80. Si Jesus Bumalik sa Bundok Kung Saan Siya Nag-ayuno at sa Bato ng Panunukso.

Enero 17, 1945.

¹Isang napakagandang bukang-liwayway sa disyerto, nakikita mula sa kataasan ng isang tabi ng isang bundok. Ngayon ay pagsikat-ng-araw. Ang iilan na mga bituin ay makikita pa at ang isang napakanipis na arko ng isang naglalahong buwan ay nagmumukhang isang pilak na koma sa madilim na asul ng tersiyopelo ng kalangitan.

Ang bundok ay lubos na nag-iisa, ibig-sabihin, hindi ito nakaugnay sa ano pa man na ibang kabit-kabit na mga bundok. Ngunit ito ay isang tunay na bundok, hindi isang burol. Ang tuktok ay labis na mas mataas pa, ngunit mula sa gitna ng dalisdis nito makakakita ang isa ng isang napakalawak na kagiliran, sapagkat siya ay napakataas na mula sa pinaka-lebel ng lupa. Sa loob ng sariwang hangin ng umaga, habang ang malabong maputing medyo-berdeng liwanag ng bukang-liwayway ay lumilinaw nang lumilinaw, ang mga hugis at mga detalye ay unti-unting makikita, samantalang kanina ang mga ito ay nakatago sa loob ng hamog na nangunguna sa pagsikat-ng-araw, isang hamog na mas madilim kaysa sa gabi, sapagkat ang liwanag ng mga bituin ay tila humihina at naglalaho sa pagbago ng oras mula sa araw hanggang gabi. Kung gayon nakikita ko na ang bundok ay mabato at tigang, nahahati ng mga bangin na pumoporma ng mga gruta, kuweba at mga butas sa tabi nito. Ito ay tunay na ilang: tanging kung saan may ilang lupa lamang na makatatanggap at makapagpipigil sa singaw ng ulan, may ilan-ilan na berdeng mga tungkos ng tanim, karamihan tuwid na matitinik na tanim, na may napakakaunting dahon, at mabababang palumpong ng damo katulad ng manipis na berdeng mga patpat, na ang pangalan nito ay hindi ko alam.

Sa ibaba ay may mas lalo pang tigang na kapatagan, isang patag na mabatong lupa na nagiging mas tigang habang umuunat itong palabas patungo sa isang madilim na lugar, mas mahaba kaysa mas malapad, mga limang beses man lamang ang mas kahabaan kaysa kalaparan, na sa palagay ko ay maaaring isang siksik na oasis, na sumulpot sa labis na kalungkutan, dahil sa mga tubig na nanggagaling sa ilalim ng lupa. Ngunit noong ang liwanag ay naging mas matingkad, nakita ko na ito ay wala bagkus tubig. Bungkok, maitim, patay na tubig. Isang lawa ng walang-hanggang kalungkutan. Sa walang-galaw na kaunting liwanag ito ay nagpapaalaala sa akin tungkol sa patay na daigdig. Tila hinihigop nito ang lahat na kadiliman ng kalangitan at ang lahat na kapanglawan ng nakapaligid na lugar, tinutunaw sa loob ng walang-galaw na tubig nito ang madilim na kaberdehan ng matitinik na palumpong at ng matitigas na damo na sa milya-milya sa paikot dito at sa itaas nito, ito lamang ang tanging dekorasyon ng lupa. At pagkatapos na salain ang labis na kapanglawan tila ikinakalat nitong muli ito sa paligid. Gaano ito kaiba sa maaraw, ngumingiting lawa ng Gennesaret!

Sa itaas, tinitingnan ang malinaw na asul na kalangitan, na mas lumilinaw pa nang lumilinaw, tinitingnan ang liwanag na lumalapit mula sa silangan sa palalim pa nang palalim na kaningningan, ang kaluluwa ng isa ay magbubunyi. Ngunit tinitingnan ang dambuhalang, patay na lawa, mabibigyan ang isa ng isang saksak sa puso. Wala ni isang ibon ang lumilipad sa ibabaw ng tubig. Wala ni isang hayop ang nasa dalampasigan nito. Wala.

²Habang pinagmamasdan ko ang labis na kapanglawan, ako ay nagising ng tinig ng aking Jesus: «Naririto na tayo sa lugar na ginusto Ko.» Ako ay tumalikod. Nakita ko Siya sa likuran ko, kasama sina Juan, Simon at Judas, malapit sa mabatong dalisdis ng bundok, kung saan may isang maliit na landas, o kung baga, kung saan ang matagal na pag-aagnas ng mga tubig, sa maulan na mga buwan, ay pumorma ito sa loob ng maraming siglo, ng isang napakababaw na kanal, isang daluyan ng tubig na nanggagaling sa tuktok ng bundok at siyang isang naging landas para sa layas na mga kambing kaysa para sa mga tao.

Si Jesus ay tumitingin sa kapaligiran at inuulit Niya: «Oo, ito ang lugar kung saan ibig Ko kayong dalhin. Dito ang Kristo naghanda para sa Kanyang misyon.»

«Ngunit wala ng kahit ano rito!»

«Tamang-tama ka, walang anuman dito.»

«Sino ang kasama Ninyo?»

«Kasama Ko ang Aking kaluluwa at kasama Ko ang Ama.»

«Ah! Tumigil lamang Kayo nang kaunting oras!»

«Hindi, Judas. Hindi kaunting oras. Maraming araw…»

«Ngunit sino ang nagsilbi sa Inyo? Saan Kayo natutulog?»

«Ang Aking mga katulong ay ang mababangis na asno na pumupunta upang matulog sa loob ng mga kuweba, kung saan doon din Ako nanilungan. Ang Aking katulong na mga babae ay ang mga agila na nagsasabi sa Akin sa pamamagitan ng kanilang magagaspang na sigaw: “Umaga na” at sila ay aalis lumilipad upang habulin ang kanilang biktima. Ang Aking mga kaibigan ay ang maliliit na buriko na lumalapit halos sa paanan Ko, nananabsab sa layas na mga yerba. Ang Aking pagkain at ang Aking inumin ay ang gayon ding pagkain at inumin ng layas na mga bulaklak: ang hamog ng gabi at ang sikat ng araw. Wala nang iba pa.»

«Ngunit bakit?»

«Upang makapaghanda nang mabuti, katulad ng sinasabi mo, para sa Aking misyon. Ang mga bagay na inihanda nang mabuti ay nagtatagumpay. Sinabi mo ito mismo. At ang Aking bagay ay hindi isang munting bagay, isang walang-kuwentang bagay na magluluwalhati sa Akin, ang Lingkod ng Panginoon, ngunit iyon ay upang maintindihan ng mga tao kung ano ang Panginoon, at sa pamamagitan ng pagkaintinding iyon, magawa Siyang mahalin sa espiritu ng katotohanan. Ang lingkod na ábalá ng tungkol sa kanyang sariling pananagumpay, at hindi sa pananagumpay ng Panginoon, ay isang miserableng tao! Ang lingkod na nananabik na kumita, na nangangarap na uupo siya sa isang mataas na trono na itinayo para sa mga interes ng Diyos, na pínabába sa lupa, samantalang sila ay mga selestiyal na mga interes, ay isa ring miserableng lingkod. Siya ay hindi na isang lingkod, maliban sa panlabas na hitsura. Siya ay isang mangangalakal, isang trapikante, isang mandarayang tao, na dinadaya ang sarili at ang mga tao at gustong mádáya rin ang Diyos... isang kaawa-awang sawing-palad na naniniwala na siya ay isang prinsipe, samantalang siya ay isang alipin. Siya ay pag-aari ng Masamang Isa, ang kanyang hari ng Kasinungalingan. Dito, sa kuwebang ito, ang Kristo ay namuhay nang maraming araw nag-aayuno at nagdarasal upang maging handa para sa Kanyang misyon. At saan mo minumungkahi na Ako ay sana pumunta upang maghanda, Judas?»

Si Judas ay nalito at nataranta. Pagkaraan siya ay tumugon: «Hindi ko malalaman... Iniisip ko sa isang rabbi... o sa mga Essene... Hindi ko alam.»

«At posible ba para sa Akin na makakita ng isang rabbi na makapagsasabi sa Akin nang mahigit pa kaysa sa nasasabi sa Akin ng kapangyarihan at ng karunungan ng Diyos? At Ako ba – Ako ang Eternal na Salita ng Ama, Na naroroon noong nilikha ng Ama ang tao at naka-aalam sa inmortal na kaluluwa na nagpapagalaw sa kanya at sa kapangyarihan ng malayang paghusga na ibinigay sa kanya ng Tagapaglikha – Ako ba ay kukuha ng siyensiya at galíng mula sa mga tumatanggi sa inmortalidad ng mga kaluluwa, sa panghuling resureksiyon at sa kalayaan din ng tao na kumilos, ipinalalagay ang mga birtud at ang mga bisyo, ang banal at masasamang gawain sa isang kapalaran, na sinasabi nila na nakatalaga na at hindi na mapipigilan? Tiyak na hindi!

³Kayo ay may isang kapalaran. Sa isip ng Diyos Na naglilikha sa inyo, ay may isang kapalaran para sa inyo.  Iyan ang hiling ng Ama. At iyan ay isang kapalaran ng pagmamahal, ng kapayapaan, ng kaluwalhatian: “ang kabanalan ng pagiging Kanyang mga anak”. Iyan ang kapalaran na naroroon sa dibinong isip noong si Adan ay hinubog sa pamamagitan ng alikabok at mananatiling naririyan hanggang sa paglikha sa huling kaluluwa ng tao.

Ngunit ang Ama ay hindi kayo pinasásamâ sa inyong pusisyon ng mga hari. Kung ang isang hari ay isang preso, siya ay hindi na isang hari: siya ay isang itinakwil. Kayo ay mga hari sapagkat kayo ay malaya sa inyong maliit na indibidwal na mga kaharian. Sa inyong mga “kaakuhan”. Nagagawa ninyo ang gusto ninyo at kung papaano ninyo ito gusto. Sa harapan ninyo at sa mga hangganan ng inyong maliliit na kaharian mayroon kayong mapagkaibigan na Hari at dalawang kaaway na mga kapangyarihan. Ang Kaibigan ay pinakikita sa inyo ang mga alituntunin na Kanyang binibigay upang maging masaya ang Kanyang mga tagasunod. Pinakikita Niya ito at nagsasabi: “Naririto ito. Sa pamamagitan nito, ang inyong eternal na tagumpay ay tiyak”. Siya, ang Marunong at Banal na Isa, ay pinakikita ito sa inyo upang sana maisabuhay ninyo ito, kung gusto ninyo, at kung gayon tumanggap ng eternal na kaluwalhatian.

Ang dalawang kaaway ay si Satanas at ang laman. Sa laman ang ibig Kong sabihin ay ang inyong laman at ang mundo: sila ay ang mga karangyaan at ang mga panggaganyak ng mundo, ibig sabihin, ang mga kayamanan, mga kapistahan, mga karangalan at mga kapangyarihan na nakukuha sa mundo at nasa mundo, ngunit hindi laging nakukuha nang tapat at ginagamit nang mas lalo pang hindi tapat kapag sa huli nakuha na ito ng tao. Si Satanas, ang panginoon ng laman at ng mundo, ay nagsasalita rin sa katauhan ng mundo at ng laman. Siya rin ay may kanyang mga alituntunin... O! Siya ay tiyak na mayroon! At sa dahilan na ang inyong “kaakuhan” ay nakabalot sa laman, at ang laman ay naiingganyo ng laman, katulad na ang metal na mga pulbos ay nahihigop ng isang batubalani, at ang pag-awit ng Tagatukso ay mas matamis pa kaysa sa awit ng isang ruwinsensor na umiibig sa liwanag ng buwan at nasa pagitan ng mababangong mga palumpong ng mga rosas, mas madaling sundin ang mga alituntunin na iyon, at kumiling patungo sa mga kapangyarihan na iyon at sabihin sa kanila: “Tinitingnan ko kayo na aking mga kaibigan. Pasok kayo”. Pasok kayo... Nakakita na ba kayo ng isang kaalyado na nanatiling tapat magpakailanman, nang hindi humihingi ng sandaang ibayong kapalit para sa tulong na kanyang binigay? Ganyan ang ginagawa ng mga kapangyarihan na iyon. Sila ay pumapasok... At sila ang nagiging mga panginoon. Mga panginoon? Hindi: mga tagapagpatupad ng galera. Itatali nila kayo, mga tao, sa upuan ng galera, kakadenahan kayo, hindi nila pahihintulutan na maitaas ninyo ang inyong mga ulo mula sa kanilang pamatok, at ang kanilang mga hagupit ay mag-iiwan ng dumurugong mga latay sa inyong mga likod kung magtatangka kayong tumakas. Kailangan na tiisin ninyo na magkapira-piraso kayo at maging isang tambak ng gutay-gutay na laman, walang kasilbi-silbi, bilang laman, na itatabi at pagsisipa-sipain ng kanilang malulupit na paa, o kailangan ninyong mamatay sa ilalim ng kanilang mga bigwas.

Kung matitiis ninyo ang martiryo, diyan darating ang Awa, ang Tanging Isa na maaawa pa rin sa nakasusuklam na paghihirap na iyon, na ngayon pinandidirihan na ng mundo, isa sa mga panginoon, at kung saan ang isa pang panginoon, si Satanas, ay magtatapon ng mga palaso ng kanyang paghihiganti. At ang Awa, ang Tanging Isa, ay daraan, yuyuko, pupulutin ito, gagamutin ito, pagagalingin ito at magsasabi: “Halika. Huwag matakot. Huwag mong tingnan ang iyong sarili. Ang iyong mga sugat ay bagkus mga peklat, ngunit napakarami nila na ikaw ay mahihintakutan, dahil sinira nila ang porma mo. Ngunit hindi Ko iyan tinitingnan. Tinitingnan Ko ang iyong mabuting kalooban. Dahil sa iyong mabuting kalooban, ikaw ay markado. Kung kaya't sinasabi Ko sa iyo: minamahal kita. Sumama ka sa Akin”. At dadalhin Niya ito sa Kanyang Bayan. Maiintindihan ninyo pagkatapos na ang Awa at ang mapagkaibigang Hari ay iisang tao lamang. Nakita ninyo ang mga alituntunin na pinakita Niya sa inyo at hindi ninyo ginustong sundin. Ngayon gusto ninyo sila... at ang una ninyong naabot ay ang kapayapaan ng inyong konsiyensya, pagkatapos ang kapayapaan ng Diyos.

Sabihin sa Akin, ngayon. Ang kapalaran bang iyon ay ipinataw ng Diyos sa lahat, o pinili iyon ng isa para sa kanyang sarili?»

«Iyon ay pinili ng bawat isang tao.»

«Tama ka, Simon. Posible ba para sa Akin na pumunta sa mga tumatanggi sa banal na resureksiyon at sa regalo ng Diyos, upang maturuan? Ako ay pumunta rito. Kinuha Ko ang Aking kaluluwa ng Anak ng tao at binigyan Ko ito ng pagtatapos na mga pasada at natapos Ko kung gayon ang trabaho ng tatlumpung taon ng kababaang-loob at ang paghahanda upang maging perpekto sa pagsisimula ng Aking misyon. ⁴Ngayon hinihingi Ko na manatiling kasama Ko para sa kaunting mga araw sa loob ng kuwebang ito. Ang ating pananatili ay magiging hindi masyadong nakalulungkot sapagkat tayo ay magiging apat na magkakaibigan na pinagkakabit-kabit ang ating mga pagsisikap laban sa kalungkutan, sa mga takot, sa panunukso at sa mga mithiin ng laman. Ako noon ay nag-iisa. Ito ay magiging hindi masyadong masakit, sapagkat ngayon ay tag-init na at sa itaas rito, ang mga hangin ng bundok ay binabawasan nito ang init. Pumunta Ako rito noong katapusan ng buwan ng Tebeth at ang hanging umiihip nang pababa mula sa ma-niyebeng mga taluktok ay marahas. Ito ay hindi masyadong magiging nanunubok sapagkat ito ay magiging mas maikli at dahil din nasa atin ang kinakailangang pagkain upang matugunan ang ating pagkagutom at sa maliliit na balat na mga prasko na hiningi Ko sa mga pastol na ibigay sa inyo, ay mas sapat na tubig upang tumagal para sa mga araw ng ating pananatili. Kailangan Kong... makaagaw ng dalawang kaluluwa mula kay Satanas. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagtitika. Hinihingi Ko sa inyo na tulungan Ako. Ito ay magiging isang pagsasanay sa inyo. Matututo kayong mang-agaw ng mga biktima mula kay Mammon:  hindi labis sa pamamagitan ng mga salita katulad na ito ay sa pamamagitan ng sakripisyo... Mga salita!... Ang Satanikong kaingayan ay nagpipigil sa isa na marinig ang mga ito... Ang bawat kaluluwa na isang biktima ng Kaaway ay nakabalot sa isang agos ng mga tinig ng impiyerno... Gusto ba ninyong manatiling kasama Ko? Kung ayaw ninyo, maaari na kayong makaalis at magkikita tayo sa Tekoah, malapit sa palengke.»

«Hindi, Guro, hindi ko Kayo iiwanan» sabi ni Juan, habang si Simon ay bumulalas nang sabay: «Pinarangalan Ninyo kami sa pagkagusto Ninyong makasama kami Ninyo sa panunubos na ito.» Si Judas... ay hindi lumalabas na ganap na nananabik. Ngunit nagpakita siya ng isang magandang mukha sa... kapalaran at nagsabi: «Mananatili ako.»

«Bueno, kunin ang mga prasko at ang mga bag at ilagay sila sa tabi, at bago uminit ang araw, magbiyak ng ilang mga kahoy at ipunin sila malapit sa bitak. Ang mga gabi ay matindi, kahit na sa tag-init, at hindi lahat na mga hayop ay maamo. Magsindi kaagad ng isang sanga. Sa banda roon, isang sanga ng makunat na acacia. Umaapoy iyan nang maganda. Maghahanap tayo sa mga bitak at sa pamamagitan ng apoy paaalisin natin ang mga ahas at mga alakdan. Lakad.»...

⁵... Sa ganoong lugar din sa bundok. Ngunit ngayon ay gabi na. Isang mabituin na gabi. Sa aking palagay ang kagandahan ng isang gayong panggabing kalangitan ay kalulugdan lamang sa halos gayong tropikal na mga bansa. Ang mga bituin ay malalaking maganda at maniningning. Ang mas malalaking konstelasyon ay tila mga tumpok ng pira-pirasong diyamante, ng malilinaw na topasyo, ng maputlang mga sapiro, ng katamtamang mga opalo at malalambot na rubi. Sila ay nanginginig, sila ay nagliliwanag, nawawala silang katulad ng mga sulyap na nakatago sa loob ng isang sandali ng mga pilikmata, at magliliwanag muli nang mas maganda kaysa kanina. Paminsan-minsan may isang bituin na tatawid sa kalangitan at hindi ko malaman kung saan kaya iyon nawala. Isang pagdaan ng isang liwanag na tila isang masayang sigaw ng isang bituin na nakalilipad sa malawak na mga tanawin.

Si Jesus ay nakaupo sa may pamasukan ng yungib at nagsasalita sa tatlong disipulo na mga nakaupong paikot sa Kanya. Maaaring nakapagsindi sila ng apoy, sapagkat sa gitna nila, ang ilang mga dupong ay kasing liwanag pa ng mga baga at tumatama ang mapula-pulang liwanag nito sa kanilang mga mukha.

«Oo. Ang ating pananatili ay tapos na. Noong nakaraan ito ay tumagal nang apatnapung araw… At uulitin Ko na noon ay taglamig pa rito sa itaas… at Ako ay walang pagkain. Mas mahirap-hirap nang kaunti kaysa sa ngayon, hindi ba? Alam Ko na kayo ay naghirap kahit na ngayon. Ang kaunting pagkain na ito na mayroon tayo at Aking ibinigay sa inyo ay wala, lalo na sa gutom na mga bata-pang tao. Iyon ay sapat lamang na kayo ay hindi himatayin. At ang tubig ay mas lalo pang kakaunti. Ang init ay matindi sa araw. At sasabihin ninyo na ito ay hindi ganito noong taglamig. Ngunit noon ay may isang tuyong hangin na umiihip mula sa tuktok ng bundok na iyon at tinutuyo nito ang Aking mga bagà, at tumataas iyon mula sa kapatagan punó ng alikabok ng disyerto at iyon ay nagpapatuyo nang higit pa kaysa sa init ng tag-init na mapapagaanan sa pamamagitan ng pagsipsip ng katas ng maasim na mga prutas na iyon na halos mga hinog na. Ang bundok sa panahon ng taglamig ay nagbibigay lamang ng hangin at ng mga yerbang tira ng yelo malapit sa walang-dahon na mga acacia. Hindi Ko binigay sa inyo ang lahat sapagkat itinabi Ko ang huling tinapay at keso at ang huling prasko ng tubig para sa ating pagbabalik… Alam Ko kung ano ang katulad ng Aking paglalakbay pabalik, hapong katulad Ko sa kapanglawan sa disyerto… Kunin natin ang ating mga dala-dala at lumakad na tayo. Ngayong gabi ay mas maliwanag pa kaysa ng gabi ng ating pagpunta. Wala ngayong buwan. Ngunit ang liwanag ay bumubuhos mula sa kalangitan. Tayo na. Alalahanin ang lugar na ito. Alalahanin kung papaano ang Kristo naghanda at kung papaano ang mga apostol naghahanda. Gawin ang mga apostol na maghanda katulad ng itinuturo Ko sa kanila.»

Sila ay tumayo. Si Simon ay ikinakalat ang mga baga sa pamamagitan ng isang patpat, at bago ito ikalat sa pamamagitan ng kanyang paa, pinaapoy niya itong muli sa pagtatapon ng ilang tuyong mga yerba, at mula sa apoy sinindihan niya ang isang sanga ng acacia at itinaas ito sa pamasukan ng yungib, habang si Judas at si Juan ay pinupulot ang mga manta, ang mga bag at ang maliliit na balat na prasko na ang isa na lamang dito ang puno pa. Pagkatapos kanyang pinatay ang apoy ng sanga, ikinukuskos ito sa bato, kinuha niya ang kanyang sukbit na bag, isinuot ang kanyang manta katulad ng iba, at itinali ito sa kanyang baywang upang hindi ito makasagabal sa kanyang paglalakad.

Nang walang nagsasalita, ang isa sa likuran ng isa, binababa nila ang napakatarik na landas, napatatakbo ang maliliit na hayop na nanginginain sa madalang na damo na hindi pa natuyo ng araw. Ito ay isang mahaba at di-komportableng paglalakbay. Sa wakas narating nila ang kapatagan. Hindi madaling maglakad kahit na rito, kung saan ang mga bato at mga pilas na bato ay sumasagi sa kanilang mga paa, kumukuskos sa ilalim ng mga paa at sinasaktan din ang mga ito, sapagkat ang makapal na alikabok ay naitatago ang mga bato at nagiging imposible na maiwasan ito. Sa mas malayo pa, ang lantad na matitinik na palumpong ay sinasabitan sila at humahawak sa laylayan ng kanilang mga kasuutan. Ngunit nakapaglalakad sila nang mas mabilis.

Sa itaas, ang mga bituin ay paganda pa nang paganda.

⁶Sila ay lakad nang lakad nang maraming oras. Ang kapatagan ay lalu’t lalo pang nagiging tigang at nakalulungkot. Maliliit na kaliskis ang kumikislap sa maliliit na bitak at sa mga butas ng lupa. Nagmumukha itong maruruming kaliskis ng pira-pirasong brilyante. Si Juan ay yumuko upang tingnan ito.

«Iyan ay ang asin ng ilalim ng lupa na natigmak niyan. Iyan ay umibabaw kasama ng bumukal na mga tubig at pagkatapos natuyo. Iyan kung bakit imposible rito ang buhay. Ikinakalat ng Silanganing Dagat ang kamatayan nito sa loob ng maraming milya paikot, sa pamamagitan ng malalalim na ugat sa lupa. Tanging kung saan may sariwang bukal ng mga tubig na maaaring kumontra sa mga epekto nito, posibleng makatagpo ng mga tanim at kagaanan» paliwanag ni Jesus.

Sila ay nagpatuloy ng paglalakad. Si Jesus ay tumigil sa hungkag na bato kung saan nakita Ko siyang tinukso ni Satanas. «Tayo ay tumigil dito. Maupo. Malapit na ang pagsikat ng araw. Tayo ay nakapaglakad nang anim na oras at kayo ay maaaring gutom, uháw at pagod na. Kunin ito. Kumain at uminom, nakaupo rito, malapit sa Akin, habang may sasabihin Ako sa inyo na inyong uulitin sa inyong mga kaibigan at sa mundo.» Si Jesus ay naibukas na ang Kanyang sukbit na bag at nakakuha na ng tinapay at keso, na Kanyang hinihiwa at iniaabot, at mula sa Kanyang prasko nagbubuhos Siya ng ilang tubig sa isang maliit na pitsel na Kanyang inaabot paikot din.

«Hindi ba Kayo kakain, Guro?»

«Hindi, Ako ay magsasalita sa inyo. Makinig. Minsan ang isang lalaki ay tinanong Ako kung Ako ay kailanman tinukso. Tinanong niya Ako kung Ako ay kailanman nakagawa ng kasalanan, at kung, kapag tinukso, Ako ay kailanman bumigay. At siya ay nasorpresa sapagkat, upang malabanan ang panunukso, Ako, ang Mesiyas, ay humingi sa Ama ng tulong, nagsasabing: “Ama, ilayo Ninyo Ako sa panunukso”.»

Si Jesus ay nagsasalita nang dahan-dahan, nang kalmante na tila Siya ay nagkukuwento ng isang pangyayari na ang tungkol dito wala sa kanila ang nakaaalam… Si Judas ay iniyuko ang kanyang ulo na tila siya ay napahiya. Ngunit ang iba ay maasikasung-maasikaso sa pagtingin kay Jesus, na hindi nila siya napuna.

Si Jesus ay nagpapatuloy: «Ngayon, Aking mga kaibigan, may matututunan kayo na isang bagay na ang taong iyon ay may bahagyang idea lamang. Pagkatapos ng Aking Binyag Ako ay pumunta rito: Ako ay malinis, ngunit ang isa ay hindi kailanman sapat na malinis hinggil sa Diyos, at ang kababaang-loob sa pagsasabing: “Ako ay isang tao at isang makasalanan” ay isa nang binyag na lumilinis sa puso. Ako ay tinawag “ang Kordero ng Diyos” ng banal na propeta na nakakita sa Katotohanan at nakita ang Espiritu na bumaba sa ibabaw ng Salita at pinahiran Siya ng karisma ng pagmamahal, habang ang tinig ng Ama ay pinupuno nito ang mga Kalangitan nagsasabing: “Ito ang Aking pinakamamahal na Anak kung Kanino Ako lubos na nasisiyahan”. Ikaw, Juan, ay naroroon nang si Juan Bautista ay inulit ang mga salitang iyon… Pagkatapos na mabinyagan, bagama’t Ako ay malinis kapwa sa Aking kalikasan at sa hitsura, ibig Kong “maghanda”. Oo, Judas. Tingnan mo Ako. Sana masabi ng Aking mga mata sa iyo kung ano ang hindi pa binibigkas ng Aking bunganga. Tingnan mo Ako, Judas. Tingnan mo ang iyong Guro, Na bagama’t ang Mesiyas, ay hindi Niya tiningnan ang Kanyang Sarili na mas mataas sa tao, sa kabaligtaran, nalalaman na Siya ay ang Tao, ibig Niyang maging ganyan sa lahat na bagay, maliban sa pagpailalim sa kasamaan. Eksaktong ganyan.»

Si Judas ay naitaas na ngayon ang kanyang ulo at tinitingnan si Jesus sa harapan niya. Ang liwanag ng mga bituin ay napaniningning ang mga mata ni Jesus na tila ito ay dalawang bituin na ipinirmi sa Kanyang mukha.

«Kung ang isa ay ibig na makapaghanda upang maging isang tagapagturo ang isa ay kailangan na naging isang mag-aaral. Ako, bilang Diyos, ay nalalaman ang lahat. Ang Aking katalinuhan ay nagagawa Ako na maintindihan din ang mga pakikibaka ng tao, kapwa sa pamamagitan ng kapangyarihang intelektuwal at sa isang intelektuwal na pamamaraan, ibig-sabihin walang kahit anong praktikal na karanasan. Ngunit diyan ang kung sinong kaawa-awang kaibigan Ko, ang kung sinong kaawa-awang anak Ko, ay maaaring nakapagsabi sa Akin: “Hindi Ninyo nalalaman kung ano ang maging isang tao at may mga pandama at masisimbuyong damdamin”.  At ito ay sana nagiging isang makatarungang paninita. Ako ay nagpunta rito, o kung baga sa bundok na iyon, upang makapaghanda… hindi lamang para sa Aking misyon… bagkus pati rin para sa panunukso. Kita ninyo? Ako ay tinukso kung saan kayo ngayon nakaupo. Sa pamamagitan nino? Sa pamamagitan ng isang mortal na nilikha? Hindi. Ang kanyang kapangyarihan ay sana naging napakalimitado. Ako ay tinukso ni Satanas mismo.       

Ako noon ay hapô. Hindi Ako kumain sa loob ng apatnapung araw... Ngunit habang Ako ay nakalublob sa panalangin, ang lahat ay nakalimutan sa loob ng lugod ng pakikipag-usap sa Diyos, kaysa nakalilimutan, iyan ay naging natitiis. Naramdaman Ko iyon na isang di-kaginhawahan ng isang materyal na kalikasan, nakatalaga sa materyal lamang... Pagkatapos Ako ay bumalik sa mundo... Nakabalik na Ako sa mga pamamaraan ng mundo. Ako ay nagugutom. Ako ay nauuhaw. Naramdaman Ko ang nangangagat na lamig ng gabi ng disyerto. Ang Aking katawan ay gastado na gawa ng kakulangan sa pahinga, kakulangan ng isang kama at dahil sa gayong mahabang paglalakbay na ginawa sa gayong kalagayan ng kapaguran na Ako ay hindi na makapagpapatuloy pa...

Dahil Ako ay gawa rin sa laman, Aking mahal na mga kaibigan. Tunay na laman. At ang Aking laman ay napaiilaliman ng kahinaan na karaniwan sa lahat na laman. At, kasama ng Aking laman, Ako ay may isang puso. Oo, kinuha Ko ang una at ang ikalawa ng tatlong bahagi na pumoporma sa tao. Kinuha Ko ang pisikal na parte kasama ang lahat na mga pangangailangan nito at ang mga moral kasama ang kanilang masimbuyong mga damdamin. At habang, sa pamamagitan ng Aking kalooban, napipigilan Ko ang lahat na masasamang simbuyo ng damdamin sa kapanganakan, pinababayaan Kong lumago ang banal na mga masimbuyong damdamin katulad ng malalaking matatandang púno ng sedro, ibig sabihin pagmamahal ng anak, pagmamahal para sa amangbayan, pagkakaibigan, trabaho, lahat na pinakamaganda at banal. At dito naramdaman Ko nostalhiya para sa Aking nasa-malayong Ina, dito naramdaman Ko ang pangangailangan para sa Kanyang pangangalaga para sa Aking pagkataong kahinaan, dito naramdaman Kong muli ang kirot ng paghiwalay mula sa Tanging Isa Lamang Na nagmahal sa Akin nang may perpektong pagmamahal, dito nakita Ko kung anong kapighatian ang nakahanda para sa Akin at Ako ay namighati sa Kanyang mga kapighatian, kaawa-awang Ina, Na kinakailangan na lumuha ng napakaraming luha para sa Kanyang Anak at dahil sa kasamaan ng mga tao, na maiiwan Siyang wala nang mailuha. At dito naranasan Ko ang kapaguran ng bayani at ng asetiko na sa loob ng isang oras ng salagimsim nakita nila ang kawalang-saysay ng kanilang mga pagsisikap... Ako ay umiyak... Kalungkutan... isang pangati ni Satanas. Hindi kasalanan ang maging malungkot sa masasakit na sirkunstansiya. Kasalanan ang pumunta nang labis pa sa kalungkutan at bumagsak sa hindi na pagkilos at sa pagka-walang-pag-asa. Ngunit si Satanas ay dumarating kaagad kapag nakakakita siya ng sinuman na nasa espirituwal na pananamlay.

Siya ay dumating. Nakadamit bilang isang mabait na manlalakbay. Laging kinukuha niya ang isang mabait na hitsura... Ako ay nagugutom... at tatlumpung taon gulang. Nag-alok siya ng tulong. Una sinabi niya sa Akin: “Sabihin sa mga batong iyon na maging tinapay”. Ngunit bago pa... oo... kahit bago pa, nagsalita siya sa Akin ng tungkol sa babae. O! Alam niya kung papaano magsalita tungkol sa kanya. Alam na alam niya. Pinarumi muna niya siya, upang siya ay maging kaalyado niya sa pagpaparumi. Ako ay hindi lamang ang Anak ng Diyos. Ako si Jesus, ang manggagawa ng Nazareth. Sinabi Ko sa lalaking iyon, na nakikipagusap sa Akin noon, ang isang nagtanong sa Akin kung naranasan Ko ang mga panunukso at halos akusahan Ako ng pagiging di-makatarungan na pinagpala, dahil Ako ay hindi nagkasala: “Ang kilos ay humuhupa kapag napagbigyan. Ang di pinagbigyang tukso ay hindi nawawala, bagkus nagiging mas malakas sapagkat isinusulsol ito ni Satanas”. Nalabanan Ko ang mga panunukso kapwa ng sa babae at ng kagutuman sa tinapay. At kailangan na malaman ninyo na minungkahi ni Satanas sa Akin ang babae bilang ang pinakamagandang katulong upang magtagumpay sa mundo, at tamang-tama siya, ayon sa pantaong pananaw.

Ang panunukso ay hindi tumigil dahil sa Aking sinabi: “Ang tao ay hindi nabubuhay ayon sa kanyang mga pandama lamang” at nagsalita siya sa Akin ng tungkol sa Aking misyon. Ibig niyang rahuyuin ang Mesiyas pagkatapos na nabigo siya sa bata-pang Lalaki. At inudyukan niya Akong durugin ang di-karapat-dapat na mga ministro ng Templo sa pamamagitan ng isang himala... Ang isang himala, ang apoy ng Langit, ay hindi kailangan na gamitin upang makagawa ng isang uway na girnalda na ikukorona sa ating mga sarili. At hindi natin kailangan na ilagay ang Diyos sa pagsubok, humihingi ng mga himala para sa pantaong mga pakay. Iyan ang gusto ni Satanas. Ang rason na binanggit niya ay isang pagpapasubali; ang katotohanan ay: ”Magmagaling ng pagiging ang Mesiyas” dahil ibig niyang dalhin Ako sa isa pang katakawan: ang katakawan sa pagmamalaki.

Hindi siya nasiraan ng loob sa Aking tugon: “Hindi mo dapat ilagay ang Panginoon sa pagsubok” at pinaikutan niya Ako sa pamamagitan ng ikatlong kapangyarihan ng kanyang kalikasan: ginto. O! Ginto. Ang tinapay ay isang malaking bagay, at ang babae ay isang mas malaki pa para sa mga naghahanap ng pagkain o kasiyahan. Ang papurihan ng mga pulutong ay isang napakalaking bagay para sa tao! Ngunit ang ginto... ang ginto! Ito ay isang susi na nagbubukas, isang siklo na nagdudugtong, ito ay ang simula at ang katapusan ng nubenta y’ nuwebe ng pagkilos ng tao. Para sa tinapay at babae ang tao ay nagiging isang magnanakaw. Para sa kapangyarihan siya ay nagiging isang mamamatay tao rin. Ngunit para sa ginto siya ay nagiging isang idolatra. Ang hari ng ginto, si Satanas, ay inalok niya sa Akin ang kanyang ginto kung sasambahin Ko siya. Nilagos Ko siya sa pamamagitan ng eternal na mga salitang: “Sasambahin mo ang iyong Panginoon Diyos, at paglilingkuran Siya lamang”.

Iyan ay nangyari rito.»

⁷Si Jesus ay ngayon nakatayo na. Siya ay tila mas matangkad kaysa dati sa patag na kapaligiran Niya, sa loob ng medyo nanginginang na liwanag ng mga bituin. Ang mga disipulo rin ay tumayo. Si Jesus ay nagpapatuloy sa pagsasalita, nakatitig nang masinsinan kay Judas.

«Pagkatapos ang mga anghel ng Panginoon ay dumating… Ang Tao ay napanalunan ang tripleng digmaan. Ang Tao ay nalaman kung ano ang ibig-sabihin ng maging isang tao at nanalo. Siya ay napagod. Ang pakikibaka ay naging mas nakakapagod kaysa sa mahabang pag-aayuno… Ngunit ang espiritu ay naging matagumpay… Sa Aking palagay ang Kalangitan ay nagulat sa Aking pagiging isang perpektong nilikha na pinagkalooban ng kaalaman. Sa Aking palagay mula sa sandaling iyon nakuha Ko ang kapangyarihan ng paggawa ng mga himala. Ako noon ay Diyos. Ako ay naging ang Tao. Ngayon, sa pagkakatalo sa hayop na kalikasan na nakakabit sa kalikasan ng tao, Ako ay naging ang Tao-Diyos. At Ako nga. At bilang isang Diyos Ako ay makapangyarihan. At bilang Tao Ako ay marunong ng lahat ng bagay. Gawin ang katulad ng ginawa Ko, kung ibig ninyo na magawa ang nagagawa Ko. At gawin ito sa pag-aalaala sa Akin.

Ang lalaking iyon ay nagtaka sa Aking paghingi sa Ama ng tulong, at sa Aking pananalangin na huwag mádalá sa panunukso. Ibig-sabihin, huwag iwanan sa awa ng panunukso na mahigit pa sa Aking lakas. Sa palagay Ko ang lalaking iyon ay hindi na magtataka, ngayon na nalalaman na niya. Hinihingi Ko sa inyo na iyan din ang gawin sa pag-aalaala sa Akin at upang manalo katulad ng nagawa Ko. At huwag kailanman pagdudahan ang Aking kalikasan ng totoong Tao at totoong Diyos, nakikita kung gaano kalakas Ako sa lahat na mga panunukso ng búhay, at kung papaano Ko napanalunan ang mga pakikidigma sa limang pándamá, sa kahalayan at sa mga sentimyento. Alalahanin ang lahat na iyan.

⁸Nangangako Ako na dadalhin Ko kayo kung saan posible para sa inyo na makilala ang Guro… mula pa sa pagsikat ng Kanyang araw, isang pagsikat na kasing puro ng isa na ngayon ay tumataas na, hanggang sa katanghalian ng Kanyang buhay. Ang katanghaliang Aking iniwan upang umalis at tagpuin ang Aking pagkataong gabi… Sinabi Ko sa isa sa inyo: “Ako ay naghanda rin”; ngayon makikita ninyo na ito ay totoo. Pinasasalamatan Ko kayo para sa inyong pakikisama sa pagbalik sa lugar ng Aking kapanganakan at sa lugar ng Aking pagtitika. Ang Aking unang mga pakikihalubilo sa mundo ay nakaapekto at nakapagpalungkot sa Akin. Ito ay napakapangit. Ang Aking kaluluwa ay napakain na ngayon ng utak ng buto ng leon: ang pakikiisa sa Ama sa pananalangin at pag-iisa. At makababalik na Ako sa mundo at pasanin Kong muli ang Aking krus, ang unang krus ng Tagapagtubos: ang krus ng pakikihalubilo sa mundo. Sa mundo, kung saan may napakakaunting mga kaluluwa na ang tawag ay Maria, ang tawag ay Juan…

Ngayon makinig, at ikaw lalo na, Juan. Tayo ay magtutungong pabalik sa Aking Ina at sa ating mga kaibigan. Nakikiusap Ako sa iyo na huwag magbanggit sa Aking Ina ng tungkol sa karahasan na naging salungat sa pagmamahal ng Kanyang Anak. Siya ay maghihirap nang labis. Maghihirap Siya nang labis dahil sa kalupitan ng tao… ngunit huwag natin ibigay sa Kanya ang kalis ngayon. Ito ay magiging napakapait kung ibibigay sa kanya! Napakapait na ito ay gagapang katulad ng lason patungo sa Kanyang banal na mga lamang-loob at mga ugat at pagngangalitan ang mga ito at paninigasin sa lamig ang Kanyang puso. O! Huwag sabihin sa Aking Ina na ang Bethlehem at Hebron ay tinanggihan Ako katulad ng isang aso! Maawa sa Kanya! Ikaw, Simon, ay matanda na at mabuti, at mapag-unawang katulad mo, hindi ka magsasalita, alam Ko. Ikaw, Judas, ay isang Judaean, at hindi magsasalita dala ng makabayan na pagmamalaki. Ngunit ikaw, Juan, ay isang Galilean, at bata pa, huwag magkasala ng pagmamalaki, pamimintas at kalupitan. Maging tahimik. Pagkaraan… pagkaraan sasabihin mo sa iba pa ang sinasabi Ko sa iyo ngayon na ipanahimik. May labis nang kailangang masabi tungkol sa Kristo. Bakit idagdag dito ang gawa ni Satanas na kontra sa Kristo? Aking mga kaibigan, maipapangako ba ninyo iyan sa Akin?»

«O! Guro! Ipinapangako namin. Makatiyak tungkol dito.»

«Salamat sa inyo. Tayo na sa maliit na oasis na iyon. May isang bukal doon, isang balon puno ng malamig na tubig at mayroon doon ng lilim at halamanan. Ang daan patungo sa ilog ay dumaraan malapit diyan. Makatatagpo tayo ng pagkain at pampalamig hanggang gabi. Pagliwanag ng mga bituin, mararating natin ang ilog, ang tawiran. At tayo ay maghihintay para kay Jose o samahan siya kung siya ay nakabalik na. Tayo na.»

At sila ay lumakad habang ang unang malarosas na kulay sa kalangitan, sa silangan, ay ibinabalita ang tumataas na bagong araw.

(424)220810/042013

Sunod na kabanata.