73. Si Jesus sa Bethlehem sa Bahay ng Magbubukid at sa Gruta.

Enero 8, 1945.

¹Isang mabato, maalikabok, patag na daan, natuyo ng araw ng tag-init. Ito ay tumatakbo sa tabi ng malalaking púno ng olibo, lahat punó ng maliliit na mga bagong bunga ng mga olibo. Ang lupa, kung saan ito nilalakaran, ay nasasapnan ng napakaliliit na mga bulaklak ng olibo, na mga bumagsak pagkatapos ng pagpopolen.

Si Jesus, kasama ang tatlong disipulo, ay nagpapatuloy sa paglalakad sa iisang linya sa gilid ng daan, kung saan ang damo ay berde pa, protektado ng lilim ng mga punong-olibo at dahil dito mas kakaunti ang alikabok.

Ang daan ay lumiliko sa tumpak na anggulo, pagkatapos mas madali itong akyatin patungo sa isang lambak na kinorteng katulad ng sapatos ng kabayo, kung saan marami-raming mga bahay ang nakakalat napoporma ang isang maliit na bayan. Sa tumpak na anggulong pagliko ng daan, ay may isang kudradong gusali na naiibabawan ng isang maliit na mababang simboryo. Ito ay lahat nakasarado, na tila ito ay abandonado.

«Iyan ay ang sepulkro ni Rachel» sabi ni Simon.

«Kung gayon, tayo ay halos nakarating na. Tayo ba ay pupunta kaagad sa bayan?»

«Hindi, Judas, ibig Kong ipakita muna sa inyo ang isang lugar… Pagkatapos pupunta tayo sa bayan, at sa dahilan na may matingkad pang liwanag ng araw at mamaya ay magiging isang gabi ng maliwanag na buwan, tayo ay makapagsasalita pa sa mga tao. Kung sila ay makikinig sa atin.»

«Sa palagay ba Ninyo hindi sila makikinig sa Inyo?»

Narating na nila ang sepulkro, isang luma ngunit maayos na napananatili na monumento, maayos ang pagkapinturang puti.

²Si Jesus ay tumigil upang uminom sa isang pangkabukiran na balon sa malapit. Ang isang babae na dumating upang mag-igib ng tubig ay inalok Siya ng ilan. Tinanong siya ni Jesus: «Kayo ba ay mula sa Bethlehem?»

«Ako nga. Ngunit ngayon na anihán, naninirahan ako rito sa kabukiran kasama ang aking asawa, upang tingnan ang mga hardin ng gulay at ang mga lootan. Kayo ba ay isang Galilean?»

«Ako ay ipinanganak sa Bethlehem, ngunit naninirahan Ako sa Nazareth sa Galilee.»

«Kayo ba ay inuusig din?»

«Ang pamilya. Ngunit bakit mo sinasabi: “Kayo din ba”? Marami bang mga tao ang inuusig sa mga Bethlehemita?»

«Hindi ba Ninyo nalalaman? Ano ang edad Ninyo?»

«Tatlumpung taong gulang.»

«Kung gayon Kayo ay pinanganak eksakto noong… o! anong kalamidad! Ngunit bakit Siya ipinanganak dito?»

«Sino?»

«Ang Isang sinabi nila na ang Tagapagligtas. Isumpa ang tangang mga lasing katulad nila, inisip na ang mga ulap ay mga anghel at ang paghuni at pag-ingay ng mga hayop ay mga tinig mula sa Langit, at sa kalabuan ng kalasingan napagkamalan ang tatlong miserableng mga tao na pinakabanal na mga tao sa lupa. Maisumpa nga sila! At isumpa ang mga naniniwala sa kanila.»

«Ngunit, sa lahat ng iyong panunumpa, hindi ninyo sinasabi sa Akin kung ano ang nangyari. Bakit kayo nanunumpa?»

«Sapagkat… Makinig: saan Kayo patungo?»

«Sa Bethlehem kasama ang Aking mga kaibigan. May gagawin Ako roon. Kailangan Kong madalaw ang ilang matagal nang mga kaibigan at madala sa kanila ang mga pagbati ng Aking Ina. Ngunit ibig Kong malaman muna ang maraming mga bagay, sapagkat matagal na kaming nawala, kami ng pamilya, nang maraming taon na. Iniwan namin ang bayan noong Ako ay mga ilang buwan pa lamang ang gulang.»

«Bago ang malaking kapahamakan, kung gayon. Makinig, kung hindi Ninyo pandidirihan ang bahay ng isang magbubukid, halikayo at bumahagi sa aming tinapay at asin. Kayo at ang Inyong mga kasamahan. Tayo ay mag-uusap sa loob ng hapunan at gagawin ko kayong gising buong gabi. Ang aking bahay ay maliit. Ngunit sa itaas ng establero ay maraming dayami, lahat nakabunton. Ang gabi ay maliwanag at mainit. Kung gusto Ninyo, makatutulog kayo roon.»

«Harinawang ang Panginoon ng Israel ay gantimpalaan kayo para sa inyong pagtanggap. Magiging masaya Akong pupunta sa iyong bahay.»

«Ang peregrino ay nagdadala ng mga pagpapalà. Tayo na. ³Ngunit kailangan kong magbuhos ng anim na banga ng tubig sa mga gulay na kasisibol pa lamang.»

«Tutulungan Ko kayo.»

«Hindi, Kayo ay isang maginoo, ang Inyong kilos ay ganyan ang sinasabi.»

«Ako ay isang manggagawa, babae. Ang isang ito ay mangingisda. Ang dalawang Judaean na iyon ay maayos ang pamumuhay at nagtatrabaho. Ako ay hindi.» At kinukuha Niya ang isang banga na nakahiga sa mabintog na tiyan nito malapit sa mababang pader ng bubon, ikinakabit Niya ito sa tali, at ibinababa sa bubon.

Si Juan ay tinutulungan Siya. Ang iba pa ay ibig din na maging kasing matulungin at tinanong nila ang babae: «Nasaan ang mga gulayin? Sabihin sa amin at dadalhin namin ang mga banga roon.»

«Pagpalain nawa kayo ng Diyos! Ang aking likod ay biyak na sa pagod. Halikayo…»

At habang hinihila ni Jesus ang Kanyang banga, ang tatlong disipulo ay nawala sa isang maliit na landas… at bumalik na may dala ng dalawang walang-laman na banga, na kanilang pinupunuan at pagkatapos sila ay aalis. At hindi nila ito ginawa nang tatlo, bagkus sampung beses. At si Judas tumatawa ay nagsabi: «Pinapaos niya ang kanyang sarili sa kasisigaw, pinagpapalà kami. Nagbuhos kami ng labis na tubig sa kanyang mga gulay, na ang lupa ay magiging basa sa dalawang araw man lamang, at ang babae ay hindi kinakailangan na magbiyak ng kanyang likod.» Noong bumalik si Judas sa ikahuling beses, sinabi niya: «Guro, natatakot ako na tayo ay hindi naging masuwerte.»

«Bakit, Judas?»

«Sapagkat ang galit niya ay nasa Mesiyas. Sinabi ko sa kanya: “Huwag manumpa. Hindi mo ba nalalaman na ang Mesiyas ay ang pinakamalaking grasya para sa sambayanan ng Diyos? Si Yahweh ay ipinangako Siya kay Jacob, at pagkatapos niya sa lahat na mga Propeta at sa makatarungang mga tao sa Israel. At kinapopootan mo Siya?” Tumugon siya: “Hindi Siya. Bagkus ang isa na ang ilang lasing na mga pastol at tatlong isinumpang mga manghuhula mula sa Silangan ay tinawag nilang ‘Mesiyas’ “. At dahil ito ay Kayo…»

«Hindi na bale. Alam Ko na Ako ay inilagay bilang isang pagsubok at kontradiksyon para sa marami. Sinabi mo ba sa kanya kung sino Ako?»

«Hindi, hindi ako tanga. Ibig kong mailigtas ang Inyong likod at ang amin.»

«Mabuti ang ginawa mo. Hindi dahil sa ating mga likod. Bagkus ibig Kong ipakita ang Aking Sarili kapag alam Ko na tama na ang oras. Tayo na.»

Si Judas ay pinasusunod Siya hanggang sa layo ng hardin ng mga gulay.

⁴Ang babae ay ibinubuhos ang huling tatlong banga at pagkatapos dinala niya Siya patungo sa isang pangkabukirang gusali sa gitna ng lootan. «Pumasok Kayo» sabi niya. «Ang aking asawa ay nasa loob na ng bahay.»

Sila ay tumitingin sa loob ng isang mababang mausok na kusina. «Kapayapaan sa bahay na ito» pagbati ni Jesus.

«Maging sinuman Kayo, Kayo at ang Inyong mga kaibigan ay pagpalain. Pasok Kayo» tugon ng lalaki. At naglabas siya sa kanila ng isang palangganang tubig upang sana mapalamigan at malinisan ang kanilang mga sarili. Pagkatapos lahat sila ay pumasok at naupo paikot sa isang magaspang na mesa.

«Salamat sa pagtulong ninyo sa aking asawa. Sinabi niya sa akin. Hindi pa ako kailanman nakipagusap sa mga Galilean noon at ako ay nasabihan na sila ay magagaspang at palaaway. Ngunit Kayo ay naging mabait at mabuti. Bagama’t pagod na… nagtrabaho kayo nang maigi. Kayo ba ay nanggagaling sa malayo?»

«Mula sa Herusalem. Ang dalawang ito ay mga Judaean. Ang isa pa at Ako ay mula sa Galilee. Ngunit, maniwala sa Akin, mamâ: makatatagpo kayo ng mabuti at masama kahit saan.»

«Totoo iyan. Ako, sa unang pagkakataon na makakilala ng mga Galilean, nakita ko sila na mabuti. Babae: magdala ng pagkain. Mayroon lamang ako bagkus tinapay, mga gulay, mga olibo at keso. Ako ay isang magbubukid.»

«Ako ay hindi isang maginoo Mismo. Ako ay isang karpintero.»

«Ano? Kayo? Sa Inyong pakikitungo?»

Ang babae ay nakialam: «Ang ating panauhin ay mula sa Bethlehem, sinabi ko sa iyo, at kung ang Kanyang mga kamag-anak ay inuusig, sila ay maaaring mayaman at may pinag-aralan, katulad ni Joshua ng Ur, ni Mateo ni Isaac, ni Levi ni Abraham, kaawa-awang mga tao!...»

«Ikaw ay hindi tinanong. Patawarin siya. Ang mga babae ay mas madadaldal kaysa sa mga ibong pipit sa gabi.»

«Sila ba ay mga Bethlehemitang pamilya?»

«Ano? Hindi ba Ninyo sila kilala, subalit Kayo ay mula sa Bethlehem?»

«Kami ay tumakas nang Ako ay mga ilang buwan pa lamang ang gulang…»

Ang babae na maaaring totoong madaldal, ay nagpatuloy sa pagsasalita: «Siya ay umalis bago ang masaker.»

«Eh! Alam ko na. Kung hindi wala na Siya sa mundong ito. Nakabalik na ba Kayo kahit minsan?»

«Hindi, hindi kailanman.»

«Anong isang kalamidad! Hindi Ninyo makikita ang marami ng mga sinasabi ni Sarah na gusto Ninyong makita at madalaw. Marami ang pinatay, maraming tumakas, marami… sino ang nakaaalam!... ang nawawala, at hindi kailanman malaman kung sila ay namatay sa disyerto o pinatay sa loob ng kulungan bilang isang kaparusahan para sa kanilang pag-aalsa. Ngunit iyon ba ay isang rebelyon? At sino ang hindi gagalaw pinababayaan ang napakaraming inosente na pinapatay? Wala, hindi makatarungan na sina Levi at Elias ay kailangan pang mabuhay kung napakaraming inosente ang napatay!»

«Sino ang dalawang iyon, at ano ang kanilang ginawa?»

«Bueno… Mapakinggan man lamang Ninyo ang pagpatay. Ang págpapatay ni Herodes… Mahigit sanlibong mga sanggol ang napatay sa bayan, halos sanlibo pa sa kabukiran¹. At silang lahat, o halos lahat, ay mga lalaki, dahil sa kanilang kabangisan, sa kadiliman, sa pagkakagulo, ang mga mamamatay ay inagaw mula sa mga kuna, sa mga higaan ng kanilang mga ina, mula sa mga bahay na kanilang nilusob, ang ilang mga batang babae din, at kanila silang tinusok katulad ng mga pasusuhing-sanggol na usa na pínanà ng mámamanà. ⁵Bueno: bakit ang lahat na ito? Dahil sa ang isang grupo ng mga pastol, na halatang nakainom ng maraming sidra upang matagalan ang matinding lamig ng gabi, sa matinding kabalisahan ng pananabik, ay sinabi na nakakita sila ng mga anghel, nakarinig ng mga awit, nakatanggap ng mga tagubilin… at sinabi nila sa amin na mga taga Bethlehem: “Halikayo. Sumamba. Ang Mesiyas ay pinanganak na”. Isipin na lamang: ang Mesiyas sa loob ng isang kuweba! Sa buong katapatan, kailangan kong tanggapin na kaming lahat ay lasing, kahit ako, isang nagbibinata noon, pati na rin ang aking asawa, mga ilang taon pa lamang ang edad noon… sapagkat kaming lahat ay naniwala sa kanila, at sa isang kaawa-awang Galilean na babae na nakita namin sa Kanya ang Inang Birhen na binabanggit ng mga Propeta. Ngunit kasama Niya ang Kanyang asawa, isang magaspang na Galilean! Kung Siya ay ang asawa, papaano Siya magiging ang “Birhen”? Upang paikliin ang mahabang istorya: Kami ay naniwala. Mga regalo, pagsasamba… mga bahay nakabukas upang bigyan sila ng pagtanggap!...

O! Nagampanan nila nang mabuti ang kanilang mga parte! Ang kaawa-awang Anna! Nawala sa kanya ang kanyang ari-arian at ang kanyang buhay, at ang mga anak din ng kanyang pinakamatandang anak na babae, ang tanging natira sapagkat napangasawa niya ang isang mangangalakal sa Herusalem, ay nawala ang lahat ng kanilang mga ari-arian sapagkat ang kanilang bahay ay sinunog at ang buong ari-arian ay pinabayaang masayang sa utos ni Herodes. Ngayon ito ay isang di inaasikasong bukid kung saan ang mga kawan ng hayop ay nanginginain.»

«At iyon ba ay ganap na kasalanan ng mga pastol?»

«Hindi, iyon ay kasalanan din ng tatlong mago na nanggaling sa kaharian ni Satanas. Sila ay baka mga kasabwat ng tatlo... At kami ay may katangahang nakaramdam ng pagmamalaki gawa ng labis na parangal! At ang kaawa-awang pangulo ng sinagoga! Pinatay namin siya sapagkat nanumpa siya na ang mga propesiya ay pinatotohanan ang katotohanan ng mga salita ng mga pastol at ng mga mago...»

«Iyon kung gayon ay kasalanan ng mga pastol at ng mga mago?

«Hindi, Galilean. Iyon ay kasalanan din namin. Ang kasalanan ng aming paniniwala kaagad. Ang Mesiyas ay matagal nang panahon na hinihintay! Mga siglo ng paghihintay. At nagkaroon na ng maraming kabiguan kamakailan dahil sa mga huwad na mga Mesiyas. Ang isa sa kanila ay ang isang Galilean, katulad Ninyo, ang isa pa ay pinangalanang Theudas. Mga sinungaling! Sila ay walang iba bagkus sakim na mga abenturero nagbabakasakaling suwertihin! Natuto na sana kami. Sa halip…» 

⁶«Bueno, kung gayon, bakit ninyo sinusumpa ang lahat na mga pastol at mga mago? Kung tinitingnan ninyo ang inyong mga sarili na mga tanga rin, pati kayo kung gayon ay kailangan na isumpa rin. Ngunit ang alituntunin ng pagmamahal ay ipinagbabawal nito ang panunumpa. Ang isang sumpa ay nakakakuha ng isa pang sumpa. Nakatitiyak ba kayo na kayo ay tama? Hindi ba posible na ang mga pastol at ang mga mago ay nagsalita ng katotohanan, na ibinunyag sa kanila ng Diyos? Bakit kayo nagpupumilit sa paniniwala na sila ay mga sinungaling?»

«Sapagkat ang mga taon ng hula ay hindi pa kumpleto. Naisip namin ang tungkol diyan pagkatapos… pagkatapos na mabuksan ang aming mga mata ng dugo na nagpapula sa mga lunas at mga sapa.»

«At hindi kaya pina-aga ng Kataastaasan ang pagdating ng Tagapagligtas, dala ng kalabisan ng pagmamahal para sa Kanyang sambayanan? Saan ibinasi ng mga mago ang kanilang salita? Sinabi mo sa Akin na sila ay nagmula sa Silangan…»

«Sa kanilang mga kalkulasyon tungkol sa isang bagong tala.»

«Hindi ba't naisulat: “Ang isang tala mula kay Jacob ay kukunin nito ang pamumuno, ang isang setro ay tataas mula sa Israel”? Si Jacob ba ay hindi ang dakilang Patriyarka at siya ba ay hindi tumigil sa lupain ng Bethlehem na kasing mahal ng kanyang mga mata, sapagkat ang kanyang minamahal na Rachel ay doon namatay? At ang bunganga ba ng Propeta ay hindi nagsabi: “Ang isang usbong ay lilitaw mula sa lahi ni Jesse, isang kaapu-apuhang palilitawin mula sa kanyang mga ugat”? Si Jesse, ang ama ni David, ay ipinanganak dito. Ang usbong ba sa lahi, na tinigpas sa mga ugat nito sa pamamagitan ng malulupit na pangangamkam, hindi ba't ito ang “Birhen” Na magluluwal sa Kanyang Anak, Na naipaglihi hindi gawa ng tao, kung hindi'y hindi magiging isang birhen ang Ina, bagkus ng paglilihi na gawa ng dibinong kalooban, upang ang Anak ay ang magiging “Immanuel” sapagkat: Anak ng Diyos, Siya ay magiging Diyos at dadalhin Niya ang Diyos sa sambayanan ng Diyos, katulad ng ipinahahayag ng Kanyang pangalan? At Siya ba ay hindi ibabalita, katulad ng sinasabi ng hula, sa mga tao na mga naglalakad sa kadiliman, ibig-sabihin sa mga pagano, “sa pamamagitan ng isang dakilang liwanag”? At ang tala na nakita ng mga mago, hindi kaya ito ang tala ni Jacob, ang dakilang liwanag ng dalawang hula nina Balaam at Isaiah? At ang pinaka masaker na iniutos ni Herodes, hindi ba ito nanggagaling sa loob ng mga hula? “Ang isang tinig ay maririnig sa Ramah… Ito ay si Rachel umiiyak para sa kanyang mga anak”. Ito ay naisulat na ang mga luha ay kailangan na tumagas mula sa mga buto ni Rachel sa loob ng kanyang sepulkro sa Ephrathah kapag, sa pamamagitan ng Tagapagligtas, ang gantimpala ay darating sa banal na sambayanan. Mga luha na magiging selestiyal na mga tawanan, katulad na katulad na ang bahaghari ay napoporma sa pamamagitan ng huling mga patak ng bagyo, ngunit sasabihin nito: “Narito, ang kalangitan ay maliwanag na muli”.»

⁷«Kayo ay isang may pinag-aralang tao. Kayo ba ay isang Rabbi?»

«Oo, Ako.»

«At nadama ko ito. May liwanag at katotohanan sa Inyong mga salita. Ngunit… O! napakarami pang sugat ang dumudugo sa lupaing ito ng Bethlehem dahil sa totoo o huwad na Mesiyas… Hindi ko Siya kailanman papayuhan na pumunta rito. Ang lupain ay tatanggihan Siya katulad na tatanggihan nito ang isang anak-sa-labas na siyang may kagagawan sa kamatayan ng totoong mga anak. Maging ano pa man… kung iyon ay Siya... Siya ay namatay kasama ang iba pang pinatay na mga bata.»

«Saan na naninirahan sina Levi at Elias ngayon?»

«Kilala ba Ninyo sila?» Ang mamâ ay naging suspetsoso.

«Hindi Ko sila kilala. Ang kanilang mukha ay hindi Ko kilala. Ngunit sila ay hindi masaya, at Ako ay laging may awa sa di-masaya.»

«Bueno, Kayo ang magiging unang may awa pagkaraan ng tatlumpung mga taon. Sila ay mga pastol pa rin at sila ay nagtatrabaho para sa isang mayaman na Herodian mula sa Herusalem, na siyang kumuha ng pag-aari ng maraming ari-arian na pag-aari ng mga taong napatay… Laging mayroong  isang kumikita! Matatagpuan Ninyo sila kasama ang kanilang mga kawan sa matataas na lugar pagawing Hebron. Ngunit ito ang aking payo: huwag hayaan ang sinuman mula sa Bethlehem na makita Kayong nakikipagusap sa kanila. Maghihirap Kayo gawa nito. Tinitiis namin sila dahil… dahil sa Herodian. Kung hindi’y…»

«O! Poot! Bakit mapoot?»

«Sapagkat ito ay makatarungan. Nagawan nila kami ng kapinsalaan.»

«Akala nila gumagawa sila ng mabuti.»

«Ngunit gumawa sila ng kapinsalaan. Hayaan silang mapinsala. Pinatay sana namin sila dahil namatay ang maraming tao sa pamamagitan ng kanilang kahangalan. Ngunit kami ay naging mga hangal din mismo at pagkaraan… nandoon ang Herodian.»

«Kung gayon, kung siya ay hindi napunta roon, pagkaraan ng unang hangarin na makapaghiganti, na mapagpapaumanhinan pa rin, pinatay pa rin ba kaya ninyo sila?»

«Papatayin namin sila kahit na ngayon, kung hindi kami natatakot sa kanilang panginoon.»

⁸«Mamâ, sasabihin Ko sa iyo, huwag mapoot. Huwag hangarin ang masasamang bagay. Huwag manabik na makagawa ng masasamang bagay. Walang pagkakamali rito. Ngunit kahit na kung mayroon, magpatawad. Magpatawad sa ngalan ng Diyos. Sabihan din ang ibang mga tao ng Bethlehem. Kapag ang inyong mga puso ay malaya sa poot, ang Mesiyas ay darating; makikilala ninyo Siya pagkatapos, sapagkat Siya ay buhay. Siya ay naroroon na noong mangyari ang masaker. Sinasabi Ko sa iyo. Iyon ay kasalanan ni Satanas, hindi kasalanan ng mga pastol at ng mga mago na ang masaker ay nangyari. Ang Mesiyas ay ipinanganak dito para sa inyo. Siya ay dumating upang dalhin ang Liwanag sa lupain ng Kanyang mga ama. Ang anak ng isang Birhen na Ina sa lahi ni David, sa mga labí ng sambahayan ni David, nagkaloob Siya ng isang agos ng mga Grasya sa mundo, at isang bagong buhay sa sangkatauhan…»

«Layas! Lumabas dito! Kayo ay isang tagasunod ng huwad na Mesiyas na iyon, Na walang iba bagkus isang huwad, sapagkat nagdala Siya ng kamalasan sa amin dito sa Bethlehem. Ipinagtatanggol Ninyo Siya, kung kaya't…»

«Manahimik, mamâ. Ako ay isang Judaean at mayroon akong maimpluwensiyang mga kaibigan. Magagawa kitang maging malungkot para sa iyong mga pang-iinsulto» pagsambulat ni Judas, hinahawakan ang mga damit ng magbubukid, at inaalog siya sa isang marahas na pagngangalit.

«Hindi. Hindi, lumabas dito! Ayaw ko ng problema sa mga tao ng Bethlehem o ng Roma o ni Herodes. Lumayas kayo, kayong mga isinumpa, kung ayaw ninyong mag-iwan ako sa inyo ng aking marka… Labas!»

«Tayo na, Judas. Huwag nang gumanti. Atin siyang iwanan sa kanyang kapootan. Ang Diyos ay hindi papasok kung saan may mapait na kapootan. Tayo na.»

«Oo, kami ay aalis. Ngunit pagbabayaran mo ito.»

«Hindi, Judas, huwag mong sabihin iyan. Sila ay bulag… Napakaraming katulad nila ang matatagpuan natin sa ating daan.»

Sila ay lumabas sinusundan sina Simon at Juan, na mga nasa labas na, nakikipagusap sa babae, sa likod ng sulok ng establero.

«Patawarin ang aking asawa, Panginoon. Hindi ko naisip na makagagawa ako ng labis na problema… Narito, kunin ito. Kakainin Ninyo iyan bukas ng umaga. Mga bagong pangitlog iyan. Wala na akong iba pa… Patawarin kami. Saan Kayo matutulog?» (Binibigyan niya Siya ng ilang itlog).

«Huwag mag-alala. Alam Ko kung saan pupunta. Humayo at ang kapayapaan ay mapasaiyo para sa iyong kabaitan. Paalam.»

Naglakad sila nang kaunting distansiya, nang hindi nagsasalita, pagkatapos si Judas ay sumambulat: «Ngunit Kayo… Bakit hindi Ninyo siya ginawang sambahin Kayo? Bakit hindi Ninyo dinurog ang maruming nanunumpang iyon sa ibaba sa putik? Sa ibaba sa lupa! Durog sapagkat hindi siya nagpakita ng paggalang para sa Inyo, ang Mesiyas… O! Iyan ang dapat na ginawa ko! Ang mga Samaritano ay kailangan na maging mga abo sa pamamagitan ng isang himala! Iyan lamang ang tanging bagay na makayayanig sa kanila.»

«O! Ilang beses Kong mapapakinggan na sinasabi iyan! Ngunit kung gagawa Ako ng abo para sa bawat kasalanan laban sa Akin!... Hindi, Judas. Ako ay naparito upang maglikha, hindi upang manira.»

«Oo! At sa pansamantala sinisira nila Kayo.»

Si Jesus ay hindi tumugon.

⁹Si Simon ay nagtanong: «Saan na tayo pupunta ngayon, Guro?»               

«Sumama sa Akin, may alam Akong isang lugar.»                                               

«Ngunit kung hindi pa Kayo muling napunta rito kailanman pagkaraan na Kayo ay umalis, papaano Ninyo nalalaman?» tanong ni Judas, galit pa rin.

«Alam Ko. Ito ay hindi magandang lugar. Ngunit nanggaling na Ako roon noon. Ito ay wala sa Bethlehem… Ito ay nasa labas nang kaunti… Tayo'y lumiko rito.»

Si Jesus ay nasa harapan, sinusundan ni Simon, pagkatapos ni Judas, at si Juan ang huli… Sa katahimikan, napuputol lamang ng pagpagaspas ng kanilang mga sandalyas sa maliliit na butil ng graba ng landas, maririnig ang paghikbi ng kung sino.

«Sino ang umiiyak?» tanong ni Jesus tumatalikod.

At si Judas: «Si Juan. Siya ay natakot.»

«Hindi, hindi ako natakot. Nailapat ko na ang aking kamay sa kutsilyo sa ilalim ng aking sinturon… Pagkatapos naalaala ko ang mga salita na lagi Ninyong inuulit: “Huwag pumatay, magpatawad”.»

«Bakit ka umiiyak, kung gayon?» tanong ni Judas.

«Sapagkat naghihirap akong nakikita ang mundo na hindi minamahal si Jesus. Hindi nila Siya minamahal, at ayaw nilang makilala Siya. O! Ito ay ganyan kasakit! Ito ay tila may nangwawasak sa aking puso sa pamamagitan ng umaapoy na mga tinik. Ito ay tila may nakita akong may yumayapak sa aking ina o dumudura sa mukha ng aking ama… Mas malala pa… Tila nakita ko ang mga kabayong Romano na sumasabsab sa Banal na Kaban at nagpapahinga sa Banal ng mga Banal.»

«Huwag umiyak, Aking mahal na Juan. Sabihin para sa kasalukuyang panahon na ito at para sa walang-katapusan na mga panahon sa hinaharap: “Siya ay ang Liwanag at Siya ay naparito upang paliwanagan ang kadiliman, ngunit ang kadiliman ay hindi Siya kilala. Pumunta Siya sa mundo na ginawa para sa Kanya, ngunit ang mundo ay hindi Siya kilala. Pumunta Siya sa sarili Niyang bayan, sa Kanyang lupang-sakop, ngunit ang Kanyang sariling sambayanan ay hindi Siya tinanggap”. O! Huwag kang umiyak nang ganyan!»

«Iyan ay hindi nangyayari sa Galilee!» sabi ni Juan nagbubuntung-hininga.

«Bueno, ni hindi sa Judaea» sabi ni Judas. «Ang Herusalem ay ang kapitolyo at noong nakaraang tatlong araw ito ay umawit ng hosana para sa Inyo, Mesiyas! Hindi Kayo makapaghuhukom mula sa lugar na ito ng magagaspang na magbubukid, mga pastol at mga hardinero ng palengke. Ang mga Galilean din, sasabihin ko sa inyo, ay hindi lahat mabuti. Matapos man ang lahat, saan ba si Judas, ang huwad na Mesiyas, nanggaling? Sabi nila…»

«Tama na iyan, Judas. Walang silbi ang magalit. Ako ay kalmante. Maging kalmante din. Judas, halika rito. Ibig Kong magsalita sa iyo.» Si Judas ay lumapit sa Kanya. «Kunin ang lukbutan na ito. Ikaw ang gagawa ng pamimilí para bukas.»

«At sa pansamantala, saan tayo tutuloy?»

¹⁰Si Jesus ay ngumiti, ngunit hindi tumutugon. Madilim na. Ang lahat ay maputi na sa liwanag ng buwan. Ang mga ruwinsensor ay umaawit sa pagitan ng mga olibo. Ang isang sapa ay isang malaplatang umuugong na ribon. Maaamoy ng isa ang amoy ng dayami ng ginapas na mga bukid: isang mainit, sasabihin ko, na karnal na amoy. Ang mga singhal at mga huni ay maririnig. At ang mga bituin, mga bituin, mga bituin… mga bituin ikinalat sa makalangit na kurtina, isang kisame ng buháy na mga hiyas-na-bato, nakakalat sa mga burol ng Bethlehem.

«Ngunit dito!... Walang iba rito bagkus mga labí! Saan Ninyo kami dinadala? Ang bayan ay nasa banda roon.»

«Alam Ko. Halikayo. Sundan ang sapa, sa likuran Ko. Mga kaunti pang hakbang at pagkatapos… pagkatapos iaalok Ko sa inyo ang luklukan ng Hari ng Israel.»

Si Judas ay ikinibit ang kanyang mga balikat at naging tahimik.

Ilan pang mga hakbang, pagkatapos isang bunton ng sirang mga bahay: mga labí ng mga bahay… Isang kuweba sa pagitan ng mga bitak ng isang malaking pader.

Si Jesus ay nagtanong: «Mayroon ba kayong kahit anong pangkiskis? Sindihan iyan.»

Si Simon ay sinisindihan ang isang maliit na lampara na kanyang kinuha mula sa kanyang sukbit na bag at ibinigay niya ito kay Jesus.

«Pasok kayo» sabi ng Guro itinataas ang lampara. Pasok kayo. Ito ang kapanganakang silid ng Hari ng Israel.»

«Maaaring nagbibiro Kayo, Guro! Ito ay isang mabahong lungga. Ah! Hindi ako mananatili rito! Pinandidirihan ko ito: ito ay basa, malamig, nangangamoy, puno ng mga alakdan at baká mga pati ahas…»

«Gayunpaman… Aking mga kaibigan, dito noong gabi ng ika-dalawampu’t lima ng Chislev, Kapistahan ng mga Ilaw, si Jesucristo, ay ipinanganak ng Birhen, ang Immanuel, ang Salita ng Diyos nagkatawang-tao, para sa pagmamahal sa tao: Ako Na nagsasalita sa inyo. Noon din, katulad ngayon, ang mundo ay bingi sa mga tinig ng Langit Na nagsasalita sa mga puso ng mga tao… at tinanggihan nito ang Ina… at dito… Hindi, Judas, huwag mong iiwas ang iyong mga mata sa pagkasuklam sa mga kumakawag-kawag na mga paniki na iyon, sa mga berdeng butiking iyon, sa mga sapot na iyon, huwag mong itaas sa pagkasuklam ang iyong magandang burdadong manta, na baka sumayad sa lupa na puno ng dumi ng hayop. Ang mga paniki na iyan ay ang mga anak ng mga anak ng mga paniki na siyang unang mga laruan na itinaas sa harapan ng mga mata ng Sanggol, para kung Kanino ang mga anghel ay inawit ang “Gloria” na napakinggan ng mga pastol, na lasing lamang sa nagtatalik na kaluguran, isang tunay na kaluguran. Ang esmeralda ng mga butiking iyon ay ang unang kulay na tumama sa Aking mga mata, ang una, pagkatapos ng maputing mukha at damit ng Aking Ina. Ang mga sapot na iyon ay ang kisame ng Aking maharlikang kuna. Ang lupang ito… o! makatatapak ka diyan… ay puno ng mga dumi… ngunit iyan ay napabanal ng paa ng Ina, ng paa ng Banal, ng Kabanalbanalan, ng Dalisay, ng Imakuladang Ina ng Diyos, Na nanganak, sapagkat Siya ay kailangan na manganak, sapagkat ang Diyos, hindi ang tao, ang nagsabi sa Kanya at nagtakip sa Kanya ng anino ng Diyos.  Ang Ina, ang Walang-Kasalanan na Isa, ay yumapak diyan. Makayayapak ka rin diyan. At harinawang ang kadalisayan na pinalaganap Niya, sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ay tumaas mula sa mga talampakan ng iyong mga paa patungo sa iyong puso…»

¹¹Si Simon ay nasa kanyang mga tuhod. Si Juan ay nagtungong tuwiran sa sabsaban at umiiyak, isinasandal ang kanyang ulo rito. Si Judas ay nahintakutan… siya ay napangingibabawan ng emosyon, at hindi na nag-aalala ng tungkol sa kanyang magandang manta, siya ay lumuhod sa lupa, kinuha ang laylayan ng tunika ni Jesus at hinahalikan ito at dinadagukan ang kanyang dibdib nagsasabing: «O! Aking mabuting Guro, maawa sa kabulagan ng Inyong lingkod! Ang aking pagmamalaki ay naglalaho… Nakikita ko Kayo katulad ng kung ano Kayo. Hindi ang hari na aking iniisip. Bagkus ang Eternal na Prinsipe, ang Ama ng hinaharap na mga siglo, ang Hari ng kapayapaan. Maawa, aking Panginoon at aking Diyos, maawa sa akin!»

«Oo, nasa inyong lahat ang Aking awa! Ngayon tayo ay matutulog kung saan ang Sanggol at ang Birhen ay natulog, sa banda roon kung saan ni Juan kinuha ang lugar ng nagsasambang Ina, dito kung saan si Simon nagmumukhang katulad ng Aking kinikilalang ama. O, kung mas gugustuhin ninyo, Ako ay magsasalita sa inyo tungkol sa gabing iyon…»

«O! oo, Guro, kuwentuhan Ninyo kami tungkol sa Inyong kapanganakan.»

«Na ito ay sana maging isang maningning na perlas na sisinag sa loob ng aming mga puso. At masabi sana namin sa buong mundo.»

«At sana mapagpitaganan namin ang Inyong Birhen na Ina, hindi lamang bilang Inyong Ina, bagkus bilang din… bilang ang Birhen!»

Si Judas ang unang nagsalita, pagkatapos si Simon at pagkatapos si Juan, na ang kaninong mukha ay ngumingiti at umiiyak, malapit sa sabsaban.

«Halikayo at maupo sa dayami. Makinig…» at si Jesus ay kinukuwento sa kanila ang tungkol sa gabi ng Kanyang kapanganakan. «… sa dahilan na ang Ina ay nalalapit na sa Kanyang panahon na ipanganak ang Kanyang Sanggol, ang isang dekreto ay pinalabas ng delegado ng imperyo na si Publius Sulpicius Quirinus ayon sa mga tagubilin mula kay Caesar Augustus, noong si Sentius Saturninus ay gobernador ng Palestina. Ang dekreto ay nagsasabi na ang isang senso ay kailangan na isagawa tungkol sa lahat na mga tao ng imperyo. Ang hindi mga alipin ay kailangan na magtungo sa lugar ng kanilang pinagmulan at magrehistro sa opisyal na mga rolyo ng imperyo. Si Jose, ang esposo ng Ina, ay mula sa lahi ni David at ang Ina ay mula din sa lahi ni David. Sa pagsunod sa dekreto, sila ay umalis sa Nazareth at pumunta sa Bethlehem, ang sinilangan ng maharlikang pamilya. Ang panahon ay matindi.» Si Jesus ay pinagpapatuloy ang kuwento at ang lahat ay natapos nang gayon.

(372)230810/041213


¹ Ang tunay na bilang ng mga sanggol na napatay ay tatlumpu’t dalawa, ang labing-walo nito sa loob ng aktuwal na bayan ng Bethlehem at labing-apat sa kalapit na kabukiran. At anim na sanggol na mga babae ang napatay dahil ang mga inupahang berdugo ay hindi masabi kung alin ang mga lalaki sapagkat magkakapareho ang kanilang mga bihis, at gawa din ng kadiliman at ng kanilang pagmamadali sa pagpatay. Ang magbubukid, katulad ng kadalasan, ay nag-eeksahera. Ang detalyadong impormasyon na ito ay ibinigay ni Maria Valtorta sa isang hiwalay na papel idinagdag sa orihinal na sulat-kamay. 

 

 

 

Sunod na kabanata.