623. Si Jesus Nagpakita sa Sampung Apostol.

Abril 6, 1945.

¹Sila ay nag-ipun-ipon sa silid-Hapunan. Maaaring ngayon ay kalaliman na nang gabi, sapagkat walang ingay ay nanggagaling sa kalsada o sa bahay. Sa aking palagay ang lahat na mga naparito kanina ay nakaalis na patungo sa kanilang mga bahay o upang matulog, pagod katulad nila ng napakaraming emosyon.

Ang sampung apostol, sa halip, pagkatapos na makakain ng ilang isda, ang ilan nito ay nasa isang trey pa rin sa ibabaw ng isang patungan sa tabi, ay nag-uusap-usap sa loob ng liwanag ng nag-iisang maliit na apoy ng tsandelyer, ang isang pinakamalapit sa mesa, kung saan sila mga nakaupo pa rin. Ang kanilang pag-uusap ay putul-putol, at tila mga monologong pakinggan, dahil ang bawat isa ay tila kinakausap ang sarili, kaysa ang kanyang kasamahan. At ang iba ay pinababayaan siyang magsalita, habang sila naman, ay ganap na iba ang pinag-uusapan. Ngunit mararamdaman ng isa na ang mga pabagu-bagong mga pag-uusap na ito, na nagpapaalaala sa akin ng mga rayos ng sirang gulong, ay tungkol lagi sa iisang paksa, na siyang ang sentro nito, kahit na kung sila ay malayung-malayong magkakaugnay, at ito ay si Jesus.

²«Sana si Lazarus ay hindi napagkamalan ang pag-intindi, at na ang mga babae ay mas nakaintindi nang mabuti kaysa sa kanya...» sabi ni Judas ni Alfeo.

«Anong oras ba ang sinabi ng binibining Romano na nakita niya Siya?» tanong ni Mateo.

Walang sumasagot sa kanya.

«Pupunta ako sa Capernaum bukas» sabi ni Andres.

«Anong ganda! Ang isaayos ang mga bagay-bagay sa pamamaraan na ang kamilya ni Claudia ay lalabas sa sandaling iyan lamang!» sabi ni Bartolomeo.

«Nagkamali tayo sa pag-alis kaagad ngayong umaga, Pedro... Kung tayo ay nanatili, nakita sana natin Siya katulad na nakita Siya ng Magdalena» sabi ni Juan na may pagbuntung-hininga.

«Hindi ko maintindihan kung papaano Siya nasa Emmaus at sa mansiyon na bahay nang magkasabay. At kung papaano Siya naririto kasama ang Kanyang Ina, at doon kasama ang Magdalena at sa bahay ni Johanna nang sabay-sabay...» sabi ni Santiago ni Zebedeo nagsasalita sa kanyang sarili.

«Siya ay hindi darating. Hindi pa ako naka-iyak nang sapat upang maging karapat-dapat nito... Tama Siya. Sasabihin ko na paghihintayin Niya ako ng tatlong araw dahil sa aking tatlong beses na pagtatwa. Papaano ko nagawa iyon?» 

«Gaanong nagbago ang anyo ni Lazarus? Sasabihin ko sa inyo: nagmumukha siyang isang araw mismo. Sa palagay ko nangyari iyon sa kanya katulad ng nangyari iyon kay Moses pagkatapos na makita niya ang Diyos. At kaagad pagkatapos – iyon ay totoo, hindi ba, kayong mga naroroon? - kaagad-agad pagkatapos noong inialay niya ang kanyang buhay!» sabi ng Zealot.

Walang sinuman ang nakikinig sa kanya.

³Si Santiago ni Alfeo ay humarap kay Juan at nagtanong: «Ano ang Kanyang sinabi sa mga mula sa Emmaus? Sa palagay ko tayo ay Kanyang inakusahan, hindi ba? Hindi ba’t sinabi Niya na ang lahat ay nangyari sapagkat tayong mga Israelita ay nabigong maintindihan ang kalikasan ng Kanyang Kaharian?»

Si Juan ay hindi siya pinapansin, at tumatalikod upang tingnan si Felipe, sinabi niya... sinasayang ang kanyang laway, hindi siya nagsasalita kay Felipe: «Sapat na para sa akin na malaman na Siya ay nakabangon na. At pagkatapos... At pagkatapos na ang aking pagmamahal ay sana lumakas pa nang lumakas. Napuna ninyo ito, eh! Kung iisipin ninyo ang mga bagay-bagay nang maayos, Siya ay nagpakita ayon sa proporsiyon ng pagmamahal na mayroon tayo: sa Ina, kay Maria ng Magdala, sa mga bata, sa aking ina at sa inyo, at pagkatapos kay Lazarus at may Martha... Kailangan Siya nagpakita kay Martha? Sasabihin ko na ito ay noong sina-awit niya ang salmo ni David: “Ang Panginoon ay ang aking Pastol, wala akong pagkukulang na kahit ano. Ibinaba Niya ako sa mga parang ng sariwang mga damo, dinala Niya ako sa mga tubig ng pagpapahingalay. Tinawag Niya ang aking kaluluwa sa Kanyang Sarili...” Naaalaala ba ninyo kung papaano niya patibukin nang marahas ang ating mga puso sa pamamagitan ng kanyang di-inaasahang awit? At ang mga salitang iyon ay konektado sa kung ano ang kanyang sinabi: “Tinawag Niya ang aking kaluluwa sa Kanyang Sarili”. Si Martha, sa katunayan, ay tila natagpuan niyang muli ang kanyang daan... Dati, siya, ang malakas na babae, ay nawawala!  Baka, noong tinawag siya, sinabi Niya sa kanya ang lugar kung saan gusto Niya Siya na mapunta. At higit pa rito, ito ay tiyak, sapagkat, kung binigyan siya Niya ng  isang pakikipagtagpo, maaaring alam Niya kung saan siya mapupunta. Ano ang kanyang ibig sabihin ng: “pagsagawa ng mga pangkasal”?»

Si Felipe, na tiningnan siya nang isang sandali, at pagkatapos iniwan siya upang magsalita sa kanyang sarili, ay nagsabi nang umuungol: «Kung Siya ay dumating, hindi ko malalaman kung ano ang aking sasabihin sa Kanya... Ako ay tumakbo... at ang pakiramdam ko tatakbo akong muli. Dati dahil sa takot sa mga tao. ngayon dahil sa takot sa Kanya.»

«Ang lahat ay nagsasabi: napakakisig Niya. Maaari ba Siyang maging mas makisig pa kaysa dati na Siya?» tanong ni Bartolomeo.

«Sasabihin ko sa Kanya: “Pinatawad Ninyo ako nang walang sinasabi kahit isang salita, noong ako ay isang publikano. Patawarin din Ninyo ako ngayon sa pamamagitan ng Inyong pananahimik. Sapagkat ang aking karuwagan ay hindi karapat-dapat ng Inyong Salita”» sabi ni Mateo.

«Si Longinus ay nagsabi na kanyang iniisip: “Hihingin ko ba sa Kanya na mapagaling o maniwala?” Ngunit ang kanyang puso ay nagsabi: “Ang maniwala”, at pagkatapos ang Tinig ay nagsabi: “Halika sa Akin”, at naramdaman niya na gusto niyang maniwala at na siya ay napagaling din nang kasabay. Ito ang eksaktong sinabi niya sa akin» wika ni Judas ni Alfeo.

«Ang aking isip ay laging nakapako sa idea na si Lazarus ay ginantimpalaan kaagad dahil sa kanyang pag-aalay... Sinabi ko rin: “Ang aking buhay para sa Inyong kaluwalhatian”. Ngunit Siya ay hindi dumating» sabi ng Zealot nang may pagbuntung-hininga.

⁴«Ano sa palagay mo, Simon? Dahil ikaw ay isang may-pinag-aralan na tao, sabihin sa akin: ano ng aking sasabihin sa Kanya upang magawang maintindihan Niya na minamahal ko Siya at humihingi ako ng kapatawaran Niya? At ikaw, Juan? Nakipagusap ka nang matagal sa Ina. Tulungan mo ako. Kung ikaw ay mahabagin, hindi mo maiiwanan ang kaawa-awang Pedro nang nag-iisa!»

Si Juan ay naaawa sa kanyang pinanghihinaan-ng-loob na kasamahan at nagsabi: «Bueno... sasabihin kong simply sa Kanya: “Minamahal ko Kayo”. Ang pagsisisi at ang kagustuhan na mapatawad ay kasama na rin sa pagmamahal. Ngunit... hindi ko alam. Simon, ano sa palagay mo?»

At ang Zealot: «Sasabihin ko kung ano ang sigaw para sa mga himala: “Jesus, maawa sa akin!” Sasabihin ko: “Jesus”. Wala nang iba pa. Sapagkat Siya ay magpahanggang ngayon mahigit pa kaysa sa Anak ni David!»

«Iyan ang eksaktong iniisip ko at nagagawa akong panginigin. O! itatago ko ang aking ulo... Sa umaga rin ngayon natatakot akong makita Siya at...»

«... at pagkatapos ikaw ang unang pumasok. Ngunit huwag matakot. Iisipin ng isa na hindi mo Siya kilala» sabi ni Juan pinalalakas ang loob niya.

⁵Ang silid ay lumiwanag nang matingkad, na tila may nakasisilaw na kislap. Ang mga apostol ay tinatakpan ang kanilang mga mukha, natatakot na ito ay kidlat. Ngunit wala silang napapakinggan na ingay at tinaas nila ang kanilang mga ulo.

Si Jesus ay nasa gitna ng silid, malapit sa mesa. Inuunat Niya ang Kanyang mga kamay nagsasabing: «Kapayapaan sa inyo.»

Walang tumutugon. Ang iba ay nagmumukhang mas maputla, ang iba namumula, tinitingnan nila Siyang lahat nang may takot at kahihiyan. Sila ay nahahalina at nananabik din na tumakbo.

Si Jesus ay humakbang nang isa paabante, ngumingiti nang mas maningning. «Ngunit huwag matakot! Ako ito. Bakit kayo balisang-balisa? Hindi ba kayo nagugustong makita Ako? Hindi Ko ba sinabi sa inyo na Ako ay darating? Hindi Ko ba sinabi sa inyo noong gabi ng Paskuwa?»

Walang mangahas na magbukas ng kanyang bunganga. Si Pedro ay umiiyak na, at si Juan ay ngumingiti na, habang ang Kanyang dalawang pinsan, na may nagniningning na mga mata at mga labing nanginginig nang walang binibigkas na kahit anong salita, ay nagmumukhang dalawang estatwa na kumakatawan sa pagmimithi.

«Bakit may mga kaisipan kayo sa inyong mga puso na ibang-iba sa pagitan ng pagdududa at pananampalataya, pagmamahal at takot? Bakit gusto pa ninyong maging laman at hindi espiritu, at sa pamamagitan ng huli lamang makakita, makaintindi, makahusga, makakilos? Ang inyo bang lumang mga kaakuhan hindi pa nasusunog nang ganap ng kapighatian, at ang inyong bagong mga kaakuhan hindi pa nakabangon patungo sa isang bagong buhay? ⁶Ako si Jesus. Ang inyong Jesus, Na bumangon mula sa kamatayan, katulad ng Kanyang sinabi. Tingnan, Juan, na siyang nakakita sa Aking mga sugat, at kayong lahat, na hindi nakababatid ng Aking pahirap. Sapagkat ang inyong nalalaman ay ibang-iba sa eksaktong kaalaman na mayroon si Juan. Halika, maging ang una. Ikaw ay ganap nang nalinisan. Napakalinis na mahihipo mo Ako nang walang kahit anong ikatatakot. Ang pagmamahal, pagsunod, katapatan ay nalinisan ka na. Ang Aking Dugo, na nagbasâ sa iyo nang ganap noong ibinaba ninyo Ako mula sa Krus, ay nakatapos sa paglilinis sa iyo. Tingnan. Ito ay tunay na mga kamay at tunay na mga sugat. Tingnan ang Aking mga paa. Nakikita mo ba na ang marka ay ang gawa ng pako? Oo. Ito ay talagang Ako at hindi isang multo. Hipuin Ako. Ang mga multo ay walang mga katawan. Ako ay may tunay na laman sa isang tunay na kalansay.» Pinapatong Niya ang Kanyang kamay sa ulo ni Juan sa naglakas-loob na lumapit sa Kanya: «Nararamdaman mo ba ito? Ito ay mainit at mabigat.» Hinihingahan Niya siya sa kanyang mukha: «At ito ang Aking hininga.»

«O! aking Panginoon!» si Juan ay bumubulong, napaka...

«Oo. Ang iyong Panginoon. Juan, huwag umiyak dahil sa takot at pagmimithi. Halika sa Akin. Ako ang laging isa na nagmamahal sa iyo. Tayo ay maupo, katulad nang dati, sa mesa. Wala ba kayong makakain? Bueno, ibigay ninyo iyan sa Akin.»

Si Andres at si Mateo, na may paggalaw katulad ng mga naglalakad nang gising, mula sa mga panabing patungan ay kumuha ng tinapay at isda, at isang trey na may isang bahay-pukyutan, na ang isang kanto nito ay nasipsip na.

Si Jesus ay inaalay ang pagkain at kumakain, at binibigyan ang bawat isa sa kanila ng kaunti ng Kanyang kinakain. At tinitingnan Niya sila. Siya ay napakabait at napaka mahestuwoso na sila ay napaparalisa.

⁷Si Santiago, ang kapatid ni Juan, ay ang una na naglakas-loob na magsalita: «Bakit Ninyo kami tinitingnan nang ganyan?»

«Sapagkat gusto Kong makilala kayo.»

«Hindi pa ba Ninyo kami kilala?»

«Katulad na hindi ninyo Ako kilala. Kung kilala ninyo Ako, malalaman ninyo kung sino Ako at kung gaano Ko kayo minamahal, at makatatagpo kayo ng mga salita na masabi sa Akin ang inyong pahirap. Kayo ay tahimik, na tila kayo ay nasa harapan ng isang makapangyarihan na estranghero na inyong kinatatakutan. Hindi pa nagtatagal kayo ay nagsasalita... Sa loob ng halos apat na araw kayo ay nagsasalita nang nagsasalita sa inyong mga sarili nagsasabing: “Sasabihin ko ito sa Kanya... nagsasabi sa Aking Espiritu: “Bumalik Kayo, Panginoon, upang sana masabi ko sa Inyo ito”. Ngayon Ako ay naparito, at kayo ay tahimik? Ako ba ay nagbago nang labis na Ako ay tila hindi na ang Aking Sarili sa inyo? O kayo ay labis na nagbago na Ako ay hindi na ninyo minamahal?»

Si Juan, nakaupo malapit kay Jesus, ay ginagawa ang dati niyang ginagawa ng pagsasandal ng kanyang ulo sa dibdib ni Jesus, habang bumubulong siya: «Minamahal ko Kayo, aking Diyos», ngunit siya ay nanigas, napipigilan ang gayong pagpapabaya dala ng paggalang para sa nagniningning na Anak ng Diyos. Sapagkat si Jesus ay tila dumadanak ng isang liwanag, bagama't  ang Kanyang Katawan ay katulad ng atin.

Ngunit si Jesus ay kinabig siya sa Kanyang dibdib, at pagkatapos si Juan ay pinabayaan ang kanyang luha na tumulo. At ito ang tanda para sa lahat na gawin din ang ganito.

⁸Si Pedro, dalawang upuan sa likuran ni Juan, ay bumagsak sa kanyang mga tuhod sa pagitan ng mesa at ng upuan at siya ay umiiyak sumisigaw: «Patawarin ako, patawarin ako! Ilabas ako sa impiyernong itong kinaroroonan ko nang napakaraming oras. Sabihin sa akin na nakita Ninyo ang aking pagkakamali para sa kung ano iyon. Hindi pagkakamali ng espiritu, bagkus ng laman na nangibabaw sa aking puso. Sabihin sa akin na nakita Ninyo ang aking pagsisisi... Ito ay tatagal hanggang sa aking kamatayan. Ngunit... ngunit sabihin sa akin na hindi ko kailangan na katakutan Kayo bilang Jesus... at ako, at ako... magsisikap akong umasal nang napakabuti, katulad na magawa rin ang Diyos na patawarin ako... at mamatay... nang mayroon lamang ng isang mahabang purgatoryo upang maghirap.»

«Halika rito, Simon ni Jonah.»

«Natatakot ako.»

«Halika rito. Huwag na mulling maging duwag.»

«Hindi ako karapat-dapat na málapit sa Inyo.»

«Halika rito. Ano ang sinabi ng Aking Ina sa iyo? “Kung hindi mo Siya titingnan sa veronica na ito, hindi ka na kailanman magkakaroon ng lakas-ng-loob na tingnan Siya muli”. O hangal na tao! Ang Mukha bang iyon ay hindi sinabi sa iyo sa pamamagitan ng namimighating tingin niyon na naintindihan kita at pinatawad kita? Subalit binigay Ko ang linen na damit na iyon bilang kaginhawahan, gabay, pagpapatawad at pagpapalà... Ngunit ano ang ginawa ni Satanas sa iyo upang mabulag ka nang labis? Ngayon sinasabi Ko sa iyo: kung hindi mo Ako titingnan ngayon, na naglagay Ako ng isang belo sa Aking kaluwalhatian upang maibagay Ko ang Aking Sarili sa iyong kahinaan, hindi mo na kailanman magagawang makalapit sa iyong Panginoon nang hindi natatakot. At pagkatapos ano ang mangyayari sa iyo? Magkakasala ka dala ng pagpapalagay. Gusto mo ba ulit ngayon na magkasala gawa ng katigasan ng ulo? Halika, sinasabi Ko sa iyo.»

Si Pedro ay kinakaladkad ang sarili sa kanyang mga tuhod, sa pagitan ng mesa at mga upuan, tinatakpan ang kanyang mukha ng kanyang mga kamay. Si Jesus ay pinatigil siya noong siya ay nasa Kanya nang paanan, sa pagpatong ng Kanyang kamay sa kanyang ulo. Si Pedro, umiiyak nang mas mapait, ay kinuha ang Kamay na iyon at hinahalikan ito, sa gitna ng marurubdob na hikbi nang walang pagpipigil. Nakapagsasabi lamang siya: «Patawarin ako! Patawarin ako!»

Si Jesus ay pinalaya ang Sarili mula sa kanyang pagkahawak at itinataas ang baba ng apostol sa pamamagitan ng Kanyang kamay, pinilit Niya siyang itaas ang kanyang ulo, at tinititigan Niya ang kanyang namulang, sunog na mga mata, pinahirapan ng pagsisisi, sa pamamagitan ng Kanyang Sariling malinaw na maningning na mga Mata. Tila gusto Niyang lagusin ang kanyang kaluluwa. Pagkatapos sinabi Niya: «Sige na. Alisin ang kahihiyan ni Judas mula sa Akin. Halikan Ako kung saan niya Ako hinalikan. Hugasan ng iyong halik ang tanda ng pagtataksil.»

Si Pedro ay itinaas ang kanyang ulo, habang si Jesus ay mas lalo pang yumuyuko, at hinihipo niya nang magaan ang Kanyang pisngi... pagkatapos ipinahinga niya ang kanyang ulo sa mga tuhod ni Jesus at nananatiling gayon... katulad ng isang matandang bata na nakagawa ng pagkakamali ngunit pinatawad.

⁹Ang iba, na nakikita na ngayon ang kabaitan ni Jesus, ay naging medyo naglalakas-loob, at nilalapitan nila Siya, hangga't magagawa nila.

Ang Kanyang mga pinsan ang unang lumapit... Gusto nila na magsalita nang labis, ngunit hindi sila nagtagumpay sa pagsasabi ng kahit ano. Si Jesus ay hinahaplos sila at pinalalakas ang kanilang loob sa pamamagitan ng Kanyang ngiti.

Si Mateo ay lumapit kasama si Andres. Si Mateo ay nagsabi: «Katulad sa Capernaum...», at si Andres: «Ako... Minamahal ko Kayo, oo.»

Si Bartolomeo ay lumapit umuungol: «Hindi ako naging marunong, bagkus tanga. Siya ay marunong» at tinuturo niya ang Zealot, kung kanino si Jesus ay ngumingiti na.

Si Santiago ni Zebedeo ay lumapit at bumulong kay Juan: «Kailangan na sabihan mo Siya...»; at si Jesus ay tumalikod at nagsabi: «Sinabi mo na ito sa loob ng apat na mga gabi, at kinaawaan kita sa lahat ng pagkakataon.»

Si Felipe, ang huli, ay lumapit na ganap na nakayukod. Si Jesus ay pinilit siyang itaas ang kanyang ulo at sinabi sa kanya: «Mas malaking lakas-ng-loob ang kinakailangan upang ituro ang Kristo.»

¹⁰Silang lahat ay nasa paligid Niya. Nakakuha sila ng lakas-ng-loob nang unti-unti. Natagpuan nilang muli kung ano ang nawala nila o kinatakutan na nawala na nang tuluyan sa kanila. Ang kompiyansa at kapanatagan ay muling lumitaw at, bagama't si Jesus ay mahestuwusong-mahestuwoso na nagagawa ang mga apostol na magkaroon ng isang bagong paggalang para sa Kanya, sa wakas nakatagpo sila ng lakas-ng-loob na magsalita.

Ito ay ang Kanyang pinsan na si Santiago na nagsabi nang may isang pagbuntung-hininga: «Bakit ginawa Ninyo ito sa amin, Panginoon? Alam naman Ninyo na kami ay walang kahit ano at na ang lahat ay nanggagaling sa Diyos. Bakit hindi Ninyo kami binigyan ng lakas na makapanatili sa tabi Ninyo?»

Si Jesus ay tinitingnan siya at ngumingiti.

«Ngayon ang lahat ay nangyari na. At hindi na Ninyo kinakailangan na maghirap pa ng kahit ano. Ngunit huwag na Ninyong hingin ang ganitong pagsunod mula sa akin ulit. Ako ay tumatanda ng limang taon oras-oras, at ang Inyong mga paghihirap, na pinalaki din ng pagmamahal at ni Satanas nang limang beses pa sa aking imahinasyon kaysa kung ano talaga sila, ay totoong kinain ang lahat ng aking lakas. Iniwan ko lamang kung ano ang kailangan ko upang makapagpatuloy na makasunod, hinahawakan, katulad ng isang nalulunod na ang kanyang mga kamay pilay, ang aking lakas sa pamamagitan ng aking kalooban, katulad ng mga ngipin na nakakagat sa isang tabla, upang hindi mamatay... O! huwag na Ninyong hingin sa Inyong ketongin ang ganyan ulit.»

Si Jesus ay tinitingnan si Simon Zealot at ngumingiti.

Panginoon, nalalaman Ninyo na ang aking puso ay gusto. Ngunit pagkaraan nawala na sa akin ang aking puso... na tila ang mga salbahe na humuli sa Inyo ay hinablot ito mula sa akin... at ako ay naiwan na may butas na sa pamamagitan nito ang lahat na mga kaisipan na mayroon ako dati ay nakawala. Bakit Ninyo ipinahintulot iyon, Panginoon?» tanong ni Andres.

«Ako... sasabihin mo na iyon ay ang iyong puso? Sasabihin ko na iyon ay isa na nawalan na ng kanyang pangangatwiran. Katulad ng isa na binambo sa batok. Noong, sa kalaliman n gabi, natagpuan ko ang aking sarili sa Jericho... o! Diyos! Diyos!... Ngunit ang isang tao ba ay maaaring mamatay nang gayon? Sasabihin ko na iyan kung ano ang katulad ng nalulukuban. Ngayon nabatid ko na kung ano ang nakakatakot na bagay na iyon!...» Si Felipe ay pinalalaki ang kanyang mga mata sa pag-alaala ng kanyang paghihirap.

«Tama si Felipe. Tinitingnan ko ang nakaraan. Ako ay matanda na at hindi nawawalan ng karunungan. At hindi ko alam ang kahit na anong nalaman hanggang sa oras na iyon. ¹¹Tiningnan ko si Lazarus, napahihirapan nang labis ngunit lubos na nakatitiyak sa kanyang sarili at sinabi ko sa aking sarili: “Ngunit papaano ito naging posible na alam pa niya kung papaano mangatwiran at ako ay hindi na makatagpo ng kahit na ano?» sabi ni Bartolomeo.

«Ako ay tinitingnan ko rin sa Lazarus. At sa dahilan na hindi ko halos alam kung ano ang pinaliwanag Ninyo sa amin, hindi ko iniisip ang tungkol sa kaalaman. Bagkus sinabi ko sa aking sarili: “Kung sana ang aking puso naging katulad man lamang ng kanya!”;  sa halip wala akong naramdaman bagkus kapighatian, kapighatian, kapighatian. Si Lazarus ay napamighati ngunit may kapayapaan... Bakit ang labis na kapayapaan para sa kanya?»

Si Jesus ay lumingon upang tingnan si Felipe muna, pagkatapos si Bartolomeo at pagkatapos sa Santiago ni Zebedeo. Siya ay ngumingiti at nananahimik.

Si Judas ay nagsabi: «Umaasa ako na makikita ko kung ano ang tiyak na nakita ni Lazarus. Iyan kung bakit ako laging malapit sa kanya... Ang kanyang mukha!... Isang salamin. Bago maganap ang lindol noong Biyernes katulad niya ang isang tao na nadurog ng kamatayan. Pagkatapos bigla na lamang siyang naging kahanga-hanga sa kanyang kapighatian. Naaalaala ba ninyo noong sinabi niya: “Ang naisagawang katungkulan ay nagbibigay ng kapayapaan”? Akala nating lahat iyon ay isa lamang paninita para sa atin o isang pagsang-ayon para sa kanyang sarili. Ngayon iniisip ko na sinabi niya iyon na Kayo ang Kanyang tinutukoy. Si Lazarus ay katulad ng isang parola sa aming kadiliman. Gaano Ninyo siya binigyan, Panginoon!»

Si Jesus ay ngumingiti at tahimik.

«Oo. Ang kanyang buhay. At baka kasama nito binigyan Ninyo siya ng ibang kaluluwa. Sapagkat, pagkatapos man ng lahat, ano ba ang kanyang kaibahan sa amin? Subalit siya ay hindi na isang tao. Siya ay isa nang bagay na mahigit pa sa isang tao, at kung iisipin kung ano siya noong nakaraan, siya ay magiging mas lalong hindi perpekto sa espiritu kaysa sa amin. Ngunit nagawa niya ang kanyang sarili, at kami... Panginoon, ang aking pagmamahal ay nawala na ng laman katulad ng ilang mga tainga ng trigo. Ang naibunga ko lamang ay mga ipa» sabi ni Andres.

At si Mateo: «Hindi ako makahihingi ng kahit ano. Sapagkat ako ay tumanggap na ng labis sa pamamagitan ng aking kombersiyon. Siyempre! Gusto kong magkaroon kung ano ang mayroon si Lazarus. Isang kaluluwa na binigay Ninyo. Sapagkat iniisip ko rin katulad ng iniisip ni Andres...»

»Ang Magdalena at si Martha rin ay katulad ng mga parola. Maaaring ito ay ang kanilang lahi. Hindi ninyo sila nakita. Ang isa ay kabanalan sa katahimikan. Ang isa! Kung kami ay katulad ng isang bungkos sa paligid ng Banal na Ina, ito ay dahil si Maria ng Magdala ay pinagsama-sama kami sa pamamagitan ng mga apoy ng lakas-ng-loob ng kanyang pagmamahal. Oo. Sinabi ko: ang lahi. Ngunit kailangan kong sabihin: pagmamahal. Nalampasan nila kami sa pagmamahal. Iyan kung bakit sila ay naging kung ano sila» sabi ni Juan.

Si Jesus ay ngumingiti at laging tahimik.

«Ngunit sila ay tumanggap ng malaking gantimpala para doon...»

«Nagpakita Kayo sa kanila.»

«Sa tatlo sa kanila.»

«Kay Maria kaagad pagkatapos ng Inyong Ina...»

Malinaw na ang mga apostol ay may ikinalulungkot para sa mapribilehiyong mga aparisyon.

«Si Maria sa loob ng napakaraming oras ay alam na niya na Kayo ay bumangon na. At kami ay ngayon pa lamang namin Kayo nakikita...»

«Sila ay wala na sa pagdududa. Sa amin, sa halip, bueno... ngayon lamang namin nararamdaman na walang nágtapos. Bakit sa kanila, Panginoon, kung minamahal pa rin Ninyo kami at hindi Ninyo kami tinatanggihan?» tanong ni Judas ni Alfeo.

«Oo. Bakit sa mga babae, at lalo na kay Maria? Hinipo rin Ninyo ang kanyang noo, at sinasabi niya na tila siya nagsusuot ng isang eternal na korona. At sa amin, Inyong mga apostol, wala...»

¹²Si Jesus ay hindi na ngumingiti. Ang Kanyang Mukha ay hindi balisa, ngunit tumigil Siya sa pagngiti. Tinitingnan Niya nang seryoso si Pedro, na siyang huling nagsalita, nakakakuha ulit ng lakas-ng-loob habang nawawala ang kanyang takot, at sinabi Niya:

«Mayroon Ako noong labindalawang apostol. At minahal Ko sila nang buong puso Ko. Pinili Ko sila at katulad ng isang ina pinangalagaan Kong palakihin sila sa Aking Buhay. Ako ay walang lihim sa kanila. Sinabi Ko sa kanila ang lahat. Pinaliwanag Ko ang lahat. Pinatawad Ko ang lahat. Ang kanilang pagiging-tao, ang kanilang kawalang-pág-iisip, at ang kanilang katigasan-ng-ulo... lahat. At mayroon Ako noong ilang mga disipulo. Ang iba ay mayayaman at ang iba ay mahihirap na mga disipulo. Mayroon Ako noong mga babae na may isang malungkot na nakaraan o may maselan na pangangatawan. Ngunit ang mga apostol ang mga paborito.

Ang Aking oras ay dumating. Ang isa ay pinagkanulo Ako at binigay Ako sa mga tagapagpatay. Ang tatlo ay natutulog habang Ako ay pinagpapawisan ng dugo. Lahat sila, maliban sa dalawa, ay tumakbong may-karuwagan. Ang isa ay itinatwa Ako gawa ng takot, bagama't mayroon siyang halimbawa ng isa, na bata-pa at tapat. At, na tila ito ay hindi pa sapat, sa pagitan ng labindalawa mayroon Akong isang malubhang pagpapakamatay at isa na pinagdudahan ang Aking kapatawaran nang labis na tanging sa may kahirapan lamang at sa pamamagitan ng maternal na mga salita naniwala siya sa Awa ng Diyos. Upang, kung tiningnan Ko ang Aking grupo, kung tiningnan Ko ito sa pamamagitan ng mga mata ng tao, nasabi Ko sana: “Maliban kay Juan, tapat gawa nang pagmamahal, at ni Simon, tapat sa pagsunod, Ako ay wala nang mga disipulo”. Iyan sana ang Aking nasabi habang Ako ay naghihirap sa loob ng bakuran ng Templo, sa loob ng Praetorium, sa mga kalsada, sa Krus.

Nagkaroon Ako ng ilang mga babae--- At ang isa, ang pinaka makasalanan sa nakaraan, ay naging, katulad ng sinabi ni Juan, ang apoy na siyang nagdugtung-dugtong sa putul-putol na mga hibla ng mga puso. Ang babae ay si Maria ng Magdala. Ako ay iyong itinatwa at tumakbo ka. Hinarap niya ang kamatayan upang málapit sa Akin. Noong siya ay kanilang ininsulto, inalisan niya ng takip ang kanyang mukha, nakahandang tanggapin ang durâ at mga sampal, iniisip na sa ginawa niyang ito mas makakatulad niya ang ipinakong Hari. At noong ang mga tao ay tinutuya siya mula sa kaloob-looban ng kanilang mga puso dahil sa kanyang matatag na pananampalataya sa Aking Resureksiyon, nagpatuloy siyang maniwala. Bagama't napahihirapan, siya ay gumawa ng aksiyon. Noong siya ay nangungulila kaninang umaga sinabi niya: “Aalisan ko ang aking sarili ng lahat, ngunit ibigay sa akin ang aking Guro”. Makapangangahas ka pa bang magtanong sa Akin: “Bakit siya?”

Ako ay nagkaroon ng ilang abang mga disipulo: ang mga pastol. Hindi Ko sila nalalapitan nang madalas, subalit gaano kaagad-agad nila Akong kinikilala sa pamamagitan ng kanilang katapatan!

Ako ay nagkaroon ng ilang mahiyaing mga babaeng disipulo, katulad ng lahat na mga Hebreong babae. At sa kabila nito iniwan nila ang kanilang mga bahay at sa gitna ng isang nakapangingilabot na pulutong ng mga tao na nanunumpa sa Akin, pumunta sila upang ibigay sa Akin ang tulong na iyon na ipinagkait sa Akin ng Aking mga apostol.

Nagkaroon Ako ng ilang paganong mga babae na humahanga sa “pilosopo”. Ganyan Ako para sa kanila. Ngunit ang makapangyarihan na mga binibining Romano ay nagawa nilang ibaba ang kanilang mga sarili sa mga kaugalian ng mga Hebreo, upang sabihin sa Akin, sa oras na iyon na Ako ay pinabayaan ng isang walang-malasakit na mundo ng mga tao: “Kami ay Inyong mga kaibigan.”

¹⁴Ang Aking mukha ay natatakpan ng durâ at dugo. Mga luha at pawis ang tumutulo sa Aking mga sugat. Ang dumi at alikabok ay naninigas sa ibabaw ng mga ito. Kaninong mga kamay ang naglinis sa Akin? Ang iyo? O iyo? O iyo? Wala sa mga kamay ninyo. Ang lalaking ito ay malapit sa Aking Ina. Ang isang ito ay tinitipon ang nakakalat na mga tupa. Ikaw. At kung ang Aking mga tupa ay nakakalat, papaano nila Ako matutulungan? Itinatago ninyo ang inyong mga mukha, sapagkat natatakot kayo ng panunuya ng mundo, habang ang inyong Guro ay natatakpan ng panghahamak ng lahat ng mundo. At Siya ay inosente.

Ako ay nauhaw. Oo. Mas mabuti pang malaman din ninyo iyan. Ako ay namamatay sa uhaw. Ako ay walang iba bagkus temperatura at sakit. Ang Aking dugo ay dumaloy na sa Gethsemane, napadaloy ng kapighatian bilang pinagtaksilan, pinabayaan, itinatwa, binugbog, natabunan ng walang-hangganang mga kasalanan at ng paghihigpit ng Diyos. At ito ay dumanak din sa Praetorium... Sino ang naka-isip na magbigay ng isang patak ng tubig para sa Aking tuyong lalamunan? Isang kamay ng Israel? Hindi. Ang awa ng isang pagano. Ang kamay din na iyon na, sa pamamagitan ng eternal na dekreto, siyang nagbukas sa Aking dibdib upang ipakita na ang Aking Puso ay nagkaroon na ng isang mortal na sugat, ang sugat na ginawa ng kakulangan sa pagmamahal, ng karuwagan at ng pagtataksil. Isang pagano. Pinaaalalahanan Ko kayo: “Ako ay nauhaw at binigyan mo Ako ng inumin”. Ni wala kahit isang tao sa buong Israel ang nagbigay sa Akin ng kaginhawahan, dahil sa kawalan ng posibilidad na magawa ito, katulad ng sa kaso ng Aking Ina at ng tapat na mga babae, o dahil sa masamang kalooban. At para sa Di-kilalang Isa ang isang pagano ang nakatagpo ng awa na ipinagkait sa Akin ng Aking sambayanan. Sa Langit matatagpuan niya ang sipsip na binigay niya sa Akin.

Sinasabi Ko sa inyong totoo na, habang tinanggihan Ko ang lahat na mga kaginhawahan, sapagkat kapag ang isa ay isang Biktima hindi niya kailangang pagaanin ang kanyang kapalaran, hindi Ko ginustong tanggihan ang pagano, na sa kanyang inalok nalasahan Ko ang katamisan ng lahat ng pagmamahal na darating sa Akin mula sa mga Hentil, bilang pabuya para sa kapaitan na binigay sa Akin ng Israel, Hindi nito naalis ang Aking uhaw, ngunit naibsan nito ang Aking kalungkutan. Iyan kung bakit ginawa Ko ang hindi-pinansin na sipsip. Upang mailapit sa Akin siya na nakakiling na patungo sa Kabutihan. Pagpalain nawa siya ng Ama para sa kanyang habag!

¹⁵Hindi ka na ba nagsasalita? Bakit hindi mo ipagpatuloy na tanungin Ako kung bakit gayon ang Aking ginawa. Hindi ka ba naglalakas-loob na magtanong? Sasabihin Ko sa iyo. Sasabihin Ko sa iyo ang lahat ng mga bakit ng oras na ito.

Sino ba kayo? Aking mga tagapagpatuloy. Oo, kayo, sa kabila ng inyong pagkalito. Ano ang inyong gagawin? Ang kombertihin ang mundo sa Kristo. Kombertihin ito! Iyan ang pinakamaselan at pinakamahirap na bagay, Aking mga kaibigan. Ang galit, pagkasuklam, pagmamalaki, kalabisan na sigasig, ay lahat makakasamâ sa pagtagumpay. Ngunit, sa dahilan na walang anumang bagay at walang sinuman ang manghihikayat sa inyo na maging mabait, sumasang-yon, mapagkawanggawa sa mga nasa kadiliman, naging kailangan – naiintindihan ba ninyo? – naging kailangan para sa inyo, para matapos na ang lahat, na durugin ang inyong pagmamalaki ng mga Hebreo, ng mga lalaki, ng mga apostol, upang magkaroon lamang ng lugar para sa totoong karunungan ng inyong ministeryo: para sa kababaang-loob, pasensya, awa, pagmamahal na walang pagmamarangya at pagkasuklam.

Nakikita ninyo na ang lahat, sa pagitan ng inyong tinitingnan nang may panunuya o nang may pagmamalaki, ay nalampasan kayo sa paniniwala at sa paggawa. Lahat. Ang babae na nagkasala sa nakaraan. Si Lazarus, na tigmak sa lapastangan na kultura, ay ang una na sa Aking Pangalan ay nagpatawad at naggabay. At ang paganong mga binibini. At ang maselan na asawa ni Chuza. Maselan? Talagang nahigitan kayong lahat niya. Ang unang martir ng Aking pananampalataya. At ang mga sundalo ng Roma. At ang mga pastol. At ang Herodian na si Manaen. At kahit na si Gamaliel, ang rabbi. Huwag magulat, Juan. Sa akala mo ba ang Aking Espiritu ay nasa kadiliman noon? Lahat kayo. At sinasabi Ko ito upang sa hinaharap, naaalaala ang inyong pagkakamali, ay hindi sana ninyo isara ang inyong mga puso sa mga lumalapit sa Krus.

Sinasabi Ko sa inyo. At alam Ko na, bagama't sinasabi Ko sa inyo, hindi ninyo ito gagawin hanggang sa ang Lakas ng Panginoon ay binabaluktot kayong katulad ng mga siit sa Aking Kalooban, na siyang ang magkaroon ng mga Kristiyano sa buong Lupa. Natalo ang Kamatayan. Ngunit ito ay hindi kasing hirap ng lumang Hebraism. Ngunit babaluktutin Ko kayo.

¹⁶Ikaw, Pedro, sa halip na umiyak nang nanlulupaypay, sa dahilan na ikaw ay ang magiging ang Bato ng Aking Simbahan, iukit sa iyong puso ang mapait na mga katotohanan na ito. Ang mira ay ginagamit upang makapanatiling hindi nabubulok. Kung gayon, matigmak ka sa mira. At kapag gusto mong isara ang iyong puso at ang Simbahan sa sinuman ng ibang pananampalataya, alalahanin na hindi ang Israel, iyon ay hindi ang Israel, iyon ay hindi ang Israel, bagkus iyon ay ang Roma na nagsanggalang sa Akin at naawa sa Akin. Alalahanin na hindi ikaw, bagkus isang babae, isang makasalanan, ang nanatili sa paanan ng Krus at naging karapat-dapat na maging ang una na makakita sa Akin. At upang hindi maging karapat-dapat ng paninisi, maging ang tagapaggaya ng iyong Diyos. Buksan mo ang iyong puso at ang Simbahan nagsasabing: “Ako, ang kaawa-awang Pedro, ay hindi ko mamamaliit ang sinuman, sapagkat kung gawin ko, ako ay mamaliitin ng Diyos, at ang aking pagkakamali ay magiging buháy na muli sa Kanyang mga mata”. Kapahamakan sa iyo, kung hindi pa kita nabaluktot nang gayon! Hindi ka magiging isang pastol, bagkus isang lobo.»

¹⁷Si Jesus ay tumayo. Nagmumukha Siyang labis na kahanga-hanga.

«Aking mga anak. Magsasalita Ako sa inyo muli, habang nananatili Akong nakakasama pa ninyo. Ngunit, sa pansamantala, inaabsulbihan at pinatatawad Ko kayo. Harinawang ang kapayapaan ng kapatawaran ay mapunta sa inyo, pagkatapos ng pagsubok, na, bagama't nakapanghihiya at malupit, ay naging may-pakinabang at kinakailangan. At sa pamamagitan ng kapayapaan na ito sa loob ng inyong mga puso, maging Aking  matapat  na malalakas na kaibigan muli. Ang Ama ay pinadala Ako sa mundo. Pinadadala Ko kayo sa mundo upang ipagpatuloy ang Aking pag-eebanghelyo. Ang lahat na mga hinaing ay lalapit sa inyo humihingi ng kaginhawahan.. Maging mabait iniisip ang inyong hinaing noong kayo ay nag-iisang wala ang inyong Jesus. Maging naliliwanagan. Hindi posibleng makakita sa kadiliman. Maging dalisay upang magbigay ng kadalisayan. Maging pagmamahal, upang magbigay ng pagmamahal. Pagkatapos Siya ay darating, Na siyang Liwanag, Puripikasyon at Pagmamahal. Ngunit sa pansamantala, upang maihanda kayo sa inyong ministeryo, pinaaabot Ko sa inyo ang Banal na Espiritu. Para sa mga na ang kaninong mga kasalanan inyong pinatatawad , sila ay pinatatawad. Para sa mga na ang kaninong mga kasalanan inyong pinananatili, sila ay pinananatili. Harinawang ang inyong karanasan magawa kayong makatarungan sa paghuhusga. Harinawang ang Banal na Espiritu ay magawa kayong mga santo, upang sana kayo ay makapagpabanal. Harinawang ang inyong sinsirong hiling na mapangibabawan ninyo ang inyong mga kapintasan ay magawa kayong mga bayani para sa buhay na naghihintay sa inyo. Kung ano pa ang kailangan na masabi, sasabihin Ko sa inyo kapag ang inyong kasama na wala rito ngayon ay dumating na. magdasal para sa kanya. Manatili sa Aking kapayapaan at hindi nababalisa ng mga pagdududa tungkol sa Aking pagmamahal.»

At si Jesus ay nawala katulad nang Siya ay pumasok, nag-iiwan ng bakanteng espasyo sa pagitan ni Juan at ni Pedro. Siya ay nawala sa isang kislap na napakaningning na nagawa ang mga apostol na isara ang kanilang mga mata. At nang ang kanilang nasilaw na mga mata ay ibinukas muli, natagpuan nila na tanging ang kapayapaan lamang ni Jesus ang naiwan, isang sulô na umaapoy at pinagagaling at tinutupok ang kapaitan ng nakaraan sa isang tanging mithiin lamang: ang maglingkod.

201012

 

 



Sunod na kabanata