645. Ang Napakaligayang Pagyao ng Banal na Birhen.

Nobyembre 21, 1951.

¹Si Maria, sa loob ng Kanyang nag-iisang maliit na silid, sa mataas na terasa, nakadamit ng pulos puti, kapwa sa damit na nagtatakip sa Kanyang katawan, at sa manta na, nakakapit sa Kanyang batok, ay bumabagsak sa Kanyang likod, at sa napakanipis na belo na nakabitin mula sa Kanyang ulo, ay inaayos ang Kanyang mga damit at ang kay Jesus, na Kanyang laging tinatago. Kinuha Niya ang pinakamagaganda. At ito ay kakaunti. Yung para sa Kanyang Sarili kinukuha Niya ang damit at ang manta na Kanyang sinuot sa Kalbaryo; yung para sa Kanyang Anak, ang isang linen na madalas isuot ni Jesus sa mga araw ng tag-init, at ang manta na natagpuan sa Gethsemane, may mantsa pa ng dugo na Kanyang ipinawis sa loob ng nakapangingilabot na oras.

Pagkatapos na malupi nang maingat ang mga damit na ito at mahalikan ang manta ni Jesus may mantsa ng dugo, pumunta Siya sa kaban, kung saan sa loob ng maraming mga taon doon pinagsama-sama at itinatago ang mga ala-ala ng Huling Hapunan at ng Pasyon. Itinatago Niya ang lahat na ito sa isang kompartimento, sa mas mataas, at inilalatag ang mga damit sa mas mababa.

Isinasara Niya ang kaban nang si Juan, na umakyat nang tahimik sa terasa at sumilip upang tingnan kung ano ang ginagawa ni Maria, baka dahil sa pag-aalala tungkol sa Kanyang matagal na pagkawala sa kusina, ay nagawa Siyang lumingon nang bigla nang Siya ay tinanong: «Ano ang Inyong ginagawa, Inay?»

«Inayos Kong mabuti ang kailangan na maitago. Ang lahat na mga ala-ala... Ang lahat na saksi sa Kanyang walang-hangganang pagmamahal at pamimighati.»

«Bakit, Inay, binubuksan ba Ninyong muli ang mga sugat ng Inyong puso sa pagtingin muli sa malulungkot na bagay na ito? Kayo ay namumutla at ang Inyong kamay ay nanginginig... Kung kaya't naghihirap Kayo nakikita ang mga iyan» sabi ni Juan sa Kanya, nilalapitan Siya, na tila natatakot siya na, maputla at nanginginig katulad Niya, baka Siya mahilo at bumagsak sa sahig.

«O! hindi dahil diyan na Ako ay namumutla at nanginginig. Hindi dahil nabubuksan nitong muli ang Aking mga sugat... Sila, sa katunayan, ay hindi kailanman nagsara nang ganap. Gayunpaman ang kapayapaan at lugod ay nasa Akin, at sila ay hindi kailanman naging kumpletung-kumpleto katulad na sila ay ganito ngayon.»

«Hindi kailanman katulad ngayon?  Hindi ko maintindihan... Ang makita ang mga ito, puno ng malulupit na relikya, ay napupukaw sa akin ang paghihirap ng mga oras na iyon. At ako ay isang disipulo lamang. Kayo ang Ina...»

«At ang ibig mong sabihin bilang ganyan Ako ay kailangan na maghirap nang lalo. At ayon sa pantaong pananaw, tama ka. Ngunit hindi ito ganito. ²Sanay na Akong tiisin ang pamimighati sa pagkakahiwalay sa Kanya. Ito ay laging nakapamimighati, sapagkat ang Kanyang presensya at kálapitan ay Aking Paraiso sa Lupa noon. Ngunit lagi Ko silang ipinaghirap nang may-pagtanggap at mapatanag, sapagkat ang bawat gawin Niya ay ginusto ng Kanyang Ama, iyon ay pagsunod sa dibinong Kalooban, at kung gayon tinanggap Ko iyon, sapagkat lagi Ko rin sinusunod ang kalooban at mga plano ng Diyos para sa Akin. Sa tuwing iniiwan Ako ni Jesus, naghihirap Ako. Siyempre. Nalungkot Ako. Tanging ang Diyos lamang ang nakaalam sa pinakatunay na katindihan ng Aking kapighatian noong Siya, isang bata, ay iniwan Ako nang lihim, para sa pakikipagtalo sa mga doktor sa Templo. Gayunpaman, maliban sa makatarungang tanong na, Ako Kanyang Ina, Aking tinanong sa Kanya, dahil iniwan Niya Ako sa gayong pamamaraan, wala na Akong iba pang sinabi sa Kanya. Gayon din naman hindi Ko Siya pinigil noong iniwan Niya Ako upang maging ang Guro... at Ako noon ay isa nang balo, at kung gayon nag-iisa, sa isang bayan na, maliban sa iilang mga tao, ay hindi nagmamahal sa Akin. At hindi Ako nagpakita ng sorpresa sa Kanyang tugon sa bangkete sa Cana. Ginagawa Niya ang kalooban ng Kanyang Ama. At iniiwan Ko siyang libre na gawin iyon. Nakapaglalakas-loob Akong gumawa ng isang mungkahi o isang hiling. Isang mungkahi para sa Kanyang mga disipulo, isang hiling para sa ilang kaawa-awang sawing-palad. Ngunit higit pa diyan, hindi. Naghirap Ako sa tuwing iniiwan Niya Ako upang pumunta sa mundo, palaban sa Kanya at napaka makasalanan na ang mamuhay dito ay isang malaking paghihirap sa Kanya. Ngunit gaanong lugod sa tuwing bumabalik Siya sa Akin! Ito ay napakatindi na nasusuklian Ako nang pitumpu’t pitong beses para sa kapighatian ng pagkakahiwalay. Ang kapighatian ng pagkakahiwalay na sumunod mula sa Kanyang Kamatayan ay nakadudurog ng puso, ngunit sa pamamagitan ng anong mga salita maisasalarawan Ko ang lugod na Aking naramdaman noong Siya, nakabangon mula sa kamatayan, ay nagpakita sa Akin? Grabe ang sakit sa paghihiwalay, na matatapos lamang kapag ang Aking makalupang pamumuhay ay nakumpleto na, noong Siya ay umakyat sa Kanyang Ama. ³Ako ngayon ay nagbubunyi, grabe ang Aking lugod katulad na grabe ang kirot na Aking naramdaman, sapagkat sa pakiramdam Ko ang Aking buhay ay nakumpleto na. Nagawa Ko na ang kinailangan Kong gawin. Nakumpleto Ko na ang Aking makalupang misyon. Yung isa pa, ang selestiyal na isa, ay hindi magkakaroon ng katapusan. Ako ay iniwan ng Diyos sa Lupa hanggang sa Ako, katulad ng Aking Jesus, ay nagawa na ang lahat na kinailangan Kong gawin. At nasa Akin ang lihim na lugod na iyon, ang tanging patak ng balsamo sa Kanyang sukdulang mga pahirap na puno ng pait, na na kay Jesus noong nagawa Niyang sabihin: “Ang lahat ay natapos na”.»

«Lugod kay Jesus? Sa sandaling iyon?»

«Oo, Juan. Isang lugod na hindi maiintindihan ng tao. Ngunit maiintindihan ng mga espiritu na namuhay na sa liwanag ng Diyos at nakita ang malalalim na bagay na nakatago sa ilalim ng mga belo na itinakip ng Eternal sa Kanyang mga lihim bilang Hari. Salamat sa Liwanag na iyon. Ako, naghihirap ang damdamin, balisang-balisa ng mga pangyayaring iyon na nakaugnay sa Kanya, Aking Anak, sa pag-abandonang iyon ng Ama, ay hindi Ko naintindihan noon. Ang Liwanag ay patay para sa buong mundo sa oras na iyon, para sa buong mundo na hindi nagkagustong tanggapin iyon.  At para rin sa Akin. Hindi bilang isang makatarungan na kaparusahan, bagkus dahil, sa dahilan na Ako ay kailangan na maging ang Kapwa-Tagapagtubos, kinailangan na ipaghirap Ko rin ang kahirapan sa pag-abandona ng dibinong mga kaginhawahan, ang kadiliman, ang pangungulila, ang panunukso ni Satanas na huwag Ko nang paniwalaan na posible pa kung ano ang Kanyang sinabi noon, at ang lahat na ipinaghirap din Niya noon, sa Kanyang Espiritu, mula Huwebes hanggang Biyernes. Ngunit pagkaraan naintindihan Ko. Nang ang Liwanag, na bumangon magpasawalanghanggan, ay nagpakita sa Akin, naintindihan Ko. Lahat. Pati ang lihim ng sukdulang lugod ng Kristo, noong nasasabi na Niya: “Natapos Ko na ang lahat na gusto ng Ama na matapos Ko. Napunuan Ko ang sukat ng dibinong karidad sa pagmahal sa Ama kahit hanggang sa isakripisyo Ko ang Aking Sarili, sa pagmahal sa mga tao kahit hanggang sa mamatay para sa kanila. Natapos Ko na ang lahat na kinailangan Kong tapusin.  Masaya Akong mamamatay sa Aking espiritu, bagamat sugatan sa Aking inosenteng laman”. Natapos Ko na rin ang lahat na, mula pa sa simula’t simula, ay nakasulat na kailangan Kong tapusin. Mula sa paglilihi sa Tagapagtubos, hanggang sa tulong na binigay sa inyo, Kanyang mga pari, para sa inyong perpektong pormasyon. Ang Simbahan ngayon ay naiporma na at malakas. Ang Banal na Espiritu ay pinaliliwanagan ito, ang dugo ng unang mga martir ay pinatitibay ito at pinalalaki ito, ang Aking tulong ay sumama na ito ay maging isang banal na organismo, na ang pagmamahal sa Diyos at sa mga kapatid ay nagpapakain at nagpapatibay nang lalu’t lalo pa, at kung saan ang poot, masasamang-damdamin, inggit, paninirang-puri, masasamang tanim ni Satanas, ay hindi magkaugat. Ang Diyos ay nasisiyahan diyan, at gusto Niyang malaman ninyo ito mula sa Aking mga labì, katulad na gusto Niyang sabihin Ko sa inyo na magpatuloy sa paglago sa pagmamahal upang lumago sa perpeksiyon, at kung gayon sa bilang din ng mga Kristiyano at sa kapangyarihan ng doktrina. Sapagkat ang doktrina ni Jesus ay ang doktrina ng pagmamahal. Sapagkat ang pamumuhay ni Jesus, at ang Akin din, ay laging sa gabay at pag-udyok ng pagmamahal. Wala kaming sinuman na tinanggihan, pinatawad namin ang lahat. Isa lamang ang hindi namin napatawad, sapagkat siya, isa nang lingkod ng Kapootan, ay hindi ginusto ang aming pagmamahal na walang mga limitasyon. Si Jesus sa Kanyang huling pagpapaalam bago ang Kanyang kamatayan, ay ibinigay sa inyo ang utos na mahalin ang isa’t isa. At Kanya ring binigay sa inyo ang sugat ng pagmamahal na kailangan mayroon kayo para sa isa’t isa, nagsasabing: “Magmahalan katulad na minahal Ko kayo. Gawa nito malalaman na kayo ay Aking mga disipulo”. Ang Simbahan upang mabuhay at lumago, ay nangangailangan ng karidad. Karidad higit sa lahat sa mga ministro nito. Kung hindi ninyo mamahalin ang isa’t isa nang lahat ng inyong lakas, at hindi rin ninyo minamahal ang inyong mga kapatid sa Panginoon, ang Simbahan ay magiging baog. At magiging mahirap at madalang ang pagpapanumbalik at ang kataastaasang pagpapanumbalik sa mga tao sa kanilang ranggo na mga anak ng Kataastaasan at mga tagapagmana ng Kaharian ng Langit, sapagkat ang Diyos ay titigil sa pagtulong sa inyo sa inyong misyon. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang bawat naging pagkilos Niya ay laging isang pagkilos ng pag-ibig. Mula sa paglilikha hanggang sa Engkarnasyon. Mula rito hanggang sa Panunubos. At mula rito hanggang sa pagtatatag ng Simbahan. At panghuli mula rito hanggang sa selestiyal na Herusalem, na mag-iipon sa lahat na makatarungan upang sana sila ay magbunyi sa Panginoon. ⁵Sinasabi Ko sa iyo ang lahat na ito, sapagkat ikaw ay ang Apostol ng pagmamahal at naiintindihan mo ito nang mas mabuti kaysa sa iba...»

Si Juan ay pinutol Siya nagsasabing: «Ang iba rin ay nagmamahal at minamahal ang isa’t isa.»

«Oo. Ngunit ikaw ang namumukod na Nagmamahal na Isa.  Ang bawat isa sa inyo ay may kanyang pagkakakilanlanan, katulad na, pagkatapos man ng lahat, mayroon din ang lahat na bawat nilalang. Ikaw, sa pagitan ng labindalawa, ay naging laging ang pagmamahal, puro at sobrenatural na pagmamahal. Baka, hindi, bagkus, nang tiyak sapagkat ikaw ay purung-puro, napaka mapagmahal mo. Si Pedro, sa halip, ay naging laging ang tao, ang tunay na mapusok na tao. Ang kanyang kapatid, si Andres, ay tahimik at mahiyain katulad na ang iba ay hindi. Si Santiago, ang iyong kapatid, ay ang mabiglain na isa, iyan kung bakit si Jesus ay tinawag siyang ang anak ng kulog. Ang isa pang Santiago, ang kapatid ni Jesus, ang makatarungan at makabayaning isa. Si Judas ni Alfeo, kanyang kapatid, ang noble at tapat na isa, lagi. Ang pinanggalingan na David ay kitang-kita sa kanya. Sina Felipe at Bartolomeo ay ang mga tradisyunalista. Si Simon Zealot, ang mahinahon na isa. Si Tomas, ang mapayapang isa. Si Mateo, ang mapagpakumbabang isa, na laging iniisip ang kanyang nakaraan, ay nagsisikap na hindi mapuna. At si Judas ng Kerioth, aba! Ang maitim na tupa ng kawan ng Kristo, ang ahas na pinainitan ng Kanyang pagmamahal, ay ang makadimonyong sinungaling, lagi. Ngunit ikaw, na lahat pagmamahal, ay nakaiintindi nang mas mabuti at maaaring maging ang tinig ng pagmamahal para sa lahat na iba pa, para sa mga nasa malayo, upang maibigay ang huling payo Kong ito. Sasabihin mo sa kanila na kailangan nilang mahalin ang isa’t isa at ang lahat, ang mga nang-uusig din sa kanila, upang makaisa ang Diyos, katulad Ko, upang marapatin ang mapili na esposa ng Eternal na Pagmamahal, upang ipaglihi ang Kristo. Binigay Ko ang Aking Sarili sa Diyos nang walang limitasyon, bagamat naintindihan Ko kaagad kung gaanong kapighatian ang darating sa Akin para roon. Ang mga propeta ay nasa Aking isip, at ang dibinong liwanag ay nagawa ang kanilang mga salita nang napakalinaw sa Akin. Kung kaya't mula sa unang “fiat” hanggang sa Anghel alam Ko na kinokonsagra Ko ang Aking Sarili sa pinakamalaking kapighatian na maaaring ipaghirap ng isang ina. Ngunit walang naglagay ng hangganan sa Aking pagmamahal, sapagkat nalalaman Ko na, para sa mga gumagamit nito, ito ay lakas, liwanag, batubalani na nanghihigop pataas, apoy na nagpapadalisay at nagpapaganda sa sinusunog nito, binabago at ginagawang mahigit-pa-sa-isang-tao ang mga nayayakap nito. ⁶Oo. Ang pagmamahal ay talagang isang apoy. Ang apoy, na bagamat sinisira nito ang mga bagay na nabubulok, maging ito man ay isang labì, ilang eskombro, isang kaawa-awang sawing-palad, ay nagagawang isang espiritung napadalisay, karapat-dapat ng Langit. Gaano karaming mga labì, gaano karaming mga tao na namantsahan, naagnas, naupos ang makikita ninyo sa mga daan ng pag-eebanghelyo! Huwag kamuhian ang kahit alin sa kanila. Sa kabaligtaran, mahalin sila, upang sana maabot nila ang pagmamahal at maligtas. Maglalin ng pagmamahal sa kanila. Madalas ang tao ay nagiging masama, sapagkat walang sinuman ang kailanman nagmahal sa kanya o may nagmahal sa kanya nang masama. Mahalin sila, upang ang Banal na Espiritu, pagkatapos ng puripikasyon, ay sana dumating muli upang manirahan sa mga templong iyon, na nagawang walang lamang at marumi gawa ng napakaraming mga bagay. Ang Diyos, upang likhain ang tao, ay hindi kumuha ng isang anghel o pilíng mga materyal. Kumuha Siya ng ilang putik, ang pinaka walang-halagang materyal. Pagkatapos inihihinga ang Kanyang hininga rito, ibig sabihin, ang Kanyang pagmamahal muli, naitaas Niya ang walang-halagang materyal sa makalangit na ranggo ng ampong anak ng Diyos. Ang Aking Anak, sa Kanyang daan, ay nakatagpo ng mga labì ng mga tao na mga bumagsak sa dumi, hindi Niya sila kailanman tinapakan  nang may pagkamuhi. Sa kabaligtaran, inipon Niya sila at tinanggap sila at binago Niya sila sa pagiging mga piling kaluluwa ng Langit. Laging ilagay iyan sa inyong mga isip. At gumawa katulad ng Kanyang ginawa. Tandaan ang lahat, ang mga pagkilos at mga salita ng Aking Anak. Alalahanin ang Kanyang mababait na parabula. Ipamuhay sila.., ibig sabihin, isabuhay sila. At isulat sila, upang sila ay mapanatili para sa mga henerasyon sa hinaharap, hanggang sa katapusan ng panahon, at sana magsilbi silang lagi bilang gabay para sa mga tao na may mabubuting kalooban., upang kamtin ang buhay at eternal na kaluwalhatian. Tiyak na hindi ninyo mauulit ang maniningning na mga salita ng Eternal na Salita ng Buhay at Katotohanan. Ngunit isulat ang marami sa kanila hanggang magagawa ninyo. Ang Espiritu ng Diyos, Na bumaba sa Akin upang sana maibigay Ko ang Tagapagligtas sa mundo, at Na bumaba rin sa inyo nang minsan at pangalawang beses, ay tutulungan kayo na makaalaala, at kapag kayo ay nagsasalita sa mga pulutong, upang makumberti sila sa totoong Diyos. Ipagpapatuloy ninyo ang espirituwal na maternidad na sinimulan Ko sa Kalbaryo upang magbigay ng maraming anak sa Panginoon, At ang gayon din na Espiritu, nagsasalita sa muling-nalikhang mga anak ng Panginoon, ay patitibayin sila upang maging kaaya-aya para sa kanila ang mamatay sa gitna ng mga pagpapahirap, ang paghirapan ang pagkakatapon at mga pang-uusig, upang ipagtapat ang kanilang pagmamahal sa Kristo at samahan Siya sa Langit katulad na nagawa na ni Stephen at ni Santiago, ang Aking Santiago, at pati ng iba rin... ⁷Kapag ikaw na lamang ang natitira, itago ang kaban na ito...»

Si Juan, namumutla at nababalisa, nang higit pa kaysa sa kanyang pamumutla mula nang sinabi ni Maria na sa pakiramdam Niya ang Kanyang misyon ay tapos na, ay pinutol Siya bumubulalas at nagtatanong: «Inay! Bakit Ninyo sinasabi iyan? Hindi ba mabuti ang Inyong pakiramdam?»

«Hindi. Mabuti ang pakiramdam Ko.»

«Gusto Ninyong iwanan ako, kung gayon?»

«Hindi. Makakasama mo Ako hanggang Ako ay nasa Lupa. Ngunit, Aking mahal na Juan, ihanda mo ang iyong sarili sa pag-iisa.»

«Kung gayon hindi mabuti ang pakiramdam Ninyo, at ibig Ninyong itago iyan sa akin!...»

«Hindi, maniwala sa Akin. Hindi pa Ako kailanman nakaramdam ng ganito kalakas, nasa kapayapaan, malugod, katulad ng nararamdaman Ko ngayon. Ngunit mayroon Akong isang pagbubunyi, katulad ng isang kapunuan ng sobrenatural na buhay, na... Oo, na sa palagay Ko hindi Ko matatagalan ito habang nagpapatuloy na mamuhay. Ako ay hindi eternal, sa kabilang dako. Kailangan na maintindihan mo iyan. Ang Aking espiritu ay eternal. Ang Aking katawan ay hindi. At ito ay naiilaliman, katulad ng laman ng bawat tao, ng kapangyarihan ng kamatayan.»

«Huwag! Huwag! Huwag sabihin iyan. Hindi Kayo maaari, hindi Kayo kailangan na mamatay! Ang Inyong imakuladang katawan ay hindi maaaring mamatay katulad ng katawan ng isang makasalanan!»

«Nagkakamali ka, Juan. Ang Aking Anak ay namatay! At Ako ay mamamatay din. Hindi Ko paghihirapan ang sakit, ang aguniya, ang biglang matinding kirot ng kamatayan. Ngunit kung ang pag-uusapan ay kamatayan, Ako ay mamamatay. Maging ano pa man, tandaan sa isip, anak, na kung Ako ay may mithiin, ganap na Akin at tanging Akin lamang, at mithiin na nagtatagal mula noong Ako ay iniwan Niya, ito ay ang isang ito. Ito ay ang Aking, malaking mithiin, ganap na Akin. Masasabi Ko pa nga: ang Aking unang kalooban.. Ang lahat na iba pa sa Aking buhay ay walang iba bagkus ang Aking pagsang-ayon sa dibinong kalooban. Ang kalooban ng Diyos, inilagay sa Aking puso ng isang maliit na bata ng Diyos Mismo, ang kalooban na maging isang birhen. Ang Kanyang Kalooban: ang Aking kasal kay Jose. Ang Kanyang kalooban: ang Aking pagiging-birhen na dibinong Maternidad. Ang lahat sa Aking buhay ay ginawa ng kalooban ng Diyos at ng Aking pagsunod sa Kanyang kalooban. Ngunit ang mithiin na ito, ang kagustuhan na samahan si Jesus, ay isang kalooban na ganap Akin. Ang iwanan ang Lupa para sa Langit, ang makasama Siya magpasawalanghanggan at nang walang pagtigil! Ang Aking mithiin sa loob ng napakaraming mga taon! At ngayon nararamdaman Ko, na ito ay nasa punto na na magkatotoo. ⁸Huwag mabalisa nang labis, Juan! Pakinggan, sa halip, ang Aking huling mga habilin. Kapag ang Aking katawan, napagkaitan na ng napaka mahalagang espiritu, ay humimlay na sa kapayapaan, huwag Akong ipailalim sa kinaugalian na pag-embalsamo ng mga Hebreo. Sapagkat Ako ay hindi na isang Hudyo, bagkus isang Kristiyano, ang unang Kristiyano, kung titingnan ng isa nang mabuti ang sitwasyon, sapagkat ang Kristo ay napasaakin muna, Laman at Dugo, sa loob Ko, sapagkat Ako ang Kanyang unang disipulo, sapagkat Ako ay Kapwa-Tagapagtubos kasama Siya at ang Kanyang tagapagpatuloy dito, sa pagitan ninyo, Kanyang mga lingkod. Walang sinumang tao, maliban sa Aking ama’t ina, at sa mga tumulong sa Aking kapanganakan, ang nakakita sa Aking katawan. Madalas ninyo Akong tawagin: “Ang buháy na Kaban na naglalaman ng dibinong Salita”. Ngayon nalalaman ninyo na ang Kaban ay maaaring makita lamang ng Mataas na Pari. Ikaw ay isang pari, at higit na mas banal pa at mas puro pa kaysa sa Pontipise ng Templo. Ngunit gusto Ko lamang ang Eternal na Pontipise ang makakita sa Aking katawan sa tamang panahon. Kung kaya't, huwag Akong hipuin. Maging ano pa man, kita mo? Napadalisay Ko na ang Aking Sarili, at nagsuot na Ako ng isang malinis na damit, ang damit ng eternal na kasalan... ⁹Ngunit bakit ka umiiyak, Juan?»

«Sapagkat ang bagyo ng kapighatian ay nabubuhay sa loob ko. Alam ko na malapit na Kayong mawala sa akin.  Papaano ako makapamumuhay nang wala Kayo? Ang aking puso sa pakiramdam ko ay nadudurog sa kaisipan na ito! Hindi ko matatagalan ang kapighatian na ito!»

«Matatagalan mo ito. Ang Diyos ay tutulungan kang mamuhay, at nang matagal na panahon, katulad na tinulungan Niya Ako. Sapagkat, kung Ako ay hindi Niya tinulungan, sa Golgotha at sa Mount of Olives,  noong si Jesus ay namatay at umakyat sa Langit, namatay na sana Ako, katulad na si Isaac ay namatay. Tutulungan ka Niya na mabuhay at upang maalaala kung ano ang Aking sinabi sa iyo kanina, para sa kabutihan ng lahat.»

«O! maaalaala ko. Lahat. At gagawin ko kung ano ang Inyong hiniling, ang para rin sa Inyong katawan. Naintindihan ko rin na ang mga ritwal ng Hebreo ay hindi na magagamit para sa Inyo, isang Kristiyano, at para sa Inyo, ang Kapuru-puruhan na Ina, Na, natitiyak ko, ay hindi mapaiilaliman ng pagkabulok ng laman. Ang Inyong katawan, napabanal katulad na wala pang ibang mortal na katawan ang napabanal, kapwa dahil Kayo ay napaliban sa Orihinal na Kasalanan, at mas mahigit pa nga sapagkat bilang karagdagan sa napupuno ng Grasya, napasaloob Ninyo ang Grasya Mismo, ang Salita, na gawa nito Kayo ang Kanyang pinakatunay na relikya. Ang Inyong katawan ay hindi maaaring danasin ang pagka-agnas, ang kabulukan ng lahat na patay na laman. Ito ang magiging huling himala ng Diyos sa Inyo, sa loob Ninyo. At pananatilihin Kayo katulad ng kung ano Kayo ngayon...»

«Huwag umiyak, kung gayon!» bulalas ni Maria nakatingin sa balisang mukha ng apostol, basang-basa ng kanyang mga luha. At dinagdag Niya: «Kung Ako ay pananatilihin ng katulad kung ano Ako ngayon, hindi Ako mawawala sa iyo. Kung kaya't huwag mag-alala!»

«Mawawala pa rin Kayo sa akin, kahit na kung manatili Kayong di-nabulok. Nararamdaman ko ito. At ang pakiramdam ko ako ay tila nasa loob ng isang ipu-ipo ng bagyo ng kapighatian. Ang bagyo na sumisira sa akin at pinababagsak ako. Kayo ay ang lahat para sa akin, lalo na mula nang mamatay ang aking mga kamag-anak, at ang iba pang mga kapatid, kapwa sa dugo at sa misyon, ay malayo, ganoon din ang minamahal na si Marjiam, na isinama ni Pedro. Ako ngayon ay maiiwang mag-isa, at sa loob ng pinakamalakas na bagyo!» at si Juan ay bumagsak sa Kanyang paanan, mas lalo pang umiiyak nang husto.

¹⁰Si Maria ay niyukuan siya. Ipinatong Niya ang Kanyang kamay sa kanyang ulo na nauuga ng mga hikbi  at sinabi Niya sa kanya: «Hindi. Hindi ganyan. Bakit mo Ako pinamimighati? Napakalakas mo sa ilalim ng Krus, at iyon ay hindi mapapantayan na eksena ng kakilabutan, kapwa dahil sa kalupitan ng pagmamartir sa Kanya at ng makadimonyong poot ng mga tao! At napakalakas mo sa pagpapaginhawa sa Kanya at sa Akin, noon! At ngayon, o kung baga, sa gabing ito ng Sabbath, napaka panatag at kalmante, at sa harapan Ko Na nagbubunyi para sa napipintong kaligayahan na kinakukutuban Ko, ikaw ay balisa?! Pakalmahin mo ang iyong sarili. Gayahin, kahit mahigit pa, samahan kung ano ang nasa paligid natin at nasa loob Ko. Ang lahat ay mapayapa. Maging nasa kapayapaan din. Tanging ang mga punong-olibo lamang, sa pamamagitan ng kanilang malulumanay na pagkaluskos, nasisira ang absulutong kakalmahan ng oras na ito. Ngunit ang magiliw na ingay na ito ay napaka-kaaya-aya, na ang tunog nito ay nakakatulad ang paglipad ng mga anghel sa paligid ng bahay. At sila ay talagang naririto. Sapagkat ang mga anghel, isa o marami, ay laging nasa malapit Ko, kapag Ako ay galing sa isang espesyal na sandali ng Aking buhay. Sila ay nasa Nazareth, noong ang Espiritu ng Diyos ay ginawa ang Aking sinapupunan na mabunga. At sila ay nakasama si Jose, noong siya ay balisa at hindi makatiyak tungkol sa Aking kalagayan at kung papaano haharap sa Akin. At sa Bethlehem isang una at isang pangalawang beses, noong si Jesus ay pinanganak, at noong kinailangan namin na tumakas patungong Ehipto. At sa Ehipto noong iniutos nila sa amin ang pagbalik sa Palestina. At – kung hindi sa Akin, sapagkat ang Hari ng mga angel Mismo ay nagpunta sa Akin, kaagad nang Siya ay nakabangon – at ang mga anghel ay nagpakita sa banal na mga babae sa bukang-liwayway ng unang araw pagkatapos ng Sabbath at inutusan silang sabihin sa iyo at kay Pedro kung ano ang kailangan ninyong gawin. Mga anghel at liwanag lagi sa importanteng mga sandali ng Aking buhay at ng kay Jesus. Sa pamamagitan ng liwanag at init ng pagmamahal na, bumababa mula sa Trono ng Diyos  patungo sa Akin, Kanyang Katulong na Babae, at tumataas mula sa Aking puso upang pumunta sa Diyos, Aking Hari at Panginoon, nakakaisa Ko ang Diyos at Siya Ako, upang kung ano ang nakasulat na kailangang matapos, ay kailangang tapusin, at upang makapaglagay din ng isang belo ng liwanag sa mga lihim ng Diyos, upang si Satanas at ang kanyang mga katulong ay hindi malaman ang pagsasagawa ng makalangit na misteryo ng Engkarnasyon, bago ang tamang panahon. Sa gabing ito rin ngayon nararamdaman Ko ang mga anghel sa paligid Ko, bagamat hindi Ko sila nakikita. At nararamdaman Ko ang isang Liwanag, isang di-matatagalang liwanag, na lumalaki sa loob Ko, katulad ng liwanag na bumalot sa Akin noong ipinaglihi Ko ang Kristo, noong binigay Ko Siya sa mundo. Isang liwanag na nanggagaling sa biglang pagbukal ng pagmamahal na mas malakas pa kaysa karaniwan. Sa pamamagitan ng gayon ding lakas ng pagmamahal, naagaw Ko ang Salita mula sa Langit bago pa ang oras, upang Siya ay sana maging ang Tao at ang Tagapagtubos. Sa pamamagitan ng parehong lakas din na pagmamahal, katulad ng gumagapi sa Akin ngayong gabi, umaasa Ako na sana kunin Ako ng Langit at dalhin Ako kung saan minimithi Kong makapunta sa pamamagitan ng Aking espiritu upang awitin ang Aking walang-paglahong “Magnificat” sa Diyos, para sa mga bagay na Kanyang ginawa sa Akin, Kanyang Katulong na Babae, kasama ang sambayanan ng mga santo at ang mga koro ng mga anghel, magpasawalanghanggan.»

¹¹«Maaaring hindi lamang sa pamamagitan ng Inyong espiritu. At ang Lupa ay tutugon sa Inyo, at kasama ang mga sambayanan at mga nasyon nito luluwalhatiin, pararangalan at mamahalin Kayo hanggang sa katapusan ng mundo, katulad ng tamang hula ni Tobias tungkol sa Inyo, bagamat palihim, sapagkat Kayo talaga ang Isa Na nagdala sa Panginoon sa Inyong Sarili, at hindi ang Banal ng mga Banal. Naibigay Ninyo sa Diyos, sa pamamagitan ng Inyong Sarili, ang katumbas na pagmamahal na naibigay ng lahat na mga Mataas na Pari at lahat ng iba pa sa Templo sa buong mga panahon. Mainit na pinakapurong pagmamahal. Dahil diyan ang Diyos ay gagawin Kayong ang Pinaka-pinagpala.»

«At pagbibigyan Niya ang Aking tanging hiling, ang tanging Aking gusto. Sapagkat ang pagmamahal, kapag ito ay kumpleto na halos maging perpekto, katulad ng pagmamahal ng Aking Anak at Diyos, ay nakakamit ang lahat, kahit na ang, sa opinyon ng tao, imposibleng makamtan. Tandaan iyan, Juan. At sabihan din ang iyong mga kapatid tungkol diyan. Ang mga tao ay makikipaglaban sa inyo nang labis! Ang lahat na sagabal ay magagawa kayong  matakot ng pagkatalo, ng mga masaker ng mga taga-usig at ng pagtiwalag ng mga Kristiyano ng... may moralidad ng katulad ng sa Iskariote ay panghihinaan ang inyong mga espiritu. Huwag matakot. Magmahal, at huwag matakot. Ayon sa proporsiyon kung papaano kayo magmahal, tutulungan kayo ng Diyos at pagtatagumpayin kayo sa laban sa lahat na bagay at sa lahat na tao. Ang lahat ay maaaring makamit, kung ang isa ay maging isang serapin. Pagkatapos ang kaluluwa, ang magandang bagay na ito na eternal, na siyang ang pinaka hininga ng Diyos, na inilalin sa atin, ay paliliparin ang sarili patungo sa Langit, babagsak katulad ng isang apoy sa paanan ng Dibinong Trono, magsasalita at pakikinggan ng Diyos, at makukuha mula sa Makapangyarihan kung ano ang gusto nito. Kung nalaman ng mga tao kung papaano magmahal katulad ng pinanuto ng lumang Batas, at kung papaano ang Aking Anak nagmahal at nagturo sa mga tao na magmahal, makakamit nila ang lahat. Nagmamahal Ako nang ganyan. Iyan kung bakit nararamdaman Ko matatapos na ang Aking paninirahan sa Lupa, Ako gawa ng kalabisan ng pagmamahal, katulad na Siya ay gawa ng kalabisan ng kapighatian. Bueno! Ang sukat ng Aking kakayahan ng pagmahal ay puno na. ang Aking kaluluwa at ang Aking katawan ay hindi na mahawakan pa ito. Ang pagmamahal ay umaapaw mula dito, nailulubog Ako nito at naitataas nang sabay patungo sa Langit, patungo sa Diyos, sa Aking Anak. At ang Kanyang tinig ay nagsasabi sa Akin: Halikayo! Lumabas Kayo! Tumaas sa aming Trono at sa aming Sang-tatlong yakap!” Ang Lupa, na pumapaligid sa Akin, ay nawawala sa maningning na liwanag na dumarating sa Akin mula sa Langit! Ang mga ingay ay nilulunod ng selestiyal na tinig na ito! Ang Aking sandali para sa dibinong yakap ay dumating na, Aking mahal na Juan!»

¹²Si Juan, na kumalma na nang kaunti, bagamat balisa pa rin kahit papaano, nakikinig kay Maria, at na sa huling bahagi ng Kanyang talumpati ay nakatingin sa Kanya nang labis na naliligayahan, at halos nagagayuma dahil sa kaligayahan, ang mukha kasing putla ni Maria, Na ang Kaninong pamumutla, gayunpaman, ay nagbabago sa pagiging maputing liwanag, ay nagmadali patungo sa Kanya upang suportahan Siya, at sa pansamantala siya ay bumulalas: «Katulad Ninyo si Jesus noong Siya ay nagbago ang anyo sa Tabor! Ang Inyong laman ay nagniningning katulad ng buwan, ang Inyong mga damit ay kasing ningning ng isang latag ng diyamante na inilagay sa harapan ng isang napakaputing apoy! Hindi na Kayo tao, Inay! Ang kabigatan at kalabuan ng laman ay nawala! Kayo ay liwanag! Ngunit hindi Kayo si Jesus, Siya, bilang Diyos, bukod sa bilang Tao, ay nakakatayo rin nang Sarili Niya Mismo, doon, sa Tabor, katulad na nagawa Niya ito rito, sa Mount of Olives, noong Siya ay umakyat sa Langit. Hindi Ninyo magagawa ito. Hindi Kayo makakatayo. Halikayo. Tutulungan ko Kayong maihiga Ninyo ang Inyong pagod na katawan sa Inyong maliit na kama. Magpahinga.» At may pagmamahal niyang inaalalayan Siya patungo sa abang kama, kung saan si Maria ay nahiga, nang hindi inaalis kahit na ang Kanyang manta.

Nilulupi ang Kanyang mga kamay sa ibabaw ng Kanyang dibdib, sinasara ang Kanyang mga talukap-mata sa Kanyang mababait na mata, nagniningning sa pagmamahal. Sinabi Niya kay Juan na nakayuko sa Kanya: «Ako ay nasa Diyos. At ang Diyos ay nasa Akin. Habang pinagninilayan Ko Siya at pinakikiramdaman ang Kanyang yakap, sabihin ang mga salmo, at kung alin pang mga pahina ng Banal na mga Kasulatan nauukol sa Akin, lalo sa oras na ito. Ang Espiritu ng Karunungan ay ituturo ang mga ito sa iyo. Pagkatapos sabihin ang dasal ng Aking Anak, ulitin ang mga salita ng nagbabalitang Arkanghel at ni Elizabeth sa Akin, , at ang Aking himno na pagpuri... Susundan kita sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon pa Ako ng Aking Sarili sa Lupa...»

Si Juan, nakikipaglaban sa mga luha na tumataas mula sa kanyang puso, nagsisikap na mapigilan ang emosyon na nagpapabalisa sa kanya, sa kanyang magandang tinig, na, pagkaraan ng maraming taon, ay naging katulad na katulad ng tinig ni Jesus – na napuna ni Maria nang may ngiti, nagsasabing: «Tila nasa tabi Ko ang Aking Jesus!» - ay sinasahimig ang salmo 118, na kanyang inaawit nang halos lahat, pagkatapos ang unang tatlong mga berso ng salmo 41, ang unang walo ng salmo 38, salmo 22 at salmo 1. Pagkatapos sinabi niya ang Ama Namin, ang mga salita ni Gabriel at ni Elizabeth, ang kantiko ni Tobias, ang ika dalawampu’t apat na kabanata ng Eklesyastiko, mula berso 11 hanggang 46. Sa panghuli isinasahimig niya ang “Magnificat”.  Ngunit noong siya ay dumating sa berso 9, napuna niya na si Maria ay hindi na humihinga, bagamat natural pa rin Siya sa Kanyang pustura at hitsura, nakangiti, mapayapa, na tila hindi Niya napuna na ang buhay ay tumigil.

Si Juan, nang may isang makabagbag-damdamin na iyak ay itinapon ang sarili sa sahig sa gilid ng kama, at tinatawag nang tinawag si Maria. Hindi niya makumbinsi ang kanyang sarili na Siya ay hindi na makatugon sa kanya, na ang Kanyang katawan ay pinagkaitan na ng kinakailangang kaluluwa. Ngunit kailangan na sumuko siya sa ebidensiya! Niyuyukuan niya ang Kanyang mukha, nakapirmi pa rin sa isang ekspresyon ng sobrenatural na lugod, at mga luha ang bumukal nang buhós mula sa kanyang mga mata patungo sa matamis na mukhang iyon, sa purong mga kamay na iyon na napakagiliw na nilupi sa ibabaw ng Kanyang dibdib. Iyon lamang ang tanging paghuhugas na nagkaroon ang katawan ni Maria: ang mga luha ng Apostol ng pagmamahal at ng Kanyang anak na ampon sa kalooban ni Jesus.

¹³Noong ang unang bugso ng kapighatian ay nakalampas, si Juan, naaalaala ang hiling ni Maria, ay pinapalumpon ang mga gilid ng malapad na linen na manta ni Maria, na bumibitin mula sa mga tabi ng maliit na kama, at ang mga gilid ng belo, na nakabitin mula sa unan, at nilaladlad niya ang una sa ibabaw ng Kanyang katawan, at ang huli sa ibabaw ng Kanyang ulo. Si Maria ngayon ay katulad na ng isang estatuwa ng puting marmol, na inihiga sa takip ng isang sarkopago. Si Juan ay pinagninilay-nilayan Siya nang matagal-tagal, at mas marami pang mga luha ang bumabagsak mula sa kanyang mga mata habang nagninilay.

Pagkatapos inaayos niya ang silid, inaalis ang lahat na kalabisan na mga muwebles. Iniiwan lamang niya ang kama, ang maliit na mesa sa tabi ng pader at inilalagay niya ang kaban ng mga relikya sa ibabaw nito, isang bangkito, na kanyang inilalagay sa pagitan ng pintuan na patungo sa terasa at ng kama kung saan si Maria ay nakahimlay, at isang patungan, kung saan ay may isang lampara na sinisindihan ni Juan, dahil nagsisimula nang dumilim.

Pagkatapos nagmadali siyang nagpatungo sa Gethsemane, upang pumitas ng kasing dami ng bulaklak na makukuha niya, at ilang mga sanga ng mga punong-olibo, na may mga bunga na. Bumalik siyang paakyat sa maliit na silid, at sa liwanag ng lampara inaayos niya ang mga bulaklak at ang mga sanga sa paligid ng katawan ni Maria, na tila iyon ang sentro ng isang malaking girnalda.

Habang ginagawa ito, nagsasalita siya sa katawan na nasa kama, na tila si Maria ay napapakinggan pa siya. Sinasabi niya: «Kayo ay naging ang laging liryo ng lambak, ang matamis na rosas, ang magandang puno-ng-olibo, ang namumungang ubasan, ang banal na tainga ng trigo. Naibigay Ninyo sa amin ang Inyong pabango, at ang Langis ng Buhay, at ang Alak ng malakas, at ang Tinapay na nagpapanatili sa mga espiritu mula sa kamatayan, para sa mga karapat-dapat na kumakain nito. Ang mga bulaklak na ito ay nagmumukhang maganda sa paligid Ninyo, dahil sila ay simple at puro katulad Ninyo, adornado ng mga tinik katulad Ninyo at mapayapang katulad Ninyo. Ngayon ating ilagay nang mas malapit ang lamparang ito. Kung gayon, malapit sa Inyong kama, na sana bantayan Kayo nito at samahan ako habang binabantayan ko Kayo, habang hinihintay ang isa man lamang sa mga himalang  inaasahan ko at para sa katuparan nito ako ay nananalangin. Ang una ay na, ayon sa kanyang kahilingan, si Pedro, at ang mga iba pa, na aking bibigyang-alam sa pamamagitan ng  katulong ni Nicodemus, ay sana makita Kayong muli. Ang ikalawa ay na Kayo, katulad ng lahat na nakakapareho Ninyo ang Inyong Anak, ay sana magising, katulad Niya, sa loob ng tatlong araw, upang hindi ako maiwanan na isang ulila nang dalawang beses. Ang pangatlo ay na ang Diyos ay sana bigyan ako ng kapayapaan, kung ang aking inaasahan na sana mangyari sa Inyo, katulad na ito ay nangyari kay Lazarus, na hindi katulad Ninyo, ay hindi magkatotoo. Ngunit bakit hindi ito mangyayari? Ang anak na babae ni Jairus, ang binata na mula sa Nain, ang anak ni Theophilus, ay nabuhay muli... Totoo na noon ang Guro ang kumilos... Ngunit Siya ay kasama Ninyo, kahit na kung sa pamamaraan na hindi nakikita. At hindi Kayo namatay dahil sa sakit katulad ng mga ibinangon ng Kristo. Ngunit Kayo nga ba ay patay? Patay katulad na ang bawat tao ay namamatay? Hindi. Sa aking pakiramdam hindi ito ganito. Ang Inyong espiritu ay hindi na Ninyo kasama, sa Inyong katawan, at sa ganyang pananaw masasabi natin na iyan ay kamatayan. Ngunit sa pamamaraan na ang Inyong pagyao ay nangyari, sa palagay ko ang Inyo ay isa lamang na pansamantalang paghiwalay ng Inyong kaluluwa, walang kasalanan at napupuno ng grasya, mula sa inyong kapuru-puruhan at birhen na katawan. Ito ay maaaring ganito! Ito ay ganito! Papaano at kailangan ang pagsasamang-muli mangyayari at ang buhay babalik sa Inyo, hindi ko alam. Ngunit ako ay nakatitiyak nito na ako ay mananatili rito, sa tabi Ninyo, hanggang ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang salita, o ng Kanyang pagkilos, ay ipakita sa akin ang katotohanan ng Inyong kapalaran.»

Si Juan, na nakatapos na sa pag-ayos ng lahat, ay naupo sa bangkito, inilalagay ang lampara sa sahig, malapit sa maliit na kama; at kanyang pinagninilayan ang katawan na nakahimlay dito, nagdarasal.

012513

 

 



Sunod na kabanata