625. Si Jesus Nagpakita sa mga Apostol Kasama si Tomas. Talumpati Tungkol sa Pagpapari.

[Agosto 9, 1944]

¹Ang mga apostol ay nag-ipun-ipon sa loob ng silid-Hapunan, sa paligid ng mesa kung saan ang hapunan ng Paskuwa ay kinain. Ngunit dala ng paggalang, ang upuan sa gitna, na kay Jesus, ay iniwan na bakante.

Ang mga apostol din, ngayon na wala nang Isa Na siyang nagbubuklod at nagsasabi kung saan sila uupo ayon sa Kanyang kalooban o sa pagpili ng pagmamahal, ay iniupo ang kanilang mga sarili nang iba sa dati. Si Pedro ay nasa kanyang lugar pa rin. Ngunit si Judas Tadeo ay ngayon nasa lugar na ni Juan. Pagkatapos si Bartolomeo, ang pinakamatanda sa mga apostol, pagkatapos si Santiago, ang kapatid ni Juan, halos nasa kanto ng mesa sa kanang tabi, magpatungkol sa akin na nakatingin sa kanila. Si Juan ay nakaupo malapit kay Santiago, ngunit nasa mas maikling tabi ng mesa. Pagkatapos ni Pedro, sa halip, ay si Mateo, at pagkatapos niya si Tomas, pagkatapos si Felipe, pagkatapos si Andres, pagkatapos si Santiago, ang kapatid ni Judas Tadeo, at si Simon Zealot sa kabilang mga tabi. Ang mahabang tabi sa harapan ni Pedro ay bakante, dahil ang mga apostol ay nakaupo nang mas magkakalapit kaysa noong Paskuwa.

Ang mga bintana ay sarado at ang mga pinto ay nakatrangka. Ang lampara, na dalawang lugar lamang ang sinindihan, ay nagbibigay ng isang malabong liwanag lamang sa mesa. Ang iba pang lugar ng silid ay nasa mas madilim na liwanag.

Dahil may isang patungan sa likod ni Juan, siya ang naatasan ng gawain na magsilbi sa kanyang mga kasama kung ano ang kanilang gusto sa kanilang kaunting pagkain, na nilalaman ng isda, na nasa mesa na, tinapay, pulot at sariwang keso. Habang umiikot siyang muli pagawi sa mesa, upang ibigay sa kanyang nakatatandang kapatid ang keso na kanyang hinihingi, nakita ni Juan ang Panginoon.

²Si Jesus ay lumitaw sa kakaibang-kakaibang pamamaraan. Ang gitnang parte ng pader sa likuran ng mga apostol na mga nakaupo sa mesa – isang pader na ganap na isang buo maliban sa maliit na pintuan sa sulok – ay nagliliwanag mga isang metro mula sa sahig, na may isang mahinang nanginginang na liwanag, katulad ng binibigay na liwanag ng ilang maliliit na larawan, na nagliliwanag lamang sa dilim sa gabi. Ang liwanag, mga dalawang metro ang haba patayo, ay obalo, katulad ng isang nitso. Mula sa kaningningan, na tila Siya ay umaabante mula sa likuran ng nagliliwanag na mga belo ng ulap, si Jesus ay lumilitaw nang palinaw-nang-palinaw tingnan.

Hindi ko malaman kung nagawa kong maintindihan ang aking sarili. Ang Kanyang Katawan ay tila umaagos mula sa makapal na pader, na hindi nagbubukas. Nananatili itong solido, ngunit ang Katawan ay nakakaraan pa rin. Ang liwanag ang tila siyang unang pagpapakita ng Kanyang Katawan, ang nagbabalita ng Kanyang paglapit. Ang Katawan sa simula ay nilalaman ng malumanay na mga linya ng liwanag, katulad na nakita ko sa Langit ang Ama at ang banal na mga anghel: di-materyal. Pagkatapos unti-unti itong nagiging mas materyal, kinukuha ang aspekto ng isang tunay na katawan sa lahat na bagay, ang aspekto ng Kanyang Dibinong maluwalhating Katawan.

Natagalan ako sa paglalarawan nito, ngunit ito ay nangyari nang ilang segundo lamang.

Si Jesus ay nakadamit ng puti, katulad noong Siya ay bumangon at nagpakita sa Kanyang Ina. Napakakisig Niya, mapagmahal at ngumingiti. Nakatayo Siya na ang Kanyang mga kamay nasa Kanyang mga tabi lamang, medyo nakatikal nang kaunti sa Kanyang Katawan, ang mga palad ng Kanyang mga kamay nakaharap sa mga apostol. Ang dalawang sugat ng Kanyang mga kamay ay katulad ng mga diyamanteng bituin, mula kung saan dalawang napakaningning na sinag ang lumalabas. Hindi ko nakikita ang Kanyang mga Paa, natatakpan ng Kanyang tunika, o ang Kanyang Dibdib. Ngunit mula sa materyal ng Kanyang suot, na hindi galing sa Lupa, may lumalabas na liwanag kung saan natatakpan ang dibinong Sugat. Sa simula si Jesus ay tila walang iba bagkus isang Katawan ng kaputian ng buwan, pagkatapos, noong ito ay nabuo lumalabas sa labas ng pabilog na liwanag, ang Kanyang buhok, mga mata, balat ay nagkaroon ng kanilang natural na mga kulay. Sa maikling pananalita, ito ay si Jesus, ang Jesus-Tao-Diyos, ngunit nagmumukhang mas solemne ngayon na Siya ay nakabangon na.

³Si Juan ay nakita Siya noong Siya ay ganito na. Walang iba ang nakaalam tungkol sa aparisyon. Si Juan ay napatayong bigla, nabibitawan sa mesa ang pinggan ng maliit na pabilog na buong keso at, inilalagay ang kanyang mga kamay sa gilid ng mesa, yumuko siyang kaunti nang patagilid dito, na tila siya ay hinihigop ng batubalani, at sa isang mababang pigíl na tinig napabigkas siya nang lubos na madamdaming «O!».

Ang iba, na itinaas ang kanilang mga ulo mula sa pagtingin sa kanilang kinakainan na mga pinggan dahil sa ingay ng bumagsak na pinggan ng keso at sa biglang pagtayo ni Juan at tiningnan siya nang may pagtataka, noong makita nila ang kanyang nasisiyahan na hitsura, ay tumingin sa direksiyon kung saan siya nakatingin. Lumingon sila o tumalikod, ayon sa kanilang pusisyon, at nakita nila si Jesus. Lahat sila ay tumayo, labis na naaantig at masaya, at sila ay nagmadali patungo sa Kanya, habang Siya, ngumingiti nang mas maningning ay papalapit sa kanila, naglalakad na ngayon sa sahig katulad ng lahat na mga mortal.

Si Jesus, Na dati nakatingin nang pirmi kay Juan lamang, at sa palagay ko si Juan ay lumingon dahil naramdaman niya ang sulyap na humahaplos sa kanya, ay tiningnan silang lahat at nagsabi: «Kapayapaan sa inyo.»

Lahat sila ngayon ay nasa paligid na Niya, ang ilan nakaluhod sa Kanyang paanan, at kabilang rito ay si Pedro kasama si Juan – at si Juan ay hinahalikan pa nga ang Kanyang tunika at dinidiin sa kanyang mukha na tila ibig niyang mahaplos siya nito – ang iba ay nasa mas malayo sa likuran, nakatayo, ngunit nakayukod nang magalang.

Si Pedro, upang makarating nang mabilis, ay nilakdawan ang upuan nang hindi na naghihintay kay Mateo na makalabas nang una at mabigyan siya ng lugar. Kailangan na isaisip na ang upuang-sopa ay magkakasya ang dalawang tao.

⁴Ang tanging nananatiling mas malayo nang kaunti, medyo napapahiya, ay si Tomas. Siya ay nakaluhod malapit sa mesa. Ngunit hindi siya naglalakas-loob na makalapit, sa kabaligtaran, tila nagsisikap siya na makatago sa kanto ng mesa.

Si Jesus, habang inuunat ang Kanyang mga kamay upang mahalikan – ang mga apostol ay kinukuha ito nang may banal na nagmamahal na pananabik – ay tinitingnan ang mga ulong nakayuko, na tila hinahanap Niya ang ika-labing-isa. Sa katunayan nakita na siya ni Jesus sa simula pa lamang at nagkukunwaring hindi Niya siya nakikita upang mabigyan lamang si Tomas ng panahon na lumakas ang loob at lumapit. Noong makita Niya na ang nag-aalinlangan na apostol ay hindi makapaglakas-loob, nahihiyang katulad niya dahil sa pagkukulang ng pananampalataya, tinawag Niya siya: «Tomas, halika rito.»

Si Tomas ay itinaas ang kanyang ulo, nahihiya, halos umiiyak, ngunit hindi siya maglakas loob na lumapit. Ibinaba niya muli ang kanyang ulo.

Si Jesus ay humakbang nang ilan patungo sa kanya at inulit Niya: «Halika rito, Tomas.» Ang tinig ni Jesus ay mas ma-awtoridad kaysa ng una.

Si Tomas ay tumayo nang nagdadalawang-isip, balisa, at nagpatungo kay Jesus.

«Naririto ang tao na hindi naniniwala maliban na makita niya!» bulalas ni Jesus. Ngunit sa Kanyang tinig naroon ang ngiti ng kapatawaran.

Si Tomas ay naramdaman ito, naglakas-loob siyang tingnan si Jesus at nakita niya na Siya ay talagang ngumingiti, kung kaya't lumakas ang loob niya at naglakad nang mas mabilis.

«Halika rito, malapit na malapit sa Akin. Tingnan. Ilagay mo ang iyong daliri, kung hindi sapat para sa iyo na tumingin, sa mga sugat ng iyong Guro.»

Si Jesus ay naiunat ang Kanyang mga kamay, pagkatapos naibukas Niya ang Kanyang tunika sa Kanyang dibdib, nailalantad ang mahabang malalim na hiwa sa Kanyang Tabi. Walang liwanag ngayon ang lumalabas mula sa mga Sugat. Hindi na ito nagliliwanag mula noong Siya ay maglakad katulad ng isang mortal na Tao, noong lumabas Siya sa pabilog na liwanag na katulad ng liwanag ng buwan., at ang mga sugat ay ngayon na sa tunay na madugong hitsura nito: dalawang di-regular na mga sugat, ang kaliwang sugat ay umaabot hanggang sa layo ng hinlalaki, at nilalagos nito ang isang pupulsuhan at isang palad sa malapit sa pupulsuhan, at isang mahabang malalim na sugat, na ang mas mataas na bahagi ay medyo pakurba katulad ng isang pakupyang tuldik, sa Kanyang Tabi.

Si Tomas ay nanginginig, tumitingin ngunit hindi humihipo. Pinagagalaw niya ang kanyang mga labì, ngunit hindi siya makapagsalita nang malinaw.

«Ibigay mo sa Akin ang iyong kamay, Tomas» sabi ni Jesus nang may-kabaitan. Sa pamamagitan ng Kanyang kanang kamay kinuha Niya ang kanang kamay ng apostol. Hinawakan Niya ang kanyang hintuturo at dinala ito sa butas ng Kanyang kaliwang kamay, ipinasok Niya ito nang malalim dito, upang maramdaman niya na ang Kanyang palad ay nilagos, at pagkatapos mula sa Kanyang kamay dinala Niya ito sa Kanyang Tabi. Ngayon hinawakan Niya ang apat na mga daliri ni Tomas, sa puno ng mga daliri, sa metakarpo, at inilagay ang apat na daliring ito sa mahaba at malalim na butas ng Kanyang Tabi, ginagawa itong makapasok nang malalim, hindi Niya nililimitahan ang mga daliri na nasa gilid lamang ng sugat, at pinababayaan Niya ito doon, tinitingnan nang pirmi sa Tomas. Isang mahigpit ngunit mabait na tingin, habang patuloy Niyang sinasabi: «... Ilagay mo ang iyong daliri dito, ilagay mo ang iyong mga daliri at ang iyong kamay din, kung gusto mo, sa Aking Tabi at huwag magduda, bagkus maniwala.» Iyan ang Kanyang sinasabi habang ginagawa ang akin nang nasabi.

Si Tomas – lumalabas na ang pagkakalapit sa kanya ng dibinong Puso, na halos nahahawakan na niya – ay nagtagumpay sa wakas sa pagsasalita, at lumuluhod na ang kanyang mga kamay nakataas at lumuluha ng mga luha ng pagsisisi, siya ay nagsabi: «Aking Panginoon at aking Diyos!» Wala siyang masabing iba pa.

Si Jesus ay pinatatawad siya. Ipinatong Niya ang Kanyang kanang kamay sa kanyang ulo at tumugon: «Tomas, Tomas! Naniniwala ka na ngayon dahil nakita mo na... Pinagpala ang mga maniniwala sa Akin nang walang nakikita! Anong gantimpala ang ibibigay Ko sa kanila, kung kailangan gantimpalaan kita, na ang kaninong pananampalataya ay natulungan ng kapangyarihan ng pagkakita?...»

⁵Pagkatapos ipinatong ni Jesus ang Kanyang kamay sa balikat ni Juan, inakay si Pedro at nilalapitan nila ang mesa. Naupo Siya sa Kanyang lugar. Sila ngayon ay nakaupo na katulad noong gabi ng Paskuwa. Ngunit gusto ni Jesus na si Tomas ay nakaupo sa tabi ni Juan.

«Kumain, Aking mga kaibigan» sabi ni Jesus.

Ngunit wala nang nagugutom pa. Ang lugod ay binubusog sila. Ang lugod ng pagninilay-nilay.

Kung kaya't iniipon ni Jesus ang maliliit na keso na nakakalat sa mesa, inilalagay Niya ito sa isang plato, hinihiwa Niya ito at iniaabot, at binibigay Niya ang unang kapiraso kay Tomas lamang, inilalagay ito sa ibabaw ng isang piraso ng tinapay at pinadadaan nito sa likod ng mga balikat ni Juan; nagbubuhos Siya ng alak mula sa mga amphora patungo sa isang kalis at inaabot ito sa Kanyang mga kaibigan: sa pagkakataon na ito si Pedro ang unang sinilbihan. Pagkatapos kinuha Niya ang ilang bahay-pukyutan na inabot sa Kanya, pinipiraso Niya ito at binibigay ang unang maliit na piraso kay Juan, nang may isang ngiti na mas matamis pa kaysa sa ginintuan na tumutulong pulot. At upang lumakas ang loob nila kumakain Siya nang kaunti Mismo. Tinikman lamang Niya bagkus ang pulot.

Si Juan katulad ng kanyang dating ginagawa ay ipinapatong ang kanyang ulo sa balikat ni Jesus, at si Jesus ay kinakabig siya sa Kanyang Puso at nagsasalita na hinahawakan si Juan nang gayon.

⁶«Hindi kayo dapat na mabalisa, Aking mga kaibigan, kapag nagpapakita Ako sa inyo. Ako ay laging ang inyong Guro, Na nakisama sa inyong pagkain at pagtulog at pumili sa inyo sapagkat minamahal Niya kayo. Minamahal Ko rin kayo ngayon.» Labis na dinidiin ni Jesus ang huling mga salitang ito.

«Kayo» nagpapatuloy Siya «ay nakasama Ko sa mga pagsubok... Makakasama Ko rin kayo sa kaluwalhatian. Huwag ninyong itungo ang inyong mga ulo. Noong gabi ng Linggo, nang Ako ay nagpakita sa inyo sa unang pagkakataon pagkatapos ng Aking Resureksiyon, inilagay Ko ang Banal na Espiritu sa inyo... harinawang ang Espiritu ay mapapunta rin sa iyo na wala noon... Hindi ba ninyo nalalaman na ang pagkakalagay ng Espiritu ay katulad ng isang binyag ng apoy, sapagkat ang Espiritu ay Pagmamahal, at kinakansela ng pagmamahal ang mga kasalanan? Kung kaya't ang inyong kasalanan ng pagtakbo, habang Ako ay namamatay ay pinatawad.»

Sa pagsasabi nito si Jesus ay hinahalikan ang ulo ni Juan na hindi tumakbo, at si Juan ay umiiyak sa tuwa.

«Binigyan Ko kayo ng kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan. Ngunit hindi maibibigay ng isa ang kung ano ang wala siya. Kung kaya't kailangan na makatiyak kayo na taglay Ko ang kapangyarihan na ito sa isang perpekto pamamaraan at ginagamit Ko ito para sa inyo, na kailangan na maging puro sa pinakamataas na antas upang mapadalisay ang mga lalapit sa inyo, narumihan ng kasalanan. Papaano makapaghuhusga at makapagpapadalisay ang isa, kung siya ay karapat-dapat na ikundina at personal na hindi puro? Papaano huhusgahan ng isang tao ang isa pa kung siya ay may mga tabla sa kanyang sariling mga mata at may pang-impiyernong mga pabigat sa kanyang puso? Papaano niya sasabihin: “Inaabsulbihan kita sa ngalan ng Diyos” kung, dahil sa kanyang sariling mga kasalanan, hindi niya kasama ang Diyos?

⁷Aking mga kaibigan, isipin ang inyong dangal ng mga pari.

Noon, Ako ay nasa pagitan ng mga tao upang maghusga at magpatawad. Ngayon Ako ay patungo na sa Ama. Ako ay babalik na sa Aking Kaharian. Ang pakultad ng paghusga ay hindi inaalis sa Akin. Sa kabaligtaran, ito ay ganap na nasa Aking mga kamay, sapagkat ang Ama ay ipinagkatiwala ito sa Akin. Ngunit ito ay isang teribleng paghuhusga sapagkat ito ay mangyayari kung kailan hindi na posible para sa tao na makakuha ng kapatawaran sa pamamagitan ng mga taon ng pagbabayad-sala sa Lupa. Ang bawat tao ay pupunta sa Akin sa pamamagitan ng kanyang espiritu kung kailan, gawa ng materyal na kamatayan, iiwanan niya ang kanyang katawan bilang walang-pakinabang na mortal na labí. At huhusgahan Ko siya sa unang pagkakataon. Pagkatapos ang Sangkatauhan ay pupunta muli nararamtan ng laman nito, nagpapatuloy sa pamamagitan ng dibinong kautusan, upang paghiwalayin sa dalawang bahagi. Ang mga kordero kasama ang Pastol, ang mababangis na lalaking tupa kasama ang kanilang Tagapahirap. Ngunit gaano karaming mga tao ang mapupunta roon, na makakasama ang kanilang Pastol, kung pagkatapos ng paliligong Binyag wala sila ng makapagpapatawad sa kanila sa Aking pangalan?

Iyan kung bakit nililikha Ko ang mga pari.  Upang iligtas ang mga nailigtas ng Aking Dugo. Ang Aking Dugo ay nagliligtas. Ngunit ang mga tao ay patuloy na bumabagsak sa kamatayan. Bumabagsak muli sa Kamatayan. Kinakailangan para sa kanila na patuloy na hinuhugasan Dito, pitumpu at makapitumpung pitong beses, ng mga may awtoridad na gawin ito, upang hindi sana sila maging biktima ng Kamatayan. Kayo at ang mga papalit sa inyo ay iyan ang gagawin. Iyan kung bakit inabsulbihan Ko kayo ng lahat ng inyong mga kasalanan. Sapagkat kailangan ninyong makakita, at ang kasalanan ay nambubulag, sapagkat pinagkakaitan nito ang espiritu ng Liwanag Na siyang ang Diyos. Sapagkat kailangan ninyong makaintindi, at ang kasalanan ay nagpapapurol, sapagkat pinagkakaitan nito ang espiritu ng Katalinuhan Na siyang ang Diyos. Sapagkat ministeryo ninyo ang magpadalisay, at ang kasalanan ay nagpaparumi, sapagkat pinagkakaitan nito ang espiritu ng Kadalisayan Na siyang ang Diyos.

⁸Dakila ang inyong ministeryo ng paghuhusga at pagpapatawad sa Aking Pangalan!

Kapag kinokonsagra ninyo ang Tinapay at Alak para sa inyo at ginagawa itong Aking Katawan at Aking Dugo, ginagawa ninyo ang isang dakila, sobrenatural na dakila at napakagandang bagay. Upang magawa ito nang karapat-dapat kailangan na kayo ay maging dalisay, sapagkat hihipuin ninyo Siya Na siyang ang Purong Isa at pakakainin ninyo ang inyong mga sarili ng Laman ng isang Diyos. Kailangan na kayo ay maging puro sa inyong mga puso, mga isip, mga galamay at mga dila, sapagkat sa pamamagitan ng inyong mga puso kailangan na mahalin ninyo ang Eukaristiya, at walang di-banal na pagmamahal ang kailangan na maihalo sa selestiyal na pagmamahal na ito, dahil iyan ay magiging isang paglalapastangan. Puro sa inyong mga isip, sapagkat kailangan na kayo ay maniwala at maintindihan ang misteryong ito ng pagmamahal, at ang di-kapuruhan ng isip ay pumapatay sa Pananampalataya at Katalinuhan. Ang siyensiya ng mundo ay mananatili, ngunit ang Karunungan ng Diyos ay mamatay sa inyo. Kailangan na puro kayo sa inyong mga galamay, sapagkat ang Salita ay bababa sa inyong mga sinapupunan, katulad na ito ay bumaba patungo sa sinapupunan ni Maria sa pamamagitan ng gawa ng Pagmamahal.

Nasa inyo ang buháy na halimbawa tungkol sa kung papaano maging dapat ang isang sinapupunan, na tumatanggap sa Salitang Nagkatawang-tao. Ang halimbawa ay ang Babae Na, walang orihinal na kasalanan at walang personal na kasalanan, nagdala sa Akin. Tingnan kung gaano kapuro ang taluktok ng Hermon nababalot pa rin ng belo ng niyebe ng taglamig. Mula sa Mount of Olives nagmumukha itong isang maraming mga liryo na  inalisan ng kanilang mga petalo o katulad ng bula ng dagat, na tumataas katulad ng isang paghahandog laban sa isa pang kaputian ng mga ulap, na hinihipan ng hangin ng Abril sa asul na mga parang ng kalangitan. Tingnan ang isang liryo na ngayon binubuksan ang bunganga ng korola nito sa isang mabangong ngiti. Gayunpaman kapwa ang dalawang kadalisayan ay hindi kasing ningning katulad ng sinapupunan na nagdala sa Akin. Ang alikabok na hinipan ng mga hangin ay bumabagsak sa niyebe ng bundok at sa sedan ng bulaklak. Ang mga mata ng tao ay hindi ito nakikita, napakagaan nito. Ngunit iyan ay nandoon, at sinisira nito ang kaputian. Mas lalo pa, tingnan ang pinakapurong perlas na kinuha mula sa dagat, mula sa kabibi kung saan ito nabuo, upang iadorno sa setro ng isang hari. Ito ay perpekto sa siksik na nangungulay-balangaw nito, na hindi nagmamalay tungkol sa nanlalapastangang mga hipo ng lahat ng laman, dahil ito ay naporma sa loob ng kabibi, na namumukod sa sapirong likido ng mga kalaliman ng dagat. Subalit ito ay hindi kasing puro ng sinapupunan na nagdala sa Akin. Sa gitna nito ay naroon ang isang butil ng buhangin: isang napakaliit na korpuskulo, ngunit isang makalupang korpuskulo pa rin. Sa loob Niya Na siyang ang Perlas ng Karagatan, ay walang butil ng kasalanan, ni wala kahit insentibo sa pagkakasala. Ang Perlas na pinanganak sa Dagat ng Trinidad upang dalhin ang Ikalawang Persona sa Lupa, Siya ay masinsin sa paligid ng Kanyang pulkro, na hindi isang binhi ng makalupang kiling-sa-pagkakasala, bagkus ang kislap ng eternal na Pagmamahal. Ang kislap na nakatagpo ng pagsang-ayon sa Kanya at kung gayon naipanganak ang Dibinong Bulalakaw, na ngayon tinatawagan at pinalalapit sa Sarili ang mga anak ng Diyos: Ako, ang Kristo, ang Tala sa Umaga. Binibigay Ko ang di-nalapastangan na Kadalisayan na iyan bilang halimbawa.

Ngunit kapag, katulad ng ginagawa ng mga tagapagpiga ng mga ubas sa mga tangke, ilulubog ninyo ang inyong mga kamay sa karagatan ng Aking Dugo at makakuha mula rito ng kung ano ang kinakailangan upang malinisan ang narumihang mga estola ng kaawa-awang sawing-palad na nakagawa ng kasalanan, maging perpekto, bilang karagdagan sa pagiging puro, upang hindi mamantsahan ang inyong mga sarili ng mas malaking kasalanan, mas lalo pa, ng ilang mga kasalanan, sa pagpadanak o paghipo sa Dugo ng isang Diyos sa mapaglapastangan na paraan, o sa pagkukulang sa pagmamahal at sa katarungan, pinagkakait ito o binibigay ito nang may kahigpitan na hindi pamamaraan ng Kristo, Na mabait sa masasama upang mahalina sila patungo sa Aking Puso, at tatlong-ulit na mas mabait sa mahihina, upang maingganyo sila na maging mapagtiwala. Ang gayon kahigpitan ay tatlong-ulit na magagamit nang di-karapat-dapat, sapagkat magagamit nang laban sa Aking Kalooban, sa Aking Doktrina at sa Hustisya.  Papaano magiging mahigpit ang isa sa mga kordero kung siya ay isang walang-ginagawang pastol?

O, Aking minamahal na mga kaibigan, na Aking pinadadala sa mga daan ng mundo upang ipagpatuloy ang gawaing Aking sinimulan at gagawin ito hanggang sa katapusan ng Panahon, tandaan ang mga salita Kong ito. Sinasabi Ko sa inyo ito upang maulit ninyo ito sa mga ikokonsagra ninyo sa ministeryo, kung saan naikonsagra Ko na kayo.

⁹Nakikita Ko... Tinitingnan Ko ang mga panahon sa hinaharap. Ang panahon at ang walang-hangganang mga pulutong ng mga tao ay lahat nasa harapan Ko... Nakikita Ko mga masaker at mga digmaan, huwad na mga kasunduan ng kapayapaan at nakapangingilabot na mga pagpatay, kapootan at panloloob, kahalayan at pagmamalaki. Paminsan-minsan (magkakaroon ng) isang luntian na oasis: isang panahon ng pagbabalik sa Krus. Katulad ng isang obelisko na nagpapakita sa purong tubig sa pagitan ng tuyong mga buhangin ng disyerto, ang Aking Krus ay itataas nang may pagmamahal, pagkatapos na ang lason ng kasamaan ay nagawa ang mga tao na maging marahas, at sa paligid nito, nakatanim sa mga gilid ng nakapagpapalakas na mga tubig, mananatili ang mga palmera ng isang panahon ng kapayapaan at kayamanan sa mundo. Ang mga espiritu, katulad ng mga usa at mga gasela, katulad ng mga golondrina at mga kalapit ay magmamadali sa kaaya-aya, malamig, nakapagpapalakas na kanlungan, upang mapagaling ng kanilang mga kapighatian at umasa muli. At pagdidikit-dikitin nito ang mga sanga nito katulad ng isang bobida bilang isang proteksiyon sa mga bagyo at malalakas na ulan at hindi nito palalapitin ang mga ahas at mababangis na hayop sa pamamagitan ng Tanda na nagpapalayas sa Masama. At ito ay magiging ganito hanggang sa ito ang ibig ng mga tao.

Nakikita Ko... Mga tao at mga tao... mga babae, matatandang tao, mga bata, mga mandirigma, mga iskolar, mga doktor, mga magbubukid... Lahat sila ay dumarating at dumaraan dala ang kanilang kargang mga pag-asa at mga kapighatian. At nakikita Ko ang marami na gumigiray, sapagkat ang kanilang kapighatian ay napakalaki, at ang kanilang pag-asa nalalaglag una sa lahat, dahil ang karga ay napakabigat, at ang kanilang pag-asa ay nadudurog sa lupa... At nakikita Kong marami ang bumabagsak sa mga tabi ng daan, sapagkat naitutulak sila ng iba na mas malalakas, mas malalakas o mas masusuwerte, dahil ang kanilang mga dala ay mas magagaan. At nakikita Ko ang marami na, sa pakiramdam nila sila ay pinababayaan ng mga dumaraan, at sila pa nga ay tinatapakan, at nararamdaman na sila ay malapit nang mamatay, sila ay humahantong sa sila ay mapoot at manumpa.

Kaawa-awang mga anak! Sa pagitan ng lahat na ito na, nahampas ng buhay, na dumaraan o bumagsak, ang Aking Pagmamahal ay sinadyang magkalat ng ilang maawaing mga Samaritano, mabubuting doktor, mga liwanag sa gabi, mga tinig sa katahimikan, upang ang mahihina na bumabagsak ay makakita sana ng tulong, at sa muli makita sana nila ang Liwanag at mapakinggan ang Tinig na nagsasabi: “Umasa. Kayo ay hindi nag-iisa. Sa banda roon ay naroon ang Diyos. Si Jesus ay kasama ninyo”. Sinadya Kong ilagay ang aktibong karidad na ito, upang ang Aking kaawa-awang mga anak ay hindi sana mamatay sa kanilang mga espiritu, mawalan ng kanilang paternal na tirahan, at magpatuloy sana silang maniwala sa Aking Pagmamahal, nakikita ang Aking repleksiyon sa Aking mga ministro.

¹⁰Ngunit, o kapighatian na nagagawa ang Sugat ng Aking Puso na dumugo katulad na ito ay dumugo noong ito ay binuksan sa Golgotha! Ngunit ano ang nakikita ng Aking dibinong mga mata? Wala ba kayang mga pari sa pagitan ng walang-hangganang mga pulutong na dumaraan? Iyan ba kaya kung bakit ang Aking Puso ay dumurugo? Ang mga seminaryo ba ay walang laman? Kung gayon ang Aking bang dibinong paanyaya hindi na umaalingawngaw sa mga puso?  Ang puso ba ng tao ay hindi na makarinig? Hindi.  Sa buong mga panahon ay magkakaroon ng mga seminaryo at mga Levita. Mga pari ay lalabas mula sa mga ito, sapagkat sa oras ng kanilang págbibinatá ang Aking paanyaya ay maririnig nang may selestiyal na tunog sa loob ng maraming mga puso, at susundan nila ito. Ngunit ang iba, ang iba, ang ibang mga tinig ay darating pagkatapos sa kanilang kabataan at kagulangan, at ang Aking Tinig ay matatabunan sa mga pusong iyon. Ang Aking Tinig na nagsasalita sa loob ng buong mga panahon sa mga ministro nito, na sana sila ay maging laging kung ano sila ngayon: ang mga apostol ng eskuwelahan ni Kristo. Ang sutana ay mananatili. Ngunit ang pari ay patay.  Ito ay mangyayari sa napakarami sa paglakad ng mga panahon. Walang-silbing madidilim na anino, hindi sila magiging isang panikwas na nakapagtataas, isang tali na nakapanghihila, isang pontanya na nakapagpapatid ng uhaw, butil na nakapagpupuno sa kanilang kagutuman, isang puso na isang unan, isang liwanag sa kadiliman, isang tinig na nag-uulit ng kung ano ang sinasabi ng Guro sa kanila. Bagkus para sa kaawa-awang sangkatauhan sila ay magiging isang pabigat na iskandalo, isang pabigat ng kamatayan, isang parasito, isang kabulukan... Kakilabutan! Sa muli at lagi magkakaroon Ako ng pinaka malalaking Judas ng hinaharap sa Aking mga pari!

Aking mga kaibigan, Ako ay nasa Aking kaluwalhatian, subalit Ako ay lumuluha. Naaawa Ako sa walang-hangganang mga pulutong na ito, mga kawan na walang mga pastol o may napakakaunting mga pastol. Walang-hangganang pagkaawa! Bueno, sinusumpa Ko ito sa Aking Dibinidad, ibibigay Ko sa kanila ang tinapay, ang tubig, ang liwanag, ang tinig na ang mga napili para sa gawain na ito ay ayaw na ibigay. Uulitin Ko ang himala ng mga tinapay at isda sa hinaharap na mga panahon. Sa pamamagitan ng kakaunting hamak na maliliit na isda, at ng iilan na balakbak ng tinapay – mga abang layko na mga kaluluwa – magbibigay Ako ng pagkain sa maraming mga tao, at sila ay masisiyahan, at magkakaroon ng ilan para sa hinaharap, sapagkat “nalulungkot Ako para sa mga taong ito” at ayaw Kong sila ay mawala.

Pinagpala ang magiging mga karapat-dapat na maging gayon. Hindi pinagpala dahil sila ay gayon. Bagkus naging karapat-dapat sila sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal at sakripisyo. At labis na pinagpala ang mga pari na mananatiling mga apostol: tinapay, tubig, liwanag, tinig, kapahingahan at gamot para sa Aking kaawa-awang mga anak. Sila ay magniningning sa Langit nang may espesyal na liwanag. Sinusumpa Ko ito sa inyo, Ako Na siyang ang Katotohanan.

¹¹Tayo ay tumayo na, Aking mga kaibigan, at sumama sa Akin, na sana maturuan Ko kayo ulit na magdasal. Ang panalangin ang nagpapakain sa lakas ng apostol, sapagkat naihahalo siya nito  sa Diyos.»

At dito si Jesus ay tumayo at nagpatungo sa maliit na hagdanan.

At noong Siya ay nasa ibaba na ng hagdan, Siya ay lumingon at tiningnan ako. O! Ama! Tiningnan Niya ako! Inisip Niya ako! Hinahanap Niya ang Kanyang munting «tinig», at ang lugod na makasama ang Kanyang mga kaibigan ay hindi Siya nagawang makalimutan ako! Tiningnan Niya ako sa ibabaw ng mga ulo ng mga disipulo, at ngumiti sa akin. Itinaas Niya ang Kanyang kamay pinagpapala ako at sinabi Niya: «Kapayapaan sa iyo».

At ang bisyon ay nagtatapos nang gayon.

281012

 

 

 



Sunod na kabanata