63. Ang Ketongin na Pinagaling Malapit sa Korazim.

Nobyembre 6, 1944.

¹Mula bago pa ang bukang-liwayway, katulad sa detalye ng isang perpektong litrato, nakikita ko sa aking espiritu ang isang kaawa-awang ketongin.

Siya ay totoong isang pagkasira ng isang tao. Siya ay lubos na sinira ng kanyang sakit, na hindi ko masabi ang kanyang edad. Naging isang kalansay, halos hubad, ang kanyang katawan ay nasa kalagayan ng isang naagnas na momya, na may balu-baluktot na mga kamay at mga paa, ang ibang bahagi ng mga ito ay nawawala, upang ang miserableng mga kamay at paa ay tila hindi na pag-aari ng isang tao. Ang kanyang mga kamay, pilipit at nakapangalmot, ay nakakatulad ang mga kuko ng isang may-pakpak na halimaw, ang kanyang mga paa, ay labis na nagkaputul-putol at nasira ang hitsura, na ito ay halos katulad na ng mga paa ng isang baka.

At ang kanyang ulo!... Sa palagay ko ang ulo ng sinuman na naiwanan na hindi nailibing na nanigas sa init ng araw at sa hangin, ay maaaring katulad ng ulo ng taong ito. Iilan na mga natitirang buhol na buhok sa harapan, nakakalat dito at doon, nakakapit sa manilaw-nilaw na malutong na balat, katulad ng alikabok na natuyo sa ibabaw ng bungô, napakalalim na mga mata, nakabuka nang kalahati, mga labì at ilong kinain na ng sakit ang kalahati at naipakikita na ang kartilago at mga gilagid, dalawang maliliit na sirang panlabas ng tainga, ang lahat na makikita sa kanyang katawan natatakpan ng kulubot na balat, kasing dilaw ng ilang uri ng kaolin, na may mga buto na makikita rito at doon: ang kanyang balat ay tila ang may katungkulan na mapanatili ang lahat na kaawa-awang mga buto na magkakakabit, sa loob ng nakapandidiring supot nito, ganap na natatakpan ng pangit na mga peklat at bulok na mga langib. Isang tunay na kasiraan!

Hindi ko maiwasan na maisip ang paghihitsurang-isang-tao ng Kamatayan naglalagalag sa lupa, natatakpan ng kulubot na balat ang kalansay nito, nakabalot sa isang maruming manta na nagkakápunít-punít, hawak sa kamay nito hindi isang karit, bagkus isang may mga buko na patpat na galing sa isang punungkahoy.

Siya ay nasa bunganga ng isang malayong kuweba, isang tunay na kuweba, sa gayong estado ng pagkasira na hindi ko masabi kung ito ay dating isang sepulkro, o isang kubo para sa mga mangangahoy o isang labí ng ginibang bahay. Siya ay nakatingin sa kalsada, mga mahigit sandaan metro mula sa kanyang kuweba, isang pangunahing daan, maalikabok at maaraw pa. Walang sinuman ang nasa daan. Hanggang sa makikita ng mga mata, ang daan ay may sikat ng araw, alikabok at pangungulila. Sa mas malayo pa, pahilagang-kanluran, maaaring may isang nayon o isang bayan. Nakikita ko ang unang mga bahay. Ito ay mga isang kilometro man lamang ang layo.

Ang ketongin ay titingin at magbubuntung-hininga. Kumuha siya ng isang biyak na mangkok at pinuno ito ng tubig sa isang sapa. Siya'y umiinom. Pumunta siya sa isang buhul-buhol na mga palumpong, sa likuran ng kuweba, at yumuko at humihila ng ilang layas na mga ugat mula sa lupa. Bumalik siya sa sapa, hinuhugasan niya ito, inaalis ang mas magagaspang na dumi sa pamamagitan ng kaunting tubig ng maliit na daloy at kinakain niya ito nang dahan-dahan, pinapasok ito nang makirot sa loob ng kanyang bunganga sa pamamagitan ng kanyang sirang mga kamay. Maaaring ito ay kasing tigas ng mga patpat. Nahihirapan siyang nguyain ito at kinailangan niyang idura ang marami dahil hindi niya ito malunok, sa kabila ng tulong ng tubig na kanyang iniinom.

²«Nasaan ka, Abel?» sigaw ng kung sino.

Ang ketongin ay napatingala, mayroon siyang isang bagay sa kanyang mga labì na baka isang ngiti. Ngunit ang kanyang mga labì ay nasa gayong kalagayan na kahit na ang panlabas na tanda na iyon ay malabo at walang hugis. Siya ay tumugon sa pamamagitan ng kakaiba, palangitngit na tinig: ito ay nagpapaalaala sa akin ng ilang huni ng ilang uri ng mga ibon, na ang eksaktong pangalan nito hindi ko alam: «Naririto ako! Hindi na ako naniniwala na darating ka pa. Akala ko may nangyari nang masama sa iyo. Ako'y nalulungkot… Kung pati ikaw ay mawala sa akin, ano ang mangyayari sa kaawa-awang Abel?» Habang nagsasalita, siya ay naglalakad patungo sa daan, hanggang sa magagawa niya ayon sa Batas, baka ganito ito, dahil sa kalahatian, siya ay tumigil.

Ang isang lalaki ay lumapit sa daan, siya ay kumikilos nang napakabilis na tila siya ay tumatakbo.

«Totoo bang ikaw nga ba iyan, Samuel? O! kung ikaw ay hindi ang aking hinihintay, maging sino ka man, huwag mo akong saktan!»

«Ako ito, Abel, ako ito! Ako'y pinagaling. Tingnan kung papaano ako tumakbo. Ako'y náhuli, alam ko. At ako ay nag-aalala tungkol sa iyo. Ngunit kapag mapakinggan mo… o! magiging masaya ka. At mayroon ako hindi ang karaniwang mga mumo ng tinapay, bagkus isang buo ng magandang tinapay, at lahat ito ay para sa iyo, at mayroon akong ilang magandang isda, at ilang keso, at lahat ito ay para sa iyo. Ibig kong ikaw ay magsaya, aking kaawa-awang kaibigan, at sa gayon maging handa para sa mas malaki pang kagalakan.»

«Ngunit papaano ka naging napakayaman? Hindi ko maintindihan…»

«Sasabihin ko sa iyo.»

«At magaling na. Ikaw ay tila hindi ang dating tao!»

³«Makinig, kung gayon. Napakinggan ko na sa Capernaum ay may isang Rabbi na isang banal na tao, at ako ay pumunta…»

«Tigil, tigil! Ako ay nahawaan.»

«O! Hindi na bale! Hindi na ako natatakot ng kahit ano.» Ang mamâ, na siyang ang tunay ngang pilay na pinagaling at tinulungan ni Jesus, sa pamamagitan ng kanyang mabilis na hakbang ay halos narating ang ketongin at mga ilang hakbang na lamang ang layo rito. Siya ay nagsasalita habang naglalakad at ngumingiting masaya.

Ngunit ang ketongin ay nagsalita muli: «Sa ngalan ng Diyos, tumigil. Kung may makakita sa iyo…»

«Ako ay titigil. Tingnan: Ilalagay ko ang mga pagkain dito. Kumain, habang ako ay nagsasalita sa iyo.» Inilagay niya ang isang balutan sa ibabaw ng isang malaking bato, at binuksan ito. Pagkatapos siya ay umatras nang mga ilang hakbang, habang ang ketongin ay lumalapit at itinapon ang sarili sa bihirang pagkain.

«O! Gaano katagal na akong nagkaroon ng pagkain na katulad nito! Gaano kasarap ito! At naiisip ko na kanina na ako ay magpapahinga na walang laman ang aking tiyan. Wala ni isang maawaing kaluluwa ngayon… at wala ni ikaw… Nagnguya ako ng ilang mga ugat…»

«Kaawa-awang Abel! Iyan ang ikinatatakot ko. Ngunit sinabi ko: “Bueno, maaaring malungkot siya ngayon, ngunit magiging masaya siya pagkatapos!”»

«Masaya, oo, dahil sa masarap na pagkain na ito. Ngunit pagkatapos…»              

«Hindi! Magiging masaya ka magpakailanman.»             

Ang ketongin ay iniiling ang kanyang ulo.

«Makinig, Abel. Kung magkakaroon ka ng pananampalataya, magiging masaya ka.»

«Ngunit pananampalataya kanino?»

«Sa Rabbi. Sa Rabbi Na nagpagaling sa akin.»

«Ngunit ako ay isang ketongin. At nasa huling estado na! Papaano Niya ako pagagalingin?»

«O! Magagawa Niya. Siya ay banal.»

«Oo, si Eliseo din ay pinagaling si Naaman ang ketongin… Alam ko… Ngunit ako… Hindi ako makapupunta sa Jordan.»

«Mapagagaling ka nang walang pangangailangan ng kahit anong tubig. Makinig: ang Rabbi na ito ay ang Mesiyas, naiintindihan mo ba? Ang Mesiyas! Siya ay ang Anak ng Diyos. At pinagagaling Niya ang kahit sino na may pananampalataya. Sinasabi Niya: “Gusto Ko” at ang mga dimonyo ay lumalayas, ang mga galamay ay natutuwid, ang bulag nakakakita.»

«O! Magkakaroon ako ng pananampalataya, magkakaroon nga akong totoo! Ngunit papaano ko makikita ang Mesiyas?»

«Iyan nga… Ako ay naparito para lamang diyan. Siya ay madalas nasa banda roon, sa nayon na iyon. Alam ko kung saan Siya mapupunta sa gabing ito. Kung gusto mo… Sinabi ko: “Sasabihan ko si Abel, at kung sa pakiramdam ni Abel maaari siyang magkaroon ng pananampalataya, dadalhin ko siya sa Guro”.»

«Sira ba ulo mo, Samuel? Kung ako ay lumapit sa mga kabahayan, ako ay pagbabatuhin.»

«Hindi malapit sa mga kabahayan. Mamaya lamang ay madilim na. Dadalhin kita sa palumpungan na iyon, at pagkatapos lalakad ako at tatawagin ko ang Guro. Dadalhin ko Siya sa iyo…»

«Lakad, lakad na kaagad! Pupunta akong mag-isa sa lugar na iyon. Maglalakad ako sa kanal, sa likuran ng hilerang mga tanim na iyon, ngunit lumakad ka na, lakad na… O! lakad na, aking mabait na kaibigan! Kung nalalaman mo lamang kung ano ang maghirap sa sakit na ito. At kung ano ang ibig-sabihin ng umasa na mapagaling!...» Ang ketongin ay hindi na interesado pa sa pagkain. Siya ay umiiyak at sumisenyas na nakikiusap sa kanyang kaibigan.

«Ako ay lalakad na, at pupunta ka.» Ang pinagaling na pilay ay umalis tumatakbo.

Si Abel nang may kahirapan ay binababa ang kanal na nagpapanabi sa daan, dahil ito ay puno ng mga palumpong na mga tumubo sa tuyong lupa. Tanging sa gitna lamang may isang pinong daloy ng tubig. Dumidilim na, at ang kaawa-awang mamâ ay nagpapadalusdos sa mga palumpong, laging nakahanda baka may mapakinggan siya na mga yapak. Dalawang beses na kinailangan niyang magtago sa ilalim: sa unang pagkakataon nang ang isang lalaki na nakasakay sa kabayo ay dumaan, ang pangalawa nang ang tatlong lalaki, may dalang mga dayami, ay dumaan patungo sa nayon. At siya ay nagpatuloy.

⁴Ngunit si Jesus at si Samuel ay naunang nakarating sa palumpungan bago siya. «Darating siya rito bago magtagal. Kumikilos siya nang napakabagal dahil sa kanyang mga sugat. Pakiusap na magpasyensiya.»

«Ako ay hindi nagmamadali.»     

«Pagagalingin ba Ninyo siya?»

«May pananampalataya ba siya?»

«O!... siya ay namamatay na sa gutom. Nakita niya ang pagkain na iyon pagkaraan ng maraming taon ng abstinensiya, subalit, pagkatapos ng iilang subo, iniwan niya ang lahat upang pumunta rito.»

«Papaano mo siya nakilala?»

«Alam N’yo… Ako ay nabubuhay sa mga bigay-bigay na lamang pagkatapos ng aking disgrasya at ako ay pumupunta sa mga kalsada mula sa isang lugar patungo sa isa pa. Madalas akong dumaan dito sa tuwing ikapitong araw at nakilala ko ang kaawa-awang mamâ… isang araw, nang naitaboy ng gutom, siya ay pumunta sa pangunahing daan naghahanap ng kung anong bagay, sa gitna ng isang napakamarahas na bagyo. Siya ay nagkakalkal sa mga basura, katulad ng isang aso. Mayroon akong isang hiwa ng tuyong tinapay sa aking bag, regalo ng ilang mabubuting tao, at hinatian ko siya. Kami ay naging magkaibigan magmula noon, at dinadalhan ko siya ng ilang pagkain tuwing linggo. Sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon ako… Kung marami ako, makapagbibigay ako ng marami; kung kakaunti ang mayroon ako, nagbibigay ako ng kaunti. Ginagawa ko ang magagawa ko na tila siya ay aking kapatid. Mula nang ako ay pinagaling Ninyo, pagpalain nawa Kayo, lagi ko siyang nasa isip… at ang tungkol sa Inyo.»

«Ikaw ay mabuting tao, Samuel; iyan kung bakit dinalaw ka ng grasya. Siya na nagmamahal ay karapat-dapat ng lahat mula sa Diyos. ⁵Ngunit may gumagalaw sa loob ng mga sanga…»

«Ikaw ba iyan, Abel?»

«Oo, ako ito.»

«Halika, ang Guro ay naghihintay sa iyo, sa ilalim ng puno ng nugales.»

Ang ketongin ay lumitaw mula sa kanal at inaakyat ang pampang, na kanyang tinatawid at pumunta sa parang. Si Jesus, nakasandal sa isang napakataas na puno ng nugales, ay naghihintay sa kanya.

«Guro, Mesiyas, Banal na Isa, maawa sa akin!» at itinapon niya ang kanyang sarili sa damuhan sa paanan ni Jesus. Na ang kanyang mukha nakayuko pa rin sa lupa sinabi niya: «Aking Panginoon! Kung gugustuhin Ninyo, mapagagaling Ninyo ako!» Siya pagkatapos ay naglakas-loob na tumayo sa kanyang mga tuhod, inuunat niya ang kanyang katulad-ng-kalansay na mga braso, na may pilipilipit na mga kamay, itinitingala ang kanyang numipis na sirang mukha… Ang mga luha ay bumababa mula sa kanyang may-sakit na mga butas ng mga mata patungo sa kanyang agnas na mga labì.

Si Jesus ay tinitingnan siyang lubos na naaawa. Tinitingnan Niya ang aninong iyon ng isang tao, kinain na ng teribleng sakit, na labis na nakakatakot at mabaho na tanging ang totoong karidad lamang ang makakatiis na makalapit sa kanya. Subalit, si Jesus ay iniunat ang Kanyang kamay, ang Kanyang magandang malusog na kanang kamay upang haplusin ang kaawa-awang mamâ.

Ang ketongin, na hindi tumatayo, ay isinandal nang patalikod ang sarili sa kanyang mga sakong, at sumigaw: «Huwag Ninyo akong hipuin! Maawa sa akin!»

Ngunit si Jesus ay humakbang papalapit. Maringal, mabuti, mabait inilapat Niya ang Kanyang mga daliri sa ulo na inuubos ng ketong, at sa isang mababang tinig, na puno ng pagmamahal subalit maawtoridad, sinabi Niya: «Gusto Ko ito! Maging malinis!» Ang Kanyang kamay nananatili sa kaawa-awang ulo nang ilang mga sandali. «Tumayo ka. Pumunta sa pari. Gawin ng ipinanunuto ng Batas. At huwag sabihin kaninuman ang ginawa Ko sa iyo. Maging mabuti. Huwag nang magkasala pang muli. Pinagpapalà kita.»

«O! Panginoon! Abel! Ganap ka nang magaling!» Si Samuel, nakikita ang ganap na pagbabago ng kanyang kaibigan, ay sumisigaw sa tuwa.

«Oo, magaling na siya. Karapat-dapat siya nito dahil sa kanyang pananampalataya. Paalam. Ang kapayapaan ay sumainyo.»

«Guro! Guro! Guro! Hindi ko Kayo iiwanan. Hindi ko Kayo maiiwan.»

«Gawin ang ipinanunuto ng Batas. Magkikita muli tayo. Sa muli pinagpapalà kita.»

Si Jesus ay umalis, tumatango kay Samuel na manatili. At ang dalawang magkaibigan ay lumuluha ng mga luha ng lugod, habang sa liwanag ng kaapat na buwan sila ay naglalakad patungo sa kuweba para sa huling pagpapahinga sa lungga ng kasawiang-palad.

At ang bisyon ay natapos nang gayon.

(332)210710/040713/040813

Sunod na kabanata.