74. Si Jesus Pumunta sa otel sa Bethlehem at Nagpapahayag Mula sa mga labí  ng Bahay ni Anna.

Enero 9, 1945.

¹Ngayon ay isang maagang maningning na umaga ng tag-init. Ang kalangitan ay tila pinaraanan ng ilang pahid ng pinturang kulay rosas na nagagawa ang maliliit na maninipis na ulap na magmukhang katulad ng mga guhit ng ninisnis na bulak, ibinagsak sa isang makinis na turkesang alpombra. Ang ere ay puno ng awit ng mga ibon, nabigyan ng buhay ng maningning na liwanag… Ang mga ibong pipit, mga blackbird, mga redbreast ay sumisipol, sumisiyap, nagbabangayan para sa isang tangkay, isang uod, isang siit na ibig nilang madala sa kanilang mga pugad, o makain, o magamit bilang isang dapuan. Ang mga langaylangayan ay pumupuslit mula sa kalangitan pababa sa maliit na agos ng tubig upang mabasa ang kanilang niyebeng-kaputian na mga dibdib, na ang mga tuktok ng mga ito ay kulay kalawang, at pagkatapos na matanggap ang kasariwaan ng tubig at makuha ang isang maliit na langaw natutulog pa sa maliit na tangkay, sila ay pumupuslit nang pataas sa kalangitan nang kasing bilis ng kislap ng isang makintab na punyal, sumasatsat nang malugod.

Dalawang may asul-na-ulo na ibon, nararamtan ng maputlang kulay-abong seda, ay naglalakad nang may kayumihan, katulad ng dalawang munting ale, sa tabi ng pampang ng agos ng tubig, nakataas nang mabuti ang kanilang mahahabang buntot adornado ng maliliit na pelus na itim na mga batik, tinitingnan ang kanilang mga sarili sa tubig, at, kontento ng kanilang magandang hitsura, nagpatuloy sila sa paglalakad, habang ang isang blackbird, isang tunay na matón ng kakahuyan, ay pinagtatawanan sila, sinisipulan sila sa pamamagitan ng kanyang mahabang dilaw na tuka. Sa loob ng kakapalan ng mga dahon ng isang layás na puno ng mansanas tumutubo nang mag-isa malapit sa mga labí ng bahay, ang isang ruwinsensor ay tinatawagan ang kanyang kapareha nang paulit-ulit, at naging tahimik lamang ito noong makita niya ang kapareha na dumarating may dalang isang mahabang higad kumikisay sa hawak ng kanyang manipis na tukà. Ang dalawang laking-bayan na kalapati, na maaaring nakatakas sa kulungan at pinili ang isang malayang tirahan sa mga bitak ng isang sirang tore, ay pinupuspos ang kanilang paglalambingan sa paghuni sa isang paraan na ang lalaki ay tila nagsisikap na marahuyo ang mahiyaing babae.

Si Jesus, na ang mga braso naka-ikis sa dibdib, ay tinitingnan ang lahat na masasayang nilikha at ngumingiti.

«Nakahanda na ba Kayo kaagad, Guro?» tanong ni Simon, mula sa Kanyang likuran.

«Oo, handa na Ako. Ang dalawa ba ay natutulog pa?»

«Oo, natutulog pa sila.»

«Sila ay mga bata pa… Naghilamos Ako sa agos na iyon… Ang tubig ay napakalamig na nililinis nito ang isip…»

«Lalakad ako at maghihilamos na.»

Habang si Simon, nakasuot lamang ng kanyang maikling tunika, ay naghuhugas ng sarili at pagkatapos isinusuot ang kanyang mga damit, sina Judas at Juan ay lumabas. «Pagbati, Guro, huli na ba kami?»

«Hindi. Bukang-liwayway pa lamang. Ngunit ngayon magmadali at tayo na.»

Ang dalawa ay naghugas at nagsuot ng kanilang mga tunika at manta.

Si Jesus, bago lumakad, ay pumitas ng ilang maliliit na bulaklak na mga tumubo sa pagitan ng mga bitak ng dalawang bato, at inilagay ito sa isang maliit na kahon na kahoy, kung saan mayroon nang iba pang mga bagay, na hindi ko makita nang mabuti. Siya ay nagpapaliwanag: «Dadalhin Ko ang mga iyan sa Aking Ina. Magugustuhan Niya iyan… Tayo na.»

«Saan, Guro?»

«Sa Bethlehem.»

«Ulit? Hindi sa palagay ko paborable para sa atin ang sitwasyon …»

«Hindi na bale. Tayo na. Ibig Kong ipakita sa inyo kung saan pumunta ang mga Mago at kung nasaan Ako.»

²«Kung gayon, makinig. Mawalang-galang na, Guro. Ngunit hayaan Ninyo akong magsalita. Gawin natin ang isang bagay. Sa Bethlehem at sa otel, hayaan akong magsalita at magtanong. Kayong mga Galilean ay hindi masyadong nagugustuhan sa Judaea, at mas lalo na rito kaysa sa iba pang lugar. Hindi, bagkus, ating gawin ito: ang inyong mga damit ay nagpapakita na Kayo at si Juan ay mga Galilean. Napakadali. At pagkatapos… ang inyong mga buhok! Bakit kayo nagpupumilit na ito ay mahahaba? Si Simon at ako ay makikipagpalitan ng mga manta sa inyo. Simon, ibigay mo ang iyo kay Juan, ibibigay ko ang Akin sa Guro. Ganyan! Kita ninyo? Nagmumukha na kayong mga Judaean nang kaunti. Ngayon kunin ito.» At kanyang inalis ang tela na nagtatakip sa kanyang ulo: isang may-guhit na dilaw, dekape, pula, berdeng pahabang materyal, katulad ng kanyang manta, nahahawakan sa pusisyon sa pamamagitan ng isang dilaw na tali, inilalagay niya ito sa ulo ni Jesus, isinasaayos ito sa may mga pisngi Niya upang maitago ang Kanyang magandang buhok. Si Juan ay isinusuot ang napakadilim na berdeng manta ni Simon. «O! Mas mabuti ngayon. Mayroon akong praktikal na sentido komun.»

«Oo, Judas, mayroon ka ngang praktikal na sentido komun. Totoo iyan. Mag-ingat, gayunpaman, na hindi nito mahigitan ang iba pang sentido komun.»

«Alin, Guro?»

«Ang espirituwal na sentido komun.»

«Hindi! Hindi! Ngunit sa ilang mga kaso mas kailangan na maging isang pulitiko kaysa isang embahador. At makinig… maging mabait pa nang kaunti… ito ay para sa Inyong kabutihan… Huwag Ninyo akong kukontrahin kung magsasalita ako ng isang bagay… isang bagay… na hindi totoo.»

«Ano ang ibig mong sabihin? Bakit magsinungaling? Ako ang Katotohanan at ayaw Ko ng mga kasinungalingan sa Akin o sa paligid Ko.»

«O! Ang sasabihin ko ay kalahating mga kasinungalingan lamang. Sasabihin ko na tayo ay nanggaling sa malalayong lugar, mula sa Ehipto, halimbawa, at tayo ay naghahanap ng mga balita tungkol sa ating minamahal na mga kaibigan. Sasabihin ko na tayo ay mga Judaean bumabalik mula sa pagkakapatapon. Gayunpaman, may ilang katotohanan sa lahat, at ako ay magsasalita, at… isa pang kasinungalingan, mas kaunting kasinungalingan…»

«Ngunit, Judas, Bakit manloko?»

«Huwag na Ninyong pansinin, Guro! Ang mundo ay nabubuhay sa panloloko. At kung minsan ang panloloko ay kinakailangan. Bueno: upang magawa Kayong masaya, sasabihin ko lamang na tayo ay nanggaling sa malayo at na tayo ay mga Judaean. Na totoo para sa tatlo sa apat sa atin. At ikaw, Juan, pakiusap na huwag magsalita kahit kailan. Mapagtataksilan mo ang iyong sarili.»

«Ako'y mananahimik.»

«Pagkatapos… kung lahat ay matagumpay… sasabihin natin ang iba pa. Ngunit hindi ko mapaniwalaan ito… Ako ay tuso, nakikita ko kaagad ang lahat.»

«Nakikita Ko iyan, Judas. Ngunit mas gugustuhin Ko sa iyo na maging simple.»

«Hindi ito makakatulong. Sa Inyong grupo, ako ang mamamahala ng mahihirap na misyon. Hayaan akong mamahala.»

Si Jesus ay nagdadalawang-isip. Ngunit Siya ay pumayag.

³Sila ay umalis. Umikot sila sa mga labí ng bahay, pagkatapos sa tabi ng walang-mga-bintanang masibong pader na sa kabila nito maririnig ng isa ang mga pag-ingay, paghuni ng mga hayop at ang kakaibang sigaw ng mga kamelyo o mga dromedaryo. Ang pader ay may anggulo. Inikutan nila ito. Sila ay nasa liwasan na ng Bethlehem ngayon. Ang pontanya ay nasa gitna ng liwasan, ang hugis nito ay pahilis pa rin, bagama't may pagkakaiba sa tabi na katapat ng otel. Sa banda roon, kung saan naroroon dati ang maliit na bahay, na akin pang naaalaala bilang lahat malaplata sa mga sinag ng Tala, ay mayroon nang isang malaking butas, natatambakan ng mga labí . Tanging ang maliit na hagdanan na lamang ang nakatayo, kasama ang maliit na landing nito. Si Jesus ay tumitingin at nagbubuntung-hininga.

Ang liwasan ay punó ng mga tao sa palibot ng mga nagtitinda ng mga makakain, mga kagamitan pangkusina, mga damit, atbp. Ang lahat na paninda ay nasa mga banig o sa mga basket sa lupa, at ang karamihan sa mga mangangalakal ay mga nakaupo rin sa gitna ng kanilang… mga tindahan, maliban sa mga nakatayo, sumisigaw at pakaway-kaway sa mga kuripot na mga mámimili.

«Araw ng palengke ngayon» sabi ni Simon.

Ang pangunahing geyt ng otel ay maluwang na nakabukas at ang isang linya ng mga asno na kargado ng mga paninda ay papalabas.

Si Judas ang unang pumasok. Siya ay tumingin sa paligid. Puno ng kayabangan, hinawakan niya ang isang maruming bátaán ng otel na nakadamit ng may maiikling manggas, ibig-sabihin walang-manggas na maikling tunika, umaabot sa kanyang mga tuhod. «Bátaán!» sigaw niya. «Ang may-ari! Bilis! Maging mabilis! Hindi ako sanay na pinaghihintay ng mga tao.»

Ang batang lalaki ay tumakbo, hila-hila ang isang walis sa likuran niya.

«Ngunit Judas! Anong mga asal!»

«Maging tahimik, Guro. Hayaan lang ako. Importante na tingnan tayo na mayayaman galing sa bayan.

Ang may-ari ay nagmadaling pumasok, at siya ay yumuyuko nang paulit-ulit sa harapan ni Judas, na nakakagulat sa madilim na pulang manta ni Jesus ipinaibabaw sa kanyang marangyang dilaw na tunika puno ng mga palawit.

«Galing kami sa malayo, mamâ. Kami ay mga Judaean ng mga Asyatikong komunidad. Ang ginoong ito, ipinanganak sa Bethlehem at inuusig, ay ngayon hinahanap ang ilang mahal na mga kaibigan. Kami ay kasama Niya. Kami ay nanggaling sa Herusalem, kung saan sinamba Niya ang Kataastaasan sa Kanyang Bahay. Mabibigyan mo ba kami ng ilang impormasyon?»

«Aking panginoon… ang inyong lingkod… ay gagawin ang lahat para sa inyo. Ibigay ninyo sa akin ang inyong mga utos.»

«Kailangan namin ang ilang impormasyon tungkol sa maraming bagay… at lalo na tungkol kay Anna, ang babae na ang kaninong bahay ay dati nasa harapan ng iyong otel.»

«O! kaawa-awang babae! Matatagpuan lamang ninyo siya sa sinapupunan ni Abraham. At ang kanyang mga anak kasama niya.»

«Siya ba ay patay na? Papaano?»

«Hindi ba ninyo alam ang tungkol sa Masaker ni Herodes? Ang buong mundo ay pinag-uusapan ito at kahit na ang Caesar ay tinawag siyang “isang baboy na nanginginain sa dugo”. O! Ano ang aking sinabi? Huwag ninyo akong isuplong! Kayo ba ay totoong isang Judaean?»

«Naririto ang tanda ng aking tribu. Kung gayon? Magsalita.»

«Si  Anna ay pinatay ng mga sundalo ni Herodes, kasama ang lahat ng kanyang mga anak, maliban sa isang anak na babae.»

«Ngunit bakit? Napakabait niya?»

«Kilala ba ninyo siya?»

«Oo, kilalang-kilala.» Si Judas ay nagsisinungaling nang may-kabastusan ang mukha.

«Siya ay pinatay sapagkat inaruga niya ang mga nagsabi na sila raw ay ang ama at ina ng Mesiyas… Halikayo, sa loob ng silid na ito… Ang mga pader ay may mga tainga at delikadong magsalita ng tungkol sa ilang mga bagay.»

⁴Sila ay pumunta sa isang mababang madilim na silid. Naupo sila sa isang mababang sopa.

«Ngayon… Ako ay may magaling na ilong. Ako ay hindi isang tagapamahala ng otel nang para sa wala. Ako ay ipinanganak dito, ang anak ng mga anak ng mga tagapamahala ng otel. Ang mga panlilinlang ay nasa aking dugo. At hindi ko sila kinupkop. Makakakita sana ako ng isang lungga para sa kanila.  Ngunit… mahihirap, di-kilalang mga Galilean katulad nila… O! hindi! Si Hezekiah ay hindi maaaring mahulog sa patibong! At ang pakiramdam ko… pakiramdam ko ay iba… ang babaeng iyon… ang Kanyang mga mata… may isang bagay… hindi, hindi… Maaaring may dimonyo siya sa loob Niya at Siya ay nagsalita sa kanya. At Siya ay dinala niya… hindi sa akin… bagkus sa bayan. Si Anna ay mas inosente pa kaysa sa isang maliit na kordero, at binigyan niya sila ng pag-aruga mga ilang araw pagkaraan, nang naipanganak na Niya ang Bata. Sabi nila Siya ay ang Mesiyas… O! ang pera na kinita ko nang mga araw na iyon! Ang senso ay wala kompara roon! Maraming mga tao ang pumunta rito na walang pakialam sa senso. Sila ay nanggagaling pa nga sa mga dalampasigan, kahit sa Ehipto pa nga upang makakita… at iyon ay tumagal nang maraming buwan! Gaano ang aking kinita! Ang huling dumating ay ang tatlong hari, tatlong makapangyarihan na mga tao. Tatlong mga mago… Hindi ko malalaman! Anong linya! Isang walang katapusang prusisyon! Kinuha nilang lahat ang mga establero at nagbabayad sila sa ginto para sa labis na mga dayami na maaaring tumagal nang isang buwan, at sila ay umalis sa sumunod na araw, iniiwan ang lahat dito. At anong mga regalo ang kanilang ibinigay sa mga bátaán ng otel at sa mga babae! At sa akin! O! Makapagsasalita lamang ako tungkol sa Mesiyas, kung Siya ay totoo o huwad na Mesiyas. Ginawa Niya akong kumita ng bag-na-bag na pera. At ako ay hindi nagkaroon ng mga sakuna. Wala sa aking pamilya ang namatay, sapagkat kapapakasal ko pa lamang. Kung kaya't… ngunit ang mga iba!»

«Ibig namin makita ang mga lugar ng pagpatay.»

«Ang mga lugar? Ngunit ang bawat bahay ay lugar ng pagpatay. May mga taong pinatay sa loob ng milya-milya sa palibot ng Bethlehem. Sumama sa akin.»

Sila ay umakyat sa isang hagdanan patungo sa isang malaking terasang bubungan. Mula roon, makikita ng isa ang marami na panabi ng kabukiran at ang buong Bethlehem nakakalat sa mga burol katulad ng isang nakabukang pamaypay.

«Nakikita ba ninyo ang nasirang mga lugar? Sa banda roon ang mga bahay doon ay sinunog din sapagkat ang mga tatay ay ipinagsanggalang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Nakikita ba ninyo sa banda roon ang isang klase ng bubon natatakpan ng mga halamang baging? Iyon ay ang mga labí  ng sinagoga. Iyon ay sinunog kasama ang arso-sinagoga na nagsabi na iyon ay ang Mesiyas. Iyon ay sinunog ng mga nakaligtas na naging mababangis dahil sa pagkakapatay sa kanilang mga anak. Nagkaroon kami ng problema pagkatapos niyan… At sa banda roon, at doon, doon… nakikita ba ninyo ang mga sepulkrong iyon? Ang mga biktima ay doon inilibing… Kamukha nila ang maliliit na tupa na ikinalat sa buong kaberdehan, hanggang sa maabot ng tingin. Ang lahat na mga inosente at ang kanilang mga ama at mga ina… Nakikita ba ninyo ang tangke na iyon? Ang tubig niyan ay naging mapula pagkatapos na hugasan ng mga pumatay ang kanilang mga sandata at mga kamay. At ang sapa sa likuran dito, nakita ba ninyo ito? Iyan ay kulay rosas dahil sa dugo na dumaloy diyan galing sa mga kanal. At iyon, sa banda roon, sa harapan natin. Iyan ang natira sa bahay ni Anna.»

Si Jesus ay umiiyak.

«Kilala ba Ninyo siya nang mabuti?»

Si Judas ang tumugon: «Siya ay katulad ng isang kapatid na babae para sa Kanyang Ina. Tama ba iyon, aking kaibigan?»

Si Jesus ay simpleng tumugon: «Oo.»

«Naiintindihan ko» wika ng tagapag-alaga ng otel na naging maisíp.

Si Jesus ay yumukong paharap upang magsalita kay Judas sa mababang tinig.

«Ang aking kaibigan ay ibig na pumunta sa mga labí  na iyon» sabi ni Judas.

«Hayaan Siyang pumunta! Ang mga labí  ay para sa lahat!»

Sila ay bumaba sa hagdanan, nagpaalam at lumabas. Ang maybahay ay dismayado. Baka umaasa siya na may kikitain siya.

Tinawid nila ang liwasan. At inakyat nila ang maliit na hagdanan na natitira pa.

«Mula rito» sabi ni Jesus, «ang Aking Ina ay ginawa Akong ikaway ang Aking kamay sa Tatlong Marurunong na lalaki at umalis kami mula rito upang pumunta sa Ehipto.»

⁵Ang mga tao ay tinitingnan ang apat na lalaki sa mga labí . Ang isa ay nagtanong: «Sila ba ay mga kamag-anak ni Anna?»

«Sila ay mga kaibigan.»

Ang isang babae ay sumigaw: «Huwag kayong gumawa ng kahit anong kapinsalaan sa kaawa-awang patay na babae, huwag ninyong gagawin iyan, katulad ng ginawa ng ibang mga kaibigan niya nang siya ay nabubuhay pa, at pagkatapos lumayas.»

Si Jesus ay nakatayo sa landing sa tabi ng maliit na pader na pumapaligid dito. Siya kung gayon ay mga dalawang metro ang kataasan mula sa liwasan, na walang kahit ano sa likuran Niya. Ang balangkas ng Kanyang pigura ay malinaw na kitang-kita sa harapan ng araw na nagniningning sa likuran Niya: nakagagawa rin ito ng isang pabilog na sinag sa paligid ng Kanyang malagintong buhok at nagagawa ang Kanyang niyebeng-kaputian na linen na tunika na magmukhang mas maputi pa bilang ito lamang ang damit na suot Niya, dahil ang Kanyang manta ay bumagsak mula sa Kanyang mga balikat at ngayon nakalapag na sa Kanya paanan katulad ng isang maraming-kulay na pedestal. Sa mas malayo pa sa likuran, naroon ang kaberdehan na pinababayaan na kaligiran na dati ay ang pangkusinang-hardin at bukid ni Anna, ngayon nasasayang at may nakakalat na mga sukal.

Si Jesus ay iniuunat ang Kanyang mga kamay. Nang si Judas ay makita ang ginagawang ito siya ay nagsalita: «Huwag magsalita! Hindi iyan maganda!»

Ngunit ang makapangyarihang tinig ni Jesus ay pinunó ang liwasan. «Mga kalalakihan ng Judah! Mga kalalakihan ng Bethlehem, makinig! Mga kababaihan ng lupain na sagrado kay Rachel, makinig! Makinig sa Isa Na bumaba mula kay David, at naghirap dahil ng mga pang-uusig at naging karapat-dapat ng pagsasalita, at nagsasalita sa inyo upang bigyan kayo ng liwanag at kaginhawahan. Makinig.»

Ang mga tao ay tumigil sa pagsisigawan, pag-aawayan at pámimilí at sila ay nag-ipun-ipon.

«Siya ay isang rabbi!»

«Siya ay tiyak na galing sa Herusalem.»               

«Sino Siya?»      

«Anong gandang lalaki!»

«At anong tinig!»            

«At ang Kanyang mga kilos!»

«Siyempre, Siya ay ng Sambahayan ni David!»

«Siya ay isa sa atin, kung gayon!»

«Makinig tayo sa Kanya!»

Ang buong pulutong ay ngayon naipon na malapit sa maliit na hagdanan na nagmumukhang katulad ng isang pulpito.

«Sa Genesis ito ay sinabi: “Gagawin ko kayong magkaaway: ikaw at ang babae; dudurugin Niya ang iyong ulo at tutuklawin mo ang Kanyang sakong”. Ito ay sinasabi din: “Pararamihin ko ang iyong mga kirot sa panganganak… at ang lupa ay magbibigay sa iyo ng mga dawag at mga tínikán na tanim”. Iyon ang sentensiya sa lalaki, sa babae at sa serpiyente.

Ako ay nanggaling sa malayo upang pagpitaganan ang libingan ni Rachel, at sa loob ng ihip ng hangin ng gabi, sa loob ng hamog ng gabi, sa loob ng madaing na awit ng ruwinsensor sa umaga, napakinggan Ko ang lumang mga hikbi ni Rachel na inuulit, at ito ay inuulit ng mga bunganga ng maraming ina ng Bethlehem, sa loob ng kanilang mga puntod o sa loob ng kanilang mga puso. Napakinggan Kong umaatungal ang kapighatian ni Jacob sa kirot ng nabalong mga tatay, pinagkaitan ng kanilang mga asawa na mga napatay ng kapighatian… Ako ay umiiyak kasama ninyo… Ngunit makinig, mga kapatid ng Aking lupain. Ang Bethlehem, ang pinagpalang lupain, ang pinakamaliit sa mga bayan sa Judah, ngunit ang pinakadakila sa mga mata ng Diyos at ng sangkatauhan, ay napukaw ang poot ni Satanas sapagkat ito ang sinilangan ng Tagapagligtas, katulad ng sinabi ni Micah, nakatalagang maging ang tabernakulo kung saan ang Kaluwalhatian ng Diyos, ang Apoy ng Diyos, ang Kanyang Nagkatawang-Tao na Pagmamahal ay mananatili.

“Gagawin ko kayong magkaaway: ikaw at ang babae; dudurugin Niya ang iyong ulo at tutuklawin mo ang Kanyang sakong”. Anong pag-aaway ang mas malaki pa kaysa sa isang pag-aaway na ang tinatangka ay ang mga anak ng isang ina, ang pinakapuso ng isang babae? At anong sakong ang naririyan na mas malakas pa kaysa sa sakong ng Ina ng Tagapagligtas? Ang paghihiganti ni Satanas na natalo ay kung gayon isang natural na paghihiganti; hindi siya tumuklaw sa sakong, bagkus sa mga puso ng ina, dahil sa Ina.

O! Ang mga kirot ay naparami nang ang mga anak ay nawala pagkatapos na sila ay maipanganak! O! malaki ang naging problema ng pagiging isang walang-anak na ama pagkatapos na magtanim at magpakahirap para sa anak! Gayunman, Bethlehem, magsaya! Ang inyong dugo, ang dugo ng mga inosente ay nakapaghanda ng isang nagniningas na purpurang daan para sa Mesiyas…»

Ang pulutong, na naging maligalig at mas maligalig pa pagkatapos na banggitin ni Jesus ang Tagapagligtas at ang Kanyang Ina, ay ngayon nagpapakita ng maliwanag na mga tanda ng pagkabalisa.

«Manahimik, Guro» sabi ni Judas. «At umalis na tayo.»

Ngunit si Jesus ay hindi nakikinig sa kanya. Siya ay nagpapatuloy: «… para sa Mesiyas na iniligtas ng Grasya ng Diyos-Ama mula sa mga tirano upang mapanatili Siya para sa Kanyang sambayanan at sa kaligtasan nito at…»

⁶Ang matinis na tinig ng isang babae ay sumigaw: Lima, lima ang aking pinanganak, at ni isa ay wala sa aking bahay. Kaawa-awang ako!» At siya ay humiyaw nagwawala.

Ito ang simula ng pagkakagulo.

Ang isa pang babae, gumugulong sa alikabok, pinupunit ang kanyang damit, at pinakikita ang isang suso na pinutulan ng utong, sumisigaw: «Dito, dito sa suso na ito pinatay nila ang aking panganay na anak! Ang espada ay humiwa nang magkasabay sa kanyang mukha at sa aking utong. O! aking Ellis!»

«At ano ang akin! Ano ang akin! Ayón ang aking maharlikang palasyo. Tatlong puntod sa iisa, binabantayan ng ama: ang aking asawa at mga anak magkakasama. Ayón! Ayón! Kung mayroon Tagapagligtas, ibigay Niya sa akin ulit ang aking mga anak, ang aking asawa, iligtas Niya ako sa kawalang-pag-asa, mula kay Beelzebub kailangan Niya akong iligtas.»

Lahat sila ay sumisigaw: «Ang aming mga anak, ang aming mga asawa, ang aming mga tatay! Hayaan Siyang ibigay muli ito sa amin, kung Siya ay naririto!»

Si Jesus ay ikinakaway ang Kanyang mga kamay humihingi ng katahimikan. «Mga kapatid ng Aking lupain: Ibig Kong ibigay muli sa inyo ang inyong mga anak, sa kanilang laman. Ngunit sasabihin Ko sa inyo: maging mabait, maging mapagtanggap, magpatawad, umasa, magbunyi sa pag-asa at magpuri sa iisang katiyakan: mapapasainyo nang muli kaagad ang inyong mga anak, mga anghel sa Langit, sapagkat ang Mesiyas ay bubuksan na ang mga tarangkahan ng Langit, at kung kayo ay makatarungan, ang kamatayan ay magiging isang bagong Buhay at isang bagong Pag-ibig…»

«Ah! Kayo ba ang Mesiyas? Sa ngalan ng Diyos, sabihin sa amin.»

Si Jesus ay ibinaba ang Kanyang mga kamay, sa napakatamis at napakabait na kilos na tila silang lahat ay Kanyang niyayakap, at sinabi Niya: «Oo, Ako nga.»

«Lumayas Ka! Layas! Ikaw ang may kagagawan, kung gayon!»

⁷Isang bato ang itinapon sa gitna ng mga sutsot at mga panunuya.

Si Judas ay gumanti kaagad sa pinaka kapuri-puring paraan… O! kung lagi lang siyang kumikilos nang gayon! Tumalon siya sa harapan ni Jesus, nakatayo sa mababang pader ng landing, na ang kanyang manta malapad na nakabuka at di-nasisindak kanyang pinoprotektahan si Jesus sa mga bato. Ang kanyang mukha ay dumudugo at siya'y sumigaw kina Juan at Simon: «Ilayo si Jesus. Sa likuran ng mga punungkahoy na iyon. Susunod ako. Lakad, sa ngalan ng Langit!» At siya ay sumisigaw sa pulutong: «Ulol na mga aso! Ako ay tao ng Templo at isusuplong ko kayo sa Templo at sa Roma.»

Ang pulutong ay nahintakutan nang isang sandali. Pagkatapos ang ulan ng mga bato ay nagpatuloy, ngunit mabuti na lang, sila ay hindi mga eksperto. At si Judas, walang-takot, ay tinanggap ito nang may masamang salita sa ikasusumpa ng pulutong. Hindi, bagkus, sinambot niya ang isang bato na itinapon sa kanya, at itinapon itong pabalik sa ulo ng isang matandang lalaki na sumisigaw katulad ng isang madaldal na ibon na tinatanggalan ng balahibo nang buhay! At sa dahilan na nagtatangka silang umakyat sa kanyang pedestal, siya ay mabilis na kumuha ng isang tuyong sanga mula sa lupa, (nakaalis na siya ngayon sa maliit na pader) at kanya itong winawasiwas paikot sa mga likod, mga ulo at mga kamay nang walang-awa.

Ilang mga sundalo ang nagmadali sa lugar at sa pamamagitan ng kanilang mga sibat ipinilit nila ang kanilang daan sa gitna ng pulutong: «Sino ka? Ano ang away na ito?»

«Ako ay isang Judaean at ako ay nilusob ng mga garapal na ito. Ang isang rabbi kilala ng mga pari, ay kasama ko. Siya ay nagsasalita sa mga asong ito. Ngunit sila ay naging mabangis at nilusob kami.»

«Sino ka?»

«Si Judas ng Kerioth, ako ay dating tao ng Templo, ngayon ako ay isang disipulo ng rabbi na si Jesus ng Galilee. Ako ay kaibigan ni Simon ang Pariseo, ni Johanan ang Saduseo, at ni Jose ng Arimathea, ang Tagapayo ng Sanhedrin, at panghuli, ni Eleazar ben Anna, ang dakilang kaibigan ng Proconsul, at maaari mo itong ipagtanong.

«Gagawin ko. Saan kayo papunta?»

«Ako ay papunta sa Kerioth kasama ang aking kaibigan, pagkatapos sa Herusalem.»

«Lakad. Poprotektahan namin ang iyong likuran.»

Si Judas ay nag-abot ng ilang mga sentimos sa sundalo. Maaaring ito ay ilegal… ngunit pangkaraniwan na pangkaraniwan, sapagkat ang sundalo ay kinuha kaagad ito nang mabilis at may ingat, siya ay sumaludo at ngumiti.  Si Judas ay tumalon pababa mula sa kanyang plataporma, siya ay pumunta sa di-binubukid na lupa, palundag-lundag paminsan-minsan, at narating niya ang kanyang mga kasamahan.

«Malala ka bang nasaktan?»

«Hindi, wala ito, Guro! Maging ano pa man, ito ay para sa Inyo… Ngunit nabigyan ko sila ng masakit din. Maaaring napuno ako ng dugo…»

«Oo, sa iyong pisngi. May isang sapa rito.»

Si Juan ay nagbasâ ng isang maliit na piraso ng tela at pinupunasan ang pisngi ni Judas.

«Ikinalulungkot Ko, Judas… Ngunit tingnan mo,… ang sabihin sa kanila na tayo ay mga Judaean, ayon sa iyong mabuting praktikal na sentido komun…»

«Sila ay mga hayop. Naniniwala ako na kumbinsido na Kayo ngayon, Guro. At umaasa ako na hindi Kayo mamimilit…»

«O! hindi! Hindi dahil sa Ako ay natatakot. Bagkus dahil ito ay walang pakinabang, ngayon lang. Kapag sila ay ayaw tayong pakinggan, hindi natin sila kailangan na isumpa, bagkus umalis nagdarasal para sa kaawa-awa, tangang mga tao, na namamatay sa pagkagutom at hindi makita ang Tinapay. Tayo ay dumaan sa papalabas na daanan na ito, patungo sa mga pastol, kung makikita natin sila. Sa palagay Ko mararating natin ang daan ng Hebron...»

«Upang magkaroon ng mas marami pang bato na itatapon sa atin?»

«Hindi. Upang sabihin sa kanila: “Ako ay naririto”.»

«Ano?... Sila ay tiyak na bubugbugin tayo. Sila ay matagal nang naghihirap sa loob ng tatlumpung taon dahil sa Inyo.»

«Malalaman natin.»

Pinasok nila ang isang malamig, malilim, makapal na maliit na kakahuyan, at nawala sila sa aking paningin.

(381)030810/041213

Sunod na kabanata.