69. Si Jesus Tinuturuan si Judas Iskariote.

Enero 3, 1945.

¹Nakikita kong muli sina Jesus at si Judas: sila ay lumabas sa Templo, pagkatapos na makapagdasal sa lugar na pinakamalapit sa Banal ng mga Banal, lugar na ipinahihintulot sa mga lalaking Hudyo.

Si Judas ay ibig na manatiling kasama si Jesus. Ngunit ang Guro ay tumutol sa kanyang kagustuhan. «Judas, ibig Kong nag-iisa sa gabi. Sa gabi, ang Aking espiritu ay kumukuha ng pagkain nito mula sa Ama. Ang panalangin, pagninilay at pag-iisa ay mas kinakailangan para sa Akin kaysa materyal na pagkain. Ang sinuman na ibig na mamuhay para sa espiritu, at pasundin ang iba pa na mamuhay nang gayon din, ay kailangan na kalimutan ang laman, hindi lang ‘yan, bagkus, sasabihin Ko: patayin ito, upang maiukol ang lahat ng kanyang atensiyon sa espiritu. Ang bawat isa ay kailangan na gawin iyan, alam mo, Judas. Ikaw, din, kung talagang ibig mong mapasa Diyos, ibig-sabihin sa sobrenatural.»

«Ngunit tayo ay nasa lupa pa, Guro. Papaano natin kalilimutan ang laman at pangalagaan lamang ang espiritu? Ang sinasabi kaya Ninyo ay hindi ang kontra sa inuutos ng Diyos: “Huwag kang papatay”? Hindi ba't ang kautusan ay ipinagbabawal din ang pagpapakamatay? Kung ang buhay ay isang regalo galing sa Diyos, kailangan ba natin itong mahalin o hindi?»

²«Hindi Ako tutugon sa iyo katulad na tutugon Ako sa isang may simpleng kaisipan na tao, kung kanino sapat na na gawin siyang itaas ang kanyang kaluluwa o ang kanyang isip sa sobrenatural na daigdig, upang siya'y maisama natin lumilipad sa espirituwal na mga kaharian. Ikaw ay hindi may-simpleng kaisipan na tao. Ikaw ay nahubog sa isang kapaligiran na humasa sa iyo… at nasira ka rin nito sa pamamagitan ng mga isuiso at mga doktrina nito. Naaalaala mo ba si Solomon, Judas? Siya ay marunong, ang pinakamarunong na tao ng mga panahon na iyon. Naaalaala mo ba ang kanyang sinabi, pagkatapos na makuha ang lahat na kaalaman? “Banidad ng mga banidad, ang lahat ay banidad. Ang katakutan ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan, iyan lamang ang kailangan na asikasuhin ng tao.” Ngayon sasabihin Ko sa iyo na kinakailangan na malaman kung papaano makakakuha ng sustansiya, ngunit nang walang lason, mula sa pagkain. Kung nalalaman natin na ang isang pagkain ay masama para sa atin, sapagkat nakagagawa ito ng nakasasamang reaksiyon sa atin, sa dahilan na ito ay mas malakas kaysa sa ating nakapagpapagaling-na-katas na maaaring makakontra sa mga epekto nito, kailangan na huwag na tayong kumain ng pagkain na iyan, kahit na kung ito ay masarap sa ating panlasa. Lisong tinapay at tubig mula sa pontanya ay mas mabuti kaysa sa maarteng mga pagkain sa hapag kainan ng hari, na may mga gamot na nakababalisa at nakalalason.»

«Ano ang kailangan kong iwanan, Guro?»

«Ang lahat na nalalaman mong nakababalisa sa iyo. Sapagkat ang Diyos ay kapayapaan at kung ibig mong masundan ang landas ng Diyos, kailangan na linisin mo ang iyon isip, ang iyong puso at ang iyong laman ng lahat na hindi kapayapaan gumagawa at nagiging dahilan ng pagkabalisa. Alam Ko na mahirap na baguhin ang pamamaraan ng pamumuhay ng isa. Ngunit Ako ay naririto upang tulungan ka. Ako ay naririto upang tulungan ang tao na maging isang anak muli ng Diyos, malikhang-muli ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang bagong paglilikha, ng isang kusang-pagsisimula na ginusto mismo ng tao. ³Ngunit hayaang tugunan Ko ang iyong tanong, upang hindi mo masabi na ikaw ay iniwan sa pagkakamali gawa Ko. Totoo na ang pagpatay sa sarili ay kapareho ng pagpatay sa ibang mga tao. Kapwa ang buhay ng ating sarili at ng ibang mga tao ay regalo ng Diyos at tanging ang Diyos lamang na nagbibigay ng buhay, ang may karapatan na kumuha nito. Ang nagpapakamatay, ay ipinagtatapat ang kanyang sariling pagmamalaki, at ang pagmamalaki ay kinapopootan ng Diyos.»

«Ipinagtatapat niya ang kanyang pagmamalaki? Sasabihin ko ang kanyang kawalang pag-asa.»

«At ano ang kawalang pag-asa bagkus pagmamalaki? Isipin lang, Judas. Bakit nawawalan ng pag-asa ang isa? Baka dahil ang mga kamalasan ay mapilit siyang binabagabag at ibig niya itong mapangibabawan sa pamamagitan niya mismo, ngunit hindi niya magawa. O baka siya ay may pagkakasala at iniisip niya na hindi siya mapatatawad ng Diyos. Sa dalawang kasong ito, hindi ba't ang pagmamalaki ang pinaka dahilan? At tao na ibig gawin ang lahat sa pamamagitan niya mismo, ay wala nang sapat na kababaang-loob na iunat ang kanyang kamay sa Ama at sabihin sa Kanya: “Hindi ko magawa, ngunit magagawa Ninyo. Tulungan Ninyo ako, sapagkat ako ay umaasa at naghihintay ng lahat mula sa Inyo”. Ang isa pang tao na nagsasabi: “Ang Diyos ay hindi ako mapatatawad” ay ganito ang sinasabi, sapagkat sinusukat niya ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling mga sukatan, alam niya na ang ibang tao ay hindi siya mapatatawad, kung ang taong iyon ay kanyang nasaktan, katulad na nasaktan niya ang Diyos. Kung gayon, dito ito ay pagmamalaki muli.  Ang isang mapagpakumbabang tao ay nakaiintindi at nagpapatawad, kahit na kung siya ay maghirap sa pananakit na tinanggap. Ang mapagmalaking tao ay hindi nagpapatawad. Siya ay mapagmalaki rin sapagkat hindi niya magawa na ibaba ang kanyang ulo at magsasabing: “Ama, ako'y nagkasala, patawarin ang Inyong abang nagkasalang anak”. ⁴Ngunit alam mo ba, Judas, na ang Ama ay patatawarin ang lahat, kung ang isa ay hihingi na mapatawad nang may sinsiro, nagsisi, mapagpakumbabang puso na gustong makabangong muli sa bagong buhay?»

«Ngunit ang ilang mga krimen ay hindi kailangan na mapatawad. Hindi ito maaaring patawarin.»

«Iyan ang sinasabi mo. At iyan ay magiging totoo lamang sapagkat gusto ng tao na iyan ang maging totoo. Ngunit, o! sasabihin Ko sa iyong totoo na kahit pagkatapos pa ng krimen ng mga krimen, kung ang nagkasalang tao ay magmamadali sa paanan ng Ama – tinawag Siyang Ama, Judas, para lamang diyan, at Siya ay ang isang Ama ng walang-hangganang perpeksiyon – at umiiyak, nangungusap sa Kanya na mapatawad, nag-aalok ng kabayaran sa pagkakasala, nang hindi nawawalan ng pag-asa, ang Ama ay gagawing posible para sa kanya na makapagbayad-sala at kung gayong marapatin ang kapatawaran at mailigtas ang kanyang kaluluwa.»

⁵«Bueno, kung gayon, sinasabi Ninyo na ang mga tao na binanggit sa mga Iskriptura na pinatay nila ang kanilang mga sarili, ay nakagawa ng pagkakamali.»

«Hindi tama na gumawa ng karahasan sa kaninuman, ni sa sarili. Sila'y nakagawa ng pagkakamali. Sa kanilang limitadong kaalaman tungkol sa kabutihan, baka sa ilang mga kaso, nagkaroon sila ng awa mula sa Diyos. Ngunit pagkatapos na napalinaw na ng Salita ang katotohanan at nakapagbigay na ng lakas sa mga espiritu sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, diyan ang sinuman na mamatay sa kawalang-pag-asa ay hindi na mapatatawad. Ni sa sandali ng personal na paghuhukom, o pagkatapos ng siglu-siglo sa Gehenna, sa katapusan ng mundo, hindi na kailanman! Iyan ba ay katigasan sa panig ng Diyos? Hindi: iyan ay hustisya. Ang Diyos ay sasabihin: “Ikaw, isang nilikha na pinagkalooban ng pangangatwiran at sobrenatural na kaalaman, nilikha Kong malaya, nagpasya kang sundan ang landas na pinili mo at sinabi mo: ‘Ang Diyos ay hindi ako patatawarin. Nakahiwalay na ako sa Kanyang magpasawalanghanggan. Sa palagay ko gagamitin ko na mismo ang batas sa aking sariling krimen. Hihiwalay ako sa buhay upang maiwasan ang pangungunsiyensya’ nang hindi iniisip na hindi ka na sana nakukonsiyensiya kung pumunta ka sa Aking matapat na sinapupunan. At mangyari iyan sa iyo, ayon sa paghusga mo. Hindi Ako gagawa ng karahasan sa kalayaan na ibinigay Ko sa iyo.”.

Iyan ang sasabihin ng Eternal na Ama sa nagpakamatay. Pagnilayan mo iyan, Judas. Ang buhay ay isang kaloob. Ngunit anong kaloob ito? Isang banal na kaloob. Kung gayon mahalin iyan nang may kabanalan. Ang buhay ay tumatagal habang ang laman ay nakatatagal. Pagkatapos ang dakilang Buhay, ang eternal na Buhay ay magsisimula. Isang Buhay ng napakaligayang kasayahan para sa makatarungan, ng maldisyon para sa di-makatarungan. Ang buhay ba ay isang pakay o isang pamamaraan? Ito ay isang pamamaraan. Ang silbi nito ay para sa isang pakay na siyang ang eternidad. Kung gayon bigyan natin ang buhay ng kinakailangan upang ito ay tumagal at mapagsilbihan ang espiritu sa pananakop nito. Pagpipigil sa laman sa lahat ng kasakiman nito, sa lahat ng mga ito. Pagpipigil sa isip sa lahat ng mithiin nito, sa lahat ng mga ito. Pagpipigil sa puso sa lahat ng masisimbuyong damdamin ng tao. Walang hangganan sa halip ang dapat na maging init para sa makalangit na mga masimbuyong damdamin: pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, pagsunod sa dibinong salita, kabayanihan sa kabutihan at birtud.

Naibigay Ko na sa iyo ang kasagutan, Judas. Kumbinsido ka ba? Ang kapaliwanagan ba ay sapat? Maging laging sinsiro, at magtanong kung hindi pa sapat ang nalalaman mo: Ako ay naririto upang iyong maging Guro.»

⁶Naintindihan ko at iyon ay sapat na. Ngunit… napakahirap gawin ang naintindihan ko. Nagagawa Ninyo… sapagkat Kayo ay banal. Ngunit… ako ay isang tao at puno ng buhay…»

«Ako ay naparito para sa mga tao. Hindi para sa mga anghel. Hindi sila nangangailangan ng tagapagturo. Nakikita nila ang Diyos. Naninirahan sila sa Kanyang Paraiso. Hindi sila walang nalalaman tungkol sa masimbuyong mga damdamin ng mga tao, sapagkat ang kanilang katalinuhan na siyang kanilang Buhay ay nagagawa silang malaman ang lahat, pati rin ang hindi mga tagapag-alaga ng mga tao. Ngunit, espirituwal na katulad nila, magkakaroon lamang sila ng bagkus isang kasalanan, katulad ng nagkaroon ang isa sa kanila, at nahila sa panig niya ang mga mas mahihina sa karidad: pagmamalaki, ang palaso na sumira sa hitsura ni Lucifer, ang pinakamaganda sa lahat na mga arkanghel, at nabago siya sa pagiging ang nakakatakot na halimaw ng Kalaliman. Hindi Ako naparito para sa mga anghel, na, pagkatapos ng pagbagsak ni Lucifer, ay mga nahintakutan ng kahit anino ng isang mapagmalaking kaisipan. Bagkus Ako ay naparito para sa mga tao. Upang maging mga anghel ang mga tao.

Ang tao ay ang perpeksiyon ng sangnilikha. Nasa kanya ang espiritu ng anghel at ang ganap na kagandahan ng hayop, kumpleto sa lahat na hayop at sa moral na mga bahagi nito. Walang nilikha na kapareho niya. Siya ay ang hari noon ng lupa, katulad na ang Diyos ay ang Hari ng Langit, at isang araw, kapag siya ay sana nakatulog na para sa huling pagkakataon sa lupa, naging isang hari sana siya kasama ang Ama sa Langit. Si Satanas ay pinunit niya ang mga pakpak ng anghel-tao at pinalitan ito ng mga pangalmot ng isang halimaw at nang may matinding pagnanasa para sa malaswa, at nirahuyo siyang maging isang nilikha na mas mabuting maisasalarawan bilang isang tao-dimonyo, sa halip na simpleng isang tao. Gusto Kong maalis ang pagkasira-sa-pormang ginawa ni Satanas, pati na rin ang pinaruming pagnanasa ng nakuntaminang laman. Gusto Kong ibalik ang mga pakpak sa tao, at gawin siya muling hari, kapwa tagapagmana ng Ama at ng Selestiyal na Kaharian. Alam Ko na ang tao, kung gugustuhin niya, ay magagawa ang sinasabi Ko, upang maging hari muli at anghel. Hindi Ko sasabihin sa inyo ang mga bagay na hindi ninyo magagawa. Hindi Ako isa sa mga dakilang oradór na nagtuturo ng imposibleng mga doktrina. ⁷Ako ay may tunay na laman, upang sa karanasan ng laman, matutunan Ko sana kung ano ang mga tukso ng tao.»

«At papaano ang tungkol sa mga kasalanan?»

«Ang sinuman ay maaaring tuksuhin. Ang mga makasalanan ay ang mga nagugustong maging makasalanan.

«Nagkasala ba Kayo kahit kailan, Jesus?»

«Hindi. Hindi Ko kailanman ginustong magkasala. Hindi dahil Ako ay ang Anak ng Ama. Bagkus dahil ginusto Ko at gusto Kong patunayan sa tao na ang Anak ng tao ay hindi nagkasala sapagkat ayaw Niyang magkasala, at na ang tao ay maaari, kung gugustuhin niya, na hindi magkasala.»

«Kayo ba ay  tinukso kailanman?»

«Ako ay tatlumpung taong gulang, Judas. At hindi Ako namuhay sa loob ng isang kuweba sa isang bundok. Ako ay namuhay sa pagitan ng mga tao.  At kung Ako ay nanggaling sa pinaka nangungulilang lugar sa mundo, sa palagay mo ba ang mga panunukso ay hindi Ako pupuntahan? Ang lahat ay nasa atin: mabuti at masama¹. Dala natin ang lahat sa atin. At ang hininga ng Diyos ay hinihipan ang mabuti at pinasisigla ito katulad ng isang namamangong banal na insenso sa loob ng isang insensaryo. At si Satanas ay hinihipan ang masama, sa gayon pinasisindi ang isang nagngangalit na lumalagablab na apoy. Ngunit ang masigasig na mabuting kalooban at walang-tigil na panalangin ay katulad ng basang buhangin sa mala-impiyernong apoy: sinasakal at pinapatay ito.

«Ngunit kung hindi Kayo kailanman nagkasala, papaano Ninyo huhusgahan ang mga makasalanan?»

«Ako ay isang tao at ang Anak ng Diyos. Anuman ang baka makaligtaan Ko bilang isang tao at mahusgahan nang mali, alam Ko at mahuhusgahan Ko bilang ang Anak ng Diyos. Matapos man ang lahat...⁸ Judas, tugunan mo ang katanungan Kong ito. Ang isa bang nagugutom, ay mas maghihirap sa pagsasabing: “Uupo na ako ngayon sa mesa” o sa pagsasabing: “Walang pagkain para sa akin”?»

«Mas maghihirap siya sa huling kaso, sapagkat ang simpleng kaisipan na siya ay walang pagkain, ay ipaaalaala sa kanya ang mabangong amoy ng pagkain at ang kanyang mga bituka ay pahihirapan ng makakáin na mithiin.»

«Tama: ang tukso ay nangangagat katulad ng mithiin na iyan, Judas. Si Satanas ay ginagawa ito nang mas matindi pa, mas tunay, mas nakararahuyo kaysa ano pa man na nagawa nang pagkilos.

«At Kayo ba ay hindi kailanman bumigay?»

«Hindi, hindi kailanman.»

«Papaano Ninyo nagagawa?»

«Sinabi Ko: “Ama, ilayo Ninyo Ako sa tukso”.»

«Ano? Kayo, ang Mesiyas, gumagawa Kayo ng mga himala at humihingi Kayo sa Ama ng tulong?»

«Hindi lamang tulong: hinihingi Ko sa Kanya na ilayo Ako sa tukso. Sa palagay mo ba na Ako, sa simpleng dahilan na Ako ay Ako, ay makapag-iisa na wala ang Ama? O! hindi! Sasabihin Ko sa iyong totoo na ang Ama ay pinagkakaloob ang lahat sa Kanyang Anak, at na ang Anak ay tinatanggap ang lahat mula sa Ama. At sasabihin Ko sa iyo na ang lahat na hihingin mula sa Ama sa ngalan Ko ay ipagkakaloob. ⁹Ngunit naririto na tayo sa Gethsemane, kung saan Ako naninirahan. Ang unang mga punungkahoy ay makikita sa kabila ng mga pader. Ikaw ay naninirahan sa kabila ng Tophet. Dumidilim na ngayon. Mas mabuti pang huwag ka nang umakyat hanggang doon. Magkikita muli tayo bukas sa dating lugar. Paalam. Kapayapaan sa iyo.»

«Kapayapaan din sa Inyo, Guro… Ngunit may isang bagay pa akong gustong sabihin sa Inyo. Sasabay ako sa Inyo hanggang sa layo man lamang ng Kidron, pagkatapos ako ay babalik na. Bakit Kayo naninirahan sa gayong abang lugar? Alam Ninyo, ang mga tao ay maraming napupuna. Wala ba Kayong kilalang kahit sino sa bayan na may magandang bahay? Kung ibig Ninyo, madadala ko Kayo sa ilang mga kaibigan. Bibigyan nila Kayo ng pagtanggap dahil sa aking mabuting pakikisama sa kanila; at ang bahay ay magiging mas karapat-dapat para sa Inyo.»

«Sa palagay mo ba? Hindi sa palagay Ko. Ang lahat na grupo ng mga tao ay karapat-dapat o di-karapat-dapat. At hindi nagkukulang sa karidad, bagkus upang maiwasan na masaktan ang hustisya, sasabihin Ko sa iyo na ang di-karapat-dapat, ang may kapilyuhan na di-karapat-dapat, ay madalas matatagpuan sa pagitan ng malalakas. Hindi ito kinakailangan at walang silbi ang pagiging maimpluwensiya, upang maging mabuti o upang maitago ang mga kasalanan sa mga mata ng Diyos. Ang lahat ay babaligtarin sa ilalim ng Aking Tanda. At hindi ang malakas ang magiging dakila, bagkus ang mapagpakumbaba at banal.»

«Ngunit upang igalang, upang maipilit ang sarili…»

«Si Herodes ba ay iginagalang? Ang Caesar ba ay iginagalang? Hindi, sila ay tinitiis at isinusumpa kapwa ng mga labì at ng mga puso. At maniwala sa Akin, Judas, sa mabubuting tao, o sa simpleng mga tao na may mabuting kalooban, mas madali pa para sa Akin na ipilit ang Aking Sarili sa pamamagitan ng pagkamababang-loob kaysa ng mahestad.»

«Ngunit… lagi ba Ninyong kamumuhian ang malalakas? Makagagawa Kayo ng mga kaaway sa kanila! Iniisip ko na magsalita tungkol sa Inyo sa maraming tao na kilala ko at mga maimpluwensiya…»

«Hindi Ko kamumuhian ang kahit sino. Haharapin Ko ang mahirap pati ang mayaman, ang mga alipin pati rin ang mga hari, ang dalisay pati rin ang mga makasalanan. Ngunit kung kailangan Kong maging mapagpasalamat sa mga nagbibigay sa Akin ng tinapay at isang masisilungan upang maisagawa Ko ang Aking gawain, ano pa man ang bubungan at ang tinapay, mas lagi Kong gugustuhin ang aba. Ang malalakas ay may napakarami nang lugod. Ang mahihirap ay bagkus may kanila lamang makatotohanang konsiyensya, matapat na pagmamahal, mga anak at ang lugod ng sila ay pinakikinggan ng mga nakatataas sa kanila. Lagi Akong nakakiling sa mahihirap, sa apektado, at sa mga nagkakasala. Pinasasalamatan kita para sa iyong intensiyon. Ngunit hayaan Ako sa lugar na ito ng kapayapaan at panalangin. Humayo, at sana ang Diyos ay pasiglahin ka sa kung ano ang mabuti.

Si Jesus ay iniwan ang disipulo at pumunta sa taniman ng mga olibo, at ang bisyon ay natapos.

(355)230710/041113


¹ Ang kabanata 5 at 6 ng aklat na ito ay kailangang basahin muli. Magiging malinaw kung gayon na ang masamang tukso ay hindi pumunta kay Jesus mula sa loob (tingnan Hebreo 4,15) bagkus mula sa labas (tingnan Mateo 4, 1-11; Markus 1, 12-13; Lukas 4,1-13.) Sa gayong kaliwanagan, kung gayon, ay kailangang intindihin ang pananalitang:«Ako ay tatlumpung taong gulang…» Ang sumusunod: «Ang lahat ay nasa atin: mabuti at masama…pinapatay ito» ay hindi rin maiuukol kay Jesus, bagkus kay Judas lamang at sa lahat na miyembro ng sangkatauhan na namantsahan ng orihinal na kasalanan. Ang maikling talumpati ni Jesus ay para makumbinsi si Judas na ang tao, kung gugustuhin niya, at humingi ng tulong ng Diyos, ay mapangingibabawan ang lahat na mga pagsubok at mga panunukso.

Sunod na kabanata.