66. Ang Iskariote Natagpuan si Jesus sa Gethsemane at Tinanggap Bilang Isang Disipulo.

Disyembre 28, 1944.

¹Noong hapon nakita ko si Jesus… sa loob ng taniman ng mga punong-olibo… Siya ay nakaupo sa isa sa maliliit na lupang terasa, sa Kanyang pangkaraniwang hitsura, ang Kanyang mga siko nakapatong sa Kanyang mga tuhod, ang Kanyang mga braso nakaunat paharap at ang Kanyang mga kamay magkakabit. Ngayon ay dumidilim na at ang liwanag ay lumalabo nang lumalabo sa loob ng makapal na taniman ng mga olibo. Siya ay nag-iisa. Naalis na Niya ang Kanyang manta na tila Siya ay naiinitan, at ang Kanyang puting tunika ay nangingibabaw sa berdeng mga kaligiran na mas napadidilim pa ng dapit-hapon.

May isang lalaking bumababa sa taniman ng mga punong-olibo. Siya ay tila may hinahanap na isang bagay o isang tao. Siya ay matangkad, at nakasuot ng may masasayang kulay na damit: isang dilaw na rosas na nagagawa ang kanyang malaking manta na maging mas mapagpasikat, adornadong katulad nito ng mga umuundayong palawit. Hindi ko makitang mabuti ang kanyang mukha dahil sa malabong liwanag at sa distansiya, at dahil din na ang gilid ng kanyang manta ay nakababa sa bahagi ng kanyang mukha. Noong makita niya si Jesus, siya ay napakilos na tila upang sabihin: «Ayan Siya!» at minadali niya ang kanyang paghakbang. Nang siya ay mga ilang metro na lamang ang layo, binati niya Siya: «Pagbati, Guro!»

Si Jesus ay tumalikod nang bigla at tumingala, sapagkat ang lalaki ay nakatayo sa sumusunod na terasa, na mas mataas. Si Jesus ay tinitingnan siya, Siya ay seryoso, at sasabihin ko rin malungkot. Ang lalaki sa muli: «Binabati ko Kayo, Guro. Ako si Judas ng Kerioth. Hindi ba Ninyo ako natatandaan? Hindi ba Ninyo ako naaalaala?»

«Naaalaala at natatandaan kita. Ikaw ay nagsalita sa Akin dito kasama si Tomas, nang nakaraang Paskuwa.»

«At sinabi Ninyo sa akin: “Isipin ang tungkol dito at magpasya bago Ako bumalik”. Nagpasya na ang aking isip. Ako ay sasama.»

«Bakit ka sasama, Judas?» Si Jesus ay totoong malungkot.

«Sapagkat… Nang nakaraan sinabi ko sa Inyo kung bakit. Sapagkat pinapangarap ko ang Kaharian ng Israel at nakikita ko Kayo bilang isang hari.»

«Iyan ba kung bakit ka sasama?»

«Oo, iyan. Ilalagay ko ang aking sarili at ang lahat na aking pag-aari: kakayahan, mga kakilala, mga kaibigan, págod sa paglilingkod sa Inyo at sa paglilingkod sa Inyong misyon na itayong muli ang Israel.»

²Ang dalawa ay ngayon magkalapit na, magkaharap, nakatayo, at sila ay nagtititigan. Si Jesus ay mahigpit at nalulungkot. Si Judas naitataas ng kanyang pangarap, ay ngumingiti, magandang lalaki at bata pa, masigla at ambisyoso.

«Hindi kita hinanap, Judas.»

«Alam ko. Ngunit hinanap ko Kayo. Sa loob ng maraming araw naglagay ako ng mga tao sa mga geyt upang ako ay pasabihan tungkol sa Inyong pagdating. Akala ko darating Kayo na may kasamang ilang mga tagasunod at iyan ay mas madali Kayong makita. Sa halip… Naintindihan ko na Kayo ay nagpunta rito, sapagkat ang isang grupo ng mga peregrino ay pinagpapalà Kayo dahil pinagaling Ninyo ang isang may sakit na lalaki. Ngunit walang makapagsabi sa akin kung nasaan Kayo. Pagkatapos naalaala ko ang lugar na ito. At ako ay pumunta. Kung hindi ko Kayo natagpuan dito, tatanggapin ko na sa sarili ko na hindi ko na Kayo matatagpuan pa…»

«Sa palagay mo ba mabuting bagay para sa iyo, na natagpuan mo Ako?»

«Oo, sapagkat hinahanap ko Kayo. Hinahanap ko Kayo, gusto ko Kayo.»

«Bakit? Bakit mo Ako hinahanap?»

«Ngunit nasabi ko na sa Inyo, Guro! Hindi ba Ninyo naintindihan?»

³«Naintindihan Ko. Oo, naintindihan Ko. Ngunit ibig Ko rin na maintindihan mo Ako bago mo Ako sundan. Halika. Mag-uusap tayo habang naglalakad.» At sila ay nagsimulang maglakad, magkatabi, pataas-pababa sa mga landas na nagkakasalu-salubong sa loob ng taniman ng mga olibo. «Ibig mo Akong sundan para sa isang pantaong dahilan, Judas. Ngunit kailangan Kong papagbaguhin ang loob mo. Ako ay hindi naparito para diyan.»

«Ngunit hindi ba Kayo ang itinalagang hari ng mga Hudyo? Ang isa na siyang binabanggit ng mga Propeta? Ang iba ay dumating. Ngunit nagkukulang sila ng napakaraming mga bagay at sila ay bumabagsak katulad ng mga dahon na hindi na suportado ng hangin. Ngunit nasa Inyo ang Diyos, sa katunayan gumagawa Kayo ng mga himala. Kung saan naroroon ang Diyos, ang tagumpay ng misyon ay garantisado.»

«Nasabi mo ang katotohanan. Nasa Akin ang Diyos. Ako ang Kanyang Salita. Ako ay hinulaan ng mga Propeta, ipinangako sa mga Patriyarka, hinihintay ng sambayanan. Ngunit bakit, Israel, naging bulag-na-bulag ka at binging-bingi na hindi mo na mabasa at makita, marinig at maintindihan ang reyalidad na mga pangyayari? Ang Aking Kaharian ay hindi kaharian ng mundong ito, Judas. Pahintulutan mo ang iyong sarili na makumbinsi niyan. Ako ay naparito sa Israel upang dalhin ang Liwanag at Kaluwalhatian. Ngunit hindi ang liwanag at kaluwalhatian ng lupa. Ako ay naparito upang tawagin ang mga makatarungan ng Israel sa Kaharian. Sapagkat sa Israel kailangan magmula ang tanim ng eternal na buhay, at sa pamamagitan ng Israel ito kailangan na pormahin, ang tanim, na ang magiging katas nito ay ang Dugo ng Panginoon, ang tanim na kakalat sa buong lupa, hanggang sa katapusan ng panahon. Ang Aking unang mga tagasunod ay magmumula sa Israel. Ang Aking unang mga kompesor ay manggagaling sa Israel. At ang mágkakanuló sa Akin ay manggagaling din sa Israel…»

«Hindi, Guro. Iyan ay hindi kailanman mangyayari. Kung ang lahat ay magtataksil sa Inyo, ako ay mananatiling kasama Ninyo at ipagsasanggalang Kayo.»

«Ikaw, Judas? At saan mo ibinabasi ang iyong pagtitiyak?»

«Sa aking karangalan bilang isang tao.»

«Na mas maselan pa kaysa sa isang sapot, Judas. Sa Diyos tayo kailangan na humingi ng lakas na maging makatotohanan at matapat. Tao!... Ang tao ay nakagagawa ng mga pantaong gawain. Upang makagawa ng espirituwal na mga gawain – at ang sumunod sa Mesiyas nang may pagka-makatotohanan at hustisya ay ang gumawa ng isang espirituwal na gawain – kinakailangan na patayin ang tao at gawin siyang maipanganak muli. May kakayahan ka ba ng labis na ganito?»

«Oo, Guro. At maging ano pa man… Hindi lahat sa Israel ay magmamahal sa Inyo. Ngunit ang Israel ay hindi magbibigay sa Mesiyas ng mga tagabitay at mga traydor. Ang Israel ay matagal nang naghihintay sa Inyo sa loob ng mga siglo!»

«Ako ay bibigyan ng mga ito. Alalahanin ang mga Propeta… Ang kanilang mga salita… at ang kanilang katapusan. Ako ay nakatalagang mabibigo Ko ang marami. At ikaw ay isa sa kanila. Judas, nasa harapan mo ngayon ang isang malumanay, mapayapáin, mahirap na tao, na ibig na manatiling mahirap. Ako ay hindi naparito upang ipilit ang Aking Sarili at makipagdigma. Hindi Ako makikipag-agawan sa malalakas at mga makapangyarihan para sa anumang kaharian o kahit anong kapangyarihan. Nakikipag-agawan lamang Ako kay Satanas para sa mga kaluluwa at Ako ay naparito upang sirain ang mga tanikala ni Satanas sa pamamagitan ng apoy ng Aking pagmamahal. Ako ay naparito upang ituro ang awa, sakripisyo, kababaang-loob, pagpipigil. Sasabihin Ko sa iyo at sa lahat: “Huwag maghangad ng pantaong kayamanan, bagkus magtrabaho para sa eternal na mga sentimos”. Niloloko mo ang sarili mo kung iniisip mo na kailangan Kong magtagumpay sa Roma at sa mga naghaharing grupo. Ang mga Herodes at mga Caesar ay makatutulog nang mapayapa, habang nagsasalita Ako sa mga pulutong. Hindi Ako naparito upang mangagaw ng kanino mang setro… at ang Aking eternal na setro ay nakahanda na, ngunit walang sinuman, maliban kung ang isa ay pagmamahal na katulad Ko, ang magugustong makahawak nito.⁴ Humayo, Judas, at mag-isip…»

«Tinatanggihan ba Ninyo ako, Guro?»

«Wala Akong tinatanggihang sinuman, sapagkat siya na tumatanggi ay hindi nagmamahal. Ngunit, sabihin mo sa Akin, Judas: Papaano mo titingnan ang kilos ng isang tao na, nalalaman na siya ay nahawaan ng nakahahawang sakit, sasabihin sa isa na lumalapit sa kanya upang makiinom mula sa kanyang kalis nang walang nalalaman tungkol sa sitwasyon: “Mag-ingat ka sa ginagawa mo”? Titingnan mo ba ito na kapootan o pagmamahal?»

«Sasabihin ko na iyon ay pagmamahal, sapagkat ayaw niya ang taong iyon, na walang nalalaman tungkol sa panganib, na masira ang kanyang kalusugan.»

«Bueno, tingnan mo rin ang Aking ginagawa na ganyan din.»

«Masisira ko ba ang aking kalusugan sa pagsama sa Inyo? Hindi, kailanman.»

«Masisira mo higit pa sa iyong kalusugan, sapagkat, tingnan itong mabuti, Judas, kakaunti ang sisingilin sa kanya na isang mamamatay-tao, ngunit naniniwala na ang kanyang ginagawa ay makatarungan, sapagkat hindi niya nalalaman ang katotohanan; ngunit malaki ang sisingilin sa kanya, na bilang nalalaman ang Katotohanan, hindi lamang niya sinusuway ito, bagkus siya ay naging kaaway pa nito.»

«Hindi ko gagawin iyan. Kunin Ninyo ako, Guro. Hindi Ninyo ako matatanggihan. Kung Kayo ang Tagapagligtas at nakikita Ninyo na ako ay isang makasalanan, isang naliligaw na tupa, isang bulag na nawawala sa tamang daan, bakit Ninyo ako tatanggihan na mailigtas? Kunin Ninyo ako. Susundan ko Kayo, kahit hanggang sa kamatayan…»

«Hanggang sa kamatayan! Iyan ay totoo. Pagkatapos…»

«Pagkatapos, Guro?»

«Ang hinaharap ay nasa sinapupunan ng Diyos. Humayo. Magkikita tayo bukas sa Fish Gate

«Salamat sa Inyo, Guro. Ang Panginoon ay mapasainyo.»

«At harinawang ang Kanyang awa ay mailigtas ka.»

At ang lahat ay natapos.

(343) 220710/040913

Sunod na kabanata.