71. Si Jesus Kasama si Judas Iskariote Tinagpo Sina Simon Zealot at si Juan.

Enero 6, 1945.

¹Nakikita ko si Jesus kasama si Judas Iskariote manhik-manaog malapit sa isa sa mga geyt ng bakuran ng Templo.

«Natitiyak ba Ninyo na siya ay darating?» tanong ni Judas.

«Natitiyak Ko. Aalis siya sa Bethany pagsikat ng araw at tatagpuin niya sa Gethsemane ang Aking unang disipulo…»

Nagkaroon ng sandaling katahimikan, pagkatapos tumigil si Jesus at tinitigan si Judas. Siya ay nakatayo sa harapan niya. Pinag-aaralan siya. Pagkatapos nagpatong ng isang kamay sa kanyang balikat at nagtanong: «Bakit, Judas, hindi mo sinasabi sa Akin ang mga naiisip mo?»

«Aling mga naiisip? Wala akong espesyal na naiisip sa kasalukuyang mga sandali, Guro. Napakarami ko pa ngang magtanong sa Inyo. Tiyak na wala Kayong masasabi tungkol sa aking pananahimik.

«Nagtatanong ka ng napakarami at binibigyan mo Ako ng napakaraming detalye tungkol sa bayan at sa mga naninirahan dito. Ngunit hindi mo binubuksan ang iyong sarili sa Akin. Ano sa palagay mo ang mga ito sa Akin, ang tungkol sa sinasabi mong mga kayamanan ng mga tao at ng mga miyembro ng pamilyang ito o iyon? Ako ay hindi isang walang-magawa na pumunta rito upang magpalipas ng oras. Alam mo kung bakit Ako naparito. At mabuti pang malaman mo na abalá Ako sa pagiging ang Guro ng Aking mga disipulo, bilang ang siyang pinaka importanteng bagay. Ibig Ko kung gayon ang sinseridad at tiwala nila. Mahal-na-mahal ka ba ng iyong ama, Judas?»

«Mahal-na-mahal niya ako. Ipinagmamalaki niya ako. Kapag ako bumabalik galing sa paaralan, at pagkaraan, kapag ako bumabalik sa Kerioth galing Herusalem, ibig niya na sabihin ko sa kanya ang lahat. Nagkakaroon siya ng interes tungkol sa lahat na ginawa ko at siya ay magsasaya kung ito ay mabuting mga bagay, pagiginhawahan niya ako kung ito ay hindi napakabuti, kung – paminsan-minsan, alam Ninyo, lahat tayo nakagagawa ng mga pagkakamali – kung nakagawa ako ng pagkakamali at pinagbibintangan tungkol dito, pinakikita niya sa akin ang kabutihan ng paninisi na tinanggap ko, o ang kawalang-katarungan ng aking ikinilos. Ngunit ginagawa niya ito nang napaka marahan… tila siya isang mas nakatatandang kapatid. Lagi siyang nagtatapos sa pagsasabing: “Sinasabi ko ito sapagkat ibig ko na ang aking Judas ay maging makatarungan. Ibig kong mapagpala sa pamamagitan ng aking anak”. Ang aking ama…»

Si Jesus, Na laging pinag-aaralan ang Kanyang disipulo, totoong naaantig sa pag-alaala tungkol sa kanyang ama, ay nagsabi: «Ngayon, Judas, matiyak tungkol sa Aking sasabihin sa iyo. Walang makapagpapasaya sa iyong ama, katulad ng pagiging isang matapat na disipulo. Ang iyong ama, na nagpalaki sa iyo katulad ng sinabi mo, ay maaaring naging isang makatarungan na tao at ang kanyang kaluluwa ay magbubunyi, kung nasaan siyang naghihintay sa liwanag, nakikita na ikaw ay Aking disipulo. Ngunit upang maging ganyan, kailangan na sabihin mo sa iyong sarili: “Natagpuan ko na ang aking nawalang ama, ang ama na katulad ng isang nakatatandang kapatid sa akin, natagpuan ko siya sa aking Jesus, at sasabihin ko sa Kanya ang lahat, katulad na madalas kong gawin sa aking minamahal na ama, na ang kaninong kamatayan ay pinagluluksa ko pa, upang makatanggap ako mula sa Kanya ng gabay, mga pagpapalà o isang may-kabaitang pagpuna”. Ipagkaloob sana ito ng Diyos, at higit sa lahat ikaw sana ay maniwala upang si Jesus ay laging sasabihin sa iyo: “Ikaw ay mabuti. Pinagpapalà kita”.»

«O! Oo, Jesus! Kung mahal Ninyo ako nang labis, magsisikap akong maging mabuti, ayon sa ibig Ninyo at sa kagustuhan ng aking ama. At ang aking ina ay mawawalan na ng kumikirot sa kanyang puso. Madalas niyang sabihin: “Wala ka na ngayong gabay, aking anak, at nangangailangan ka pa ng labis na gabay”. Kapag malaman niya na nasa akin Kayo!»

«Mamahalin kita katulad ng wala pang ibang tao ang posibleng nakapagmamahal sa iyo, mamahalin kita nang labis, minamahal kita. Huwag mo Akong bibiguin.»

«Hindi, Guro, hindi ko Kayo bibiguin. Ako ay puno ng mga pagsasalungatan. Inggit, paninibugho, pananabik na sumikat, kahalayan, ang lahat ay nagbabanggaan sa loob ko laban sa tinig ng aking konsiyensya. Kahit kamakailan pa lamang, kita Ninyo? Nagawa Ninyo ako na maghirap. Ibig-sabihin: hindi, hindi Kayo. Iyon ay ang aking masamang kalikasan… Akala ko ako ang Inyong unang disipulo… at, ngayon kasasabi pa lamang Ninyo sa akin na mayroon na Kayong unang disipulo.»

«Nakita mo siya mismo. Hindi mo ba naaalaala na noong Paskuwa Ako ay nasa Templo kasama ang maraming mga Galilean?»

«Akala ko sila'y mga kaibigan… Akala ko ako ang unang napili para sa gayong kapalaran, at na kung gayon ako ang pinakamahal.»

«Walang pagkakaiba-iba sa Aking puso sa pagitan ng una at ng huli. Kung ang una ay nagkamali at ang huli ay banal na tao, diyan magkakaroon ng pagkakaiba sa mga mata ng Diyos. Ngunit magmamahal pa rin Ako gayunpaman; mamahalin Ko ang banal-na nabubuhay na tao nang isang napaka maligayang pagmamahal, at ang nagkasala nang isang-naghihirap na pagmamahal. Ngunit naririto si Juan dumarating kasama si Simon. Si Juan, ang Aking unang disipulo, si Simon, ang isang Aking binabanggit sa iyo nang dalawang araw na ang nakararaan. Nakita mo na si Simon at si Juan. Ang isa ay may sakit…»

«Ah! Ang ketongin! Naaalaala ko. Siya ba ay Inyo nang disipulo?»

«Mula nang sumunod na araw.»

«At bakit ako kinailangan na maghintay nang matagal?»

«Judas?!»

«Tama Kayo. Patawarin Ninyo ako.»    

²Si Juan ay nakita na ang Guro, at kanya Siyang itinuro kay Simon. Sila ay nagmadali. Si Juan at ang Guro ay nagpalitan ng halik. Si Simon, sa halip, ay itinapon ang sarili sa paanan ni Jesus at hinahalikan ang mga ito, bumubulalas: «Kaluwalhatian sa aking Tagapagligtas! Pagpalain ang Inyong lingkod na ang kanyang mga kilos ay sana maging banal sa mga mata ng Diyos at na sana maluwalhati ko Siya at mapagpala Siya para sa pagbigay sa Inyo sa akin.»

Si Jesus ay inilagay ang Kanyang kamay sa ulo ni Simon: «Oo, pinagpapalà kita upang pasalamatan ka para sa iyong ginawa. Tumayo ka, Simon. Ito ay si Juan, at ito ay si Simon: narito ang Aking huling disipulo. Ibig din niyang sundan ang Katotohanan. Siya kung gayon ay isang kapatid para sa inyong lahat.»

Sila ay nagbatian: ang dalawang Judaean nang may pag-uusisa, si Juan nang buong puso.

«Pagod ka ba, Simon?» tanong ni Jesus.

«Hindi, Guro. Sa pamamagitan ng aking kalusugan napanumbalik ko ang isang kasiglahan na hindi ko pa naramdaman noon.»

«Alam Kong ginagamit mo ito sa mabuti. Ako ay nakapagsalita sa maraming tao at sinabi nila sa Akin na naturuan mo na sila tungkol sa Mesiyas.

Si Simon ay ngumingiting masaya. «Kagabi din nagsalita ako tungkol sa inyo sa isa na isang makatotohanang Israelita. Umaasa ako na makikilala Ninyo siya isang araw. Ibig ko Kayong dalhin sa kanya.»

«Iyan ay posibleng-posible.»

Si Judas ay sumama sa paguusap: «Guro, nangako Kayo na sasama Kayo sa akin, sa Judaea.»

«At sasama Ako. Si Simon ay magpapatuloy na maturuan ang mga tao tungkol sa Aking pagdating. Ang panahon ay maikli, Aking mahal na mga kaibigan, at ang mga tao ay napakarami. Sasama na Ako ngayon kay Simon. Kayong dalawa ay darating at tatagpuin Ako ngayong gabi sa daan patungo sa Mount of Olives at tayo ay magbibigay ng pera sa mahihirap. Lakad na.»

³Nang si Jesus ay nag-iisa na kasama si Simon, Siya ay nagtanong: «Ang tao ba na iyon sa Bethany ay isang totoong Israelita?»

«Siya ay isang totoong Israelita. Ang kanyang mga idea ay ang mga nangingibabaw na idea, ngunit siya ay tunay na naghihintay para sa Mesiyas. At nang sinabi ko sa kanya: «Siya ay kasama na natin”, siya ay tumugon kaagad: «Ako ay pinagpalà sapagkat nabubuhay ako sa oras na ito”.»

«Pupunta tayo sa kanya isang araw at dadalhin ang ating pagpapalà sa kanyang bahay. Nakita mo ba ang bagong disipulo?»

«Nakita ko. Siya ay bata pa at tila matalino.»

«Oo, siya nga. Dahil ikaw ay isang Judaean, mababata mo siya nang mas mabuti kaysa sa iba, dahil sa kanyang mga idea.»

«Iyan ba ay isang mithiin, o isang utos?»

«Isang may-kabaitang utos. Ikaw ay naghirap at maaari kang maging mas mapagbigay. Ang kapighatian ay maraming itinuturo.»

«Kung ako ay binibigyan Ninyo ng utos, ako ay magiging lubos na mapagbigay sa kanya.»

«Oo. Maging ganyan. Baka si Pedro, at baka hindi lamang siya ang nag-iisa, ay magiging medyo balisa nakikita kung papaano Ko inaalagaan at inaalaala ang tungkol sa disipulong ito. Ngunit isang araw, maiintindihan nila… Habang mas nasisira ang porma ng isa, mas maraming tulong ang kakailanganin niya. Ang iba… O! ang iba ay napoporma nang maayos, sa pamamagitan din mismo nila, sa pamamagitan ng simpleng kontakto. Ayaw Kong gawin ang lahat nang Ako lamang Mismo. Gusto Kong ang kalooban ng tao at ang tulong ng ibang mga tao ang pumorma sa isang tao. Hinihingi Ko sa iyo na tulungan Ako… at Ako ay nagpapasalamat para sa tulong.»

«Guro, sa palagay ba Ninyo bibiguin niya Kayo?»

«Hindi. Ngunit siya ay bata pa at pinalaki sa Herusalem.»

«O! malapit sa Inyo babaguhin niya ang lahat na bisyo ng bayan na iyan… natitiyak ko. Ako ay matanda na at napatigas ng mapait na kapootan, subalit ako ay nabago nang ganap pagkatapos na makita Kayo…»

Si Jesus ay bumulong: «Mangyari ito!» Pagkatapos sa isang malakas na tinig: «Tayo na sa Templo. Tuturuan Ko ang mga tao.»

At ang bisyon ay natapos.

(366) 050810/041113

Sunod na kabanata.