64. Ang Paralitiko na Pinagaling sa Loob ng Bahay ni Pedro.

(…) Ang gayon ding araw, ika 9 ng Nobyembre, kaagad pagkatapos.

¹Nakikita ko ang baybayin ng lawa ng Gennesaret. At nakikita ko ang mga bangkang isinadsad ng mga mangingisda; sa unahan ng baybayin, nakasandal sa mga bangka, ay sina Pedro at Andres, abala sa pagkukumpuni ng mga lambat, na dinala ng kanilang mga alalay tumutulo pa sa tubig, bilang binanlawan sa lawa upang maalis ang mga nakasabit na mga basura. Mga sampung yarda ang layo, sina Juan at Santiago, nakayuko sa kanilang bangka, ay abalá sa paglilinis nito, at sila ay tinutulungan ng isang alalay at ng isang mamâ na mga limampu o limampu’t limang taong gulang, na sa palagay ko ay si Zebedeo, sapagkat ang alalay ay tinatawag siyang «panginoon» at dahil din kamukhang-kamukha niya si Santiago.

Sina Pedro at Andres, ang kanilang likod nasa bangka, ay nagtatrabaho nang tahimik nagbubuhol ng mga tali ng mga lambat at naglalagay ng mga tapón sa mga ito. Paminsan-minsan nagpapalitan sila ng kaunting mga salita tungkol sa kanilang gawain, na, hanggang sa naiintindihan ko, ay walang kinikita.

Si Pedro ay nalulungkot tungkol dito, hindi dahil sa nawalang kita o dahil sa di-kumikita na gawain, ngunit sinasabi niya: «Nalulungkot ako, sapagkat… ano ang ating gagawin upang mapakain ang kaawa-awang mga taong ito? Nakatatanggap lamang tayo ng  limos nang paminsan-minsan at hindi ko magagalaw ang sampung piraso ng pilak at ang pitong drachma na nakolekta natin sa loob ng apat na araw. Tanging ang Guro lamang ang makapagsasabi sa akin para kung kanino at papaano ibibigay ang pera. At hindi Siya makakabalik dito hanggang sa pagdating ng Sabbath! Kung nagkaroon lamang tayo ng mabuting huli!... Naluto ko sana ang maliliit na isda para sa mahihirap… at kung may aangal man sa bahay, wala sana akong pakialam. Ang malulusog na tao ay makapaghahanap ng pagkain para sa kanilang sarili. Ngunit ang mga maysakit!...»

«Higit sa lahat ang paralitiko na iyon!... Labis na silang naglakbay upang madala siya rito…» sabi ni Andres.

«Makinig, kapatid. Sa palagay ko… hindi tayo makapananatiling hating katulad nito, at hindi ko malaman kung bakit ang Guro ay ayaw Niyang makasama Niya tayo nang lagi. Hindi ko man lamang sana… nakikita ang mga kaawa-awang tao na ito na hindi ko natutulungan. At kung makita ko sila masasabi ko sa kanila: “Siya ay naririto”.»

²«Ako ay naririto!» si Jesus ay lumapit sa kanila, naglalakad nang matahimik sa malambot na buhangin.

Sina Pedro at Andres ay nagulat. Sila ay bumulalas: «O! Guro!» at sila ay sumigaw: «Santiago! Juan! Ang Guro! Halikayo!»

Ang dalawang magkapatid ay nagmadali patungo sa kanila. Lahat sila ay sumiksik kay Jesus. Ang iba ay hinahalikan ang Kanyang tunika, ang iba ang Kanyang mga kamay, at si Juan ay nangahas na yapusin ang Kanyang baywang, at isinandal ang kanyang ulo sa dibdib ni Jesus. Si Jesus ay hinahalikan ang kanyang buhok.

«Ano ang inyong pinag-uusapan?»

«Guro… sinasabi namin na sana kasama namin Kayo.»

«Bakit, Aking mga kaibigan?»

«Ang tingnan Kayo at mahalin Kayo nakikita Kayo, at dahil din sa ilang mahihirap at may-sakit na mga tao. Matagal na silang naghihintay sa Inyo nang dalawang araw… Ginawa ko ang magagawa ko. Inilagay ko sila sa banda roon, nakikita ba Ninyo ang kubo na iyon sa di pinakikinabangan na lupa? Ang mga trabahador ay doon nagkukumpuni ng mga bangka. Ipinasok ko roon ang isang paralitiko, na may napakataas na lagnat, at isang maliit na batang lalaki na namamatay na sa bisig ng kanyang ina. Hindi ko sila mapaalis upang hanapin Kayo.»

«Tama ang ginawa mo. Ngunit papaano ninyo sila natulungan magpahanggang ngayon at sino ang nagdala sa kanila rito? Sinabi mo na sila ay mahirap!»

«Oo, Guro, mahirap sila. Ang mayayaman ay mayroon ng kanilang mga kabayo at mga kariton. Ang mahihirap ay may kanila lamang mga paa. Hindi sila makapupuntang hanapin Kayo sa bilis na gustuhin man nila. Ginawa ko ang magagawa ko. Tingnan: naririto ang mga alay na tinanggap ko. Wala akong ginalaw diyan. Gagawin Ninyo iyan.»

«Pedro, ginawa mo rin sana iyan. Magagawa mong tiyak iyan… Aking mahal na Pedro, nalulungkot Ako na kailangan kang pagsabihan at magkaroon ng labis na gawain dahil sa Akin.»

«Hindi, Panginoon. Hindi dapat Kayong malungkot tungkol diyan. Walang problema iyan para sa akin. Nalulungkot lamang ako dahil hindi ako naging mas mapagkawang. Ngunit, maniwala sa akin, ginawa ko, lahat kami ginawa namin ang magagawa namin.»

«Alam Ko. Alam Ko na kayo ay nagtrabaho at sa walang nangyari. Ngunit kung walang pagkain, ang inyong karidad ay nananatili: buháy, aktibo at banal sa mga mata ng Diyos.»

³Ilang mga bata ang nagmadali sa paligid nila sumisigaw: «Ang Guro! Ang Guro ay naririto! Naririto si Jesus, naririto si Jesus!» at sila ay lumapit sa Kanya, Na humahaplos sa kanila habang nagsasalita sa Kanyang mga disipulo.

«Simon, pupunta Ako sa loob ng iyong bahay. Kayong lahat ay lalakad at upang sabihan ang mga tao na Ako ay nakabalik na at pagkatapos dalhin sa Akin ang mga maysakit.»

Ang mga disipulo ay umalis nang mabilis patungo sa iba't ibang direksiyon. Ngunit ang buong Capernaum ay alam na na si Jesus ay dumating na, salamat sa mga bata na katulad ng mga pukyutan na namumutiktik mula sa bahay-pukyutan patungo sa iba't ibang mga bulaklak; sa kaso natin sa mga bahay-bahay, sa mga kalsada at sa mga liwasan. Sila ay paparoo’t parito nagsasaya, sinasabihan ang kanilang mga nanay, mga nagdaraan, mga matatanda na nagbibilad sa araw, at sila ay tumatakbong pabalik kay Jesus upang haplusin Niya Na nagmamahal sa kanila. Ang isa sa kanila, isang naglalakas-loob na bata ay nagsabi: «Magsalita sa amin at para sa amin, ngayon, Jesus. Alam Mong minamahal Ka namin at kami ay mas mabubuti pa kaysa sa mga malalaki na.»

Si Jesus ay ngumingiti sa batang sikologo at nangangako: «Ako ay magsasalita ng para sa inyo lamang.» At sinusundan ng mga bata, Siya ay pumasok sa bahay at pumapasok na nagbibigkas ng Kanyang pangkaraniwang pagbati ng kapayapaan: «Kapayapaan sa bahay na ito.»

⁴Ang mga tao ay nagsisiksikan sa malaking silid sa likuran ng bahay, na ginagamit bilang isang imbakan para sa mga lambat, mga tali, mga basket, mga sagwan, mga panlayag, at mga panustos na pagkain. Si Pedro ay maaaring ginawa ito para magamit ni Jesus, sapagkat ang lahat ay inayos ang tambak sa isang sulok upang magkaroon ng espasyo. Ang lawa ay hindi maaaring makita mula rito. Tanging ang marahang mga pagbagsak ng mga alon lamang nito ang maririnig. Sa halip makikita ng isa ang medyo berdeng pader ng pangkusinang-hardin, kasama ang matandang baging at ang madahon na puno ng igos. May mga tao rin kahit na sa kalsada, dahil sila ay dumaraan mula sa silid patungo sa pangkusinang-hardin at samakatuwid patungo sa kalsada.

Si Jesus ay nagsimulang magsalita. Sa harapan na hanay, ay may lima… na matataas ang ranggo na mga tao, na ipinilit ang kanilang sarili na makaraan sa gitna ng pulutong sinasamantala ang takot sa kanila ng mahihirap na tao. Ang kanilang mararangyang damit at ang kanilang pagmamalaki ang nagpapakilala sa kanila na sila ang masasamang Pariseo at mga dalubhasa. Ngunit ibig ni Jesus na ang Kanyang maliliit na kaibigan ang nakapaligid sa Kanya, isang korona ng inosenteng maliliit na mukha, ng maniningning na mga mata, ng anghelikal na mga ngiti, lahat nakatingala sa Kanya. Si Jesus ay nagsasalita at habang nagsasalita, paminsan-minsan Kanyang hinahaplos ang kulot na ulo ng isang bata na nakaupo sa Kanyang paanan, isinasandal ang kanyang ulo sa kanyang maliit na braso na nakapatong sa lapi ni Jesus. Si Jesus ay nagsasalita, nakaupo sa isang malaking tambak ng mga basket at mga tali.

«”Ang aking Minamahal ay bumaba sa kanyang hardin, sa mga taniman ng mga panrekado, upang pakainin ang kanyang mga kawan sa mga hardin, at mamitas ng mga liryo… Kanyang pinapastol ang kanyang kawan sa pagitan ng mga liryo”, sabi ni Solomon, ang anak ni David mula kung kanino Ako bumaba, Ako, ang Mesiyas ng Israel.

Aking hardin! Alin pang hardin ang mas maganda at mas karapat-dapat pa ng Diyos kaysa sa Langit, kung saan ang mga bulaklak ay ang mga anghel na nilikha ng Ama? Subalit, hindi ito ganito. Ang Bugtong na Anak ng Ama, ang Anak ng tao ay ginusto ang isa pang hardin, sapagkat ito ay alang-alang sa tao na kinuha Ko ang laman, na kung wala ito hindi Ko matutubos ang mga kasalanan ng laman ng tao. Isang hardin na naging bagkus mas imperyor lamang nang kaunti sa makalangit na hardin, kung sa makalupang Paraiso, ang mga anak ni Adan, ang mga anak ng Diyos, ay kumalat sa paligid, katulad ng matatamis na pukyutan mula sa isang bahay-pukyutan, upang punuin ang lupa ng kabanalan na nakatalagang ganap na para sa Langit. Ngunit ang kaaway ay nagtanim ng mga dawag at mga tinik sa puso ni Adan, at mga dawag at mga tinik ang umapaw mula sa kanyang puso patungo sa lupa. Ito ay hindi na isang hardin, bagkus isang mabangis na malupit na kagubatan kung saan ang lagnat ay nabubungkok at ang mga ahas nagpupugad.

Subalit sa kabila nito ang Pinakamamahal ng Ama ay may isang hardin pa rin sa mundong ito na napaghaharian ni Mammon. Ang hardin kung saan Siya nanginginain ng selestiyal na pagkain: pagmamahal at kadalisayan; ang taniman mula kung saan pinipitas Niya ang mga bulaklak na mahal sa Kanya, mga bulaklak na hindi nahawahan ng kahalayan, ng kasakiman, ng pagmamalaki. Ang mga batang ito. (Hinahaplos ni Jesus ang dami ng batang Kanyang mahahaplos hangga't maaari, tinatapik ng Kanyang kamay ang maliliit na maasikasong nakikinig na mga ulo, isang malaking haplos na nahihipo sila nang kaunti at nagagawa silang ngumiting masaya). Naririto ang Aking mga liryo.

Si Solomon sa lahat ng kanyang kayamanan, ay hindi nagkaroon ng isang kapa na mas maganda pa kaysa sa liryo na nagpapabango sa lambak, ni hindi siya nagkaroon ng isang diyadema ng may mas maringal na kayumihan pa kaysa sa diyadema sa perlas na kalis ng isang liryo. Subalit, para sa Aking puso, walang liryo na kasing halaga ng isa sa mga ito. Walang taniman ng mga bulaklak, walang hardin ng mayayamang tao, na tinamnan lahat ng mga liryo, ang tinitingnan Ko na may halaga ng kahit isa sa mga dalisay, inosente, sinsiro, simple, maliliit na batang ito.

Mga kalalakihan at mga kababaihan ng Israel! Kayo, dakila at abang mga tao ayon sa inyong kayamanan at puwesto, makinig! Kayo ay naririto sapagkat ibig ninyo Akong makilala at mahalin.  Kailangan kung gayon na malaman ninyo ang unang kondisyon upang maging Akin. Hindi Ako magsasalita ng mahihirap na salita. Ni hindi Ko rin kayo bibigyan ng mahihirap na halimbawa. Sasabihin Ko sa inyo: “Gayahin ang mga batang ito”.

Sino sa inyo ang walang mga anak, mga pamangkin, o maliliit na kapatid sa kanilang kabataan, sa bahay? Hindi ba’t sila ay isang nakapagpapahingang kaginhawahan, isang nagbubuklod para sa mga magulang, sa mga kamag-anak, sa mga kaibigan? Ang kanilang mga kaluluwa ay kasing dalisay ng isang malinaw na bukang-liwayway, ang kanilang mga mukha ay ikinakalat nito ang mga ulap at nagpapasigla sa pag-asa, ang kanilang mga haplos pinatutuyo nito ang inyong mga luha at binibigyan kayo ng bagong lakas! Bakit may labis na kapangyarihan sa kanila, sa kabila ng sila ay mahihina, walang-laban at wala pang alam? Sapagkat nasa kanila ang Diyos, nasa kanila ang lakas at ang karunungan ng Diyos. Ang totoong karunungan: alam nila kung papaano magmahal at maniwala. Alam nila kung papaano maniwala at magkagusto. Alam nila kung papaano mamuhay sa ganyang pagmamahal at sa ganyang pananampalataya. Maging katulad nila: simple, dalisay, mapagmahal, sinsiro, tapat.

Walang marunong na tao sa Israel na mas dakila pa kaysa sa pinakamaliit sa mga batang ito, na ang kaninong mga kaluluwa ay sa Diyos at ang Kanyang Kaharian ay sa kanila. Pinagpapala ng Ama, minamahal ng Anak ng Ama, mga bulaklak ng Aking hardin, harinawang mapasainyo ang Aking kapayapaan at sa sino pa man na gagaya sa inyo alang-alang sa Akin.»

Si Jesus ay nakatapos.

⁵«Guro!» sigaw ni Pedro mula sa gitna ng pulutong, «ang mga maysakit ay naririto. Ang dalawa sa kanila ay makapaghihintay hanggang sa Kayo ay makalabas, ngunit ang isang ito ay naiipit sa gitna ng pulutong at… hindi na siya makapananatili pa rito. Imposible para sa amin na makapasok. Pababalikin ko ba siya?»jesus heals from roof

«Hindi, ibaba siyang idaan mula sa bubong.»

«Tama Kayo. Gagawin namin iyan kaagad.»

Naririnig ko silang kumakaluskos sa ibabaw ng mababang bubungan ng malaking silid, ang terasa nito ay hindi gawa sa semento, dahil ang imbakan ay hindi talagang bahagi ng bahay. Ang bubong ay pinorma sa pamamagitan ng mga sanga naiibabawan ng mga kapirasong bato na katulad ng mga tisa. Hindi ko alam kung anong bato ito. Gumagawa sila ng butas na, sa pamamaraan ng isang tali, maibababa nila ang maliit na estretser kung saan doon nakahiga ang pasyente. Ito ay ibinaba sa harapan ni Jesus. Ang mga pulutong ay nag-uumpukan nang mas malapit upang makakita.

«Kapwa ikaw at ang nagdala sa iyo ay may malaking pananampalataya.»

«O! Panginoon! Papaano kami hindi magkakaroon ng pananampalataya sa Inyo?»

«Bueno, sinasabi Ko sa iyo: anak (siya ay batang-bata-pang lalaki) ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad.»

Ang lalaki ay tinitingnan Siya, umiiyak… baka medyo bigo ang kanyang pakiramdam dahil umaasa siya na mapagaling siya sa kanyang katawan. Ang mga Pariseo at mga doktor ay bumulong ng kung ano sa isa’t isa itinataas ang kanilang mga ilong, mga noo at mga bunganga sa panghahamak.

«Bakit kayo pabulung-bulong, sa inyong mga puso nang higit pa sa inyong mga labì? Ayon sa inyo, mas madaling sabihin sa paralitiko: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad” o “Bumangon, kunin ang iyong maliit na kama at maglakad”? Iniisip ninyo na tanging ang Diyos lamang ang makapagpapatawad sa mga kasalanan. Ngunit hindi kayo makatugon kung alin sa dalawa ang mas dakila, sapagkat ang lalaking ito, na ang kaninong katawan ay nawala na sa kanya, ay nakagasta na nang malaki nang hindi siya gumagaling. At siya ay mapagagaling lamang ng Diyos. Ngayon, upang  natutunan sana ninyo na nagagawa Ko ang lahat, na sana matutunan ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad kapwa sa mga katawan at sa mga kaluluwa, sa lupa at sa Langit, sinasabi Ko sa kanya: “Bangon. Kunin ang iyong hinihigaan at maglakad. Umuwi at maging banal”.»

Ang lalaki ay naalog, siya’y sumigaw, tumayo, itinapon ang sarili sa paanan ni Jesus, hinahalikan at hinahaplos ang mga paa ni Jesus, siya’y umiiyak at tumatawa, at ganito rin ang ginagawa ng kanyang mga kamag-anak at ng pulutong. Ang pulutong ay naghihiwalay sa gitna upang makaraan ang lalaki, na tila siya ay matagumpay, at sinusundan nila siya nagbubunyi. Ang limang masamain-ang-loob na mga lalaki ay umalis, mapagpahalaga-sa-sarili at kasing tigas ng mga kahoy.

⁶At kung gayon ang ina ay makapasok, may dalang bata: isang maliit na nangayayat na sanggol, hindi pa nakahiwalay sa ina. Itinataas niya ito ng kanyang mga kamay simpleng nagsasabing: «Jesus. Minamahal Ninyo sila. Sinabi Ninyo ito. Para sa Inyong pagmamahal at para sa Inyong Ina!...» at siya ay umiiyak.

Si Jesus ay kinuha ang pasusuhin, na namamatay na, idinidiin Niya siya sa Kanyang dibdib, sa loob ng isang sandali pinananatili Niya ang Kanyang bunganga na nakadiin sa maliit na maputlang mukha na ang maliliit na biyoletang mga labì at ang mga pilikmata nito nakasarado na. Isang sandali lamang na ganyan: noong Kanyang inalis siya sa Kanyang olandesang balbas, ang maliit na mukha ay naging rosas na ang kulay, ang maliit na bunganga ngumingiting alanganin katulad ng ginagawa ng mga sanggol, ang kanyang maliliit na mata tumitingin sa paligid nang maningning at mausisa, ang kanyang maliliit na kamay, na dati walang buhay, ay kinukusot ang buhok at balbas ni Jesus. At si Jesus ay ngumingiti.

«O! Aking anak!» sigaw ng masayang ina.

«Kunin mo siya, babae. Maging masaya at mabuti.»

At ang babae ay kinuha ang pinanganak-na-muling anak at idinidiin siya sa kanyang puso. At ang maliit na bata ay kinukuha na niya kaagad ang kanyang pagkain, naghahanap, nakuha ito, ibinuka ang bunganga at sumisipsip, gutom at masaya.

Si Jesus ay nagpapalà at nagdaraan. Pumunta Siya sa pintuan kung saan naroroon ang isang lalaki na may mataas na temperatura.

«Guro! Maging mabuti!»jesus to boat

«At ikaw, din. Pakinabangan mo ang iyong kalusugan sa hustisya.» Hinahaplos Niya siya at umaalis.

⁷Bumalik Siya sa baybayin, sinusundan, pinangungunahan at pinagpapalà ng maraming tao na nangungusap sa Kanya: «Hindi namin Kayo napakinggan. Hindi kami makapasok. Magsalita rin sa amin.»

Si Jesus ay tumatango sa pagsang-ayon at dahil ang pulutong ay iniipit Siya sa punto na hindi na Siya makahinga, pumunta Siya sa bangka ni Pedro. Ngunit ito ay hindi sapat. Ang pangungubkob ay nagpapatuloy. «Palutangin ang bangka at lumayo nang kaunti.»

Ang bisyon ay dito nagtatapos.

 

(336)210710/040713/040813

Sunod na kabanata.