76. Si Jesus sa Juttah Kasama ang Pastol na si Isaac.

Enero 12, 1945.

¹Isang luntiang lambak umuugong sa tubig ng isang malaplatang maliit na ilog umaagos nang mabulâ pagawing timog sa pagitan ng mga bato. Ang masayang kasariwaan ng tubig ay kumakalat sa maliit na mga pastulan sa mga pampang, ngunit ang singaw nito ay tila umaakyat hanggang sa pinaka berdeng mga dalisdis ng mga burol. Ito ay isang maganda, iba't iba, esmeraldang kaberdehan, na mula sa lupa hanggang sa mga palumpong at mga tanim ng makapal na dawagan ay umaabot hanggang sa tuktok ng matataas na punungkahoy ng kakahuyan. Ang karamihan nito ay mga puno ng nugales. Ang kakahuyan ay may mga pulu-pulo na berdeng bukás na espasyo, puno ng makapal na damo, na mabuti, masustansiyang mga pastulan para sa mga kawan.

Si Jesus ay pababa patungo sa ilog kasama ang Kanyang mga disipulo at ang tatlong pastol. Siya ay tumigil nang matiyaga upang hintayin ang isang tupa na naiwanan o nang ang isa sa mga pastol ay kinailangan na habulin ang isang kordero na naligaw. Siya ay ang Mabuting Pastol ngayon. Siya ay nakakuha para sa Kanyang Sarili ng isang mahabang sanga upang maitulak sa tabi ang mga sanga ng blackberry, hawthorn at mga clematis, na nakausli mula sa lahat na direksiyon, at sumasabit sa mga damit. At ang mahabang sanga ay nakukumpleto ang Kanyang pástorál na pigura.

«Kita Ninyo? Ang Juttah ay nasa itaas doon.  Tatawirin natin ang ilog, may tawiran diyan, na malaki ang pakinabang sa tag-init, nang hindi na gagamitin ang tulay. Mas madali sanang pumunta kung dadaan ng Hebron. Ngunit ayaw Ninyo ito.»

«Hindi. Pupunta tayo sa Hebron saka na. Tayo ay kailangan na pumunta muna sa mga naghihirap. Ang patay ay hindi na naghihirap pa kapag sila'y naging mga makatarungang tao. At si Samuel ay isang makatarungang tao. At kung ang mga patay ay kailangan ang ating mga dasal, hindi kinakailangan na málapit sa kanilang mga buto upang manalangin para sa kanila.

Mga buto? Ano ang mga ito? Isang katibayan ng kapangyarihan ng Diyos Na gumawa sa tao sa pamamagitan ng alikabok. Ngunit wala nang iba pa. Ang mga hayop din ay may mga buto.  Ngunit ang mga kalansay ng lahat na mga hayop ay hindi napaka perpekto katulad ng sa tao, at ang kanyang mukha ay nakatingin nang paharap at pataas nang hindi na kinakailangan na pilipitin ang kanyang leeg; ang tao ay nakatinging pataas, patúngo sa Tahanan ng Ama. Ngunit ang mga ito ay mga buto pa rin. Alikabok na babalik sa alikabok. Ang eternal na Kagandahang-loob ay nagpasya na buuin muli ang mga ito sa eternal na Araw upang mabigyan ng mas malaki pang lugod ang pinagpalang mga kaluluwa. Isipin na lang: hindi lamang na ang mga kaluluwa ay magkakasáma-samang muli at magmamahalan sa isa’t isa bagkus nang mas mahigit pa kaysa noong nagmamahalan sila sa lupa: magbubunyi rin sila nakikita ang isa't isa  nang may gayon ding mga hitsura na mayroon sila sa lupa noon: mahal na mga kulot na buhok ng mga anak, katulad ng iyo, Elias, mga tatay at mga nanay na may nagmamahal na mga puso at mga mukha katulad ng sa iyo Levi at Jose. Hindi, hindi lamang iyan, bagkus sa kaso mo Jose, iyon ay ang magiging araw kung saan sa wakas makikita mo ang mga mukha ng para kung kanino ikaw ay nakararamdam ng galimgim. Wala nang mga ulila, walang mga balo sa pagitan ng makatarungan, sa itaas doon…

Ang mga panalangin para sa patay ay maaaring bigkasin kahit saan. Iyan ay panalangin ng isang kaluluwa para sa kaluluwa ng isang kamag-anak sa Perpektong Espiritu, Na siyang ang Diyos, Na naroroon kahit saan. O! banal na kalayaan ng kung ano ang espirituwal! Diyan ay walang mga distansiya, walang pagkakapatapon, walang mga kulungan, walang mga libingan… Walang makapaghahati o makapagpipigil sa masakit na kainutilan ng kung ano ang nasa labas at nasa itaas ng mga tanikala ng laman. Kayo ay pupunta kasama ang mas mabuting bahagi ninyo, patungo sa inyong mga minamahal. At sila ay pupunta sa inyo kasama ang kanilang mas mabuting bahagi. At ang buong pagmamahalan ng mga kaluluwa ay iikot sa paligid ng Eternal na Ikutan, sa paligid ng Diyos: ang Pinaka Perpektong Espiritu, ang Tagapaglikha ng lahat na naroroon noon, naririto ngayon at mapaparito, ang Pag-ibig na nagmamahal sa inyo at nagtuturo sa inyo kung papaano magmahal…

²Ngunit naririto na tayo ngayon sa tawiran. Nakakakita Ako ng hilera ng mga bato nakausli mula sa mababaw na tubig.»

«Oo, Guro, iyan ay ang isang iyon doon. Sa panahon ng mga baha ito ay isang umaatungal na talon, ngayon ay may pitong maliliit na agos dumadaloy nang panatag sa pagitan ng anim na malalaking bato ng tawiran.»

Sa katotohanan, anim na malalaking bato, tinabas nang kudradung-kudrado, ang inilatag patawid ng ilog, mga isang talampakan ang pagitan sa isa’t isa at ang tubig, na sa harapan nila ay katulad ng isang kumikislap na ribon, nahahati sa pitong maliliit na agos, nagmamadaling masaya na magkasamang muli sa kabila ng tawiran, pinoporma ang isa lamang na sariwang agos na dumadaloy, bumubulà sa pagitan ng mga bato.

Ang mga pastol ay pinagmamasdan ang mga tupa na tumatawid, ang ilan ay naglalakad sa ibabaw ng mga bato, ang ilan mas gustong tumawid sa tubig mismo, isang talampakan lamang ang lalim, at iniinom nila ang puro na lumalagukgok na tubig.

Si Jesus ay tumatawid dumaraan sa mga bato sinusundan ng Kanyang mga disipulo. Sila ay nagpatuloy sa paglalakad sa kabilang pampang.

«Sinabi Ninyo sa akin na ibig Ninyong masabihan si Isaac na Kayo ay naririto, ngunit ayaw Ninyong pumunta sa nayon?»

«Oo, iyan ang gusto Ko.»

«Bueno, mas mabuti pang maghiwalay tayo. Ako ay pupunta sa kanya, sina Levi at Jose ay mananatiling kasama ang kawan at kasama Kayo. Ako ay tataas dito. Mas magiging mabilis ito.» At si Elias ay nagsimulang akyatin ang tabi ng bundok, patungo sa mapuputing bahay na mga napakaningning sa itaas doon sa loob ng sikat ng araw.

³Ako ay tila sumusunod sa kanya. Siya ay ngayon nasa unang mga bahay na. Siya ay dumaraan sa isang munting landas sa pagitan ng mga bahay at mga pangkusinang-hardin. Siya ay naglalakad nang gayon sa loob ng mga ilang metro. Pagkatapos siya ay lumiko patungo sa isang mas maluwang na kalsada at pagkatapos pinasok ang liwasan. Nakalimutan kong banggitin na ito ay nangyayari sa maagang mga oras ng umaga, Sinasabi ko ito ngayon sapagkat ang palengke ay abalá pa sa liwasan at ang mga maybahay na babae at mga nagtitinda ay sumisigaw sa ilalim ng malilim na mga punungkahoy ng liwasan.

Si Elias ay pumunta nang disidido sa punto kung saan nagtatapos ang liwasan at ang isang magandang kalsada ay nagsisimula. Baka ang pinakamaganda sa nayon. Sa isang sulok ay may isang maliit na bahay, o kung baga, isang silid na ang pintuan nakabukas nang maluwang. Halos sa pamasukan ay may isang maliit na higaan, sa ibabaw kung saan ang isang nangayayat na may-sakit na lalaki ang nakahiga, humihingi sa lahat na nagdaraan ng limos, sa isang madaing na tinig.

Si Elias ay sumulpot sa loob. «Isaac… ako ito.»

«Ikaw? Hindi kita inaasahan. Naririto ka noong nakaraang buwan.»

«Isaac… Isaac… Alam mo ba kung bakit ako naririto?»

«Hindi, hindi ko alam… Ikaw ay nananabik. Ano ang nangyayari?»

«Nakita ko si Jesus ng Nazareth, Siya ay isang lalaki na, ngayon, isang rabbi. Siya ay dumating hinahanap ako… at ibig Niyang makita tayo. O! Isaac! Masama ba pakiramdaman mo?»

Si Isaac, sa katunayan, ay napasandal patalikod na tila siya ay namamatay. Ngunit siya ay natauhan: «Hindi. Ang balita… Nasaan Siya? Ano ang hitsura Niya? O! Kung makikita ko lamang Siya!»

«Siya ay nasa ibaba sa lambak. Pinadala Niya ako upang sabihin sa iyo itong eksakto: “Halika, Isaac, sapagkat ibig kitang makita at pagpalain”. Tatawag na ako ngayon ng isa na tutulong sa akin at ibaba kita.»

«Iyan ba ang Kanyang sinabi?»

«Oo, iyan. Ngunit ano ang ginagawa mo?»

«Pupunta ako.»

Si Isaac ay itinapon ang mga blanket, iginalaw ang kanyang paralisadong mga paa, pinakilos ang mga ito palabas ng dayaming kutson, inilagay ang mga ito sa sahig, siya ay tumayo, nagdadalawang-isip, at nanginginig. Ang lahat ng ito ay nangyari sa isang iglap, sa ilalim ng nakadilat na mga mata ni Elias… na sa wakas nakaintindi at nagsimulang sumigaw… Ang isang maliit na babae ay sumilip nang mausyoso. Nakita niya ang maysakit na tumayo at tinakpan ang sarili sa pamamagitan ng isa sa mga blanket, dahil wala siyang iba pa, at tumakbong umalis, sumisigaw katulad ng isang baliw.

«Tayo na… sa daan na ito, mas madali ito at hindi natin masasalubong ang pulutong… Bilis, Elias.»

Sila ay tumakbo dumaraan sa isang maliit na pintuan ng isang pangkusinang-hardin sa likod, itinulak nila ang geyt, gawa sa mga tuyong sanga, at nang nasa labas na, tumakbo sila sa tabi ng isang makitid na landas, pagkatapos sa ibaba sa isang maliit na daan sa tabi ng mga pangkusinang-hardin at sa huli dumaraan sa mga parang at mga palumpungan, hanggang mismo sa ilog sa ibaba.

«Naroon si Jesus, sa banda roon» sabi ni Elias, itinuturo Siya. «Ang mataas, magandang lalaki na isa, na may magandang buhok, may puting tunika at pulang manta…»

⁴Si Isaac ay tumatakbo, dumaan siya sa gitna ng nanginginain na mga tupa, at nang may sigaw ng pananagumpay, lugod at pagsamba siya ay nagpatirapa sa paanan ni Jesus.

«Tumayo ka, Isaac. Ako ay naparito. Upang dalhan ka ng kapayapaan at mga pagpapalà. Tumayo ka, upang sana makita Ko ang iyong mukha.»

Ngunit si Isaac, ay hindi makatayo. Sa labis na kasabikan sa iisang pangyayaring iyon at siya ay nananatiling nakapatirapa, na ang kanyang mukha nakadikit sa lupa, umiiyak nang masaya.

«Ikaw ay pumunta kaagad. Hindi ka nag-alala kung makakapunta ka…»

«Sinabi Ninyo sa akin na pumunta… at ako'y pumunta.»

«Ni hindi na niya isinara ang pinto o pinulot ang mga limos, Guro.»

«Hindi na bale iyon. Ang mga anghel ay babantayan ang kanyang bahay. Masaya ka ba, Isaac?»

«O! Aking Panginoon!»

«Tawagin mo Akong Guro.»

«Oo, aking Panginoon, aking Guro. Kahit na kung hindi Ninyo ako pinagaling, magiging masaya pa rin akong makita Kayo. Papaano ako nakatagpo ng labis na grasya sa Inyo?»

«Dahil sa iyong pananampalataya at tiyaga, Isaac. Alam Ko kung gaano ka labis naghirap…»

«Wala! wala! Hindi bale iyon! Natagpuan ko Kayo. Kayo ay buhay. Kayo ay naririto. Iyan ang mahalaga. Ang iba pa, ang lahat na iba pa ay tapos na. Ngunit, aking Panginoon at aking Guro, hindi na Kayo aalis pa muli, tama ba iyon?»

«Isaac, kailangan Kong ma-ebanghelyo ang buong Israel. Ako ay aalis… Ngunit kung Ako ay hindi makapananatili, lagi mong mapaglilingkuran at masusundan Ako. Ibig mo bang maging Aking disipulo, Isaac?»

«O! Ngunit wala akong kakayahan!»

«Maipapahayag mo ba kung sino Ako nang tahasan? Ipahayag nang tahasan laban sa mga pagmamaliit at mga pagbabanta? At sabihin sa mga tao na tinawag kita at ikaw ay pumunta?»

«Kahit na kung ayaw Ninyo, ipapahayag ko ang lahat na iyan nang tahasan. Masusuway ko Kayo diyan, Guro. Patawarin ako sa pagsasabing ganyan.»

Si Jesus ay ngumingiti: «Nakikita mo kung gayon na kaya mong maging isang disipulo!»

«O! Kung iyan lamang ang kailangan na gawin ng isa! Akala ko ito ay mas mahirap pa, na kailangan namin na pumasok sa paaralan kasama ang mga rabbi upang matutunan kung papaano Kayo mapaglilingkuran, Kayo, ang Rabbi ng mga rabbi… at ang pumasok sa iskuwelahan sa edad kong ito…» Ang mamâ sa katotohanan ay mga limampung taong gulang man lamang ang edad.

«Nagawa mo na ang iyong pag-iskuwela, Isaac.»

«Ako? Hindi.»

«Oo, nagawa mo na. Hindi ba’t nagpatuloy kang maniwala at magmahal, magrespeto at pinagpapala ang Diyos at ang iyong kapwa, hindi nagiging inggitin, hindi naghahangad ng pag-aari ng ibang mga tao, at kahit na ng dating sa iyo at hindi mo na naaari, nagsasalita lamang ng katotohanan, kahit na kung ito ay makapipinsala sa iyo, hindi nakikisama kay Satanas gumagawa ng mga kasalanan? Hindi ba't nagawa mo na ang lahat na ito, sa loob ng nakaraang tatlumpung taon ng mga kamalasan?»

«Oo, Guro.»

«Kung gayon nakikita mo, na tapos ka na sa pag-aaral. Ipagpatuloy ang ginagawang ito at ibunyag, bilang karagdagan, sa mundo, na Ako ay nasa mundo. Wala nang iba pa ang kailangang gawin.»

⁵«Naipahayag ko na Kayo, Panginoong Jesus. Naipahayag ko Kayo sa mga bata, na madalas pumunta, noong ako ay dumating na baldado sa nayon na ito, nanghihingi ng tinapay at gumagawa ng ilang gawain, katulad ng paggugupit sa mga tupa at paggagatas na gawain, at ang mga bata ay madalas na pumunta sa paligid ng aking higaan, noong ako ay lumala at naparalisa mula sa baywang pababa. Nagsalita ako tungkol sa Inyo sa mga bata nang maraming nakaraang mga taon na, at sa mga bata ng kasalukuyang mga panahon, na mga anak ng mga dating bata… Ang mga bata ay mabubuti at lagi silang naniniwala… sinabi ko sa kanila ang tungkol sa Inyong kapanganakan… ang tungkol sa mga anghel… ang tungkol sa Bituin at sa mga Mago… at ang tungkol sa Inyong Ina… O! Sabihin sa akin. Siya ba ay buháy?»

«Siya ay buháy at ipinaaabot Niya ang Kanyang mga pag-aalaala sa inyo. Lagi Siyang nagsasalita ng tungkol sa inyong lahat.»

«O! Kung makikita ko lamang Siya!»

«Makikita mo Siya. Pupunta ka sa Aking bahay isang araw. Si Maria ay babatiin ka nagsasabing: “Aking kaibigan”.»

«Maria… oo, kapag binibigkas mo ang pangalan na iyan ito ay katulad ng pinupuno mo ang iyong bunganga ng pulot… May isang babae sa Juttah, siya ay malaki na ngayon, nanganak siya ng kanyang ikaapat hindi pa nagtatagal, ngunit dati siya ay maliit na bata, isa sa aking maliliit na kaibigan… at tinawag niya ang kanyang mga anak: Maria at Jose ang dalawang una, at sa dahilan na ayaw niyang mangahas na tawagin ang ikatlo na Jesus, tinawag niya siya na Immanuel, bilang mabuting pangitain para sa kanyang sarili, sa kanyang tahanan at sa Israel. At ngayon iniisip niya ang pangalan na ibibigay niya sa ikaapat, pinanganak anim na araw pa lamang ang nakakaraan. O! Kapag mapakinggan niya na ako ay pinagaling! At na Kayo ay naririto! Si Sarah ay kasing buti ng isang gawang-bahay na tinapay, at ang kanyang asawa na si Joachim ay napakabuti rin. At ang kanilang mga kamag-anak? Utang ko sa kanila ang aking buhay. Lagi nila akong tinutulungan at pinatutuloy.»

«Tayo na at humingi tayo ng ospitalidad sa loob ng maiinit na oras ng araw at upang pagpalain sila para sa kanilang karidad.»

«Sa daan na ito, Guro. Mas madali ito para sa mga tupa at maiiwasan natin ang mga tao, na tiyak-na-tiyak na nagkakagulo. Ang matandang babae, na nakakita sa akin na bumabangon, ay tiyak na nasabihan na sila.»

⁶Sinusundan nila ang ilog, pagkatapos sa mas malayo pa patungong timog, sila ay humiwalay dito, at kinuha ang isang matarik na landas, sinusundan ang isang kalantaran ng bundok na may hugis ng isang dulo ng isang barko. Ngayon ang ilog ay umaagos nang pasalungat sa direksiyon ng mga umaakyat. Ang tubig ay umaagos sa isang magandang di-pantay na lambak na naporma nang pagsalubong ng dalawang kabit-kabit na mga bundok. Natatandaan ko ang lugar. Ito'y hindi mapagkakamalan. Ito ang tagpo ng bisyon tungkol kay Jesus at ng mga bata, na nakita ko nang nakaraang tagsibol. Ang karaniwan na maliit na pader na gawa sa pinagpatung-patong na mga bato ang nagtatanda sa mga hangganan ng ari-arian, na bumababa patungo sa lambak. Nakikita ko ang parang na may mga púno ng mansanas, igos, nugales, pagkatapos ang puting bahay na napaliligiran ng berdeng mga bakuran, kasama ang umuusling bahagi ng bahay na nagpoprotekta sa hagdanan at napoporma nito ang isang portiko at balkonahe. At naroroon ang isang maliit na simboryo sa pinakamataas na bahagi, ang pangkusinang-hardin kasama ang bubon, ang pergola at ang mga taniman ng mga bulaklak…

Ang isa ay makaririnig ng maraming sigawan mula sa bahay. Si Isaac ay lumakad sa harapan nilang lahat. Siya ay pumasok. Siya ay tumawag sa tuktok ng kanyang tinig: «Maria, Jose, Immanuel! Nasaan kayo? Halikayo kay Jesus.»

Tatlong maliliit na bata ang tumakbo: isang babae mga limang taong gulang, at dalawang lalaki, mga apat at dalawang taong gulang, ang huli ay medyo nagdadalawang-isip kapag naglalakad. Sila ay natulala nang kanilang makita ang… nakapanumbalik na lalaki. Pagkatapos ang maliit na babae ay sumigaw: «Isaac! Inay! Si Isaac ay naririto! Tama si Judith.»

Ang isang babae ay lumabas mula sa isang silid, kung saan naroroon ang maingay na sigawan: ang bilugan, kayumanggi, matangkad, magandang ina ng nakaraang bisyon, napakaganda sa kanyang pinakamagandang damit: isang kaputiang-niyebeng linen na damit, katulad ng isang marangyang kamison na may mga kulubot umaabot hanggang sa kanyang mga bukung-bukong, natatalian sa kanyang maayos-na-kinorteng baywang sa pamamagitan ng isang maraming-kulay na may raya-rayang bandana, na nagtatakip sa kanyang magandang mga balakang bumabagsak na may mga palawit hanggang sa likuran ng kanyang mga tuhod, habang sa harapan ito ay ibinuhol sa ilalim ng piligrinang hibilya at ang mga dulo nito ay nakalawit lamang. Ang isang magaan na belo na may burda ng mga sanga ng rosas sa beige na kaligiran ay nakaipit sa kanyang itim na mga tirintas, katulad ng isang munting turban, at bumabagsak sa kanyang leeg sa umaagos na mga tiklop at pagkatapos sa kanyang mga balikat at dibdib.  Ito ay nahahawakan nang mahigpit sa kanyang ulo sa pamamagitan ng isang maliit na korona ng mga medalyon na pinagkabit-kabit sa pamamagitan ng isang platang kuwintas na nakasuot sa mga butas-butas ng kanyang damit. May suot siya ng mabigat na mga pulseras sa kanyang mga braso.

«Isaac! Ano ito? Si Judith… akala ko siya ay nasisiraan ng ulo… Ngunit ikaw ay naglalakad! Ano ang nangyari?»

«Ang Tagapagligtas! O! Sarah! Siya ay naririto! Siya ay dumating!»

«Sino? Si Jesus ng Nazareth? Nasaan Siya?»

«Sa banda roon! Sa likuran ng puno ng nugales, at ibig Niyang malaman kung tatanggapin mo Siya!»

«Joachim! Inay! Halikayo, kayong lahat! Ang Mesiyas ay naririto!»

«Ang mga kababaihan, kalalakihan, mga batang lalaki, ang maliliit ay nagtatakbuhan at nagsisigawan… ngunit nang kanilang makita si Jesus, matangkad at maringal, pinanghinaan sila ng loob at natulala.

«Kapayapaan sa bahay na ito at sa inyong lahat. Ang kapayapaan at pagpapalà ng Diyos.» Si Jesus ay naglalakad nang dahan-dahan, ngumingiti, patungo sa grupo. «Aking mga kaibigan: magbibigay ba kayo ng pag-aruga sa Dumaraan?» at lalo pa Siyang ngumingiti.

Ang Kanyang ngiti ay napangibabawan ang lahat ng takot. Ang asawang lalaki ay naglakas-loob: «Pasok Kayo, Mesiyas. Minahal namin Kayo bago pa Kayo makilala. Mas lalo pa namin Kayong mamahalin matapos na makilala Kayo. Ang bahay ay nagdiriwang ngayon para sa tatlong dahilan: para sa Inyo, para kay Isaac at para sa sirkunsisyon ng aking ikatlong anak. Pagpalain siya, Guro. Babae, dalhin ang sanggol! Pasok Kayo, aking Panginoon.» Sila ay pumasok sa silid na may mga dekorasyon para sa kapistahan. May mga mesa na may mga pagkain, may mga alpombra at mga sanga ng punungkahoy kahit saan.

Si Sarah ay bumalik na may kargang isang bagong-panganak na sanggol. Ipinakita niya ito kay Jesus.

«Harinawang ang Diyos ay lagi niyang makasama. Ano ang kanyang pangalan?»

«Wala pa. Ito ay si Maria, ito si Jose, ito si Immanuel… ngunit ang isang ito ay wala pang pangalan…»

Si Jesus ay tinitingnan ang mga magulang, na magkalapit, Siya ay ngumingiti: «Maghanap ng pangalan, kung siya ay kailangan na matule ngayon…»

Sila ay nagtinginan sa isa’t isa, tiningnan nila Siya, ibinuka nila ang kanilang mga bunganga at isinara itong muli nang walang sinabi kahit ano. Ang lahat ay maasikasong naghihintay.

Si Jesus ay namimilit: «Ang kasaysayan ng Israel ay may napakarami, matatamis, pinagpalang mga pangalan. Ang pinaka matamis at pinagpalang mga pangalan ay naibigay na. Ngunit baka may ilan pang naiiwan.»

Ang mga magulang ay sumigaw nang magkasabay: «Ang Inyo, Panginoon!» at ang ina ay nagdagdag: «Ngunit ito ay napakabanal…»

Si Jesus ay ngumiti at nagtanong: «Kailan siya tutuliin?»

«Naghihintay kami sa magtutule.»

«Ako ay naririyan sa seremonya ng pagtule. At sa pansamantala ibig Kong pasalamatan kayo para sa inyong ginawa sa Aking Isaac. Hindi na siya mangangailangan ng tulong ng mabubuting tao. Ngunit ang mabubuting tao ay nangangailangan pa rin ng Diyos. Tinawag ninyo ang inyong ikatlong anak: Ang Diyos ay mapasaamin. Ngunit nasa inyo na ang Diyos mula pa nang kayo ay naging mapagkawanggawa sa Aking lingkod.  Pagpalain nawa kayo. Ang inyong karidad ay maaalaala sa Langit at sa lupa.»

«Si Isaac ba ay aalis na ngayon? Iiwanan na ba niya kami?»

«Iyan ba ay nagpapabalisa sa inyo? Ngunit kailangan niyang paglingkuran ang kanyang Guro. Ngunit siya ay darating, at gayon din Ako. Pansamantala, kayo ay magsasalita tungkol sa Mesiyas… Marami ang kailangan na masabi upang makumbinsi ang mundo! Ngunit naririto na ang tao na hinihintay ninyo.»

⁷Ang isang magarbong personahe ay pumapasok may kasamang isang katulong. May mga pagbati at mababang pagyuko. «Nasaan ang bata?» nagtanong siya nang may kayabangan.

«Siya ay naririto. Ngunit batiin ang Mesiyas. Siya ay naririto.»

«Ang Mesiyas! Ang isa na nagpagaling kay Isaac? Napakinggan ko ang tungkol diyan. Ngunit… pag-uusapan natin ang tungkol diyan pagkatapos. Ako ay nasa mahigpit na pagmamadali. Ang bata at ang kanyang pangalan.»

Ang mga taong naroroon ay napapahiya sa mga pag-asal ng mamâ. Ngunit si Jesus ay ngumingiti na tila ang kawalang-paggalang ay hindi nakatuon para sa Kanya. Kinuha Niya ang bata, hinihipo Niya ang kanyang maliit na noo sa pamamagitan ng Kanyang magagandang daliri, na tila ibig Niyang ikonsagra siya at nagsabi: «Ang kanyang pangalan ay Jesai» at Kanya siyang iniaabot muli sa kanyang ama, na pumupunta sa isa pang silid kasama ang mayabang na mamâ at ang iba pang mga tao. Si Jesus ay nananatili sa Kanyang kinaroroonan hanggang sa sila ay bumalik kasama ang sanggol, na umiiyak nang husto.

«Babae, ibigay mo sa Akin ang sanggol. Hindi na siya iiyak pa muli» sinabi Niya upang mapaginhawahan ang nahihirapang ina. Sa katunayan ang sanggol, mula nang mailapat sa mga tuhod ni Jesus ay nanahimik.

Si Jesus ay pumorma ng Kanyang sariling grupo, sa pamamagitan ng mga maliliit na bata sa paligid Niya, at sa pamamagitan din ng mga pastol at mga disipulo. Ang mga tupa na ikinulong ni Elias ay mga nag-iingay sa labas. Naririyan ang ingay ng handaan sa loob ng bahay. Sila ay nagdadala ng mga matamis na kakanin at mga inumin kay Jesus. Ngunit si Jesus ay iniaabot ito sa mga bata.

«Hindi Kayo umiinom, Guro? Hindi ba Kayo kukuha ng kahit ano. Ito ay ibinibigay namin nang may labis na lugod.»

«Alam Ko, Joachim, at tinatanggap Ko ito nang buong puso. Ngunit pabayaan mong pasayahin Ko muna ang mga maliliit na bata. Sila ay ang Aking lugod…»

«Huwag Ninyong pansinin ang tungkol sa mamâ na iyon, Guro.»

«Hindi, Isaac. Magdarasal Ako na sana makita niya ang Liwanag. Juan, dalhin mo ang dalawang bata upang makita ang mga tupa. At ikaw, Maria, lumapit ka pa sa Akin at sabihin mo sa Akin: Sino Ako?»

«Kayo ay si Jesus, ang Anak ni Maria ng Nazareth, ipinanganak sa Bethlehem. Kayo ay nakita ni Isaac at ibinigay niya sa akin ang pangalan ng Inyong Ina, na ako ay sana maging mabait.»

«Upang magaya Siya, kailangan na maging mabait ka katulad ng isang anghel ng Diyos, mas dalisay pa sa isang liryo na namumulaklak sa tuktok ng isang bundok, kasing banal ng pinakabanal na Levita. Magiging ganyan ka ba?»

«Oo, Jesus, magiging ganyan ako.»

«Sabihin: Guro o Panginoon, maliit na bata.»

«Hayaan siyang tawagin Ako sa pamamagitan ng Aking pangalan, Judas. Kapag binibigkas lamang ito ng mga inosenteng labì, hindi ito nawawalan ng tunog na mayroon ito sa mga labì ng Aking Ina. Ang lahat, sa buong hinaharap na mga siglo, ay babanggitin ang pangalan na iyan, ang ilan dahil sa isang interes o iba pa, ang ilan upang isumpa ito. Tanging ang inosenteng mga tao lamang, na walang kahit anong interes at ano pa man na kapootan, ang bibigkasin ito nang may pagmamahal katulad ng mayroon ang maliit na batang ito at ang Aking Ina. Ang mga nagkakasala ay pananawagan din Ako, sapagkat nangangailangan sila ng awa. Ngunit ang Aking Ina at ang maliliit na bata! Bakit tinatawag mo Akong Jesus?» Nagtatanong Siya, hinahaplos ang maliit na batang babae.

«Sapagkat minamahal ko Kayo… katulad na minamahal ko ang aking itay, ang aking inay at ang aking maliliit na kapatid» sabi niya, niyayakap ang mga tuhod ni Jesus, at ngumingiti na ang kanyang ulo nakatingala. At si Jesus ay yumuyuko at hinahalikan siya… at ang lahat ay nagtatapos.

(395)030810/041313

Sunod na kabanata.