630. Si Jesus Nagpakita sa Mount Tabor sa mga Apostol at sa mga Limandaan na mga Naniniwala.

Abril 20, 1947.

¹Ang lahat na apostol ay naroroon, lahat na mga pastol na disipulo, si Jonathan din, na pinakawalan na ni Chuza sa kanyang paglilingkod. Naroon sina Marjiam at Manaen at marami sa pitumpu’t dalawang mga disipulo at marami pang iba. Nasa ilalim sila ng mga lilim ng mga punungkahoy, na sa pamamagitan ng mga dahon nito ay nababawasan ang liwanag at init. Wala sila sa itaas sa tuktok, kung saan nangyari ang Transpigurasyon, bagkus sa kalahatian ng burol, kung saan ang isang kagubatan ng mga punong-terebinto ay tila naghihintay upang mapagtakpan ang tuktok at masuportahan ang mga tabi ng bundok sa pamamagitan ng malalakas na mga ugat nito.

Halos lahat ay tulog, gawa ng oras at ng kawalang-ginagawa at ng matagal na paghihintay. Ngunit ang isang sigaw ng isang batang lalaki – hindi ko alam kung sino ito, sapagkat hindi ko siya makita mula sa kinaroroonan ko – ay sapat nang magawa ang lahat na tumayo, sa unang biglaan na pagtugon, na pagkatapos ay naging pagpapatirapa na ang kanilang mga mukha nasa damuhan.

«Kapayapaan sa inyong lahat. Naririto Ako sa pagitan ninyo. Kapayapaan sa inyo. Kapayapaan sa inyo.» si Jesus ay nagdaraan sa pagitan nila bumabati at nagpapalà.

Marami ang lumuluha, marami ang ngumingiting masayang-masaya. Ngunit may labis na kapayapaan sa lahat.

Si Jesus ay lumalakad at tumitigil kung saan ang mga apostol at ang mga pastol ay pumoporma ng isang makapal na grupo kasama si Marjiam, si Manaen, si Stephen, si Nicolaus, si Juan ng Ephesus, si Hermas, at ilan pa sa mas tapat na mga disipulo, na ang kaninong mga pangalan ay hindi ko maalaala. Nakikita ko ang mamâ mula sa Korazim na hindi sumama sa paglilibing sa kanyang ama upang sumunod kay Jesus, at isa pang nakita ko sa ibang mga pagkakataon. Si Jesus ay hinahawakan ang ulo ni Marjiam, na umiiyak nakatingin sa Kanya, hinalikan Niya ang kanyang ulo at pagkatapos idinidiin siya sa Kanyang puso.

²Pagkatapos hinarap Niya ang iba at nagsabi: «Marami at kakaunti. Nasaan ang iba pa? Alam Ko na marami ay Aking matatapat na disipulo. Bakit dito ay halos walang limandaan katao, nang hindi na binibilang ang mga bata ng taong ito o iyon sa pagitan ninyo?»

Si Pedro, na nanatiling nakaluhod sa damo, ay tumayo at nagsalita sa katauhan ng lahat: «Panginoon, sa pagitan ng ika-labintatlo at ika-dalawampung araw mula sa Inyong kamatayan, maraming mga tao ang pumunta rito mula sa maraming bayan sa Palestina, nagsasabing Kayo ay nasa pagitan nila. Kung kaya't marami sa amin, upang makita Kayo kaagad, ay pumunta ang ilan kasama ito, ang ilan kasama iyon. Ang iba ay kaaalis lamang. Ang mga pumunta rito ay nagsabi na nakita Kayo at nagsalita sa Inyo sa iba't ibang mga lugar, at, ang maganda, silang lahat ay nagsasabi na nakita Kayo sa ika-labindalawang araw mula sa Inyong kamatayan. Akala namin iyon ay isang panloloko ng ilan sa mga huwad na propeta, na sinabi Ninyo na lilitaw upang maloko ang mga napili. Iyan ang sinabi Ninyo, sa Mount of Olives, noong gabi bago... bago...» Si Pedro nahawakan muli ng alaalang iyon, ay itinungo ang kanyang ulo at naging tahimik. Dalawang luha, sinundan ng marami pa, ang bumagsak mula sa kanyang balbas hanggang sa lupa...

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang kanang kamay sa balikat ni Pedro, na nanginig sa paglapat ng Kamay na iyon at, sa dahilan na ayaw niyang mangahas na mahipo ang Kamay na iyon ng kanyang sariling kamay, iniyuko niya ang kanyang ulo upang mahaplos ng kanyang pisngi ang adorableng Kamay na iyon, at masagi ito ng kanyang mga labì.

Si Santiago ni Alfeo ang nagpatuloy ng pagsasalaysay: «At pinayuhan namin ang mga tao na huwag paniwalaan ang mga aparisyon na iyon, ibig sabihin ang mga tao sa pagitan namin na nagmamadali patungo sa malaking dagat, o patungo sa Bozrah, o sa Caesarea Philippi, sa Pella o Kedesh, sa bundok malapit sa Jericho at sa kapatagan, at sa kapatagan din ng Esdraelon, sa dakilang Hermon at sa Beth-horon at Beth-shemesh, at sa iba pang mga lugar na walang mga pangalan, dahil sila ang nag-iisa mga bahay sa kapatagan malapit sa Japhia o Gilead. Labis na walang katiyakan. Ang ilang mga tao ay nagsabi: Nakita namin Siya at napakinggan”. Ang iba ay nagpahatid ng salita na nakita nila Kayo at nakasaló pa nga Kayo sa pagkain. Oo, ginusto namin silang pigilan, sapagkat naisip namin na iyon ay kung hindi mga patibong ng mga sumasalungat sa atin, o iyon ay mga guniguning nakita ng makatarungang mga tao, na labis na nag-iisip ng tungkol sa Inyo hanggang sa sila ay naisip na nakita Kayo kung saan wala naman Kayo. Ngunit gusto nilang lumakad. Ang ilan patungo dito, ang ilan patungo roon. At kaya kami ay naging ganito na wala pang isang ikatlo.»

«Tama kayo sa pamimilit na pigilan sila. Hindi dahil sa Ako ay talagang hindi napunta kung saan sinabi nila sa inyo na Ako ay napunta. Bagkus dahil kayo ay Aking inutusan na manatili rito,  nagkakaisa sa panalangin sa paghihintay sa Akin. At dahil gusto Kong ang Aking mga salita ay masunod, lalo na ng mga taong Aking mga lingkod. Kung ang Aking mga lingkod ay magsimulang sumuway, ano ang gagawin ng mga naniniwala?

³Makinig lahat kayo na nasa paligid dito. Alalahanin na sa loob ng isang organisasyon ang isang herarkiya ay kinakailangan, upang ito ay sana totoong maging aktibo at malusog, ibig sabihin, may isang nag-uutos, may isang nagpapahatid ng mga utos at may mga sumusunod. Iyan ang nangyayari sa loob ng mga korte ng mga hari, katulad din sa loob ng mga relihiyon. Mula sa ating Hebreong relihiyon hanggang sa mga iba pa, kahit na kung sila ay labis na di-puro, laging may isang hepe, may kanyang mga ministro, mga lingkod ng mga ministro, at panghuli may mga naniniwala. Ang isang pontipise ay hindi makakakilos nang mag-isa lamang siya. Ang isang hari ay hindi makakakilos nang siya lamang. At ang kanilang mga disposisyon ay tungkol lamang sa mga pangangailangan ng tao, o tungkol sa pormalidad ng mga ritwal. Oo. Nakalulungkot, na ngayon, sa loob ng Mosaic na relihiyon, ay walang ibang natira bagkus ang pormalismo ng mga ritwal, ang pagpapatuloy ng mga paggalaw ng isang gamit na nagpapatuloy sa paggawa ng dating mga kilos, kahit na ngayon na ang espiritu ng mga pagkilos na iyon ay patay na. Patay na magpakailanpaman. Ang kanilang Dibinong Tagapagbigay-buhay, Siya Na nagbibigay kahulugan sa mga ritwal, ay umalis na sa kanila. At ang mga ritwal ay mga pagkilos, wala nang iba pa. Mga pagkilos na kahit na sinong actor ay magagaya ito sa entablado ng kahit anong ampiteatro.

Kapahamakan, kapag ang isang relihiyon ay namatay, at mula sa pagiging isang tunay na buháy na kapangyarihan naging isang maingay na panlabas na pantomina lamang, isang walang-laman na bagay sa likuran ng isang iginuhit na larawan ng isang tanawin, sa likuran ng marangyang mga damit, mga paggalaw ng mga gamit na isinasagawa ang ilang mga aksiyon, katulad lamang ng isang susi na pinagagalaw ang isang kuwerdas, ngunit ni ang susi o ang kuwerdas ay walang alam kung ano ang kanilang ginagawa. Kapahamakan! Mag-isip! Tandaan ang katotohanan na ito at sabihin ito sa mga papalit sa inyo, upang malaman ito sa buong mga panahon. Ang pagbagsak ng isang planeta ay hindi kasing nakakatakot kaysa sa pagbagsak ng relihiyon. Kung ang kalawakan ay mawawalan ng mga bituin at mga planeta nito, para sa ibang mga tao hindi ito magiging napaka masamang kasawiang-palad katulad ng kung sila ay mananatiling walang relihiyon. Ang Diyos ay maglalaan sa pamamagitan ng mapag-ubayang kapangyarihan para sa mga kakailanganin ng mga tao, sapagkat magagawa ng Diyos ang lahat para sa mga tao na, sa isang tamang paraan, o sa pamamaraan na siyang alam ng kanilang kamangmangan, naghahanap at nagmamahal sa Dibinidad sa isang tamang espiritu. Ngunit kung ang araw ay dumating kung kailan hindi na minamahal ng mga tao ang Diyos, sapagkat ang mga pari ng bawat relihiyon ay ginawa nila itong isang walang-laman na pantomina lamang, dahil sila ang unang hindi naniwala sa kanilang relihiyon, kapahamakan ang darating sa Lupa!

⁴Ngayon, kung ganyan ang Aking sinasabi para sa mga relihiyon na di-puro, dahil ang ilan ay sumapi sa pamamagitan ng bahagyang paghahayag sa isang marunong na tao, ang ilan ay dahil sa likas na pangangailangan ng tao na makalikha ng isang pananampalataya para sa kanyang sarili upang masustentuhan ang kanyang kaluluwa na makapagmahal sa isang diyos – dahil ang pangangailangan na ito ay ang pinaka malakas na insentibo ng tao, ang permanenteng kalagayan ng pananaliksik para sa Kanya Na Siya nga, at ginugusto ng espiritu kahit na kung ang mapagmalaking katalinuhan ay tumatangging magbigay ng pitagan sa kahit alin na diyos, kahit na kung ang tao, walang nalalaman tungkol sa kaluluwa, ay hindi mabigyan ng pangalan ang gayong pangangailangan na namumukaw sa loob niya – ano ang Aking sasabihin para sa relihiyon na ito na Aking binigay sa inyo, para sa isang ito na taglay ang Aking Pangalan, para sa isang ito na nilikha Ko kayong mga pontipise at mga pari nito, para sa isang ito na Aking iniutos sa inyo na palaganapin sa buong mundo? Para sa relihiyong Bukod-tangi. Totoo, Perpekto, Di-mababago sa doktrinang itinuro Ko, ang Guro, kinukumpleto sa pamamagitan ng patuloy na pagtuturo Niya Na darating, ang Espiritu Santo, ang Kabanalbanalang Gabay para sa Aking mga Pontipise at para sa mga tutulong sa kanila, pangalawang mga hepe sa iba't ibang mga Simbahan na nilikha sa iba't ibang mga rehiyon kung saan ang Aking Salita ay igigiit. Ang mga Simbahan na ito, bagamat sari-sari’t iba’t iba sa bilang, ay hindi maiiba sa kaisipan, bagkus magiging isa lamang kasama ang Simbahan, katulad na sa pamamagitan ng kanilang indibidwal na mga bahagi popormahin nila ang dakilang gusali, palaki nang palaki, ang malaking bagong Templo, na sa pamamagitan ng mga pabelyon nito mararating nito ang lahat na sulok ng lupa. Hindi nagkakaiba sa kaisipan, o nag-iiba-iba sa isa’t isa, bagkus nagkakaisa, nang magkakapatid sa isa’t isa, lahat napapailalim sa Ulo ng Simbahan, kay Pedro, at sa mga papalit sa kanya hanggang sa katapusan ng panahon.

At sa mga hihiwalay sa Inang Simbahan para sa kung anumang rason, ay magiging mga miyembro tinapyas, hindi na nasusustentuhan ng mistikong dugo na siyang ang Grasyang nanggagaling sa Akin, ang dibinong Ulo ng Simbahan. Katulad ng alibughang mga anak, nahiwalay sa paternal na bahay sa pamamagitan ng kanilang sariling kalooban, sa loob ng kanilang di-tumagal na kayamanan at palagian at palala-nang-palalang paghihirap, mapapupurol nila ang kanilang mga talino sa pamamagitan ng napakabigat na mga  pagkain at mga alak, at pagkatapos sila ay manghihina kumakain ng mapait na mga bungang kinakain ng di-malinis na mga hayop hanggang bumalik sila sa paternal na bahay, nagsasabing may nagsisising mga puso: “Kami ay nagkasala. Ama, patawarin kami at buksan ang inyong tahanan sa amin”. Pagkatapos, maging ito man ay isang miyembro ng napahiwalay na Simbahan, o isang buong Simbahan – o! kung ito ay ganito sana, ngunit saan, kailan ang napakaraming mga taga-gaya Ko lilitaw, na may kakayahan na matubos ang napahiwalay na mga Simbahan na ito, hanggang sa maitaya pati ang kanilang sariling mga buhay, upang maging isa lamang, upang muling maging isa lamang na Kawan sa ilalim ng isa lamang na pastol, katulad ng siyang Aking minimithi? – pagkatapos maging ito man ay isang tao o isang asamblea na bumabalik, buksan ang mga pintuan sa kanila.

⁵Maging makaama. Isipin na lahat kayo, sa loob ng isang oras o maraming oras, baka maraming mga taon, ay, ang bawat isa, naging alibughang mga anak nakabalot sa kiling ng pagkakasala. Alalahanin! Alalahanin! Huwag maging matigas sa mga nagsisisi. Ang marami sa inyo ay tumakbo dalawampu’t dalawang araw ang nakaraan. At ang pagtakbo ba kaya ninyo ay hindi pagtatatwa ng inyong pagmamahal para sa Akin? Kung gayon, katulad na tinanggap Ko kayo kaagad noong kayo, nagsisisi, ay pumunta sa Akin, gawin din ninyo ito mismo. Gawin ang lahat na Aking ginawa. Iyan ang Aking utos. Namuhay kayong kasama Ako sa loob ng tatlong taon. Alam ninyo ang mga ginagawa Ko at ang Aking mga kaisipan. Kapag, sa hinaharap, matagpuan ninyo ang inyong sarili sa harapan ng isang kaso na kailangang pagpasyahan, tumingin pabalik sa panahon noong kayo ay kasama Ko at umasal katulad ng inasal Ko. Hindi kayo kailanman magkakamali. Ako ang buháy na perpektong halimbawa tungkol sa kung ano ang inyong kailangang gawin.

At tandaan din na hindi Ko ipinagkait ang Aking Sarili kahit na kay Judas  ng Kerioth...  Ang isang pari ay kailangan na magsikap na makapagligtas, sa pamamagitan ng lahat na posibleng pamamaraan. At gawin na ang pagmamahal ay ang laging nangingibabaw, sa pagitan ng mga pamamaraan na gagamitin upang makapagligtas. Isipin na hindi kaila sa Akin ang kapangitan ni Judas... Ngunit, nilalabanan ang lahat na pagkasuklam, trinato Ko ang kaawa-awang sawing-palad katulad ng pagtrato kay Juan. Kayo... kayo ay madalas maipapaliban sa inyo ang kapaitan ng malaman na walang kahit anong silbi ang iligtas ang isang minamahal na disipulo... At kayo kung gayon ay makapagtatrabaho na wala ang kapaguran na nakakaapekto sa isa, kapag alam ng isa na ang lahat ay walang kabuluhan... Ang isa ay kailangan na magtrabaho kahit na diyan... lagi... hanggang sa ang lahat ay magawa na...»

⁶«Ngunit Kayo ay naghihirap, Panginoon!?! O! Hindi ako naniwala na Kayo ay maaari pa ring maghirap! Naghihirap pa rin Kayo gawa ni Judas! Kalimutan Ninyo siya, Panginoon!» sigaw ni Juan, na hindi kailanman inaalis ang kanyang mga mata sa kanyang Panginoon kahit isang sandali.

Si Jesus ay ibinukas ang Kanyang mga kamay, sa Kanyang pangkaraniwang aktitud ng pagtanggap ng isang masakit na katotohanan. At sinabi Niya: «Iyan ay ganyan... si Judas ay naging at siyang ang pinakamalalim na kapighatian sa karagatan ng Aking mga kapighatian. Iyan ang kapighatian na nananatili... Ang ibang kapighatian ay natapos kasama ng pagkatapos ng Sakripisyo. Ngunit ang isang ito ay nananatili. Minahal Ko siya. Inubos Ko ang Aking sarili sa pagsisikap na mailigtas Siya... Nagawang mabuksan Ko ang mga pinto ng Limbo at mailabas ang makatarungan, nagawang mabuksan Ko ang mga pinto ng Purgatoryo, at mailabas ang mga pinadadalisay. Ngunit ang lugar ng lagim ay nakukulong siya. Walang kabuluhang namatay Ako para sa kanya.»

«Huwag maghirap! Huwag maghirap! Kayo ay maluwalhati, aking Panginoon! Kaluwalhatian at lugod sa Inyo. Inubos na Ninyo ang Inyong kapighatian!» nakikiusap si Juan muli.

«Walang sinuman talaga ang nag-akalang maaari pa rin Siyang maghirap!» lahat sila nagsasabi, namamangha at naaantig, bumubulong sa isa’t isa.

At hindi ba ninyo iniisip kung gaanong kapighatian ang paghihirapan ng Aking Puso sa loob ng mga panahon, para sa bawat di-nagsisising nagkasala, para sa bawat erehe na nagpapasinungaling sa Akin, para sa bawat naniniwala na nagtatatwa sa Akin, para sa bawat – pahirap ng lahat na mga pahirap – para sa bawat nagkasalang pari, ang dahilan ng iskandalo at kasiraan? Hindi ninyo nalalaman! Hindi pa ninyo nalalaman. ... Sa pagninilay-nilay kay Judas, napagninilay-nilayan ko ang mga napili na ang pagkapili ay naging kasiraan sa pamamagitan ng kanilang masamang kalooban... O! kayo na mga tapat, kayo na puporma sa hinaharap na mga pari, alalahanin ang Aking kapighatian, lumagong banal at mas banal pa upang mapaginhawahan ang Aking kapighatian, gawin silang banal upang sana, hanggat maaari, wala na pag-ulit ng kapighatian na ito, maghikayat, magbantay, magturo, makipaglaban, maging maasikaso katulad sa mga ina, kasing walang-kapaguran katulad ng mga tagapagturo, kasing mapagbantay katulad ng mga pastol, maging katulad ng mga lalaki bilang mga mandirigma, upang masuportahan ang mga pari na popormahin ninyo. Tiyakin, o! tiyakin na ang kasalanan ng ika-labindalawang apostol ay hindi na magkakaroon ng napakaraming pag-ulit sa hinaharap... Maging katulad Ko noong kasama ninyo Ako, katulad na Ako ay kasama ninyo ngayon.

⁷Sinabi Ko sa inyo: “Maging kasing perpekto katulad ng Ama sa Langit”. At gawing manginig ang inyong pagkatao sa utos na iyan, mahigit pa ngayon kaysa noong sinabi Ko iyan sa inyo. Sapagkat ngayon alam na ninyo ang inyong kahinaan. Bueno, upang mapalakas ang inyong loob sasabihin Ko sa inyo: “Maging katulad ng inyong Guro”. Ako ang Tao. Anuman ang Aking nagawa, magagawa ninyo. Mga himala din. Oo. Iyan din. Upang malaman sana ng mundo na Ako ito Na siyang nagpadala sa inyo, at siya na naghihirap ay sana hindi lumuha, nawawalan ng pag-asa iniisip: “Siya ay wala na sa atin upang pagalingin ang ating may-sakit na mga tao at mapaginhawahan ang ating mga kapighatian”. Sa loob ng mga araw na ito Ako ay gumawa ng mga himala upang paginhawahan ang mga puso at makumbinsi sila na ang Kristo ay hindi nasira dahil Siya ay pinapatay, sa kabaligtaran, Siya ay mas malakas, eternal na malakas at makapangyarihan. Ngunit kapag aako ay hindi na ninyo kasama, gagawin ninyo kung ano ang Aking nagawa magpahanggang ngayon, at kung ano ang Akin pa ring gagawin. Ngunit hindi labis dahil sa kapangyarihan ng paggawa ng mga himala, bagkus sa pamamagitan ng inyong kabanalan ang pagmamahal para sa bagong Relihiyon ay sana lumago pa nang lalo. At ito ay dahil sa inyong kabanalan, hindi dahil sa kaloob na pinaabot Ko sa inyo, na kayo ay kailangan na maging mapagbantay nang labis. Habang mas nagiging banal kayo, mas lalo kayong mapapamahal sa Aking Puso, at ang Espiritu ng Diyos ay paliliwanagan ang inyong isip, habang ang Kabutihan ng Diyos at ang Kanyang Kapangyarihan ay pupunuin ang inyong mga kamay ng mga regalo ng Langit.

Ang isang himala ay hindi isang pangkaraniwan at kinakailangang pangyayari para sa buhay sa pananampalataya. Sa kabaligtaran, pinagpala ang nakapananatili sa pananampalataya nang walang ekstraordinaryong pamamaraan upang matulungan silang maniwala! Ngunit ni ang himala ay isang akto na esklusibong-esklusibong nakatalaga lamang sa espesyal na mga panahon, na ito ay kailangan na tumigil kapag sila ay tumigil. Laging magkakaroon ng mga himala sa mundo. At habang mas dumarami ang makatarungan sa mundo, mas lalong magiging marami ang mga himala. Kapag nakikita ninyo na ang totoong mga himala ay nagiging bihira, masasabi ninyo kung gayon na ang pananampalataya at katarungan ay nawawala. Sapagkat sinabi Ko: “Kung kayo ay may pananampalataya, mapagagalaw ninyo ang mga bundok”. Sapagkat sinabi Ko: “Ang mga tanda na sasabay sa mga may totoong pananampalataya sa Akin, ay ang mga pananalo sa mga dimonyo at mga sakit, ang pananalo sa mga elemento at mga patibong”. Ang Diyos ay kasama ng mga nagmamahal sa Kanya. Ang tanda ng kung papaano ang mga naniniwala sa Akin ay nasa Akin ay ang bilang at ang kapangyarihan ng mga himala na kanilang magagawa sa Aking pangalan at sa ikaluluwalhati ng Diyos. Sa isang mundo na walang totoong mga himala, posibleng sabihin, nang walang paninira: “Nawalan na kayo ng pananampalataya at katarungan. Kayo ang mundo na walang mga santo”.

⁸Kung kaya’t, upang bumalik sa kung ano ang Aking sinasabi sa simula, nagawa ninyo ang tamang bagay sa pagpigil sa mga na, katulad ng mga batang nararahuyo ng ingay ng musika o ng isang bagay na kumikislap-kislap, ay tumatakbong wala-sa-isip mula sa kung ano ang sigurado. Ngunit, kita ninyo? May kaparusahan na sila, sapagkat nawala sa kanila ang Aking salita. Ngunit kayo ay nagkamali rin . Naalaala ninyo na sinabi Ko sa inyo na huwag magmadali patungo rito at doon sa bawat sabí-sabí na Ako ay nasa isang lugar. Ngunit hindi ninyo naalaala na sinabi Ko rin na, sa Aking ikalawang pagdating, ang Kristo ay magiging katulad ng kidlat na humahampas sa silangan at kumikislap patungong kanluran, sa loob ng sandaling mas maikli pa kaysa sa isang kisap ng mata. Ngayon ang ikalawang pagdating na ito ay nagsimula sa sandali ng Aking Resureksiyon. Ang tugatog nito ay ang aparisyon ng Kristo Hukom sa lahat na bumangong-muli. Ngunit bago ito, ilang beses Akong magpapakita upang magkumberti, manggamot, magpaginhawa, magturo, magbigay ng mga utos!

Sasabihin Ko sa inyong totoo: Ako ay babalik na sa Aking Ama. Ngunit ang Lupa ay hindi mawawalan ng Aking Presensya. Ako ay magiging mapagbantay at mapagkaibigan, Guro at Doktor, saan man kakailanganin Ako ng mga katawan o mga kaluluwa, mga nagkakasala o mga santo o mga pipiliin Ko upang maghatid ng Aking mga salita sa ibang mga tao. Sapagkat, at ito ay totoo rin, ang Sangkatauhan ay mangangailangan ng patuloy na pagkilos ng pagmamahal mula sa Akin sapagkat napakahirap nitong payukuin, napakadaling manlambot, handang makalimot, nananabik na bumaba sa halip na tumaas, na kung hindi Ko ito hahawakan sa pamamagitan ng sobrenatural na pamamaraan, ang batas, ang Ebanghelyo, ang dibinong tulong na binibigay ng Aking Simbahan ay walang magagawa upang mapanatili ang Sangkatauhan sa kaalaman ng Katotohanan at sa kalooban na marating ang Langit. At Ako ay nagsasalita tungkol sa Sangkatauhan na naniniwala sa Akin... Laging kakaunti kung ikukumpara sa malaking masa ng mga nakatira sa Lupa.

⁹Ako ay darating. Gawin ang mga magkakaroon ng Aking presensya na manatiling mabababa ang kalooban. Gawin ang mga hindi magkakaroon ng Aking presensya, na hindi manabik na magkaroon nito, upang mapapurihan gawa nito. Gawin na walang magmimithing magkaroon ng kung ano ang di-pangkaraniwan. Alam ng Diyos kung kailan at kung saan Niya ito ibibigay sa inyo. Hindi kinakailangan na magkaroon ng ekstraordinaryong mga bagay upang makapasok sa Langit. Sa kabaligtaran, sila ay isang sandata, na, kung ginamit nang masama, ay baka magbukas sa pinto ng impiyerno sa halip ng Langit. At ngayon sasabihin Ko sa inyo kung papaano. Sapagkat ang pagmamalaki ay maaaring lumitaw. Sapagkat ang isang kalagayan ng espiritu ay maaaring makialam, kasuklam-suklam sa mga mata ng Diyos, dahil katulad ito ng isang kaantukan kung saan ang isa ay maaaring magpahingalay upang haplusin ang kayamanang tinanggap, tinitingnan ang sarili na siya ay nasa Langit na bilang napagkalooban ng regalong iyon. Hindi. Sa kasong iyan, sa halip na apoy at pakpak, ito ay naging yelo at malaking bato, at ang kaluluwa ay babagsak at mamamatay. At gayon din: ang isang regalo na masama ang paggamit ay maaaring mag-udyok ng kasabikan na magkaroon ng mas marami pa, upang lalo pang purihin. Pagkatapos, sa kasong iyan, ang Espiritu ng Kasamaan  ay maaaring siyang pumalit sa Panginoon upang masulsulan ang walang kahinahunang mga naniniwala sa pamamagitan ng di-purong mga kababalaghan. Laging layuan ang lahat na klaseng mga panggaganyak. Iwasan sila. Maging masaya sa kung ano ang pinagkaloob ng Diyos sa inyo. Alam Niya kung ano ang may-pakinabang sa inyo at sa kung anong pamamaraan. At laging tingnan na ang bawat regalo ay isa ring pagsubok, bilang karagdagan sa pagiging isang regalo, isang pagsubok sa inyong katarungan at kalooban. Binigyan Ko ang bawat isa sa inyo ng pare-parehong mga bagay. Ngunit kung ano ang nakapagpaunlad sa inyo, nakasira kay Judas. Iyon ba kung gayon ay isang masamang regalo? Hindi. Ngunit masama ang kalooban ng espiritung iyon...

¹⁰Katulad ngayon. Ako ay nagpakita sa maraming tao. Hindi lamang upang makapagpaginhawa at makatulong, bagkus upang gawin din kayong masaya. Nakiusap kayo sa Akin na kumbinsihin ang mga tao na Ako ay nakabangon mula sa kamatayan, sapagkat ang mga miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na kumbinsihin sila tungkol sa kung ano ang kanilang iniisip. Ako ay nagpakita sa mga bata at sa mga adulto, sa parehong araw, sa mga lugar na labis na magkakalayo sa isa’t isa, na maraming araw ng paglalakad na gagawin upang marating sila. Ngunit Ako ay hindi na napaiilaliman ng mga  distansiya. At ang Aking magkakasabay na pagpapakita ay nagpapagulo rin sa isip ninyo. Kayo ay nagsabi sa isa’t isa: “Ang mga taong ito ay nakakita ng mga multo”. Kung gayon nakalimutan ninyo ang bahagi ng Aking mga salita, ibig sabihin, na mula ngayon Ako ay magiging silangan at kanluran, hilaga at timog, saan man ang magustuhan Kong Ako ay naroroon, nang walang kahit anong nakapagpipigil sa Akin na gawin ang ganito, at kasing bilis ng kidlat na kumikislap sa kalangitan. Ako ay isang tunay na Tao. Naririto ang Aking mga galamay, ang Aking solidong mainit na Katawan, na nakakagalaw, humihinga, nagsasalita, katulad ng ginagawa ninyo. Ngunit Ako ay totoong Diyos. At kung sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ang Aking Dibinidad, para sa supremong pakay, ay itinago sa loob ng Aking Pagkatao, ngayon ang Dibinidad na iyan, bagamat nakadugtong sa Pagkatao, ay nahihigitan ang huli, at ang Aking Pagkatao ay kinalulugdan ang perpektong kalayaan ng maluwalhating mga katawan. Reyna na may Dibinidad na hindi na naiilaliman ng kung ano ang limitasyon para sa Pagkatao. Naririto Ako. Ako ay naririto ngayon kasama ninyo at makakasama ninyo, kung gugustuhin Ko, sa loob ng isang sandali sa katapusan ng mundo na mailapit sa Aking Sarili ang isang espiritu na naghahanap sa Akin.

¹¹At ano ang magiging epekto ng katotohanan na Ako ay napunta malapit sa Caesarea sa Dagat at mataas na Caesarea, at sa Cherith, at sa Engedi, at sa malapit sa Pella at Juttah, at sa iba pang mga lugar sa Judaea, at sa Bozrah, at sa Great Hermon, at sa Sidon at sa mga hangganan ng Galilee?  At na pinagaling Ko ang isang batang lalaki, at binuhay Kong muli ang isang naputulan ng paghinga nang mga ilang sandali, at pinaginhawahan Ko ang isang nalulungkot na tao, at tinawag Ko sa paglilingkod sa Akin ang isa na ipinahiya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mahirap na pagtitika, at sa Diyos ang isang makatarungan na tao na nakiusap sa Akin na maglilingkod siya, at binigay Ko ang Aking mensahe sa ilang mga inosente at ang Aking mga utos sa isang tapat na puso? Makukumbinsi ba niyan ang mundo? Hindi, hindi niyan makukumbinsi. Ang mga naniniwala, ay patuloy na maniniwala, nang may mas malaking kapayapaan, ngunit hindi na may mas malaking lakas, sapagkat sila ay totoong naniniwala na. Ang mga hindi naniniwala nang may totoong pananampalataya ay mananatiling nagdududa. At ang masasama ay sasabihin na ang Aking mga aparisyon ay kahibangan at kasinungalingan, at na ang patay na taong iyon ay hindi patay, bagkus natutulog...

Naaalaala ba ninyo noong kinuwento Ko sa inyo ang parabula ni Dives? Sinabi Ko na si Abraham ay tumugon sa naisumpang kaluluwa: “Kung sila ay hindi nakinig kay Moses at sa mga propeta, hindi sila maniniwala kahit na sa isang bumangon mula sa kamatayan upang sabihan sila kung ano ang kanilang dapat gawin:. Sila ba kaya ay naniwala sa Akin, ang Guro, at sa Aking mga himala? Ano ang kinamit ng himala kay Lazarus? Ang Aking pinagmadaling sentensiya. At ang Aking Resureksiyon? Isang paglaki ng kanilang poot. Kahit na ang Aking mga himala ng huling mga araw na ito sa pagitan ninyo ay hindi magkukumbinsi sa mundo, bagkus ang mga hindi na pag-aari ng mundo, dahil pinili na nila ang Kaharian ng Diyos kasama ang kasalukuyang pagod at mga kirot at ang hinaharap na kaluwalhatian nito.

Ngunit Ako ay natutuwa na kayo ay napatotohánan sa pananampalataya at kayo’y naging tapat sa Aking utos, sa pananatili sa bundok na ito naghihintay, nang hindi nagmamadali upang kalugdan ang mga bagay na mabuti rin, ngunit iba sa mga bagay na Aking binanggit sa inyo. Ang pagsuway ay nagbibigay ng isa sa sampu at kumakaltas ng siyam sa sampu. Sila ay umalis at makakarinig ng mga salita ng mga tao, laging iyon. Kayo ay nanatili at napakinggan ang Aking Salita na, kahit na kung inuulit nito ang mga bagay na nasabi na, ay laging mabuti at kapaki-pakinabang. Ang leksiyon ay magsisilbing isang halimbawa para sa inyong lahat, at sa kanila rin, para sa hinaharap.»

¹²Si Jesus ay tumitingin sa paligid sa mga mukhang iyon na naiipon doon at tumawag: «Elisha ng Engedi, halika rito. Mayroon Akong sasabihin sa iyo.»

Hindi ko nakilala ang dating-ketongin, ang anak ni Abraham. Noon siya ay isang nakapangingilabot na kalansay, ngayon siya ay isang biluga’t malusog na lalaki na nasa kalakasan ng buhay.

Siya ay pumunta sa malapit, pinagpatirapa ang sarili sa paanan ni Jesus, Na nagsabi sa kanya: «Isang katanungan ang nanginginig sa iyong mga labì mula noong mapakinggan mo na Ako ay nanggaling sa Engedi. At ito ay ito: “Napaginhawahan ba Ninyo ang aking ama?” Sinasabi Ko sa iyo: “Mahigit pa sa pinaginhawahan Ko siya! Dinala Ko siya kasama Ko”.»

«Kasama Ninyo, aking Panginoon? At nasaan siya, dahil hindi ko siya nakikita?»

«Elisha, naririto pa Ako rito nang sandali. Pagkatapos Ako ay pupunta sa Aking Ama...»

«Panginoon!... Ang ibig Ninyong sabihin... Ang aking Ama ay patay na!»

«Namatay siyang mapayapa sa ibabaw ng Aking Puso. Ang kapighatian ay tapos na rin para sa kanya. Tinanggap niya iyon lahat, at sa pananatiling laging tapat sa Panginoon. Huwag umiyak. Hindi ba’t iniwan mo siya upang sundan Ako?»

«Oo, aking Panginoon...»

«Bueno. Ang iyong ama ay kasama Ko. Kung gayon, sa pagsunod sa Akin, mapapalapit ka sa iyong ama.»

«Ngunit kailan? At papaano?»

«Sa kanyang ubasan, kung saan niya Ako napakinggan na nagsalita sa unang pagkakataon. Pinaalaala niya sa Akin ang tungkol sa kanyang panalangin ng nakaraang taon. Sinabi Ko sa kanya: “Halika”. Namatay siya nang masaya, sapagkat iniwan mo ang lahat upang sundan Ako.»

«Patawarin Ninyo kung umiyak ako... Siya ay aking ama...»

«Nauunawaan Ko ang paghihirap ng kalooban.» Ipinatong Niya ang Kanyang kamay sa kanyang ulo at paginhawahan siya at nagsabi sa mga disipulo: «Naririto ang isang kasamahan. Mahalin siya, sapagkat kinuha Ko siya mula sa kanyang sepulkro, upang sana paglingkuran niya Ako.»

¹³Pagkatapos tinawag Niya si Elias: «Elias. Halika sa Akin. Huwag mahiya katulad ng isa na isang  estranghero sa pagitan ng mga kapatid. Ang lahat na nakaraan ay nasira na. At ikaw halika rin dito, Zacharias, na iniwan ang ama’t ina para sa Akin, sumama sa pitumpu’t dalawa kasama si Jose ng Cintium. Karapat-sapat ka nito, dahil hindi mo sinunod ang mga pamamaraan ng malalakas alang-alang sa Akin. At ikaw, Philip, at ikaw, kanyang kasamahan, na ayaw mo nang tawagin ka sa iyong pangalan pa ulit, dahil nakapangingilabot ang tunog nito sa iyo, kung gayon kunin mo ang pangalan ng iyong ama, na isang makatarungan na tao, kahit na kung hindi pa siya isa sa mga sumusunod sa Akin nang lantaran. Nakikita ba ninyong lahat? Walang Akong pinupuwera na sinuman na may mabuting kalooban. Ni ang mga sumusunod na sa Akin bilang mga disipulo, o ang mga gumagawa ng mabuti sa Aking pangalan, kahit na kung sila ay hindi kasali sa mga grupo ng Aking mga disipulo, o ang mga kasapi ng mga sekta, na hindi minamahal ng lahat, dahil makukuha nilang lagi ang tamang daan at hindi kailangan na tanggihan. Gawin ang katulad ng Aking ginagawa. Isinasama Ko ito sa lumang mga disipulo. Sapagkat ang Kaharian ng Langit ay bukás sa lahat na may mabuting kalooban. At, bagama’t sila ay wala rito, sinasabi Ko sa inyo na huwag din tanggihan ang mga Hentil. Wala Akong tinanggihan na sinuman, kapag nalaman Ko na sila ay nananabik na malaman ang Katotohanan. Gawin kung ano ang Aking ginawa. At ikaw, Daniel, na nakalabas na, hindi mula sa kulungan ng mga leon, bagkus sa kulungan ng mga tsakal, halika at samahan ang mga ito. At ikaw, Benjamin. Isinasama kita  sa mga ito (tinuturo Niya ang grupo ng pitumpu’t dalawa na halos kumpleto na) sapagkat ang ani ng Panginoon ay magiging napakarami at maraming manggagawa ang kinakailangan. Ngayon tayo ay magkaisa rito nang maikling sandali, habang dumaraan ang araw. Sa gabi kayo ay aalis mula sa bundok at sa pagsikat ng araw kayong mga apostol at kayong dalawa, na Aking binanggit nang hiwalay, ay sasama sa Akin, kasama ang lahat na mga naririto ng pitumpu’t dalawa (tinuturo Niya si Zacharias at ang Jose na ito ng Cintium, na hindi bago sa akin). Ang iba ay mananatili rito, naghihintay para sa mga tumakbo dito at doon katulad ng mga walang-magawang mga ahas, upang sabihin sa kanila sa ngalan Ko na hindi makikita ng isa ang Panginoon sa paggaya sa mga di-pumapayag na suwail na mga anak, at na silang lahat ay kailangan na nasa Bethany dalawampung araw bago ang Pentekostes, sapagkat pagkatapos maghahanap sila para sa Akin nang walang-mangyayari. Maupo na ngayon, at magpahinga. ¹⁴Ikaw, sumama sa Akin sa tabi nang kaunti.»

Siya ay lumakad, hawak si Marjiam sa kamay lagi, sinusundan ng labing-isang apostol.

Siya ay naupo sa pinakamakapal na bahagi ng isang makapal na kakahuyan ng mga terebinto, at Kanyang kinabig sa Kanyang Sarili si Marjiam, na malungkot-na-malungkot. Napakalungkot na si Pedro ay nagsabi: «Paginhawahan siya, panginoon. Siya ay dati nang malungkot, ngayon mas lalo pa.»

«Bakit, bata? Hindi ba kita kasama? Ayaw mo bang maging masaya na malaman na napangibabawan Ko na ang kapighatian?»

Ang tanging tugon ni Marjiam ay ang mápaluhá.

«Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Tinatanong ko siya nang walang-mangyari. At ngayong araw hindi ko inaasahan ang mga luhang iyan!» pabulung ni Pedro, medyo naiinis.

«Ngunit alam ko» sabi ni Juan.

«Labis na mabuti para sa iyo! Kung gayon bakit siya umiiyak?»

«Hindi siya nagsimulang umiyak ngayong araw. Maraming araw na siyang umiiyak...»

«Eh! Napuna ko iyan! Ngunit bakit?»

«Ang Panginoon ay alam, natitiyak ko. At alam ko na Siya lamang ang mayroon ng salita na magpapaginhawa sa kanya» sabi ni Juan ngumingiti.

«Iyan ay totoo. Alam Ko. At alam Ko na si Marjiam, isang mabuting disipulo, ay talagang isang maliit na bata ngayun-ngayon lamang, isang maliit na bata na hindi nakikita ang katunayan ng mga bagay-bagay. Ngunit Aking minamahal sa lahat na mga disipulo, hindi mo ba naisip na Ako ay umalis upang palakasin ang humihinang mga pananampalataya, magpatawad, tanggapin ang mga búhay na nagtapos, pawalang-bisa ang nakalalasong mga pagdududa na pumupunò sa mahihinang disipulo, tumugon nang may awa o kahigpitan sa mga gusto pa rin na labanan Ako, patunayan sa pamamagitan ng Aking presensya na Ako ay bumangon na mula sa kamatayan, kung saan sila ay mas nananabik na sabihin na Ako ay patay? Mayroon pa bang pangangailangan sa Akin na pumunta sa iyo, isang bata, na ang kaninong pananampalataya, pag-asa, karidad, ang kaninong mabuting kalooban at pagsunod ay alam Ko na? Kinailangan Ko bang pumunta sa iyo nang sandali, kung makakasama kita, katulad ngayon, nang mas madalas? Sino ang magdiriwang ng Paskuwa na kasama Ako, maliban lamang sa iyo sa pagitan ng ibang mga disipulo pa? Nakikita mo ba ang lahat na ito? Pinagdiwang nila ang kanilang Paskuwa, at ang lasa ng tupa at ng mga sawsawan, ng tinapay na walang-lebadura at ng alak ay ganap na naging katulad ng abo at apdo at suka sa kanilang mga panlasa kaagad pagkatapos. Ngunit ikaw at Ako, Aking mahal na bata, ay kakanin ang ating Paskuwa nang malugod, at ito ay magiging katulad ng pulot-pukyutan na tumutulo at nananatiling ganyan. Kung sino ang umiyak noon, ay magbubunyi ngayon. Kung sino ang nagbunyi noon, ay hindi makakaasa na magbunyi muli.»

¹⁵«Talaga... Kami ay hindi masyadong masaya noong araw na iyon...» bulong ni Tomas.

«Oo. Ang aming mga puso ay nanginig...» sabi ni Mateo.

«At tayo ay kumukulo sa pagsususpetsa at sa galit, ako man lamang» sabi ni Tadeo.

«At kung gayon sinasabi ninyong lahat na ibig ninyong ipagdiwang ang suplementaryong Paskuwa...»

«Ganyan iyan, Panginoon» sabi ni Pedro.

«Isang araw nagreklamo ka dahil ang mga babaeng disipulo at ang iyong anak ay hindi kasama sa bangkete ng Paskuwa. Ngayon nagrereklamo ka sapagkat ang hindi nagbunyi noon, ay kailangan na magbunyi na ngayon.»

«Iyan ay totoo. Ako ay isang makasalanan.»

«At Ako ay Siya Na maawain. Gusto Ko kayong lahat na nasa paligid Ko, at hindi lamang kayo, bagkus pati ang mga babaeng disipulo. Si Lazarus ay bibigyan tayong muli ng ospitalidad. Hindi Ko ginusto ang iyong anak na babae, Felipe, o ang inyong mga asawa. Hindi Ko ginusto sina Myrtha, Naomi, at ang dalagita na kasama nila, at ang batang lalaking ito. Ang Herusalem, sa mga araw na iyon, ay hindi isang lugar para sa lahat!»

«Totoo! Iyon ay mabuting bagay na sila ay wala roon» sabi ni Felipe nang may isang pagbuntung-hininga.

«Oo. Nakita sana nila ang ating karuwagan.»

«Manahimik, Pedro. Iyon ay napatawad na.»

«Oo. Ngunit ikinukumpisal ko ito sa aking anak at akala ko ito ay ang dahilan kung bakit siya malungkot. Kinukumpisal ko ito, sapagkat sa tuwing kinukumpisal ko ito, ito ay nagiging isang kaginhawahan. Ito ay katulad ng inaalis ko ang isang malaking bato mula sa aking puso. Pakiramdam ko mas lalo akong naaabsulbihan sa tuwing pinahihiya ko ang aking sarili. Ngunit kung si Marjiam ay malungkot sapagkat pinakita Ninyo ang Inyong Sarili sa ibang mga tao...»

«Para diyan at wala nang iba pa, ama.»

«Kung gayon, magsaya! Minahal ka Niya at minamahal ka Niya. Nakikita mo ito. Ngunit pinaalam ko sa iyo ang tungkol sa ikalawang Paskuwa...»

«Akala ko ginawa ko ang pagsunod na binigay ni Porphirea sa akin sa ngalan Ninyo nang walang masyadong pagkukusang-loob ko, Panginoon. At iyan, kung bakit, pinarurusahan Ninyo ako. At inisip ko rin na hindi Ninyo pinakita ang Inyong Sarili sa akin sapagkat kinapootan ko sa Judas at ang mga nagpapako sa Inyo sa krus» pangungumpisal ni Marjiam.

«Huwag mapoot sa sinuman. Ako ay nagpatawad na.»

«Oo, aking Panginoon. Hindi na ulit ako mapopoot.»

«At huwag nang malungkot pa ulit.»

«Hindi na ako malulungkot pa ulit, Panginoon.»

«Si Marjiam, katulad ng lahat na bata-pang mga tao, ay hindi masyadong natatakot kay Jesus katulad ng iba, at nagpapahingalay siya nang nagtitiwala sa loob ng mga bisig ni Jesus, ngayon na nakatitiyak na siya na hindi sa kanya nagagalit si Jesus. At mahigit pa rito, katulad ng isang sisiw na naninilungan sa pakpak ng kanyang ina, naninilungan siya sa loob ng mga bisig ni Jesus na idinidiin siya sa Kanyang Sarili, at habang ang pagkabalisa na nagpalungkot sa kanya sa loob ng maraming mga araw ay nawawala, siya ay masayang nakatulog.

«Siya ay isang bata pa rin» wika ng Zealot.

«Oo. Ngunit gaano ang ipinaghirap niya! Sinabi sa akin ni Porphirea noong dinala niya siya sa akin, pagkatapos na siya ay nabigyan-alam ni Jose ng Tiberias» tugon ni Pedro sa kanya. ¹⁶Pagkatapos sinabi niya sa Guro: «Si Porphirea rin sa Herusalem?» Gaanong pananabik ang nasa tinig ni Pedro!

«Lahat na mga babae. Ibig Ko silang pagpalain bago Ako tumaas sa Aking Ama. Sila ay nakapaglingkod din, at madalas mas mabuti pa kaysa sa mga lalaki.»

«At sa Inyong Ina? Hindi ba Kayo pupunta?» tanong ni Tadeo.

«Kami ay magkasama.»

«Magkasama? Kailan?»

«Judas, Judas. At sa palagay mo ba na Ako, Na laging nakatatagpo ng lugod malapit sa Kanya, ay hindi kailangan na manatiling kasama Siya ngayon?»

«Ngunit si Maria ay nag-iisa sa loob ng Kanyang bahay. Sinabi sa akin ng aking ina kahapon.»

Si Jesus ay ngumingiti at tumugon: «Tanging ang Mataas na Pari lamang ang pumupunta sa likuran ng Banal ng mga Banal.»

«Kung gayon? Ano ang ibig Ninyong sabihin?»

«Na may mga beatitude na hindi maisasalarawan at malalaman. Iyan ang ibig Kong sabihin.»

Magiliw Niyang inilayo sa Kanyang Sarili si Marjiam at ipinagkatiwala siya sa mga bisig ni Juan, na siyang pinakamalapit sa Kanya. Siya ay tumayo. Pinagpapala Niya sila, at habang silang lahat ay nakaluhod, ang lahat ng kanilang mga ulo nakatungo, maliban kay Juan, na hawak si Marjiam sa kanyang lapi, tinatanggap ang Kanyang pagpapalà, Siya ay nawala sa paningin.

«Siya ay talagang  katulad ng kidlat na Kanyang sinasabi» sabi ni Bartolomeo.

Nananatili silang nagninilay-nilay, hinihintay ang paglubog ng araw.

--------------------

¹⁷Ang Panginoon ay ibig Niya na kumuha ako ng isa pang kopyahang-aklat para sa huling mga tagubilin at bisyon, dahil hindi na ito kakasya rito, ang mga pahina bilang napaka kaunti.

122212

 

 

 



Sunod na kabanata