siya ay ang Tagapagligtas.»

«Tayo na. Hindi na ako nagugutom at napapagod. Tayo na at sabihan natin ang mga disipulo ni Jesus sa Herusalem.»

«Tayo na. O! Sana kinasiyahan ng aking matandang ama ang kaluguran ng oras na ito!»

«Huwag mong sabihin iyan! Kinalugdan niya ito nang higit pa sa atin. Nang walang mga belo na ginamit dala ng awa para sa kahinaan ng ating laman, siya, ang makatarungan na Cleopas, sa pamamagitan ng kanyang espiritu ay nakita niya ang Anak ng Diyos na pinasok muli ang langit. Tayo na! Tayo na! Darating tayo sa kalaliman ng gabi. Ngunit kung gugustuhin Niya, makakakita Siya ng paraan na tayo ay makaraan. Kung nabuksan Niya ang mga tarangkahan ng kamatayan, tiyak na mabubuksan Niya ang mga geyt ng mga pader! Tayo na.»

At sa loob ng ganap na purpurang paglubog-ng-araw, naglalakad sila nang mabilis patungong Herusalem.

161012

 

 



Sunod na kabanata