68. Si Jesus Nagtuturo sa Templo. Si Judas Iskariote Kasama Niya.

Enero 1, 1945.

¹Nakikita ko si Jesus pumapasok sa bakuran ng Templo, si Judas nasa tabi Niya. Pagkatapos na madaanan ang unang terasa, Siya ay tumigil sa isang balkonahe sa tabi ng isang maluwang na bakuran, na may sahig na marmol ng iba't ibang kulay. Ang lugar ay maganda at nagsisiksikan sa mga tao.

Si Jesus ay tumitingin sa paligid at nakita ang lugar na gusto Niya. Ngunit bago Siya pumunta roon, sinabi Niya kay Judas: «Tawagin ang opisyal ng lugar para sa Akin. Kailangan na maipakilala Ko ang Aking Sarili, upang walang maaaring magsabi na Ako ay lumabag sa kaugalian at nagkulang ng respeto.»

«Guro, Kayo ay mataas sa kaugalian, at walang sinuman kaysa sa Inyo ang may mas karapatan na magsalita sa Bahay ng Diyos, sa dahilan na Kayo ay ang Kanyang Mesiyas.»

«Alam Ko, alam mo, ngunit hindi nila alam. Hindi Ako pumunta upang maiskandalo o maturuan ang mga tao na labagin, hindi lamang ang Batas, bagkus ang kaugalian din. Sa kabaligtaran, Ako ay naparito upang ituro ang paggalang, kababaang-loob at pagsunod at upang alisin ang mga iskandalo. Ibig Ko kung gayon na humingi ng kapahintulutan na makapagsalita sa ngalan ng Diyos, ginagawa ang opisyal ng lugar na makilala Ako bilang karapat-dapat.»

«Hindi Ninyo iyan ginawa noong nakaraan.»

«Noong nakaraan Ako ay napa-apoy ng sigasig para sa Bahay ng Diyos, nilalapastangan ng napakaraming bagay. Noong nakaraan Ako ay ang Anak ng Ama, ang Tagapagmana Na sa ngalan ng Ama at para sa pagmamahal sa Aking Bahay, ay kumilos sa Kanyang mahestad, na mataas sa mga opisyal at sa mga pari. Ngayon Ako ang Guro ng Israel, at itinuturo Ko rin iyan sa Israel. Matapos man ang lahat, Judas, sa palagay mo ba ang isang disipulo ay mas dakila pa kaysa sa kanyang Guro?»

«Hindi, Jesus.»

«At sino ka? At sino Ako?»

«Kayo ang Guro, ako ang disipulo.»

«Bueno kung gayon, kung tinatanggap mo iyan, bakit ibig mong turuan ang iyong Guro? Lumakad at sumunod. Sinusunod Ko ang Aking Ama, kailangan na sundin mo ang iyong Guro. Ang unang kondisyon ng Anak ng Diyos: ang sumunod nang hindi pinag-uusapan ang mga utos, nalalaman na ang Ama ay bagkus makapagbibigay ng banal na mga utos lamang.»

«Totoo iyan. Patawarin ako. Susunod ako.»

«Pinatatawad kita. Lakad. At, Judas, makinig sa isa pang bagay: tandaan iyan. Laging ilagay iyan sa isip sa hinaharap.»

«Ang sumunod? Oo, susunod ako.»

«Hindi: tandaan na Ako ay gumagalang at nagpapakumbaba sa Templo. Sa Templo: ibig-sabihin, sa malalakas na lipì; lakad.»

Si Judas ay tinitingnan Siya, nag-iisip at mausisa – ngunit hindi na siya naglakas-loob na magtanong pa ulit. At siya ay umalis na nag-iisip.

²…Siya ay bumalik may kasamang isang tao na nakadamit nang marangya. «Naririto, Guro, ang opisyal.»

«Kapayapaan sa inyo. Nagpapaalam Akong maturuan ang Israel, sa pagitan ng mga rabbi ng Israel.»

«Kayo ba ay isang rabbi?»

«Oo, Ako ay isang rabbi.»

«Sino ang Inyong tagapagturo?»

«Ang Espiritu ng Diyos Na nagsasalita sa Akin sa Kanyang karunungan at ipinaliliwanag para sa Akin ang bawat salita ng Banal na mga Iskriptura.»

«Kayo ba ay mas dakila pa kay Hillel, dahil sinasabi Ninyo na alam Ninyo ang lahat na doktrina, nang walang isang tagapagturo?

«Katulad na si David ay pinorma, isang di-kilalang maliit na pastol, na naging makapangyarihan at marunong na hari sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.»

«Ang Inyong Pangalan?»

«Jesus ni Jose ni Jacob, ng Sambahayan ni David, at ni Maria ni Joachim ng Sambahayan ni David, at ni Anna ni Aaron, si Maria, ang Birhen Na ikinasal sa loob ng Templo ng Mataas na Pari, ayon sa batas ng Israel, sapagkat Siya ay isang ulila.»

«Sino ang makapagpapatunay tungkol diyan?»

«Maaaring may ilan pang mga Levita rito na maka-aalaala sa pangyayari at na mga kasing edad ni Zachariah ng lipì ni Abijah, Aking kamag-anak. Tanungin sila, kung pinagdududahan ninyo ang Aking sinseridad.»

«Naniniwala ako sa Inyo. Ngunit sino ang magpapatunay sa akin na may kakayahan Kayo na magturo?»

«Makinig sa Akin at maghuhusga ka mismo.»

«Libre Kayong gawin ito… Ngunit… hindi ba't Kayo ay isang Nazareno?»

«Ako'y pinanganak sa Bethlehem ng Judah, sa panahon ng senso na iniutos ng Caesar. Napalayas sa pamamagitan ng di-makatarungang mga kautusan, ang mga anak ni David ay nakatira ngayon sa kung saang-saang mga lugar. Ngunit ang pamilya ay pamilya ng lipi ni Judah.»

«Alam N’yo… ang mga Pariseo… sa lahat ng Judaea… sa buong Galilee…»

«Alam Ko. Ngunit makatiyak. Ako ay pinanganak sa Bethlehem, sa Bethlehem Ephrathah, mula kung saan nanggaling ang Aking pamilya; kung Ako ngayon ay nakatira sa Galilee, ito ay upang matupad lamang ang binigay na tanda…» Ang opisyal ay lumayo nang mga ilang yarda, nagmamadaling pumunta kung saan siya tinatawag nila.      

³Si Judas ay nagtanong: «Bakit hindi Ninyo sinabi na Kayo ang Mesiyas?»

«Ang Aking mga salita ay sasabihin ito.»

«Ano ang tanda na kailangang matupad?»

«Ang pagsasama ng Israel sa ilalim ng itinuturo ng salita ng Kristo. Ako ang Pastol tungkol kung Kanino ang mga Propeta ay nagsasalita at Ako ay naparito upang ipunin ang lahat na mga tupa ng bawat rehiyon, Ako ay naparito upang pagalingin ang mga maysakit, at ilagay ang mga naglalagalag sa isang mabuting pastulan. Walang Judaea o Galilee, walang Decapolis o Idumaea para sa Akin. May isang bagay lamang: ang Pag-ibig na nakakakita sa pamamagitan ng isang sulyap lamang at nagbubuklod sa isang yakap lamang upang makapagligtas...» Si Jesus ay naging masigla. Mga sinag ng liwanag ay tila lumalabas mula sa Kanya, masayang-masaya Siyang ngumingiti sa Kanyang pangarap. Si Judas, namamangha, ay tinititigan Siya.

⁴Ilang mauusisang tao ang lumalapit sa kanila, nararahuyo at naaapektuhan ng kanilang magkaibang kaningningan.

Si Jesus ay itinungo ang Kanyang ulo at ngumingiti sa maliit na grupo sa pamamagitan ng isang ngiti, na ang katamisan nito ay walang pintor ang kailanman makapagguguhit at walang sinuman na naniniwala, na hindi pa  nakakita nito, ang maka-iimahina nito kailanman. At sinabi Niya: «Halikayo kung kayo ay nananabik na makapakinig ng eternal na mga salita.»

Ibinaling Niya ang Kanyang mga hakbang patungo sa arko ng balkonahe, at nakasandal sa isang malaking poste, Siya ay nagsimulang magsalita. Binabanggit Niya ang nangyari kaninang umaga bilang panimulang punto.

«Ngayong umaga, sa pagpasok sa Zion, nakita Ko ang dalawang anak ni Abraham na nakahanda nang magpatayan dahil sa ilang piraso ng sentimos. Naisumpa Ko sana sila sa ngalan ng Diyos, sapagkat sinasabi ng Diyos: “Hindi ka papatay” at sinasabi rin Niya na sinuman ang hindi namamalagi sa Batas ay kailangang isumpa. Ngunit naawa Ako sa kanilang kamangmangan tungkol sa espiritu ng Batas at pinigilan Ko lamang silang makagawa ng pagpatay, at magkaroon sila ng pagkakataon na makapagsisi, makilala ang Diyos, mapaglingkuran Siya sa pagsunod, nagmamahal hindi lamang sa nagmamahal sa kanila, bagkus sa mga kaaway na rin nila.

Oo, Israel. Ang isang araw ay tumataas para sa inyo at ang kautusan ng pagmamahal ay nagiging mas maningning. Ang taon ba ay nagsisimula sa maulap na Ethanim, o sa malungkot na Chislev, na ang mga araw nito ay mas maikli pa sa isang panaginip at ang mga gabi nito mas mahaba pa kaysa sa isang kalamidad? Hindi, nagsisimula ito sa mabulaklak, maaraw, masayang buwan ng Nisan, kung kailan ang lahat ay ngumingiti at ang puso ng tao, kahit na ang pinaka-mahirap at pinaka-malungkot na tao, ay nagbubukas sa pag-asa, sapagkat ang tag-init ay parating, kasama ang mga ani nito, ang sikat ng araw at ang prutas, kung kailan masarap matulog sa isang parang na punó ng mga bulaklak, sa ilalim ng isang mabituing kalangitan, at mas madali para sa tao na pakanin ang kanyang sarili, sapagkat ang bawat sandakot na lupa ay nagtataglay ng mga yerba upang mapaginhawahan ang kanyang kagutuman.

Dito, Israel. Ang taglamig, ang panahon ng paghihintay ay tapos na. Naririto na ngayon ang lugod ng pangako na pinatutupad. Ang Tinapay at ang Alak ay malapit nang maihanda para sa inyong kagutuman. Ang Araw ay nasa pagitan ninyo. Ang lahat ay nakahihinga nang maluwag at masarap sa ilalim ng Araw na ito. Ang pinanunúto rin ng ating Batas, ang una at ang pinakabanal ng banal na mga alituntunin: “Mahalin ang inyong Diyos at mahalin ang inyong kapwa”.

Sa malabong liwanag na ipinagkaloob sa inyo magpahanggang ngayon. Kayo ay sinabihan: “Mahalin ang mga nagmamahal sa inyo at kapootan ang inyong mga kaaway”: hindi kayo makagagawa ng mas mabuti pa, sapagkat ang galit ng Diyos ay nagpapabigat pa rin sa inyo, dahil sa kasalanan ni Adan ng paghiwalay. At ang inyong kaaway ay hindi lamang ang tumatawid sa mga hangganan ng inyong amangbayan, bagkus pati ang pribadong gumawa sa inyo ng masama o sa palagay ninyo ginawa niya. Ang kapootan kung gayon ay nagbabaga sa bawat puso, sapagkat alin na tao, sinasadya o hindi, ang hindi nananakit sa kanyang kapatid? At sinong tao ang nakararating sa matandang edad na hindi sinasaktan?

Sinasabi Ko sa inyo: mahalin din ang nananakit sa inyo. Gawin iyan, tinitingnan na si Adan, at lahat na tao sa pamamagitan niya, ay isang makasalanan laban sa Diyos, at walang sinuman ang makapagsasabi: “Hindi ko nasaktan ang Diyos”. At sa kabila nito, ang Diyos ay nagpapatawad, hindi Siya nagpapatawad nang minsan lamang, bagkus dosi-dosenang beses, nagpapatawad Siya ng libu-libong beses, katulad na ito ay napatutunayan na ang tao ay naririto pa rin ngayon sa lupa. Magpatawad kung gayon, katulad na ang Diyos ay nagpapatawad. At kung hindi ninyo nagagawa ito dala ng pagmamahal para sa kapatid na nanakit sa inyo, gawin ito para sa pagmamahal sa Diyos, Na nagbibigay sa inyo ng tinapay at buhay, Na nagpoprotekta sa inyo sa inyong makalupang mga pangangailangan, at nagsa-ayos sa lahat ng mga pangyayari upang makakuha ng eternal ng kapayapaan para sa inyo sa Kanyang sinapupunan. Ito ang bagong batas, ang batas ng tagsibol ng Diyos, ng mabulaklak ng panahon ng Grasya sa pagitan ng mga tao, ng panahon na magbibigay sa inyo ng isang walang-katulad na Prutas na magbubukas sa mga tarangkahan ng Langit para sa inyo.

Ang tinig na nagsasalita sa disyerto ay hindi na napapakinggan. Ngunit ito ay hindi pipi. Ito ay nagsasalita pa rin sa Diyos sa katauhan ng Israel at nagsasalita pa rin ito sa bawat Israelita na may tapat na puso at sinasabi nito – pagkatapos na turuan kayong magtika upang maihanda ang mga daan ng Panginoon Na darating, at maging mapagkawang-gawa ibinibigay kung ano ang sobra sa mga nagkukulang ng kahit kung ano ang kinakailangan, at maging tapat nang hindi nangkikikil at nanyayamot – sinasabi nito: “Ang Kordero ng Diyos, Siya Na kumukuha sa mga kasalanan ng mundo, Na siyang magbibinyag sa pamamagitan ng apoy ng Banal na Espiritu ay nasa pagitan ninyo. Lilinisin Niya ang Kanyang giikang-sahig at ipupunin Niya ang Kanyang trigo”.

Magsikap na kilalanin Siya Na itinuro sa inyo ng Prekursor. Ang Kanyang paghihirap ay nakikiusap sa Diyos na bigyan kayo ng liwanag. Tingnan. Sana mabuksan ang inyong espirituwal na mga mata. Makikilala ninyo ang Liwanag na dumarating. Pinulot ang tinig ng Propeta na nagbabalita sa Mesiyas, at sa pamamagitan ng kapangyarihan na tinanggap Ko mula sa Ama, pinalalaki Ko ito at dinadagdag Ko ang Aking awtoridad dito at tinatawag Ko kayo sa katotohanan ng Batas. Ihanda ang inyong mga puso para sa grasya ng parating ng Panunubos. Ang tagapagtubos ay nasa pagitan ninyo. Pinagpala ang magiging karapat-dapat na tubusin, sapagkat sila ay mga tao ng mabuting kalooban.

Ang kapayapaan ay sumainyo.»

⁵May isang nagtanong: «Kayo ba ay isang disipulo ni Juan Bautista, dahil nagsasalita Kayo tungkol sa kanya nang may gayong pagpipitagan?»

«Ako ay bininyagan niya, sa mga pampang ng Jordan, bago siya kinulong. Pinagpipitaganan Ko siya sapagkat siya ay banal sa mga mata ng Diyos. Sasabihin Ko sa inyong totoo na sa pagitan ng mga anak ni Abraham walang mas dakila pa sa grasya kaysa sa kanya. Mula sa kanyang kapanganakan hanggang sa kanyang kamatayan, ang mga mata ng Diyos ay mapapasa banal na taong iyan nang walang pakiramdam ng kahit anong panghahamak.»

«Binigyan ba niya Kayo ng kahit anong pagtitiyak tungkol sa Mesiyas?»

«Ang kanyang salita, na hindi nagsisinungaling, ay itinuro ang buháy na Mesiyas sa mga taong naroroon.»

«Kailan? kailan?»

«Noong panahon na na gawin iyon.»

«Ngunit sa pakiramdam ni Judas siya ang may katungkulan na sabihin sa lahat: «Ang Mesiyas ay Siya Na nagsasalita sa inyo. Sinasabi ko ito, sapagkat kilala ko Siya, at ako ang Kanyang unang disipulo.»

«Siya!... O!...»Ang mga tao ay lumayo natatakot. Ngunit si Jesus ay napakamagiliw na sila ay nag-umpukan sa paligid Niyang muli.

«Hingin sa Kanya na gumawa Siya ng ilang mga himala. Siya ay makapangyarihan. Nakapagpapagaling Siya. Nababasa Niya ang inyong mga puso. Masasagot Niya ang lahat ng inyong mga tanong.»

⁶Sabihin sa Kanya sa katauhan ko, na ako ay hindi mabuti ang pakiramdam. Ang aking kanang mata ay bulag. Ang aking kaliwa ay humihina na...»

«Guro.»

«Judas.» Si Jesus, Na may hinahaplos na isang maliit na batang babae, ay tumalikod.

«Guro, ang taong ito ay halos bulag at ibig niyang makakita. Sinabi ko sa kanya na magagawa Ninyong...»

«Napagagaling Ko ang may pananampalataya. Ikaw ba ay may pananampalataya, mamâ?»

«Naniniwala ako sa Diyos ng Israel. Naparito ako upang pasukin ang Bethzatha Pool. Ngunit laging may nauuna sa akin?»

«Makapaniniwala ka ba sa Akin?»

«Kung ako ay naniniwala sa angel ng Bethzatha Pool, hindi ko ba Kayo paniniwalaan, Na sinasabi ng Inyong disipulo na siyang ang Mesiyas?»

Si Jesus ay ngumingiti. Binabasa Niya ang Kanyang daliri ng Kanyang laway at hinihipong mahina ang may-sakit na mata. «Ano ang nakikita mo?»

«Nakikita ko ang mga bagay na wala ng dating mga ulap na madalas kong nakikita. Hindi ba Ninyo pagagalingin ang isa pa?» si Jesus ay ngumingiti muli. Inuulit Niya ang dating operasyon sa bulag na mata. «Ano ang iyong nakikita?» Nagtatanong Siya, inaalis ang dulo ng Kanyang daliri mula sa nakasaradong talukap-mata.

«Ah! Panginoon ng Israel! Nakakakita ako katulad noong ako ay isang maliit na bata, tumatakbo sa mga parang! Pagpalain nawa Kayo magpakailanman at magpasawalanghanggan!» Ang mamâ ay umiiyak nakaluhod sa mga paanan ni Jesus.

«Humayo. Maging mabuti, dala ng pasasalamat sa Diyos.»

⁷Ang isang Levita na dumating noong katapusan ng himala, ay nagtanong: «Sa kaninong awtoridad Ninyo ginagawa ang ganyang mga bagay?»

«Ako ba ay tinatanong mo? Sasabihin Ko sa iyo, kung sasagutin mo ang isang katanungan. Ayon sa iyo, sino ang mas dakila, ang isang propeta na humuhula sa Mesiyas o ang Mesiyas Mismo?»

«Anong katanungan! Ang Mesiyas ay mas dakila. Siya ay ang Tagapagtubos na ipinangako ng Kataastaasan!»

«Bueno, kung ganoon, bakit gumagawa ng mga himala ang mga Propeta? Sa kaninong awtoridad?»

«Sa awtoridad na binigay sa kanila ng Diyos upang patunayan sa mga pulutong na ang Diyos ay kasama nila.»

»Bueno, ginagawa Ko ang mga himala sa gayon ding awtoridad: ang Diyos ay kasama Ko, Ako ay nasa Kanya. At kung gayon napatunayan Ko sa mga tao na ang Aking sinasabi ay totoo at na ang Mesiyas, nang may mas malaking karapatan at may isang mas malaking kapangyarihan, ay magagawa kung ano ang nagagawa ng mga Propeta.»

Ang Levita ay umaalis nang nag-iisip at ang bisyon ay nagtatapos.

(350)230710/041113

Sunod na kabanata.