643. Si Gamaliel Naging Isang Kristiyano.

Top of Form

Nobyembre 1, 1951.

¹Maaaring may ilang mga taon ang nakaraan, sapagkat si Juan ay nasa kaganapan ng pagkalalaki, mas matatag ang pangangatawan, nang mas may gulang ang hitsura, habang ang kanyang maliwanag na buhok, balbas at bigote ay naging mas madilim ang kulay.

Si Maria, Na nag-iikid ng sinulid, habang si Juan ay naglilinis sa kusina ng maliit na bahay sa Gethsemane, na ang mga pader nito ay kamakailan lamang pinaputian, habang ang mga gawa-sa-kahoy na gamit ay pininturahan –ang mga bangkito, ang pinto, ang isang kabinet na nagsisilbi rin na isang patungan ng lampara – ay hindi lumalabas na nagbago man lamang. Ang Kanyang aspekto ay sariwa at panatag. Ang lahat na bakas sa Kanyang mukha ng kapighatian para sa kamatayan ng Kanyang Anak, ng Kanyang pagbalik sa Langit, ng unang mga pang-uusig laban sa mga Kristiyano, ay wala na. Ang panahon ay hindi nag-ukit ng mga bakas nito sa mabait na mukha na iyon. At ang edad ay hindi nagkaroon ng kapangyarihan na baguhin ang sariwang purong kagandahan nito.

Ang lampara, may sindi sa patungan, ay gumagawa ng kumukurap-kurap na liwanag sa maliit na abalang mga kamay ni Maria, sa kaputiang-niyebe na delana na nakaikid sa ikiran, sa manipis na sinulid, sa umiikot na ikiran, sa Kanyang ginintuan na buhok na naipon sa isang makapal na buhol sa Kanyang batok.

Sa pamamagitan ng nakabukas na pinto ang isang napakalinaw na sinag ng buwan ay pumapasok sa kusina, naglalatag ng isang platang liwanag mula sa pamasukan hanggang sa paanan ng bangkito na inuupuan ni Maria, upang ang Kanyang mga paa ay naliliwanagan ng sinag ng buwan, at ang Kanyang mga kamay at ulo ng mapula-pulang liwanag ng lampara. Sa labas, sa mga punong-olibo na nakapaligid sa bahay sa Gethsemane, ang ilang mga ruwinsensor ay umaawit ng kanilang mga awit ng pagmamahal.

Sila ay bigla na lamang naging tahimik, na tila sila ay natakot, at pagkaraan ng kaunting mga sandali, ang mga pagkaluskos na mga hakbang ay narinig, at ito ay papalapit nang papalapit, hanggang sa ito ay tumigil sa pamasukan ng kusina, kasabay na ginagawa ang maputing sinag ng buwan na mawala, na dati ay pinagkukulay-plata nito ang magaspang na madilim na mga ladrilyo ng sahig.

²Si Maria ay itinaas ang Kanyang ulo at tinitingnan ang pintuan. Si Juan, din, ay tumingin sa pintuan at ang isang «o!» puno ng pagtataka ay nabigkas ng kanyang mga labì, samantalang, sa isang pagkilos lamang kapwa sila nagmadali sa pintuan, na sa pamasukan nito si Gamaliel ay lumitaw at tumigil. Isang napakatanda nang Gamaliel ngayon, mukhang bangkay, napakapayat niya sa kanyang maputing mga kasuutan. Isang Gamaliel na dinurog, napangibabawan ng mga pangyayari, ng pangungutya ng konsiyensya, ng napakaraming mga bagay, mas mahigit pa kaysa ng kanyang edad.

«Kayo dito, rabbi? Pasok! Halikayo! At ang kapayapaan ay sumainyo» sabi sa kanya ni Juan, dahil siya ay nasa harapan niya at napakalapit sa kanya, habang si Maria ay mga ilang hakbang sa likuran.

«Kung ako ay iyong gagabayan... ako ay bulag...» tugon ng matandang rabbi, isang tinig na mas nanginginig dahil sa lihim na mga luha, kaysa ng kanyang edad.

Si Juan, natutulala, ay nagtanong, nang may emosyon at habag sa kanyang tinig: «Bulag?! Kailan pa?»

«O!... matagal na matagal na! Ang aking paningin ay nagsimulang humina kaagad pagkatapos... pagkatapos... Oo. Pagkatapos na hindi ko nakilala ang totoong Liwanag na naparito upang paliwanagan ang mga tao, hanggang sa ang lindol ay pinunit ang belo ng Templo at pinanginig ang malalakas na pader, katulad ng Kanyang sinabi. Talagang isang dobleng belo, na nagtatakip sa Banal ng mga Banal ng Templo at sa mas totoong Banal ng mga Banal, ang Salita ng Ama, ang Kanyang eternal na Bugtong na Anak, itinago ng belo ng isang pinakapurong laman ng tao, na tanging ang Kanya lamang na Pasyon at ang Kanyang maluwalhating Resureksiyon ang nagbunyag sa may pinakamapurol na kaisipan ng tao, at sa akin una sa lahat, para sa kung ano nga Siya dati: ang Kristo, ang Mesiyas, ang Immanuel. Mula ng sandaling iyon ang kadiliman ay nagsimulang bumaba sa aking mga mata, pakapal nang pakapal. Isang makatarungang kaparusahan para sa akin. Sa loob ng matagal-tagal ako ay ganap na bulag. At ako ay naparito...»

Si Juan ay pinutol siya muli tinatanong siya: «Baka upang humingi ng isang himala?»

«Oo. Isang malaking himala. Hinihingi ko ito sa Ina ng totoong Diyos.»

«Gamaliel, wala Ako ng kapangyarihan na nagkaroon ang Aking Anak. Nakakapagbigay Siya ng buhay at paningin sa mga bulag na mata, salita sa piping mga tao, paggalaw sa mga paralitiko. Ngunit hindi Ako» tugon ni Maria sa kanya. At Siya ay nagpapatuloy: «Ngunit halika rito, malapit sa mesa, at maupo. Kayo ay pagod at matanda na, rabbi. Huwag na ninyo pagurin pa ang inyong sarili» at naaawa, kasama si Juan, pinasusunod Niya siya patungo sa mesa at ginawa siyang maupo sa isang bangkito.

Si Gamaliel, bago bitawan ang Kanyang kamay, hinahalikan niya ito nang may pagpipitagan, pagkatapos sinabi niya sa Kanya: «Hindi ko hinihingi sa Inyo, Maria, ang himala na makakita muli. Hindi. Hindi ko hinihingi ang materyal na bagay na iyan. Ang aking hinihingi sa Inyo, o Pinagpala sa lahat na mga babae, ay ang paningin ng isang agila para sa aking espiritu, upang sana makita ko ang lahat ng Katotohanan. Hindi ko hinihingi sa Inyo ang liwanag ng aking bulag na mga mata, bagkus ang sobrenatural na dibinong totoong  liwanag na siyang ang karunungan, katotohanan, buhay, para sa aking kaluluwa at sa aking puso na pinunit at pinagod ng pangungutya ng konsiyensya na hindi sa akin nagbibigay ng kapahingahan. Wala akong mithiin na makita ng aking mga mata ang Hebreong mundong ito, napaka... Oo. Napakatigas ang ulo na mapagrebelde sa Diyos, Na naging at maawain pa rin dito, katulad na kami ay talagang hindi karapat-dapat na Siya ay maging ganyan. Sa kabaligtaran natutuwa ako na hindi ko na kinakailangan na makita pa ito, at na ang aking kabulagan ay pinaliliban na ako sa lahat na mga pakikitungo sa Templo at sa Sanhedrin, na naging napaka di-makatarungan sa Inyong Anak at sa Kanyang mga tagasunod. Ang hinihiling kong makita, sa pamamagitan ng aking isip, ng aking puso, ng aking espiritu, ay Siya, si Jesus. Ang makita Siya sa loob ko, sa aking espiritu, ang makita Siya nang espirituwal, katulad na Kayo, o Banal na Ina ng Diyos, at ikaw Juan, napakapuro, at si Santiago, habang siya ay nabubuhay, at ang iba pa, para sa suporta sa kanilang mabigat at nahahadlangang ministeryo, ay nakikita Siya. Ang makita Siya upang mahalin Siya ng aking buong sarili, at sa pamamagitan ng pagmamahal na ito, ay makagawa ako ng pagsasatama para sa aking mga kasalanan, at mapatawad Niya, upang magkaroon ng eternal na Buhay, na nagkulang ako na marapatin ito...»

⁴Si Maria ay ipinatong ang Kanyang isang kamay sa kanyang ulo na nauuga ng mga paghikbi at tumugon sa kanya: «Hindi, hindi ka nagkulang na marapatin ang eternal na Buhay! Ang mga pinagsisisihan ang kanilang nakaraang mga pagkakamali ay pinatatawad ng lahat ng Tagapagligtas. Pinatawad sana Niya kahit na ang nagkanulo sa Kanya, kung pinagsisihan niya ang kanyang nakapangingilabot na kasalanan. At ang kasalanan ni Judas ng Kerioth ay napakalaki kompara ng sa iyo. Isipin, si Judas ay ang apostol na tinanggap ng Kristo, tinuruan ng Kristo, minahal ng Kristo nang higit pa kaysa sino pa man, kung iisipin ng isa na, bagamat nalalaman Niya ang lahat tungkol sa kanya, hindi siya tinanggihan ng Kristo na makasama sa grupo ng Kanyang mga Apostol, sa kabaligtaran, hanggang sa pinaka huling sandali, ginawa Niya ang lahat, upang hindi nila maintindihan kung sino siya at kung ano ang kanyang binabalak. Ang Aking Anak ay ang Katotohanan mismo, at hindi Siya kailanman nagsisinungaling kahit sa ano pa man na dahilan. Bagkus kapag nakikita Niya ang labing-isa na nagsosospetsa at sila ay nagtatanong ng mga katanungan tungkol sa kanya, nang hindi nagsisinungaling, naililigaw Niya ang kanilang pagsosospetsa at hindi tumutugon sa kanilang mga tanong, inuutusan sila na huwag maging mapag-usisa, dala ng kahinahunan at dala ng karidad para sa isang kapatid. Ang iyong pagkakamali ay magpahanggang ngayon mas maliit. At ang mas mahigit pa riyan, ni hindi iyan matatawag na isang pagkakamali. Ang iyo ay hindi ang hindi paniniwala, sa kabaligtaran iyon ay kalabisan ng paniniwala. Naniwala ka nang labis sa labindalawang taon na Bata Na nagsalita sa inyo sa Templo na, nang may katigasan ng ulo, ngunit nang may matuwid na intensiyon, ayon sa iyong absulutong pananampalataya sa Bata na iyon, na sa Kaninong mga labì napakinggan ninyo ang walang-hangganang karunungan, hinintay mo ang tanda upang maniwala sa Kanya at makita ang Mesiyas sa Kanya. Ang Diyos ay pinatatawad ang mayroong ganoon kalakas na tapat na pananampalataya. Mahigit pa rito pinatatawad Niya ang sinuman na, bagamat nagdududa pa rin tungkol sa totoong Kalikasan ng isang tao, di-makatarungan na inaakusahan, ay hindi bumabahagi sa paghuhusga sa kanya, na sa kanyang pakiramdam ay di-makatarungan. Ang iyong espirituwal na pagkakakita sa Katotohanan ay palaki na nang palaki mula noong iniwan mo ang Sanhedrin upang hindi sumang-ayon sa mapaglapastangang gawain na iyon.. at lumago pa ito nang lalo noong, bilang nasa Templo, nakita mo ang katuparan ng tanda, na matagal nang hinihintay, na siyang tanda ng pagsimula ng panahon ng Kristiyano. Ito ay mas lalo pang lumago noong nasa paanan ng Krus ng Aking Anak, malamig na at patay na, nanalangin ka sa pamamagitan ng malalaking naghihirap na mga salitang iyon. Iyon ay naging halos perpekto na sa tuwing pagkakataon na, sa pamamagitan ng inyong mga salita, o sa pamamagitan ng paghiwalay, ipinagsanggalang mo ang mga lingkod ng Aking Anak o hindi ka bumahagi sa paghuhusga sa unang mga martir. Maniwala ka, Gamaliel, ang bawat pagkilos mo sa kapighatian, sa katarungan, sa pagmamahal, ay nagpalaki sa iyong espirituwal na paningin sa loob mo.»

⁵«Ang lahat ng iyan ay hindi pa rin sapat! Kita Ninyo! Ako ay nagkaroon ng pambihirang grasya na makita ang Inyong Anak mula sa Kanyang manipestasyon sa presensya ng publiko, noong Siya ay nagka-edad. Nakakita sana ako mula noon! Nakaintindi sana ako! Ako ay bulag at tanga... Hindi ako nakakita at hindi ako nakaintindi. Ni hindi noon, o sa ibang mga pagkakataon, noong mayroon ako ng grasya na malapitan Siya, na noon ay malaki na at isang Guro, at napakinggan ko ang Kanyang mahigit-pa-kailanman na makatarungan at malalakas na salita. May katigasang-ulo kong hinintay ang pantaong tanda, ang nanginig na mga bato... At hindi ko nakita na ang lahat sa Kanya ay ang tiyak na tanda! At hindi ko nakita na Siya ang panulukang Bato na hinula ng mga Propeta, ang Bato na umuuga sa mundo, ang lahat na mundo ng Hebreo at ng Hentil; at Bato na umuuga sa mga bato ng mga puso sa pamamagitan ng Kanyang Salita, sa pamamagitan ng Kanyang mga kababalaghan! Hindi ko nakita sa Kanya ang maliwanag na tanda ng Kanyang Ama sa lahat na Kanyang ginawa o sinabi! Papaano Niya mapatatawad ang labis na katigasan ng ulo?»

«Gamaliel, makapaniniwala ka ba na Ako, Na siyang ang Luklukan ng Karunungan, ang Napupuno ng Grasya, Na, kapwa dahil sa Karunungan Na nagka-Laman sa Akin, at gawa ng Grasya na Kanyang binigay sa Akin, ay may ganap na kaalaman tungkol sa sobrenatural na mga bagay, ay makapagbibigay sa iyo ng mabuting payo?»

«O! siyempre pinaniniwalaan ko iyan! Sa dahilan lamang na pinaniniwalaan ko na iyan kung ano Kayo, ako ay nagpunta upang makatanggap ng liwanag. Kayo, Anak na Babae, Ina, Esposa ng Diyos, Na tiyak na mula pa noong paglilihi sa Inyo ay pinunó Kayo ng Kanyang nagbibigay-karunungan na mga liwanag, ay bagkus makapagbibigay sa akin ng daan na kailangan kong kunin upang magkaroon ng kapayapaan, upang matagpuan ang katotohanan, upang makuha ang totoong Buhay. Alam na alam ko ang aking mga pagkakamali, durog-na-durog ng aking espirituwal na paghihirap, na ako ay nangangailangan ng tulong upang makapangahas na makapunta sa Diyos.

«Ang iyong tinitingnan na sagabal ay sa halip isang pakpak upang makataas sa Diyos. Giniba mo ang iyong sarili, pinahiya mo ang iyong sarili, ikaw ay dati isang bundok, ginawa ang iyong sarili na maging isang malalim na lambak. Isaisip na ang pagpapahiyang iyon ay katulad ng isang pataba ng pinaka tigang na lupa, upang maihanda ito na makapagbigay ng mga tanim at mayayamang ani. Iyon ay isang baytang upang makaakyat. Mahigit pa rito, iyon ay isang hagdanan upang makataas sa Diyos, Na, nakikita ang isang mapagpakumbabang tao, tatawagin Niya siya sa Sarili Niya upang ipagbunyi siya, upang paapuyin siya ng Kanyang Pagmamahal, at paliwanagin siya sa pamamagitan ng kanyang mga liwanag, upang siya ay makakita. Iyan kung bakit sinasabi Ko sa iyo na ikaw ay nasa Liwanag, nasa tamang Daan, patungo sa totoong Buhay ng mga anak ng Diyos.»

⁶«Ngunit upang matanggap ang Grasya kailangan kong makapasok sa Simbahan, tumanggap ng Binyag na naglilinis sa amin mula sa pagkakasala at gawin kaming muli na mga ampong anak ng Diyos. Hindi ako kontra diyan. Sa kabaligtaran! Nasira ko na ang anak ng Batas sa aking sarili, hindi ko na mapagpapahalagahan at mamamahal ang Templo. Ngunit ayaw kong maging wala. Kung kaya't kailangan kong itayong muli ang bagong tao at ang bagong pananampalataya sa ibabaw ng mga labí ng aking nakaraan. Ngunit sa aking palagay ang mga Apostol at mga disipulo ay hindi sa akin nagtitiwala at may-pagkiling laban sa akin, ang dakilang matigas-ang-ulo na rabbi...»

Si Juan ay pinutol siya nagsasabing: «Nagkakamali ka, Gamaliel. Ako ang unang nagmamahal sa inyo at kailangan kong tandaan ang araw, kung kailan matatawag ko kayong isang kordero ng kawan ng Kristo, bilang isang araw ng napakalaking grasya. Hindi ako magiging Kanyang disipulo kung hindi ko sinasabuhay ang mga pagtuturo ng Kristo. At kami ay Kanyang inutusan na magkaroon ng pagmamahal at pag-unawa para sa lahat, at lalo na sa mas mahihinang tao, ang may-sakit, ang mga nailigaw. Iniutos Niya sa amin na sundin ang Kanyang mga ehemplo. At nakita namin na Siya laging punung-puno ng pagmamahal para sa mga nagsisising makasalanan, para sa alibughang mga anak na bumabalik sa Ama, o para sa mga nawawalang tupa. Mula kay Magdalena hanggang sa Samaritanong babae, mula kay Aglae hanggang sa mandarambong, gaano karami ang Kanyang natubos sa pamamagitan ng awa! Napatawad din sana Niya si Judas ng kanyang kataastaasang krimen, kung siya ay nagsisi. Pinatawad Niya siya nang maraming beses! Ako lamang ang nakaaalam kung gaano Niya siya minahal, bagamat nalalaman Niya ang bawat ginagawa niya. Sumama kayo sa akin. Gagawin ko kayong isang anak ng Diyos at isang kapatid ng Kristo Tagapagligtas.»

«Ikaw ay hindi ang Pontipise. Si Pedro ang Pontipise. At si Pedro ba ay magiging mabuti sa akin? Siya ay, alam ko, ibang-iba sa iyo.»

«Siya noon. Ngunit mula nang makita niya kung gaano siya kahina, hanggang sa punto na maging isang duwag at isang tagatatwa ng kanyang Guro, hindi na siya katulad ng dati, at mayroon siyang awa sa lahat.»

«Kung gayon dalhin mo ako sa kanya kaagad. Ako ay matanda na at nag-antala ako nang napakatagal. Ang pakiramdam ko ako ay labis na di-karapat-dapat, at natatakot ako na ang lahat na mga lingkod ni Jesus ay hinuhusgahan ako nang pare-pareho. Ngayon na ang mga salita ni Maria at ng iyo ay napaginhawahan ako, gusto kong maging kasama sa Kawan ng Guro kaagad, bago ang aking matandang puso, nadurog ng napakaraming mga bagay, ay tumigil. Pasundin mo ako doon, sapagkat pinakawalan ko na ang katulong na nagdala sa akin dito, upang wala sana siyang mapakinggang kahit ano. Siya ay babalik sa unang oras. Ngunit ako sa oras na iyan ay napakalayo na. At sa dalawang pamamaraan. Mula sa bahay na ito at mula sa Templo. Magpakailanpaman. Una, ako, isang rebeldeng anak, ay pupunta sa bahay ng Ama, ako, isang nawawalang tupa, sa totoong Kawan ng eternal na Pastol. Pagkatapos ako ay babalik sa aking bahay sa malayo, upang mamatay doon sa kapayapaan at sa grasya ng Diyos.»

⁷Sa pamamagitan ng isang kusang buyo si Maria ay niyakap siya nagsasabing: «Harinawang bigyan ka ng Diyos ng kapayapaan. Kapayapaan at eternal na kaluwalhatian, sapagkat karapat-dapat ka nito sa pagpapakita mo ng iyong tunay na mga naiisip sa malalakas na lider ng Israel, nang hindi kinatatakutan ang kanilang mga reaksiyon. Harinawang lagi mong makasama ang Diyos. Harinawang ibigay ng Diyos sa iyo ang Kanyang pagpapalà.»

Si Gamaliel ay hinahanap muli ang Kanyang mga kamay. Hinahawakan niya ang mga ito at hinahalikan, Pagkatapos siya ay lumuhod nakikiusap na ipatong Niya ang pinagpalang mga kamay na iyon sa kanyang matandang pagod na ulo.

Si Maria ay pinagbibigyan siya. Mahigit pa nga rito ang Kanyang ginawa. Kanyang iginuguhit ang tanda ng krus sa kanyang nakayukong ulo. Pagkatapos, kasama si Juan, tinutulungan Niya siya na makatayo, dinadala Niya siya sa pintuan at nananatili Siyang nakatingin sa kanya na umaalis, inaakay ni Juan, patungo sa totoong Buhay: isang tao, na sa pantaong pananaw ay tapos na, ngunit sa sobrenatural na pananaw ay nalikha muli.

012013

 

 



Sunod na kabanata