67. Si Jesus Ginawa ang Himala ng Basag na mga Patalim sa Fish Gate.

Disyembre 31, 1944.

¹Nakikita ko si Jesus naglalakad sa malilim na daan nag-iisa. Ito ay nagmumukhang katulad ng isang luntian na maliit na lambak, mayaman sa mga tubig. Tinatawag ko itong isang maliit na lambak sapagkat napapanabihan ito ng dalawang pagtaas ng lupa at ang isang sapa ay dumadaloy sa gitna nito.

Ang lugar ay walang tao sa maagang oras ng umaga. Ang araw ay kalilitaw pa lamang, isang maganda, maliwanag na araw ng tag-init, at maliban sa mga paghuni ng mga ibon sa mga punungkahoy at sa mahibik na paghuni ng layás na mga kalapati nakapugad sa mga biták ng walang-mga-punungkahoy na burol, wala nang iba pang tunog ang maririnig. Ang mga punungkahoy ay karamihan mga puno ng olibo, lalo na sa burol sa kaliwang tabi, samantalang ang isa pang burol ay mas lalong walang mga alagang puno na may mabababang puno ng lentisk, matitinik na akasya at mga palumpong ng agave, atbp. Kahit na ang sapa, na may napakakaunting tubig sa gitna, ay tila hindi gumagawa ng kahit anong ingay, at dumadaloy nang marahan nasasalamin sa kalaliman nito ang kaberdehan ng nakapaligid na mga burol, at sa gayon nagmumukhang madilim na esmeralda.

Si Jesus ay tinatawid ang isang sinaunang maliit na tulay: isang katawan ng punungkahoy, tinapyasan nang pahaba, ginawang tulayan sa ibabaw ng daanan ng tubig, walang parapet o anumang proteksiyon, at ipinagpatuloy ang Kanyang paglalakad sa kabilang pampang.

May nakikita na ako ngayon na mga pader at mga geyt at mga ilan din na mga mangangalakal na may mga gulay at mga kakanin nagsisiksikan malapit sa mga geyt, mga nakasarado pa, naghihintay na makapasok sa bayan. Ang mga asno ay abalá nag-iingay at nag-aaway; ang kanila ring mga may-ari ay nagpapanunggaban sa malalakas na estilo. Mga insulto at mga hampas ng mga pambambo ay iniuumang at ibinibigay hindi lamang sa mga likod ng mga asno, bagkus sa mga ulo din ng mga tao.

Dalawang lalaki ang nag-aaway nang seryoso, sapagkat ang asno ng isa sa kanila ay nanginginain sa magandang basket ng letsugas ng isa pa at nakakain nang marami nito! Baka ito ay isa lamang dahilan upang matuluyan ang dating samaan-ng-loob. Sa katunayan mula sa ilalim ng kanilang pang-ilalim na mga tunika, na umaabot hanggang sa kanilang mga binti, humugot sila ng dalawang maikling malapad na mga kutsilyo, kasing lapad ng isang kamay: nagmumukha itong mga maiikling tulis na mga punyal, at ito ay kumikislap sa sinag ng araw. Ang mga tili ng mga kababaihan at mga sigaw ng mga kalalakihan ay maririnig kahit saan. Ngunit walang sinuman ang nagsisikap na paghiwalayin ang dalawang lalaki na nakahanda na para sa pangkabukiran na duwelo.

²Si Jesus, Na naglalakad, nag-iisip, ay tumingala, nakita ang away at nagmadali sa pagitan ng dalawa: «Tigil, sa ngalan ng Diyos!» iniutos Niya.

«Hindi, ibig kong yariin na ang isinumpang asong ito nang minsanan na!»

«At gayon din ako! Mahilig ka sa mga palawit? Gagawan kita ng palawit sa pamamagitan ng iyong mga bituka!»

Ang dalawa ay mabilis ang kilos paikot kay Jesus, tinutulak Siya, iniinsulto Siya upang mawala Siya, nagsisikap na sila'y magkasaksakan, ngunit nang walang mangyari, sapagkat si Jesus, ginagalaw nang maingat ang Kanyang manta, ay inililisya ang mga dagok at hinaharangan ang kanilang pagsipat. Napunit Niya ang Kanyang manta.

Ang mga tao ay sumisigaw: «Umalis Kayo diyan, Nazareno. Kayo ang malulugi». Ngunit hindi Siya kumikilos at nagsisikap na mapakalma sila, pinaaalalahanan sila ng tungkol sa Diyos. Walang mangyari! Ang dalawang magkaaway ay baliw sa galit!

Ang kapangyarihan ng himala ay makikitang lumalabas kay Jesus. Sa huling pagkakataon Siya ay sumigaw: «Inuutos Ko sa inyo na tumigil!»

«Hindi! Umalis Ka diyan. Pumunta Ka sa pupuntahan Mo, aso ng isang Nazareno!»

Si Jesus pagkatapos ay iniunat ang Kanyang mga kamay, kasama ang Kanyang makapangyarihang tingin. Wala Siyang sinasabi kahit isang salita. Ngunit ang mga panaksak ay bumagsak na pira-piraso sa lupa, na tila ito ay gawa sa salamin, at tumama sa isang bato.

Ang dalawang lalaki ay tiningnan ang maikli, walang-silbing mga puluhán, naiwan sa kanilang mga kamay. Ang pagtataka ay pinatay ang galit. Ang mga nagtaka na pulutong ay sumigaw din.

³«At ngayon?» tanong ni Jesus, nang mahigpit. «Nasaan ang inyong lakas?»

Ang mga sundalo rin na nakaposte sa geyt, na nagmadaling lumabas sa pinakahuling mga sigawan, ay nakatitig na nasorpresa at ang isa ay yumuko upang pulutin ang mga pira-piraso ng mga kutsilyo at sinusubukan ito sa kanyang mga kuko, hindi naniniwala na ito ay gawa sa asero.

«At ngayon?» ulit ni Jesus. «Nasaan ang inyong lakas? Saan ninyo ibinasi ang inyong karapatan? Sa mga pira-pirasong metal na ngayon ay nasa alikabok? Sa mga pira-pirasong metal na iyon na walang ibang lakas bagkus ang udyukan kayo sa pagkakasala ng galit laban sa isang kapatid, sa gayon pagkakaitan kayo ng lahat ng mga pagpapalà ng Diyos at samakatuwid ng lahat ng lakas? O! Gaano kamiserable ang mga umaasa sa pantaong pamamaraan upang magtagumpay, at na hindi nakababatid na ang kabanalan at hindi ang karahasan ang magpapapanalo sa inyo kapwa sa lupa at sa kabila pa nito! Sapagkat ang Diyos ay kasama ang makatarungan.

Makinig, sambayanan ng Israel, at kayo, mga sundalo ng Roma. Ang Salita ng Diyos ay nagsasalita sa lahat na mga anak ng tao, at ang Anak ng tao ay hindi tatanggihan ang mga Hentil.

Ang ikalawang utos ng Panginoon ay isang kautusan ng pagmamahal para sa ating kapwa. Ang Diyos ay mabuti at ibig ang mabuting kalooban sa Kanyang mga anak. Ang sinuman na hindi mabait ang kalooban sa kanyang kapwa, ay hindi matitingnan ang kanyang sarili na isang anak ng Diyos ni hindi niya tataglayin ang Diyos sa sarili niya. Ang tao ay hindi isang hayop na walang pangangatwiran, na magmamadali at mangangagat ang isang biktima. Ang tao ay may pangangatwiran at kaluluwa. Sa pamamagitan ng kanyang pangangatwiran kailangan na umasal siya bilang isang tao. Sa pamamagitan ng kanyang kaluluwa kailangan niyang umasal bilang isang santo. Ang sinuman na iba ang inaasal, ay ibinababa ang sarili sa mas mababa pa kaysa sa mga hayop; siya ay yumuyuko upang yakapin ang mga dimonyo sapagkat ang isang kaluluwa ay nagiging masama sa pamamagitan ng pagkakasala sa galit.

Magmahal. Wala na Akong sasabihin pang iba. Mahalin ang inyong kapwa ayon sa ipinanunuto ng Panginoong Diyos ng Israel. Huwag maging laging kauri ng dugo ni Cain. At bakit kayo ganyan? Dahil sa iilang mga sentimos, kayo ay maaaring naging mga mamamatay-tao.  Para sa iilan na dangkal ng lupa. Para sa mas magandang pusisyon. Para sa isang babae. Ano ang mga bagay na ito? Ang mga ito ba ay eternal? Hindi. Tumatagal iyan nang kulang pa sa isang pamumuhay, na tumatagal nang isang sandali ng eternidad. At ano ang mawawala sa inyo kung susundan ninyo ang mga ito? Ang eternal na kapayapaan na ipinangako sa makatarungan, at siyang dadalhin sa inyo ng Mesiyas kasama ang Kanyang Kaharian. Halikayo sa daan ng Katotohanan. Sundan ang Tinig ng Diyos. Magmahalan sa isa’t isa. Maging makatotohanan. Maging katamtaman. Maging mababa ang loob at makatarungan. Humayo at magnilay-nilay.»

⁴«Sino Kayo Na nagsasalita ng ganyang mga salita at pumuputol ng mga patalim sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Inyong kalooban? Tanging iisa lamang ang nakagagawa ng ganyang mga bagay: ang Mesiyas. Ni si Juan Bautista ay hindi nakadadakila kaysa sa Kanya. Kayo ba kaya ay ang Mesiyas?» tatlo o apat na tao ang nagtatanong sa Kanya.

«Oo, Ako ang Mesiyas.»

«Kayo? Kayo ba ang Isa na nagpapagaling sa mga maysakit at nagtuturo ng Diyos sa Galilee?»

«Ako nga.»

«Mayroon akong isang matandang ina na namamatay na. Pagalingin siya!»

«At ako, kita N’yo? Nawawala na ang lahat kong lakas dahil sa mga kirot ko. Ang aking mga anak ay mga bata pa. Pagalingin ako!»

«Umuwi ka na. Ang iyong ina ngayong gabi ay ihahanda ang iyong hapunan; at ikaw: maging magaling. Gusto Ko iyan!»

Ang pulutong ay umatungal sa tuwa. Sila pagkatapos ay nagtanong: «Ang Inyong Pangalan! Ang Inyong Pangalan!»

«Jesus ng Nazareth.»

«Jesus! Jesus! Hosana! Hosana!»

Ang pulutong ay masaya. Ang mga asno ngayon ay magagawa na ang gusto nila, wala nang pumapansin sa kanila. Ang mga ina ay nagmamadali patungo sa bayan, dahil ang balita ay halatang kumalat at kanilang itinataas ang kanilang maliliit na anak. Si Jesus ay nagpapalà at ngumingiti. At nagsisikap Siyang makaraan sa gitna ng nagbubunying pulutong upang makapasok Siya sa bayan at magpatuloy sa Kanyang pupuntahan. Ngunit ang pulutong ay ayaw itong pakinggan. «Manatiling kasama namin! Sa Judea! Sa Judea! Kami ay mga anak din ni Abraham!» sigaw nila.

⁵«Guro!» Si Judas ay tumakbo patungo sa Kanya. «Guro, nauna Kayo sa akin. Ngunit ano ang nangyayari?»

«Ang Rabbi ay gumawa ng himala! Hindi sa Galilee; dito! Gusto namin Siya rito!»

«Kita Ninyo, Guro? Ang buong Israel ay minamahal Kayo. Makatarungan lamang na Kayo ay manatili din dito. Bakit ayaw Ninyo?»

«Hindi dahil sa ayaw Ko, Judas. Pumunta Ako rito nang sarili Ko, upang ang kagaspangan ng mga disipulong Galilean ay hindi sana makainis sa kapinuhan ng mga Judaean. Ibig Kong ipunin ang lahat na tupa ng Israel sa ilalim ng setro ng Diyos.»

«Iyan kung bakit sinabi ko sa Inyo: “Kunin Ninyo ako”. Ako ay isang Judaean, at nalalaman ko kung papaano makitungo sa mga kapareho ko. Kayo ba kung gayon ay mananatili sa Herusalem?»

«Mga ilang araw. Upang hintayin ang isang disipulo, na isa ring Judaean. Pagkatapos Ako ay pupunta sa buong Judea…»

«O! Sasama ako sa Inyo. Sasamahan ko Kayo. Pupunta Kayo sa aking nayon. Dadalhin ko Kayo sa aking bahay. Pupunta ba Kayo, Guro?»

«Pupunta Ako… ⁶Mayroon ka ba kahit anong balita tungkol kay Juan Bautista, sa dahilan na ikaw ay isang Judaean at naninirahan kang kasama ang mga malalakas?»

«Alam ko na siya ay nasa kulungan pa, ngunit ibig nila siyang pakawalan, sapagkat ang mga pulutong ay nagbabanta ng pag-aalsa, kung hindi nila makuha ang kanilang propeta. Kilala ba Ninyo siya?»

«Oo, kilala Ko.»               

«Gusto ba Ninyo siya? Ano siya sa palagay Ninyo?»

«Sa palagay Ko wala pang naging mas katulad ni Elijah kaysa sa kanya.»

«Talaga bang tinitingnan Ninyo siya na ang Prekursor?»

«Oo, siya ang Prekursor. Siya ang tala sa umaga ibinabalita ang araw. Pinagpalà ang mga tao na sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo ay inihanda ang kanilang mga sarili para sa Araw.»

«Si Juan ay napakahigpit.»

«Hindi mas mahigpit pa sa iba kaysa sa kanyang sarili mismo.»

«Iyan ay totoo. Ngunit mahirap na sumunod sa kanya sa kanyang pagtitika. Kayo ay mas mabait, at madali Kayong mahalin.»

«Datapwa't…»

«Datapwa't… ano, Guro?»

«Datapwa't, habang siya'y kinapopootan dahil sa kanyang kahigpitan, Ako ay kapopootan dahil sa Aking kabutihan, sapagkat kapwa ang itinuturo nito ay Diyos, at ang Diyos ay hindi nagugustuhan ng masamâ. Ngunit ito ay kailangan ngang maging ganyan. Dahil pinangungunahan niya Ako sa pagtuturo, kung gayon pangungunahan niya Ako sa kamatayan. Kapahamakan sa mga mamamatay-tao  ng Pagtitika at Kabutihan.»

«Bakit, Guro, lagi Kayong may ganyang malungkot na mga nakikita? Ang mga pulutong ay minamahal Kayo. Nakita Ninyo iyan…»

«Sapagkat natitiyak Ko. Ang mabababang-loob na mga tao ay minamahal Ako. Ngunit ang pulutong ay hindi lahat mababa ang loob at hindi pulutong ng mababang-loob na sambayanan. Ngunit Ako ay hindi nalulungkot. Ito ay isang panatag na bisyon ng hinaharap at pagsunod sa kalooban ng Ama, Na nagpadala sa Akin para diyan. At Ako ay naparito para diyan. Naririto na tayo sa Templo. Ako ay pupunta sa Bel Nidrasc¹ upang turuan ang mga pulutong. Kung gusto mo, makapananatili ka.»

«Mananatili ako sa Inyo. May isang bagay lamang akong hiling: ang paglingkuran Kayo at gawin Kayong magtagumpay.»

Pinasok nila ang Templo, at ang lahat ay nagtatapos.

(346)290611/040913

¹ Ang awtor ay hindi ipinaliliwanag ang ibig sabihin ng «Bel Nidrasc». Ngunit, sa dahilan ng katotohanan na lagi niyang ikinalilito ang m at n sa mga pangalang Hudyo, maaaring ang tamang pagbaybay ay Midrash (isang komentaryo ng rabbi tungkol sa mga Iskriptura). Kung sa ganitong kaso ang Bel Midrash ay maaaring ang bahagi ng Templo kung saan ang mga dalubhasa ay madalas magturo sa mga tao. Sa katunayan ang teksto ay nagsasabi: «… Naririto na tayo sa Templo. Pupunta Ako sa Bel Nidrasc upang turuan ang mga pulutong.»

Sunod na kabanata.