629. Si Jesus Nagpakita sa mga Baybayin ng Lawa. Ang Misyon na Iginawad kay Pedro.

Abril 19, 1947.

¹Isang kalmadong maalinsangan na gabi. Wala ni hininga ng hangin. Ang mga bituin, malalaki at pumipintig, ay nagsisiksikan sa kalangitan.  Ang lawa, kalmadong-kalmado at walang-galaw, na nagmumukhang katulad ng isang napakalaking palanggana protektado laban sa mga hangin, ay nasasalamin ang kaluwalhatian ng kalangitan na iyon na pumipintig sa mga bituin. Ang mga punungkahoy sa tabi ng mga baybayin ay napoporma ang isang bloke na walang paglagaslas. Ang lawa ay kalmadong kalmado na ang ragasa ng alon nito ay nagiging isang napakagaan na hampas. Ang ilang mga bangkang nasa laot, halos hindi makita bilang naglalagalag na mga bagay, na kung minsan ay nagiging maliliit na bituin malapit sa mga alon, gawa ng kanilang munting mga lamparang nakatali sa mga poste ng mga panlayag, upang maliwanagan ang mga looban ng maliliit na mga imbakan.

Hindi ko alam kung anong bahagi ng lawa ito. Sasabihin kong ito ay ang mas nasa timog na bahagi, kung saan ang lawa ay malapit na muling maging isang ilog. Sa labas ng Tarichea, sasabihin ko, hindi dahil sa nakikita ko ang bayan, na naitatago ng isang grupo ng mga punungkahoy, na umuunat sa lawa pinoporma ang isang maliit na maburol na lungos, bagkus ito ang naiisip ko gawa ng maliliit na bituin ng mga lampara ng mga bangka, na gumagalaw nang pahilaga, kapag tumutulak sila mula sa mga baybayin ng lawa. Sinasabi kong sa labas, sapagkat may isang maliit na grupo ng mga maralitang bahay na naiipon sa paanan ng maliit na lungos, ngunit sila ay napakakaunti na ni hindi sila matitingnan na isang nayon. Sila ay mga maralitang bahay, halos nasa baybayin, tiyak na mga bahay ng mga mangingisda.

Ang ilang bangka ay nakasadsad sa maliit na baybayin, ang iba ay naihanda na para maglayag, nasa tubig, malapit sa baybayin, at sila ay walang kagalaw-galaw na tila sila ay nakapako sa lupa, sa halip na lumulutang.

²Si Pedro ay idinungaw ang ulo sa labas ng isang kubo. Ang kumukurap-kurap na liwanag ng isang apoy na sinindihan sa mausok na kusina ay pinaliliwanagan ang matatag na pigura ng apostol mula sa likod, ginagawa itong makita na katulad ng isang krukis. Tinitingnan niya ang kalangitan, tinitingnan niya ang lawa... Siya ay pumunta sa labas, hanggang sa layo ng gilid ng baybayin. Pagkatapos – siya ay nakasuot ng isang maikling tunika at nakapaa lamang – nagtampisaw siya sa tubig hanggang sa lalim na kalahatian ng kanyang binti, at inuunat ang kanyang malakas na kamay, kanyang hinahaplos ang ibabaw ng tabi ng isang bangka. Ang mga anak ni Zebedeo ay sinamahan siya.

«Magandang gabi.»

«Maya-maya lamang maliwanag na ang buwan.»

«Gabi ng pangingisda.»

«Ngunit magsasagwan .»

«Walang hangin.»

«Ano ang ating gagawin?»

Nagsasalita sila nang dahan-dahan, nang may putul-putol na mga pangungusap, katulad ng mga tao na sanay sa pangingisda, at sa mga manyobra ng mga panlayag at mga lambat, para kung saan atensiyon ang kinakailangan at kung gayon, kaunting mga salita.

«Kailangan natin na magpalaot. Maipagbibili natin ang iba ng húli.»

Sina Andres, Tomas at Bartolomeo ay dumating at sinamahan sila sa baybayin.

«Anong mainit na gabi!» bulalas ni Bartolomeo.

«Magkakaroon ba ng bagyo? Naaalaala ba ninyo ang gabing iyon?» tanong ni Tomas.

«O! wala! Kalmado, ulap baka, ngunit hindi bagyo. Ako... Ako ay lalabas mangingisda. Sino ang sasama sa akin?»

«Kaming lahat ay sasama. Baka mas malamig-lamig sa labas doon» sabi ni Tomas, na pinagpapawisan, at dagdag niya: «Ang babae ay kinakailangan ang apoy na iyon, ngunit iyon ay katulad ng nasa mainit na mga paliguan...»

«Sasabihin ko kay Simon. Siya ay nag-iisa sa banda roon» sabi ni Juan.

³Si Pedro ay inihahanda na ang bangka kasama si Andres at si Santiago.

«Pupunta ba tayo hanggang sa layo ng aming bahay? Isang sorpresa para sa aking ina...» tanong ni Santiago.

«Hindi. Hindi ko alam kung mapapasama ko si Marjiam. Noon... noon... Bueno, oo! Bago pumunta sa Herusalem – naroroon pa tayo sa Ephraim – sinabi sa akin ng Panginoon na ibig Niyang ipagdiwang ang ikalawang Paskuwa kasama si Marjiam. Ngunit pagkatapos wala Siyang sinabi kahit na ano sa akin...»

«Sa palagay ko ang sinabi Niya gagawin Niya» sabi ni Andres.

«Oo. Ang ikalawang Paskuwa, oo. Ngunit hindi ko alam kung gusto Niyang pumunta rito muna ang bata. Nakagawa ako ng napakaraming pagkakamali na... O! sasama ka rin ba?»

«Oo, Simon ni Jonah. Ang pangingisdang ito ay magpapaalaala sa akin ng maraming mga bagay...»

«Eh! Magpapaalaala ito sa lahat tungkol sa maraming mga bagay... Mga bagay na hindi na muli babalik... madalas tayong magpalaot sa lawa kasama ang Guro sa bangkang ito... At gustung-gusto ko ito na tila ito ay isang maharlikang palasyo, at akala ko hindi na ako mabubuhay nang wala ito. Ngunit ngayon na Siya ay wala rito, bueno, ako ay nasa loob ng bangka at hindi ako nasisiyahan nito» sabi ni Pedro.

«Walang sinuman ang may lugod ng mga nakaraan bagay.  Hindi na ito ang dating buhay. At sa paglingon sa nakaraan... sa pagitan ng mga oras ng nakaraan at ng mga oras ng kasalukuyang laging nandiyan ang nakakapangilabot na panahon...» sabi ni Bartolomeo nang may pagbuntung-hininga.

«Tayo ay handa na. Halikayo. Ikaw sa timon at kami sa mga sagwan. Patungo tayo sa may pagliko sa Hippos. Iyon ay isang mabuting lugar. Hila-tulak, hila-tulak!»

Pinakita ni Pedro ang bilis at ang bangka ay tumulak sa kalmadong tubig, si Bartolomeo nasa timon. Si Tomas at ang Zealot ay gumaganap na mga katulong na nakahandang itapon ang lambat, na kanilang nailadlad na. Ang buwan ay tumataas, ibig sabihin, ito ay nasa taas ng mga bundok ng Gadara (kung ako ay hindi nagkakamali) o Gamala, ibig sabihin, ang mga bundok na nasa silanganing baybayin pagawin timog ng lawa, at ang lawa ay naliliwanagan ng mga sinag nito na sinusundan ang isang daan ng mga diyamante sa walang-galaw na tubig.

«Makakasama niyan tayo buong gabi.»

«Kung walang ulap.»

«Ang isda ay umaalis sa ilalim nakukuha ang kanilang pansin ng buwan.»

«Kung magkakaroon tayo ng magandang huli, magiging pagpapalà ito. Sapagkat tayo ay wala nang pera. Bibili tayo ng tinapay at dadalhin natin ang isda at tinapay sa mga nasa itaas ng bundok.» Mga salitang binigkas nang dahan-dahan, nang may mahahabang pagtigil sa pagitan ng isang tinig at ng kasunod.

«Nagsasagwan ka nang maganda, Simon. Hindi pa nawawala sa iyo ang galing!...» sabi ng Zealot hinahangaan siya.

«Oo.... Lintik!»

«Ano ang nangyayari sa iyo?» ang iba ay tinatanong siya.

«Ang... Ang problema ay na ang alaala ng lalaking iyon ay sinusundan ako kahit saan. Naaalaala ko ang araw na iyon noong nasa dalawang bangka kami ay nagpapaligsahan upang malaman kung sino ang pinakamagaling na mananagwan, at siya...»

«Ako sa halip iniisip ko ang isa sa unang mga pagkakataon na nagkaroon ako ng pangitain ng tungkol sa kalaliman ng kanyang kasamaan, ay noong masalubong natin, o kung baga, halos makabangga natin ang mga bangka ng mga Romano. Naaalaala mo ba?» sabi ng Zealot.

«Eh! Naaalaala namin! Gayunpaman!... Ipinagtatanggol Niya siya... at tayo...  ano sa mapagsanggalang na aktitud ng Guro, ano sa doble-karang pakikitungo ng... ng ating kasamahan, hindi natin kailanman naintindihan nang maliwanag...» sabi ni Tomas.

«H’m! Ako mahigit pang minsan... Ngunit sasabihin Niya: “Huwag maghusga, Simon!»

«Si Tadeo ay lagi siyang napagsususpetsahan.»

«Ang hindi ko mapaniwalaan ay na ang taong ito rito ay hindi kailanman nalaman ang kahit ano tungkol diyan» sabi ni Santiago, sinusundot ang kanyang kapatid sa tadyang.

Ngunit si Juan, niyuyuko ang kanyang ulo, ay tahimik.

«Ngayon makapagsasalita na siya...» sabi ni Tomas.

«Ako ay nagsisikap na makalimot. Iyan ang iniutos sa akin. Bakit gusto ninyong sumuway ako?»

«Tama ka. Pabayaan lang natin siyang mag-isa» sabi ng Zealot pinagsasanggalang siya.

⁵«Iladlad ang lambat. Dahan-dahan. Sagwan. Sagwan nang dahan-dahan. Ibaling patungo sa puwerto, Bartolomeo. Banton. likô. Banton. Likô. Nakakalat na ba ang lambat? Nakakalat na? Taas ang mga panagwan at maghintay tayo» utos ni Pedro.

Gaano kaganda ang panatag na lawa sa kapayapaan ng gabi, hinahalikan ng buwan! Napakapuro nito na ito ay tila pam-paraiso. Ang buwan sa kalangitan ay ganap na nasasalamin nito at nabibigyan ito ng hitsura ng gawa sa mga diyamante, ang maputing liwanag nito ay nanginginig sa mga burol, nailalantad ang mga ito at ginagawa ang mga bayan sa baybayin na maging kasing puti ng niyebe... Paminsan-minsan binabanton nila ang lambat. Isang kaskada ng mga diyamanteng lumalagaslas sa plata ng lawa. Ito ay walang laman. Niladlad nila muli ang lambat. Binago nila ang lugar. Walang suwerte... Maraming oras ang dumaan. Ang buwan ay lumulubog, habang ang liwanag ng bukang-liwayway ay nagsisimulang lumitaw, di-nakatitiyak, berdeng-asul... Isang mainit na ulap ang kumikilos patungo sa mga baybayin, lalo na sa gawing timog na dulo ng lawa. Ang Tiberias ay binabalot nito, at ang Tarichea ay binabalot din nito. Isang mababang ulap, hindi masinsin, na matutunaw sa maagang araw. Upang maiwasan ito nagpasya silang dumaan sa silanganing tabi, kung saan ito ay mas lalong di-masinsin, habang doon sa kanluranin, dahil nagmumula ito sa latian sa ibayo ng Tarichea sa kanang pampang ng Jordan, ito ay kumakapal na tila ang latian ay umuusok. Nananagwan sila nang maingat upang maiwasan ang posibleng mga panganib ng kalaliman, kabisadong katulad nila ang lawa.

⁶«Kayo, na nasa bangka! Mayroon ba kayong kahit anong makakain?» sigaw ng tinig ng isang lalaki mula sa baybayin. Isang tinig na nagawa silang magulat.

Ngunit iniiling nila ang kanilang mga balikat, tumutugon sa mababang tinig: «Wala»;  pagkatapos sinasabi nila sa isa’t isa: «Tila lagi nating naririnig Siya!...»

«Iladlad ang lambat sa kanang tabi ng bangka at makikita ninyo sila.»

Ang kanang-tabi ay papalayo sa baybayin. Niladlad nila ang lambat, nang kung baga natataranta. Nagkaroon ng panginginig, isang bigat na pinatatagilid nito ang bangka kung saan naroroon ang lambat.

«Ngunit iyon ay ang Panginoon» sigaw ni Juan.

«Ang Panginoon, natitiyak mo?» tanong ni Pedro.

«At pinagdududahan mo ito? Akala natin iyon ay Kanyang tinig, ngunit ito ang katibayan nito. Tingnan ang lambat! Ito ay katulad ng oras na iyon! Sinasabi ko sa inyo na Siya iyon! O! aking Jesus! Nasaan Kayo?»

Lahat sila ay iminulat nang mabuti ang kanilang mga mata upang makakita sa tumatakip na mga ulap, pagkatapos na maitali nang mabuti ang lambat upang hilahin ito ng bangka, dahil delikadong manyobra na subukan na bantunin ito at nagsagwan sila upang makabalik sa baybayin. Ngunit kinailangan ni Tomas na kunin ang sagwan ni Pedro na, pagkatapos na madaling isinuot ang kanyang maikling tunika sa ibabaw ng kanyang maikling karsonsilyo, ang tanging damit na suot niya, katulad ng lahat, maliban kay Bartolomeo, ay tumalon sa tubig at naglalangoy nang malakas sa kalmadong tubig, inuunahan ang bangka. Siya ang unang nakatapak sa disyertong maliit na baybayin, kung saan sa ibabaw ng dalawang bato na natatabingan ng isang matinik na palumpong, ang isang apoy ng maliliit na sanga ay masayang lumalagablab. At malapit sa apoy, ay naroon si Jesus, ngumingiti at magiliw.

«Panginoon! Panginoon! Si Pedro ay kinakapos ang hininga dahil sa kanyang emosyon at walang masabing iba. Tumutulo pa sa tubig, katulad niya, hindi siya naglalakas-loob na hipuin man lamang ang tunika ng kanyang Jesus, at nagpatirapa sa buhangin na ang kanyang tunika kumakapit sa kanyang balat, siya ay sumasamba.

⁷Ang bangka ay sumadsad sa mabatu-batong baybayin at tumigil. Lahat sila ay nakatayo, nananabik sa tuwa...

«Magdala ng ilan sa mga isdang iyon dito. Ang apoy ay handa. Halikayo at kumain ng kaunti» utos ni Jesus.

Si Pedro ay tumakbo patungo sa bangka at tinutulungan ang iba na hanguin ang lambat, at nakakuha siya ng tatlong malalaking isda mula sa kumikisay na tambak, pinapalo niya ang mga isda sa ibabaw ng tabi ng bangka upang patayin sila at inaalisan sila ng hasang sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo. Ngunit ang kanyang mga kamay ay nanginginig, o! hindi sa lamig! Hinuhugasan niya ang mga isda, dinala niya ito at inilagay sa ibabaw ng apoy, at binabantayan ito na naluluto. Ang iba ay sinasamba ang Panginoon, malayu-layo nang kaunti sa Kanya, matatakutin, katulad ng dati, sa Kanya Na nakabangong muli mula sa kamatayan dibinong-dibinong makapangyarihan.

«Naririto na ito. Naririto ang tinapay. Buong gabi kayong nagtrabaho at kayo ay pagod. Ngayon ay kakain kayo nang kaunti. Handa na ba iyan, Pedro?»

«Oo, aking Panginoon» sabi ni Pedro sa tinig na mas paos kaysa dati, nakayuko sa apoy at pinupunasan niya ang kanyang mga mata, na basa ng mga luha, na tila siya ay pinaluha ng usok, pinakakati ang mga ito at ang kanyang lalamunan. Ngunit hindi gawa ng usok na namaos ang kanyang tinig at lumuha ang kanyang mga mata... Hinango niya ang isda na kanyang inilalatag sa isang magaspang na dahon, ito ay katulad ng dahon ng isang kalabasino, binigay sa kanya ni Andres pagkatapos na mahugasan ito sa lawa.

Si Jesus ay nag-aalay at pinagpapala ang pagkain, hinahati-hati Niya ang tinapay at ang isda, gumagawa ng walong bahagi na Kanyang inaabot, at Kanya ring tinitikman ang ilan. Kumakain sila nang may paggalang katulad ng sa pagtupad sa isang ritwal. Si Jesus ay tinitingnan sila at ngumingiti. Ngunit Siya rin ay tahimik, hanggang sa Siya ay nagtanong: «Nasaan ang iba?»

«Sa bundok. Kung saan Ninyo sinabi. At kami ay naparito upang mangisda, sapagkat kami ay wala nang pera at ayaw namin samantalahin ang mga disipulo.»

«Ginagawa ninyo ang tamang bagay. Ngunit magmula ngayon, kayong mga apostol ay mananatili sa bundok sa pagdarasal, pinalalakas ang mga disipulo sa pamamagitan ng inyong halimbawa. Ipadala sila sa pangingisda. Mas mabuti para sa inyo na manatili roon sa pagdarasal at pakinggan ang mga nasa pangangailangan ng payo o baka pupunta sa inyo para bigyan kayo ng impormasyon. Panatilihin ang mga disipulo sa isang napaka buung-buong grupo. Ako ay darating saka na.»

«Gagawin namin iyan, Panginoon.»

«Si Marjiam ba ay hindi ninyo kasama?»

«Hindi Ninyo sinabi sa akin na dalhin siya kaagad nang maaga.»

«Gawin siyang pumarito. Ang panahon ng kanyang pagsunod ay tapos na.»

«Gagawin ko siyang pumarito, Panginoon.»

⁸Nagkaroon ng katahimikan. Pagkatapos si Jesus, Na kanina pa nakayuko ang ulo nang kaunti, nag-iisip, ay tumingala at ipinirmi ang Kanyang mga mata kay Pedro. Tinitingnan Niya siya nang sulyap ng mga sandali kapag gumagawa Siya ng pinakadakilang mga himala o Siya ay pinaka-maawtoridad. Si Pedro ay nagulat, halos natakot at umatras siya nang kaunti... Ngunit si Jesus, pinapatong ang isang kamay sa balikat ni Pedro, ay hinawakan siya nang maigi at habang hawak siya nang ganito, tinanong Niya siya: «Simon ni Jonah, minamahal mo ba Ako?»

«Tiyak, Panginoon! Nalalaman Ninyo na minamahal ko Kayo» tugon ni Pedro nang matatag.

«Pakanin mo ang Aking mga kordero... Simon ni Jonah, mahal mo ba Ako?»

«Oo, aking Panginoon. At nalalaman Ninyo na minamahal ko Kayo.» Ang kanyang tinig ay hindi kasing tapang, at siya ay kung baga nasusorpresa sa pag-ulit sa katanungan.

«Pakanin ang Aking mga kordero... Simon ni Jonah, minamahal mo ba Ako?»

«Panginoon... Nalalaman Ninyo ang lahat... Nalalaman Ninyo kung minamahal ko Kayo...» ang tinig ni Pedro ay nanginginig, dahil nakatitiyak siya sa kanyang pagmamahal, ngunit tila naiisip niya na si Jesus ay hindi nakatitiyak.

«Pakanin ang Aking mga tupa. Ang iyong tatlong ulit na pagtatapat ng pagmamahal ay nakansela nito ang iyong tatlong ulit na pagtatwa. Ikaw ay ganap nang puro, Simon ni Jonah, at sinasabi Ko sa iyo: isuot ang mga tungkol sa pontipise at dalhin ang Kabanalan ng Panginoon sa pagitan ng Aking kawan. Higpitan ang iyong mga damit sa iyong baywang at panatilihin silang mahigpit, hanggang sa mula sa Pastol ikaw din ay maging kordero. Sinasabi Ko sa iyong totoo na noong ikaw ay bata pa, inilalagay mo ang iyong sariling sinturon at pumupunta ka kung saan mo gusto, ngunit kapag tumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at ibang tao ang maglalagay ng isang sinturon sa iyo at dadalhin ka kung saan mas gusto mong huwag pumunta. Ngunit ngayon Ako ang nagsasabi sa iyo: “Bigkisan mo ang iyong sarili at sundan Ako sa Aking sariling daan”. ⁹Tumayo at halika.»

Si Jesus ay tumayo at si Pedro ay tumayo pumupunta sa baybayin. At ang iba ay nagsimula nang patayin ang apoy tinatakpan ito ng buhangin. Ngunit si Juan, pagkatapos na pulutin ang mga tira ng tinapay, ay sinundan sa Jesus. Napakinggan ni Pedro ang mga pagkaluskos ng mga hakbang at tumalikod. Nakita niya si Juan, tinuturo siya kay Jesus, nagtanong siya: «At ano ang mangyayari sa kanya?»

«Kung gusto Ko siyang manatili hanggang sa Ako ay bumalik, ano naman ang pakialam niyan sa iyo? Ikaw ay kailangan na sundan Ako.»

Sila ay nasa baybayin. Gusto pa sana ni Pedro na magsalita, ngunit ang mahestad ni Jesus at ang mga salitang kanyang narinig ay napigilan siya. Siya ay lumuhod, ginagaya ng iba at sumasamba. Si Jesus ay pinagpapala sila at pinahahayo sila. Sumakay sila sa bangka at umalis nananagwan. Si Jesus ay tinitingnan silang umaalis.

121512

 



Sunod na kabanata